10. Paano danasin ang mga pagsubok at pagpipino
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nahaharap sa kalagayan ng tao at saloobin ng tao sa Diyos, gumawa ang Diyos ng bagong gawain, na nagpahintulot sa tao na makamit kapwa ang pagkakilala sa Kanya at pagpapasakop sa Kanya, at kapwa pag-ibig at patotoo. Kaya, kailangang maranasan ng tao ang pagpipino ng Diyos sa kanya, gayundin ang paghatol ng Diyos, at pagpupungos sa tao, kung wala ng mga ito ay hindi kailanman makikilala ng tao ang Diyos, at hindi kailanman makakaya na tunay na umibig at magpatotoo sa Kanya. Ang pagpipino ng Diyos sa tao ay hindi lamang para sa magiging epekto sa isang aspekto, ngunit para sa magiging epekto sa iba’t ibang aspekto. Kaya ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpipino sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan, upang ang determinasyon at pag-ibig nila ay magawang perpekto ng Diyos. Sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan at nananabik sa Diyos, walang anuman ang mas makahulugan, o lubhang makatutulong, kaysa sa pagpipino na kagaya nito. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi madaling nauunawaan o naaarok ng tao, sapagkat ang Diyos, sa bandang huli, ay Diyos. Sa huli, imposible para sa Diyos na magkaroon ng kaparehong disposisyon kagaya ng sa tao, at kaya hindi madali para sa tao na maunawaan ang Kanyang disposisyon. Ang katotohanan ay hindi likas na taglay ng tao, at hindi madaling maunawaan ng mga ginawang tiwali ni Satanas; ang tao ay walang katotohanan, at walang determinasyon na isagawa ang katotohanan, at kung hindi siya nagdurusa at hindi pinipino o hinahatulan, ang kanyang determinasyon ay hindi magagawang perpekto kailanman. Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at idinedeklara ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at higit na nalalaman ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal para sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbago sa buong paraan ng pamumuhay niya. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong magtataglay sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso, at lalong mabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanila. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang tataglayin niyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanya. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas malalim ang magiging paglago ng kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na iyong mga tao na sumasailalim sa labis na pagpipino at pagdurusa, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may masidhing pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na pagkakilala sa Diyos, at ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na pagkakilala. Ang masasabi lamang nila ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang matamasa nila Siya.” Kung naranasan ng mga tao na mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas dakila ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas dakila ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya. Ngayong mga huling araw, ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas. Talaga bang madali iyong magwawakas? Kapag nalupig na Niya ang sangkatauhan, matatapos na ba ang Kanyang gawain? Ganoon ba iyon kasimple? Iniisip ng mga tao na ganoon nga iyon kasimple, ngunit ang ginagawa ng Diyos ay hindi napakasimple. Ang bawat bahagi ng gawain na ginagawa ng Diyos ay hindi maarok ng tao. Kung nagawa mong arukin ito, mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay di-maarok; lubos itong salungat sa iyong mga kuru-kuro, at kapag mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas ipinakikita nito na makabuluhan ang gawain ng Diyos; kung kaayon ito ng iyong mga kuru-kuro, mawawalan ito ng kabuluhan. Ngayon, nadarama mo na ang gawain ng Diyos ay lubhang kamangha-mangha, at kapag mas kamangha-mangha ito sa pakiramdam mo, mas nadarama mo na ang Diyos ay di-maarok, at nakikita mo kung gaano kadakila ang mga gawa ng Diyos. Kung ang tanging ginawa Niya ay mababaw at pabaya na gawain upang lupigin ang tao at wala na Siyang ibang ginawa pagkatapos, mawawalan ng kakayahan ang tao na mamasdan ang kabuluhan ng gawain ng Diyos. Bagama’t tumatanggap ka ngayon ng kaunting pagpipino, malaki ang pakinabang nito sa iyong paglago sa buhay; kaya’t napakahalagang dumanas kayo ng gayong paghihirap. Ngayon, tumatanggap ka ng kaunting pagpipino, ngunit pagkatapos ay tunay mong mamamalas ang mga gawa ng Diyos, at sasabihin mo sa huli: “Lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos!” Ito ang sasambitin ng puso mo. Pagkaranas nila ng pagpipino ng Diyos sa loob ng ilang panahon (ang pagsubok sa mga tagapagserbisyo at ang panahon ng pagkastigo), sinabi ng ilang tao sa huli: “Mahirap talagang manampalataya sa Diyos!” Ang katunayan na ginamit nila ang mga salitang, “mahirap talaga,” ay nagpapakita na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang gawain ng Diyos ay may dakilang kabuluhan at halaga, at na ang Kanyang gawain ay lubhang karapat-dapat na pahalagahan ng tao. Kung, pagkatapos Kong gumawa ng napakaraming gawain, wala ka ni katiting na pagkakilala, magkakaroon pa ba ng halaga ang Aking gawain? Sasabihin mo dahil dito na: “Mahirap talagang maglingkod sa Diyos, lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos, at talagang marunong ang Diyos! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig!” Kung, matapos sumailalim sa isang panahon ng karanasan, nagagawa mong sabihin ang mga salitang iyon, pinatutunayan nito na nakamit mo na ang gawain ng Diyos sa iyong kalooban.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Sa anong panloob na kalagayan ng mga tao nakatutok ang mga pagsubok? Nakatutok ang mga ito sa mapaghimagsik na disposisyon ng mga tao na walang kakayahang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Maraming hindi malinis sa kalooban ng mga tao, at maraming mapag-imbabaw, kaya isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok upang dalisayin sila. Ngunit kung ngayon ay nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging pagpeperpekto sa iyo. Kung ngayon ay hindi mo nagagawang bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay tutukso sa iyo, at matutumba ka nang hindi mo namamalayan, at sa oras na iyon hindi mo matutulungan ang iyong sarili, sapagka’t hindi mo kayang sumabay sa gawain ng Diyos, at wala kang tunay na tayog. At kaya, kung nais mong makapanindigan sa hinaharap, mas bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sumunod sa Kanya hanggang sa pinakawakas, kailangan mong bumuo ngayon ng isang matatag na pundasyon. Dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magkakaroon ng pundasyon sa kalooban mo, at pupukawin sa iyo ng Diyos ang isang pusong nagmamahal sa Kanya, at bibigyan ka Niya ng pananalig. Isang araw, kapag tunay na dumating sa iyo ang isang pagsubok, maaari kang magdusa ng kaunting sakit at medyo mabagabag, at magdusa ng matinding dalamhati, na para bang ikaw ay namatay—ngunit ang iyong pagmamahal sa Diyos ay hindi magbabago, at magiging mas malalim pa nga. Ganyan ang mga pagpapala ng Diyos. Kung nagagawa mong tanggapin ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ngayon nang may isang pusong nagpapasakop, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at sa gayon magiging isa kang taong pinagpapala ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang pangako. Kung ngayon ay hindi ka nagsasagawa, kapag dumating sa iyo ang mga pagsubok balang araw, mawawalan ka ng pananalig o mapagmahal na puso, at sa oras na iyon ang pagsubok ay magiging tukso; malulublob ka sa gitna ng panunukso ni Satanas at hindi magkakaroon ng paraan upang makatakas. Ngayon, maaaring kaya mong manindigan kapag dumarating sa iyo ang isang maliit na pagsubok, ngunit hindi nangangahulugang magagawa mong manindigan kapag dumating sa iyo ang isang malaking pagsubok balang araw. Ang ilang tao ay palalo at iniisip na malapit na silang maging perpekto. Kung hindi ka mas magpapakalalim sa nasabing mga pagkakataon, at mananatiling kampante, malalagay ka sa panganib. Ngayon, hindi ginagawa ng Diyos ang gawain ng mas matitinding pagsubok at tila maayos ang lahat, ngunit kapag sinubukan ka ng Diyos, matutuklasan mong masyado kang kulang, dahil masyadong mababa ang tayog mo at wala kang kakayahang magtiis ng matitinding pagsubok. Kung mananatili ka kung paano ka ngayon at hindi ka umuusad, babagsak ka pagdating ng mga pagsubok. Dapat ninyong tingnan nang madalas kung gaano kababa ang inyong tayog; sa ganitong paraan lamang kayo lalago. Kung sa mga panahon lamang ng pagsubok mo makikita na napakababa ng iyong tayog, na ang iyong tibay ng loob ay napakahina, na napakakaunti lamang sa loob mo ang tunay, at hindi ka sapat para sa mga layunin ng Diyos—kung saka mo lamang mapagtatanto ang mga bagay na ito, magiging huli na ang lahat.
Kung hindi mo alam ang disposisyon ng Diyos, tiyak na mabubuwal ka kapag may mga pagsubok, dahil hindi mo alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; at sa anong paraan Niya sila ginagawang perpekto, at kapag dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa iyo at hindi tumutugma ang mga ito sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo magagawang manindigan. Ang totoong pagmamahal ng Diyos ay ang Kanyang buong disposisyon, at kapag ibinubunyag sa mga tao ang buong disposisyon ng Diyos, ano ang dala nito sa iyong laman? Kapag maibunyag sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, tiyak na daranas ng maraming pasakit ang kanilang laman. Kung hindi mo pagdurusahan ang pasakit na ito, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos, ni hindi mo magagawang mag-alay ng totoong pagmamahal sa Diyos. Kapag ginagawa kang perpekto ng Diyos, tiyak na ibubunyag Niya sa iyo ang Kanyang buong disposisyon. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa kailanman ibinunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa tao—ngunit sa mga huling araw, Kanyang ibinubunyag ito sa grupong ito ng mga tao na Kanya nang itinalaga at pinili, at sa pagpeperpekto sa mga tao, Kanyang ibinubunyag ang Kanyang mga disposisyon, kung saan sa pamamagitan nito ay Kanyang ginagawang ganap ang isang grupo ng mga tao. Gayon ang tunay na pag-ibig ng Diyos sa mga tao. Ang pagdanas ng tunay na pag-ibig ng Diyos ay hinihingi sa mga tao na magtiis ng matinding pasakit, at magbayad ng malaking halaga. Saka lamang maaaring makamit ng Diyos ang mga tao sa huli, at sa wakas ay magawang magbalik ng kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, at saka lamang masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung nais ng mga tao na gawin silang perpekto ng Diyos, at kung nais nilang sumunod sa Kanyang kalooban, at ganap na ipagkaloob ang kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, dapat nilang maranasan ang maraming pasakit at maraming paghihirap mula sa mga sitwasyon, na nagdurusa ng matinding pasakit na mas masahol pa kaysa kamatayan. Sa huli, mapipilitan silang ibalik ang kanilang totoong puso sa Diyos. Kung tunay bang mahal o hindi ng isang tao ang Diyos ay nabubunyag sa panahon ng pagdurusa at pagpipino. Ang pagdadalisay ng Diyos sa pag-ibig ng mga tao ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos
Ang hinahangad ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay ang magtamo ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na ang mga tao ay hindi nadalisay at nagbubunyag pa rin ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang sumailalim sa pagpipino sa mga ito nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan magiging handa kang isuko ang iyong mga plano at mga pagnanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos kahit pa nangangahulugan ito ng pagkamatay. Samakatwid, kung ang mga tao ay hindi sasailalim sa ilang taon ng pagpipino, kung hindi sila magtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila mapapalaya ang sarili nila mula sa mga paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga kaisipan at puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay nalilimitahan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang matututunan ng mga tao ang mga aral, na ang ibig sabihin ay nakakamit nila ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, na maging negatibo sa kalooban, na hindi maunawaan ang mga layunin ng Diyos, o hindi malinawan sa landas ng pagsasagawa. Ngunit sa anumang kaso, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nahahawakan; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang pananalig. Kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi mo mabitiwan ang iyong sariling mga kuru-kuro, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pananalig at tumayo nang matatag at manindigan sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, kapag may pananalig ka ay saka mo lamang makikita ang Diyos. Kapag mayroon kang pananalig, gagawin kang perpekto ng Diyos, at kung wala kang pananalig, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananaliga, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Kapag, sa mga tunay mong karanasan, may pananalig kang makita ang Kanyang mga gawa, magpapakita sa iyo ang Diyos, at bibigyang-liwanag at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananalig na iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananalig at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananalig sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya bibigyang-liwanag at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananalig. Ang pananalig ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananalig. Ano ang tinutukoy ng pananalig? Ang pananalig ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, o kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananalig na binabanggit Ko. Kailangan ng mga tao na magkaroon ng pananalig sa mga panahon ng pagdurusa at