69. “Pagpapalaki ng mga Anak Para May Mag-alaga sa Iyo sa Pagtanda”—Tama Ba ang Pananaw na Ito?
Noong bata pa ako, madalas kong naririnig na sinasabi ng tatay ko, “Hindi mabuting anak ang pangalawa mong tito at hindi niya sinusuportahan ang lolo mo. Kami ng nanay mo ang sumuporta sa lolo mo. Ang layunin ng pagpapalaki ng mga anak ay para alagaan ka nila sa pagtanda. Sa hinaharap, kailangan mo kaming alagaan at samahan hanggang sa huli!” Nang lumaki ako, inalagaan ko ang mga magulang ko hanggang sa mamatay sila. Umasa rin ako na maaalagaan ako ng anak ko sa pagtanda ko. Nang matutong magsalita ang anak ko, tinanong ko siya, “Kanino mo gagastusin ang pera mo paglaki mo?” Sabi ng anak ko, “Paglaki ko, kikita ako ng maraming-maraming pera para ipanggagastos ko kina Nanay at Tatay.” Masaya kong sinabi, “Anak, hindi nasayang ang pagpapalaki ng nanay mo sa iyo!” Napakatalino ng anak ko. Mabilis siyang matuto ng kahit ano at lagi siyang nangunguna sa mga pagsusulit. Tuwang-tuwa ako at naisip ko, “Napakatalino ng anak ko, at tiyak na magiging maganda ang kinabukasan niya. Kahit wala akong pera, kailangan kong suportahan ang pag-aaral niya, para makahanap siya ng magandang trabaho pagkagradweyt niya ng kolehiyo. Sa gayon ay wala siyang magiging problema sa pag-aalaga sa amin sa pagtanda.”
Noong Abril 2003, inaresto ako dahil sa pananampalataya sa Diyos at pangangaral ng ebanghelyo at nakulong ako nang 25 araw. Para maiwasang maaresto ulit ng mga pulis, umalis ako ng bahay noong Nobyembre para gawin ang mga tungkulin ko sa ibang lugar. Sobrang nagtalo ang kalooban ko noong panahong iyon, “Kukuha na ng pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo ang anak ko makalipas ang anim na buwan. Kung aalis ako sa panahong ito, maaapektuhan ba ang pag-aaral ng anak ko? Kung maapektuhan nito ang pagsusulit niya sa pagpasok sa kolehiyo at mahadlangan ang kinabukasan niya, kamumuhian kaya niya ako sa huli? Hindi na kaya niya ako kikilalanin bilang nanay niya? Nag-iisa ko lang siyang anak, at kung ayaw na niya sa akin bilang nanay niya, kanino ako aasa pagtanda ko? Pero kung hindi ako aalis, at maaresto ako ulit, tiyak na madadamay ang anak ko at tuluyang masisira ang kinabukasan niya. Masesentensiyahan din ako, at tapos ay hindi ko na magagawa ang mga tungkulin ko.” Matapos ang matagal na pag-iisip, nagpasya pa rin akong umalis ng bahay. Dahil patuloy akong hinahanap ng mga pulis, hindi ako nangahas na umuwi.
Habang tumatanda ako, nagsimula nang humina ang sigla at lakas ng katawan ko, at medyo mataas ang presyon ng dugo ko. Lumabo na ang paningin ko, at nagkaroon ng tinnitus ang mga tainga ko at humina ang pandinig ko. Kumakabog din nang malakas ang dibdib ko tuwing gumagawa ako ng pisikal na trabaho, kaya kailangan kong humiga at magpahinga sandali. Naisip ko, “Tumatanda na ba ako? Sino ang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko?” Noong mga panahong ito, labis akong nangulila sa anak ko, at naisip ko, “Inaasahan ko pa ring sa kanya ako aasa sa pagtanda ko!” Noong 2021, bumalik ako sa bahay ng ate ko para mangaral ng ebanghelyo at nalaman kong nagtatrabaho ang anak ko nang malayo sa bahay, at napakamaalaga niya sa mga tita niya. Naisip ko na tiyak na magiging mabait din siya sa akin kung ganoon, at talagang inabangan kong makita ang anak ko balang araw. Sa katapusan ng Agosto ng sumunod na taon, nangangaral ako ng ebanghelyo sa ibang lugar nang sumulat ang ate ko para sabihing umuwi ang anak ko nang ilang araw. Nagmadali akong bumalik sa bahay ng ate ko noong gabing iyon, pero ayaw akong makita ng anak ko. Nasaktan ako, pero naiintindihan ko ang damdamin ng anak ko. Tutal, hindi ko siya naalagaan sa loob ng labimpitong taon, kaya normal lang na magalit siya. Kalaunan, nang makita ko ang anak ko, sobrang saya ko na gusto ko siyang yakapin, pero umupo siya nang malayo sa akin, at nanlamig ang puso ko sa pagkadismaya. Pagkalipas ng ilang sandali, sinabi ko sa kanya, “Sa lahat ng taon na ito, nag-aalala ako para sa iyo. Natatakot akong arestuhin ako ng mga pulis at madamay ka, kaya hindi ako nangahas na umuwi. Nagdusa ka sa lahat ng taon na ito.” Mapait niyang sinabi, “Hindi ako nagdusa. Matanda na ako ngayon. Hindi ako nagdurusa!” Pagkasabi nito, iniwas niya ang mukha niya at umalis matapos manatili nang wala pang kalahating oras. Dismayadong-dismayado ako, “Nagpakahirap ako sa pagpapalaki sa iyo at inalagaan kitang mabuti. Pagpasok mo sa eskuwela, para tulungan kang matuto ng kasanayan at magkaroon ng magandang kinabukasan, ginastos ko ang huling tatlong libong yuan ng pamilya natin para ibili ka ng electronic keyboard. Nagbuhos ako ng maraming dugo ng puso para sa iyo, pero ngayon ay itinakwil mo ako? Nasayang lang talaga ang pagpapalaki ko sa iyo!” Naisip ko, “Kinansela na ng gobyerno ng Partido Komunista ng Tsina ang rehistro ng sambahayan ko, nakipagdiborsyo na sa akin ang asawa ko, at itinakwil na ako ng anak ko. Animnapung taong gulang na ako ngayon, at palala nang palala ang kalusugan ko taon-taon. Ano ang gagawin ko kapag tumanda na ako? Sino ang mag-aalaga sa akin kapag nagkasakit ako? Sino ang mag-aasikaso sa akin sa pagtanda ko at maghahatid sa akin sa huling hantungan?” Sa gabi, pabaling-baling ako sa kama, hindi makatulog. Nang maisip ko kung paanong hindi man lang ako tinawag na “Nanay” ng anak ko, napagtanto kong wala nang pag-asang umasa sa kanya na mag-alaga sa akin sa pagtanda. Sobrang lungkot ko na parang dinudurog ang puso ko. Tulirong-tuliro ako noong mga araw na iyon, wala akong ganang gawin ang tungkulin ko, at iniraraos ko lang ang pangangaral ng ebanghelyo.
Noong Pebrero 2023, nabalitaan kong nagkasakit si Sister Sun Jing, pero maingat at maasikaso siyang inalagaan ng asawa niya. Naisip ko, “Kapag may sakit ang sister, inaalagaan siya ng asawa niya. Ano ang gagawin ko kung magkasakit ako? Itinakwil na ako ng anak ko, at kung dumating sa puntong hindi na ako makakilos, nakakahiya naman na alagaan ako ng mga sister sa iglesia. Hindi ako puwedeng maging pabigat sa mga kapatid ko! Isa pa, mag-isa ako sa bahay, kaya kung may mangyari sa akin, walang makakaalam. Paano kung hindi ako makarating sa ospital sa oras at mamatay na lang sa bahay?” Hindi ko mapigilang mabahala at mag-alala na walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko at maghahatid sa huling hantungan. Isang araw sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bilang isang magulang, mali ba na umasa ka sa iyong mga anak, sa pamamagitan ng pag-asa na magiging may-pananagutan sila sa iyo at masusuportahan ka nila paglaki nila? Hindi ito mali, at hindi ito paghingi nang sobra. Kung gayon ano ang problema rito? Palagi niyang ninanais na mamuhay ng isang mabuting buhay sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang mga anak, at gugulin ang nalalabing buhay niya sa pag-asa sa mga anak niya, at palagi siyang umaasa sa pagtatamasa ng mga bagay mula sa mga anak niya. Ano ang maling pananaw niya sa paggawa nito? Bakit siya may ganitong ideya? Ano ang pinagmulan ng pananaw na ito na pinanghahawakan niya? Palaging labis na inaasam ng mga tao ang isang partikular na paraan ng pamumuhay at partikular na antas ng pamumuhay. Ang ibig sabihin, bago pa man malaman ng mga tao kung paano paunang inorden ng Diyos ang mga buhay nila o kung ano ang tadhana nila, naplano na nila kung ano ba dapat ang antas ng pamumuhay nila, na dapat ay maging masaya sila, at magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang mga buhay, at maging mayaman at marangya, at magkaroon ng mga taong tutulong sa kanila at maaasahan nila—naplano na ng mga tao ang kanilang landas sa buhay, ang mga layon nila sa buhay, ang kahahantungan nila sa buhay, at lahat ng iba pa. … Dahil palagi siyang may ganitong kahilingan at ganitong mga plano, nasa puso ba niya ang Diyos? (Wala.) Kaya, kung tutuusin, ano ang nagdulot ng kirot na nagmula sa lahat ng kanyang paghihirap? (Dulot ito ng kanyang kahilingan.) Totoong-totoo iyan. Kaya paano umusbong ang kahilingan niya? (Sa hindi niya pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyan. Hindi niya naunawaan kung paano nangyayari ang kapalaran ng tao, at hindi rin niya naunawaan kung paano kumikilos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang ugat ng problema” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (2)). Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Mahigit kwarenta anyos lang ako nang umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko, at dahil bata pa ako at malakas noong panahong iyon, hindi ko inisip kung ano ang gagawin ko pagtanda ko. Ngayong matanda na ako, palala nang palala ang kalusugan ko taon-taon, at lumitaw ang maraming pag-aalala tungkol sa hinaharap. Nag-alala ako na kung magkakasakit ako at hindi ko maaalagaan ang sarili ko, walang mag-aalaga sa akin—ano ang gagawin ko? Nakansela ang rehistro ng sambahayan ko sa mga taon na wala ako sa bahay, at nakipagdiborsyo sa akin ang asawa ko. Noong una, inakala ko na dahil napakamaalaga ng anak ko sa mga tita niya, tiyak na magiging mabait din siya sa akin. Pero hindi ko inaasahan na itatakwil ako ng anak ko at mawawalan ng pag-asa na aalagaan niya ako sa pagtanda ko. Nakita kong hindi masasandalan ang anak ko, kaya nag-alala ako na walang mag-aalaga sa akin kung magkasakit man ako sa hinaharap, at na mamamatay ako sa bahay at walang makakapansin. Lalo na noong narinig ko na may sakit si Sun Jing at inaalagaan siya ng asawa niya, mas lalo akong nakaramdam ng lumbay at pagiging kaawa-awa, at nang maisip ko kung paanong wala akong maaasahan sa buhay ko sa hinaharap, nalungkot ako at naging miserable. Sinabi ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, pero sa totoo lang, wala akong anumang pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at walang puwang ang Diyos sa puso ko. Lagi kong iniisip kung paano magsaayos ng daan palabas para sa sarili ko, at itinuring ko pa ngang sandigan ang anak ko. Wala akong pananalig sa Diyos. Magiging napakamapanganib ng kalagayang ito kung hindi ko ito lulutasin.
Kalaunan, pinagnilayan ko, “Bakit ba masyado akong nag-aalala kung mayroong mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko at nasa tabi ko kapag namatay ako? Ano ba ang problema?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “May ilang taong kumakapit sa isang bulok at makalumang kuru-kuro, na sinasabing, ‘Hindi naman talaga mahalaga kung may mga anak ang mga tao na magiging mabuting anak sa kanila at mag-aalaga sa kanila sa kanilang katandaan, pero sa pinakamababa, kapag namatay sila, dapat mayroong isang taong magsisimula ng pagluluksa para maging disente itong tingnan sa iba. Kung hindi, kung mamamatay sila sa bahay at walang sinumang makakaalam, pagtatawanan sila ng mga tao, at masyadong kaawa-awa iyon!’ Ano naman kung walang nakaaalam? Kapag namatay ang isang tao, wala na siyang anumang nalalaman. Kapag namatay ang kanyang katawan, agad itong iniiwan ng kanyang kaluluwa. Saan man naroroon ang katawan o anuman ang hitsura nito pagkatapos mamatay, hindi ba’t patay na talaga ito? Kahit nasa kabaong pa ito sa isang marangyang libingan at ilibing sa lupa, mabubulok pa rin ang katawang ito, hindi ba? Iniisip ng mga tao, ‘Ang pagkakaroon ng mga anak sa tabi mo para ilagay ka sa kabaong, para bihisan ka ng kasuotang panglibing, para lagyan ka ng makeup, at maghanda ng isang marangyang libingan ay isang dakilang bagay. Kung mamamatay ka nang walang sinumang maghahanda ng iyong libing o maghahatid sa iyo sa libingan, para bang ang buong buhay mo ay hindi nagkaroon ng wastong pagwawakas.’ Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Sa panahon ngayon, hindi na masyadong binibigyang-pansin ng mga kabataan ang mga ganitong bagay, pero mayroon pa ring mga tao sa mga liblib na lugar at mga nakatatanda na may maliit na kabatiran ang naniniwala na dapat alagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang pagtanda ng mga ito at ihatid ang mga ito sa libingan. Ang kaisipan at pananaw na ito ay malalim na nakatanim sa kanilang puso, at gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap—ano ang huling kahihinatnan nito? Ang kahihinatnan ay lubos silang magdurusa. Matagal nang nakatago sa loob nila ang tumor na ito, at lalasunin sila nito. Kung huhukayin nila ito at tatanggalin, hindi na sila malalason nito, at magiging malaya na ang kanilang buhay. Ang anumang mga maling kilos ay pinangungunahan ng mga kaisipan at pananaw na wala sa katwiran. Halimbawa, takot ang isang tao na mabulok sa kanyang bahay pagkatapos niyang mamatay, kaya palagi niyang iniisip na, ‘Kailangan kong magkaroon ng lalaking anak. Paglaki ng anak ko, hindi ko siya puwedeng hayaang masyadong lumayo. Paano kung wala siya sa tabi ko kapag namatay ako? Kung walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko o maghahatid sa akin sa libingan, iyon ay magiging isa sa mga pinakamalaking pagsisisi ko sa buhay! Kung mayroon akong isang tao na gagawa nito para sa akin, hindi magiging walang saysay ang buhay ko. Magiging isang perpektong buhay ito. Anuman ang mangyari, hindi puwedeng kukutyain na lang ako.’ Hindi ba’t isa itong bulok na ideolohiya? (Oo, ganoon na nga.) Ito ay lipas na at bulok, masyado nitong binibigyang-importansiya ang pisikal na katawan! Ang totoo, ang pisikal na katawan ay walang halaga: Pagkatapos maranasan ang kapanganakan, katandaan, karamdaman, at kamatayan, wala nang natitira. Kapag nakamit mo ang katotohanan at kaligtasan habang nabubuhay, saka ka lang maaaring mabuhay magpakailanman. Kung hindi mo nakamit ang katotohanan, kapag namatay at naaagnas na ang katawan mo, wala nang matitira; kahit gaano pa kabuti sa iyo ang mga anak mo, hindi mo na ito matatamasa. Kapag namatay ang isang tao at inilibing siya ng kanyang mga anak nang nasa isang kabaong, may mararamdaman bang anuman ang lumang katawang iyon? Mapapansin ba nito ang anumang bagay? (Hindi.) Wala itong anumang pandama. Pero sa buhay, masyadong binibigyang-importansiya ng mga tao ang usaping ito, malaki ang hinihingi nila mula sa kanilang mga anak pagdating sa kung maihahatid ba sila ng mga ito sa libingan—na isang kahangalan, hindi ba? … kung hinahangad mo ang katotohanan, bilang magulang, unang-una ay dapat mong bitiwan ang mga tradisyonal, bulok, at mababang-uring kaisipan at pananaw tungkol sa kung ang mga anak mo ba ay mabuting anak, kung aalagaan ka ba nila sa iyong pagtanda, at kung ihahatid ka ba nila sa libingan, at dapat mong harapin nang tama ang usaping ito. Kung talagang mabuti sa iyo ang iyong mga anak, tanggapin mo ito sa wastong paraan. Pero kung wala sa iyong mga anak ang mga kondisyon o lakas para maging mabuting anak sa iyo, o hindi nila plano na maging mabuting anak sa iyo, at pagtanda mo ay hindi ka nila maalagaan sa tabi mo o maihatid sa iyong libingan, hindi mo kailangang hingin ito o maging malungkot. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. May oras para sa kapanganakan, may lugar para sa kamatayan, at inorden ng Diyos kung saan isisilang ang mga tao at kung saan sila mamamatay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Ang inilantad ng salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Lagi akong nag-aalala na walang mag-aalaga sa akin pagtanda ko o magiging nasa tabi ko kapag namatay ako, at kung ano ang mangyayari kung mamatay ako at walang makaalam, na mabubulok na lang ang bangkay ko sa bahay. Kapag iniisip ko ito, nagiging negatibo at mahina ako, at namumuhay sa pagkabagabag at pagkabalisa. Sa katunayan, ang oras ng kapanganakan ko, ang oras ng kamatayan ko, at ang lugar ng kamatayan ko ay pawang pauna nang inorden ng Diyos. Kung makakasama ko ba ang anak ko sa huling sandali ng buhay ko ay nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Namumuhay ako sa pag-aalala at pagkabagabag dahil masyado kong pinahalagahan ang aking laman, at hindi ko maarok kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagkamatay ng laman. Sabi ng Diyos: “Ang totoo, ang pisikal na katawan ay walang halaga: Pagkatapos maranasan ang kapanganakan, katandaan, karamdaman, at kamatayan, wala nang natitira.” Kapag namatay ang laman, wala na itong kamalayan. Kahit may maghatid sa iyo sa huling hantungan at maglibing sa iyo sa kabaong, hindi ba’t mabubulok pa rin naman ang laman mo? Ano naman kung naroon ang mga anak mo para ihatid ka sa libingan? Mamamalayan mo ba iyon? Pero itinuring kong napakahalaga ng bagay na ito. Hindi ba’t napakahangal nito? Sa katunayan, kung hindi makakamit ng mga tao ang katotohanan, kahit magkaroon pa sila ng engrandeng libing, hindi maliligtas ang mga kaluluwa nila, at mapupunta pa nga sila sa impiyerno. Sabi ng Diyos: “Kapag nakamit mo ang katotohanan at kaligtasan habang nabubuhay, saka ka lang maaaring mabuhay magpakailanman.” Tanging sa pagkamit lamang ng katotohanan, pagwawaksi ng ating mga satanikong tiwaling disposisyon, at paggampan nang maayos sa mga tungkulin ng isang nilikha lamang tayo magkakamit ng buhay na walang hanggan at makatatanggap ng kaligtasan, dinadala ng Diyos sa isang magandang hantungan.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nabawasan din nang kaunti ang pagkabagabag at pagkabalisa ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung gaano kalaki ang kaugnayan ng mga magulang sa kanilang mga anak, kung gaano karami ang matatanggap nila bilang kapalit mula sa kanilang mga anak, kung maaasahan ba nila ang kanilang mga anak na mag-alaga sa kanila sa kanilang pagtanda—sa madaling salita, lahat ng ito ay pauna nang itinadhana at inorden ng Diyos. Hindi ito nangyayari nang ayon mismo sa kagustuhan lang ng mga tao sa sarili nilang isipan. Siyempre, napakaganda ng mga imahinasyon ng lahat at gusto nilang makakuha ng ilang pakinabang mula sa kanilang mga anak. Pero bakit hindi mo kailanman isinaalang-alang kung nakasulat ba iyan sa iyong tadhana? Kung gaano tatagal ang kaugnayan mo sa iyong mga anak ay napakahalaga. Kung ang bawat trabahong ginagawa mo sa buhay na ito ay magkakaroon ng kaugnayan sa iyong mga anak, kung mapapasama ba ang iyong mga anak sa mga kasangkot kapag nakaranas ka ng isang malaking pangyayari—lahat ng ito ay nakasalalay sa paunang pag-orden ng Diyos. Kung wala ang paunang pag-orden ng Diyos, gaano ka man magsumikap, wala itong magiging saysay. Kapag napalaki mo na ang iyong mga anak hanggang sa hustong gulang, natupad mo na ang iyong responsabilidad, at natural silang aalis sa panahong dapat na silang umalis. Ito ay isang bagay na kailangang makilatis ng mga tao. Kung hindi mo kayang makilatis ang bagay na ito, palagi kang magkakaroon ng mga personal na pagnanais, at palagi kang magkakaroon ng mga personal na kahilingan, at tatanggapin mo ang iba’t ibang uri ng kaisipan at pananaw upang makamit ang iyong mga intensyon. Ano ang mangyayari sa huli? Magigising ka lang sa katotohanan sa bingit ng iyong kamatayan, at mapagtatanto mong marami kang nagawang kahangalan sa iyong buong buhay, at kumilos ka lang batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at ikaw ay naging napakahangal at napakamangmang; talagang hindi ito naaayon sa tunay na sitwasyon o sa mga paunang pag-orden ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Kung mabuting anak man ang anak ko at kung kaya niya akong alagaan sa