11. Bakit dapat gampanan nang maayos ng mga mananampalataya sa Diyos ang kanilang mga tungkulin
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, may mga hinihingi ang Diyos sa mga tao, at ang mga hinihinging ito ang tungkulin nila. Malinaw na ang tungkulin ng mga tao ay nagmumula sa gawain ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilalang sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pagpatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananalig sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat sa pagpaparangal—ito ay isang positibong bagay. … Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, at isinakatuparan Niya ang isang karagdagang yugto ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila. Kaya, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Samakatwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakita ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya hinahayaang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang madalisay at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)
Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi dedikado sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng kahihiyan sa harap niyong mganamartir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na makipagtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gawain na nangangailangan ng pakikipagtutulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin. Kung wala ang gawain ng pamamahala ng Diyos, magkakaroon kaya ang mga tao sa lupa—paano man sila namumuhay—ng mga tungkulin? Hindi. Ngayon ay malinaw mo nang nakikita. Saan nauugnay ang tungkulin ng isang tao? (Nauugnay ito sa gawain ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.) Tama iyan. Direktang magkaugnay ang mga tungkulin ng sangkatauhan, ang mga tungkulin ng mga nilikha, at ang gawain ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabing kapag wala ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at kapag wala ang gawain ng pamamahala ng nagkatawang-taong Diyos na inilunsad Niya sa mga tao, walang magiging anumang tungkulin ang mga tao. Nagmumula ang mga tungkulin sa gawain ng Diyos; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, mahalaga ang tungkulin para sa lahat ng mga tao na sumusunod sa Diyos, hindi ba? Ito ay napakahalaga. Sa pangkalahatan, nakikibahagi ka sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos; sa mas partikular, tumutulong ka sa iba’t ibang uri ng trabaho ng Diyos na hinihingi sa iba’t ibang oras at sa iba’t ibang grupo ng tao. Kahit ano pa ang iyong tungkulin, ito ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Minsan ay maaaring hinihingi sa iyo na bantayan o pangalagaan mo ang isang mahalagang bagay. Maaaring ito ay isang medyo maliit na bagay na masasabi lamang na iyong responsabilidad, subalit isa itong gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos, tinanggap mo ito mula sa Kanya. Tinanggap mo ito mula sa mga kamay ng Diyos, at ito ang iyong tungkulin. Kung pag-uusapan ang pinaka-ugat ng usapin, ang iyong tungkulin ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Pangunahin na kabilang dito ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, pagpapatotoo, paggawa ng mga bidyo, pagiging isang lider o manggagawa ng iglesia, o maaaring ito ay isang gawain na mas mapanganib pa at mas mahalaga. Ano’t anuman, hangga’t may kinalaman ito sa gawain ng Diyos at sa pangangailangan ng gawain para sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat tanggapin ito ng mga tao bilang isang tungkulin na mula sa Diyos. Ang tungkulin, sa pangkalahatan, ang misyon ng isang tao, isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos; sa mas partikular, ito ang iyong responsabilidad, ang iyong obligasyon. Dahil ito ang iyong misyon, isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ang iyong responsabilidad at obligasyon, ang pagtupad sa iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga personal na usapin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?
Ngayon ay kailangang malinaw na sa inyo ang pangitaing ito: Napakahalaga sa pananampalataya sa Diyos ang paggampan sa inyong tungkulin. Ang pinakamahalagang aspeto ng pananampalataya sa Diyos ngayon ay ang pagganap sa tungkulin. Kung hindi magagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin, hindi magkakaroon ng realidad. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at unti-unti silang magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, unti-unting natutukoy ng mga tao ang kanilang mga problema, at nakikilala ang kanilang tiwaling disposisyon at diwa. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa kanilang sarili, unti-unting matutuklasan ng mga tao kung ano talaga ang hinihingi sa kanila ng Diyos. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano talaga ang sinasampalatayaan ninyo kapag sumasampalataya kayo sa Diyos? Sa katunayan, isa itong pananampalataya sa katotohanan, isang pagtatamo ng katotohanan. Tinutulutan ng pagganap sa tungkulin ang pagtatamo ng katotohanan at buhay. Hindi matatamo ang katotohanan at buhay kung wala ang pagganap sa tungkulin. Magkakaroon ba ng realidad kung sumasampalataya ang isang tao sa Diyos nang hindi gumaganap ng tungkulin? (Hindi.) Hindi magkakaroon ng realidad. Kaya, kung hindi mo ginagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa sandaling ikaw ay matiwalag, ipakikita nitong nabigo kang sumampalataya sa Diyos. Kahit pa sinasabi mong sumasampalataya ka sa Kanya, nawalan na ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Isa itong bagay na kailangang lubus-lubusang maintindihan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag ang katauhan ng pagka-Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at yaong likas na nakakamit ng Diyos ay hindi umiiral sa kanyang kalooban. Kung mawala sa tao ang likas na makakamit niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilalang o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya. Bukod pa riyan, hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Bukod sa hindi nila kinamumuhian ang kanilang masasamang gawa, kundi tahasan nilang ipinalalaganap ang ideya na ang daan ng Diyos ay mali, at yaong mga suwail ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong pagkasuwail, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Yaong mga hindi tumutupad ng kanilang tungkulin ay napakasuwail sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit tumatalikod sila at ipinangangalandakan na mali ang Diyos. Paano magiging karapat-dapat ang gayong uri ng tao na magawang perpekto? Hindi ba sa kanila magsisimula ang pagtitiwalag at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinaka-kahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at makipagtagisan sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang surutin ng kanilang budhi at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kamuhian ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagkasuwail at pagkatiwali, at bukod pa riyan, dapat nilang ibigay ang kanilang buhay sa Diyos. Saka lamang sila magiging mga nilalang na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gampanan man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang mainam, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t sinusuyo ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at mga posibilidad? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay talagang natural at makatuwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Hudas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan nilang ang mga tagubiling ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagpupuri at natatanging pabor mula sa Diyos, at na ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang talikdan. Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakakatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa kapagnagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos ang isang tao matapos magdanas ng paghatol. Ang magdusa sa kasawian ay tumutukoy sa kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol; hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit nakakatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdursa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Dapat ninyong tuparin ang inyong sariling tungkulin nang may bukas at tapat na mga puso, at maging handang magbayad ng anumang kinakailangang halaga. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang nagdusa o nagbayad para sa Kanya. Ang ganitong uri ng matibay na paniniwala ay karapat-dapat panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan Ko lamang mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi Ko makakayang ipagpalagay ang Aking isipan, at magpakailanman kayong magiging mga layon ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensya, at ibibigay ang inyong lahat para sa Akin, nang walang hindi pagsusumikapan para sa Aking gawain, at mag-uukol ng buong buhay na pagsusumikap sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t laging lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
Ngayon, minamahal Ko ang sinumang maaaring sumunod sa Aking kalooban, ang sinumang maaaring magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking mga pasanin, at ang sinumang maaaring magbigay ng kanilang lahat-lahat para sa Akin nang taos-puso at tapat, at patuloy Ko silang liliwanagan, at hindi Ko sila hahayaang makalayo sa Akin. Malimit Kong sabihing, “Sa mga taong taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” Ano ang tinutukoy ng “pagpapalain”? Alam mo ba? Sa konteksto ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, tumutukoy ito sa mga pasaning ibinibigay Ko sa iyo. Para sa lahat ng nagagawang bumalikat ng pasanin para sa iglesia, at taos na inaalay ang kanilang sarili sa Akin, ang kanilang mga pasanin at kanilang kasigasigan ay kapwa mga pagpapalang nagmumula sa Akin. Dagdag pa rito, ang Aking mga paghahayag sa kanila ay isa ring pagpapala mula sa Akin. Ito ay dahil yaong mga walang pasanin ngayon ay hindi Ko paunang itinalaga at hinirang; sumapit na ang Aking mga sumpa sa kanila. Sa madaling salita, yaong mga paunang itinalaga at hinirang Ko ay may bahagi sa mga positibong aspeto ng Aking naipahayag, samantalang yaong mga hindi Ko paunang itinalaga at hinirang ay makakabahagi lamang sa mga negatibong aspeto ng Aking mga pahayag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 82
Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, siguradong mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, siguradong gagamit sila ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahanap sa Akin, siguradong makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, siguradong papasok sila sa Aking nasasakupan at magmamana ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, yayakapin Ko nang may kagalakan ang mga gumugugol para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga kasiyahan ang mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nasisiyahan sa Aking mga salita; siguradong magiging mga haligi sila na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, siguradong magkakaroon sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking bahay, at walang maikukumpara sa kanila. Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng Aking liwanag. Siguradong kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao, bilang patunay sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19
Kaugnay na mga Himno
Ang Pagsasagawa ng mga Salita ng Diyos at Pagpapalugod sa Diyos ang Unahin