1. Ipinropesiya ng Panginoong Jesus Mismo na magkakatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw at magpapakita bilang Anak ng tao para gumawa
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating” (Lucas 12:40).
“At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:37).
“Sapagka’t gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27).
“Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).
“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mateo 25:6).
“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20).
“At ako’y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako’y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Maaari kayang nasabi Niya sa pangkat ninyong ito? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paano Siya umalis, nakasakay sa isang ulap, ngunit nalalaman mo ba kung paano talaga ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talaga ngang nakikita mo, paano maipaliliwanag ang mga salitang binigkas ni Jesus? Sinabi Niya: Kung kailan man darating ang Anak ng tao sa mga huling araw, Siya Mismo ay hindi makakaalam, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng buong sangkatauhan. Tanging ang Ama ang makakaalam, ibig sabihin, ang Espiritu lamang ang makakaalam. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi nakaaalam, ngunit ikaw ay nakakikita at nakaaalam? Kung may kakayahan kang makaalam at makakita gamit ang iyong sariling mga mata, hindi ba’t ang pagbigkas ng mga salitang ito ay mawawalan ng kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus nang panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon walang taong makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Aking Ama lamang. At tulad noong panahon ni Noe, magiging ganito rin ang pagparito ng Anak ng tao. … Kaya nga kayo’y magsihanda rin; sapagkat darating ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo naiisip.” Kapag dumating na ang araw na iyon, Mismong ang Anak ng tao ay hindi ito malalaman. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong anyo ng Diyos, na isang normal at karaniwang tao. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi alam, kaya paano mo malalaman?
mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa.
mula sa “Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Judio, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng paglabag ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang humarap sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Judio. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw.
mula sa “Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Yaong mga sumusunod sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang Diyos na nagkatawang-tao—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagtatamo ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako’y lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako’y lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kaniyang ulo at ang Kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang Kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.)
mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang.
mula sa “Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao