1. Pagkilala sa Pagkakaiba ng Gawain ng Diyos sa Gawain ng Tao

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, ibig sabihin, ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang ang gawain ng mga apostol ay dumarating matapos ang sariling gawain ng Diyos at ipinagpapatuloy ito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawain ng pamamahala. Ang gawaing isinasakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawain ng pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawain ng pamamahala. Sa kabila ng katunayan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, magkakaiba ang antas ng paggawa ng Banal na Espiritu sa mga pinag-uukulan na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing nilalayon Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng mga tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang mga indibidwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan maliban sa mga nilakaran ng mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid habang nasa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang mga indibidwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang akayin ang mga tao sa daloy ng Banal na Espiritu, hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspekto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong landas, lalong hindi matatapos ng sinuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilikha na gumagampan ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumagampan ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad ng ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng pagbubukas ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay paggampan ng kanyang tungkulin bilang isang nilikha at ito ay ginagawa kapag inaantig o binibigyang-liwanag siya ng Banal na Espiritu. Ang gabay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauugnay ang gawain ng tao sa pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo ng pananatili sa loob ng Bibliya. Kung ito man ay para itayong muli ang lokal na simbahan o magtayo ng lokal na simbahan, ang kanilang gawain ay may kinalaman sa pagtatatag ng mga simbahan. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang itatag muli ang hiningi ni Jesus, sa Kanyang gawain noon, sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagtanggap ng bautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili sa Bibliya at maghanap ng mga landas na nakapaloob sa Bibliya. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong landas na nakapaloob sa Bibliya, gayundin ang mas mahusay at mas praktikal na mga pagsasagawa. Ngunit hindi mahahanap sa kanilang gawain ang mga kasalukuyang layunin ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na nilalayong gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagpapanibago at walang pagsulong. Nagpatuloy silang kumapit sa katunayan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, sa pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, sa mga kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas at na ang lalaki ang ulo ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa, at lalo na sa tradisyonal na kuru-kuro na hindi puwedeng mangaral ang mga kapatid na babae, kundi sumunod lamang. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay patuloy na sinunod, hindi sana kailanman nagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa mga regulasyon, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang mundo ng kalayaan at kagandahan. Samakatwid, ang yugtong ito ng gawain, na binabago ang kapanahunan, ay nangangailangan na ang Diyos Mismo ang gumawa at bumigkas; kung hindi, walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay huminto, at iyong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng direksyon. Samakatwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na layong gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay mayroong magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga pare-parehong gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi kayang ipahayag ng kanilang ginagawa ang disposisyon at ang mga layunin ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, at hindi upang gumawa ng bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilikha. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta at tuwiran Siya sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa paggampan ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Niyang ipinapahayag ang gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad ng sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagsasaalang-alang at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang hakbang-hakbang na proseso at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos pa rin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagsabi rin si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga tao, at nagbigkas sila ng mga salita, na dagdag pa rito ay nagmukhang humigit-kumulang na pareho sa tao. Lahat sila ay nagsabi ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay nagsabi ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa kalikasan ng gawain. Para makilatis ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang kalikasan ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman ng kanilang mga salita. Ano’t anuman, kailangan mong isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinabi ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi nagtustos ng buhay sa tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang nakagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Nagsabi rin si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang ituwid ang mga baluktot na aspekto ng tao; pangatlo, maaari Niyang akuin ang gawain ni Jehova, sinisimulan ang susunod na kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maarok ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya ay Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Gawing halimbawa si Isaias para sa paghahambing sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao. Pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinabi ay lagpas sa kanyang kakayahan. Ang mga ito ay mga direktang pagbubunyag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi naunawaan ng ibang mga tao ang mga salitang ito kapag naririnig nila. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspekto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang sabihin yaong hindi kayang makamit ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi iilang tao lang ang sangkot dito, ni hindi nito layon na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang tao, kung paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at kung paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katunayang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na kongkreto sa tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; matitiyak mo lamang na Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, sa pangunahin, ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, pangunahan ang bagong gawain, at magbukas ng isang bagong saklaw, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Maraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Sa paggawa ng Kanyang gawain, nagpapahayag din ang Diyos kung ano Siya, ngunit ang Kanyang pagiging Diyos ay naiiba sa pagiging tao ng tao. Kung ano ang tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang kapaligiran ay nagpapahayag ng iba’t ibang anyo ng kung ano sila. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa lipunan. Alam Niya ang diwa ng tao sa loob at labas, at kayang ilantad ang iba’t ibang pagsasagawa ng lahat ng uri ng tao. Higit pa rito, kaya Niyang ilantad ang mga tiwaling disposisyon at mapaghimagsik na pag-uugali ng tao. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng mga tao sa mundo, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng mga tao sa mundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang lahat ng panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga kahanga-hangang bagay na mahirap maarok ng tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa tao at tago rin sa tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagiging Diyos ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga salita ng mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na walang pagkatao, at hindi nakakaunawa sa buhay ng tao o sa mga pamantayan ng pagkatao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang inilalantad ang mababang-uri at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa sa kung ano ang kahit sinong tao na may laman at dugo. Hindi na Niya kailangang dumaan sa karagdagang hakbang ng pagdanas ng isang komplikado, masalimuot, at nakaririmarim na buhay sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ilantad ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na buhay sa lipunan ay hindi kayang “luminang” sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay naglalantad lamang ng paghihimagsik ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paglalantad ng pagiging hindi matuwid ng tao pagkatapos ng matagal na pagkakaalam sa paghihimagsik ng tao at pagkamuhi sa katiwalian ng sangkatauhan. Ang lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay nagdudulot na ang Kanyang disposisyon ay makilala ng tao at nagpapahayag ng Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng isang taong may laman at dugo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang mga nauugnay na karanasan pagkatapos maranasan ang ilang katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga regulasyon at hindi sakop ng mga limitasyon ng panahon o heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya anumang oras at saanmang lugar. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kondisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang pagkakilala sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Kung ang isang bagay ay ang gawain ng Diyos Mismo o ang gawain ng tao, malalaman mo ang kaibahan hangga’t ikinukumpara mo ang dalawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Nagiging tao lamang ang Diyos upang pamunuan ang kapanahunan at simulan ang bagong gawain. Kinakailangan ninyong maunawaan ang puntong ito. Ibang-iba ito sa tungkulin ng tao, at talagang hindi maipagkukumpara ang dalawa. Ang tao ay nangangailangan na malinang at magawang perpekto sa loob ng mahabang panahon bago siya maaaring magamit upang isagawa ang gawain, at ang uri ng pagkatao na kinakailangan ay may napakataas na antas. Hindi lamang dapat mapanatili ng tao ang katwiran ng normal na pagkatao, kundi dapat mas lalo pa niyang maunawaan ang maraming prinsipyo at patakaran na namamahala sa kung paano niya pinakikitunguhan ang mundo, at higit pa rito ay dapat tumuon siya sa higit pang pag-aaral tungkol sa karunungan at kaalaman sa etika ng tao. Ito ang dapat na nasasangkap sa tao. Gayunman, hindi ito ang kaso para sa Diyos na naging tao, dahil ang Kanyang gawain ay hindi kumakatawan sa tao ni hindi ito ang gawain ng tao, at sa halip, ito ay isang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang pagiging Diyos at ang tuwirang paggampan sa gawain na dapat Niyang gawin. (Natural, isinasagawa ang Kanyang gawain sa angkop na panahon, at hindi lang basta-basta at sapalaran, at sinisimulan ito kapag oras na para gampanan ang Kanyang ministeryo.) Hindi Siya nakikibahagi sa buhay ng tao o gawain ng tao, ibig sabihin, ang Kanyang pagkatao ay hindi nasasangkapan ng alinman sa mga ito (bagaman hindi ito nakakaapekto sa Kanyang gawain). Ginagampanan Niya lamang ang Kanyang ministeryo kapag oras na para gawin Niya ito; anuman ang Kanyang katayuan, pinagtutuunan Niya lamang ang paggawa ng gawaing dapat Niyang gawin. Anuman ang alam ng tao sa Kanya at anuman ang opinyon ng tao sa Kanya, ang Kanyang gawain ay lubos na hindi naaapektuhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)

Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, aakayin niya ang mga tao tungo sa mga regulasyon. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na ang layunin ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang bigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na isipan ng tao. Lahat ng makapagsasabuhay sa katotohanang realidad ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan ng normal na buhay ng tao sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lumalagpas sa mga hangganan ng normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahangad ng katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi masasabi ng tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahangad, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil sa mga karumihan ng kanilang isipan at mga saloobin, narurumihan ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang isang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibidwal na kondisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspekto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kondisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay palaging limitado—hindi nito kayang ganap na kumatawan sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay hindi maituturing bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang katugma ng ipinahayag ng tao ang mga layunin ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa gawain ng pagpeperpekto na nilalayong gawin ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang nakamit mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay walang mga kalipikasyon o hindi tumutugon sa mga kondisyon ng pagiging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang mga tao ay mayroong sarili nilang mga prinsipyo para sa paggawa, at ang lahat ay may iba’t ibang karanasan at nagtataglay ng iba-ibang mga kondisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa kung ano ang tao at hindi kumakatawan sa pagiging Diyos ng Diyos o sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Samakatwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ganap na mga layunin ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling mauwi sa mga regulasyon, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan sa limitadong saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang paraan. Karamihan sa mga tagasunod ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin sa saklaw nito. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, kung tutuusin, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga regulasyon; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga regulasyon sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay hindi nalilimitahan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya maibubuod ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t labis na may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong pag-usad, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo maarok ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga regulasyon ang mga tagasunod ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Iyon lamang mga sumusunod at naghahangad sa Kanya nang may totoong puso ang maaaring mabago ang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi nalilimitahan ng anumang mga regulasyon o napipigilan ng mga relihiyosong kuru-kuro. Ang mga hinihingi ng gawain ng tao sa mga tao ay batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang kaya niya mismong makamtan. Ang mga hinihinging pamantayan na ito ay limitado sa loob ng isang partikular na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tagasunod na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga regulasyon at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamumunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang tagasunod ay magiging relihiyonista at mga eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatwid, kung ang isang tao ay isang lider na pasok sa pamantayan, dapat nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Iyong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at di-praktikal na mga bagay lamang ang ipinapahayag. Kung aakayin nila ang mga tao sa loob ng mahabang panahon, igigiya nila ang mga tao tungo sa malabo at sobrenatural na mga regulasyon. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi naaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga kaisipan ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi tinataglay ng mga hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Sinundan: 5. Binubuo ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Sumunod: 2. Pagkilala sa Pagkakaiba ng Gawain ng Banal na Espiritu sa Gawain ng Masasamang Espiritu

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 10: Matagal na akong nagtatrabaho para sa United Front, at napag-aralan ko na ang iba’t ibang relihiyon. Ang Kristiyanismo, Katolisismo at Eastern Orthodoxy ay pawang mga relihiyong orthodox na nananalig kay Jesus. Pero ibang-iba ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Ayon sa mga dokumento ng CCP, ang Makapangyarihang Diyos ay ni hindi kabilang ng Kristiyanismo. Nangangaral kayo ng ebanghelyo sa iba’t ibang sekta sa ilalim ng Kristiyanismo na hindi kayo kinikilalang Kristiyano. Kaya hinding-hindi ko kayo papayagang manalig sa Makapangyarihang Diyos. Maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo kung gusto nyo. Mas magaan ang pagpapahirap ng gobyerno sa ganitong paraan. Kung maaresto at mabilanggo kayo dahil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, manganganib ang buhay n’yo. Nakita na ng CCP na lahat ng nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay walang salang mga alagad ni Cristo sa mga huling araw na mga disipulo at apostol ni Cristo. Ang lubhang pinangangambahan ng CCP ay ang mga pahayag at patotoo sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao na ipinahayag ni Cristo sa mga huling araw, pati na ang matatag na grupong sumusunod kay Cristo sa mga huling araw. Napag-aralan na namin ang kasaysayan ng Kristiyanismo. Ang lubhang pinangambahan ng imperyong Romano ay ang mga disipulo at apostol ni Jesus. Kaya nang hulihin ang mga taong ito, pinagpapatay sila sa iba’t ibang pamamaraan. Ngayon, kung hindi ginawa ang mga hakbang na ito para supilin at lubos na ipagbawal ang grupong ito ng mga tao na sumusunod sa Cristo ng mga huling araw, ilang taon pa lang, mapapailalim sa kanila ang lahat ng iba’t ibang relihiyon. Sa ngayon, ang ilang pangunahing grupong Kristiyano sa China ay napailalim na ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kung hindi inimbento ng CCP ang ilang opinyon ng publiko at nagpakana ng Kaso sa Zhaoyuan, darating siguro ang araw na mapapailalim ang iba’t ibang relihiyon sa mundo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kapag napailalim sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng iba’t ibang relihiyon, lubhang makakasama ’yan sa pamamahala ng CCP. Sa gayon, matatag ang determinasyon ng Central Committee na gamitin ang lahat ng puwersa para lubos na ipagbawal ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa loob ng maikling panahon. Dapat n’yong malaman, ang paglitaw ng Kidlat ng Silanganan ay hindi lamang nabalita sa China, malaking balita rin ito sa mundo. Dahil gumawa kayo ng napakalaking hakbang, paanong hindi galit na maglulunsad ng malakihang pagsupil at pag-aresto ang CCP laban sa inyo? Kung kailangan n’yong maniwala sa Diyos, maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo. Talagang bawal kayong manalig sa Makapangyarihang Diyos. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi kabilang ng Kristiyanismo, hindi n’yo ba alam ’yan?

Sagot: Kasasabi n’yo lang ng mismong dahilan kaya sinusupil ng CCP ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pero hindi ba n’yo alam kung...

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito