5. Binubuo ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, na ang ibig sabihin ay iniligtas Niya ang tao mula sa krus, ngunit ang tiwaling satanikong disposisyon ng tao ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas ang mga taong tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang ang mga pinatawad na ay mailigtas mula sa kanilang mga kasalanan at gawing lubos na malinis, at sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay makakawala sila sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas at makakabalik sa harap ng trono ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring lubos na mapabanal ang tao. Sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa Kapanahunan ng Biyaya nang matapos na ang Kapanahunan ng Kautusan. Nagpatuloy ito hanggang sa mga huling araw, kung kailan ganap na dadalisayin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo sa tao dahil sa kanilang pagiging suwail. Pagkatapos nito ay saka lamang mawawakasan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas at makapagpapahinga ang Diyos. Samakatuwid, sa tatlong yugto ng gawain, dalawang beses lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang maisagawa Niya Mismo ang Kanyang gawain sa tao. Iyon ay dahil isa lamang sa tatlong yugto ng gawain ang aakay sa mga tao sa kanilang mga buhay, habang ang dalawa pang iba ay binubuo ng gawain ng pagliligtas. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawang-tao maaaring mamuhay ang Diyos na kasama ng tao, maranasan ang paghihirap ng mundo, at mamuhay sa isang normal na katawang may laman. Sa ganitong paraan lamang Niya maaaring matustusan ang mga tao ng praktikal na paraan na kailangan nila bilang mga nilalang. Ang tao ay nakakatanggap ng lubos na kaligtasan mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at hindi direkta mula sa langit bilang kasagutan sa kanyang mga panalangin. Sapagkat ang tao ay may laman at dugo, walang paraan ang tao na makita ang Espiritu ng Diyos, at lalong hindi nito malalapitan ang Kanyang Espiritu. Ang makakaugnayan lamang ng tao ay ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa pamamagitan lamang nito nauunawaan ng tao ang lahat ng pamamaraan at lahat ng katotohanan at matatanggap ang ganap na kaligtasan. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay sapat na upang alisin ang mga kasalanan ng tao at lubos na dalisayin ang tao. Samakatuwid, sa pangalawang pagkakatawang-tao, mawawakasan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao at makukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagkatapos noon, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay lubos na magtatapos. Pagkatapos ng ikalawang pagkakatawang-tao, hindi na Siya muling magiging katawang-tao sa ikatlong pagkakataon para sa Kanyang gawain. Sapagkat ang Kanyang buong pamamahala ay natapos na. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay ganap nang nakamit ang Kanyang hinirang na mga tao, at napaghiwalay ayon sa kanilang uri ang sangkatauhan sa mga huling araw. Siya ay hindi na gagawa ng gawain ng pagliligtas, ni babalik sa katawang-tao upang magsakatuparan ng anumang gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Hindi kinumpleto ng Diyos sa una Niyang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagkakatawang-tao; tinapos lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na kinailangang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Kaya, upang matapos ang gawain ng pagkakatawang-tao, minsan pang nagbalik sa katawang-tao ang Diyos, na isinasabuhay ang lahat ng normalidad at realidad ng katawang-tao, ibig sabihin, ipinapakita ang Salita ng Diyos sa isang lubos na normal at ordinaryong katawang-tao, sa gayon ay tinatapos ang gawaing iniwan Niyang hindi tapos sa katawang-tao. Sa totoo lang, ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay katulad ng una, ngunit mas makatotohanan pa ito, mas normal pa kaysa sa una. Dahil dito, ang pagdurusang tinitiis ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay higit kaysa roon sa una, ngunit ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa pagdurusa ng taong nagawang tiwali. Nagmumula rin ito sa normalidad at realidad ng Kanyang