15. Ang Pagpili ng Isang Sales Manager
Ipinanganak ako sa isang maliit na bayan sa Timog Tsina. Ang tatay ko ay isang kilalang doktor sa lugar namin, at medyo nakakaangat sa buhay ang pamilya namin. Mula pagkabata, mas mataas na ang antas ng pamumuhay ko kaysa sa mga kaedad ko, kaya nagkaroon ako ng pakiramdam na nakahihigit ako sa iba. Mula nang magkaisip ako, madalas akong turuan ng tatay ko na, “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Pinakinggan ko ang kuwento ng tatay ko sa kanyang paglalakbay mula sa probinsya hanggang sa maitatag ang sarili niya sa bayan, nakita kong laging may mga taong bumibisita sa bahay namin para sumipsip sa tatay ko, at pinanood ko kung paanong hinangaan at malugod siyang tinanggap ng mga tao saanman siya magpunta. Sa kainosentehan ng aking kamusmusan, unti-unti kong naunawaan ang kahalagahan ng pagiging higit sa iba, at nagpasya akong maging isang taong may katayuan na hahangaan at titingalain ng iba. Pero noong 12 taong gulang ako, nabilanggo ang tatay ko dahil sa diumano’y mga ilegal na transaksyon sa negosyo, at ang aming dating maingay at masiglang bahay ay biglang natahimik. Naiwan kami ng nanay at kapatid kong babae na umaasa sa isa’t isa. Iyong mga taong dati ay napakabait sa amin ay hindi na nagpakita pa. Lalo na nang makita ko ang hirap na dinanas ng nanay ko sa pangungutang ng pera, nakaramdam ako ng sunud-sunod na kalungkutan, at nagpasya akong mag-aral nang mabuti at mamukod-tangi, para makapamuhay nang kainggit-inggit at hinahangaang buhay bilang isang taong nakahihigit sa iba, at para maibalik ang aming dangal. Nagbunga ang pagsisikap ko, at sa wakas ay nakapasok ako sa unibersidad. Pero hindi pa rin ako nangahas na magpakampante. Ang mga salita ng tatay ko, “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” ang patuloy na nag-uudyok sa akin. Naniniwala ako na kung magpapatuloy akong magsumikap, balang araw ay magtatagumpay ako at makakamit ko ang kasikatan at pakinabang.
Pagkatapos kong magtapos sa unibersidad noong 2006, pumunta akong mag-isa sa Shanghai at nagsimulang magtrabaho sa sales sa isang kompanya. Para makakuha ng mas maraming order, regular akong bumibiyahe sa ibang mga lungsod para bisitahin ang mga kliyente. Dahil sa pagkahilo sa biyahe, pagod na pagod ako sa paglalakbay sa iba’t ibang lungsod, at pagkababa ng bus, kailangan ko pa ring tipunin ang lahat ng lakas ko para makipagkita sa mga kliyente. Bukod sa pagtitiis ng pisikal na sakit, ang araw-araw na pagharap sa mga kasamahan at kliyente ay nagdudulot sa akin ng higit pang kapaguran. Para makuha ang mga order ng kliyente, Bumili pa nga ako ng mga librong “Thick Black Theory” at “The Way of the Wolf.” Mula sa mga librong ito, natutuhan ko ang maraming natatagong kalakaran sa industriya at mga paraan ng makamundong pakikitungo. Kalaunan, sa trabaho, sa loob ng kompanya, lantaran at patago akong nakipagkompetensiya sa mga kasamahan ko para mahigitan ko ang paggampan nila sa trabaho. Sa labas naman, hindi lang ako nambola ng mga kliyente, kundi binigyan ko rin sila ng mga kickback at pumasok sa mga lihim na kasunduan. Noong una, hindi ako mapakali sa mga bagay na ito—kapag nabunyag ang mga ito, hindi lang masisira ang reputasyon ng kumpanya, kundi puwede pa akong makulong, kaya araw-araw akong ninenerbiyos. Kapag sobrang tindi na ng presyur, madalas akong magising sa kalagitnaan ng gabi dahil sa mga bangungot. Araw-araw akong nabuhay sa palagiang takot at hindi mapakali. Minsan, sa kalaliman ng gabi, kapag tahimik na ang lahat, naiisip ko, “Sobra ang presyur sa sales; dapat siguro magpalit na lang ako ng karera.” Pero pagkatapos ay naiisip ko, “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” At pinalalakas ko ang loob ko, “Kung gusto kong magtagumpay, kailangan kong tiisin ang mga pasakit na ito; kung hindi, kailan ako magtatagumpay at makikilala sa siyudad na ito na puno ng mga taong may talento?” Kaya nagtiyaga ako. Makalipas ang dalawang taon, mula sa pagiging baguhan sa trabaho, umangat ako sa pagiging sales champion ng aming pangkat. Hindi lang ako pinahalagahan ng mga lider ko at kinaiinggitan ng mga kasamahan ko, kundi naging mas malaki rin ang sahod ko, at sa wakas, namumuhay na ako bilang isang white-collar worker gaya ng pinangarap ko. Masayang sinabi sa akin ng nanay ko, “Anak, sa wakas, tapos na mga araw ng paghihirap natin. Ngayong napatunayan mo na ang sarili mo, hindi na tayo matatakot na maapi pa. Pakiramdam ko ay kaya ko nang magtaas-noo. Kailangan mong magpatuloy sa pagsisikap!” Lihim kong sinabi sa sarili ko, “Hindi lang ako dapat bumili ng bahay at kotse sa Shanghai, kundi kailangan ko ring maging lider sa industriya para makapamuhay ako nang marangal sa mahabang panahon.” Noong 2008, hindi pa ako katagalang ikinasal, ipinangaral sa akin ng mga biyenan ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Lalo na nang makita kong ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, at na inihayag ng mga ito ang maraming hiwaga na hindi alam ng sangkatauhan, Lubos akong naakit sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at kasama ng asawa ko, tinanggap namin ang ebanghelyo. Matapos matagpuan ang Diyos, sama-sama kaming nagtipon, nagbasa ng mga salita ng Diyos, at umawit ng mga himno para purihin Siya. Nagbahagi rin sa amin ang mga kapatid ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan. Nakita ko kung gaano kadalisay at kasimple ang bawat isa sa kanila, talagang iba sa mga taong nakakasalamuha ko sa trabaho. Walang sipsip o naninira ng patalikod sa kanila, at sinasabi nila kung ano ang nasa puso nila. Masaya akong makisalamuha sa kanila, at gusto ko ring makipagtipon at makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos.
Noong Hunyo 2008, umutang kami ng asawa ko para makabili ng bahay, at lahat ng kasamahan, kaklase, at kapamilya ko ay tumingin sa amin nang may inggit. Lalo na nang malaman ng mga kapitbahay namin na mga dayo lang kami na nakabili na ng bahay pagkatapos lang ng dalawang taon, mas lalo nila kaming hinangaan at pinuri. Tuwang-tuwa ako sa kalooban ko, iniisip na palapit na ako nang palapit sa buhay na nakatataas sa iba na dati ko nang pinapangarap. Kalaunan, naiangat ako ng posisyon, ang titulo sa business card ko ay naging Sales Manager, at ang opisina ko ay lumipat mula sa isang maliit na sulok patungo sa isang mas kitang-kita at sariling espasyo. Tumatango at bumabati sa akin nang may paggalang ang mga kasamahan ko, at tinatawag din akong Manager Ye ng mga kliyente. Naglalakad ako nang diretso ang tindig, bigla kong naramdaman na iba na ako sa lahat, at talagang nasiyahan ako sa pakiramdam na iyon na nakahihigit sa iba. Noong panahong iyon, maliban sa pagdalo sa mga pagtitipon, halos lahat ng oras ko ay ginugol ko sa trabaho. Iniisip kong kumita agad ng pera para mabayaran ang utang, para makabili ako ng mas malaking bahay at isama ang nanay ko para tumira sa amin, para matamasa rin niya kasama namin ang buhay na ito na nakatataas sa iba. Habang lumalaki ang kompanya, ang mga patakaran at regulasyon ay naging mas mahigpit at mas kumplikado, at bilang Sales Manager, kailangan kong lumahok at isagawa ang iba’t ibang aktibidad ng pagsusuri ng kompanya. Sa sitwasyong ito, naipit ako sa alanganin: Kung gagawin ko nang maayos ang trabaho ko sa kompanya, makahahadlang ito sa buhay iglesia ko, pero kung uunahin ko ang buhay iglesia, mapapabayaan ang trabaho ko, at kung hindi ko gagawin nang maayos ang trabaho ko, siguradong mawawala ang buhay na nakatataas sa iba na mayroon ako ngayon. Noong una, nakakadalo pa ako sa mga pagtitipon, pero isang araw, narinig ko mula sa mga kasamahan ko na pinag-uusapan ako ng mga tauhan ko, na umuuwi raw ako sa tamang oras araw-araw, at wala akong dating ng isang lider. Sinabi rin nila na siguradong gumamit ako ng kung anong paraan para makuha ang loob ng mga nakatataas para makuha ang posisyong ito. Nang marinig ko ang mga komentong ito, labis akong nabagabag at hindi mapakali, iniisip na, “Napakatindi na ng kompetisyon sa merkado ngayon. Kung hindi ako magsisikap pa para mapanatili ang posisyong ito, baka isang araw ay may pumalit na sa akin, at itong prestihiyoso, kagalang-galang, at kainggit-inggit na trabaho at buhay na pinaghirapan kong makamit ay mawawalang lahat. Hindi, mukhang kailangan ko talagang gumawa ng mga praktikal na hakbang.” Pagkatapos niyon, sinimulan kong iklian ang oras ko sa mga debosyonal sa umaga, at kung minsan, wala na akong oras para sa mga debosyonal at nagmamadali na lang akong pumasok sa trabaho. Pagkatapos ng trabaho, kung walang pagtitipon, sinisikap kong manatili sa kompanya at mag-overtime. Bukod diyan, sinisikap kong dumalo sa bawat pagpupulong na may kainan kasama ang mga nakatataas at mga kliyente, at pilit akong ngumingiti kapag kasama sila. Sa totoo lang, alam kong hindi naaayon sa layunin ng Diyos ang ginagawa ko, at nasusuklam ako sa sarili ko sa pambobola sa iba nang ganito, pero kapag naiisip kong ito lang ang paraan para mapatatag ang posisyon ko, ipinagpatuloy ko na lang ito.
Noong panahong iyon, halos palagi akong sakto lang sa oras dumarating sa mga pagtitipon, at may mga pagkakataon pa nga na hindi ako nakakadalo sa mga pagtitipon dahil sa ilang araw na business trip. Sa tuwing kinukumusta ng mga kapatid ang kalagayan ko, nakokonsensiya ako, pero wala akong magawa. Ang matagal na iregular na pamumuhay at mental na presyur na ito ay nagdulot ng pagsama ng kalusugan ko. Noong una, nalalagas lang ang buhok ko, pero kalaunan, patuloy na tumaas ang timbang ko, at ang mga binti ko ay napuno ng mga lilang tuldok. Pagkatapos magpatingin sa ospital, na-diagnose ako na may mataas na kolesterol at allergic purpura. Sinabi ng doktor na malaki ang kaugnayan ng sakit ko sa aking propesyon, at ang matinding presyur sa trabaho at iregular na pamumuhay ay sumira sa immune system ko, at lalo na ang madalas na business entertainment at hindi masustansiyang pagkain ay nagdulot ng metabolic dysfunction. Sinabi nila na kung magpapatuloy ako sa ganitong pamumuhay at mananatili sa ganitong mental na kalagayan, lalo lang lalala ang kondisyon, hahantong sa mga sakit sa puso, at maaari pang maging banta sa buhay ko. Nag-alala ako sa kalusugan ko, pero wala akong magawa, iniisip na, “Sa lipunan ngayon, para maging nakaaangat sa iba, kailangan talagang magbayad ng halaga; may makakamit ka pero may mawawala rin. Kung isang araw ay wala na akong presyur at hindi na kailangang dumalo sa mga business function, siguradong hindi na rin ako isang nakatataas. Bata pa naman ako, kaya pa ng katawan ko, at malalampasan ko muna ang yugtong ito.”
Isang araw noong Abril 2009, tinanong ako ng isang lider ng iglesia, “Handa ka bang gawin ang tungkulin ng pagdidilig sa mga baguhan?” Naisip ko kung paanong ang paggawa ng tungkulin ay responsabilidad ng bawat nilikha, at sa pamamagitan ng mga tungkulin, mas maraming katotohanan ang mauunawaan ng isang tao, kaya masaya akong pumayag. Pero nang malaman kong halos gabi-gabi ay may pagtitipon, nag-atubili ako, “Palaging sinusuri ng kompanya ang bilang ng mga pagbisita sa kliyente, at responsable rin ako sa paggabay sa sales ng departamento. Kung araw-araw akong may pagtitipon, paano ko gagawin ang trabaho ko? Kung hindi ko mapamamahalaan nang maayos ang pangkat at mabigong maabot ang mga target sa sales, siguradong hindi na ako makapagpapatuloy bilang sales manager. Kung ganoon, hindi ba’t mawawala na lang ang posisyon bilang manager at ang matatag at kumportableng buhay na pinaghirapan kong makamit? Hindi ba’t mas magiging mahirap umangat sa hinaharap?” Nang maisip ko ito, sinabi ko sa sister, “Kailangan ko pa itong pag-isipan.” Sa mga sumunod na araw, patuloy kong pinag-isipan ang bagay na iyon. Hindi ako makatulog nang maayos sa gabi, at naguguluhan at nababahala ako.
Sa isang pagtitipon, ibinahagi ko ang aking pagkabagabag sa mga kapatid, at binasa namin ang mga salita ng Diyos: “Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at ayaw nilang maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng kahit kaunting tsansa sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa kasikatan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napaisip ako nang malalim. Sa pagbabalik-tanaw, naimpluwensyahan ako mula pagkabata ng mga ideyang “Gawing pakay na mamukod-tangi at magpakahusay,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Nagpasya akong mamukod-tangi, gumawa ng pangalan para sa sarili, at mamuhay nang nakatataas sa iba noong lumaki na ako. Para makamit ito, nag-aral ako hanggang kalaliman ng gabi noong estudyante pa ako, at pagpasok sa trabaho, isinuko ko ang aking mga prinsipyo para magkaroon ng puwesto, pumasok sa mga lihim na kasunduan sa mga kliyente para makakuha ng mga order. Palagi akong nag-aalala na malalantad ang mga ginagawa ko at mawawala ang katayuan ko, at ang matinding presyur ay nakaapekto sa aking katawan at isipan. Nang makuha ko ang mataas na sahod at titulo na matagal ko nang pinapangarap, at nakuha ko ang paghanga at inggit ng mga tao sa paligid ko, para patatagin ang posisyon ko, nagpatuloy ako sa papapakana at pakikipagpaligsahan sa mga kasamahan ko, nambobola ng mga kliyente at nakatataas, at araw-araw kong inilulubog ang sarili ko sa iba’t ibang gawain sa negosyo. Ang matagal na iregular at hindi malusog na pamumuhay ay nagdulot sa katawan ko na magpakita ng mga babala. Pero para sa kasikatan at pakinabang, hindi ako nangahas na huminto. Kahit alam kong puno ng kasinungalingan ang paghanga at pambobola ng iba, at kahit alam kong hindi gusto ng Diyos ang mga mapanlinlang na kilos at kasinungalingan ko, hindi ko pa rin mabitawan ang paghahangad ko sa kasikatan at pakinabang. Kahit na isakripisyo ko ang kalusugan ko, lumiban sa mga pagtitipon, at hadlangan ang paglago ng buhay ko, mas pinili kong maingat na panatilihin ang lahat ng kasikatan at pakinabang ko, na naging dahilan para mamuhay ako araw-araw sa sakit at pagdurusa. Pagkatapos ay nagnilay ako, “Ano ang silbi ng pagkakaroon ng mataas na posisyon o mas maraming yaman?” Naisip ko ang mga artista, mayayaman, at mga kakilala ko, na matapos makamit ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, ay naghanap ng pananabik dahil sa kahungkagan sa kanilang kalooban. Ang ilan ay sadyang lumabag sa batas at nabilanggo, ang ilan ay lumabag sa mga batas ng moralidad, na humantong sa pagkawasak ng mga pamilya at pagkasira ng kanilang reputasyon, at ang ilan pa nga ay wala nang ibang nakitang paraan kundi ang magpakamatay. Ang tatay ko ay isang buhay na halimbawa nito. Dati siyang napakarangal, at napakaraming pumupuri at humahangang iba, pero dahil sa kasakiman, sumunod siya sa masasamang kalakaran, at sa huli, lumabag siya sa batas sa kanyang mga negosyo at nabilanggo. Sa sandaling ito, napagtanto ko na bagama’t sa panlabas ay nananampalataya ako sa Diyos, sa katunayan ay nasa ilalim pa rin ako ng kontrol ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para akitin at pahirapan ako, na naging dahilan para mamuhay ako nang walang integridad at dignidad o kahit pa ang pinakapangunahing antas ng konsensiya. Napagtanto ko na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay hahantong lamang sa aking pagkaligaw, sa pagkahulog sa kabuktutan, at sa huli ay sa pag-iwan at pagkakanulo sa Diyos, at pagkawala ng pagkakataon kong maligtas.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na kasikatan at pakinabang at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)). “Kayo ay nasa kalagayang katulad ng sa Akin, gayon pa man nababalot kayo ng dungis; hindi man lamang kayo nagtataglay ni katiting ng pinakaunang wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod dito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang tulad nila na maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng mga bahagi ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang bahagi ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong daigdig ng mga kabayo at baka, gayon pa man ay hindi talaga kayo nakararamdam ng ligalig; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, gayon pa man hindi mo talaga napagtatantong nahulog ka na sa gayong suliranin. Bawat araw, nakikisama ka sa maruruming espiritu at nakikipag-ugnayan sa ‘dumi ng tao.’ Talagang bulgar ang mga buhay ninyo, gayon pa man hindi mo talaga namamalayang lubos kang hindi umiiral sa daigdig ng mga tao at na hindi ikaw ang nagkokontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang pagkatao mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa panlupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kahulugan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga gumagamit ng anumang paraan para maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay buktot at marumi sa paningin ng Diyos, at hindi na sila matutubos pa. Naisip ko ang mga artista, pulitiko, at mga elitista ng negosyo sa mundo. Karamihan sa kanila ay nagtataglay ng nakahihigit na kasanayan sa pakikisalamuha at may pagkatuso sa kanilang pag-asal. Bagama’t mukha silang kaakit-akit at nakaiinggit, ang mga ginagawa nila ay tiwali, masama, mapanlinlang, at buktot, at sila ang uri ng mga taong inilalantad ng Diyos bilang maruruming espiritu. Naisip ko kung paanong, sa paglipas ng mga taon, natutuhan ko ang iba’t ibang taktika sa pakikisalamuha sa trabaho para makamit ang kasikatan, pakinabang, at katayuan—sa pamamagitan man ng mga lihim na kasunduan at panunuhol sa mga kliyente, o pambobola at pagsipsip sa mga kliyente at lider—lahat ng ito ay mapanlinlang na paraan, at mga panlalansi para linlangin at manipulahin ang mga tao. Hindi ba’t natutuhan kong gumawa ng mga di-matuwid na bagay tulad ng mga maruruming espiritung iyon? Paano nagkaiba ang mga kilos ko sa mga maruruming espiritung iyon? Nang mapagtanto ko ito, napuno ako ng takot at sindak. Ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at hindi pinahihintulutan ng Kanyang kaharian ang karumihan. Kung hindi ako magsisisi at mananatiling bilanggo sa alimpuyo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon, gaano man kataas na posisyon o gaano man kalaking materyal na kasiyahan ang makamit ko, isusumpa pa rin ako ng Diyos, at sa huli ay tuluyan kong mawawala ang pagkakataon kong maligtas.
Kalaunan, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at bumibitiw sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng masamang gawa, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng lubos na katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang kasiyahan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong kaisa Ko ng isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa ng isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang mga taong sa huli ay makapagkakamit ng mga pagpapala ng Diyos ay iyong mga nagkakamit ng katotohanan at kaisa sa puso at isipan ng Diyos. Ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos ngayon na gawin ang tungkulin ko ay para pahintulutan akong makamit ang katotohanan, hangaring makilala ang Diyos, at sa huli ay matamo ang pagliligtas ng Diyos. Kung paghahangad lang sa kasikatan at pakinabang ang pagtutuunan ko, at hindi ako magtutuon sa paghahangad sa katotohanan at pagtupad sa aking mga tungkulin para maghanda ng mabubuting gawa, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Sa puntong ito, sa wakas ay naunawaan ko ang layunin ng Diyos, at napagtanto kong ang pagkakataong ito na gawin ang tungkulin ko ay pagliligtas ng Diyos sa akin, na tinutulungan akong makatakas mula sa kumunoy ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Nagpasalamat ako sa Diyos para sa Kanyang kaliwanagan, at gumaan nang husto ang puso ko! Kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, salamat po sa kaliwanagan ng Iyong mga salita. Hindi ko na po isasaalang-alang ang mga hirap sa gawain, o ang mga pakinabang o kawalan sa katayuan. Handa po akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at gawin ang aking tungkulin.” Kalaunan, tinanggap ko ang tungkulin ng pagdidilig sa mga baguhan. Sa araw, nagtatrabaho ako sa kompanya, at pagkatapos ng trabaho, nakikipagtipon ako kasama ang mga kapatid para makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, at halos huminto na ako sa pagsali sa mga social event ng kompanya. Bagama’t medyo mahirap at nakakapagod ang tungkulin ko, panatag at masaya ang puso ko. Ang hindi ko inaasahan ay sa loob ng ilang sunod-sunod na buwan, hindi lang naabot ng pangkat ko ang mga target sa performance, kundi pu, irma rin ng ilang order ang mga kliyente na sa pamamagitan lang ng tawag ko napapanatili, at pinuri pa ako ng superyor ko sa pamamagitan ng pagbanggit ng pangalan ko sa isang pagpupulong ng kompanya. Sobrang nasabik ako at natuwa, at nakita ko ang kamay ng Diyos na namamatnugot at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na ito.
Noong Nobyembre 14, 2009, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Alam ko na isa itong magandang pagkakataon para maunawaan at makapasok sa mga katotohanang realidad, at na hindi ko puwedeng biguin ang Diyos. Napakaabala ng tungkulin ng isang lider, at para magawa ito nang maayos, hindi ko puwedeng isabay ang trabaho, kaya alam kong oras na para magbitiw ako. Noong nagkaipon na ako ng lakas ng loob para magbitiw, naglabas ng abiso ang kompanya, na nagsasabing maaari nilang ayusin ang mga local residence permit para sa aming mas matatagal na empleyado, at sa sitwasyon ko, puwede akong direktang mag-apply para sa local household registration. Nang makita ko ang benepisyong ito, medyo natinag ako, naisip ko, “Ang pagkakaroon ng local household registration ay isang bagay na pinapangarap ng maraming dayo! Hindi lang ako magkakaroon ng mas magandang buhay at mga benepisyo sa social security, tataas din ang katayuan ko sa lipunan, at mas maraming tao ang rerespeto sa akin. Isa itong pambihira at mahirap na makuhang pagkakataon! Kung magbibitiw ako, hindi na ako kailanman magkakaroon ng ganito kagandang pagkakataon muli. Siguro dapat hintayin ko munang ma-proseso ang household registration ko bago ako magbitiw?” Pero nang maisip ko ang apurahang layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao, napagtanto ko na kung magpapatuloy akong magplano para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, bibiguin ko ang Diyos. Pagkauwi, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para maunawaan ang Kanyang layunin at makagawa ng tamang pagpili.
Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi inilalaan para sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay mahihiya sa harap ng mga naging martir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). “Kung kaya mong ilaan ang iyong puso, katawan, at lahat ng iyong tunay na pagmamahal sa Diyos, iharap ang mga iyon sa Kanya, maging ganap na mapagpasakop sa Kanya, at maging lubos na mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin—hindi para sa laman, hindi para sa pamilya, at hindi para sa iyong sariling personal na mga pagnanais, kundi para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na itinuturing ang salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon sa lahat—sa paggawa niyon, ang iyong mga intensyon at iyong mga pananaw ay malalagay na lahat sa tamang lugar, at magiging isa kang tao sa harap ng Diyos na tumatanggap ng Kanyang papuri” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal). “Ang Aking hinihingi pa rin sa iyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa rito, ang malinaw mong makilatis at makita nang may katumpakan ang lahat ng gawaing Aking ginagawa sa iyo, at gugulin ang lahat ng iyong pagsisikap sa Aking gawain upang ito ay magkamit ng mas magagandang resulta. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daan palabas, o ang paghahanap ng kaginhawahan para sa iyong laman, para maiwasan na maantala ang Aking gawain at maantala ang iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na protektahan ka, ay maaari lamang magdulot sa iyo ng pagkawasak. Hindi ba’t kahangalan ito para sa iyo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, parang narinig ko ang tawag ng Diyos. Umaasa ang Diyos na mailalaan natin ang lahat ng ating lakas sa paghahangad ng katotohanan at paggawa ng ating mga tungkulin, at inaasahan Niyang hahangarin nating isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Kung aalis ako sa trabaho, marahil hindi na magiging kasing-ganda ng dati ang materyal kong kalagayan at hindi na rin magiging ganoon kataas ang katayuan ko sa lipunan, pero maaari akong manirahan sa sambahayan ng Diyos, tinatamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang mga salita araw-araw, at maaari akong makipagtulungan sa mga kapatid habang ginagawa namin ang aming mga tungkulin at hinahangad ang katotohanan kasama sila. Sa pamamagitan ng aking mga tungkulin, mauunawaan ko ang katotohanan, maiwawaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas, at matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Ito ang tamang landas sa buhay, at ang pinaka-makabuluhang buhay. Noong sandaling iyon, naramdaman kong tila hinihintay ng Diyos ang aking pagpili, ang aking sagot. Labis na naantig ang puso ko sa mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng determinasyon na kusang-loob na isuko ang lahat para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “O Diyos ko, nakikita ko na wala akong katotohanan, at na wala Kang puwang sa puso ko. Para makuha ang local household registration, muntik na naman akong mahulog sa bitag ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Salamat po sa Iyong mga salita na nagprotekta sa akin, na nagpaunawa sa akin na ang tungkuling ipinagkatiwala sa akin ay ang Iyong pag-ibig para sa akin, at napagtanto na ang paghahangad ng katotohanan at pagtupad sa tungkulin ko ang pinakamakabuluhan. Gusto ko pong magbigay sa Inyo ng isang kasiya-siyang sagot.” At kaya, ipinasa ko ang aking pagbibitiw sa kompanya. Paulit-ulit akong sinubukang pigilan ng pamunuan ng kompanya, pero hindi na ako natinag. Salamat sa proteksyon ng Diyos, nagawa kong pagtagumpayan ang tukso. Sa sandaling paglabas ko ng kompanya, tiningnan ko ang bughaw na langit at ang mayayabong na puno, at nakaramdam ako ng di-mailarawang kagalakan. Pakiramdam ko ay para akong isang maliit na ibon na lumipad palabas ng hawla, malayang lumilipad pabalik sa kalangitan, at inawit ko ang paborito kong himno ng mga salita ng Diyos na “Sa Katotohanan Naroon ang Lakas”: “Kapag ang mga tao ay may mga tamang layon sa buhay, nagagawang hangarin ang katotohanan, at umaasal ayon sa katotohanan, kapag ganap silang nagpapasakop sa Diyos at nabubuhay ayon sa Kanyang mga salita, kapag panatag at maliwanag ang pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso, at walang kadiliman sa kanilang puso, at kapag nakakapamuhay sila nang lubos na malaya at napalaya sa presensya ng Diyos, saka lamang sila nagtatamo ng tunay na buhay ng tao, at saka lamang sila magiging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Ang lahat ng katotohanang naunawaan at nakamit mo ay mula sa mga salita ng Diyos at mula sa Diyos Mismo. Kapag nakamit mo ang pagsang-ayon ng Kataas-taasang Diyos—ang Lumikha, at sinabi Niyang isa kang nilikha na pasok sa pamantayan, at na isinasabuhay mo ang isang wangis ng tao, saka lamang magiging pinakamakabuluhan ang iyong buhay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya at pagsamba sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, pagtakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, at pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, makapamumuhay tayo ng pinakamahalagang buhay, at saka lamang makasusumpong ng tunay na kapayapaan at kapanatagan ang ating mga puso. Ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin na gawin ang tamang pagpili. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!