28. Ano ang tinutukoy ng kaligtasan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ano ang kahalagahan sa huli ng pananalig ng mga tao? Sa madaling salita, ito ay upang maligtas. … Sa madaling salita, ang pagiging naligtas ay nangangahulugan na magagawa mong magpatuloy na mabuhay, na ikaw ay pinanumbalik sa buhay. Namumuhay ka dati sa kasalanan, at nakatakda para sa kamatayan—gaya ng nakikita ng Diyos, ikaw ay patay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Sa ilalim ng kaninong kapangyarihan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kung gayon, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspekto katulad ng kanilang espiritu at mga kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay, sila ay mga naglalakad na bangkay. Sa panlabas, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit ang lahat ng palagi mong iniisip ay masama, pagsuway sa Diyos at pagrerebelde laban sa Diyos, ang lahat ng iyong iniisip ay mga bagay na kinapopootan, kinamumuhian, at kinokondena ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay hindi lamang sa laman, kundi ang mga ito ay lubusang kay Satanas at sa mga diyablo. Kaya, sa mga mata ng Diyos, tao pa nga ba ang tiwaling sangkatauhan? Hindi, sila ay mga halimaw, diyablo, at mga Satanas; sila ay mga Satanas na buhay! Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kalikasan at disposisyon ni Satanas, at ayon sa nakikita ng Diyos, sila ay mga Satanas na buhay at nakadamit sa laman ng tao, mga diyablo na nasa balat ng tao. Inilalarawan ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang ang mga patay. Ginagawa na ngayon ng Diyos ang gawain ng pagliligtas, na nangangahulugan na kukunin Niya ang mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa tiwaling diwa nito—ang mga patay—at gagawin Niya silang mga taong buhay. Iyan ang kahalagahan ng pagiging naligtas. Naniniwala sa Diyos ang isang tao upang maligtas—ano ang ibig sabihin ng maligtas? Kapag natamo ng isang tao ang pagliligtas ng Diyos, sila ang mga patay na nagiging buhay. Minsan man silang naging kay Satanas, na nakatakdang mamatay, ngayon ay nabuhay na sila bilang mga taong nasa panig ng Diyos. Kung kaya ng mga taong magpasakop sa Diyos, makilala Siya, at yumukod sa Kanya sa pagsamba kapag nanampalataya at sumunod sila sa Diyos, kung wala na silang paglaban at paghihimagsik sa Diyos sa kanilang puso, at Siya ay hindi na nila lalabanan o tutuligsain, at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mga taong buhay. … Para sa huli ay maligtas at maging isang taong buhay ang isang tao, dapat na kahit paano ay magagawa niyang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magsabi ng mga salita ng konsensiya at katwiran, at dapat nag-iisip siya at kumikilatis, kayang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, kayang magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Ganyan ang isang tunay na taong buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao
Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga pag-aari ni Satanas. Kung hindi sila inililigtas ng Diyos at hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensiya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging mga buhay na tao. Hindi makakapagpatotoo sa Diyos ang mga ganitong taong patay, ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihingi Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nakakaunawa sa mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi nagsasagawa sa katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ginagamit ni Satanas. Ipinapamalas ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, walang awa, malupit, tuso, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, sila ay mga naglalakad na bangkay lang, mga humihingang patay na tao. Lubos na walang kakayahang matugunan ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na nagpapasakop sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang ipinapamuhay nila ay ganap na mga pagbubunyag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at makita ng Diyos na karapat-dapat, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagpupungos ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Ang mga buhay ay yaong mga nailigtas na ng Diyos; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang ilaan ang kanilang sarili at masayang ibigay ang kanilang buhay para sa Diyos, at malugod nilang igugugol ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay ang maaaring magpalaganap ng gawain ng ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at tanging ang mga buhay ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na magpasakop sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam magpasakop sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang sambahayan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Sa anong bagay ba pangunahing tumutukoy ang kaligtasan? Pangunahin itong tumutukoy sa pagbabago sa disposisyon. Tanging