katawang-tao. Dahil isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo sa lubos na normal at totoong katawang-tao, kailangang magtiis ng matinding hirap ang katawang-tao. Kapag mas normal at totoo ang katawang-tao, mas magdurusa Siya sa pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinapahayag sa napaka-normal na katawang-tao, na hindi man lamang higit-sa-karaniwan. Dahil normal ang Kanyang katawang-tao at kailangan din nitong balikatin ang gawain ng pagliligtas sa tao, nagdurusa Siya nang mas matindi pa kaysa sa pagdurusa ng higit-sa-karaniwang katawang-tao—at lahat ng pagdurusang ito ay nagmumula sa realidad at normalidad ng Kanyang katawang-tao. Mula sa pagdurusang napagdaanan ng dalawang nagkatawang-taong laman habang isinasagawa ang Kanilang mga ministeryo, makikita ng isang tao ang diwa ng nagkatawang-taong laman. Kapag mas normal ang katawang-tao, mas matinding hirap ang kailangan Niyang tiisin habang ginagawa ang gawain; kapag mas totoo ang katawang-taong gumagawa ng gawain, mas mabagsik ang mga kuru-kuro ng tao, at malamang na mas maraming panganib ang sumapit sa Kanya. Subalit, kapag mas tunay ang katawang-tao, at mas taglay ng katawang-tao ang mga pangangailangan at ganap na pakiramdam ng isang normal na tao, mas may kakayahan Siyang tanggapin ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang katawang-tao ni Jesus ang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao ang Kanyang isinuko bilang handog dahil sa kasalanan; tinalo Niya si Satanas sa pamamagitan ng isang katawang-taong may normal na pagkatao at ganap na iniligtas ang tao mula sa krus. At bilang isang ganap na katawang-tao isinasagawa ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng panlulupig at tinatalo si Satanas. Ang isang katawang-tao lamang na ganap na normal at totoo ang makapagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kabuuan nito at makapagbibigay ng malakas na patotoo. Ibig sabihin, ang paglupig sa tao ay nagiging epektibo sa pamamagitan ng realidad at normalidad ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at paghahayag. Ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-taong ito ay upang magsalita, at sa gayon ay malupig at magawang perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayon ay malupig, mabunyag, magawang perpekto, at maalis nang tuluyan ang tao. Kaya nga, sa gawain ng panlulupig maisasakatuparan nang buung-buo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang paunang gawain ng pagtubos ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; kukumpletuhin ng katawang-taong nagsasagawa ng gawain ng panlulupig ang buong gawain ng pagkakatawang-tao. Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa pa ay babae, kaya nakukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at naiwawaksi ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos: Ang Diyos ay maaaring maging kapwa lalaki at babae, at sa totoo lang, ang Diyos ay walang kasarian. Nilikha Niya kapwa ang lalaki at babae, at para sa kanya, walang pagkakahati ng kasarian. Sa yugtong ito ng gawain, hindi nagsasagawa ng mga tanda at himala ang Diyos, kaya makakamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Bukod pa riyan, ito ay dahil ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito ay hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang likas na kakayahang taglay nitong nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sumambit ng mga salita at lupigin ang tao, hindi para magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa normal na pagkatao ay hindi upang gumawa ng mga himala, hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, kaya ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay mukhang mas normal sa mga tao kaysa sa una. Nakikita ng mga tao na totoo ang pagkakatawang-tao ng Diyos; ngunit iba itong Diyos na nagkatawang-tao kay Jesus na nagkatawang-tao, at kahit pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Sila lubos na magkapareho. Si Jesus ay nagtaglay ng normal na pagkatao, ordinaryong pagkatao, ngunit sinamahan Siya ng mga tanda at himala. Sa Diyos na ito na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga tanda o himala, walang pagpapagaling ng maysakit ni pagpapalayas ng mga demonyo, ni paglakad sa ibabaw ng dagat, ni pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang kaparehong gawaing ginawa ni Jesus, hindi dahil, sa totoo lang, ang Kanyang katawang-tao ay iba kaysa kay Jesus, kundi dahil hindi ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang Kanyang ministeryo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawain, hindi Niya ginagambala ang Kanyang sariling gawain. Dahil nilulupig Niya ang tao sa pamamagitan ng Kanyang tunay na mga salita, hindi na kailangang supilin siya sa mga himala, kaya nga ang yugtong ito ay upang kumpletuhin ang gawain ng pagkakatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Bakit Ko sinasabi na hindi nakumpleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao sa gawain ni Jesus? Dahil ang Salita ay hindi lubos na naging tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang bahagi lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos, at hindi Niya ginawa ang gawaing lubos na maangkin ang tao. Dahil dito, minsan pang naging tao ang Diyos sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay ginagawa rin sa isang ordinaryong katawan; isinasagawa ito ng isang lubos na normal na tao, isang tao na ang pagkatao ay hindi nangingibabaw ni katiting. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao; Siya ay isang taong ang pagkakakilanlan ay sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na nagsasagawa ng gawain. Nakikita ng mga mata ng tao ang isang katawang may laman na hindi man lamang nangingibabaw sa lahat, isang lubhang ordinaryong taong nakapagsasalita ng wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mahimalang mga tanda, hindi gumagawa ng mga himala, lalo nang hindi naglalantad ng nakapaloob na katotohanan tungkol sa relihiyon sa malalaking bulwagan ng pagpupulong. Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, kaya tila walang anumang pagkakatulad ang dalawa, at walang anumang nasa gawain sa una ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay magkaiba. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa likas na katangian ng gawaing ginawa ng mga taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na katawan. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa dalawang kapanahunang ito ay nagpasimula ng isang bagong kapanahunan, nagpahayag ng isang bagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng masabi ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Malinaw na hindi ito maabot ng kakayahan ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi masasabi ng kapanahunan at ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga sitwasyon, kundi sa pamamagitan ng banal na gawaing Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao tungkol sa unang katawang-tao, kundi upang punan at gawin itong perpekto, palalimin ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, suwayin ang lahat ng panuntunang umiiral sa puso ng mga tao, at palisin ang mga maling larawan ng Diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibiduwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na kaalaman tungkol sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong kakayahan ng tao na umunawa, hindi pa rin kumpleto ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Imposible, gamit ang wika ng tao, na ihatid ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos; bukod pa riyan, paano lubos na maipapahayag ang Diyos sa iisang yugto ng Kanyang gawain? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng takip ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na katawan. Nagkakatawang-tao ang Diyos para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at walang dalawang yugto ng Kanyang gawain ang magkapareho. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng lubos na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, nang hindi nakatuon sa iisang aspeto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Verbo ay sumasa Dios”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula siya ang Verbo.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, lalo pa Niyang nililinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang daan—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibahagi, yaong kailangang malaman ng lahat. Dahil ito ang gawain ng ikalawang pagkakatawang-tao—at ang huling pagkakataon na magkakatawang-tao ang Diyos—lubos nitong kinukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao, lubus-lubusang isinasakatuparan at inilalabas ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, at winawakasan ang panahon ng Diyos na nasa katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 4

Kung sa yugtong ito ay nagtitiis ng hirap o nagsasagawa ng Kanyang ministeryo ang Diyos na nagkatawang-tao, ginagawa Niya ito upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao, sapagkat ito ang huling pagkakatawang-tao ng Diyos. Dalawang beses lamang maaaring magkatawang-tao ang Diyos. Hindi maaaring magkaroon ng pangatlo. Ang unang pagkakatawang-tao ay lalaki, ang pangalawa ay babae, kaya nga ang larawan ng katawang-tao ng Diyos ay kinukumpleto sa isipan ng tao; bukod doon, natapos na ng dalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang unang pagkakataon, nagtaglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng normal na pagkatao upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Sa pagkakataong ito ay nagtataglay rin Siya ng normal na pagkatao, ngunit iba ang kahulugan ng pagkakatawang-taong ito: Ito ay mas malalim, at ang Kanyang gawain ay may mas malalim na kabuluhan. Minsan pang naging tao ang Diyos upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Kapag lubos na nawakasan ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, ang buong kahulugan ng pagkakatawang-tao, ibig sabihin, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, ay makukumpleto, at wala nang gawaing gagawin sa katawang-tao. Ibig sabihin, mula ngayon ay hindi na muling magkakatawang-tao ang Diyos kailanman upang gawin ang Kanyang gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

(Isang Piniling Kabanata ng Salita ng Diyos)

Bawat yugto ng gawaing ginawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noon, nang pumarito si Jesus, dumating Siya sa anyong lalaki, at nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, ang anyo Niya ay babae. Mula rito, makikita mo na ang paglikha ng Diyos sa kapwa lalaki at babae ay magagamit sa Kanyang gawain, at para sa Kanya ay walang pagkakaiba ng kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Siyang magbihis ng anumang katawang-taong gusto Niya, at maaari Siyang katawanin ng katawang-taong iyon; lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos basta’t ito ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Kung nagpakita si Jesus bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang lalaki, naipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, makukumpleto pa rin ang yugtong iyon ng gawain. Kung nagkagayon, kakailanganing kumpletuhin ng isang lalaki ang kasalukuyang yugto ng gawain, ngunit makukumpleto pa rin ang gawain. Ang gawaing ginagawa sa bawat yugto ay mayroong sarili nitong kabuluhan; hindi naulit ang alinmang yugto ng gawain, ni hindi ito magkasalungat. Sa panahong iyon, si Jesus, sa paggawa ng Kanyang gawain, ay tinawag na bugtong na Anak, at ang “Anak” ay nagpapahiwatig ng kasariang lalaki. Bakit hindi binanggit ang bugtong na Anak sa kasalukuyang yugtong ito? Dahil ang mga kinakailangan ng gawain ay nangailangan ng pagbabago ng kasarian na naiiba sa kay Jesus. Para sa Diyos walang pagkakaiba ang kasarian. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang kagustuhan, at sa paggawa ng Kanyang gawain ay hindi Siya sumasailalim sa anumang mga paghihigpit, kundi malayang-malaya. Subalit bawat yugto ng gawain ay may sariling praktikal na kabuluhan. Dalawang beses na naging tao ang Diyos, at maliwanag na ang Kanyang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang huling pagkakataon. Naparito Siya upang ipahayag ang lahat ng Kanyang gawa. Kung hindi Siya naging tao sa yugtong ito upang personal na gumawa para masaksihan ng tao, kumapit sana ang tao magpakailanman sa kuru-kuro na ang Diyos ay lalaki lamang, hindi babae. Bago ito, naniwala ang buong sangkatauhan na maaari lamang maging lalaki ang Diyos at hindi maaaring tawaging Diyos ang isang babae, sapagkat itinuring ng buong sangkatauhan na may awtoridad ang mga lalaki sa mga babae. Naniwala sila na walang babaeng maaaring magkaroon ng awtoridad, mga lalaki lamang. Bukod pa rito, sinabi pa nila na ang lalaki ang pinuno ng babae at na kailangang sundin ng babae ang lalaki at hindi niya maaaring higitan ito. Noong araw, nang sabihin na ang lalaki ang pinuno ng babae, patungkol ito kina Adan at Eba, na nalinlang ng ahas—hindi sa lalaki at babae ayon sa pagkalikha sa kanila ni Jehova sa simula. Siyempre pa, kailangang sundin at mahalin ng isang babae ang kanyang asawa, at kailangang matutuhan ng lalaki na pakainin at suportahan ang kanyang pamilya. Ito ang mga batas at kautusang itinakda ni Jehova na kailangang sundin ng sangkatauhan sa kanilang buhay sa lupa. Sinabi ni Jehova sa babae, “Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Sinabi lamang Niya iyon upang ang sangkatauhan (ibig sabihin, kapwa ang lalaki at ang babae) ay mabuhay nang normal sa ilalim ng kapamahalaan ni Jehova, at upang ang buhay ng sangkatauhan ay magkaroon ng isang kaayusan, at hindi mawala sa tama nitong pagkakaayos. Samakatuwid, gumawa si Jehova ng angkop na mga panuntunan tungkol sa nararapat na pagkilos ng lalaki at babae, bagama’t patungkol lamang ito sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa lupa, at walang kaugnayan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Paano magiging kapareho ng Diyos ang Kanyang mga nilikha? Ang Kanyang mga salita ay patungkol lamang sa sangkatauhan na Kanyang nilikha; para mabuhay nang normal ang sangkatauhan, itinakda Niya ang mga panuntunan para sa lalaki at babae. Sa simula, nang likhain ni Jehova ang sangkatauhan, gumawa Siya ng dalawang klaseng tao, kapwa lalaki at babae; kaya nga hiwalay ang lalaki at babae sa Kanyang mga nagkatawang-taong laman. Hindi Niya ipinasiya ang Kanyang gawain batay sa mga salitang sinabi Niya kina Adan at Eba. Ang dalawang beses na naging tao Siya ay natukoy nang lubusan ayon sa Kanyang iniisip noong una Niyang likhain ang sangkatauhan; ibig sabihin, nakumpleto Niya ang gawain ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao batay sa lalaki at babae bago sila nagawang tiwali. Kung tinanggap ng sangkatauhan ang mga salitang sinambit ni Jehova kina Adan at Eba, na nalinlang ng ahas, at inangkop ang mga ito sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi ba dapat ding mahalin ni Jesus ang Kanyang asawa tulad ng nararapat Niyang gawin? Sa ganitong paraan, magiging Diyos pa rin ba ang Diyos? At dahil dito, makakaya pa rin kaya Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain? Kung mali na maging babae ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi kaya isang napakalaking kamalian din na nalikha ng Diyos ang babae? Kung naniniwala pa rin ang mga tao na maling magkatawang-tao ang Diyos bilang babae, hindi kaya nagkamali rin si Jesus, na hindi nag-asawa at samakatuwid ay hindi nagawang mahalin ang Kanyang asawa, na tulad ng kasalukuyang pagkakatawang-tao? Yamang ginagamit mo ang mga salitang sinambit ni Jehova kay Eba upang sukatin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa kasalukuyang araw, kailangan mong gamitin ang mga salita ni Jehova kay Adan upang hatulan ang Panginoong Jesus na naging tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba magkapareho ang mga ito? Yamang sinusukat mo ang Panginoong Jesus ayon sa lalaking hindi nalinlang ng ahas, hindi mo maaaring hatulan ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ngayon ayon sa babaeng nalinlang ng ahas. Hindi magiging patas ito! Ang pagsukat sa Diyos sa ganitong paraan ay nagpapatunay na wala ka sa katwiran. Nang maging tao si Jehova nang dalawang beses, ang kasarian ng Kanyang katawang-tao ay may kaugnayan sa lalaki at sa babaeng hindi nalinlang ng ahas; alinsunod ito sa lalaki at babaeng hindi nalinlang ng ahas na dalawang beses Siyang naging tao. Huwag mong isipin na ang pagkalalaki ni Jesus ay kapareho ng kay Adan, na nalinlang ng ahas. Ganap na walang kaugnayan ang dalawa, sila ay mga lalaki na dalawang magkaiba ang likas na pagkatao. Tiyak kayang hindi maaari na ang pagkalalaki ni Jesus ay nagpapatunay na Siya ang pinuno ng lahat ng babae ngunit hindi ng lahat ng lalaki? Hindi ba Siya ang Hari ng lahat ng Hudyo (kasama na kapwa ang mga lalaki at mga babae)? Siya ang Diyos Mismo, hindi lamang ang pinuno ng babae kundi ang pinuno rin ng lalaki. Siya ang Panginoon ng lahat ng nilalang at ang pinuno ng lahat ng nilalang. Paano mo malalaman na ang pagkalalaki ni Jesus ang sagisag ng pinuno ng babae? Hindi ba ito kalapastanganan? Si Jesus ay isang lalaking hindi nagawang tiwali. Siya ang Diyos; Siya ang Cristo; Siya ang Panginoon. Paano Siya magiging isang lalaki na tulad ni Adan na nagawang tiwali? Si Jesus ang katawang-taong ibinihis ng pinakabanal na Espiritu ng Diyos. Paano mo nasabi na Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng pagkalalaki ni Adan? Kung magkagayon, hindi kaya mali ang buong gawain ng Diyos? Isasama kaya ni Jehova sa loob ni Jesus ang pagkalalaki ni Adan na nalinlang ng ahas? Hindi ba ang pagkakatawang-tao ng kasalukuyang panahon ay isa pang halimbawa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na iba ang kasarian kay Jesus ngunit katulad Niya ang likas na katangian? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi maaaring maging babae ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil babae ang unang nalinlang ng ahas? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na, dahil ang babae ang pinakamarumi at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan, hindi posibleng maging tao ang Diyos bilang isang babae? Nangangahas ka bang magpumilit sa pagsasabi na “palaging susundin ng babae ang lalaki at hindi maaaring magpamalas o direktang kumatawan sa Diyos kailanman”? Hindi ka nakaunawa noong araw, ngunit magagawa mo bang patuloy na lapastanganin ngayon ang gawain ng Diyos, lalo na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? Kung hindi ito malinaw sa iyo, mabuti pang ingatan mo ang iyong pananalita, kung hindi ay mahahayag ang iyong kahangalan at kamangmangan at malalantad ang iyong kapangitan. Huwag mong isipin na nauunawaan mo ang lahat. Sinasabi Ko sa iyo na hindi sapat ang lahat ng nakita at naranasan mo para maunawaan mo kahit ang ika-sanlibong bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Kung gayon ay bakit napakayabang mong kumilos? Ang katiting na talento at kaunting kaalaman mo ay hindi sapat para gamitin ni Jesus kahit sa isang segundo lamang ng Kanyang gawain! Gaano ba talaga karami ang karanasan mo? Ang nakita mo at lahat ng narinig mo sa buong buhay mo at ang naisip mo ay maliit kaysa sa gawaing ginagawa Ko sa isang saglit! Ang pinakamabuti ay huwag kang mamintas at maghanap ng mali. Maaari kang magmayabang hangga’t gusto mo, ngunit isa ka lamang nilalang na ni hindi kapantay ng isang langgam! Lahat ng laman ng iyong tiyan ay mas kakaunti kaysa sa laman ng tiyan ng isang langgam! Huwag mong isipin na, komo nagkaroon ka na ng kaunting karanasan at nauna ka, may karapatan ka nang magkukumpas at magmayabang. Hindi ba ang iyong karanasan at pagkauna sa tungkulin ay bunga ng mga salitang nabigkas Ko? Naniniwala ka ba na kapalit ang mga iyon ng sarili mong pagsisikap at pagpapagod? Ngayon, nakikita mo na Ako ay naging tao, at dahil lamang dito ay napuno ka ng napakaraming konsepto, at ng walang-katapusang mga kuru-kuro mula roon. Kung hindi dahil sa Aking pagkakatawang-tao, kahit may taglay kang mga di-pangkaraniwang talento, hindi ka magkakaroon ng napakaraming konsepto; at hindi ba rito nagmumula ang mga kuru-kuro mo? Kung hindi naging tao si Jesus sa unang pagkakataong iyon, malalaman mo kaya ang tungkol sa pagkakatawang-tao? Hindi ba dahil binigyan ka ng unang pagkakatawang-tao ng kaalaman kaya walang-pakundangan mong sinusubukang husgahan ang ikalawang pagkakatawang-tao? Bakit sa halip na maging isa kang masunuring alagad, pinag-aaralan mo ito? Kapag nakapasok ka na tungo sa daloy na ito at humarap ka sa Diyos na nagkatawang-tao, papayagan ka kaya Niyang magsaliksik tungkol sa Kanya? Maaari kang magsaliksik tungkol sa kasaysayan ng sarili mong pamilya, ngunit kung susubukan mong saliksikin ang “kasaysayan ng pamilya” ng Diyos, papayagan ka kaya ng Diyos ng ngayon na magsagawa ng gayong pag-aaral? Hindi ka ba bulag? Hindi mo ba ipinapahamak ang iyong sarili?