sa mga panahon ng pagpipino, at kapag may pananalig sila, sila pagkatapos, ay nahaharap sa pagpipino—hindi maaaring paghiwalayin ang pagpipino at pananalig. Kung paano man gumagawa ang Diyos, at anuman ang iyong kapaligiran, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, hangarin ang kaalaman sa gawain ng Diyos, at hangarin na malaman ang Kanyang mga gawa, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng tunay na pananalig, at pinatutunayan nito na hindi ka nawalan ng pananalig sa Diyos. Kung, habang pinipino, nagagawa mong patuloy na hangarin ang katotohanan, tunay na mahalin ang Diyos, at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, at kung anuman ang ginagawa Niya ay isinasagawa mo pa rin ang katotohanan upang mapalugod Siya, at nagagawa mong hanapin ang Kanyang mga layunin sa kaibuturan mo at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos. Noon, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, hinangad mo Siya. Ngunit ngayon ay nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at dumating sa iyo ang mga paghihirap—sa panahong ito, nawawalan ka ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananalig, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.
… Kapag nahaharap ka sa pagdurusa, kailangan mong magawang hindi intindihin ang laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananalig na sundan Siya, mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho ito. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa Kanyang kagustuhan, at sa halip ay sumpain ang iyong sariling laman kaysa magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang tiisin ang sakit ng pagbitiw sa mga bagay na minamahal mo, at maging handang humagulgol, upang mapalugod ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at tunay na pananalig. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang taglayin pareho ang determinasyong ito na magdusa at ang tunay na pananalig, at kailangan mo ring magkaroon ng determinasyong maghimagsik laban sa laman. Kahit na mangahulugan ito ng pagdurusa at pagdanas ng mga kawalan sa iyong personal na mga interes, dapat mong tugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat makaramdam ka rin ng pagsisisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, kaya mo nang magsisi. Hindi ka dapat magkulang sa alinman sa mga aspektong ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo natutugunan ang mga kondisyong ito, hindi ka magagawang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao. Hindi Siya bumibigkas ni isang salita, kundi ikinukubli Niya ang Kanyang Sarili at hindi Siya tuwirang nakikipag-ugnayan sa mga tao. Sa tingin, mukhang wala Siyang ginagawa, ngunit ang totoo ay gumagawa pa rin Siya sa loob ng tao. Ang sinumang naghahangad ng buhay pagpasok ay mayroong isang pangitain para sa kanilang paghahangad sa buhay, at wala silang mga pag-aalinlangan kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang gawain ng Diyos. Sa gitna ng mga pagsubok, kahit kapag hindi mo alam kung ano ang nais gawin ng Diyos at kung anong gawain ang nais Niyang isakatuparan, dapat mong malaman na ang mga kaisipan ng Diyos para sa sangkatauhan ay palaging mabuti. Kung hahangarin mo Siya nang may isang tapat na puso, hindi ka Niya iiwan kailanman, at sa huli ay tiyak na gagawin ka Niyang perpekto, at dadalhin Niya ang mga tao sa isang angkop na hantungan. Paano man kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao, darating ang araw na maglalaan Siya sa mga tao ng isang angkop na kalalabasan at bibigyan sila ng angkop na ganti batay sa kanilang nagawa. Hindi aakayin ng Diyos ang mga tao sa isang partikular na punto at pagkatapos ay iwawaksi lang sila at babalewalain. Ito ay dahil ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Sa yugtong ito, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpipino. Pinipino Niya ang bawat tao. Sa mga hakbang ng gawain na itinatag ng pagsubok ng kamatayan at ng pagsubok ng pagkastigo, ang pagpipino ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salita. Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang sangkatauhan. Tunay ngang ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, pagpipino man iyon o kahit hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga kuru-kuro ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at lumalampas sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, dahil nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng naghahangad sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit iyong mga hindi ay ititiwalag ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano’t anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang adhikain, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon—ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras. Sa iyong tunay na karanasan, kailangan mo munang malaman kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; kailangan mong hanapin sa Kanyang mga salita kung ano ang dapat mong pasukin at ang sarili mong mga pagkukulang, dapat mong hangaring makapasok sa iyong tunay na karanasan, at kunin ang bahagi ng mga salita ng Diyos na dapat isagawa at subukang gawin iyon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang aspekto. Bukod pa rito, ang buhay ng iglesia ay kailangan ding panatilihin, kailangan mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay, at kailangan mong magawang ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng iyong kasalukuyang kalagayan. Paano man magbago ang Kanyang gawain, dapat manatiling normal ang iyong espirituwal na buhay. Mapapanatili ng isang espirituwal na buhay ang iyong normal na pagpasok. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat ay ipagpatuloy mo ang iyong espirituwal na buhay nang walang gambala at gampanan mo ang iyong tungkulin. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ito ay gawaing lahat ng Banal na Espiritu, ngunit samantalang para sa mga may normal na kalagayan ito ay pagpeperpekto, para sa mga may abnormal na kalagayan ito ay isang pagsubok. Sa kasalukuyang yugto ng gawaing pagpipino ng Banal na Espiritu, sinasabi ng ilang tao na napakadakila ng gawain ng Diyos at na talagang kailangan ng mga tao ng pagpipino, kung hindi ay magiging napakababa ng kanilang tayog at wala silang magiging paraan para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Gayunman, para sa mga iyon na hindi maganda ang kalagayan, nagiging dahilan ito upang hindi hangarin ang Diyos, at dahilan upang huwag dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Sa gawain ng Diyos, anuman ang gawin Niya o anumang mga pagbabago ang gawin Niya, sa pinakamababa, kailangang panatilihin ng mga tao ang isang normal na espirituwal na buhay. Marahil ay hindi ka naging maluwag sa kasalukuyang yugtong ito ng iyong espirituwal na buhay, ngunit wala ka pa ring gaanong natamo, at wala kang gaanong napala. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, kahit na panghawakan mo ang iyong espirituwal na buhay na para bang sumusunod ka sa isang regulasyon, kailangan mo pa rin itong panghawakan; kailangan mong sundin ang regulasyong ito upang hindi ka mawalan sa iyong buhay at upang matugunan mo ang mga layunin ng Diyos. Kung abnormal ang iyong espirituwal na buhay, hindi mo mauunawaan ang kasalukuyang gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi mong madarama na ito ay lubos na hindi kaayon ng iyong mga kuru-kuro, at bagama’t handa kang sundan Siya, wala kang panloob na motibasyon. Kaya, anuman ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos, kailangang makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at kung wala sa puso ng mga tao ang makipagtulungan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais mong taglayin ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban, at kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mong panatilihin ang iyong orihinal na katapatan sa harap ng Diyos. Ngayon, hindi mo kailangang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa, mas mataas na teorya, o iba pang gayong mga bagay—ang kailangan lamang ay panghawakan mo ang salita ng Diyos sa orihinal na pundasyon. Kung hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos at hindi naghahangad ng mas malalim na pagpasok, kukunin ng Diyos ang lahat ng bagay na dating kanila. Sa kanilang kalooban, palaging nag-iimbot ang mga tao ng kariwasaan at mas gusto nilang tamasahin kung ano ang nariyan na. Nais nilang makamit ang mga pangako ng Diyos nang hindi nagbabayad ng anumang halaga. Ito ang maluluhong ideyang isinasaloob ng sangkatauhan. Ang pagkakamit ng buhay mismo nang hindi nagbabayad ng halaga—ngunit mayroon bang anumang bagay na naging ganito kadali? Kapag ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng buhay pagpasok at naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, kailangan nilang magbayad ng halaga at matamo ang isang kalagayan kung saan palagi nilang susundin ang Diyos, anuman ang Kanyang gawin. Ito ay isang bagay na kailangang gawin ng mga tao. Kahit sundin mo ang lahat ng ito bilang isang regulasyon, kailangan mong laging panindigan ito, at gaano man katindi ang mga pagsubok, hindi mo maaaring bitiwan ang iyong normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat mong magawang manalangin, mapanatili ang iyong buhay iglesia, at hindi iwanan kailanman ang iyong mga kapatid. Kapag sinubok ka ng Diyos, dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakamaliit na kinakailangan para sa isang espirituwal na buhay. Ang palaging pagnanais na maghangad, at sikaping makipagtulungan, gamitin ang lahat ng iyong lakas—magagawa ba ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Sa panahon ng mapait na pagpipino, pinakamadaling mahulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong pukawin ang iyong determinasyon, ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong natitirang sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagbahaginan. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mo nang gampanan ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagampanan nang maayos, ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya, at ginagawa ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang paggawa mo, o na hindi maganda ang paggawa mo—sa kabuuan, ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagkat ikaw ay kumikilos alang-alang sa Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at magsabi ng: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin nila ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsensiya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; ginagawa ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at bagaman ako ay hangal, mangmang, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, lilitaw ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong giginhawa ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Habang dumaranas ka, dalawang beses kang mabibigo at isang beses na magtatagumpay, o kung hindi naman ay mabibigo nang limang beses at dalawang beses na magtatagumpay, at habang nakararanas ka sa ganitong paraan, tanging sa gitna ng kabiguan mo magagawang makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at matutuklasan kung ano ang kulang sa loob mo. Sa susunod na maharap ka sa gayong mga sitwasyon, dapat kang maging mapagbantay, gawing mahinahon ang iyong mga hakbang, at manalangin nang mas madalas. Unti-unti mong mapapaunlad ang iyong kakayahan na magtagumpay sa gayong mga sitwasyon. Kapag nangyari iyon, naging mabisa ang iyong mga panalangin. Kapag nakita mong naging matagumpay ka sa pagkakataong ito, makakaramdam ka ng kasiyahan sa loob, at kapag nananalangin ka magagawa mong madama ang Diyos, at na ang presensiya ng Banal na Espiritu ay hindi ka nilisan—sa gayon mo lamang malalaman kung paano gumagawa ang Diyos sa iyo. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng landas sa iyong pagdanas. Kung hindi mo isasagawa ang katotohanan, mawawala ang presensiya ng Banal na Espiritu sa loob mo. Ngunit kung isasagawa mo ang katotohanan kapag nakaharap mo ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga sila, bagama’t nasasaktan ang iyong kalooban, sasaiyo ang Banal na Espiritu pagkaraan nito, madarama mo ang presensiya ng Diyos kapag ikaw ay nananalangin, magkakaroon ka ng lakas upang isagawa ang mga salita ng Diyos, at sa panahon ng pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid wala nang magiging mabigat sa iyong konsensiya at ikaw ay mapapanatag, at sa ganitong paraan, magagawa mong mailantad ang iyong nagawa. Anuman ang sabihin ng iba, magagawa mong magkaroon ng isang normal na relasyon sa Diyos, hindi ka malilimitahan ng iba, papaimbabaw ka sa lahat ng bagay—at dahil dito ay maipakikita mo na ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos ay naging mabisa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang paraan na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pananalig sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pananalig na magawang perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at mapungusan ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagtanglaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita sa mga oras ng pagpipino. Hindi Niya ipinaparinig ang Kanyang tinig, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang natamo mo na, dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at manindigan sa iyong patotoo sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan magagampanan mo ang iyong tungkulin. Dapat makita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa pananalig at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung nililiwanagan ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang mga layunin, subalit hindi ka naman nagsasagawa, wala kang mapapala. Kapag isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, dapat ay magawa mo pa ring manalangin sa Kanya, at kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita dapat kang humarap sa Kanya at maghangad at maging buo ang iyong pananalig sa Kanya, nang walang bahid ng pananamlay o panlalamig. Iyong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nalulugmok sa kadiliman pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw man lang makipagtipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat gampanan ng mga tao. Maaaring hindi mo alam kung ano talaga ang mga layunin ng Diyos, ngunit maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari kang manalangin kung kailan nararapat, maaari mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat, at maaari mong gawin ang nararapat gawin ng mga tao. Maaari mong panindigan ang iyong orihinal na pangitain. Sa ganitong paraan, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahangad. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala silang paninindigan, walang patotoo, at walang pangitain! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay pinakamahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung tinutupad mo ang tungkulin ng tao, kung tapat mong pinaninindigan ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, ibig sabihin, natatandaan mo ang mga panghihikayat ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan ay hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga panghihikayat, kung wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa bawat hakbang ng proseso, sa bandang huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at manindigan sila sa kanilang patotoo sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at magbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, dapat manatili kang puno ng pananalig at hindi nawawalan ng pananalig sa Kanya. Dapat mong gawin ang dapat gawin ng tao. Hinihingi ng Diyos ang mga bagay na ito sa tao nang sa gayon ay magagawa ng puso ng tao na lubos na bumalik sa Kanya at bumaling sa Kanya sa bawat sandali. Ito ay isang mananagumpay. Ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay” ay mga taong kaya pa ring manindigan sa kanilang patotoo, magpanatili ng kanilang pananalig at ng kanilang katapatan sa Diyos, at anuman ang mangyari, magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at magpanatili ng kanilang tunay na pagmamahal sa Diyos, habang nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at habang kinukubkob ni Satanas—ibig sabihin, habang nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Sa ganitong paraan, nakapanindigan sila sa kanilang patotoo sa harap ng Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos ay naparito sa lupa upang personal na gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung, anuman ang gawin ng Diyos—marahil ay bibigyan ka ng isang hindi kanais-nais na kinalabasan sa pinakahuli—kaya mo pa ring sumunod sa Kanya, nangangahulugan ito na napanatili mo ang iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos, na nabanggit na, ay nangangahulugang pagpapanatili ng isang sinserong puso sa harap ng Diyos. Ang sinseridad ng tao ay kadalisayan, at ang mga kayang maging sinsero sa Diyos ay napanatili ang kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahaginan, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo ito iniraraos lang; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, naninindigan ka. Ito ay katapatan sa Diyos. Kung hindi mo panghahawakan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at mga ipinasya ay nawalan ng saysay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nangangailangan ng malaking pananalig, pananalig na mas malaki pa kaysa sa pananalig ni Job. Kung walang pananalig, hindi magagawang magpatuloy ng mga tao na magkaroon ng karanasan at hindi rin sila magagawang perpekto ng Diyos. Pagdating ng panahon ng matitinding pagsubok, magkakaroon ng mga tao na aalis ng mga iglesia—ang ilan ay dito, ang ilan ay doon. Magkakaroon ng ilan na medyo maganda naman ang nagawa sa kanilang paghahangad sa nakaraang mga araw at hindi magiging malinaw kung bakit hindi na sila nananampalataya. Maraming bagay ang mangyayari na hindi mo mauunawaan, at hindi maghahayag ang Diyos ng anumang mga tanda o kababalaghan, ni gagawa ng anumang higit sa karaniwan. Ito ay upang makita kung kaya mong manindigan—ang Diyos ay gumagamit ng mga katotohanan upang pinuhin ang mga tao. Hindi ka pa gaanong nagdusa. Sa hinaharap kapag dumating ang matitinding pagsubok, sa ilang lugar ay aalis ang bawat tao sa iglesia, at iyong mga nakapalagayan mo na ng loob ay aalis at tatalikuran ang kanilang pananalig. Magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Hanggang ngayon, ang mga pagsubok na iyong nakaharap ay maliliit lamang, at marahil ay kinaya mo lang tiisin ang mga iyon. Kabilang sa hakbang na ito ang mga pagpipino at pagpeperpekto sa pamamagitan lamang ng mga salita. Sa susunod na hakbang, ang mga katotohanan ay darating sa iyo upang pinuhin ka, at pagkatapos ay mamemeligro ka. Kapag talagang naging seryoso na iyon, papayuhan ka ng Diyos na magmadali at umalis, at tatangkain ng mga relihiyosong tao na akitin kang sumama sa kanila. Ito ay upang makita kung kaya mong magpatuloy sa landas, at lahat ng bagay na ito ay mga pagsubok. Ang kasalukuyang mga pagsubok ay maliliit, ngunit darating ang araw na magkakaroon ng mga tahanan kung saan ang mga magulang ay hindi na nananampalataya, at magkakaroon ng ilan kung saan ang mga anak ay hindi na nananampalataya. Magagawa mo pa bang magpatuloy? Habang lalo kang sumusulong, lalong titindi ang iyong mga pagsubok. Isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagpipino sa mga tao ayon sa kanilang mga pangangailangan at sa kanilang tayog. Sa yugto ng pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan, imposibleng patuloy na lumaki ang bilang ng mga tao—liliit lamang ito. Sa pamamagitan lamang ng mga pagpipinong ito magagawang perpekto ang mga tao. Ang pagpupungos, pagdidisiplina, pagsubok, pagkastigo, pagsumpa—kaya mo bang tiisin ang lahat ng ito? Kapag nakakakita ka ng isang iglesia na partikular na maganda ang sitwasyon, kung saan lahat ng kapatid ay naghahangad nang may matinding sigla, ikaw mismo ay nahihikayat. Kapag dumating ang araw na nakaalis na silang lahat, ang ilan sa kanila ay hindi na nananampalataya, ang ilan ay umalis na upang magnegosyo o mag-asawa, at ang ilan ay umanib na sa relihiyon; magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Magagawa mo bang panatilihing hindi nagugulo ang iyong kalooban? Ang pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi isang napakasimpleng bagay! Siya ay gumagamit ng maraming bagay upang pinuhin ang mga tao. Ang tingin ng mga tao rito ay mga pamamaraan, ngunit sa orihinal na layunin ng Diyos ay ni hindi man lang mga pamamaraan ang mga ito, kundi mga katunayan. Sa huli, kapag napino na Niya ang mga tao hanggang sa partikular na punto at wala na silang anumang mga reklamo, ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay makokompleto. Ang dakilang gawain ng Banal na Espiritu ay ang gawin kang perpekto, at kapag hindi Siya gumagawa at ikinukubli ang Kanyang Sarili, iyon ay higit na para sa layunin ng pagpeperpekto sa iyo, at sa ganitong partikular na paraan makikita kung may pagmamahal ba ang mga tao sa Diyos, kung may tunay na pananalig ba sila sa Kanya. Kapag ang Diyos ay nagsasalita nang malinaw, hindi mo na kailangang maghanap; kapag nakakubli Siya, saka mo lamang kailangang maghanap at mangapa. Dapat mong magawang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at anuman ang kinalabasan mo sa hinaharap at ang iyong hantungan, dapat mong magawang maghangad ng kaalaman at pagmamahal sa Diyos sa mga taon ng iyong buhay, at paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat mong magawang iwasan na magreklamo. May isang kondisyon para gumawa ang Banal na Espiritu sa loob ng mga tao. Kailangan nilang mauhaw at maghangad at hindi magdalawang-isip o magduda tungkol sa mga kilos ng Diyos, at kailangan nilang magawang panindigan ang kanilang tungkulin sa lahat ng oras; sa ganitong paraan lamang nila makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, ang kinakailangan sa sangkatauhan ay malaking pananalig at pagharap sa Diyos upang maghanap—sa pamamagitan lamang ng karanasan matutuklasan ng mga tao kung gaano kaibig-ibig ang Diyos at kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao. Kung hindi ka daranas, kung hindi ka mangangapa, kung hindi ka maghahangad, wala kang mapapala. Kailangan mong mangapa sa pamamagitan ng iyong mga karanasan, at sa pamamagitan lamang ng iyong mga karanasan mo makikita ang mga kilos ng Diyos at makikilala ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Lahat kayo ay nasa gitna ng pagsubok at pagpipino. Paano ninyo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pagdanas ng pagpipino, nagagawa ng mga tao na mag-alay ng tunay na papuri sa Diyos, at sa gitna ng pagpipino, nakikita nila na napakalaki ng kanilang pagkukulang. Habang lalong tumitindi ang iyong pagpipino, mas nagagawa mong maghimagsik laban sa laman; habang lalong tumitindi ang pagpipino sa mga tao, lalong mas nadaragdagan ang pag-ibig nila sa Diyos. Ito ang dapat ninyong maunawaan. Bakit dapat mapino ang mga tao? Anong epekto ang nilalayon nitong matamo? Ano ang kabuluhan ng gawain ng pagpipino ng Diyos sa tao? Kung tunay mong hinahanap ang Diyos, sa pagdanas sa Kanyang pagpipino hanggang sa isang partikular na punto ay madarama mo na ito ay napakainam, at na ito ay sukdulang kinakailangan. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng determinasyon na ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, ngunit nakahanda kang mapalugod ang Diyos gamit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ayaw mong bigyang-layaw ang laman. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, ngunit nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing: “O Diyos! Hindi Kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, nais kong mapalugod Ka; kilala Mo ang puso ko, at nawa ay ikintal Mo sa akin ang higit pang pagmamahal Mo.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamitin mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso bilang pundasyon, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin ka nitong mas matalik sa Diyos. Yamang nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagbahaginan sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng gabay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, ngunit magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at magiging handa kang ialay ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at ang siyang iniibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi marupok. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong isantabi ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, handang isantabi ang lahat para sa Diyos, at nagagalak na tiisin ang anuman para sa Diyos—sa ganitong paraan, magiging dalisay ang pag-ibig mo, at magkakaroon ng realidad ang iyong pananalig. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Noong unang dinanas ni Job ang kanyang pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at ang lahat ng kanyang anak, subalit hindi siya nanlumo o nagsabi ng anumang bagay na sumasalungat sa Diyos dahil dito. Napagtagumpayan niya ang mga panunukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian, mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng panlabas na bagay, na ang ibig sabihin ay nagawa niyang magpasakop sa pagkuha ng Diyos ng mga bagay mula sa kanya at nagawa niyang magbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil sa ginawa ng Diyos. Ganito ang pag-uugali ni Job sa panahon ng unang panunukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang mas matindi pang sakit kaysa sa naranasan niya noon, sapat na ang kanyang patotoo upang mamangha ang mga tao. Ginamit niya ang katatagan ng kanyang loob, pananalig, at pagpapasakop sa Diyos, pati na ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling kinilala at tinanggap ng Diyos ang kanyang pag-uugali at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang aktuwal na pag-uugali upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananalig at pagpapasakop sa Diyos o alisin ang kanyang pagkamalapit sa Diyos at may-takot-sa-Diyos na puso; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa hindi natitinag na determinasyon ni Job ay naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananalig ay natakot at nangilabot si Satanas, ang tindi ng kanyang pakikipaglaban sa buhay-at-kamatayang tunggalian laban kay Satanas ay nagbunga ng malalim na pagkamuhi at hinanakit kay Satanas; dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid ay wala nang magawa si Satanas sa kanya, kung kaya’t tinalikuran ni Satanas ang pag-atake sa kanya at binitiwan ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na si Jehova. Nangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, at napagtagumpayan niya ang kamatayan; siya ay isang taong ganap at lubos na nasa panig ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, nanindigan si Job sa kanyang patotoo, tunay niyang isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at lumawak ang saklaw ng mga prinsipyo niya sa pamumuhay nang may takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Matapos maranasan ni Job ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon ng mas mayamang karanasan ang buhay niya, at dahil sa karanasang ito, naging mas husto ang kanyang pag-iisip at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng integridad na pinanghahawakan niya. Ang pagsubok ng Diyos na si Jehova kay Job ay nagbigay-kakayahan sa kanya na malalim na maranasan at maramdaman ang pangangalaga ng Diyos sa tao, at ipinaramdam nito sa kanya ang kahalagahan ng pagmamahal ng Diyos, at magmula noon ay nagkamit ng parehong pagsasaalang-alang at pagmamahal para sa Diyos ang kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi lamang hindi nagtaboy kay Job mula sa Kanya, kundi mas naglapit ng puso ni Job sa Diyos. Nang umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, ang pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova ay nagtulak sa kanya na di-maiwasang sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi matagal na pinagplanuhan, kundi isang natural na pagbubunyag ng pagsasaalang-alang at pagmamahal na may pagpapahalaga para sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso; ito ay isang likas na pagbubunyag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pagmamahal na may pagpapahalaga para sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinamuhian niya ang kanyang sarili, at hindi niya nais, at hindi niya matitiis na saktan ang Diyos, kaya umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pagmamahal na may pagpapahalaga sa punto ng pagtalikod sa sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba at pananabik sa Diyos at pagkagiliw sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal na may pagpapahalaga. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananalig at pagpapasakop sa Diyos, at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal na may pagpapahalaga. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos para sa sarili niyang kapakanan. Sa paningin ng Diyos, bagama’t si Job ay ang dati pa ring Job, ang kanyang pananalig, pagpapasakop, at takot sa Diyos ay nagdala ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Noong oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inasahan ng Diyos na makakamit niya; siya ay naging isang tao na tunay ngang karapat-dapat na tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagbigay sa kanya ng tagumpay laban kay Satanas at paninindigan sa kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ay ginawa siyang perpekto, at tinulutang mapataas at mapangibabaw ang halaga ng kanyang buhay, at naging dahilan ang mga ito upang siya ay maging ang kauna-unahang tao na hindi na kailanman aatakihin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya ay pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at siya ay nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon, si Job ang naging kauna-unahang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos at namuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos nang walang pagmamanman o pananakit ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na tao sa paningin ng Diyos; siya ay napalaya …
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Ang layunin ng gawain ng pagpipino, sa pangunahin, ay upang gawing perpekto ang pananalig ng mga tao. Sa huli, ang mga resultang nakakamit nito ay na: Gusto mong umalis ngunit, kasabay nito, hindi mo magawa; nagagawa pa ring manalig ng ilang tao kahit wala sila ni katiting na pag-asa; at ni hindi na umaasa man lang ang mga tao hinggil sa kanilang sariling hinaharap. Sa panahong ito lamang matatapos ang pagpipino ng Diyos. Kung ang mga tao ay hindi pa rin nakakarating sa yugtong nasa bingit na ng kamatayan, at hindi pa nila natitikman ang kamatayan, hindi pa tapos ang pagpipino sa kanila. Maging iyong mga nasa hakbang ng mga tagapagserbisyo ay hindi pa lubusang napipino. Sumailalim si Job sa lubusang pagpipino, at wala siyang nasandigan. Ang mga tao ay dapat na pinuhin hanggang sa parehong puntong iyon—kung saan wala sila ni katiting na pag-asa at wala ni isang bagay na masasandigan. Ito lamang ang tunay na pagpipino. Sa panahon ng mga tagapagserbisyo, kung palaging tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at anuman ang Kanyang ginawa at anuman ang Kanyang naging mga layunin para sa iyo, palagi kang nagpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, sa dulo ng landas ay mauunawaan mo ang lahat ng ginawa ng Diyos. Kapag sumasailalim ka sa mga pagsubok ni Job, kasabay nito, ay sumasailalim ka rin sa mga pagsubok ni Pedro. Noong sinubok si Job, nanindigan siya sa kanyang patotoo, at sa huli, nagpakita sa kanya si Jehova. Pagkatapos niyang manindigan sa kanyang patotoo, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit nagpapakita Ako sa banal na kaharian”? Ibig sabihin nito ay kapag ikaw ay pinabanal at naninindigan sa iyong patotoo, saka ka lamang magkakaroon ng dignidad na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makakapanindigan sa iyong patotoo, wala kang dignidad para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang makapanindigan sa iyong patotoo at nagiging katatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman, pero hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, makakapanindigan ka sa iyong patotoo. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino sa isang antas at kaya mong maging katulad ni Job, na lubos na mapagpasakop sa harap ng Diyos at walang ibang mga hinihingi sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga kuru-kuro, personal na pagkiling, makasariling kaisipan, indibidwal na hinihingi at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga kuru-kuro, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng pagkakilala sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, ito ay paninindigan sa iyong patotoo. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Maipapakita ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro. Sa pamamagitan ng serbisyo ng maraming negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapamalas ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga panggugulo at panlilihis—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang pangit na mukha ni Satanas, at sa gayon ay ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at maghimagsik laban dito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Habang mas pinipino ng Diyos ang mga tao, mas lalong nagagawang mahalin ng puso ng mga tao ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging tahimik sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas makakaya nilang makita ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang pinakadakilang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa ilang pagsubok. Kung nais ninyong maperpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses—dapat kayong dumaan sa prosesong ito, at umasa sa hakbang na ito—saka lang ninyo magagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos at mapeperpekto kayo ng Diyos. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa puso ng mga tao. Kung walang pagdurusa, walang tunay na pagmamahal ang mga tao para sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila isasailalim sa tunay na pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging mawawalan ng direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo, at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano ka naghimagsik. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; ang mga pagsubok ay lalong kayang perpektuhin ang mga tao.
Sa buong buhay niya, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging pundasyon ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayumpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay para sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at tila alang-alang sa Diyos at walang anumang mga ideya ng tao, kapag dinadala sa harap Niya ang gayong pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos, hindi Niya ito sinasang-ayunan o pinagpapala. Kahit na ganap na maunawaan at malaman ng mga tao ang lahat ng katotohanan, hindi masasabi na isa itong tanda ng pagmamahal sa Diyos, hindi masasabi na ang mga taong ito ay may realidad ng pagmamahal sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang mas malalim na kahulugan ng mga ito. Sa panahong iyon, kapag muli nilang isinagawa ang mga katotohanang ito, nagagawa na nila ito nang tumpak, at nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; sa pagsasagawa nila noong panahong iyon, nababawasan ang sarili nilang mga ideya, ang kanilang katiwaliang pantao ay nababawasan, at ang kanilang mga damdaming pantao ay nababawasan; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pagmamahal sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kahandaan ng isipan, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ng halaga ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming pasakit sa panahon ng pagpipino, at sa gayon lamang magiging dalisay ang kanilang pag-ibig at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa hinihingi ng Diyos na ibigin Siya ng tao, hindi hinihiling ng Diyos na ibigin Siya ng tao gamit ang silakbo ng damdamin o ang sariling kalooban ng tao; sa pamamagitan lamang ng katapatan at ng paggamit ng katotohanan upang paglingkuran Siya magagawa ng tao na tunay na ibigin Siya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga aral na dapat mong matutunan. Kapag dumating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang ginawa sa tao at itinulot na makita ng tao ay na mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa kabilang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na isinagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na mamahalin ang Diyos. Kapag mas malaki ang gawain ng Diyos sa tao, at kapag mas nagdurusa ang tao, mas lalo nitong naipakikita kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano natatamo ang aral ng pagmamahal sa Diyos? Kung walang pagdurusa at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa—makakaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ay nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay hamak, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang banda, sa panahon ng mga pagsubok, naghahanda ang Diyos ng ilang kapaligiran para sa tao upang sa loob ng mga ito, mas nagagawang danasin ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi malagpasan—umaabot pa nga sa antas ng malubhang pagdadalamhati—sa pagdanas nito, nakikita ng tao kung gaano kakaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang umuusbong sa tao ang tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi mo pa nakakamit ang Diyos, at ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi maituturing na matagumpay. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, pag-ibig, at awa. Sa mga karanasan ng tao, nararanasan niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang pag-ibig at awa ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng ilang panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at awa ay walang kapabilidad na gawing perpekto ang tao, walang kapabilidad na ilantad iyong tiwali sa kalooban ng tao, at walang kakayahang alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananalig. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang ganoong pagkatanto. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, at na itinatakwil sila ng mundo, magulo ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at madilim ang kinabukasan nila. Gusto pa nga ng ilang tao na mamatay kapag nagdurusa sila sa isang partikular na antas. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay duwag at walang kakayahan! Inaasam ng Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok sa tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay darating sa iyo—at kung hindi mo Siya mahal, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan. At dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin, at hindi mo makakayang palugurin ang Diyos—palagi mong madarama na napakatayog ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito, ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa loob mo, at sa maraming aspekto, hindi mo kayang tugunan ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ka nang panloob. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan ninyong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong titindi ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananalig at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kailangan lang mahalin ng tao ang Diyos para hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong problema, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, kung gayon, sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaluin, makadarama ka ng kapanatagan, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo. Sa halip, gugustuhin mong umawit, sumayaw, at magdasal, makipagtipon at makipagbahaginan, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo at walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu bagkus ay napipigilan, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa loob mo ay mayroon pa ring isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at sa kaibuturan mo, nananabik at nangungulila ka sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng tinataglay mong mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit sa iyo ang isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katunayan ay magpapakita kung ano ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang mga layunin, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Nanampalataya ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang pagpipilian kundi tahakin ang tamang landas, at ang mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos ang umaakay sa iyo papunta sa tamang landas. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang kulang sa tao. Kailangang maranasan ng tao ang higit pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang higit pa sa pagpipino sa pamamagitan ng lahat ng pagdurusang inihanda ng Diyos para sa kanya. Saka lamang mababago ang buhay disposisyon ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Bakit Kailangang Sumailalim ang mga Mananampalataya sa Paghatol at Pagkastigo ng Diyos?
Matapos Malamang May Kanser ang Kanyang Anak na Babae
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Napakarami Kong Nakamit Mula sa Pagdaranas ng Sakit
Mga Pagninilay Pagkatapos Magkasakit Noong Pandemya
Pagkatapos ng Pagpanaw ng Aking Asawa
Kaugnay na mga Himno
Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok
Ang mga Pagsubok ng Diyos sa Tao ay para Dalisayin Sila
Sinusubukan at Pinipino ng Diyos ang Tao Upang Maperpekto Siya
Ang Pagpipino ng Diyos sa Tao ang Pinaka-Makahulugan
Makakaya Mong Mahalin nang Tunay ang Diyos sa Pamamagitan Lang ng mga Paghihirap at Pagsubok