3. Ano ang mga kaibhan sa pagitan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao at ng gawain ng Espiritu?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“At sinabi ni Moises, Ipakita mo sa akin, idinadalangin ko sa iyo, ang iyong kaluwalhatian. At kaniyang sinabi, Aking papangyayarihin ang aking buong kabutihan sa harap mo, at aking itatanyag ang pangalan ni Jehova sa harap mo; at ako’y magkakaloob ng biyaya sa kanino mang aking ibig pagkalooban, at ako’y magmamaawain sa kanino mang aking ibig kaawaan. At kaniyang sinabi, Hindi mo makikita ang aking mukha: sapagka’t hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay” (Exodo 33:18–20).
“At si Jehova ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ni Jehova si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay sumampa. At sinabi ni Jehova kay Moises, Bumaba ka, pagbilinan mo ang bayan, baka sila’y lumagpas upang makita si Jehova, at mamatay ang karamihan sa kanila. At gayon din ang mga saserdote, na lumalapit kay Jehova ay papagbanalin mo, baka si Jehova ay hindi makapagpigil sa kanila” (Exodo 19:20–22).
“At nakita ng lahat ng tao ang kulog, at ang kidlat, at ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok: at nang makita ng mga tao, ay umatras sila, at tumayo sa malayo. At sinabi nila kay Moises, Magsalita ka sa amin, at aming didinggin: datapuwa’t huwag magsalita ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay” (Exodo 20:18–19).
“Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin. Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya” (Juan 12:28–29).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi direktang ginagawa gamit ang pamamaraan ng Espiritu at pagkakakilanlan ng Espiritu, sapagkat ang Kanyang Espiritu ay hindi maaaring mahawakan o makita ng tao, at hindi Siya maaaring malapitan ng tao. Kung sinubukan Niyang direktang iligtas ang tao gamit ang perspektiba ng Espiritu, hindi makakamit ng tao ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi isinuot ng Diyos ang panlabas na anyo ng isang nilikhang tao, hindi magkakaroon ang tao ng paraan para makamit ang kaligtasang ito. Sapagkat wala talagang paraan ang tao upang makalapit sa Kanya, katulad ng walang nakalapit sa ulap ni Jehova. Maaari lamang Niyang personal na maisagawa ang Salita sa lahat ng sumusunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagiging isang nilikhang tao, ibig sabihin, sa pamamagitan lamang ng paglalagay ng Kanyang Salita sa Kanyang magiging katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang maaaring personal na marinig at makita ng tao ang Kanyang Salita, at makamit pa nga ang Kanyang Salita, at sa pamamagitan nito ay ganap na mailigtas. Kung ang Diyos ay hindi naging tao, walang sinuman na may laman at dugo ang makakatanggap ng ganoon kadakilang kaligtasan, at wala ring kahit isang tao ang maliligtas. Kung ang Espiritu ng Diyos ay gumawa nang direkta sa gitna ng sangkatauhan, ang buong sangkatauhan ay hahampasin, o, ganap silang mabibihag ni Satanas dahil walang paraan ang tao na makalapit sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Bagama’t sangkot sa gawain ng Diyos sa katawang-tao ang mga paghihirap na di-mailarawan sa isip, ang mga bunga na nakakamit nito sa huli ay labis na lampas sa mga gawaing tuwirang ginagawa ng Espiritu. Ang gawain ng katawang-tao ay nagdudulot ng maraming paghihirap, at ang katawang-tao ay hindi makapagtataglay ng katulad na dakilang pagkakakilanlan tulad ng Espiritu, hindi Siya maaaring magsagawa ng mga katulad na kahima-himalang mga gawa tulad ng Espiritu, at higit na hindi Siya maaaring magtaglay ng katulad na awtoridad tulad ng Espiritu. Ngunit ang diwa ng gawaing ginagawa ng hamak na katawang-tao na ito ay lubhang nakahihigit sa gawain na tuwirang ginagawa ng Espiritu, at ang katawang-taong ito Mismo ang kasagutan sa mga pangangailangan ng buong sangkatauhan. Para sa mga ililigtas, ang halagang gamit ng Espiritu ay lubhang mas mababa kaysa sa halagang gamit ng katawang-tao: Nagagawa ng gawain ng Espiritu na sumaklaw sa buong sansinukob, sa lahat ng mga bundok, ilog, lawa, at karagatan, ngunit ang gawain ng katawang-tao ay higit na