kapag nabago na ang disposisyon ng isang tao ay saka lamang niya maiwawaksi ang impluwensiya ni Satanas at saka siya maililigtas. Samakatwid, sa panig ng mga sumasampalataya sa Diyos, isang malaking isyu ang pagbabago sa disposisyon. Kapag nagbago na ang disposisyon ng isang tao, isasabuhay niya ang wangis ng tao at ganap niyang matatamo ang kaligtasan. Posible na ang isang tao ay maaaring hindi gaanong kaakit-akit tingnan, may-kaloob, o talentado, maaaring pautal-utal siya at hindi siya mahusay magsalita, o magandang manamit, at maaaring napakaordinaryo niyang tingnan sa panlabas, pero may kakayahan naman siyang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya, sa halip na kumilos ayon sa sarili niyang kalooban o magpakana para sa sarili niyang kapakanan, at kapag inuutusan siya ng Diyos na gumanap ng tungkulin, nagagawa niyang magpasakop sa Kanya at tapusin kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa kanya. Sa palagay ninyo, anong uri ng tao ito? Bagamat sa panlabas ay hindi siya kaakit-akit o kaaya-ayang tingnan, may puso siyang may takot at nagpapasakop sa Diyos, at sa bagay na ito nabubunyag ang kanyang mga kalakasan. Kapag nakita ito ng mga tao, sasabihin nila, “May matatag na disposisyon ang taong ito, at kapag may mga nangyayari, kaya niyang maghanap nang tahimik sa harapan ng Diyos nang hindi nagiging walang ingat o gumagawa ng kahangalan o katangahan. Mayroon siyang seryoso at responsableng saloobin; masunurin siya at kaya niyang ialay nang husto ang kanyang sarili para tapat na tuparin ang kanyang tungkulin.” May pagpipigil ang taong ito sa kung paano siya magsalita at kumilos, mayroon siyang normal na pagkamakatwiran, at batay sa isinasabuhay niya at sa disposiyong ipinapakita niya, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may mga prinsipyo ba sa kanyang mga kilos? Siguradong hinahanap niya ang mga prinsipyo at hindi siya walang-ingat na gumagawa ng mga maling gawa. Ito ang resultang makakamit sa huli ng pagsasagawa sa katotohanan at ng paghahangad ng pagbabago sa disposisyon. Sukat at tumpak ang kanyang pananalita, hindi siya walang-ingat kung magsalita, kumikilos siya sa paraang nakakapanatag ng kalooban at katiwa-tiwala, at taglay niya ang mga realidad ng pagpapasakop sa Diyos at ng paglayo sa kasamaan. Makikita ang lahat ng pagpapamalas na ito sa taong ito. Isa itong taong nakapasok na sa katotohanang realidad, at nagbago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga mapaghimagsik na disposisyon, nakakahiya ang karumihan nito, at ito ay isang bagay na hindi malinis. Masyadong nag-iimbot ang mga tao sa kasiyahan ng laman at nagbibigay ng labis na ekspresyon sa laman; ito ang dahilan kaya kinamumuhian ng Diyos ang laman ng tao sa ganoon kalaking antas. Kapag iwinaksi ng mga tao ang marumi, at tiwaling mga bagay ni Satanas, nakakamit nila ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung hindi pa rin nila iwinawaksi ang karumihan at katiwalian, nabubuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang pagpapakana at pakikipaglaban, panlilinlang, at pagiging baliko ng mga tao ay pawang mga bagay ni Satanas. Ang pagliligtas sa iyo ng Diyos ay upang palayain ka mula sa mga bagay na ito ni Satanas. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkamali; lahat ng ito ay ginagawa upang iligtas ang mga tao mula sa kadiliman. Kapag umabot ka na sa punto sa iyong pananampalataya sa Diyos kung saan magagawa mong alisin sa iyong sarili ang katiwalian ng laman, at hindi na nalilimitahan ng katiwaliang ito, hindi ba naligtas ka na? Kung nabubuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, wala kang kakayahang maipamalas ang Diyos, ikaw ay marumi, at hindi mo matatanggap ang pamana ng Diyos. Kapag nalinis at nagawa ka nang perpekto, ikaw ay gagawing banal, magiging isa kang normal na tao, at pagpapalain ka ng Diyos at magiging kalugod-lugod ka sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)
Maraming tao ang hindi malinaw na nakikita kung ano ang ibig sabihin ng makamit ang kaligtasan. Iniisip ng ilang tao na kung matagal na silang nananampalataya sa Diyos, malamang ay maliligtas sila. Iniisip ng ilang tao na kung marami silang nauunawaang espirituwal na doktrina, malamang ay maliligtas sila. At iniisip ng ilan na kung magiging mga lider at manggagawa sila, tiyak na maliligtas sila. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi ay dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng makamit ang kaligtasan. Ang pagkamit ng kaligtasan ay pangunahing nangangahulugan na makawala mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para makawala mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Upang magkamit ng katotohanan, dapat sangkapan ng mga tao ang kanilang sarili ng maraming salita ng Diyos, at dapat nilang maranasan ang mga salita ng Diyos at isagawa ang mga ito, upang maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sila sa realidad—saka lamang sila maliligtas. Kung maliligtas ba ang isang tao o hindi ay walang kinalaman sa kung gaano na siya katagal nananampalataya sa Diyos, kung gaano na kaabante ang kanyang kaalaman, kung nagtataglay ba siya ng mga kaloob at kalakasan, o kung gaano na karami ang kanyang pinagdusahan. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa pagkamit ng kaligtasan ay kung nakakamit ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya, ilang katotohanan na ba ang naunawaan mo ngayon sa puso? At ilan na sa mga salita ng Diyos ang naging buhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin na ang napasok mo? Pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, gaano na karami sa realidad ng mga salita ng Diyos ang napasok mo? Kung hindi mo alam, o kung hindi ka pa nakakapasok sa realidad ng alinman sa mga salita ng Diyos, hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang bagay na totoo: Wala kang pag-asang maligtas—imposibleng makamit mo ang kaligtasan. Kahit na maaaring mataas ang kaalaman mo, matagal ka nang nananampalataya sa Diyos, may magandang hitsura, at mahusay magsalita, at naging isang lider o manggagawa pa nga sa loob ng ilang taon—kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo maayos na isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, at wala kang anumang tunay na patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay mananatili kang walang pag-asa na maligtas. Wala Akong pakialam kung ano ang hitsura mo, kung dalubhasa ka sa gaano man karaming kaalamang siyentipiko, kung gaano ka nagdusa, o kung gaano kalaking halaga ang ibinayad mo; sinasabi Ko sa iyo ito: Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi ka kailanman makakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, hindi ka maliligtas—tiyak ito. Sabihin mo sa Akin kung gaano na karami ang napasok mo sa realidad ng mga salita ng Diyos, at sasabihin Ko sa iyo kung gaano kalaki ang pag-asa mo sa kaligtasan. Ngayong nasabi Ko na sa inyo ang pamantayan para sa pagsukat nito, dapat ay kaya na ninyong sukatin ito nang kayo lang. Anong katunayan ang sinasabi sa inyo ng mga salitang ito? Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, isinakatuparan ng Diyos ang lahat ng uri ng katunayan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, isinasakatuparan ang bawat katunayang nilayon Niyang kompletuhin, at isinagawa rin ng Diyos ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Ngayon, ginagawa ng Diyos ang ikatlong yugto ng Kanyang gawain, at sa yugtong ito ng gawain, mas maraming salita ang binibigkas ng Diyos kaysa sa alinmang yugto. Ito ang panahon sa buong kasaysayan ng tao kung kailan pinakamaraming sinasalita ang Diyos sa Kanyang gawain. Na kayang gamitin ng Diyos ang mga salita para likhain ang mundo, para isakatuparan ang lahat ng katunayan, para pairalin ang lahat ng katunayan mula sa wala, at mula sa pag-iral ay maging wala—ito ang awtoridad ng mga salita ng Diyos. At sa huli, gagamitin din ng Diyos ang mga salita para isakatuparan ang katunayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Ngayon, nakita ninyong lahat ang katunayang ito. Sa mga huling araw, walang ginawang gawain ang Diyos na hindi nauugnay sa Kanyang mga salita; tuloy-tuloy Siyang nagsasalita, ginagamit ang Kanyang mga salita para akayin ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito. Siyempre, habang nagsasalita, ginagamit din ng Diyos ang Kanyang mga salita para panatilihin ang Kanyang ugnayan sa mga sumusunod sa Kanya, at ginagamit ang Kanyang mga salita para akayin sila. Ang mga salitang ito ay napakahalaga para sa mga nananampalataya at sumusunod sa Diyos, ibig sabihin, sa mga nais iligtas ng Diyos. Gagamitin ng Diyos ang mga salitang ito para isakatuparan ang katunayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Ipinapakita nito na, tingnan man natin ang mga salitang ito batay sa nilalaman o sa bilang ng mga ito, anumang uri ng mga salita ang mga ito, at sa alinmang bahagi ng mga salita ng Diyos nabibilang ang mga ito, lahat ng ito ay napakahalaga sa bawat isa na nagnanais na maligtas. Nilalayon ng Diyos na gamitin ang mga salitang ito para makamit ang panghuling resulta ng Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Sa sangkatauhan—sa sangkatauhan man ngayon o sa hinaharap—ang mga salitang ito ang pinakamahalaga. Gayon ang saloobin ng Diyos, gayon ang layon at kahalagahan ng Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng sangkatauhan? Dapat makipagtulungan ang sangkatauhan sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang gawain, at huwag balewalain ang mga ito. Pero hindi ganoon ang paraan ng pananalig ng ilang tao sa Diyos: Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga salita ng Diyos. Hinahangad pa rin nila kung ano ang gusto nila, ginagawa kung ano ang gusto nila, at hindi hinahanap ang katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Hindi ganito ang pagdanas sa gawain ng Diyos. May iba na binabalewala kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, na may iisang paninindigan lamang sa kanilang puso: “Gagawin ko ang anumang hinihingi ng Diyos, kung sinasabi ng Diyos na pumunta ako sa kanluran, pupunta ako sa kanluran, kung sinasabi Niyang pumunta ako sa silangan, pupunta ako sa silangan, kung sinasabi Niya na mamatay ako, ipapakita ko sa Kanya ang pagkamatay ko.” May isa nga lang problema: Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Iniisip nila, “Napakarami ng mga salita ng Diyos, dapat mas madaling unawain ang mga ito, at dapat sabihin ng mga ito sa akin kung ano ang eksaktong dapat gawin. Magagawa kong magpasakop sa Diyos sa puso ko.” Kahit gaano pa karaming salita ang sabihin ng Diyos, nananatiling walang kakayahan sa huli ang gayong mga tao na maunawaan ang katotohanan, ni hindi sila makapagsalita tungkol sa kanilang kaalamang batay sa karanasan. Para silang mga di-eksperto na walang espirituwal na pang-unawa. Sa tingin ba ninyo ay mahal ng Diyos ang gayong mga tao? Nais ba ng Diyos na maging maawain sa gayong mga tao? (Hindi.) Siguradong ayaw Niya. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Sinasabi ng Diyos, “Nagsalita na Ako ng di-mabilang na libo-libong salita. Paanong, gaya ng isang bulag at bingi, hindi mo pa nakita ni narinig ang mga ito? Ano ba talaga ang iniisip mo sa iyong puso? Nakikita kita bilang isang taong labis lamang na naghahangad sa mga pagpapala at sa magandang hantungan—hinahangad mo ang mga layon na katulad ng kay Pablo. Kung ayaw mong makinig sa Aking mga salita, kung hindi mo nais sumunod sa Aking daan, bakit ka sumasampalataya sa Diyos? Hindi kaligtasan ang habol mo, ang habol mo ay ang magandang hantungan at ang pagnanais para sa mga pagpapala. At dahil ito ang binabalak mo, ang pinakaangkop para sa iyo ay ang maging trabahador.” Sa katunayan, ang pagiging tapat na trabahador ay pagpapamalas din ng pagpapasakop sa Diyos, pero ito ang pinakamababang pamantayan. Ang pananatili bilang tapat na trabahador ay mas mainam kaysa sa malugmok sa perdisyon at pagkawasak gaya ng isang walang pananampalataya. Sa partikular, ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay nangangailangan ng mga trabahador, at ang makapagtrabaho para sa Diyos ay itinuturing din bilang isang pagpapala. Mas mabuti ito—hindi hamak na mas mabuti—kaysa maging alipores ng mga haring diyablo. Subalit hindi ganap na nakalulugod sa Diyos ang pagtatrabaho para sa Diyos, dahil ang gawain ng paghatol ng Diyos ay para iligtas, linisin, at gawing perpekto ang mga tao. Kung kontento na ang tao sa pagtatrabaho lamang para sa Diyos, hindi ito ang layuning nais makamit ng Diyos sa paggawa sa mga tao, ni hindi ito ang epektong nais makita ng Diyos. Pero matindi ang pagnanais ng mga tao, mga hangal at bulag sila: Nagayuma, nilamon sila ng ilang maliit na pakinabang, at binabalewala nila ang mahahalagang salita ng buhay na sinambit ng Diyos. Ni hindi nila sineseryoso ang mga ito, lalong hindi pinapahalagahan ang mga ito. Ang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos o ang hindi pagpapahalaga sa katotohanan: matalino ba ito o hangal? Makakamit ba ng mga tao ang kaligtasan sa ganitong paraan? Dapat maunawaan ng mga tao ang lahat ng ito. May pag-asa lang sila sa kaligtasan kung isasantabi nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at tututok sa paghahangad sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos
Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tunay na kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa tao na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sa gayon ay matamo ng tao ang takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspekto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspekto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala kung ano ang negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa kontrol ni Satanas, at mula sa mga paratang, panggugulo, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, ang kanilang pananalig sa Diyos at takot sa Diyos, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananalig, may pagpapasakop, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang humiwalay kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at lubusan nilang tinalo si Satanas. Ang kanilang pananalig sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nakalalampas sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na iniligtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong iniligtas ng Diyos ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga iniligtas ng Diyos ay nagtataglay ng pagkamatapat, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at pagkamuhi, may pagpapahalaga sila sa katarungan at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magpakita ng pagsasaalang-alang sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Kapag hindi pa nailigtas ang mga tao, ang mga buhay nila ay madalas na ginugulo, at kinokontrol pa nga, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang malupit ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang normal na pag-iral na masasabi, at lalong wala silang dignidad na masasabi. Kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas, gamit ang iyong pananalig, at pagpapasakop sa Diyos at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, saka lang nito ganap na aabandonahin ang mga atake at akusasyon nito laban sa iyo, at sa puntong iyon, ikaw ay maliligtas at lalaya. Kung ikaw ay determinado lang na lubusang humiwalay mula kay Satanas, ngunit wala kang mga epektibong sandata para talunin si Satanas, ikaw ay nasa malaking panganib pa rin. Sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili mula sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, ibig sabihin, kapag ipinapahayag na ang kongklusyon ng gawain ng Diyos, kung mahigpit ka pa ring hawak ni Satanas, kung saan hindi mo magawang makalaya, hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananampalataya sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manampalataya, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, intensiyon at layon sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at matatag na hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o kaya naman ay pinagdurusa, pinahihirapan, itinutulak palabas, sinusupil, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makatatagal ang kaawa-awa at walang kabuluhan mong buhay, at malalanta ito; hindi ka na magkakaroon ng pananalig sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang diyos! Nasaan ba ang diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi na naniniwalang Siya ay umiiral; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang mamalayan at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na pinamumunuan ng disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang lider o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang gayong mga tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, sinasandigan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayumpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mapapalaya ang iyong sarili mula sa panganib na ito, ikaw ay sakripisyo ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan
Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, nasa bingit na kayo ng kapahamakan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananalig ka, na manampalataya sa Diyos sa ngalan lamang. Hindi mahalaga kung gaano karaming salita at doktrina ang nagagawa mong bigkasin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananampalataya mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananampalataya sa Diyos. Sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na taong gumagawa ng masama. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos; hindi mo na Siya magiging Panginoon o ang iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nagagawa nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha; nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at tinatahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sila ay mga taong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananalig sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba na umasa sa swerte ang mga tao kapag nananampalataya sila sa Diyos? Sa kanilang pananalig sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, manampalataya sa Kanya gaya ng hinihingi Niya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito—anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat umasa sa suwerte. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.
Ngayong narinig na ninyo ang mga salitang ito, dapat nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Anuman ang gusto ng mga tao, anuman ang hinahangad nila, o anuman ang pinakagusto nilang gawin, wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananalig mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sinasampalatayanan at pasalita mong kinikilala ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi ang Panginoon mo, hindi Siya ang Diyos mo; hindi mo tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng ipinamamatnugot ng Diyos para sa iyo, at hindi mo kinikilala ang katunayan na ang Diyos ang katotohanan. Sa kasong ito, ang pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak na. Kung hindi ka tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalago kang pakiramdam na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha at sumasamba sa Lumikha, at nadarama na ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung lalo ka pang nagagalak na magpasakop sa lahat ng ipinamamatnugot at isinasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Kaugnay na mga Himno
Yaon Lamang mga Tumatalo kay Satanas ang Maliligtas
Kakamtin Lang ng Diyos Iyong mga Lubos na Nagtatagumpay kay Satanas
Ang Tao ay Naliligtas Kapag Iwinawaksi Nila ang Impluwensiya ni Satanas