12. Paano ba magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Pagdating sa paggampan sa tungkulin nang pasok sa pamantayan, ang diin ay nasa pariralang “pasok sa pamantayan.” Kaya, paano dapat bigyang-kahulugan ang “pasok sa pamantayan”? Dito, gayundin, ay may mga katotohanang dapat hanapin. “Pasok sa pamantayan” ba ang makagawa lang ng katanggap-tanggap na trabaho? Para sa partikular na mga detalye kung paano unawain at ituring ang pariralang “pasok sa pamantayan,” dapat mong maunawaan ang maraming katotohanan at higit pang magbahagi sa katotohanan. Sa pagtupad ng iyong tungkulin, dapat mong maunawaan ang katotohanan at ang mga prinsipyo; saka mo lang magagampanan ang iyong tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan. Bakit dapat tuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Sa sandaling nanampalataya sila sa Diyos at tinanggap na ang Kanyang atas, ang mga tao ay may kani-kanilang responsabilidad at obligasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa lugar ng gawain ng Diyos, at, kaya naman, dahil sa pananagutan at obligasyong ito, naging isang bahagi na sila ng gawain ng Diyos, isa sa mga tatanggap ng gawain ng Diyos, at isa sa mga tatanggap ng Kanyang pagliligtas. Mayroon talagang malaking ugnayan sa pagitan ng pagliligtas sa mga tao at kung paano nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung mahusay ba nilang nagagawa ang mga ito, at kung nagagawa ba nila ang mga ito sa isang paraang pasok sa pamantayan. Yamang naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos at tinanggap ang Kanyang atas, mayroon ka na ngayong tungkulin. Hindi para sa iyo ang sabihin kung paano dapat gampanan ang tungkuling ito; ang Diyos ang makapagsasabi nito, ang katotohanan ang makapagsasabi nito, at idinidikta ito ng mga pamantayan ng katotohanan. Samakatwid, dapat malaman, maunawaan, at malinawan ang mga tao kung paano sinusukat ng Diyos ang mga tungkulin ng mga tao, batay saan Niya sinusukat ang mga ito—ito ay isa ring kapaki-pakinabang na bagay para hanapin. Sa gawain ng Diyos, nakatatanggap ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang tungkulin. Ibig sabihin, ang mga tao na may iba’t ibang kaloob, kakayahan, edad, at kondisyon ay nakatatanggap ng iba’t ibang tungkulin sa iba’t ibang panahon. Ano pa mang tungkulin ang iyong natanggap, at ano pa mang oras o kalagayan mo ito natanggap, ang iyong tungkulin ay isa lamang responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin; hindi mo ito proyekto, lalong hindi mo rin ito negosyo. Ang sukatang hinihingi ng Diyos para sa paggampan mo ng iyong tungkulin ay na ito ay “pasok sa pamantayan.” Ano ang ibig sabihin ng “pasok sa pamantayan”? Nangangahulugan ito na tugunan ang mga hinihingi ng Diyos at palugurin Siya. Ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay dapat na masabi ng Diyos na pasok sa pamantayan at dapat nitong matanggap ang Kanyang pagsang-ayon, saka lamang ito magiging pasok sa pamantayan. Kung sasabihin ng Diyos na hindi ito pasok sa pamantayan, gaano mo man katagal na ginagampanan ang iyong tungkulin, o gaano mang halaga ang binayaran mo, hindi ito pasok sa pamantayan. Ano ang magiging resulta? Uuriin itong lahat bilang pagtatrabaho. Iilang trabahador lang na may debosyon ang mananatiling buhay. Kung walang debosyon sa kanyang pagtatrabaho ang isang tao, wala siyang pag-asang manatiling buhay. Sa madaling salita, mawawasak siya sa sakuna. Kung hindi kailanman pasok sa pamantayan ang isang tao kapag gumagampan ng kanyang tungkulin, aalisan siya ng kanyang karapatan na gumampan ng tungkulin. Pagkatapos alisin ang karapatang ito, ang ilang tao ay isasantabi. Pagkatapos isantabi, isasaayos sila sa ibang paraan. Ang ibig sabihin ba ng “isasaayos sa ibang paraan” ay ititiwalag? Hindi naman ganoon. Ang pangunahing tinitingnan ng Diyos ay kung nagsisi ang isang tao. Samakatwid, kung paano mo ginagampanan ang tungkulin mo ay mahalaga, at dapat tratuhin ito ng mga tao nang seryoso at maingat. Dahil ang paggampan sa iyong tungkulin ay may direktang kaugnayan sa iyong buhay pagpasok at pagpasok sa mga katotohanang realidad, gayundin sa mahahalagang bagay gaya ng iyong kaligtasan at ng pagpeperpekto sa iyo, dapat mong tratuhin ang paggampan sa iyong tungkulin bilang ang una at pinakamahalagang bagay sa iyong pananampalataya sa Diyos. Hindi maaaring naguguluhan ka tungkol dito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Dapat maunawaan ng lahat ng nananalig sa Diyos ang mga layunin Niya. Tanging ang mga gumaganap nang maayos sa mga tungkulin nila ang makakapagpalugod sa Diyos, at sa pamamagitan lang ng pagtupad sa atas ng Diyos magiging pasok sa pamantayan ang paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin. May isang pamantayan para sa pagsasakatuparan ng atas ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang “pag-ibig sa Diyos” ay isang aspekto ng hinihingi ng Diyos sa mga tao. Saan dapat ipamalas ang hinihinging ito? Na dapat mong tapusin ang atas ng Diyos. Sa praktikal na pananalita, ito ay pagtupad ng iyong tungkulin nang maayos bilang isang tao. Kaya ano ang pamantayan para sa pagtupad nang maayos sa iyong tungkulin? Hinihingi ng Diyos na gampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos bilang isang nilikha nang buong puso, kaluluwa, isipan, at lakas mo. Dapat madali lang itong maunawaan. Para maabot ang hinihingi ng Diyos, pangunahin mong kailangang ilagay ang puso mo sa iyong tungkulin. Kung kaya mong ilagay ang puso mo rito, magiging madali para sa iyong kumilos nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin sa pamamagitan lang ng pagsandig sa mga imahinasyon ng iyong isipan, at sa pagsandig sa iyong mga kaloob, maaabot mo ba ang mga hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pamantayan na dapat maabot para matupad ang atas ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin nang deboto at maayos? Ito ay ang gampanan mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung susubukan mong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin nang walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, hindi ito uubra. Kung ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lumagong lalo pang mas malakas at mas totoo, likas mong magagawang gampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong isipan mo, buong lakas mo—ang “buong lakas mo” ang huli; ang “buong puso mo” ang una. Kung hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, paano mo ito gagawin nang buong lakas mo? Kaya ang simpleng pagsubok na gawin ang iyong tungkulin nang buong lakas mo ay hindi magkakamit ng anumang resulta—o kahit makakaabot man sa mga prinsipyo. Ano ang pinakamahalagang bagay na hinihingi ng Diyos? (Nang buong puso ng isang tao.) Anuman ang tungkulin o bagay na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, kung ikaw ay nagpapakapagod lang, nagiging abala, at nagsisikap, maaari ka bang umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Maaari ka bang kumilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Paano ka makakaayon sa mga layunin ng Diyos? (Nang buong puso namin.) Madaling sabihin ang mga salitang “nang buong puso mo,” at madalas itong sinasabi ng mga tao, kaya paano mo ito gagawin nang buong puso mo? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ay kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang may kaunti pang pagsisikap at sinseridad, mas mag-isip pa, huwag hayaan ang anumang bagay na punuin ang isipan mo, at ituon lang ang pansin sa kung paano gagawin ang atas na gawain, hindi ba?” Ganyan ba iyan kasimple? (Hindi.) Kaya pag-usapan natin ang ilang pangunahing prinsipyo ng pagsasagawa. Ayon sa mga prinsipyong karaniwan ninyong isinasagawa o naoobserbahan, ano dapat ang una ninyong gagawin para magawa ang mga bagay-bagay nang buong puso ninyo? Dapat gamitin ninyo ang buong isipan ninyo, gamitin ang inyong lakas, at ilagay ang inyong puso sa paggawa ng mga bagay-bagay, at huwag maging pabasta-basta. Kung hindi kaya ng isang taong gawin ang mga bagay-bagay nang buong puso niya, nawala na ang puso niya, na tulad ng pagkawala ng kaluluwa ng isang tao. Ang kaisipan niya ay maliligaw habang nagsasalita siya, hindi niya kailanman ilalagay ang puso niya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at magiging pabasta-basta siya anuman ang ginagawa niya. Dahil dito, hindi niya magagawang pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang maayos. Kung hindi mo ginagampanan ang tungkulin mo nang buong puso mo at hindi mo inilalagay ang buong puso mo rito, gagampanan mo nang hindi maayos ang tungkulin mo. Kahit ilang taon mong gampanan ang tungkulin mo, hindi mo ito magagawa sa isang paraan na pasok sa pamantayan. Wala kang magagawang anumang bagay nang maayos kung hindi mo ilalagay rito ang puso mo. Ang ilang tao ay mga hindi masigasig na manggagawa, palagi silang pabago-bago at kapritsoso, masyadong mataas ang mithiin nila, at hindi nila alam kung saan nila iniwan ang puso nila. May puso ba ang gayong mga tao? Paano ninyo masasabi kung may puso ang isang tao o wala? Kung madalang magbasa ng mga salita ng Diyos ang isang taong nananalig sa Diyos, may puso ba siya? Kung hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos anuman ang nangyayari, may puso ba sila? Kung hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan anuman ang mga paghihirap na hinaharap niya, may puso ba siya? Ang ilang tao ay gumaganap sa mga tungkulin nila nang maraming taon nang walang nakukuhang anumang malinaw na resulta, may puso ba sila? (Wala.) Maayos bang magagampanan ng mga taong walang puso ang kanilang mga tungkulin? Paano magagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila nang buong puso nila? Una sa lahat, dapat ninyong isipin ang responsabilidad. “Ito ang aking responsabilidad, kailangan ko itong akuin. Hindi ako pwedeng tumakas ngayon kung kailan ako pinakakailangan. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at magbibigay ako ng ulat sa Diyos tungkol dito.” Ibig sabihin nito ay mayroon kang teoretikal na batayan. Pero ang simpleng pagkakaroon ba ng teoretikal na batayan ay nangangahulugang ginagawa ninyo ang tungkulin ninyo nang buong puso ninyo? (Hindi.) Malayo pa rin kayo sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos sa pagpasok sa katotohanang realidad at sa paggawa ng inyong tungkulin nang buong puso ninyo. Kaya, ano ang ibig sabihin ng gawin ang inyong tungkulin nang buong puso ninyo? Paano magagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila? Una sa lahat, kailangan ninyong isipin, “Para kanino ko ba ginagawa ang tungkuling ito? Ginagawa ko ba ito para sa Diyos, o sa iglesia, o sa ilang tao?” Dapat maging malinaw ito. Gayundin: “Sino ang nag-atas ng tungkuling ito sa akin? Ang Diyos ba, o isang lider o ang iglesia?” Kailangan din itong maging malinaw. Maaaring tila isang maliit na bagay lang ito, ngunit gayunman, kailangang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sabihin ninyo sa Akin, isang lider o manggagawa ba, o isang iglesia, ang nag-atas sa inyo ng tungkulin ninyo? (Hindi.) Mabuti iyan, basta’t sigurado ka sa puso mo tungkol dito. Dapat mong pagtibayin na ang Diyos ang nag-atas sa iyo ng tungkulin mo. Maaaring tila ito ay ibinigay sa iyo ng isang lider ng iglesia, pero sa katunayan, ang lahat ng ito ay galing sa pagsasaayos ng Diyos. Maaaring may mga panahon kung kailan malinaw na galing ito sa kalooban ng tao, pero kahit noon pa man, dapat mo muna itong tanggapin sa Diyos. Iyan ang tamang paraan para maranasan ito. Kung tatanggapin mo ito sa Diyos, at kusa kang magpapasakop sa pagsasaayos Niya, at lalapit ka para tanggapin ang atas Niya—kung dadanasin mo ito gaya niyan, sasaiyo ang gabay at gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Kung Ano ba Talaga ang Ipinamumuhay ng mga Tao
Magkapareho ang mga prinsipyong kailangan mong maunawaan at ang mga katotohanang kailangan mong isagawa anuman ang tungkuling iyong ginagampanan. Hinilingan ka mang maging isang lider o manggagawa, o nagluluto ka man ng mga putahe bilang host, o kung hinilingan ka mang asikasuhin ang ilang panlabas na usapin o gumawa ng pisikal na gawain, ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin sa paggampan ng iba’t ibang tungkuling ito ay magkakapareho, dahil kailangang nakabatay ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Ano kung gayon ang pinakamalaki at pangunahin sa mga prinsipyong ito? Ito ay ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa paggampan ng kanyang tungkulin nang maayos, at ang gampanan ito nang pasok sa pamantayan. Upang magampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin at magampanan mo ito nang pasok sa pamantayan, kailangan mong malaman kung ano ba ang tungkulin. Ano nga ba talaga ang tungkulin? Sarili mo bang karera ang tungkulin? (Hindi.) Kung tatratuhin mo ang tungkulin bilang sarili mong karera, magiging handang igugol ang lahat ng iyong pagsisikap upang magawa ito nang mabuti, upang makita ng iba kung gaano ka katagumpay at katanyag, sa pag-iisip na binibigyan nito ng kabuluhan ang iyong buhay, iyon ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Saan nagkakamali ang pananaw na ito? Nagkakamali ito sa pagturing sa atas ng Diyos bilang propesyon ng isang tao. Bagaman mukhang katanggap-tanggap ito para sa mga tao, para sa Diyos, ito ay pagtahak sa maling landas, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, at kinokondena Niya ito. Ang tungkulin ay kailangang magampanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo upang makaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagsalungat sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay pagkilos ayon sa mga kagustuhan ng tao ay makasalanan. Lumalaban ito sa Diyos at nararapat na parusahan. Ito ang kapalaran ng mga hangal at walang-alam na taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Dapat na maging malinaw sa mga taong sumasampalataya sa Diyos kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maging malinaw ang pangitaing ito. Pag-usapan muna natin kung ano ang tungkulin. Hindi mo sariling proyekto, sariling propesyon, o sariling gawain ang isang tungkulin; gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ang tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito propesyon, hindi mo mga usaping pangtahanan ni mga personal na usapin mo sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, kailanganin man itong pag-isipan o pagtrabahuhan, ito ang tungkuling nararapat mong gampanan, ito ang gawain ng iglesia, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Sa pinakamababang batayan, hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin ayon sa anumang paraang gusto mo, hindi ka dapat kumilos nang walang ingat. Halimbawa, sabihin nating responsabilidad mo ang magluto para sa iyong mga kapatid, at iyon ang tungkulin mo. Paano mo dapat tratuhin ang gampaning ito? (Dapat naming hanapin ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo? May kinalaman ito sa realidad at sa katotohanan. Kailangan mong pag-isipan kung paano isasagawa ang katotohanan at kung paano gampanan nang maayos ang tungkuling ito. Aling mga aspekto ng katotohanan ang nakapaloob dito? Ang unang hakbang, una sa lahat, ay kailangan mong malaman na, “Hindi ako nagluluto para sa sarili ko. Tungkulin ko ito.” Kinapapalooban ito ng aspekto ng pangitain. Paano naman ang ikalawang hakbang? (Kailangan naming pag-isipan kung paano lulutuin nang maayos ang pagkain.) Ano ang pamantayan sa pagluluto nang maayos? (Kailangan naming hanapin ang mga hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Tanging ang mga hinihingi ng Diyos ang katotohanan, ang pamantayan, at ang prinsipyo. Gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito ay isang aspekto ng katotohanan. Una sa lahat ay kailangan mong isipin ang aspektong ito ng katotohanan, at pagkatapos ay pagnilayan na, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang tungkuling ito upang gampanan ko. Ano ang pamantayang hinihingi ng Diyos?” Unang-una sa lahat, kailangan mong taglayin ang pundasyong ito. Kung gayon ay paano ka dapat kumilos upang maabot mo ang pamantayan ng Diyos? Ang pagkaing lulutuin mo ay dapat na masustansya, masarap, malinis, at hindi nakasasama sa katawan—ang mga ito ang mga detalyeng nakapaloob. Basta’t kumikilos ka alinsunod sa prinsipyong ito, ang pagkaing lulutuin mo ay maihahanda alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hinanap mo ang mga prinsipyo ng tungkuling ito, at hindi lumagpas ang mga kilos mo sa saklaw na itinakda ng Diyos. Tama ang paraan ng pagkilos mo. Ginampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at nagampanan mo ito sa isang paraan na pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga layunin ng Diyos, alamin kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tungkuling iyon at unawain kung anong mga resulta ang dapat mong makamit sa paggampan ng tungkuling iyon. Makakakilos ka lang nang may mga prinsipyo sa pamamagitan ng paggawa ng mga iyon. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa paggampan sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang paggampan sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi matatandaan ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, nagsikap na sila at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, pero kung gayon, bakit hindi nila kailanman magawa ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan? Bakit palaging hindi nalulugod ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya—ito ang dahilan. Itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito aayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag nakaayon ito sa katotohanan, at maaaring maging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin sa pamamagitan lamang ng pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo sa ganitong paraan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ito nang pabasta-basta o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka sa sarili at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka dapat magpaapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man kanegatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang gumagampan sa iyong mga tungkulin nang pasok sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sila sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magpunyagi sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na pasok sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi ang kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gampanin nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang patahimikin ang puso nila sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat ng makakaya para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi nalilimitahan ng anumang lagay ng loob o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong tapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang buhay pagpasok at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagiging pabasta-basta kapag ginagampanan ang tungkulin mo. Kung palagi kang pabasta-basta habang ginagawa ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may debosyon, dapat mo munang ayusin ang problema mo ng pagiging pabasta-basta. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ang mga pagpapamalas nito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat isapuso mo ang tungkulin mo. Ang pagkakataon para sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin ay mahirap dumating! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng ganitong pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gampanan ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Babangon lang akong muli.” Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin: Dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, ni hindi magiging pasok sa pamantayan ang kanyang pagtatrabaho. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon sa usaping ito, kung gayon, pagsusumikapan mo ang katotohanan, at magkakaroon ka ng pag-asang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumampan sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon mo dapat ibigay ang tunay na pagsisikap; doon mo kailangang ialay ang iyong sarili at igugol ang sarili mo para sa Diyos at kung kailan kailangan mong magbayad ng halaga. Huwag kang mag-iwan ng anumang bagay, magkimkim ng anumang mga pakana, magbigay ng anumang palugit, o maghanda ng malulusutan. Kung ikaw ay nagiging maluwag, nanlalansi, o tuso at nagpapakatamad, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, “Walang nakakita na nagiging tuso ako at nagpapakatamad. Ang galing!” Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa ilang panahon ang iyong katiwalian at kapangitan; sadyang maaaring hindi nila iyon sasabihin nang tahasan: Magkakaroon sila ng pagtatasa sa iyo sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil nakilatis ng karamihan sa mga tao ang diwa ng mga ito, at inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong ito at pinaalis ang mga ito sa iglesia. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat silang magabayan ng kanilang konsensiya at gumawa ng ilang tunay na bagay. Maaaring mayroon kang mga pagkukulang, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung palagi mong iniisip na ayos ka lang, na tiyak na hindi ka matitiwalag, kung hindi ka kailanman nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo pa rin ang iyong mga wastong gampanin at palagi kang pabasta-basta, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at ititiwalag ka. Pagkatapos, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi, dahil nakilatis ka na ng lahat, at nawalan ka na ng lahat ng iyong dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, magtitiwala ba sa iyo ang Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Tiyak na hindi Siya magtitiwala sa gayong tao. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang isang tao, kahit ano ang mangyari, huwag ipagkatiwala sa kanya ang isang gampanin. Kung hindi mo kilala ang isang tao, o narinig mo lang ang sabi ng ibang tao na ayos lang naman ang taong ito sa kanyang ginagawa, pero sa puso mo ay hindi ka isang daang porsyentong sigurado, ang magagawa mo lang ay bigyan muna siya ng maliit na gampanin—isang gampaning hindi mahalaga. Kung maayos siyang gumagawa sa ilang maliit na gampanin, maaari mong ipagkatiwala sa kanya ang isang karaniwang gampanin. At kapag matagumpay siya sa gampaning iyon ay saka mo lang dapat ipagkatiwala sa kanya ang isang mahalagang gampanin. Kung pumalpak siya sa karaniwang gampanin, hindi maaasahan ang taong ito. Malaki o maliit man ang isang gampanin, hindi ito maaaring ipagkatiwala sa kanya. Kapag may napansin kang isang taong mabait at responsable, hindi kailanman iniraos lang ang tungkulin, tinatrato niya ang mga gampaning ipinagkatiwala ng iba sa kanya bilang sarili niyang gampanin, isinasaalang-alang ang bawat aspekto ng gampanin, iniisip ang mga pangangailangan mo, kinokonsidera ang bawat anggulo, mabusisi at pinangangasiwaan niya sa tamang paraan ang mga bagay-bagay, kaya lubos kang nasisiyahan sa kanyang gawain—ang ganitong uri ng tao ang mapagkakatiwalaan. Ang mga taong mapagkakatiwalaan ay mga taong may pagkatao, at ang mga taong may pagkatao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at dapat na napakadali para sa kanila ang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, dahil itinuturing nila ang kanilang tungkulin bilang kanilang obligasyon. Ang mga taong walang konsensiya o katwiran ay malamang na hindi gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanilang tungkulin kahit ano pa ito. Kailangan ay lagi silang inaalala ng iba, pinangangasiwaan sila, at kinukumusta ang kanilang pag-usad; kung hindi, maaaring magulo ang mga bagay-bagay habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at maaaring may mangyaring mali habang ginagawa nila ang isang gampanin, na mas makagugulo kaysa makatutulong.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Upang magawa ang iyong tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan, kailangan mo munang magkaroon ng wastong mentalidad. Kapag nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mo ring ayusin ang sarili mong kalagayan. Kapag nagawa mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, kapag naiwaksi mo na ang mga limitasyon at impluwensiya ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kapag lubusan ka nang nakakapagpasakop sa Diyos, kung gayon ay magagawa mo na nang maayos ang iyong tungkulin. Ang sikreto sa paggawa nito ay ang laging unahin ang iyong tungkulin at responsabilidad. Sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin, dapat palagi mong suriin ang iyong sarili: “Mayroon ba akong pabasta-bastang ugali sa paggawa ng tungkulin ko? Anong mga bagay ang gumugulo sa akin at nagiging dahilan para pabasta-basta kong gawin ang aking tungkulin? Ginagawa ko ba ang tungkulin ko nang may buong puso at lakas? Magtitiwala ba sa akin ang Diyos kung kikilos ako nang ganito? Ganap na bang mapagpasakop ang puso ko sa Diyos? Ang paggawa ba ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Magkakamit ba ng pinakamagagandang resulta ang paggawa ko ng tungkulin ko sa ganitong paraan?” Dapat madalas mong pagnilayan ang mga katanungang ito. Kapag nakatuklas ka ng mga problema, dapat aktibo mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para malutas ang mga ito. Sa gayon, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo, at mapapayapa at magagalak ang puso mo. Kung madalas lumilitaw ang mga problema habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, karamihan sa mga ito ay nagmumula sa mga problema sa mga intensyon mo—ang mga ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao, magkakaroon siya ng mga problema sa puso niya at hindi magiging normal ang kalagayan niya, na direktang makakaapekto sa kanyang abilidad na gawin ang kanyang tungkulin. Ang mga problemang nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin ay malalaki at mabibigat na problema; direkta itong makakaapekto sa kanyang ugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos kapag sumasapit ang mga sakuna sa mga pamilya nila. Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nagpapasan sila ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin, walang nakakakita rito o pumupuri sa kanila. Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, palaging pabasta-basta, at nagrereklamo sila laban sa Diyos kapag pinupungusan sila. Ang ilang tao ay hindi handang gawin ang kanilang tungkulin dahil palagi silang naghahanap ng daan na matatakasan. Direktang nakakaapekto ang lahat ng problemang ito sa isang normal na ugnayan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Lahat ito ay nagmumula sa katunayang hindi kilala ng mga tao ang Diyos, na palagi silang nagpapakana at nagsasaalang-alang ng kanilang sarili, na pumipigil sa kanila na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos o maging mapagpasakop sa mga plano ng Diyos. Nagbubunga ito ng lahat ng uri ng negatibong emosyon. Ganito talaga ang mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Kapag nangyayari sa kanila ang maliliit na problema, nagiging negatibo sila at mahina, nagbubulalas sila ng pagkadismaya sa kanilang tungkulin, naghihimagsik at lumalaban sila sa Diyos, at gusto nilang isuko ang gawain nila at ipagkanulo ang Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay ang iba’t ibang kahihinatnan na dulot ng mga paglimita ng isang tiwaling disposisyon. Ang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang isantabi ang kanyang sariling buhay, kinabukasan, at kapalaran, at nais lamang niyang hangarin at kamtin ang katotohanan. Iniisip niya na wala nang sapat na oras, natatakot siyang hindi niya magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, at na hindi siya magagawang perpekto, kaya’t nagagawa niyang talikuran ang lahat ng bagay. Ang kanyang mentalidad ay ang bumaling lang at magpasakop sa Diyos. Hindi siya napipigilan ng anumang paghihirap, at kung negatibo o mahina ang pakiramdam niya, likas niyang nilulutas ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay mga nababagabag, at paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila nagagawang ganap na lutasin ang mga problema nila. Kahit na saglit silang natatauhan at nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, kalaunan ay bumabalik pa rin sila sa dati, kaya napakahirap pangasiwaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sa hindi nila nauunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sa huli, dahil dito ay hindi nila maisantabi ang sarili nilang kalooban, pagkamakasarili, kinabukasan, kapalaran, at hantungan, na palaging umuusbong para guluhin sila. Kung nagagawang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay habang nauunawaan niya ang katotohanan, ang lahat ng bagay na nabibilang sa isang tiwaling disposisyon ay likas na maglalaho, at magkakaroon siya ng buhay pagpasok at tayog; hindi na siya magiging isang mangmang na bata. Kapag may tayog ang isang tao, lalago nang lalago ang pagkaunawa niya sa mga bagay-bagay, mas lalo niyang makikilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi siya malilimitahan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Hindi siya maiimpluwensiyahan ng anumang sasabihin o gagawin ng sinuman. Hindi siya sasailalim sa panghihimasok ng masasamang puwersa ni Satanas, o maililigaw o magugulo ng mga huwad na lider at anticristo. Kung mangyayari ito, hindi ba’t unti-unting lalago ang tayog ng isang tao? Kapag mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas mabilis na uusad ang buhay niya, at magiging madali para sa kanya na matagumpay na magawa ang kanyang tungkulin at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag mayroon kang buhay pagpasok at unti-unting lumalago ang buhay mo, magiging mas normal ang kalagayan mo. Hindi ka na mamomroblema sa mga tao, pangyayari, at bagay na minsang nakagulo o nakapaglimita sa iyo. Hindi ka na mahihirapan sa paggawa ng iyong tungkulin, at magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag marunong kang umasa sa Diyos, kapag alam mo kung paano hanapin ang mga layunin ng Diyos, kapag alam mo kung saan ka lulugar, kapag alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin, at kung sa aling mga bagay mo kinakailangan o hindi na umako ng responsabilidad, hindi ba’t mas magiging normal ang kalagayan mo? Hindi ka papagurin ng pamumuhay nang ganito, hindi ba? Hindi ka lamang hindi mapapagod, makararamdam ka rin ng labis na kaalwanan at kaligayahan. Hindi ba’t mapupuno ng liwanag ang puso mo dahil dito? Magiging normal ang mentalidad mo, mababawasan ang mga pagpapakita ng iyong tiwaling disposisyon, at makapamumuhay ka sa presensiya ng Diyos, maisasabuhay mo ang normal na pagkatao. Kapag nakita ng mga tao ang pangkalahatang espirituwalidad at mentalidad mo, iisipin nilang nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyo. Magiging handa silang makipagbahaginan sa iyo, makararamdam ng kapayapaan at kagalakan sa puso nila, at makikinabang din sila. Habang lumalago ang tayog mo, magiging mas wasto at may prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kapag nakakita ka ng mga taong mahina at negatibo, mabibigyan mo sila ng malaking tulong—nang hindi sila nililimitahan o sinesermunan, bagkus ay ginagamit mo ang sarili mong mga praktikal na karanasan para sila ay matulungan at makinabang. Sa ganitong paraan, hindi mo lang gugugulin ang sarili mo sa sambahayan ng Diyos, magiging kapaki-pakinabang ka ring tao, magagawa mong magdala ng pasanin, at makagagawa ka ng mas makabuluhang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos? Kung isa kang taong gusto ng Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka rin ng lahat? (Magugustuhan ka nila.) Bakit nasisiyahan ang Diyos sa ganitong tao? Dahil nakagagawa siya ng mga praktikal na bagay sa harapan ng Diyos, hindi siya mahilig mambola, pinangangasiwaan niya ang mga praktikal na bagay, at nagagawa niyang tumulong at mamuno sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kanyang tunay na mga karanasan. Nagagawa niyang tulungan ang iba na malutas ang anumang problema, at kapag may mga suliranin sa gawain ng iglesia, nagagawa niyang pangunahan ang daan pasulong, nang aktibong nilulutas ang mga problema. Ito ang ibig sabihin ng debotong paggawa sa kanilang tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang tanging eksepsiyon ay kung mahina ang iyong kakayahan at mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, at humahantong ito sa paglitaw ng ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at pinipigilan na makamit ang magagandang resulta, ngunit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ka kumikilos para bigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, nagbibigay ka ng palagiang pagsasalaang-alang sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid na ang puso mo; kung, dagdag pa rito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Kung gayon, ikaw ay magkakaroon ng patotoo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang debotong paggampan sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa paggampan sa iyong mga tungkulin at pagiging deboto sa Diyos, at mayroon ka ring kaunting pagkaunawa sa katotohanan, subalit kailan mo magagawang maging ganap na deboto? Kailan mo magagawang gampanan ang iyong mga tungkulin sa salita at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring pungusan ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, sisiyasatin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at na ikaw ang nakagawa nang hindi maayos, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng debosyon sa paggampan sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging pabasta-basta! Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na masyado kang maraming karumihan, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming labis-labis na pagnanais habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung makakaya mo nang lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis sa iyo ang mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananalig; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting madalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag mas nadadalisay ang iyong tiwaling disposisyon, mas magbabago ang iyong buhay disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon
Kung gusto mong maging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong mga tungkulin, dapat maisakatuparan mo muna ang maayos na pakikipagtulungan habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Sa kasalukuyan ay may ilang tao nang sinusubukang magsagawa ng pakikipagtulungan nang may pagkakasundo. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, kahit na hindi nila nagagawang ganap na isagawa ang katotohanan, at kahit na may mga kabiguan, kahinaan, at mga paglihis sa kanilang landas, nagsisikap pa rin sila tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, may pag-asa silang maisasakatuparan ang maayos na pakikipagtulungan. Halimbawa, minsan maaaring iniisip mong tama ang iyong ginagawa, subalit may kakayahan kang hindi maging mapagmagaling. Maaari kang makipagtalakayan sa iba at makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo nang magkakasama hanggang maging malinaw at maliwanag ang mga ito, para nauunawaan ng lahat, at nagkakasundo na maisasakatuparan ng paggawa nito ang pinakamahusay na resulta. Gayundin, na hindi ito tataliwas sa mga prinsipyo, na isinasaalang-alang nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pinakamataas na antas na posible. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagaman ang huling resulta ay hindi palaging tulad ng iyong inisip, ang landas, direksiyon, at layunin ng iyong pagsasagawa ay tama. Kaya paano ito nakikita ng Diyos? Paano tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Sasabihin ng Diyos na ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin? Dapat niya itong magampanan nang buong puso at buong lakas. Ang ibig sabihin ng paggamit ng buong puso at buong lakas ng isang tao ay pagtuon ng buong isip niya sa paggampan sa kanyang tungkulin at hindi pagpapahintulot na maging abala siya sa ibang bagay, at pagkatapos ay paggamit sa lakas na taglay niya, paggugol sa buong lakas niya, at pagdadala ng kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan niya, at ng mga bagay na kanyang naunawaan para gamitin sa gawain. Kung may abilidad kang umarok at umintindi, at mayroon kang magandang ideya, dapat mong kausapin ang iba tungkol doon. Ito ang ibig sabihin ng magkakasundong pakikipagtulungan. Ganito mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, ganito mo ito magagawa nang pasok sa pamantayan. Kung nais mo palaging akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging gumawa ng malalaking bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging nasa iyo ang atensiyon at hindi sa iba, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ang ginagawa mo ay tinatawag na paghahari-harian; pagpapakitang-gilas iyon. Satanikong pag-uugali iyon, hindi paggampan sa tungkulin. Anuman ang mga kalakasan, kaloob, o mga espesyal na talento ng isang tao, hindi niya kayang pasanin ang buong aytem ng gawain nang siya lang; dapat siyang matutong makipagtulungan nang magkakasundo kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo ay isang prinsipyo ng pagsasagawa sa paggampan ng tungkulin ng isang tao. Basta’t ibinibigay mo rito ang iyong buong puso, ang iyong buong pagsusumikap, at ang iyong debosyon, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong sarilinin o itago. Kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang alinsunod sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang magkakasundong pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng paggampan sa tungkulin ng isang tao nang may debosyon. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi hinihingi sa iyo na akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi hinihingi sa iyo na magpakamatay sa katatrabaho, o maging “ang tanging bulaklak na namumukadkad” o iba sa karaniwan; bagkus, hinihingi sa iyong matutuhan kung paano makipagtulungan nang kasundo ang iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, tuparin ang mga responsabilidad mo, ibigay mo rito ang lahat ng iyong pagsisikap. Iyon ang ibig sabihin ng paggampan sa iyong tungkulin. Ang paggampan sa iyong tungkulin ay paggamit sa bahagi ng lakas at liwanag na taglay mo at pagkamit ng mga resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gumawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas bigyang-pansin mo ang pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang magkakasundo. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang magkakasundo. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nananabotahe sa iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pananabotahe sa iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon paggampan sa tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nananabotahe sa iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o ang pagmamalasakit mo, hindi iyon matatandaan ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, pero kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas pasulong, at nagagawang makipagtulungan nang may pagkakasundo, at nagagawang magsikap ng lahat nang sama-sama, nagkakaisa sa puso, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging isang taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Tatandaan ng Diyos ang iyong ginawa. Tinatawag itong paggampan sa iyong tungkulin nang may debosyon. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ka sa paggampan sa iyong tungkulin, ang totoo ay lahat ng ito ay madaling malutas. Hangga’t ikaw ay isang taong matapat na may pusong nakasandig sa Diyos, at kaya mong hanapin ang katotohanan, walang problema na hindi kayang lutasin. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung may sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita alinsunod sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagagambala o nakakapagsabotahe, at hindi ka dapat kumilos nang arbitraryo at magdesisyon nang ikaw lang. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Tandaan mo: Ang paggampan sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong operasyon o sarili mong proyekto. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng kooperasyon ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Sa puso mo, mayroon ka dapat nitong katwiran. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang landas ng pagsasagawa.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo
Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo inaasikaso ang sarili mong gawain; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, “Hindi ko ito personal na gawain; ginagawa ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito personal na pribadong gawain.” Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang pansarili mong interes, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, at ginagawa mo ito alinsunod sa mga sarili mong motibo, pananaw, at adyenda, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung napakalinaw mong pinag-iiba ang tungkulin mo at ng pansarili mong interes, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo.) Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan ka sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema. Ang tungkulin ay hindi mo sariling personal na usapin; malaki man o maliit, ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na usapin ninuman. Hangga’t may kinalaman ito sa tungkulin, hindi mo ito pribadong usapin, hindi mo ito personal na usapin—may kinalaman ito sa katotohanan, at may kinalaman ito sa prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat ninyong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali nang tukuyin ang mga prinsipyo. Ano ang dapat mong gawin kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo? May isang paraan: Puwede kang makipagbahaginan sa mga nakakaunawa. Huwag mong palaging ipagpalagay na nauunawaan mo ang lahat at palagi kang tama; madaling paraan ito para magkamali. Anong uri ito ng disposisyon kapag gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita? Ito ay pagmamataas at pagmamagaling, pagkilos ito ayon sa sariling kagustuhan at pagpapasya. Iniisip ng ilang tao, “Nakapag-kolehiyo ako, mas may kalinangan ako kaysa sa inyo, mayroon akong kakayahang makaarok, lahat kayo ay may mababang tayog, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, kaya dapat ninyong pakinggan ang anumang sinasabi ko. Ako lang mag-isa ang puwedeng gumawa ng mga desisyon!” Ano ang masasabi mo sa pananaw na ito? Kung may ganitong uri ka ng pananaw, magkakaproblema ka; hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Paano mo magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin kung gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita, nang walang maayos na pakikipagtulungan? Ang paggampan sa iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay hinding-hindi magiging pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Palagi mong gustong pigilan ang iba at pilitin silang makinig sa iyo; hindi mo tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba. Ito ay pagkiling at pagiging sarado ng isip, ito rin ay pagmamataas at pagmamagaling. Sa ganitong paraan, hindi ka lang mabibigong gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, mahahadlangan mo pa ang iba sa paggampan nang maayos ng kanilang mga tungkulin. Ito ang kahihinatnan ng isang mapagmataas na disposisyon. Bakit hinihingi ng Diyos ang maayos na pakikipagtulungan sa mga tao? Sa isang banda, kapaki-pakinabang ito sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagpapahintulot sa kanilang makilala ang kanilang sarili at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon—makakatulong ito sa kanilang buhay pagpasok. Sa isa pang banda, ang maayos na pakikipagtulungan ay kapaki-pakinabang din para sa gawain ng iglesia. Dahil ang lahat ay walang pagkaunawa sa katotohanan at may mga tiwaling disposisyon, kung walang maayos na pakikipagtulungan, hindi nila makakayang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na makakaapekto sa gawain ng iglesia. Malubha ang magiging kahihinatnan nito. Sa kabuuan, para magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan, dapat matutunan ng isang taong makipagtulungan nang may pagkakasundo at, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ay makipagbahaginan ng katotohanan para mahanap ang mga solusyon. Mahalaga ito—makakatulong ito hindi lang sa gawain ng iglesia kundi maging sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. … Upang magampanan mo ang iyong tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at ang mga prinsipyo, direksiyon, pinagmulan at ang motibasyon ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng paggampan ng iyong tungkulin, hindi man lang makikita sa iyo ang mga positibong bagay na ito, at ang mga prinsipyo, landas, at batayan ng iyong pagkilos ay ang mga sarili mong kaisipan, mithiin, at pakana; ang pinagsimulan mo ay ang pagprotekta sa sarili mong mga interes at pag-alaga sa iyong reputasyon at katayuan, ang iyong pamamaraan ng paggawa ay ang gumawa ng mga pagpapasya at kumilos nang mag-isa at ang gumawa ng pangwakas na desisyon, na hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, at hindi kailanman nakikinig sa payo kapag nagkakamali ka, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay paano ka makikita ng Diyos? Hindi ka pa umaabot sa pamantayan kung ganyan mo ginagawa ang iyong tungkulin, at hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at palagi kang kumikilos kung paano mo gusto, ginagawa ang anumang nais mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi pasok sa pamantayan ang paggampan ng karamihan ng tao sa kanilang tungkulin. Kaya, paano dapat resolbahin ang problemang ito? Masasabi ba ninyo na mahirap gampanan ang tungkulin nang pasok sa pamantayan? Sa totoo lang, hindi; kailangan lamang magawa ng mga tao na magpakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at magkaroon ng angkop na posisyon. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o anuman ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong katayuan at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang bumaba sa mataas na kinalalagyan mo—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, “Napakarami ng aking kaloob, may napakatalas akong pag-iisip, mabilis ang reaksiyon ko, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya karapat-dapat akong gumawa ng huling desisyon,” kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problema ito. Kung puno ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang iwanan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa paggampan sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang paggampan mo ng iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan, sapagkat ang paggampan ng tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng buhay pagpasok. Ano ang ibig sabihin dito ng “unang hakbang”? Ang ibig sabihin nito ay magsimula ng isang paglalakbay. Sa lahat ng bagay, may isang bagay na magagamit para masimulan ang paglalakbay, isang bagay na pinakapangunahin, pinakapundamental, at ang pagiging pasok sa pamantayan sa paggampan ng tungkulin mo ay ang daan para magkamit ng buhay pagpasok. Kung ang iyong pagsasagawa ng tungkulin ay tila naaangkop lamang sa kung paano iyon ginagawa, ngunit hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon hindi ginagampanan ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Kung gayon, paano ito dapat gawin ng isang tao? Kailangang sikaping matamo at hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo; ang masangkapan ng mga katotohanang prinsipyo ang mahalaga. Kung pagagandahin mo lamang ang iyong pag-uugali at pipigilan mo ang init ng iyong ulo, ngunit hindi ka nasasangkapan ng mga katotohanang realidad, walang silbi iyan. Maaaring mayroon kang isang kaloob o espesyalidad. Magandang bagay iyan—ngunit magagamit mo lang ito nang wasto kung gagamitin mo ito sa pagsasagawa ng iyong tungkulin. Ang maayos na pagsasagawa ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o talento. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay na nauunawaan mo ang katotohanan at natututo kang magpasakop sa Diyos. Hindi maiiwasan na magbubunyag ka ng tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at hindi magiging problema para sa iyo ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Saanmang larangan ang iyong kaloob o kadalubhasaan, o saan ka man puwedeng mayroong anumang bokasyonal na karunungan, ang paggamit sa mga bagay na ito sa paggampan ng iyong tungkulin ay ang pinakanararapat—ito ang tanging paraan para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ang isang aspekto ay ang umasa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang iyong tungkulin, ang isa pa ay na dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong tiwaling disposisyon. Nagkakamit ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan ng paggampan ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nakakaya niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Sa proseso ng paggampan mo ng iyong mga tungkulin, sa positibong banda, kung kaya mong tratuhin ang iyong mga tungkulin nang tama, hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito anumang pangyayari ang iyong hinaharap, at kahit pa nawalan ng pananalig ang iba at tumigil na gampanan ang kanilang mga tungkulin, patuloy mong pinaninindigan ang sa iyo at hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito mula simula hanggang sa huli, nananatiling matatag at may debosyon sa iyong mga tungkulin hanggang sa huli, kung gayon ay tunay mong tinatrato ang iyong mga tungkulin bilang mga tungkulin at ganap kang may debosyon. Kung kaya mong abutin ang sukatang ito, masasabing nagampanan mo na ang iyong mga tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan; ito ay sa positibong banda. Gayumpaman, bago maabot ang pamantayang ito, sa negatibong banda, dapat ay magagawa ng isang taong labanan ang iba’t ibang tukso. Anong uri ito ng problema kapag hindi kaya ng isang taong labanan ang mga tukso sa proseso ng pagtupad ng kanyang tungkulin, kaya tinatalikuran niya ang kanyang tungkulin at tumatakas, ipinagkakanulo ang kanyang tungkulin? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa Diyos. Ang pagkakanulo sa atas ng Diyos ay pagkakanulo sa Diyos. Maliligtas pa rin ba ang isang taong nagkakanulo sa Diyos? Tapos na ang taong ito; lahat ng pag-asa ay nawala na, at ang mga tungkuling dati niyang ginampanan ay pawang pagtatrabaho lamang, na nauwi sa wala dahil sa kanyang pagkakanulo. Kaya, mahalagang mahigpit na panghawakan ang tungkulin ng isang tao; sa paggawa nito, may pag-asa. Sa pamamagitan ng pagtupad ng isang tao sa kanyang tungkulin nang may debosyon, puwede siyang maligtas at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano para sa lahat ang pinakamahirap na bahagi ng mahigpit na pagkapit sa kanilang tungkulin? Ito ay kung kaya nilang maging matatag kapag nahaharap sa mga tukso. Ano ang kabilang sa mga tuksong ito? Salapi, katayuan, mga matalik na relasyon, mga damdamin. Ano pa? Kung may dalang panganib ang ilang tungkulin, maging mga panganib sa buhay ng isang tao, at ang paggampan sa gayong mga tungkulin ay maaaring magresulta sa pagka-aresto at pagkakakulong o maging pag-uusig hanggang sa kamatayan, kaya mo pa rin bang gampanan ang iyong tungkulin? Kaya mo pa rin bang magtiyaga? Ang kadaliang mapagtagumpayan ang mga tuksong ito ay nakabatay sa kung naghahangad ang isang tao ng katotohanan. Batay ito sa kakayahan ng isang tao na unti-unting kilatisin at kilalanin ang mga tuksong ito habang hinahangad ang katotohanan, para makilala ang diwa ng mga ito at ang mga satanikong panlilinlang sa likod ng mga ito. Hinihingi din nitong kilalanin ang mga sariling tiwaling disposisyon, sariling kalikasang diwa, at sariling kahinaan ng isang tao. Dapat ay patuloy ding hinihingi ng tao sa Diyos na protektahan siya para mapaglabanan niya ang mga tuksong ito. Kung kaya ng isang tao na paglabanan ang mga ito, at mahigpit na panghawakan ang kanyang tungkulin nang walang pagkakanulo o pagtakas sa anumang pangyayari, ang posibilidad na maligtas ay umaabot sa 50 porsyento. Madali bang makamit ang 50 porsyento na ito? Ang bawat hakbang ay isang hamon, na puno ng panganib; hindi ito madaling makamit! May mga tao bang sobrang nahihirapan sa paghahangad ng katotohanan na nararamdaman nilang masyadong nakapapagod ang buhay at mas gugustuhin pang mamatay? Anong uri ng mga tao ang nakakaramdam nang ganito? Ganito ang pakiramdam ng mga hindi mananampalataya. Para lang manatiling buhay, kaya ng mga taong mag-isip nang matindi, magtiis ng anumang paghihirap, at mahigpit pa ring kumapit sa buhay sa mga sakuna, hindi sumusuko hanggang sa kanilang huling hininga—kung nanampalataya sila sa Diyos at naghangad ng katotohanan nang may ganitong uri ng sigla, tiyak na makakamit nila ang mga resulta. Kung hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at hindi handang magsikap para rito, mga wala silang kwenta! Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na kayang makamit sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng tao; kinakailangan nito ang pagsisikap ng tao kasama ng gawain ng Banal na Espiritu. Nangangailangan ito ng paghahanda ng Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at ng Banal na Espiritu na kumikilos para bigyang-liwanag, tanglawan, at gabayan sila. Ang paghihirap na dinaranas ng isang tao para makamit ang katotohanan ay ganap na makatwiran. Katulad ito ng mga umaakyat ng bundok na isinusugal ang kanilang buhay para maabot ang tuktok, hindi sila natatakot maghirap sa kanilang layuning hamunin ang kanilang mga limitasyon, maging sa punto ng pagsusugal sa kanilang buhay. Mas mahirap ba ang pananampalataya sa Diyos at pagkamit ng katotohanan kaysa sa pag-akyat sa isang bundok? Anong uri ng mga tao ang nagnanasa ng mga pagpapala pero hindi handang maghirap? Mga wala silang kwenta. Hindi mo puwedeng hangarin at kamtin ang katotohanan nang walang determinasyon; hindi mo ito magagawa nang walang kakayahang magdusa. Kailangan mong magbayad ng halaga para makamit ito.
Nauunawaan na ng mga tao ang depinisyon ng “pasok sa pamantayan,” ang mga sukatan ng “pasok sa pamantayan,” ang dahilan kung bakit itinakda ng Diyos ang sukatang ito ng pagiging “pasok sa pamantayan,” ang relasyon sa pagitan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan at ng buhay pagpasok, at ang iba pang gayong bagay na may kaugnayan sa katotohanan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan. Kung makararating sila sa kung saan kaya nilang panindigan ang kanilang tungkulin anumang oras o lugar, nang hindi ito sinusukuan, at kayang labanan ang lahat ng paraan ng tukso, at pagkatapos ay maarok at makamit ang karunungan at pagpasok sa iba’t ibang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang sitwasyong inihahanda Niya para sa kanila, kung gayon ay sa paningin ng Diyos, masasabing pasok na ito sa pamantayan. May tatlong pundamental na sangkap sa pagtatamong magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan: Una, ang pagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang tungkulin, at ang hindi pagtalikod sa kanilang tungkulin anumang oras; pangalawa, ang kakayahang labanan ang lahat ng uri ng tukso habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at hindi nadarapa; pangatlo, ang kakayahang maunawaan ang bawat aspekto ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at pumapasok sa realidad. Kapag natupad ng mga tao ang tatlong bagay na ito at naabot ang pamantayan, ang unang paunang kondisyon para sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo at pagpeperpekto—ang paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan—ay nakompleto na.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Kaugnay na mga Himno
Tanging ang Matapat ang Pasok sa Pamantayan para Makagampan sa mga Tungkulin Niya
Tanging sa Pagkilos nang may mga Prinsipyo Magagawa ng Isang Tao nang Maayos ang Kanyang Tungkulin