mabisang nauugnay sa bawat tao na nakakaugnayan Niya. Higit pa rito, ang katawang-tao ng Diyos na may nahahawakang anyo ay maaaring higit na maunawaan at mapagkatiwalaan ng tao, at lalo pang makapagpapalalim sa kaalaman ng tao sa Diyos, at makapag-iiwan sa tao ng mas malalim na impresyon ng mga praktikal na gawa ng Diyos. Nababalot sa hiwaga ang gawain ng Espiritu; mahirap para sa mga mortal na nilikha na hulaan ito, at higit na mahirap para sa kanila na makita, at kaya maaari lamang silang umasa sa mga walang-batayang imahinasyon. Gayunman, ang gawain ng katawang-tao ay normal at praktikal, at nagtataglay ng saganang karunungan, at ito ay isang katunayan na maaaring personal na makita ng mga mata ng mortal na tao; maaaring personal na mapahalagahan ng tao ang karunungan ng gawain ng Diyos, at hindi kailangan na gamitin ang kanyang masaganang imahinasyon. Ito ang katumpakan at praktikal na halaga ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Maaari lamang gumawa ang Espiritu ng mga bagay na hindi nakikita ng tao at mahirap para sa kanyang ilarawan sa isip, halimbawa, ang kaliwanagan ng Espiritu, ang pag-antig ng Espiritu, at ang gabay ng Espiritu, ngunit para sa tao na may isip, ang mga ito ay hindi nagbibigay ng anumang malinaw na kahulugan. Nagbibigay lamang ang mga ito ng isang pag-aantig, o ng isang halos katulad na kahulugan, at hindi maaaring magbigay ng isang tagubilin sa pamamagitan ng mga salita. Gayunman, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay labis na naiiba: Nasasangkot dito ang tumpak na gabay ng mga salita, at may malilinaw na layunin, at malilinaw na hinihinging layon dito. At kaya’t ang tao ay hindi kailangang mag-apuhap sa paligid, o gamitin ang kanyang imahinasyon, lalo na ang manghula. Ito ang kalinawan ng gawain sa katawang-tao, at ang malaking pagkakaiba nito sa gawain ng Espiritu. Angkop lamang ang gawain ng Espiritu para sa isang limitadong saklaw, at hindi maaaring pumalit sa gawain ng katawang-tao. Ang mga tumpak na layon na hinihingi sa tao sa pamamagitan ng gawain ng katawang-tao, at ang praktikal na halaga ng kaalaman na natatamo ng tao sa pamamagitan ng gawaing ito, ay higit na nalalampasan ang katumpakan at praktikal na halaga ng gawain ng Espiritu. Para sa mga tiwaling tao, tanging ang gawain na nagbibigay ng tumpak na mga salita at malilinaw na layon na dapat hangarin, at nakikita at nahahawakan, ay ang pinakamahalagang uri ng gawain. Tanging ang makatotohanang gawain at napapanahong patnubay ang angkop sa panlasa ng tao, at tanging praktikal na gawain ang makapagliligtas sa tao mula sa kanyang tiwali at napakasamang disposisyon. Maaari lamang itong makamit ng Diyos na nagkatawang-tao; tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang makapagliligtas sa tao mula sa kanyang dating tiwali at napakasamang disposisyon. Bagama’t ang Espiritu ang likas na diwa ng Diyos, ang gawaing tulad nito ay maaari lamang gawin ng Kanyang katawang-tao. Kung ang Espiritu ay gumawa nang nag-iisa, hindi posible sa gayon na maging mabisa ang Kanyang gawain—ito ay isang payak na katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
Para sa lahat na naghahangad ng katotohanan at nananabik sa pagpapakita ng Diyos, ang gawain ng Espiritu ay makakapagbigay lamang ng pagkaantig o inspirasyon, at isang pagkaramdam ng pagkamangha na ang gawaing ito ay hindi maipaliliwanag at hindi lubusang maisip, at isang pagkaramdam na ito ay dakila, nakahihigit, at kahanga-hanga, ngunit hindi rin maaaring makamit at matamo ng lahat. Ang tao at ang Espiritu ng Diyos ay maaari lamang tumingin sa isa’t isa mula sa malayo, na tila ba may napakalawak na agwat sa kanilang pagitan, at sila kailanman ay hindi maaaring maging magkatulad, na tila ba ang tao at ang Diyos ay pinaghiwalay ng isang di-nakikitang pagitan. Sa katunayan, ito ay isang ilusyon na ibinibigay ng Espiritu sa tao, dahil ang Espiritu at ang tao ay hindi magkatulad ng uri at hindi kailanman magkasamang iiral sa parehong mundo, at dahil ang Espiritu ay hindi nagtataglay ng anuman sa tao. Kaya ang tao ay hindi nagtataglay ng pangangailangan sa Espiritu, sapagkat ang Espiritu ay hindi kayang tuwirang gawin ang pinakakinakailangan ng tao. Ang gawain ng katawang-tao ay nagbibigay sa tao ng praktikal na mga layunin upang hangaring matamo, malinaw na mga salita, at isang pakiramdam na Siya ay praktikal at normal, na Siya ay mapagpakumbaba at karaniwan. Bagama’t maaaring matakot ang tao sa Kanya, para sa karamihan ng mga tao Siya ay madaling makaugnay: Maaaring masdan ng tao ang Kanyang mukha, at marinig ang Kanyang tinig, at hindi niya kailangang tingnan mula sa malayo ang Diyos. Nararamdaman ng tao na madaling lapitan ang katawang-taong ito, hindi malayo; o di-maarok, bagkus ay nakikita at nahahawakan, dahil ang katawang-tao na ito ay nasa kaparehong mundo ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
Nang hindi pa naging tao ang Diyos, hindi naunawaan ng mga tao ang marami sa Kanyang sinabi, sapagkat nanggaling ang Kanyang mga salita sa ganap na pagka-Diyos. Ang pananaw at ang konteksto ng Kanyang sinabi ay hindi nakikita at hindi naaabot ng sangkatauhan; ipinahayag ito mula sa espirituwal na mundo na hindi nakikita ng mga tao. Para sa mga taong nabubuhay sa laman, hindi nila kayang bagtasin ang espirituwal na mundo. Subalit pagkatapos maging tao ng Diyos, nagsalita Siya sa sangkatauhan mula sa pananaw ng pagkatao, at Siya ay lumabas at hinigitan ang saklaw ng espirituwal na mundo. Kaya Niyang ipahayag ang Kanyang maka-Diyos na disposisyon, mga layunin, at saloobin sa pamamagitan ng mga bagay na maiisip ng mga tao, mga bagay na kanilang nakita at nakaharap sa kanilang mga buhay, at gamit ang mga pamamaraan na matatanggap ng mga tao, sa wika na kanilang mauunawaan, at nang may kaalaman na kanilang maaarok, upang tulutan ang sangkatauhan na maunawaan at makilala ang Diyos, upang maarok ang Kanyang mga pagnanais at ang Kanyang hinihinging mga pamantayan sa loob ng saklaw ng kanilang kakayahan at sa antas na kanilang makakaya. Ito ang pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Diyos sa pagkatao. Bagaman ang mga pamamaraan ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ng paggawa sa katawang-tao ay karamihang nakamit gamit ang o sa pamamagitan ng pagkatao, totoong nakapagtamo ito ng mga resulta na hindi matatamo sa pamamagitan ng tuwirang paggawa sa pagka-Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Ngayon ay nakikita ng tao na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay sadyang higit sa karaniwan, at napakarami rito ay hindi magagawang makamit ng tao, at mga hiwaga at mga kababalaghan. Samakatwid, marami ang nagpasakop na. Ang ilan ay hindi kailanman nagpasakop sa sinumang tao magmula nang ipanganak sila, gayunma’y kapag nakikita nila ang mga salita ng Diyos sa araw na ito, lubos silang nagpapasakop nang hindi napapansing nagagawa na nila ang gayon, at hindi sila nangangahas na magsiyasat nang mabuti o magsalita ng ano pa mang bagay. Ang sangkatauhan ay nahulog na sa ilalim ng salita at nakadapa na sa ilalim ng paghatol ng salita. Kung ang Espiritu ng Diyos ay direktang nagsalita sa tao, ang buong sangkatauhan ay magpapasakop sa tinig, babagsak na walang mga salita ng paglalantad, tulad ng kung paanong si Pablo ay bumagsak sa lupa sa gitna ng liwanag habang siya ay papunta sa Damasco. Kung ang Diyos ay nagpatuloy na gumawa sa ganitong paraan, hindi kailanman magagawa ng tao na makilala ang kanyang sariling katiwalian sa pamamagitan ng paghatol ng salita at nang sa gayon ay makamit ang kaligtasan. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao maihahatid ng Diyos nang personal ang Kanyang mga salita sa mga tainga ng lahat ng tao upang ang lahat ng may mga tainga ay marinig ang Kanyang mga salita at makatanggap ng Kanyang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng salita. Tanging sa paraang ito natatamo ang resulta gamit ang Kanyang salita, sa halip na sa pagpapamalas ng Espiritu upang takutin ang tao para magpasakop. Sa pamamagitan lamang ng praktikal at higit sa karaniwang gawaing ito maaaring lubusang malantad ang lumang disposisyon ng tao, na malalim na naitago sa loob ng maraming taon, upang makilala ito ng tao at mabago ito. Lahat ng ito ang praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, kung saan nakakamit Niya ang mga resulta ng paghatol sa tao ng salita sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsasagawa ng paghatol sa isang praktikal na paraan. Ito ang awtoridad ng Diyos na nagkatawang-tao at ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Sapagkat ang tao ang siyang hinahatulan, ang tao ng laman at naging tiwali, at hindi ang espiritu ni Satanas ang tuwirang hinahatulan, ang gawain ng paghatol, kung gayon, ay hindi tinutupad sa espirituwal na mundo, kundi sa gitna ng tao. Walang sinuman ang mas angkop, at mas kalipikado, kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng laman ng tao. Kung ang paghatol ay tuwirang isinagawa ng Espiritu ng Diyos, kung gayon, hindi ito sasaklaw sa lahat, at, dagdag pa rito, ang tao ay mahihirapang tanggapin ito, sapagkat hindi magagawa ng Espiritu na lumapit nang harap-harapan sa tao. Dahil mismo sa puntong ito, hindi magiging agaran ang mga epekto, lalong hindi makikita ng tao nang malinaw ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos. Lubusang magagapi lamang si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang Diyos sa katawang-tao ay isa ring tao na may normal na pagkatao, at kaya Niyang tuwirang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Tanging ang Diyos ang kalipikado, at nasa katayuan na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan, at pagiging matuwid, at kaya nagagawa Niyang hatulan ang tao. Yaong mga walang katotohanan at pagiging matuwid ay hindi nababagay na hatulan ang iba. Kung ginawa ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito, kung gayon ay hindi ito mangangahulugan ng tagumpay laban kay Satanas. Likas na higit na dakila ang Espiritu kaysa sa mga mortal na nilalang, at likas na banal ang Espiritu ng Diyos, at matagumpay laban sa laman. Kung tuwirang ginawa ng Espiritu ang gawaing ito, hindi Niya magagawang hatulan ang lahat ng pagiging mapaghimagsik ng tao at hindi makakayang ibunyag ang lahat ng hindi pagiging matuwid ng tao. Sapagkat ang gawain ng paghatol ay ginagawa rin sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ng tao sa Diyos, at ang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang mga kuru-kuro sa Espiritu, at sa gayon ay hindi kaya ng Espiritu ang higit na mainam na pagbubunyag sa hindi pagiging matuwid ng tao, lalong hindi kaya ang lubusang paglalantad ng gayong hindi pagiging matuwid. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang kaaway ng lahat ng hindi nakakakilala sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghatol sa mga kuru-kuro at paglaban g tao sa Kanya, inilalantad Niya ang lahat ng pagiging mapaghimagsik ng sangkatauhan. Higit na malinaw ang mga epekto ng Kanyang gawain sa katawang-tao kaysa sa gawain ng Espiritu. At kaya, hindi tuwirang isinasagawa ng Espiritu ang paghatol sa lahat ng sangkatauhan, bagkus ay ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Makakayang makita at mahawakan ng tao ang Diyos sa katawang-tao, at ang Diyos sa katawang-tao ay makakayang ganap na lupigin ang tao. Ang tao ay umuusad mula sa paglaban sa Diyos patungo sa pagpapasakop sa Kanya, mula sa pag-uusig sa Kanya patungo sa pagtanggap sa Kanya, mula sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya patungo sa pagkakilala sa Kanya, at mula sa pagtanggi sa Kanya patungo sa pagmamahal sa Kanya—ang mga ito ang mga epekto ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Naliligtas lamang ang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol, unti-unti lamang na nakikilala Siya ng tao sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang bibig, nalulupig Niya ang tao sa panahon ng paglaban nito sa Kanya, at tumatanggap siya ng panustos ng buhay mula sa Kanya sa panahon ng pagtanggap ng Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng gawaing ito ay ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ang gawain ng Diyos sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
Ang pinakadakilang kalakasan ng Kanyang gawain sa katawang-tao ay maaari Siyang mag-iwan ng tumpak na mga salita at mga panghihikayat, at ang Kanyang tumpak na mga layunin para sa sangkatauhan sa mga taong sumusunod sa Kanya, sa gayon pagkatapos, ang Kanyang mga tagasunod ay maaaring higit na tumpak at sa mas praktikal na mga termino ay maipasa ang lahat ng Kanyang mga gawain sa katawang-tao, at ang Kanyang mga layunin para sa buong sangkatauhan, sa mga tumatanggap sa ganitong daan. Tanging ang Diyos sa katawang-tao na gumagawa sa gitna ng tao ang tunay na ginagawang realidad ang pagsama ng Diyos sa tao at pamumuhay kasama ang tao, at tumutupad sa pagnanais ng tao na mamasdan ang mukha ng Diyos, masaksihan ang gawain ng Diyos, at marinig ang personal na salita ng Diyos. Winawakasan ng Diyos na nagkatawang-tao ang kapanahunan na likod lamang ni Jehova ang nagpakita sa sangkatauhan, at tinatapos din Niya ang kapanahunan ng pananampalataya ng sangkatauhan sa malabong diyos. Sa partikular, dinadala ng gawain ng huling Diyos na nagkatawang-tao ang buong sangkatauhan sa isang kapanahunan na higit na makatotohanan, higit na praktikal, at higit na maganda. Ang gawaing ito ay hindi lamang tinatapos ang kapanahunan ng kautusan at mga regulasyon ngunit ang higit na mahalaga, inihahayag nito sa sangkatauhan ang Diyos na praktikal at normal, na matuwid at banal, na nagbubukas sa gawain ng plano ng pamamahala at nagpapamalas ng mga misteryo at hantungan ng sangkatauhan, na lumikha sa sangkatauhan at winawakasan ang gawain ng pamamahala, at nanatiling nakatago sa loob ng libo-libong taon. Winawakasan nang lubusan ng gawaing ito ang kapanahunan ng kalabuan, tinatapos nito ang kapanahunan na ang ninais ng buong sangkatauhan ay hanapin ang mukha ng Diyos ngunit hindi nila nagawa, winawakasan nito ang kapanahunan kung kailan nagsilbi kay Satanas ang buong sangkatauhan, at ganap nitong inaakay ang buong sangkatauhan tungo sa isang ganap na bagong panahon. Lahat ng ito ay bunga ng gawain ng Diyos sa katawang-tao sa halip ng Espiritu ng Diyos. Kapag gumagawa ang Diyos sa Kanyang katawang-tao, saka lang ang mga taong sumusunod sa Kanya ay hindi na naghahanap at nag-aapuhap ng mga bagay na tila kapwa umiiral at di-umiiral, at tumitigil sa paghula sa mga layunin ng malabong diyos. Kapag pinalalaganap ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao, ipapasa ng mga sumusunod sa Kanya ang gawain na Kanyang ginawa sa katawang-tao sa lahat ng mga relihiyon at denominasyon, at kanilang ipararating ang lahat ng Kanyang mga salita sa mga pandinig ng buong sangkatauhan. Ang lahat na naririnig ng mga yaong tumatanggap sa Kanyang ebanghelyo ay magiging mga katunayan ng Kanyang gawain, magiging mga bagay na personal na nakikita at naririnig ng tao, at magiging mga katunayan at hindi sabi-sabi. Ang mga katunayang ito ay ang katibayan na ginagamit Niya sa pagpapalaganap ng gawain, at ito rin ang mga kasangkapan na ginagamit Niya sa pagpapalaganap ng gawain. Kung wala ang pag-iral ng mga katunayan, ang Kanyang ebanghelyo ay hindi lalaganap sa lahat ng bansa at sa lahat ng lugar; kapag walang katunayan kundi pawang mga imahinasyon lamang ng tao, hindi Niya kailanman magagawa ang gawain ng panlulupig sa buong sansinukob. Ang Espiritu ay hindi nahahawakan ng tao, at di-nakikita ng tao, at ang gawain ng Espiritu ay hindi kayang mag-iwan para sa tao ng anumang karagdagang katibayan o anumang karagdagang katunayan ng gawain ng Diyos. Hindi kailanman makikita ng tao ang tunay na mukha ng Diyos, palagi siyang maniniwala sa isang malabong diyos na hindi umiiral. Hindi kailanman makikita ng tao ang tunay na mukha ng Diyos, ni hindi rin kailanman maririnig ng tao ang mga salita na personal na sinabi ng Diyos. Sadyang wala namang laman ang mga imahinasyon ng tao, at hindi mapapalitan ang tunay na mukha ng Diyos; ang likas na disposisyon ng Diyos, at ang gawain ng Diyos Mismo ay hindi magagaya ng tao. Ang di-nakikitang Diyos sa langit at ang Kanyang gawain ay maaari lamang dalhin sa lupa ng pagkakatawang-tao ng Diyos at pagparito Niya sa gitna ng tao para personal na gawin ang Kanyang gawain. Ito ang pinaka-ideyal na paraan para makapagpakita ang Diyos sa tao, kung saan nakikita ng tao ang Diyos at nakikilala ang tunay na mukha ng Diyos, at hindi ito matatamo ng isang Diyos na hindi nagkatawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao