Tanong 8: Sa loob ng 2,000 taon, pinagtibay ng mga relihiyon ang pininiwala na ang Biblia ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, na lahat ng iyon ay salita ng Diyos, kaya kinakatawan ng Biblia ang Panginoon. Yaong mga nagkakaila na ang Biblia ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos at ang Kanyang salita ay talagang huhusgahan at tatawaging erehe (heretic) ng mga relihiyon. Ang pagkaunawa ko ba rito ay mali?
Sagot: Maraming tao sa mga relihiyon ang naniniwala na ang buong Biblia ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at puro salita ng Diyos. Malinaw na ito ay maling paniwala! Lahat ng sulat at karanasan at patotoo ng mga apostol na nasa Biblia ay malinaw na isinasaad ang may-akda. Malinaw na ang Biblia ay isinulat ng mga tao sa iba’t ibang kapanahunan. Paano pa maipapakahulugan na salita ng Diyos ang mga patotoo ng kanilang karanasan? Kung tatanggapin natin ang iniisip ng mga relihiyon, malinaw na ang mga may-akda ng Biblia ay puro mga tao, ngunit kahit paano’y naging mga salita ng Diyos ang kanilang mga salita. Anong klaseng pangangatwiran ito? Ang diwa ng Diyos at ng tao ay magkaiba, Diyos lamang ang makasasambit ng salita ng Diyos. At salita lamang ng tao ang masasambit ng tao. Kung igigiit natin na ang salita ng tao ay totoong salita ng Diyos, ang tanong ko, lahat ba ng may-akda ng Biblia ay Diyos? Sinong makakapagpatotoo niyan? Sinabi ba nila na Diyos sila? Sinabi ba nila na lahat ng salita nila ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos? Ano ang masasabi n’yo sa tanong na ito? Kung sinasabi n’yo na Diyos silang lahat, malinaw na taliwas ito sa totoong nangyari, dahil iisa lang ang Diyos. Gayundin, malinaw na lahat sila ay tao, ngunit iginigiit n’yo na totoong sila ang Diyos. Paglapastangan ’yan sa Diyos! Nakamamatay na kasalanan ’yan! Kung tatanggapin n’yo na lahat sila ay tao, ngunit paninindigan n’yo pa rin na ang mga salita nila ay puro mga salita ng Diyos, kabaligtaran ’yan ng totoong nangyari at kasinungalingan ’yan. Pagkontra ito sa Diyos at paglapastangan sa Kanya. Dahil, sa Biblia, maliban kay Moses at sa mga propeta, wala sa iba pang mga may-akda ang pinagbilinan ng Diyos na ipahayag ang salita ng Diyos. Hindi rin nila sinabi kailanman na may inspirasyon sila ng Diyos sa kanilang pagsulat. Kung walang gayong ebidensya ang isang tao ngunit sinasabi niya na ang mga taong ito ay nagpapahayag ng salita ng Diyos, makapal lang ang mukha niyang magbuga ng walang-katuturang bagay. Ang mga may-akda ng Lumang Tipan at Bagong Tipan ay pawang mga tao na ginamit ng Diyos. Naranasan nila ang gawain ng Diyos sa panahong iyon. May kaunting kaalaman sila tungkol sa Diyos, at may bigat na dinadala sa kanilang puso. Isinulat nila ang kanilang mga karanasan at patotoo at ibinahagi ang mga ito sa mga banal ng mga iglesia. Ngunit may ilang nakaramdam na ang mga karanasan at patotoong ito ay partikular na nagpapalakas ng loob nang mas matindi kaysa mga patotoo at karanasan ng karaniwang tao, at dahil dito ay nagkamali silang pikit-matang sumunod at sumamba sa mga ito, iniisip na ang kanilang mga salita ay nagmula nga sa Diyos, dahil ang karaniwang tao ay walang kakayahang magsulat ng gayong mga bagay, kaya nagkaroon ng ganitong mga maling pagkaintindi at maling paniwala, at ang mga maling pagkaintindi at maling paniwalang ito ay kumalat nang malayo at malawak at tinanggap ng maraming tao. Sa huli, iyon na ang pagkaintindi ng mga relihiyosong tao. Ang pinsalang dulot ng lahat ng ito ay halos hindi maarok. Kung hindi naparito ang Makapangyarihang Diyos, sino ang makababatid ng lahat ng ito? Sa kabila ng katotohanan na maraming nagsasabi na lahat ng bagay ay dapat umayon sa Biblia at sa salita ng Diyos, wala talagang sumusubok na mahiwatigan ang lahat ng ito ayon sa salita ng Diyos, at, bukod pa riyan, walang sumusubok na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang totoong mga pangyayari tungkol sa isyung ito.
Basahin natin ang ilan sa mga talata ng salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at ang Diyos ay Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay siyang mga tanging salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay nagmumula sa inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. … Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos?” “Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Sa maraming mga aklat sa Biblia matatagpuan ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3).
Dahil nabasa na natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakikita nating lahat na ang Biblia ay hindi ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos nang buung-buo, hindi puro salita ng Diyos. Patungkol sa kung aling mga bahagi ng Biblia ang salita ng Panginoon at alin ang mga salita ng mga tao, yaong may matang nakakahiwatig ay agad itong matutukoy. Sapagkat ang pangalan ng may-akda ay malinaw na nakasaad sa bawat talata ng Biblia, at malinaw ring nakasaad kung aling bahagi ng Biblia ang naglalaman ng mga salita ng Diyos. Kaya bakit wala man lang kaabug-abog, patuloy na tinanggap ng mga tao ang mga salita ng tao at ni Satanas na mga salita ng Diyos? Makatarungan ba ang pamamaraang ito ng pananalita? Kung igigiit ng mga nananalig sa Panginoon na ang mga salita ng tao na nasa Biblia ay totoong salita ng Diyos, ano sa palagay n’yo ang mararamdaman ng Diyos? Makatarungan ba ito sa Diyos? Hindi ba ito paninirang-puri, pagmahak at paglapastangan sa Diyos? Ano ang halaga ng salita ng tao sa mga mata ng Diyos? Bakit hindi tayo mag-isip sandali? Paano makakahambing ang salita ng tao sa salita ng Diyos? Napakalayo ng diwa ng tao sa diwa ng Diyos, kaya siyempre napakalayo ng mga salita ng tao sa salita ng Diyos. Kung, sa pamamagitan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, ang salita ng tao ay maaaring umayon sa katotohanan, malaking tagumpay na ’yan. Kung ang salita ng tao ay hindi nagagabayan ng gawain ng Banal na Espiritu, hindi ba maling pagkaintindi at kasinungalingan ito? Kung hindi ito nakikita ng mga nananalig sa Diyos, ikinalulungkot kong sabihin na napakahangal at napakamangmang nila! Sa panahong ito, itinuturing ng lahat ng relihiyon ang mga salita ng mga tao sa Biblia na mga salita ng Diyos. Ipinapakita nito na walang sinuman sa mga relihiyon ang talagang nakakakilala sa Diyos. Karamihan sa mga pinuno ng mga relihiyon ay mapagkunwaring mga Fariseo. Yaong mga tunay na kilala ang Diyos ay hindi maniniwala kailanman na ang Biblia ay ibinigay na lahat sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos at puro salita ng Diyos. Tiyak na hindi nila pikit-matang sasambahin ang Biblia at tatratuhin pang Diyos ang Biblia. Pinanghahawakan ng halos lahat ng relihiyon na ang Biblia ay ibinigay na lahat sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos at ang salita ng Diyos, at na ang Biblia ay maaaring kumatawan sa Diyos. Ito ang lubhang katawa-tawang maling paniwala sa lahat ng relihiyon.
mula sa iskrip ng pelikulang Sino ang Aking Panginoon