29. Ano ang isang matapat na tao at bakit iniuutos ng Diyos na maging matapat ang mga tao
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37).
“At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:4–5).
“At hindi papasok doon sa anumang paraan ang anumang bagay na karumal-dumal, o anumang gumagawa ng kasuklam-suklam at ng kasinungalingan” (Pahayag 21:27).
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Ang Diyos ay may diwa ng katapatan, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya. Kung kaya’t gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang sa mga nasa itaas ninyo at maglihim sa mga nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na pagtatangka lamang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maitapon sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo na maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamautak” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong masamang pag-iisip, ginagawa nitong mas simple ang gawain Ko. At yamang niyayakap ng bawat isa sa inyo sa dibdib ang mga lihim ninyo, kung gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa sakuna upang “maturuan” ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maging determinado kayong maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay tapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi kayo magiging mapagmalaki tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging “kasinglalim at kasinghirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maayos at wastong kumilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalabas nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang gayong mga tao sa hanay ng mga matapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananalig at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung mayroon kang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo taglay ang mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil hindi matapat ang puso mo, hindi ka kailanman kinalugdan ng Diyos at hindi ka kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang kahihinatnan ng tadhana ng isang tao ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong matapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi matapat, isang taong may pusong puno ng masamang hangad isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng iyong tadhana. Kung sinasabi mong ikaw ay napakatapat, ngunit hindi mo kailanman nagagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ng totoo, kung gayon, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na pinakaiingatan Niya? Hindi ba’t kahangalan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong patutuluyin ng sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga handang tumatanggap ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uring ito ng mga tao, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung masyado kang mapanlinlang, magiging mapagbantay at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananalig mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananalig. Sa kakulangan ng tunay na pananalig, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at ginagawan mo Siya ng haka-haka kapag gusto mo, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Naghihinala ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang pag-iisip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagpapahalaga sa katarungan, mahilig sa malulupit na kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at paninirang-puri ninyo sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Talagang Makikilala ang Diyos na Nasa Lupa
Maraming tao ang hindi gaanong nauunawaan kung ano ba mismo ang isang matapat na tao. Sinasabi ng ilan na ang matatapat na tao ay ang mga taong totoo at prangka, ang mga inaapi at ibinubukod saanman sila magpunta, o ang mababagal at palaging medyo nahuhuling magsalita at kumilos kaysa sa ibang mga tao. Ang ilang hangal at mangmang na tao, na gumagawa ng matinding kahangalan kung kaya’t hinahamak sila ng iba, ay inilalarawan din ang kanilang sarili bilang matapat na tao. At lahat ng walang pinag-aralang tao mula sa mabababang antas ng lipunan, na nakararamdam na mas mababa sila, ay sinasabi rin na sila ay matapat na tao. Saan sila nagkakamali? Hindi nila alam kung ano ba ang isang matapat na tao. Ano ang pinagmumulan ng kanilang maling paniniwala? Ang pangunahing dahilan ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Naniniwala sila na ang “matatapat na taong” sinasabi ng Diyos ay mga hangal at mga tunggak, na walang pinag-aralan ang mga ito, mabagal magsasalita, inaapi at sinusupil, at madaling nadadaya at naloloko. Ang implikasyon ay ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos ay ang mga walang utak na mga taong nasa ibaba ng lipunan na madalas alipustahin ng iba. Sino ba ang ililigtas ng Diyos kundi ang mga hamak at mahihirap na taong ito? Hindi ba’t ito ang kanilang pinaniniwalaan? Ang mga iyon ba talaga ang mga taong inililigtas ng Diyos? Isa itong maling interpretasyon sa mga layunin ng Diyos. Ang mga taong inililigtas ng Diyos ay ang mga taong nagmamahal sa katotohanan, ang mga may kakayahan at abilidad na makaarok, silang lahat ay mga taong may konsensiya at katwiran, na kayang tuparin ang mga atas ng Diyos at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Sila ay mga taong kayang tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon, at sila ay mga taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at sumasamba sa Diyos. Bagama’t ang karamihan sa mga taong ito ay mula sa ibaba ng lipunan, mula sa mga pamilya ng mga manggagawa at magsasaka, tiyak na hindi sila mga taong magulo ang isip, hangal, o walang silbi. Sa kabaligtaran, matatalino silang tao na kayang tanggapin, isagawa ang katotohanan at magpasakop dito. Lahat sila ay mga taong makatarungan, na tatalikdan ang makamundong karangalan at mga kayamanan para sumunod sa Diyos at matamo ang katotohanan at ang buhay—sila ang pinakamatatalinong tao sa lahat. Lahat sila ay matapat na taong tunay na nananampalataya sa Diyos at tunay na iginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Matatamo nila ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos, at magagawa silang perpekto upang maging Kanyang mga tao at mga haligi ng Kanyang templo. Sila ay mga taong gawa sa ginto, pilak, at mamahaling hiyas. Ang mga taong magulo ang isip, hangal, katawa-tawa, at walang silbi ang mga ititiwalag. Ano ang tingin ng mga hindi mananampalataya at ng mga katawa-tawang tao sa gawain at plano ng pamamahala ng Diyos? Tapunan ng basura ang tingin nila rito, hindi ba? Hindi lamang mahina ang kakayahan ng mga taong ito, katawa-tawa rin sila. Gaano man karaming salita ng Diyos ang mabasa nila, hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, at gaano karaming sermon man ang marinig nila, hindi nila kayang makapasok sa realidad—kung ganito sila kahangal, maliligtas pa ba sila? Gugustuhin ba ng Diyos ang ganitong uri ng tao? Gaano man katagal na silang nananampalataya, hindi pa rin nila nauunawaan ang anumang katotohanan, walang katuturan pa rin ang kanilang sinasabi, pero itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na matapat—wala ba silang kahihiyan? Hindi nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Palaging mali ang interpretasyon nila sa mga layunin ng Diyos, pero saanman sila pumunta, ipinangangalandakan nila ang kanilang mga maling interpretasyon, ipinangangaral ang mga ito bilang katotohanan, sinasabi sa mga tao, “Mabuti nang bahagyang maapi, dapat mawalan nang kaunti ang mga tao, dapat medyo maging hangal sila—ang mga ito ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos at sila ang mga taong ililigtas ng Diyos.” Kasuklam-suklam ang mga taong nagsasabi ng mga gayong bagay; nagdadala ito ng malaking kasiraan sa puri ng Diyos! Napakakasuklam-suklam nito! Ang mga haligi ng kaharian ng Diyos at ang mga mananagumpay na inililigtas ng Diyos ay pawang mga taong nauunawaan ang katotohanan, at matatalino. Sila ang mga taong magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Ang lahat ng hangal at mangmang, walang kahihiyan at walang katinuan, na wala ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan, na mga walang utak at hangal—hindi ba’t lahat sila ay walang silbi? Paano magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit ang gayong mga tao? Ang matatapat na taong tinutukoy ng Diyos ay ang mga taong kayang isagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito, ang marurunong at matatalino, na simpleng nagtatapat sa Diyos, at na kumikilos ayon sa prinsipyo at ganap na nagpapasakop sa Diyos. Ang lahat ng taong ito ay may-takot-sa-Diyos na puso, nakatuon sila sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at lahat sila ay naghahangad na ganap na magpasakop sa Diyos at umiibig sila sa Diyos sa kanilang mga puso. Sila lamang ang tunay na matatapat na tao. Kung ni hindi alam ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng maging tapat, kung hindi niya makita na ang diwa ng matatapat na tao ay ang ganap na pagpapasakop sa Diyos, ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, o na ang matatapat na tao ay matapat dahil minamahal nila ang katotohanan, dahil minamahal nila ang Diyos, at dahil isinasagawa nila ang katotohanan—kung gayon, ang ganoong uri ng tao ay napakahangal, at tunay na walang pagkakilatis. Ang matatapat na tao ay ganap na hindi ang mga taong totoo, magulo ang isip, mangmang, at hangal na indibidwal na inaakala ng mga tao; sila ay mga taong may normal na pagkatao, na may konsensiya at katwiran. Ang katalinuhan ng matatapat na tao ay na kaya nilang makinig sa mga salita ng Diyos at maging matapat, at ito ang dahilan kung kaya’t pinagpapala sila ng Diyos.