pagtanda ko ay nakadepende kung mayroon akong ganoong kapalaran o wala. Kung hindi paunang inorden ng Diyos na alagaan ako ng anak ko sa pagtanda ko, gaano man kaganda ang mga imahinasyon ko tungkol doon, mawawalan lang ng saysay ang lahat ng ito. Kahit na nangako ang anak ko na aalagaan niya ako sa pagtanda ko, dahil nagtatrabaho at nakatira siya sa lugar na libo-libong milya ang layo, maaaring wala rin siya sa tabi ko kapag nagkasakit at namatay ako. Hindi ko ito maarok, at namuhay ako sa pagkamiserable dahil hindi ako pinansin ng anak ko at dahil walang pag-asa na aalagaan niya ako sa pagtanda ko. Niloloko ko lang ang sarili ko, at sinasayang ang oras ko sa walang kabuluhan. Naalala ko na may isang matandang babae sa katabing nayon namin. Noong nasa otsenta anyos na siya, hindi na niya kayang alagaan ang sarili niya, pero wala ni isa sa tatlo niyang anak na lalaki ang nag-alaga sa kanya. Namatay sa gutom ang matandang babae, at walang naghatid sa kanya sa huling hantungan. Naisip ko rin ang isang matandang kapatid na ang anak na babae ay nanirahan sa ibang bansa at hindi na bumalik kailanman. Ngayon, ang matandang kapatid at ang asawa niya ay parehong nasa setenta anyos na. Tuwing nagkakasakit sila, ipinagmamaneho sila ng pamangkin nila papunta sa ospital para magpa-checkup, at namumuhay pa rin sila ng magandang buhay. Ang buhay ng bawat tao ay paunang inorden at isinaayos ng Diyos. Dapat kong ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng may kinalaman sa akin at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot. Hindi na ako dapat mag-alala tungkol sa pagtanda ko.
Ipinagpatuloy ko ang paghahanap, at nagbasa pa ng mas maraming salita ng Diyos: “Ang pagpapalaki ng mga anak ay isang instinto ng tao, at isa ring responsabilidad at obligasyon ng mga tao. Hindi dapat hingin ng mga magulang sa kanilang mga anak na maging mabuting anak sa kanila, ni hindi sila dapat mag-anak para lang mayroong susuporta sa kanila sa kanilang katandaan. Ang layon ng mga tao sa pagpapalaki ng mga anak ay sadyang hindi wasto, kaya kapag hindi mabuting anak ang kanilang mga anak, magsasabi sila ng mga katawa-tawang bagay tulad ng, ‘Huwag kang mag-anak, anuman ang mangyari.’ Dahil hindi dalisay ang layon, mali rin ang mga kaisipan at pananaw na binubuo nila. Kaya, hindi ba’t kailangang ituwid at bitiwan ang mga ito? (Oo.) Paano dapat ituwid at bitiwan ng isang tao ang mga ito? Anong klaseng layon ang dalisay? Anong uri ng kaisipan at pananaw ang tama? Sa madaling salita, ano ang tamang paraan ng paghawak sa ugnayan ng isang tao sa kanyang mga anak? Una sa lahat, ang pagpapalaki ng mga anak ay sarili mong pasya: Kusang-loob mo silang ipinanganak at pinalaki, at sila ay pasibo sa pagkasilang. Maliban sa responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa mga tao na magkaanak, at maliban sa ordinasyon ng Diyos, para sa mga magulang, ang kanilang pansariling dahilan at pinagsisimulan ay na handa silang mag-anak. Dahil handa kang magkaanak, dapat mo silang alagaan hanggang umabot sila sa hustong gulang, binibigyang-kakayahan sila na mamuhay nang nakakapagsarili. Marami ka nang nakamit at labis kang nakinabang mula sa pagpapalaki sa kanila. Una sa lahat, nasiyahan ka sa masasayang panahon kasama ang mga anak mo, at nasiyahan ka rin sa proseso ng pagpapalaki sa kanila. Bagama’t may mga galak at paghihirap sa prosesong ito, mas madalas ay naranasan mo ang kaligayahan ng pagsama sa mga anak mo at ang masamahan nila. Isa rin itong proseso ng pagdanas ng buhay. Natamasa mo ang mga bagay na ito, at marami ka nang nakamit mula sa iyong mga anak, hindi ba? Ang mga anak ay naghahatid ng kaligayahan at nagbibigay ng makakasama sa kanilang mga magulang, at ang mga magulang, sa pamamagitan ng halagang ibinabayad nila at oras at lakas na iginugugol nila sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, ay nakakasaksi na unti-unting lumalaki ang mumunting buhay na ito hanggang sa umabot sa hustong gulang. Mula sa isang walang muwang at batang buhay na walang anumang nalalaman, ang kanilang mga anak ay unti-unting natututong mag-isip, natututong magsalita, nagkakaroon ng abilidad na pagsama-samahin ang mga salita, ng abilidad na matutunan at makilala ang kaibahan ng iba’t ibang uri ng kaalaman, at ng abilidad na makipag-usap at makipag-ugnayan sa kanila, at tingnan ang mga bagay-bagay mula sa pantay na paninindigan. Para sa mga magulang, ang pagdaranas sa prosesong ito ay ang pinakamasayang bagay, at hindi maaaring palitan ng anumang iba pang pangyayari o tao. Nakatamo na ang mga magulang ng malaking kasiyahan at pagkaunawa mula sa kanilang mga anak sa proseso ng pagpapalaki sa kanila, na siyang malaking kaginhawahan at pakinabang sa kanila” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). “Isantabi muna natin sa ngayon ang pagsasalita mula sa perspektiba ng mga anak, bagkus ay magsalita tayo mula lamang sa perspektiba ng mga magulang. Hindi dapat hingin ng mga magulang na maging mabuting anak ang kanilang mga anak, at alagaan sila sa kanilang pagtanda at pasanin ang bigat sa kanilang pagtanda—hindi na ito kailangan. Sa isang aspekto, ito ay isang saloobin na dapat mayroon ang mga magulang sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ang dignidad na dapat taglayin ng mga magulang. Siyempre, mayroon ding mas mahalagang aspekto: Ito ang prinsipyo na dapat sundin ng mga nilikha na mga magulang sa pagtrato sa kanilang mga anak. Kung mabuting anak ang mga anak mo, at handang alagaan ka, hindi mo sila kailangang tanggihan; kung ayaw naman nilang gawin ito, hindi mo kailangang magreklamo o dumaing buong araw, makaramdam ng pagiging di-komportable at di-nasisiyahan sa puso mo, o magtanim ng sama ng loob sa iyong mga anak. Dapat kang umako ng responsabilidad at dalhin ang pasanin para sa sarili mong buhay at pananatiling buhay hangga’t kaya mo, at hindi mo ito dapat ipasa sa iba, lalo na sa iyong mga anak. Dapat mong maagap at wastong harapin ang buhay na hindi kasama at wala ang tulong ng mga anak mo sa tabi mo, at kahit malayo ka pa sa mga anak mo, dapat magagawa mo pa ring haraping mag-isa ang anumang idinudulot sa iyo ng buhay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Isang instinto ng tao at responsabilidad at obligasyon ng tao na palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Pinipili ng mga magulang na isilang ang kanilang mga anak, at gaano man karaming pagdurusa ang kailangan o gaano man kalaking halaga ang bayaran nila para palakihin ang mga ito, sadyang dapat lang nilang gawin ito. Gayumpaman, naimpluwensiyahan ako ng tradisyonal na ideya na dapat kang “magpalaki ng anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda,” at hiningi ko na alagaan ako ng anak ko sa pagtanda ko. Naniwala akong ganap na likas at may katwiran na dahil pinalaki ko siya noong bata pa siya, kailangan niya akong alagaan pagtanda ko. Hindi naaayon sa katotohanan ang pananaw na ito. Ang pagpapalaki sa anak ko ay responsabilidad at obligasyon ko. Sadyang ito ang dapat kong gawin. Gayumpaman, ginamit ko ang halagang binayaran ko para sa pagpapalaki sa anak ko bilang panumbat para alagaan niya ako sa pagtanda ko. Nang hindi natugunan ang mga pagnanais ko, nagalit ako at sumama ang loob ko. Talagang napakamakasarili ko at ubod ako ng sama! Sa totoo lang, kahit mag-ina kami, sa harap ng Diyos, pareho kaming mga nilikha, at pantay ang katayuan. Hindi ko alipin ang anak ko, at hindi makatwiran na hilingin ko sa kanyang alagaan ako sa pagtanda ko. Natanggap ko na ang nararapat sa akin mula sa pagpapalaki sa anak ko. Mula noong ipinanganak ang anak ko hanggang sa natatawag na niya kaming nanay at tatay, at hanggang sa umabot siya sa hustong gulang, nagdala siya ng maraming kagalakan sa pamilya namin. Sa proseso ng pagpapalaki sa anak ko, naging mature ang pag-iisip ko at nagkamit ako ng maraming karanasan sa buhay. Ito ang mga gantimpala ng pagpapalaki ng anak. Hindi ako puwedeng magalit kung ayaw akong alagaan ng anak ko sa hinaharap. Kailangan kong akuin ang responsabilidad para sa sarili kong buhay sa abot ng makakaya ko, at hindi umasa sa anak ko, sa halip ay magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, gumaan nang husto ang pakiramdam ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay-liwanag sa puso ko at nagbigay sa akin ng landas na susundan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakakaramdam ka ng labis na pagdurusa at kalungkutan, sino ang tunay na makakapagbigay-ginhawa sa iyong puso? Sino ang tunay na makakalutas ng iyong mga paghihirap? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang tunay na makakalutas ng mga paghihirap ng mga tao. Kung ikaw ay may sakit, at ang iyong mga anak ay nasa iyong tabi, pinagsisilbihan ka, at nagbabantay sa iyo, lubos kang masisiyahan, ngunit pagdating ng panahon, magsasawa ang iyong mga anak at wala nang sinuman ang magnanais na magbantay sa iyo. Sa mga panahong tulad niyon, makakaramdam ka ng tunay na pangungulila! Iniisip mong wala kang katuwang sa iyong tabi ngayon, pero ganoon ba talaga? Sa katunayan, hindi, dahil ang Diyos ay palaging nasa tabi mo! Hindi iniiwan ng Diyos ang mga tao. Siya ang Nag-iisang maaasahan nila at masisilungan sa lahat ng oras, at ang kanilang nag-iisang kapalagayang-loob. Kaya, anuman ang mga paghihirap at pagdurusang dumating sa iyo, at anuman ang mga bagay na nagpaparamdam sa iyo ng pagkaagrabyado o mga bagay na nagpapanegatibo at nagpapahina sa iyo, dapat kang lumapit at manalangin sa Diyos kaagad, at ang Kanyang mga salita ay magbibigay sa iyo ng ginhawa, at lulutasin ng mga ito ang iyong mga paghihirap at lahat ng iyong problema. Sa isang kapaligirang tulad nito, ang iyong pangungulila ang magiging batayang kondisyon para maranasan ang mga salita ng Diyos at makamit ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang Diyos ang sandigan ng sangkatauhan sa lahat ng oras. Kapag tayo ay nasasaktan, nanghihina, o nakararanas ng mga paghihirap at pasakit, ang Diyos ang laging kasama natin. Gumagamit ang Diyos ng mga salita para bigyang-liwanag at akayin tayo, at lutasin ang mga problema natin, tinutulungan tayong malagpasan ang mahihirap na panahon. Mayroon na akong vertigo mula noong bata pa ako, at pinahirapan ako ng sakit na ito nang mahigit 30 taon. Tuwing umaatake ang vertigo ko, kailangan kong humiga nang dalawang araw. Kahit na naging mabuting anak ang anak ko, matutulungan niya lang ako sa pagkain at inumin; hindi niya mapapawi ang pasakit ko, at lalong hindi siya makapagdurusa para sa akin. Pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, gumaling ang sakit ko nang hindi ko namamalayan, at hindi na ako pinahirapan ng sakit. Ang Diyos ang nag-alis ng sakit ko. Halos 20 taon na akong wala sa bahay sa paggawa ng tungkulin ko, at laging maayos ang kalusugan ko. Noong 2022, kahit malala ang pandemya at maraming tao ang nahawahan, hindi ako nahawa ng Covid. Wala akong anumang malubhang sakit ngayon, at, kahit nagkakaroon ako ng ilang karaniwang sakit paminsan-minsan, gumagaling ako sa paggamit lang ng ilang katutubong lunas. Naranasan ko kung paano ako pinrotektahan ng Diyos sa lahat ng taon na ito, at kung paanong ang Diyos lang ang sandigan ko. Nang maunawaan ko ito, hindi na ako nabagabag at nabalisa na walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko at maghahatid sa akin sa huling hantungan, at mas naging malaya ang puso ko. Itinalaga ko ang sarili ko sa pangangaral ng ebanghelyo, at unti-unti akong nagkamit ng ilang resulta. Salamat sa Diyos sa Kanyang gabay!