68. Kung Paano Ko Nalutas ang Aking Pagsisinungaling
Noong Disyembre 2023, ginagawa ko ang tungkulin ko sa pagdidilig at responsable ako sa gawain ng pagdidilig sa ilang iglesia. Noong panahong iyon, napakasigasig ko sa tungkulin ko at may panimula akong pagkaarok sa mga sitwasyon ng mga baguhan. Pagsapit ng Marso 2024, unti-unting dumami ang mga baguhan sa Iglesia ng Jianglin, at isinaayos ng superbisor na ako ang maging responsable sa gawain ng pagdidilig sa iglesiang ito. Dahil medyo malayo ang iglesiang ito sa ibang mga iglesiang responsabilidad ko, at hindi maganda ang pangkalahatang sitwasyon, pinaalalahanan ako ng superbisor na kung hindi ko mapupuntahan sa tamang oras ang mga baguhan, kailangan kong mas madalas sumulat sa mga tagadilig para maunawaan kung kumusta na ang mga baguhan. Walang alinlangan akong pumayag noon.
Pagkalipas ng isang linggo, sumulat ang superbisor para magtanong tungkol sa mga bagay-bagay tulad ng mga kasalukuyang kalagayan at paghihirap ng mga baguhan, at kung anong mga tungkulin ang angkop para sa mga baguhang ito. Nang makita ko ang mga tanong na iyon, naisip ko, “Kakakuha ko pa lang ng responsabilidad para sa gawain ng pagdidilig sa Iglesia ng Jianglin, at pangkalahatan pa lang ang naaarok ko sa mga sitwasyon ng mga baguhan, wala pang masyadong detalye. Nangako ako sa superbisor na tututukan ko ang pagsubaybay sa kalagayan ng mga baguhan, pero hanggang ngayon, hindi ko pa talaga sila nasusubaybayan nang maayos. Kung sasagot ako nang totoo, ano na lang ang iisipin ng superbisor sa akin? Iisipin kaya niyang pabasta-basta lang ako at hindi gumagawa ng tunay na gawain? Iisipin kaya niyang kahit matagal-tagal na akong nagdidilig, hindi ko pa rin alam kung paano subaybayan ang gawain, at na mahina ang kakayahan ko? Dahil doon, mamaliitin kaya niya ako?” Nang maisip ko ito, ayoko na sanang sumagot sa kanya. Pero hindi rin naman puwedeng hindi talaga ako sasagot. Nalagay talaga ako sa alanganin. Mapapahamak ako kung magsasalita ako, mapapahamak pa rin kung hindi. Noong sandaling iyon, bigla akong nakaisip ng paraan, “Kung susulatan ko ang mga tagadilig ng Iglesia ng Jianglin ngayon at lilinawin ko muna ang mga bagay-bagay bago ako sumagot sa superbisor, hindi niya iisipin na mahina ang kapabilidad ko sa gawain at na nagiging pabasta-basta lang ako at hindi gumagawa ng tunay na gawain.” Kaya, mabilis kong sinulatan ang mga tagadilig ng Iglesia ng Jianglin. Pagkatapos maisulat ang liham, hindi pa rin ako mapakali. Naisip ko, “Kung matagal sumagot ang mga tagadilig, at hindi ako agad makatugon sa superbisor dahil naghihintay pa rin ako, magkakaroon kaya ng masamang impresyon sa akin ang superbisor? Kung ganoon, baka malantad na hindi ko nasubaybayan nang maayos ang gawain. Sa ganitong paraan, hindi lang ako mabibigong mapanatili ang dangal at katayuan ko, kundi malalagay rin ako sa alanganin, at kung magtanong ang superbisor kalaunan tungkol sa dahilan nito, mahihirapan akong magpaliwanag. Kailangan kong sagutin muna ang superbisor. Pero ano ang puwede kong sabihin para isipin ng superbisor na may lihitimong mga dahilan kung bakit nahuli ako sa pagsagot? Napakaraming itinanong ng superbisor, at kung sasabihin kong nasubaybayan ko na ang lahat ng isyung ito, hindi iyon magiging makatotohanan, kaya sasabihin ko na lang na may isang isyu akong nakaligtaan at sumusulat ako ng liham para kumustahin iyon, at sabay-sabay ko na lang iuulat ang lahat kapag nakatanggap na ako ng mga sagot. Sa ganitong paraan, walang masasabi sa akin ang superbisor. Tutal, hindi naman ganoon kalawak mag-isip ang mga tao tungkol sa bawat isyu—normal lang na may makaligtaang isa o dalawang isyu.” Kaya, ganoon nga ang isinagot ko sa superbisor. Pagkalipas ng dalawang araw, sumagot nang may kasamang detalye ang mga tagadilig ng Iglesia ng Jianglin tungkol sa sitwasyon ng mga baguhan, at iniulat ko ang mga ito sa superbisor nang isa-isa. Walang sinabi ang superbisor, at nakahinga ako nang maluwag, iniisip na, “Mabuti na lang, hindi ko makatotohanang iniulat ang sitwasyon; kung hindi, siguradong iisipin ng superbisor na mababaw akong mag-isip, at kukuwestiyunin niya ang kapabilidad ko sa gawain, o maniniwala siyang pabasta-basta lang ako at hindi gumagawa ng tunay na gawain. Kung mangyayari iyon, hindi ko na mapapanatili ang magandang imahe ko sa paningin niya.”
Isang araw, sa isang pagtitipon, nabasa ko sa mga pinakabagong salita ng Diyos na ang mga taong kabilang sa kategorya ng mga diyablo ay mga palasinungaling. Naalala ko kung paano ako sumagot sa liham ng superbisor. Malinaw na hindi ko nasubaybayan ang sitwasyon ng mga baguhan, pero sinabi kong isang isyu lang ang nakaligtaan ko. Ang mga kilos ko ay pagsisinungaling at panlilinlang din, at gusto kong magtapat at maglahad tungkol sa mapanlinlang kong kalagayan. Pero napag-isip-isip ko uli, “Nagpakahirap akong magsinungaling dati. Hindi ba’t ito ay para lang mapanatili ang magandang imahe ko sa paningin ng superbisor? Kung magtatapat ako ngayon, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng ‘pagsisikap’ ko noon? Bukod sa mawawalan ako ng dangal at katayuan, iisipin pa ng superbisor na masyado akong mapagpakana at mapanlinlang. Hayaan na lang. Kung hindi ako magsasalita, walang makakaalam.” Kaya, hindi ako nagtapat. Pagkatapos ng pagtitipon, naisip ko kung paano sinabi ng Diyos na ang mga taong palasinungaling ay labis na pinahahalagahan ang sarili nilang mga interes, at kapag nasangkot na ang kanilang dangal at katayuan, gagawin nila ang lahat para magsinungaling at manlinlang. Hindi ba’t ganito rin ako? Nagsinungaling ako tungkol sa pagsubaybay sa gawain ko para lang mapanatili ang dangal at katayuan ko. Hindi ba’t pareho lang ito sa pag-uugali ng isang diyablo? Nang mapagtanto ko ito, labis akong hindi mapakali at natakot. Kaya nagtapat ako sa superbisor tungkol sa bagay na ito.
Pagkatapos, naghanap ako ng mga salita ng Diyos tungkol sa kalagayan ko para makapasok sa katotohanan. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga intensyon ng mga mapanlinlang na tao ay higit na mas komplikado kaysa sa matatapat na tao. Masyadong masalimuot ang kanilang mga isinasaalang-alang: Kailangan nilang isaalang-alang ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, pati na ang kanilang reputasyon at prestihiyo; at kailangan nilang protektahan ang kanilang mga interes—kailangang isaalang-alang ang lahat ng ito, nang hindi ipinakikita ang anumang kapintasan o naidudulas ang mga lihim sa iba, kaya kailangan nilang pigain ang kanilang utak upang mag-imbento ng mga kasinungalingan. Bukod pa rito, ang mga mapanlinlang na tao ay may malalaki, labis-labis na mga pagnanais at marami silang hinihingi. Kailangan nilang makabuo ng mga paraan upang makamit ang kanilang mga layon, kaya kailangan nilang ipagpatuloy ang pagsisinungaling at pandaraya, at habang mas nagsisinungaling sila, kailangan nilang pagtakpan ang mas maraming kasinungalingan. Iyon ang dahilan kung bakit higit na mas nakapapagod at masakit ang buhay ng isang mapanlinlang na tao kaysa sa isang matapat na tao. Ang ilang tao ay medyo matapat. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili sa kabila ng kanilang mga kasinungalingan, kilalanin ang panlalansing nagawa nila, kung anuman ito, tingnan ito batay sa mga salita ng Diyos upang himayin at unawain ito, at pagkatapos ay baguhin ito, maiaalis nila sa kanilang sarili ang maraming pagsisinungaling at panlalansi sa loob lamang ng ilang taon. Pagkatapos, sila ay magiging tao na sa pundamental ay matatapat. Sa pamumuhay nang ganito, bukod sa nakalalaya sila sa malaking pasakit at pagod, nagdadala rin ito ng kapayapaan at kaligayahan sa kanila. Sa maraming bagay, magiging malaya sila sa mga pagpipigil ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ng banidad at pride, at natural