Tanong 1: Lahat ng mga pastor at elder ng mga relihiyon ay naglilingkod sa Diyos sa iglesia. Tama lang sabihing pagdating sa pagbalik ng Panginoon, dapat silang magmasid at maghintay, at saka mag-ingat. Pero ba’t ’di lang nila hinahanap o sinisiyasat ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, sa halip, tinutuligsa nila ang Makapangyarihang Diyos, at hinihigpitan ang nananalig sa tunay na daan?
Sagot: Hindi naman talaga kakaiba ang tanong na ’yan. No’ng pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa, naharap Siya agad sa pagtutol at pagtuligsa ng mga punong saserdote, eskriba, at Fariseo ng mga relihiyon sa mundo, at ipinako nila Siya sa krus sa huli. Makasaysayang pangyayari ’yan. Kaya naman, isipin nating lahat, bakit ipinako sa krus ng mga relihiyoso ang Panginoong Jesus? Kung mauunawaan natin ang mga tanong na ’to, hindi magiging mahirap unawain kung ba’t ipinako ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Lahat ng ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay katotohanan, at lahat ng ginagawa Niya ay mismong paghatol ng Diyos, pero nahaharap Siya sa matinding pagtuligsa at paglapastangan ng mga elder at pastor. Talagang nakakapagtaka ’yon. Ang ganitong pagtuligsa sa Diyos ay paglapastangan sa Espiritu Santo. Tulad ’yon ng pagpapako sa krus sa Cristo ng mga huling araw. Kaya napakabigat ng problemang ito. Hindi lang talaga ’to maintindihan ng ilan, at sinasabi nila na ang lahat ng pastor at elder ay naglilingkod sa Diyos, pero ba’t ’di nila hinahanap at sinisiyasat ang tunay na daan, sa halip tinutuligsa ’yon? May kaugnayan ’to sa kanilang pagkatao. Alam nating lahat na ang mga punong saserdote, eskriba, at Fariseo ay naglingkod sa Diyos sa mga templo. Nang maglingkod sa kanila ang Panginoong Jesus, maraming tumanggap na may awtoridad nga at kapangyarihan ang Kanyang gawain at mga salita. Pero ba’t ipinako pa rin nila sa krus ang Panginoong Jesus? Base sa mga nakatala sa Biblia, alam nating niyanig ng pangangaral ng Panginoong Jesus ang buong Israel noon. Gumamit Siya ng limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang marami, pinalakad Niya’ng mga lumpo, ginamot ang bulag, muling binuhay ang patay at iba pa, na siyang yumanig sa buong Judea. Maraming nagpapalaganap ng pangalan ng Panginoong Jesus at ng katotohanan ng Kanyang gawain. Dumami rin nang dumami ang mga sumunod sa Kanya. Pero nang makita ’yon ng mga punong saserdote, eskriba at Fariseong iyon, nagtanim sila ng galit sa puso nila. Malinaw nilang alam sa puso nila na kung nagpatuloy ang Panginoong Jesus sa ginagawa Niya, hindi magtatagal, susunod na sa Kanya ang lahat ng mga Judio, at ’di magtatagal, mapaparalisa at magsasara ang buong Judaismo. Kaya nga para protektahan ang Judaismo at ang kabanalan ng Biblia, at ang totoo’y, pati na ang kanilang katayuan at kabuhayan, ginawa nila’ng lahat para tuligsain at siraan ang Panginoong Jesus, at sa huli, nakipagsabwatan sila sa gobyerno ng Roma na ipako Siya sa krus. Gayun din, nakikita ng mga pastor na lahat ng ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay katotohanan, at may awtoridad at kapangyarihan. Pag ipinalaganap ito sa lahat ng mga relihiyosong nagmamahal sa katotohanan, kikilalanin nilang lahat na ito ang salita at tinig ng Diyos, at tatanggapin nila na nagbalik na ang Panginoong Jesus. Kaya takot ang mga pastor na makita ng mga nananalig ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at marinig ang tinig Niya. Mas takot silang susunod ang lahat ng nananalig sa Makapangyarihang Diyos dahil mawawala ang katayuan at kabuhayan nila. Dahil diyan, namumuhi sila sa Makapangyarihang Diyos at sinisiraan, hinuhusgahan at tinutuligsa nila Siya, ginagawa nila ang lahat para hadlangan ang pagsisiyasat ng mga nananalig sa tunay na daan. Malinaw na nakikita ’yan ng lahat ng taong nakakaintindi. Ipinapakita niyang ang ugat ng pagkalaban ng mga pastor sa Makapangyarihang Diyos ay tulad ng pagkalaban ng mga Fariseong Judio sa Panginoong Jesus. Pinangibabawan sila ng kademonyohan na sawa na at nagagalit sa katotohanan at kumakalaban sa Diyos. Sapat na’ng mga pangyayari para patunayang sino mang mga pastor na kumakalaban sa Makapangyarihang Diyos, ay hindi talaga nagliingkod sa Diyos at katulad silang lahat ng mga ipokritong Fariseo. Lahat sila Anticristo.
Ang mga Fariseong Judio noon ay nalantad na mga anticristo dahil sa gawain ng Panginoong Jesus. Ang mga pastor at elder sa kasalukuyan, ay nalantad ding mga anticristo dahil sa gawain ng Makapangyarihang Diyos. Pare-pareho silang namumuhi sa katotohanan. Ang sabi nga sa Biblia: “Sapagka’t maraming mandaraya na nangagsilitaw sa sanlibutan, samakatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang mandaraya at ang anticristo” (2 Juan 1:7). “Dito’y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawa’t espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Diyos: At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesucristo, ay hindi sa Diyos: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo’y nasa sanlibutan na” (1 Juan 4:2–3). Kaya makakasiguro tayong lahat ng ayaw tumanggap na dumating na ang Diyos sa katawang-tao ay anticristo. Lahat ng tumutuligsa’t kumakalaban sa Diyos sa katawang-tao ay anticristo. Siguradong tatanggapin ng mga tunay na nananalig ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Sigurado namang tutuligsain at kakalabanin Siya ng mga hindi taos na nananalig at nakakakilala sa Diyos. Inilantad na ng gawain ng Cristo ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, ang lahat ng anticristo at ihiniwalay ang mga tupa sa mga kambing, ang mabubuti sa masasama. Sa gano’n inayos ang tao ayon sa sarili niyang uri. Kaya kung hindi matukoy ng mga nananalig ang mga anticristo, napakadali silang malilinlang at makokontrol, at mahihirapan silang makabalik sa luklukan ng Diyos.
mula sa iskrip ng pelikulang Kumawala sa Bitag