Tanong 2: Dahil napakinggan ko ang inyong pagbabahagi at patotoo sa mga araw na ito, malinaw na sa akin na ang ikalawang pagdating ng Panginoon sa mga huling araw ay ang pagkakatawang-tao dito para gawin ang gawain ng paghatol. Ngunit hindi natin nauunawaan ang katotohanan ng pagkakatawang-tao at madaling malinlang ng mga usap-usapan at mga kamalian ng gobyernong CCP at ng mga pastor at elder ng relihiyosong daigdig. Bilang resulta, tatratuhin natin ang Diyos na nagkatawang-tao bilang isang tao lamang at kakalabanin at lalapastanganin pa Siya. Kaya, nais kong magtanong sa inyo tungkol sa katotohanan ng pagkakatawang-tao. Ano ang pagkakatawang-tao? Ano ang pagkakaiba ng nagkatawang-taong Cristo at ng mga propeta at mga apostol na ginamit ng Diyos?
Sagot: Tungkol sa tanong na ano ang pagkakatawang-tao at ano ang Cristo, masasabi ninyong, ito ay isang hiwaga ng katotohanan na hindi nauunawaan ng mga mananampalataya. Kahit nalaman ng mga mananampalataya sa loob ng libu-libong taon na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao, walang nakakaunawa sa pagkakatawang-tao at sa aktuwal na diwa ng pagkakatawang-tao. Ngayon lamang na dumating ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, naibunyag ang aspetong ito ng hiwaga ng katotohanan sa tao. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Makapangyarihang Diyos dito. Sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ‘pagkakatawang-tao’ ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao.” “Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naging totoo ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang ‘maging totoo’ ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos).
“Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil hindi sa laman at dugo si Cristo; Siya ay ang pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos man Niya ito, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang Espiritu ang diwa ni Cristo, ibig sabihin ay ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sisira sa sarili Niyang gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit).
Mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, malinaw na, ang ibig sabihin ng pagkakatawang-tao ay naging tao ang Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay nadamitan ng katawang-tao at naging karaniwang Anak ng tao para ihatid ang Kanyang salita at gumawa sa mundo at magpakita sa tao. Na ibig sabihin ang Diyos sa langit ay naging tao para magsalita, gawin ang Kanyang gawain, tubusin at iligtas ang tao sa daigdig ng tao. Nasa Kanya kapwa ang normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Mula lamang sa Kanyang pagpapakita, ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay tila gaya ng isang karaniwan at normal na tao. Pareho rin ang mga patakaran Niya sa buhay at nakikisali sa parehong mga aktibidad tulad ng sinumang normal na tao. Siya ay may damdaming tulad ng iba pang normal na tao: Siya ay namumuhay nang praktikal at makatotohanan kasama ng mga tao. Mula sa Kanyang panlabas na anyo, Siya ay tila hindi kaiba sa sinuman. Ngunit ang tunay na diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang pagka-Diyos. Kaya Niyang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, lahat ng kung ano ang Diyos at ano ang mayroon Siya. Ayon sa mga pangangailangan ng tao, kaya Niyang ipahayag ang katotohanan upang bigyan ng buhay at iligtas ang tao anumang oras at saan man. Kaya Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, ang bagay na hindi kayang gawin ng sinuman sa lahat ng nilikha. Alam nating lahat na ang Panginoong Jesus ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang Cristo. Mula sa Kanyang panlabas na anyo, Siya ay tila katulad lang natin, isang karaniwan at normal na tao. Gayunman, kayang ipahayag ng Panginoong Jesus ang katotohanan at ibigay sa tao ang landas ng pagsisisi. Siya ay may awtoridad para patawarin ang tao sa kanyang mga kasalanan at maipako sa krus para kumpletuhin ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Hindi ito magagawa ng sinumang tao. Ang Panginoong Jesus ay nakakagawa rin ng mga tanda at hiwaga. Kaya Niyang payapain ang mga hangin at dagat, pakainin ang limang libong tao sa limang tinapay at dalawang isda lamang, at buhayin ang mga patay, atbp. Ang Panginoong Jesus ay nagpunta rin sa malalayong lugar para mangaral. Ayon sa tunay na mga kailangan ng tao, ipinahayag Niya ang katotohanan upang bigyan ng buhay at pastulin ang tao anumang oras at saan mang lugar, tinutulutan ang tao na makita kung paanong ang Kanyang mga salita at gawain ay sa tunay at praktikal na Diyos. Ang mga salita at gawa ng Panginoong Jesus ay pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos sa buhay at ng lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos. Walang mga taong nilikha na nagtataglay nito o may kakayahang maabot ang gayong katayuan. Ito ang katibayan na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagamat mayroon Siyang normal na pagkatao, ang Kanyang diwa ay banal. Bilang gayon, may kakayahan Siyang ipahayag ang katotohanan at tinig ng Diyos. Kaya Niyang gumawa bilang Diyos para gawin ang gawain ng Diyos. Kaya, kung ang makikita lamang natin ay ang normal na pagkatao ni Cristo, ang gagawin lamang natin ay tratuhin Siya bilang karaniwang tao; ngunit kung matatanto natin na ang lahat ng sinasabi ni Cristo ay ang katotohanan, na ang lahat ng ipinamamalas Niya ay disposisyon ng Diyos at ang lahat ng kung ano at kung anong mayroon ang Diyos, at makikita ang mga gawain ng Diyos sa katawang-tao, tanging sa pag-abot sa ganitong antas natin malalaman ang banal na diwa ni Cristo.
Mahalaga sa ating mga mananampalataya na malaman ang pagka-Diyos ni Cristo! Kung hindi natin nakikilala ang pagka-Diyos ni Cristo, ituturing lang natin si Cristo bilang karaniwang tao at tatratuhin pa ang mga propeta at mga apostol na ginagamit ng Diyos bilang ang Diyos Mismo. Hindi maliit na bagay ’yan! Kaya pag-usapan natin ngayon ang pagkakaiba ni Cristo at ng mga apostol at mga propetang ginagamit ng Diyos. Alam ng lahat na sa panlabas na anyo, ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay may normal na pagkatao at isang karaniwan at normal na tao, ngunit sa katunayan, Siya ang Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, Siya ay Diyos sa diwa. Iyan ang dahilan kung kaya’t nagagawa Niya ang gawain ng Diyos Mismo, ipinapahayag ang katotohanan, ang disposisyon ng Diyos, ang kalooban at mga hinihingi ng sangkatauhan anumang oras at saan mang lugar. Kaya pa Niyang hatulan, ilantad, at isumpa ang tao, tulad ng kakayanan Niyang tubusin, dalisayin, at iligtas ang tao. Ang mga propeta at mga apostol ay mga taong ginagamit ng Diyos. Normal na pagkatao lamang ang taglay nila, ngunit kulang sa pagka-Diyos. Bilang gayon, gawain ng tao lamang ang kaya nilang gawin. Sa plano ng pamamahala ng Diyos wala silang ibang kayang gawin maliban sa tuparin ang mga tungkulin ng tao. Wala sa kanilang maaaring magpahayag ng katotohanan, lalo na ang gawin ang gawain ng Diyos Mismo. Bagamat ang mga pagbabahagi nila’y pinagkalooban ng pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu at ayon sa katotohanan, hindi mismong katotohanan ang mga ito, kundi pagpapahayag lamang ng kanilang pang-unawa at karanasan sa salita ng Diyos. Kung iisipin natin ang mga apostol ng Kapanahunan ng Biyaya, ang ibinahagi nila ay pagpapahayag lamang ng kanilang pang-unawa at karanasan sa mga salita at gawain ng Panginoong Jesus, kinatawan nila ang isang patotoo ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Kapag tinitingnan natin ang mga liham ng mga apostol, makikita natin na malinaw na isinulat ito ng mga tao, ito ay mga diskurso ukol sa kanilang mga karanasan at patotoo. Wala ni isang salita ng mga liham na ito ang naglalaman ng katotohanan na ipinapahayag ng Diyos. Wala ni isang salita ng mga liham na ito ang nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Panginoong Jesus. Gaya ng nakikita natin, malaki ang pagkakaiba ng mga salita ng mga apostol at ng salita ng Panginoong Jesus. Hindi natin ito maaaring tingnan sa parehong batayan. Sa katunayan, kapag ipinapahayag ng mga propeta ang salita ng Diyos, ginagawa lamang nila ito dahil inutusan sila ng Diyos na ihatid ang Kanyang salita. Hindi kayang ipahayag ng mga propeta ang salita ng Diyos gamit ang pagkakakilanlan ng Diyos, hindi sila maaaring magsalita nang direkta. Hindi rin nila kayang ipahayag ang katotohanan ayon sa kanilang kagustuhan. Ito ay dahil sa sila’y mga taong ginagamit lamang ng Diyos, hindi sila Diyos mismo. Inihahatid lamang nila ang salita ng Diyos at ang kaya nilang ihatid ay masyadong limitado. Kaya’t, kapag inihahatid ng mga propeta ang salita ng Diyos, malinaw nilang sinasabi na binibigkas nila ang salita ng Diyos, hindi ito sarili nilang salita. Lahat ng ito ay patunay na ang mga propeta at mga apostol ay mga taong ginagamit lamang ng Diyos, hindi sila mga pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay maaaring tawaging Diyos dahil Siya ay may pagka-Diyos. Ang mga propeta at mga apostol ay may pagkatao lamang. Wala silang pagka-Diyos at, dahil dito, maituturing lamang silang tao. Ito ang pagkakaiba sa diwa sa pagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ng mga propeta at mga apostol.
mula sa iskrip ng pelikulang Ang Hiwaga ng Kabanalan: Ang Karugtong