Wala nang mas makabuluhan pa kaysa sa kahilingan ng Diyos na maging matapat ang mga tao—hinihiling Niya na mamuhay sa harapan Niya ang mga tao, na tanggapin nila ang Kanyang pagsisiyasat, at na mamuhay sila sa liwanag. Ang matatapat na tao lamang ang mga tunay na miyembro ng sangkatauhan. Ang mga taong hindi matapat ay mga hayop, sila ay mga hayop na naglalakad nang nakasuot ng damit ng tao, hindi sila mga tao. Para hangarin ang maging isang matapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang matapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at totoo ay ganap na hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging matapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na hindi magsinungaling at manlansi sa iba, na gampanan nang may debosyon ang kanilang tungkulin, at magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga indibidwal na ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isip. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan na sila ay nasa panig ng Diyos, nagpapatotoo, at ipinamumuhay ang katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa paghingi na maging matapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay magwaksi ng kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala sila ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Ang isang matapat na tao ay isang taong kayang tanggapin ang katotohanan—hindi isang taong kahabag-habag, isang taong walang kuwenta, isang hangal, o isang taong totoo. Dapat ay makilatis na ninyo ang mga bagay na ito, hindi ba? Madalas Kong marinig na sabihin ng ilang tao: “Hindi ako nagsisinungaling kahit kailan—ako ang palaging pinagsisinungalingan. Palagi akong kinakayan-kayanan ng mga tao sa mundo. Sinabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi, at isa ako sa mga taong iyon. Biyaya ito ng Diyos. Kinaaawaan ng Diyos ang mga taong tulad namin, mga taong totoo na hindi tanggap sa lipunan. Ito talaga ang habag ng Diyos!” Mayroon ngang praktikal na aspekto ang pagsasabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi. Bagama’t kinikilala mo iyon, hindi nito pinatutunayan na matapat kang tao. Sa katunayan, sadyang gunggong, mangmang lang ang ilang tao; mga hangal sila na wala talagang mga kasanayan, mahina ang kakayahan, at walang pagkaunawa sa katotohanan. Ang gayong uri ng tao ay talagang walang kaugnayan sa matatapat na taong sinasabi ng Diyos. Totoo ngang itinataas ng Diyos ang mga nangangailangan mula sa dumi, ngunit hindi ang mga mangmang at hangal ang itinataas. Likas na napakababa ng kakayahan mo, at isa kang hangal, isang walang kuwentang tao, at kahit na ipinanganak ka sa isang mahirap na pamilya at kabilang sa mas mababang antas ng lipunan, hindi ka pa rin isa sa mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Dahil lang nagdusa ka nang husto at nagtiis ng diskriminasyon sa lipunan, dahil lang nakayan-kayanan at nadaya ka ng lahat, huwag mong isipin na matapat na tao ka na dahil doon. Kung iniisip mo iyon, maling-mali ka. Kayo ba ay mayroong anumang maling pagkaunawa o baluktot na pagkaarok sa kung ano ang isang matapat na tao? Nagtamo na ba kayo ng kaunting kaliwanagan sa pagbabahaginang ito? Ang pagiging matapat na tao ay hindi tulad ng iniisip ng mga tao; hindi ito pagiging isang taong diretsahan magsalita na umiiwas sa pagiging malabo. Maaaring likas na tuwiran ang isang tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na hindi na siya nanlalansi o nanlilinlang. Ang lahat ng tiwaling tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na madaya at mapanlinlang. Kapag nabubuhay ang mga tao sa mundong ito, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, pinamamahalaan at kinokontrol ng puwersa nito, imposible para sa kanilang maging matapat. Maaari lang silang maging lalo pang mapanlinlang.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mababa ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng pagkamatapat. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa nang maayos sa mga gampaning ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos, at pagbubuhos ng iyong puso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nakakaunawa ka at alam mo kung ano ang gagawin, pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay hindi mo ibinibigay sa tungkulin mo ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumagampan sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Hindi ginagamit ng Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumampan ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at nagpapakatamad ay pawang mapanlinlang, at lahat sila ay mga demonyo. Wala sa kanila ang tunay na nananampalataya sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang totoo, madali lang maging matapat na tao. Tungkol lang ito sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong matapat na pamahalaan ang iyong pag-uugali at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Bakit ba hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Para ba mas padaliin ang pangangasiwa sa mga tao? Siguradong hindi. Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao dahil minamahal at pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao. Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay pagiging isang taong may konsensiya at katwiran. Ang ibig sabihin nito ay pagiging isang taong mapagkakatiwalaan, isang taong mahal ng Diyos, at isang taong kayang magsagawa ng katotohanan at mahalin ang Diyos. Ang pagiging matapat na tao ang pinakapangunahing pagpapamalas ng pagtataglay ng normal na pagkatao at pagsasabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay hindi naging matapat kailanman, o hindi inisip na maging matapat, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, humayo ka at tingnan mo mismo, o kaya ay humayo ka at ikaw mismo ang makaranas nito. Sa pamamagitan lamang ng pagiging isang matapat na tao maaaring maging bukas ang puso mo sa Diyos, maaari mong matanggap ang katotohanan, maaaring maging iyong buhay sa puso mo ang katotohanan, at maaari mong maunawaan at makamit ang katotohanan. Kung palaging sarado ang puso mo, kung hindi ka nagtatapat o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa sinuman, sa puntong walang nakakaunawa sa iyo, kung gayon, ikaw ay masyadong tuso at hindi maarok, at ikaw ang pinakamapanlinlang sa mga tao. Kung nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo kayang tunay na buksan ang sarili mo sa Diyos, kung kaya mong magsinungaling sa Diyos o magpalabis upang linlangin ang Diyos, kung hindi mo kayang buksan ang puso mo sa Diyos, at kaya pa ring magpaliguy-ligoy sa pagsasalita at itago ang iyong mga layunin, mapipinsala mo lamang ang iyong sarili, at hindi ka papansinin ng Diyos at hindi gagawa sa iyo. Hindi mo mauunawaan ang alinman sa katotohanan, at hindi mo makakamit ang alinman sa katotohanan. Ngayon, nakikita na ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad at pagtatamo ng katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat mong gawin para hangarin ang katotohanan? Dapat kang maging isang matapat na tao. Kung hahangarin ng mga tao na maging matapat, saka lang nila malalaman kung gaano sila katiwali, kung mayroon ba talaga silang anumang wangis ng tao o wala, at malinaw na masusukat o makakakita ng kanilang mga kakulangan. Kapag nagsasagawa sila ng katapatan, saka lang sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat unti-unting malalaman ng mga tao ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makikilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang mga tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi matapat—kung hindi mo susubukang maging isang matapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Gayundin, hindi mo makakamit ang katotohanan, ni makakamit ang Diyos. Ano ang ibig sabihin kung hindi mo makakamit ang Diyos? Kung hindi mo makamit ang Diyos at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang Diyos, kaya’t mawawalan ng paraan na maaari kang maging kaayon ng Diyos, kung magkagayon ay ikaw ang kaaway ng Diyos. Kung hindi ka kaayon ng Diyos, hindi mo Diyos ang Diyos; at kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maaaring maligtas. Kung hindi mo hinahangad na matamo ang kaligtasan, bakit ka nananampalataya sa Diyos? Kung hindi mo matatamo ang kaligtasan, magiging matinding kaaway ka ng Diyos magpakailanman, at itatakda na ang iyong kinalabasan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matatapat na tao. Ang mga makakamit ng Diyos sa huli ay may partikular na tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapamalas ng kanilang sariling asal? Wala silang dungis. Walang matatagpuan na kasinungalingan sa kanilang bibig. Marahil ay nauunawaan at naaarok ninyong lahat ang ibig sabihin ng “walang kasinungalingan”: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano binibigyang-depinisyon ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. Kung araw-araw na nagsisinungaling ang isang tao, hindi ba iyon isang dungis? Kung nagsasalita at kumikilos siya nang ayon sa sarili niyang kalooban, hindi ba iyon isang dungis? Kung lagi siyang naghahanap ng papuri kapag kumikilos siya, laging humihingi sa Diyos ng gantimpala, hindi ba iyon isang dungis? Kung hindi niya kailanman dinadakila ang Diyos, laging nagpapatotoo sa kanyang sarili, hindi ba iyon isang dungis? Kung pabasta-basta niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, nagiging oportunista, nagkikimkim ng masasamang layunin, at nagpapakatamad, hindi ba iyon isang dungis? Lahat ng pagbubunyag na ito ng mga tiwaling disposisyon ay mga dungis. Hindi lang ito alam ng mga tao bago pa nila maunawaan ang katotohanan. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na ang mga pagbubunyag ng katiwalian na ito ay mga dungis at karumihan; sa sandaling maunawaan ninyo nang kaunti ang katotohanan, saka lamang kayo magkakaroon ng ganitong uri ng pagkakilala. Lahat ng mga tumutukoy sa mga pagbubunyag ng katiwalian ay may kaugnayan sa mga kasinungalingan; ang mga salita ng Bibliya, na “walang nasumpungang kasinungalingan,” ang mahalagang elemento sa pagninilay-nilay kung may mga dungis ka ba o wala. Kaya, kung susukatin kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o wala, may isa pang pahiwatig, ito ay: kung nakapasok ka ba o hindi sa pagiging isang matapat na tao, kung gaano ba karaming kasinungalingan ang masusumpungan sa mga bagay na sinasabi mo, at kung unti-unti bang nababawasan ang iyong mga kasinungalingan o kung katulad pa rin ba ang mga ito ng dati. Kung ang mga kasinungalingan mo, kabilang na ang mapagbalatkayo at mapanlinlang mong mga salita, ay unti-unting nababawasan, pinatutunayan niyon na nagsimula ka nang pumasok sa realidad, at lumalago na ang iyong buhay. Hindi ba’t isa itong praktikal na paraan para tingnan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng mas kaunting kasinungalingan; sa kabuuan ay magiging isang matapat na tao siya. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong nadungisan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang buhay pagpasok, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo. Ang pagiging isang matapat na tao ay isang pahiwatig para masukat kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o hindi; dapat malaman ng mga tao kung paano ikumpara ang mga bagay na ito sa kanilang sarili at malaman kung paano nila susukatin ang kanilang sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
Ang mga matapat na tao lamang ang mapagkakatiwalaan, may konsensiya at katwiran, at karapat-dapat na tawaging tao. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, at ginagampanan ang kanyang mga tungkulin nang pasok sa pamantayan, kung gayon, ang taong ito ay matapat at mapagkakatiwalaan. At yaong mga makakapagkamit ng kaligtasan ng Diyos ay mga matapat na tao. Ang pagiging isang matapat na tao na mapagkakatiwalaan ay hindi tungkol sa iyong mga abilidad o hitsura, at lalong hindi tungkol sa iyong kakayahan, kahusayan, o mga kaloob. Basta’t tinatanggap mo ang katotohanan, kumikilos ka nang may pananagutan, at mayroon kang konsensiya at katwiran at magagawang magpasakop sa Diyos, sapat na iyon. Anuman ang mga kapabilidad na taglay ng isang tao, ang tunay na alalahanin ay na wala siyang kabutihan. Ang isang tao na walang kabutihan ay hindi tao, bagkus ay isang hayop. Ang mga itiniwalag ng sambahayan ng Diyos ay itiniwalag dahil sila ay walang pagkatao at lubos na walang kabutihan. Samakatwid, ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat magawang tanggapin ang katotohanan, at dapat silang maging matatapat na tao, magtaglay man lang ng konsensiya at katwiran, magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at matupad ang atas ng Diyos. Tanging ang mga taong ito ang makakapagkamit ng pagliligtas ng Diyos; sila ang mga taos-pusong naniniwala sa Kanya at ang mga taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Ito ang mga taong inililigtas ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Matatapat na tao lamang ang kayang magpunyagi sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na pasok sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi ang kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gampanin nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang patahimikin ang puso nila sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat ng makakaya para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi nalilimitahan ng anumang lagay ng loob o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong tapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang buhay pagpasok at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao, tinutulutan Niya silang kumawala mula sa impluwensiya ni Satanas at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maging matatapat na tao, at mabuhay ayon sa Kanyang mga salita. Ang mabuhay bilang isang matapat na tao ay nakapagpapalaya at nakakapagpaalpas, at higit na hindi masakit. Ito ang pinakamaligayang buhay. Mas simple ang matatapat na tao. Sinasabi nila kung ano ang nasa kanilang mga puso, at sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip. Sa kanilang mga salita at kilos, sinusunod nila ang kanilang konsensiya at katwiran. Handa silang magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan na nila ito, isinasagawa nila ito. Kapag hindi nila makilatis ang isang bagay, handa silang hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay ginagawa nila kung ano man ang naaayon dito. Hinahanap nila ang mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay sinusunod ang mga ito sa kanilang mga kilos. Maaaring mayroong ilang aspekto kung saan sila ay hangal at kailangan nilang sangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanang prinsipyo, at hinihingi nito sa kanila na patuloy na lumago. Ang pagdanas nang ganito ay nangangahulugang kaya nilang maging matatapat, matatalinong tao at lubos na umayon sa mga layunin ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang mga mapanlinlang na tao. Nabubuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon, ipinakikita ang kanilang katiwalian, subalit natatakot na makakita ang iba ng magagamit laban sa kanila sa paggawa nila niyon. Kaya, gumagamit sila ng mga baliko at mapanlinlang na pandaraya bilang tugon. Natatakot sila sa panahon kung kailan ang lahat ay mabubunyag, kaya gumagamit sila ng lahat ng diskarte upang mag-imbento ng mga kasinungalingan at pagtakpan ang mga iyon, at kapag nagkaroon ng butas, lalo pa silang nagsisinungaling upang matakpan ito. Ang palaging pagsisinungaling at pagtatakip sa kanilang mga kasinungalingan—hindi ba’t nakapapagod na paraan iyon ng pamumuhay? Pinipiga nila ang utak nila palagi upang makapag-imbento ng mga kasinungalingan at mapagtakpan ang mga iyon. Napakahirap talaga niyon. Iyon ang dahilan kung bakit labis na nakapapagod at masakit ang buhay ng mga mapanlinlang na tao na iginugugol ang kanilang mga araw sa pag-iimbento ng mga kasinungalingan at pagtatakip sa mga iyon! Subalit naiiba naman ang sa matatapat na tao. Bilang matapat na tao, walang masyadong kailangang isaalang-alang ang isang tao kapag nagsasalita at kumikilos. Kalimitan, nakapagsasalita lang nang totoo ang isang matapat na tao. Kapag nakakaapekto ang isang partikular na bagay sa kanyang mga interes ay saka lamang siya mas nag-iisip—maaari siyang magsinungaling nang kaunti upang protektahan ang kanyang mga interes, upang mapanatili ang kanyang banidad at pride. Limitado ang ganitong mga uri ng kasinungalingan, kaya hindi gaanong nakapapagod ang pagsasalita at pagkilos para sa matatapat na tao. Ang mga intensyon ng mga mapanlinlang na tao ay higit na mas komplikado kaysa sa mga intensyon ng matatapat na tao. Labis-labis ang pagsasaalang-alang sa kanilang sinasabi at ginagawa. Kailangan nilang isaalang-alang ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, pati na rin ang kanilang reputasyon at katanyagan, at pangalagaan ang kanilang mga interes, at hindi rin sila maaaring magpahalata at hayaang makilatis sila ng iba, kaya kailangang pigain nila ang kanilang utak para makaisip ng mga kasinungalingan. Dumarami ang kanilang mga kasinungalingan, lahat ng kanilang sinasabi ay kasinungalingan, at hindi sila nagsasalita ng kahit isang matapat na salita. Bukod dito, ang mga taong mapanlinlang ay may labis-labis na maluluhong pagnanais at maraming hindi makatwirang kahilingan. Kapag nagsasalita sila, palagi silang may sariling mga intensyon at pakay. Upang makamit ang kanilang mga pakay, kailangan nilang isipin ang lahat ng posibleng paraan upang magsinungaling at linlangin ang ibang tao, at habang mas maraming kasinungalingan ang kanilang sinasabi, mas maraming kasinungalingan ang kailangan nilang pagtakpan, kaya’t walang katapusan ang kanilang pagsisinungaling. Kaya, kumpara sa isang matapat na tao, ang buhay ng isang taong mapanlinlang ay parehong nakakapagod at miserable. May ilang tao na medyo matapat. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili anuman ang mga kasinungalingan na kanilang nasabi, himayin at unawain ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghahambing ng sarili sa mga salita ng Diyos anuman ang panlilinlang na kanilang ginawa, at subukang magbago, magagawa nilang alisin ang karamihan sa kanilang pagsisinungaling at panlilinlang sa loob ng ilang taon ng karanasan. Sa gayon, sila ay magiging isang taong halos matapat na. Kung mamumuhay ang isang tao nang ganito, hindi lamang lubhang nababawasan ang kanilang pagdurusa at hindi sila nakakaramdam ng labis na pagkapagod; nagdudulot din ito sa kanila ng kapayapaan at kaligayahan. Sa maraming usapin, magiging malaya sila mula sa mga limitasyon ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ng banidad at pride, at natural na mamumuhay ng malaya at pinalayang buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Na hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ay nagpapatunay na talagang kinasusuklaman Niya ang mga taong mapanlinlang at hindi Niya gusto ang mga ito. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa kanilang mga disposisyon, at pati sa kanilang mga intensyon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos at isagawa ang katotohanan para maging matatapat na tao, sila man ay may pag-asang maligtas, sapagkat hindi nagpapakita ang Diyos ng pagkiling sa sinuman, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong kalugod-lugod sa Diyos, una ay dapat nating baguhin ang ating mga prinsipyo ng sariling asal, tumigil sa pamumuhay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, tumigil sa pag-asa sa pagsisinungaling at panlilinlang para maipamuhay ang ating buhay, at iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at subukang maging matatapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, panlilinlang, at pagkukunwari habang namumuhay kasama ang iba, at umaasal sila sa pamamagitan ng paggamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, bilang kanilang buhay, at bilang saligan. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung sinusubukan mong maging isang matapat na tao at sabihin ang totoo, sisiraan ka, huhusgahan, at itatakwil. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Gumagamit ka rin ng mga lihim na mapanirang kaparaanan para makamtan ang iyong mga layon at sa gayon ay protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan at hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas may kasanayan ka sa pagsisinungaling at pagiging mapanlinlang, mas magiging tutol sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at gumagamit ka rin ng mga pakana at pandaraya at mga sopistikadong taktika para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at lahat ng mga taong mapanlinlang ay itatakwil at ititiwalag sa huli. Matagal na itong paunang inorden ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahangad sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Bakit ba laging binibigyang-diin ng Diyos na dapat maging matapat ang mga tao? Dahil napakahalaga ng pagiging matapat—may direktang kaugnayan ito sa kung makapagpapasakop ang isang tao sa Diyos o hindi at kung makapagtatamo siya ng kaligtasan o hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Mapagmataas ako at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at madalas akong magalit at magbunyag ng katiwalian.” Sinasabi ng iba: “Labis akong mababaw, at hambog, at gustong-gusto ko kapag binobola ako ng mga tao.” Ang lahat ng ito ay nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at hindi malalaking problema ang mga ito. Hindi mo na kailangang paulit-ulit na pag-usapan ang mga iyon. Anuman ang iyong disposisyon o personalidad, basta’t nagagawa mong maging matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos, maaari kang maligtas. Kaya, ano sa palagay ninyo? Mahalaga bang maging matapat? Ito ang pinakamahalagang bagay, iyon ang dahilan kung bakit tinatalakay ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat sa kabanata ng Kanyang mga salita, Tatlong Paalaala. Sa ibang mga kabanata, madalas Niyang banggitin na dapat magkaroon ang mga mananampalataya ng normal na espirituwal na buhay at ng wastong buhay iglesia, at inilalarawan Niya kung paano nila dapat isabuhay ang isang normal na pagkatao. Ang Kanyang mga salita tungkol sa mga usaping ito ay pangkalahatan; hindi masyadong partikular o detalyadong tinatalakay ang mga iyon. Gayumpaman, kapag nangungusap ang Diyos tungkol sa pagiging matapat, itinuturo Niya ang landas na dapat sundin ng mga tao. Sinasabi Niya sa mga tao kung paano dapat magsagawa, at nagsasalita Siya nang sapat na detalyado at malinaw. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan.” Ang pagiging matapat ay may kaugnayan sa pagtatamo ng kaligtasan. Kaya, ano sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Ito ay may kaugnayan sa katotohanan ng kung paano umasal. Inililigtas ng Diyos ang matatapat na tao, at ang mga gusto Niya para sa Kanyang kaharian ay matatapat na tao. Kung may kakayahan kang magsinungaling at manlansi, isa kang mapanlinlang, baliko, at lihim na mapanirang tao; hindi ka matapat na tao. Kung hindi ka matapat na tao, imposibleng iligtas ka ng Diyos, imposible ka ring maligtas. Sinasabi mong napakamaka-diyos mo na ngayon, na hindi ka mapagmataas o nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, na nagagawa mong magbayad ng halaga kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o na kaya mong mangaral ng ebanghelyo at makapagpabalik-loob ng maraming tao. Ngunit hindi ka matapat, mapanlinlang ka pa rin, at hindi ka talaga nagbago, kaya maliligtas ka ba? Talagang hindi. Kung kaya’t ipinaaalala ng mga salitang ito ng Diyos sa lahat na, upang maligtas, kailangan muna nilang maging matapat alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kailangan nilang magtapat, ilantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang mga intensyon at lihim, at hanapin ang daan ng liwanag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Kaugnay na mga Himno
Pinagpapala ng Diyos Yaong mga Matapat