na mamumuhay nang malaya at pinalaya. Gayumpaman, ang mga mapanlinlang na tao ay palaging mayroong mga lihim na motibo sa likod ng kanilang mga salita at kilos. Nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng kasinungalingan upang ilihis at lansihin ang iba, at sa sandaling malantad sila, nag-iisip sila ng mga paraan upang pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan. Nagdurusa sa ganito at ganyang paraan, sila man ay napapagod din sa kanilang buhay. Nakapapagod na nga para sa kanila na magsinungaling nang napakaraming beses sa bawat sitwasyon na kanilang kinahaharap, at ang pagtakpan ang mga kasinungalingang iyon pagkatapos ay higit pang nakapapagod. Ang lahat ng sinasabi nila ay may layuning tumupad sa isang layon, kaya gumugugol sila ng maraming lakas ng isip sa bawat salitang kanilang binibitiwan. At pagkatapos nilang magsalita, nangangamba silang nakilatis mo na sila, kaya kailangan din nilang mag-isip nang matindi upang maitago ang kanilang mga kasinungalingan, makulit na ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay sa iyo, sinusubukan kang kumbinsihin na hindi ka nila pinagsisinungalingan o nililinlang, na mabuti silang tao. Malamang na gawin ito ng mga mapanlinlang na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong may mapanlinlang na disposisyon ay nagsasaalang-alang ng mga isyu sa isang napakakomplikadong paraan. Sinusubukan nilang protektahan ang kanilang dangal at katayuan habang tinitiyak na walang makikitang kapintasan sa kanila ang iba. Kung may isang bagay na nagbabanta sa kanilang dangal at katayuan, pipigain nila ang kanilang utak para magsinungaling at pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan. Nang sumulat ang superbisor para subaybayan ang sitwasyon ng mga baguhan, kailangan ko lang sagutin kung aling mga aspekto ang nasubaybayan na at alin ang hindi pa. Napakasimpleng bagay lang nito. Pero ginawa ko itong napakakomplikado. Nag-alala ako na kung sasagot ako nang totoo, malalantad ang mga kakulangan ko sa aking tungkulin, at baka pagdudahan ng superbisor ang kapabilidad ko sa gawain at maliitin ako. Kaya naisip kong maging malinaw muna sa sitwasyon ng mga baguhan at saka sumagot. Sa ganitong paraan, mapagtatakpan ko ang katunayang hindi sapat ang pagsubaybay na ginagawa ko. Pero nag-alala rin ako na kung hihintayin kong malinaw munang maunawaan ang sitwasyon bago sumagot, iisipin ng superbisor na nagpapatumpik-tumpik ako sa pagsagot, at kung ganoon, baka malantad pa na hindi sapat ang pagsubaybay ko sa mga baguhan, at maaapektuhan ang imahe ko bilang isang masipag at responsableng tao. Kaya nagsinungaling ako sa superbisor, sinabing may isang isyu lang akong hindi nasubaybayan. Kasabay nito, mabilis akong sumulat sa mga tagadilig para kumuha ng impormasyon tungkol sa mga baguhan, at pagkatapos ay iniulat ko sa superbisor ang impormasyong nakuha ko, para magmukhang talagang gumagawa ako ng tunay na gawain. Talagang nagpakahirap ako para protektahan ang aking dangal at katayuan, gumagamit ng mga panlilinlang at pagpapakana. Lubos akong mapanlinlang! Sa katunayan, sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao. Alam Niya ang lahat ng ginawa ko. Puwede kong linlangin ang mga tao, pero hindi ko malilinlang ang Diyos, dahil nakikita Niya ang lahat. Kung hindi ako magsisisi at magbabago ngayon, tiyak na ititiwalag ako ng Diyos. Kailangan kong agarang hangarin ang katotohanan at baguhin ang mapanlinlang kong disposisyon.
Kalaunan, napanood ko ang isang video ng patotoong batay sa karanasan na pinamagatang “Naranasan Ko ang Kagalakan ng Pagiging Matapat.” Doon, may isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa landas na tinatahak ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapintasan at paglihis sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng ang Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo isasaalang-alang na iangat? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, gumagawa ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo. Kung, sa iyong puso, hindi ka natatakot na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang iyong gawain, at nagagawa mong magbigay ng mga tunay na sagot sa mga katanungan at pag-uusisa ng ang Itaas, nang walang itinatagong anuman, at sinasabi kung ano ang nalalaman mo, kung gayon tama man o mali ang sinasabi mo, kahit ano pang katiwalian ang naibunyag mo—kahit naibunyag mo pa ang disposisyon ng isang anticristo—siguradong hindi ka ilalarawan bilang isang anticristo. Ang susi ay kung nagagawa mo bang kilalanin ang sarili mong disposisyon ng isang anticristo, at kung nagagawa mo bang hanapin ang katotohanan upang malutas ang problemang ito. Kung isa kang taong tinatanggap ang katotohanan, maaayos ang iyong anticristong disposisyon. Kung alam na alam mo na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo pero hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kung sinusubukan mo pang pagtakpan o pagsinungalingan ang mga problemang nagaganap at iniiwasan ang responsabilidad, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kapag isinasailalim ka sa pagpupungos, kung gayon ay isa itong seryosong problema, at wala kang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nababatid na may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, ‘Kung magtatanong ang ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng ang Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin’? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hindi pangangahas na makatotohanang mag-ulat ng mga bagay-bagay kapag nagtatanong at nangangasiwa sa gawain ang mga lider at manggagawa, at pagtatakip pa nga sa totoo para sa kapakanan ng reputasyon at katayuan, ay nangangahulugang isa kang taong may disposisyon ng mga anticristo, at tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kung ikukumpara ito sa sarili kong kalagayan, noong nagtanong ang superbisor tungkol sa mga baguhang nasa responsabilidad ko, maraming isyu ang hindi ko malinaw na nauunawaan, pero natakot ako na kung mag-uulat ako nang totoo at makikita ng superbisor na hindi ko nasubaybayan nang maayos ang mga bagay-bagay, iisipin niyang pabasta-basta lang ako, o kukuwestiyunin pa ang kapabilidad ko sa gawain, na makakaapekto sa aking reputasyon at katayuan. Kaya nagsinungaling ako at gumamit ng panlilinlang. Hindi ba’t pareho lang ito sa disposisyon ng isang anticristo? Sa katunayan, ang pagsubaybay ng superbisor sa gawain, sa isang banda ay para ipaalala sa akin kung ang gawain ba ng pagdidilig ay maayos na nasubaybayan at naipatupad, para kung hindi pa ito wastong naipatupad, magagawa ko ito kaagad, at maiiwasan ang mga pagkaantala sa pag-usad ng gawain ng pagdidilig dahil sa panandaliang kapabayaan. Ito ay nagsilbing pagpapaalala at pagtulong sa akin. Isa pa, sa pagtatanong ng superbisor sa sitwasyon ng mga baguhan, kung may mga paglihis sa gawain ng pagdidilig, maaaring agad na maipagbahaginan at matugunan ang mga ito. Dito, pinangangalagaan ng superbisor ang mga interes ng iglesia. Dapat sana ay nag-ulat ako nang matapat, sinasabi kung ano ang mga nalalaman ko, at para naman sa hindi ko pa maayos na nasusubaybayan, sapat na sanang nagmadali na lang akong ipatupad at subaybayan iyon. Pero labis kong pinahalagahan ang aking reputasyon at katayuan, at nang maharap sa pangangasiwa ng superbisor, hindi ako nangahas na amining hindi ko nagawa nang maayos ang gawain ko. Sa halip, nagsinungaling ako at nilinlang ang superbisor. Maaari itong maging sanhi ng mga paglihis na hindi naitutuwid sa tamang oras, na makakaantala sa buhay pagpasok ng mga baguhan. Talagang itinuring kong nakahihigit sa lahat ang reputasyon at katayuan. Sa tungkulin ko, palagi kong sinusubukang protektahan ang aking reputasyon at katayuan, nagpapakana at nagmamaniobra. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng anumang sinseridad o katapatan?
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Na hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ay nagpapatunay na talagang kinasusuklaman Niya ang mga taong mapanlinlang at hindi Niya gusto ang mga ito. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa kanilang mga disposisyon, at pati sa kanilang mga intensyon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat hindi nagpapakita ang Diyos ng pagkiling sa sinuman, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong kalugod-lugod sa Diyos, una ay dapat nating baguhin ang ating mga prinsipyo ng sariling asal, tumigil sa pamumuhay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, tumigil sa pag-asa sa pagsisinungaling at panlilinlang para maipamuhay ang ating buhay, at iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at subukang maging matatapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panlilinlang habang namumuhay kasama ang iba, at ginagamit nila ang mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, bilang kanilang buhay, at bilang saligan para sa kanilang sariling asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung nagsasabi ka ng matatapat na salita, kung sinasabi mo ang totoo, at sinusubukan mong maging isang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at itatakwil. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga lihim na mapanirang kaparaanan para makamtan ang iyong mga layon at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagagawa mong magsinungaling at maging mapanlinlang, mas masusuklam sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at gumagamit ka rin ng mga pakana at pandaraya at mga sopistikadong taktika para magbalatkayo at ipresenta ang sarili mo, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at lahat ng mga taong mapanlinlang ay itatakwil at ititiwalag sa huli. Matagal na itong inorden ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gusto ng Diyos ang mga taong matapat at kinasusuklaman ang mga taong mapanlinlang, dahil ang mga taong mapanlinlang ay laging nagsisinungaling at nanlilinlang anuman ang sitwasyong kaharapin nila, at ginagawang pundasyon ng kanilang pamumuhay ang mga satanikong pilosopiya at hindi isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Sa pagninilay sa ugat ng aking pagkamapanlinlang, nakita kong namuhay ako ayon sa mga kasabihang, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito, binibigyan ng malaking kahalagahan ang aking dangal, katayuan, at mga personal na interes. Anuman ang makaharap ko, kapag nasangkot na ang aking dangal at katayuan, pipigain ko ang aking utak at gagawin ang lahat para pagtakpan ang totoo. Pagkatapos gawin iyon, iisipin ko pa ngang ganito kumilos ang matatalinong tao, na ang mga hangal at mga mangmang lang ang nagsasabi ng totoo. Naaalala ko noong nag-aaral pa ako, isang beses, nagkamali ako ng pagkaalala sa takdang-aralin at may isang bahagi akong hindi natapos. Nag-alala akong masira sa paningin ng guro ang reputasyon ko bilang isang mabuting estudyante, kaya nagsinungaling ako sa guro, sinabing naiwan ko ang takdang-aralin ko sa bahay at babalikan ko iyon sa tanghali. Pagkatapos ay dali-dali kong tinapos ang takdang-aralin at ipinasa ito noong hapong iyon. Ngayong natagpuan ko na ang Diyos, namumuhay pa rin ako sa mga satanikong kaisipan at pananaw. Para mapanatili ang imahe ko sa paningin ng superbisor at maitago ang mga problema at kakulangan ko, gumamit ako ng mga panlilinlang at pandaraya para pagtakpan ang totoo. Kahit nang napagtanto ko kalaunan na dapat akong maging isang taong matapat at hayagang makipagbahaginan, nag-alala ako na kung magtatapat ako, masasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko noon, at iisipin pa ng superbisor na lubos akong mapagpakana at mapanlinlang. Kaya ayaw kong magsalita nang matapat. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, dahil ang mga taong matapat ay may lakas ng loob na umako ng responsabilidad kapag nahaharap sa mga problema, at may lakas ng loob na harapin ang kanilang mga kakulangan kapag nabubunyag ang mga ito, at pagkatapos, makapaghahanap sila ng katotohanan at malulutas ang mga bagay na ito. Habang lalong ginagawa ng gayong mga tao ang kanilang mga tungkulin, lalo nilang naaarok ang mga prinsipyo at lalong gumaganda ang kanilang mga resulta. Pero wala akong ipinakitang alinman sa mga pag-uugaling ito. Palagi kong sinusubukang magbalatkayo at mapagtakpan ang aking mga kapintasan, at sinubukan ko pa ngang linlangin ang mga kapatid. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng anumang wangis ng isang taong matapat? Ang isinasabuhay ko ay isang baliko at mapanlinlang na satanikong imahe. Kung mananatili akong hindi nagsisisi, tiyak na itataboy ako ng Diyos at mawawala ang pagkakataon kong maligtas.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at ang pagdudulot sa kanilang isuko ang sarili nilang mga interes ay para na ring paghiling sa kanila na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan. Makikita lamang ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes kapag naunawaan nila ang katotohanan; saka lamang sila makapagsisimulang bitiwan at maghimagsik laban sa mga ito, at magawang tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo nang gawin ito at talikuran ang mga sarili mong interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa ang iyong puso, at kapag nagawa mo iyon ay nadaig mo na ang laman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). “Upang maging isang matapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. … Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Nilinaw ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Para malutas ang isang mapanlinlang na kalagayan, dapat isuko ng isang tao ang mga personal na interes, hindi isaalang-alang ang personal na dangal o katayuan, at magtapat sa Diyos sa lahat ng bagay. Sa mga tungkulin ko, dapat kong iulat kaagad ang anumang isyu o personal na kakulangan, nang hindi isinasaalang-alang ang aking dangal o katayuan, at dapat kong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kahit na kung sa pagsasabi ng totoo ay makikita ng mga kapatid ang mga isyu at kakulangan ko sa aking mga tungkulin at pagkatapos ay mamaliitin ako, dapat ko pa rin itong harapin nang tama. Tanging sa pamamagitan ng pagsasagawa na magtapat at magsalita mula sa puso, ako ay magiging isang taong matapat. Kaya, matatag akong nagpasya na sa hinaharap, kapag naharap akong muli sa mga paghihirap at problema sa aking mga tungkulin, anuman ang maging tingin sa akin ng mga kapatid, kailangan kong magtapat at maghayag sa kanila tungkol sa aking mga iniisip at ginagawa, at maging isang taong matapat sa paningin ng Diyos.
Sa isang pagtitipon, isang baguhan na nasa responsabilidad ko, si Xiao Ya, ang nagtanong sa akin tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo, at noong oras na iyon, sandali akong nakipagbahaginan, pero kalaunan ay natuklasan kong lihis pala ang pagkaunawa ko, at hindi talaga nito kayang lutasin ang isyu ni Xiao Ya. Kalaunan, tinanong ako ng superbisor tungkol sa pagtitipon namin ni Xiao Ya, at napag-isip-isip ko, “Kung isusulat ko nang totoo ang pagbabahaginan namin ni Xiao Ya, siguradong iisipin ng superbisor na bilang isang tagadilig, hindi ko man lang kayang malinaw na ibahagi ang ganito kaliit na isyu, at na hindi ako makagawa ng tunay na gawain. Baka dapat ipagwalang-bahala ko na lang ito at huwag nang isulat ang totoong nangyari.” Habang pinag-iisipan ko ito, naramdaman kong mali ang gagawin ko. Hindi ba’t pagiging mapanlinlang ito? Kahit na maaaring hindi alam ng iba ang ginawa ko, sinisiyasat ng Diyos ang puso ko. Minamahal ng Diyos ang mga taong matapat, at dapat akong maging isang taong matapat at magsalita ng totoo. Sa huli, makatotohanan ko itong isinulat. At nang gawin ko ito, sa wakas ay nabunot ang tinik sa dibdib ko, at nakaramdam ako ng malaking ginhawa. Pagkatapos, nakipagbahaginan ako kay Xiao Ya sa tamang oras at itinama ang aking mga paglihis. Kalaunan, habang nakikisalamuha ako sa mga kapatid at ginagawa ang aking mga tungkulin, isinagawa ko ang pagiging isang taong matapat, at kahit na minsan, kapag nasasangkot ang mga interes ko, natutukso akong kumilos nang may panlilinlang, sa ilalim ng gabay ng mga salita ng Diyos, pinili kong magsalita ng totoo sa aking mga kapatid. Sa tuwing makatotohanan akong nag-uulat sa mga kapatid na nakatuwang ko o sa superbisor, hinding-hindi nila ako pinupuna dahil sa hindi magandang paggawa. Sa halip, pinaaalalahanan at tinutulungan nila ako, at nakikipagbahaginan sila sa akin ng mga katotohanang prinsipyo. Sa puso ko, nakaramdam ako ng kapanatagan at kalayaan, at hindi na ako kasimpagod tulad ng dati. Ang mga salita ng Diyos ang tumulong sa aking makilala ang mapanlinlang kong disposisyon at matantong ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos at ang pangangahas na magsalita ng totoo at magtapat ay hindi isang kahiya-hiyang bagay. Sa katunayan, habang lalo akong nagtatapat, lalo akong nakakaramdam ng katatagan at kalayaan. Salamat sa Diyos sa pagpapahintulot sa aking magkamit ng mga pakinabang na ito!