16. Ang Natamo Ko Pagkatapos ng Isang Mapait na Pagkabigo
Noong 2013, inaresto ako ng mga pulis sa pamamagitan ng pagmamatyag sa telepono. Pinakitaan nila ako ng mga litrato ng mga nakatataas na lider at sinabihan akong tukuyin ko ang pagkakakilanlan nila, at nang ayaw kong magsalita, sinubukan nilang pagbantaan at takutin ako, sinasabing ilalagay daw nila ako sa bartolina at pahihirapan. Noong oras na iyon, dahil sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos ay hindi ako natakot, at pagkatapos, nalampasan ko ang bawat interogasyon ng pulisya sa pamamagitan ng pagdarasal, at hindi ko ipinagkanulo ang mga kapatid ko. Kalaunan, sinentensiyahan ako ng tatlong taong pagkakakulong.
Noong Abril 2014, ipinadala ako sa isang bilangguan ng mga babae para magsilbi ng sentensiya ko. Pinagsusulat ako ng hepe ng yunit ng bilangguan ng isang pahayag ng pagsisisi at pinanunumpa na hindi na ako mananampalataya sa Diyos, pero tumanggi akong isulat iyon at sa halip ay nagpatotoo pa ako sa kanila tungkol sa Diyos. Nang makita ang matatag kong paninindigan, inutusan ng hepe ng yunit ng bilangguan ang ibang mga preso na pahirapan, bugbugin, at murahin ako, at pinatayo nila ako sa isang maliit na kuwarto sa loob ng labindalawang oras bawat araw nang hindi gumagalaw. Namanhid at namaga na ang mga binti at paa ko sa kakatayo, at bawat minuto, parang isang oras ang haba. Kinutya ako ng mga preso nang makita nila ang paghihirap ko, sinasabi nila, “Bakit hindi mo sabihan ang Diyos mo na gawin kang agila para makalipad ka palabas dito!” Nanalangin ako sa puso ko, hinihiling sa Kanya na gabayan akong malampasan ang pisikal na parusang ito at hindi Siya ipagkanulo, at sa gabay ng Diyos, nakayanan ko itong tiisin. Isang araw, binigyan ako ng mga opisyal ng bilangguan ng sampung tanong para sagutin, puro pagtanggi at paninirang-puri sa Diyos ang nilalaman. Galit na galit talaga ako: “Talagang magagaling gumawa ng kasinungalingan ang mga diyablong ito! Kailangan kong magpatotoo para sa Diyos at huwag hayaang bigyang-kahihiyan ang pangalan Niya.” Kaya ginamit ko ang pagkakataong ito na sagutin ang mga tanong gamit ang mga salita ng Diyos para pabulaanan ang kanilang mga maling kaisipan. Dahil doon, nagalit ang mga opisyal ng bilangguan, at tatlong araw nila akong hindi pinakain ng tanghalian. Minsan, nahihilo ako sa gutom at tumatawag ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na palakasin ang pananalig ko at tulungan akong manatiling matatag na naninindigan. Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, hindi ko na gaanong naramdaman ang gutom. Anim na buwan bago ako palayain, ginipit ng malaking pulang dragon ang yunit ng bilangguan, sinasabing ako na lang daw sa buong distrito ang hindi napagbabago, at para hindi masira ang reputasyon ng bilangguan, kailangan akong mapagbago. Pagkatapos niyon, isinailalim nila ako sa panibagong parusang pisikal. Sa temperaturang humigit-kumulang minus twenty degrees Celsius, pinatayo nila ako sa banyo at binuhusan ng tubig, pati na sa mga tainga ko. Basang-basa ang buo kong katawan, pero hindi nila ako pinayagang magpalit ng damit. Kalaunan, dinala na naman nila ako sa isang maliit na kuwarto, at may dalawang mamamatay-tao na pumilit sa aking pirmahan ang “Tatlong mga Pahayag.” Sabi nila, kung tatanggi ako, dadalhin nila ako sa isang pasilyo na walang surveillance, at kung bubugbugin daw ako hanggang mamatay, itatala iyon bilang natural na kamatayan. Magulo ang puso ko: “Kung pipirma ako, ipagkakanulo ko ang Diyos, pero kung hindi, hahanap sila ng mga bagong paraan para pahirapan ako. Paano kung bugbugin nila ako hanggang mamatay?” Naalala ko ang sinabi sa akin ng isang preso dati, na may bilanggo nang namatay rito, at kinaladkad daw nila ang bangkay palabas na parang patay na aso. Sa pag-iisip pa lang nito ay napuno na ako ng takot. Kung mamatay ako sa bugbog, wala na akong pagkakataong maligtas. Pagkatapos, naisip ko kung paanong sinabi ng dalawang sister sa iisang yunit ng bilangguan na pareho silang pumirma sa pahayag ng pagsisisi. Naisip ko, “Pumirma na sila. Baka naman mahigpit lang akong sumusunod sa mga regulasyon? Tinitingnan ng Diyos ang puso ng tao, hindi lang ang panlabas na kilos. Hindi ko naman talaga gustong ipagkanulo ang Diyos sa puso ko; ginagamit ko lang ang karunungan para harapin ang malaking pulang dragon.” Kaya, pinirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag.” Pero noong sandaling pumirma ako, napuno ng kadiliman ang puso ko. Pero patuloy kong inalo ang sarili ko, “Hindi ko naman talaga ipinagkakanulo ang Diyos; ginagamit ko lang ang karunungan para harapin ang malaking pulang dragon.” Sinabi ko pa nga sa kanila, “Hindi ko naman talaga ito pinipirmahan. Nagpapatianod lang ako sa mga proseso ninyo.”
Noong Hunyo 2016, nakalaya na ako sa bilangguan. Kalaunan, narinig ko sa isang sermon na ang mga pumirma raw sa “Tatlong mga Pahayag” ay tumanggap na ng marka ng halimaw at binuksan ang mga tarangkahan ng impiyerno. Bigla akong naparalisa, na para bang nagdilim ang buong kalangitan. Sa wakas ay napagtanto ko kung gaano kalubha ang pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag”, at na ito pala ay pagsalungat sa disposisyon ng Diyos. Hindi ko inasahang pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, winakasan ko ang paglalakbay ko sa pananalig sa pamamagitan ng pagkakanulo. Ang sakit at kawalan ng pag-asa sa puso ko noong sandaling iyon ay hindi maipaliwanag sa salita. Kahit malaya na ang katawan ko, nasa kadiliman naman ang espiritu ko. Sa sobrang pagdurusa ko, naisip ko pa ngang tumalon mula sa isang gusali para matapos na ang lahat. Para bang nawala sa akin ang kaluluwa ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging tapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, parang sinasaksak sa sakit ang puso ko. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag, at sinumang magkakanulo sa Diyos ay hindi na muling makatatanggap ng Kanyang habag. Pinirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag” at sinalungat ang disposisyon ng Diyos, at naramdaman kong natapos na ang landas ko sa pananalig at hindi na ililigtas ng Diyos ang isang tulad ko. Sa pag-iisip sa masamang gawang nagawa ko, hindi ko makayanan ang sakit sa puso ko, at hiniling kong sana ay mabilanggo akong muli para lang mapagbayaran ang aking pagsalangsang. Noong mga araw na iyon, para akong isang gumagalaw na bangkay. Lumilipas ang bawat araw nang tuliro ako, at sobrang nahihiya ako para manalangin sa Diyos.
Isang araw, napanood ko sa isang pelikula na ginawa ng sambahayan ng Diyos ang isang brother na dati kong nakatuwang sa gawain, at lalo pa akong nakaramdam ng pagkabagabag at pagkakonsensiya. Pareho kaming nananampalataya sa Diyos, pero ginagawa niya ang kanyang tungkulin para magpatotoo sa Kanya, habang ako naman ay itiniwalag at parurusahan. Lalo kong kinamuhian ang sarili ko. Noon, hindi ko hinangad ang katotohanan, at naramdaman kong nararapat akong mamatay at hindi ako karapat-dapat na mabuhay. Gusto ko lang mabuhay sa kasalukuyan, at kung mamatay man ako isang araw, iyon ay katuwiran ng Diyos. Nakahiga ako sa higaan sa gabi, biling-baligtad, hindi makatulog, at pumasok sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag naghihimagsik laban sa Akin ang mga tao, nagpapakilala Ako sa kanila mula sa kanilang pagrerebelde. Dahil sa dating likas na pagkatao ng sangkatauhan, at dahil sa Aking awa, sa halip na ipapatay ang mga tao, tinutulutan Ko silang magsisi at magsimulang muli” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 14). “Maaari kayang talagang hindi maaaring mabago ang kapalaran mo? Handa ka bang mamatay na may ganitong mga panghihinayang?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pinakadiwa at Pagkakakilanlan ng Tao). Malinaw kong naramdaman na hindi ako inabandona ng Diyos, at ginagamit pa rin Niya ang Kanyang mga salita para tawagin ako para makalapit ako sa Kanya nang may pagsisisi. Parang mainit at banayad na agos ang mabubuting salita ng Diyos, at nagbigay ito ng init sa puso ko. Ayaw ng Diyos na makita akong nasa pagkanegatibo at maling pagkaunawa, nalulugmok sa kawalan ng pag-asa at sinusukuan ang sarili. Nais ng Diyos na bumangon ako mula sa aking pagkabigo at pagnilayan ang pinakaugat ng aking pagbagsak. Naisip ko kung paano sinasabi ng Diyos na ang pagsisisi ng mga taga-Nineve ay nagkamit ng Kanyang habag. Umaasa rin ang Diyos na makapagsisisi ako, makapagsisimulang muli, at tatahak muli sa landas ng pananalig. Naramdaman ko ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos, at napuno ng pasasalamat ang puso ko para sa Kanya. Kaya lumuhod ako at nanalangin, “O Diyos ko, ipinagkanulo Kita at dinurog ko ang puso Mo. Pero hindi Mo pa rin isinusuko ang pagliligtas sa akin at binigyan Mo pa rin ako ng pagkakataong magsisi. Salamat po sa Iyo! O Diyos ko, handa po akong magsisi. Pakiusap, gabayan Mo po akong pagnilayan ang sarili ko.”
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Yaong mga nasa gitna ng kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit yaong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayong matatag sa kahuli-hulihan; sila yaong mga nagtataglay ng pagkatao, at siyang mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang ginagawa ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at patuloy pa ring magsasagawa ng katotohanan nang hindi nabibigo sa kanilang patotoo. Sila yaong mga makalalampas sa matinding kapighatian sa wakas. Bagaman yaong mga oportunista ay maaari pa ring maging palamunin ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga oportunista, ito ang gawain ng lubos na pagtitiwalag. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa mga puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Yaong mga walang pagkatao ay lubos na walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay komportable, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnananais ay nakompromiso o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao, sila ay nagiging mamamatay-tao na malupit ang hitsura, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging tagong panganib?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong isa pala akong makasarili at kasuklam-suklam na tao. Sa harap ng banta ng mga mamamatay-tao, natakot ako na kung mapapatay ako, hindi ako maliligtas, kaya pinirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag” at ipinagkanulo ang Diyos. Kapag walang malalaking makalamang interes na nakataya, sinasabi ko sa bibig at iniisip sa puso ko na kahit sino pa ang magkanulo sa Diyos, hinding-hindi ko Siya ipagkakanulo, at inakala ko pa ngang isa akong taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Pero nang malagay sa panganib ang buhay ko, para protektahan ang sarili ko, iniligtas ko ang sarili ko at ipinagkanulo ang Diyos. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang pagkatao? Sa anong paraan ako unay na nananampalataya sa Diyos? Tanging iyong mga, sa gitna ng mga pagpapahirap ng malaking pulang dragon, kayang tiisin ang lahat ng pagdurusa para magpatotoo sa Diyos ay ang mga taong may pagkatao, at sila ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Naisip ko kung paanong hinirang ako ng Diyos sa mga huling araw para mapabilang sa mga nananampalataya sa Kanya. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang katotohanan kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at nalaman ko ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan at nakita ko ang tunay na kahulugan ng maraming bagay, at mga salita rin ng Diyos ang tumulong sa akin na malampasan ang pinakamahihirap na araw ng pagdurusa sa bilangguan. Napakarami kong natanggap mula sa Diyos, pero nang gusto ng Diyos na magpatotoo ako, ipinagkanulo ko Siya sa pamamagitan ng pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag” para protektahan ang sarili ko na hindi mamatay sa bugbog. Nakagawa ako ng isang matinding pagkakanulo, at talagang karapat-dapat akong isumpa! Noong sandaling iyon, sa wakas ay napagtanto ko na ang mga taon ko ng pananalig ay hindi para magkamit ng katotohanan at buhay, na isinakripisyo ko ang aking pamilya at karera, nagdusa, nagbayad ng halaga, at ginawa ang aking mga tungkulin para lang makatanggap ng mga pagpapala, at ang relasyon ko sa Diyos ay hayagang transaksyonal, para sa sariling interes. Isa lang akong walang buhay na ipa, kaya paanong hindi ako babagsak? Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, ginusto kong magsumikap umangat at hindi na maging napakanegatibo, at madalas akong lumapit sa Diyos para manalangin at magsisi. Kahit ano pa ang kalalabasan ko, handa akong gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha at magsumikap na hangarin ang katotohanan.
Noong Pebrero 2018, ginawa ko ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, at labis akong nagpapasalamat, at gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para mapagbayaran ang dati kong pagsalangsang. Habang ginagawa ko ang aking mga tungkulin, sa tuwing naiisip ko ang pagkakanulong nagawa ko, parang tinutusok ang puso ko sa sakit, parang may tinik na nakatusok sa puso ko, na nagdudulot sa akin ng matinding sakit at pagkakonsensiya. Minsan, tinatanong ko ang sarili ko, “Akala ko, ginagamit ko ang karunungan para harapin ang mga pulis noong pinirmahan ko ang ‘Tatlong mga Pahayag,’ pero paano kaya ito tinitingnan ng Diyos?” Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Kung sinuman ang magkaila sa Akin sa harap ng mga tao, ay siyang ikakaila Ko rin sa harap ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 10:33). Dahil pinirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag” at itinanggi at ipinagkanulo ang Diyos sa harap ni Satanas, hindi ako kinilala ng Diyos bilang isang taong nananampalataya sa Kanya, at ang akala kong “karunungan” ay wala palang saysay sa harap ng katotohanan at panlilinlang lang sa sarili ko at sa iba. Ang karunungan ay isang positibong bagay na nagmumula sa Diyos, at ang paggamit nito ay isang pagsasagawa na nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero ginamit ko ang “karunungan” para protektahan ang sarili ko. Ang mga nagtatatwa at nagkakanulo sa Diyos sa harap ng mga tao ay kinokondena ng Diyos, at kinapopootan ng Diyos ang pagkakanulo ng mga tao sa Kanya. Ang gusto ng Diyos ay magpatotoo ang mga tao para sa Kanya sa harap ni Satanas, na palaging itaguyod ang Kanyang pangalan, at hindi Siya kailanman itanggi. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, lalo ko pang kinamuhian ang sarili ko, at lihim akong nanumpa sa puso ko, na sa hinaharap, kapag nahaharap sa mga katulad na sitwasyon, maninindigan ako sa aking patotoo, at hindi na ako kailanman maghahangad na iligtas ang sarili ko.
Pagkatapos, kung minsan ay pinagninilayan ko rin sa aking puso, “Bakit ako nabigo? Bakit nakayanan ng ilang kapatid na tiisin ang matinding pagpapahirap at manindigan, kahit hanggang sa punto ng kamatayan, nang hindi ipinagkakanulo ang Diyos, habang ako naman ay ipinagkanulo Siya? Ano ang ugat ng aking pagkabigo?” Sa pagninilay-nilay, napagtanto ko na ang pangunahing dahilan ay sobra kong pinahalagahan ang buhay ko. Ipinagkanulo ko ang Diyos dahil sa takot sa kamatayan, at nawala ang aking patotoo. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko kung paano harapin ang kamatayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinakalat nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtakda sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang kumpirmahin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Iyong mga naging martir dahil sa pagpapakalat sa ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang responsabilidad. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipakalat ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Ang mga disipulo ng Panginoong Jesus ay naging martir sa lahat ng uri ng paraan para sa Panginoon, ang kanilang pagkamatay ay isang paghatol sa masamang henerasyong ito, at nagpatotoo sila sa Diyos kapalit ng sarili nilang buhay. Ito ang pinakamalaking kahihiyan para kay Satanas, at ito ang ibig sabihin ng pagiging isang tunay na nilikha. Tinupad nila ang responsabilidad ng mga nilikha, namatay para magpatotoo sa Diyos, at bagama’t namatay ang kanilang mga katawan, bumalik ang kanilang mga kaluluwa sa presensiya ng Diyos. Ang mga nagnanais na iligtas ang sarili at takot sa kamatayan, kahit mabuhay pa sila, ay parang mga naglalakad na patay. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Sa tuwing naaalala ko kung paano ko ipinagkanulo ang Diyos para protektahan ang sarili ko nang maharap ako sa banta ng kamatayan, sumasakit ang puso ko sa pagkakonsensiya, at pinahihirapan ang kaluluwa ko. Ang sakit na ito ay mas matindi kaysa sa pisikal na pagdurusa. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting kabatiran tungkol sa kamatayan. Napagtanto ko na hindi nakakatakot ang pisikal na kamatayan, at ang tunay na nakakatakot ay ang paghihirap ng kaluluwa. Pagkatapos mamatay, may walang hanggang kaparusahan na dapat tiisin, at ang sakit na ito ang tunay na pagdurusa. Ang mamatay sa bugbog ay panandaliang pagdurusa lang, pero ang kaluluwa ay panatag at payapa. Naunawaan ko rin na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi kayang pagpasyahan ng malaking pulang dragon ang aking buhay o kamatayan. Ang araw na dumating talaga ang kamatayan ko, ito ay kataas-taasang kapangyarihan at pagtatalaga ng Diyos, at dapat akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang mamatay para mapalugod ang Diyos ang pinakamahalagang bagay.
Isang gabi noong Disyembre 2023, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga nakatataas na lider, na nagsasabing tinitipon nila ang mga materyales tungkol sa mga pumirma sa “Tatlong mga Pahayag.” Nang makita ko ang sulat, natigilan ako, at naisip ko kung paanong pumirma ako sa “Tatlong mga Pahayag.” Lalo na nang makita ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Hindi ba’t ang mga pumipirma sa ‘Tatlong Pahayag’ ang mga nagpasabog ng bomba at sumabog hanggang sa magkapira-piraso?” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Pakiramdam ko ay tapos na talaga ako, at tapos na ang buhay ko ng pananalig. Nawalan ako ng pag-asa, alam kong sa pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag” at pagkakanulo sa Diyos, nakatadhana na akong mapunta sa impiyerno at maparusahan. Naramdaman kong kahit paano ako pakitunguhan ng sambahayan ng Diyos, makatwiran lang iyon. Kahit na taimtim akong nanalangin, handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kahit tanggapin ko ang kamatayan bilang nararapat sa aking kasalanan, gumuho pa rin ang puso ko sa kawalan ng pag-asa. Nang gabing iyon, wala akong lakas na harapin ang mga problema sa gawain ko, wala talaga akong kalakas-lakas, at hindi ako umimik buong gabi. Sa mga sumunod na araw, hindi ako makakain o makatulog, at sa tuwing naiisip ko ang aking pagsalangsang, pakiramdam ko ay wala akong magandang kalalabasan. Pakiramdam ko ay napakalungkot ko, at wala akong ganang gumawa ng anuman. Naghintay na lang ako kung kailan ipapaalam sa akin ng sambahayan ng Diyos na pinapaalis na ako. Sa aking pasakit at kawalan ng pag-asa, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hiniling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan akong maunawaan ang Kanyang layunin.
Kinabukasan, napanood ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa isang video ng patotoong batay sa karanasan: “Karamihan sa mga tao ay sumalangsang at dinungisan ang kanilang sarili sa ilang partikular na paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban sa Diyos at nagsalita ng mga kalapastanganang bagay; tinanggihan ng ilang tao ang atas ng Diyos at hindi ginampanan ang kanilang tungkulin, at itinaboy ng Diyos; ipinagkanulo ng ilang tao ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ipinagkanulo ng ilan ang Diyos nang lagdaan nila ang ‘Tatlong Mga Pahayag’ noong arestuhin sila; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay ginulo nang madalas ang buhay-iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo ng mga pangkat at pinahirapan nila ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagpakalat ng mga kuru-kuro at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay gumawa ng kalaswaan at kahalayan, at naging kahindik-hindik na impluwensiya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga pagsalangsang at dungis. Pero nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi at mamamatay bago magsisi. Kaya dapat tratuhin ang mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang hindi nagbabagong pag-uugali. Ang mga puwedeng magsisi ay ang mga tunay na nananalig sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, ang mga dapat paalisin at patalsikin ay paaalisin at patatalsikin. Ang ilang tao ay masama, ang ilan ay mangmang, ang ilan ay hangal, at ang ilan ay mga halimaw. Magkakaiba ang bawat isa. Sinasapian ng masasamang espiritu ang ilang masasamang tao, habang ang iba naman ay mga alipin ni Satanas at ng mga diyablo. Ang ilan ay partikular na masama ayon sa kalikasan, ang ilan ay partikular na mapanlinlang, ang ilan ay sadyang sakim pagdating sa pera, at ang iba naman ay nagpapakasasa sa kahalayan. Magkakaiba ang pag-uugali ng bawat tao, kaya dapat tingnan ang lahat ng tao sa komprehensibong paraan alinsunod sa kanilang indibidwal na kalikasan at mga hindi nagbabagong pag-uugali. … Ang pakikitungo ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng kalagayan at kinalakhan ng taong iyon sa panahong iyon, pati na sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman gagawan ng Diyos ng masama ang sinuman. Isang panig ito ng pagiging matuwid ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naantig ang puso ko sa pag-ibig Niya. Ang sambahayan ng Diyos ay nakikitungo sa mga tao ayon sa mga prinsipyo, at ang disposisyon ng Diyos ay kapwa mayroong panig ng pagiging maharlika at poot, at ng mapagkandiling pagmamahal at habag. Hindi ako dapat magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos. Pinirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag,” at nakagawa ng kasalanan ng kalapastanganan sa Diyos, na hindi mapapatawad sa buhay na ito at sa mundong darating. Pagkatapos ipagkanulo ang Diyos, nagdilim ang puso ko, at naglugmok ako sa matinding pagdurusa, namumuhay na parang isang naglalakad na patay. Ito ay isang pagpapamalas ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Pero hindi ako inabandona ng Diyos, at sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, binigyang-liwanag at ginabayan Niya ako, na nagbigay-daan sa aking makaalis sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa. Naramdaman ko na sa loob ng matuwid na disposisyon ng Diyos, mayroon ding habag at pagliligtas ng Diyos. Pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa mga pinagmumulan ng kanilang mga kilos, kanilang kalikasang diwa, at palagiang pag-uugali, pati na rin kung tunay ba silang nagsisi o hindi. Sa pagbabalik-tanaw noong nahuli ako at pinahirapan nang mahigit isang taon, naharap ako sa panganib ng kamatayan, at sa isang sandali ng kahinaan ng katawan, ipinagkanulo ko ang Diyos, at pagkatapos, napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensiya. Nakita ng sambahayan ng Diyos na mayroon akong kaunting pagkaunawa sa aking sarili at pagsisisi, at binigyan ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin. Mula noon, patuloy kong ginawa ang lahat ng aking makakaya para matupad ang aking tungkulin. Sa kabilang banda, sa mga pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” iyong mga pinaalis ay palaging hindi maganda ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, at pagkatapos ipagkanulo ang Diyos, hindi sila tunay na nagsisi o ginawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ang siyang ibinubunyag at itinitiwalag ng Diyos. Sinasabi ng salita ng Diyos na ang mga pumirma sa “Tatlong mga Pahayag” ay winasak nang lubusan, at nakagawa ng isang kasalanang mortal. Pero tinatrato ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang kalikasang diwa at pagsisisi. Pagkatapos pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at paninisi sa sarili sa aking puso. Ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para hatulan at kastiguhin ako, na nagbigay-daan sa aking maunawaan ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag,” para malaman na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi kumukunsinti ng pagkakasala, para magkaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso, at para magkaroon ng tunay na pagsisisi. Dahil dito, ganap kong naranasan ang sinabi ng Diyos sa: “Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi bihira—ang totoong pagsisisi ng tao ang ganoon” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II).
Pagkatapos, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay palaging hindi matitinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung aalisin ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o nalilimitahan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilantad ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Sa mga nagdaang taon, akala ko ay tumigil na ako sa paghahangad ng mga pagpapala, pero ang pagnanais sa pagpapala ay nakatago pala sa kailaliman ng puso ko, at kung hindi dahil sa pagbubunyag ng mga katunayan, iisipin ko pa rin na nagbago na ako sa bagay na ito. Sa mga taong ito, dahil sa habag ng Diyos, ginagawa ko pa rin ang mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, kaya patuloy pa rin akong kumapit sa maling pag-asa, iniisip na baka pinatawad na ako ng Diyos. Nagdusa ako at nagbayad ng halaga sa aking mga tungkulin, tiniis ang mga karamdaman sa mga tungkulin ko, kaya inakala kong tapat ako sa Diyos. Pero nang makita ko na ang hinaharap ng Diyos ang mga pumirma sa “Tatlong mga Pahayag” sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila sa impiyerno, naparalisa ako, at ang mga pag-asa ko para sa mga pagpapala ay ganap na nawasak. Nawalan na ako ng ganang gawin ang mga tungkulin ko, at ni ayaw ko nang asikasuhin pa ang gawain ko. Nang maharap sa mga katunayan, nakita kong sinusubukan ko pa ring makipagtawaran sa Diyos, at tiniis ko ang pagdurusa sa paggawa ng tungkulin ko para lang sa mga pagpapala. Nakita ko kung gaano kalalim ang pagkakatanim ng intensyon kong magkamit ng mga pagpapala. Nagpasalamat ako sa Diyos sa Kanyang pagbubunyag, na nagpakilala sa akin sa sarili ko at nagbigay-inspirasyon din sa aking determinasyon na hangarin ang katotohanan. Pagkatapos niyon, nagpasya akong ipagkatiwala ang sarili ko sa Diyos, at alam kong kahit paano ako tratuhin ng Diyos, ang kailangan kong gawin ay magpasakop, manindigan sa huli kong katungkulan, at tuparin ang mga tungkuling dapat kong gawin. Nanalangin ako, “O Diyos ko, batay sa aking mga nagawa, dapat sana ay matagal na akong inalis. Sa mga nagdaang taon, libre kong tinamasa ang napakaraming pagdidilig at pagtutustos ng Iyong mga salita, at napakarami kong nakamit. Kahit na patalsikin Mo ako ngayon, magpapasalamat pa rin ako sa Iyo. Diyos ko! Nais kitang sundan magpakailanman, at hindi na ako maghahangad pa ng anumang pagpapala.” Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi Ko hinihingi na makatanggap ng anumang mga pagpapala; ang hinihingi Ko lang ay makaya Kong lumakad sa landas na dapat Kong lakaran ayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (6)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, hindi ko mapigilang mapaiyak. Napuno ng pasasalamat ang puso ko sa Diyos, at naramdaman ng espiritu ko ang kalayaan na hindi ko pa naramdaman kailanman.
Nang bitiwan ko na ang pagnanais sa mga pagpapala at ginusto kong tuparin ang mga tungkulin ko, isang araw, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga nakatataas na lider. Batay sa masusing pag-aaral sa pinagmulan ng pagpirma ko sa “Tatlong mga Pahayag” at sa palagiang pagganap ko sa mga tungkulin ko sa aking pananalig, maaari daw nila akong bigyan ng pagkakataong magsisi, at sinabi nilang gawin ko ang aking mga tungkulin nang may kapayapaan ng isip. Nang matanggap ko ang sulat, labis akong naantig. Naramdaman ko na ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa mga tao ay pag-ibig at pagliligtas. Anuman ang ginawa ng Diyos, lahat iyon ay para gisingin ang matigas kong kalooban at manhid na puso, para makalakad ako sa tamang landas ng paghahangad sa katotohanan. Nang sandaling iyon, nawala ang mga maling pagkaunawa ko sa Diyos, kinamuhian ko ang sarili kong panlilinlang at kawalan ng pagkaunawa sa masisidhing layunin ng Diyos, at napagtanto ko kung gaano karaming dugo ng Kanyang puso ang ipinuhunan Niya sa akin. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ngayon ay hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga hinihingi sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Maraming beses ko nang nabasa ang siping ito ng salita ng Diyos noon, pero hindi ko kailanman tunay na naunawaan ito. Ngayon, sa pamamagitan ng aking karanasan, napagtanto ko na ang ginagawa ng Diyos ay walang anumang pagkamuhi sa mga tao. Paano man kumilos ang Diyos, kahit pa may kasamang pagkondena o pagsumpa, ito ay para dalisayin ang mga tao, para palayain sila mula sa mga pagpipigil at paggapos ng mga tiwaling disposisyon, at para iligtas ang mga tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay naglalaman ng dakilang pagliligtas para sa mga tao. Handa akong gugulin ang buhay ko sa paghahangad ng katotohanan at pagsisikap na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kahit ano pa ang kalalabasan ko, kahit na magtrabaho lang ako para sa Lumikha, handa ako at kontento. Salamat sa Diyos!