2. Ano ang pagkakatawang-tao? Ano ang diwa ng pagkakatawang-tao?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios” (Juan 1:1).
“At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14).
“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:9–11).
“Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao.
mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naging totoo ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang “maging totoo” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao.
mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayon ay nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung noong Siya ay isilang ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay nakaya Niyang hulihin ang lahat ng makamundong bagay, mahiwatigan ang mga iniisip at layunin ng bawat tao—hindi maaaring natawag ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring natawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung nangyari ito kay Cristo, mawawalan ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katotohanan na sumasailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapamalas na Siya ay isang normal na tao; bukod pa riyan, ang Kanyang gawain ay sapat nang patunay na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay naging tao dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, kailangan itong isagawa sa normal na pagkatao. Ito ang unang kailangan para sa “ang Salita ay naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos.
mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na mga moralidad at batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng normal na tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga damdamin ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay nabubuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikisali sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na katawan ng tao, na hindi nagpapakita ng panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit namumuhay Siya nang dalisay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang suportahan ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kapag ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng banal na gawain, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao, saka lamang Siya nagkaroon ng kakayahang balikatin ang Kanyang ministeryo, nakayanan Niyang magsimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang isagawa. Dahil kailangan Niya, bilang katawang-tao, na lumaki at gumulang, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay yaong sa normal na pagkatao—samantalang sa pangalawang yugto, dahil kaya ng Kanyang pagkatao na isagawa ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay parehong sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng higit-sa-karaniwang mga tanda at himala, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na diwa. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na diwa; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos lubos Siyang banal, at hindi talaga tao,” ay kalapastanganan, sapagkat wala talagang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; kaya lamang, sa panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan sa gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa totoo lang, ang Kanyang gawain ay ginagawa ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi ng isang tao na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may katawan ng tao at diwa ng tao ngunit mayroon ding diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang mas mahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Dahil naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kumbinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.
mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa yugto ng panahon na gumagawa ang Panginoong Jesus, nakikita ng mga tao na maraming pantaong mga pagpapahayag ang Diyos. Halimbawa, nakasasayaw Siya, nakadadalo Siya sa mga kasalan, nagagawa Niyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at magtalakay ng mga bagay kasama nila. Bukod pa riyan, natapos din ng Panginoong Jesus ang maraming gawain na kumakatawan sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa na ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay naisakatuparan sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahawakan ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap sa kanilang kaunawaan o na hindi sila makalalapit sa Kanya. Sa kabaligtaran, masusubukan nilang maintindihan ang kalooban ng Diyos o maunawaan ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawa’t pagkilos, sa pamamagitan ng mga salita, at sa pamamagitan ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa kalooban at disposisyon ng Diyos, ibinunyag rin Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung anong mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung anong mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at realidad ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.
mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bagaman ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay parehong-pareho ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng sariling mga pamamaraan o mga paraan ng pagsasalita ng sangkatauhan, gayunpaman, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi katulad ng kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na di-matatamo para sa isang tiwaling tao. Sapagka’t ang Diyos ay katotohanan, sapagka’t ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag abot-tanaw ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Sa pinakamarami, ang isang mas mahabaging tao ay bahagyang mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subali’t ang mga kaisipan ba ng maging gayong kamahabaging tao ay umaabot nang higit pa kaysa roon? Hindi, hindi kailanman! Sapagka’t ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayunpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano man kanormal, gaano man kababa ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya hinahamak ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa baba ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga patakaran at mga teoryang pantao bilang panukat. Nasa loob ito ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ng saklaw na makakamtan ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng mga tao at ng Diyos—ang magkaibang mga diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin ang pananaw at ang taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.
mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil hindi sa laman at dugo si Cristo; Siya ay ang pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos man Niya ito, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang Espiritu ang diwa ni Cristo, ibig sabihin ay ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sisira sa sarili Niyang gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban. Samakatuwid, ganap na hindi gagawa kailanman ang Diyos na nagkatawang-tao ng kahit anumang gawaing gumagambala sa sarili Niyang pamamahala. Ito ang dapat maunawaan ng lahat ng mga tao. Ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay upang iligtas ang tao, at para sa kapakanan ng sariling pamamahala ng Diyos. Katulad nito, ang gawain ni Cristo ay upang iligtas din ang tao, at alang-alang ito sa kalooban ng Diyos. Yamang nagkatawang-tao ang Diyos, napagtatanto Niya ang diwa Niya sa loob ng Kanyang katawang-tao, na sapat ang katawang-tao Niya upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinalitan ng gawain ni Cristo habang nasa panahon ng pagkakatawang-tao, at ang nasa kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Hindi ito maaaring maihalo sa gawain mula sa anumang ibang kapanahunan. At yamang nagiging katawang-tao ang Diyos, gumagawa Siya sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang dumarating Siya sa katawang-tao, tinatapos Niya sa gayon sa katawang-tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Espiritu ng Diyos man ito o si Cristo man ito, kapwa Sila ang Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.
Humahawak ng awtoridad ang mismong pinakadiwa ng Diyos, ngunit nagagawa Niyang lubusang magpasakop sa awtoridad na nagmumula sa Kanya. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng laman, hindi sumasalungat ang isa sa isa. Ang Espiritu ng Diyos ay ang awtoridad sa buong sangnilikha. Nagtataglay din ng awtoridad ang katawang-taong may diwa ng Diyos, ngunit maaaring gawin ng Diyos sa katawang-tao ang lahat ng gawaing sumusunod sa kalooban ng Ama sa langit. Hindi ito matatamo o maiisip ng sinumang tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, ngunit maaaring magpasakop ang katawang-tao Niya sa Kanyang awtoridad. Ito ang ipinahihiwatig kapag sinasabing “Sumusunod si Cristo sa kalooban ng Diyos Ama.” Isang Espiritu ang Diyos at makakayang gawin ang gawain ng pagliligtas, tulad ng maaaring maging tao ang Diyos. Sa ano’t anuman, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng sarili Niyang gawain; ni hindi Siya nang-aabala o nanghihimasok, lalong hindi Siya nagsasakatuparan ng gawaing sumasalungat sa mismong gawain, dahil magkatulad ang diwa ng gawaing ginagawa ng Espiritu at ng katawang-tao. Espiritu man ito o ang katawang-tao, gumagawa ang dalawa upang tuparin ang isang kalooban at upang pamahalaan ang kapwa gawain. Bagama’t may dalawang magkaibang katangian ang Espiritu at ang katawang-tao, magkatulad ang kanilang mga diwa; kapwa sila may diwa ng Diyos Mismo, at ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Hindi nagtataglay ang Diyos Mismo ng mga sangkap ng pagsuway; mabuti ang Kanyang diwa. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pagmamahal. Kahit sa katawang-tao, hindi gumagawa ang Diyos ng anumang sumusuway sa Diyos Ama. Maging kabayaran man ang paghahain ng Kanyang buhay, buong puso Siyang handa na gawin ito, at wala na Siyang ibang pipiliin. Hindi nagtataglay ang Diyos ng mga sangkap ng pagmamagaling o pagpapahalaga sa sarili, o yaong sa kapalaluan at pagmamataas; hindi Siya nagtataglay ng mga sangkap ng kabuktutan. Nagmumula kay Satanas ang lahat-lahat ng sumusuway sa Diyos; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kabuktutan. Ang dahilan ng pagkakaroon ng tao ng mga katangiang kahalintulad ng kay Satanas ay dahil nagawa nang tiwali at nilinang na ni Satanas ang tao. Hindi nagawang tiwali ni Satanas si Cristo, kaya’t ang mga katangian ng Diyos ang tangi Niyang inaangkin, at wala sa mga katangian ni Satanas. Gaano man kahirap ang gawain o gaano man kahina ang katawang-tao, ang Diyos, habang nabubuhay Siya sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na tatalikdan sa pagsuway ang kalooban ng Diyos Ama. Higit pa Niyang pipiliin na magdusa ng mga pasakit ng laman kaysa ipagkanulo ang kalooban ng Diyos Ama; tulad ito ng sinabi ni Jesus sa panalangin, “Ama, kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa kalooban Ko, kundi ang ayon sa kalooban Mo.” Gumagawa ng sarili nilang mga pagpipilian ang mga tao, ngunit hindi si Cristo. Bagama’t mayroon Siyang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahangad pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng katawang-tao. Isang bagay ito na hindi maaaring matamo ng tao. Ang nanggagaling kay Satanas ay hindi maaaring magkaroon ng diwa ng Diyos; maaari lamang itong magkaroon ng isang sumusuway at lumalaban sa Diyos. Hindi ito ganap na makasusunod sa Diyos, lalo na ang kusang loob na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Lahat ng mga tao maliban kay Cristo ay maaaring gawin iyang lumalaban sa Diyos, at wala ni isang tao ang tuwirang makagagawa sa gawaing ipinagkatiwala ng Diyos; wala ni isa ang makakayang ituring ang pamamahala ng Diyos bilang sarili niyang tungkuling gagampanan. Pagpapasakop sa kalooban ng Diyos Ama ang diwa ni Cristo; katangian ni Satanas ang pagsuway sa Diyos. Hindi magkaayon ang dalawang katangiang ito, at hindi matatawag na Cristo ang sinumang may mga katangian ni Satanas. Ang dahilan na hindi magagawa ng tao ang gawain ng Diyos bilang kahalili Niya ay dahil walang anumang diwa ng Diyos ang tao. Gumagawa ang tao para sa Diyos alang-alang sa mga pansariling kapakinabangan at sa mga panghinaharap na pag-asam ng tao, ngunit gumagawa si Cristo upang gawin ang kalooban ng Diyos Ama.
mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakamataas; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakamataas, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay yaong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moralidad at katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magtataksil sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayan na iisa ang espasyong tinitirhan ng tao at ni Cristo, ang tao lamang ang pinaghaharian, kinakasangkapan, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas magpakailanman, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan si Satanas kailanman na umakyat sa kataas-taasang lugar, at hindi magagawang lumapit sa Diyos kailanman.
mula sa “Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Makakayang iligtas ng Diyos ang tiwaling tao mula sa impluwensya ni Satanas, ngunit hindi makakayang tuwirang gawin ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito; sa halip, makakaya lamang itong gawin ng katawang-tao na suot ng Espiritu ng Diyos, ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Tao at Diyos din ang katawang-tao na ito, isang tao na nagtataglay ng normal na pagkatao at Diyos din na nagtataglay ng buong pagka-Diyos. At sa gayon, bagama’t ang katawang-taong ito ay hindi ang Espiritu ng Diyos, at lubos na naiiba sa Espiritu, ito pa rin ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao na nagliligtas sa tao, ang Espiritu at ang katawang-tao rin. Anuman ang tawag sa Kanya, sa huli ay ito pa rin ang Diyos Mismo na nagliligtas sa sangkatauhan. Sapagkat ang Espiritu ng Diyos ay hindi mapaghihiwalay mula sa katawang-tao, at ang gawain ng katawang-tao ay ang gawain din ng Espiritu ng Diyos; nangyari lamang na ang gawaing ito ay hindi ginagawa gamit ang pagkakakilanlan ng Espiritu, bagkus ay ginagawa gamit ang pagkakakilanlan ng katawang-tao.
mula sa “Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao