Tanong 4: Ang mga sinabi niyo ang paghahangad natin sa pagbabalik ng Panginoon at sa pagdadala sa ’tin sa alapaap ay nagmula lang talaga sa pagkaintindi at imahinasyon ng tao. Seryosong naipagkanulo na natin ang mga salita ng Panginoon. Dahil do’n, pa’no tayo ngayon maghihintay sa pagbabalik ng Panginoon at sa pagdadala sa atin sa alapaap? Pwede mo ba ’yong ipaliwanag pa nang mas detalyado?
Sagot: Ang pag-asam ng mga santo na madala sa alapaap ay base sa sariling mga salita ng Panginoong Jesus. “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon” (Juan 14:2–3). Iniinterpreta natin ang mga salita ng Panginoong Jesus ayon sa mga sarili nating pagkaintindi at imahinasyon. Iniisip nating dahil umakyat sa langit ang Panginoong Jesus gamit ang alapaap, ang lugar na inihanda ng Panginoon para sa sangkatauhan ay marahil nasa langit. Samakatuwid, hinihintay natin na magbalik ang Panginoong Jesus at iakyat tayo sa langit. Bukod pa ro’n, partikular nating iginagalang ang mga salita ni Pablo: “Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay titipuning kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailanman” (1 Tesalonica 4:17). Samakatuwid, nagsimula tayong umasa na iaakyat tayo sa langit ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik. Iba-iba ang pagkakaintindi ng iba’t ibang tao tungkol sa pagdadala sa alapaap. Iniisip ng karamihan sa mga tao na pagdating ng Panginoon, iaakyat Niya sa langit ang mga santo para makita Siya. Inasam natin ang ganitong uri ng pagdadala sa alapaap sa loob ng maraming taon. Bueno, ano ba talaga ang pagdadala sa alapaap? Hindi pa malinaw sa karamihan sa mga tao ang tungkol do’n. Ang hiwaga ng pagdadala sa alapaap sa mga santo ay nabunyag lang nang dumating ang Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ‘matipon’ ay hindi nangangahulugan na madadala mula sa isang mababang lugar patungo sa isang mataas na lugar, gaya ng maaaring iniisip ng mga tao; malaking pagkakamali iyan. Ang ‘matipon’ ay tumutukoy sa Aking pagtatalaga at pagkatapos ay pagpili. Nakaukol ito sa lahat ng Aking itinalaga at pinili. … Lubha itong hindi tugma sa mga kuru-kuro ng mga tao. Sila na magkakaroon ng bahagi sa Aking bahay sa hinaharap ay ang lahat ng natipon sa Aking harapan. Ito ay walang pasubaling totoo, hindi nagbabago kailanman, at hindi maaaring pabulaanan. Ito ang Aking ganting-atake laban kay Satanas. Sinumang Aking itinalaga ay matitipon sa harap Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 104). Tunay ngang malinaw ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ang pagdadala” ay hindi gaya ng iniisip natin—ang pag-angat sa hangin mula sa lupa at pagsalubong sa Panginoon sa alapaap. Hindi rin ’yon pag-akyat sa langit. Ibig sabihin, pag bumalik ang Diyos sa lupa para sabihin ang Kanyang mga salita at gawin ang Kanyang gawain, maririnig natin ang tinig ng Diyos at masusunod natin Siya at matatalima natin ang gawain Niya sa mga huling araw. Ito ang tunay na kahulugan ng maagaw paitaas sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng nakakakilala sa tinig ng Panginoon, nakakakita sa katotohanan sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, tumatanggap sa katotohanan, at nagbabalik sa Makapangyarihang Diyos ay ang matatalinong birhen. Sila ang mga ginto, pilak at mamahaling bato na ninakaw ng Panginoon at ibinalik sa tahanan Niya dahil silang lahat ay may mahuhusay na kakayahan at kayang umunawa at tumanggap sa katotohanan. Kaya nilang unawain ang tinig ng Diyos. Sila ang mga tunay na nakatanggap ng pagdadala sa alapaap. Sila ang mga mananagumpay na malilikha kapag ginawa na ng Diyos ang Kanyang gawain habang palihim Siyang bumababa sa lupa sa mga huling araw. Magmula nang simulan ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw, marami sa mga taong tunay na nauuhaw sa wangis ng Diyos ay nakakikilala na sa tinig Niya at sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sunud-sunod nilang tinanggap ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Inagaw sila paitaas sa harap ng trono ng Diyos para makita nila Siya nang harapan at tinanggap nila ang pagdidilig at pag-aaruga ng Kanyang mga salita. Nakamit nila ng tunay na karunungan ng Diyos. Nalinis ang marurumi nilang disposisyon at nagawa nilang isabuhay ang reyalidad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Nakamit na nila ang masaganang kaligtasan ng Diyos. Ang mga taong ’yon ay ginawa nang mga mananagumpay bago ang pagdating ng malalaking sakuna. Nakuha sila ng Diyos bilang mga unang bunga. Ang mga humahawak sa mga sarili nilang pagkaintindi at imahinasyon at bulag na naghihintay na dumating ang Panginoon at iakyat sila sa langit, silang mga tumatanggi sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang mga hangal na birhen. Sila ang mga iiwan ng Diyos. Nakatakda silang maghirap sa mga sakuna; iiyak sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Katotohanan ito.
mula sa iskrip ng pelikulang Paggising mula sa Panaginip