Kung nagawa lamang sana ang gawain ni Jesus, at hindi dinagdagan ng gawain sa yugtong ito ng mga huling araw, kakapit magpakailanman ang tao sa kuru-kuro na si Jesus lamang ang bugtong na Anak ng Diyos, ibig sabihin, na iisa lamang ang anak ng Diyos, at na sinumang kasunod Niya na iba ang pangalan ay hindi magiging bugtong na Anak ng Diyos, lalo nang hindi ang Diyos Mismo. May kuru-kuro ang tao na sinumang nagsisilbi bilang handog dahil sa kasalanan o naghahawak ng kapangyarihan sa ngalan ng Diyos at tumutubos sa buong sangkatauhan, ay ang bugtong na Anak ng Diyos. May ilang naniniwala na basta’t lalaki Yaong dumarating, maaari Siyang ituring na bugtong na Anak at kinatawan ng Diyos. May mga nagsasabi pa nga na si Jesus ang Anak ni Jehova, ang Kanyang bugtong na Anak. Hindi ba labis-labis ang gayong mga kuru-kuro? Kung ang yugtong ito ng gawain ay hindi ginawa sa huling kapanahunan, ang buong sangkatauhan ay malalambungan ng madilim na anino pagdating sa Diyos. Kung nagkagayon, iisipin ng lalaki na mas mataas siya kaysa sa babae, at hindi makapagtataas-noo ang mga babae kailanman, at pagkatapos ay wala ni isang babaeng maliligtas. Palaging naniniwala ang mga tao na lalaki ang Diyos, at bukod pa riyan ay lagi Niyang hinahamak ang babae at hindi siya pinagkakalooban ng kaligtasan. Kung nagkagayon, hindi ba magiging totoo na lahat ng babae, na nilikha ni Jehova at nagawa ring tiwali, ay hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong maligtas? Kung gayon ay hindi ba mawawalan ng kabuluhan na likhain ni Jehova ang babae, ibig sabihin, na nalikha si Eba? At hindi ba mapapahamak ang babae magpasawalang-hanggan? Dahil dito, isinasakatuparan ang yugto ng gawain sa mga huling araw upang mailigtas ang buong sangkatauhan, hindi lamang ang babae. Kung iisipin ng sinuman na kung magkakatawang-tao ang Diyos bilang babae, para lamang iyon sa kapakanan ng pagliligtas sa babae, sa gayon ay talagang magiging hangal ang taong iyon!

Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa dati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagpapako sa krus, at ang Aking pagparito ngayon ay hindi sa paglilihi ng Banal na Espiritu, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan. Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan ay magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Sa lahat ng iyan ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang kanilang wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Hudyo at ang isa naman ay babae na nagsasalita lamang ng Tsino). Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay iisang Espiritu, may magkaparehong diwa, walang ganap na mga pagkakatulad sa panlabas na balat ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang katawang-tao at ang sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa kaalaman ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, matapos isaalang-alang ang lahat, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang linya ng dugo. Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at pareho ang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, ngunit iisa Sila, ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu. Magagawa ng Diyos ang gawain ng awa at kagandahang-loob, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag sa mga sumpa sa tao; at sa huli, magagawa Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba ginagawa Niya Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos? Nagawa Niyang parehong magpahayag ng mga batas para sa tao at bigyan siya ng mga kautusan, at nagawa rin Niyang akayin ang mga sinaunang Israelita sa kanilang pamumuhay sa lupa, at gabayan sila sa pagtatayo ng templo at mga altar, habang hawak ang lahat ng Israelita sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Dahil sa Kanyang awtoridad, nabuhay Siya sa lupa sa piling ng mga tao sa Israel sa loob ng dalawang libong taon. Hindi nangahas ang mga Israelita na sumuway sa Kanya; nagpitagan ang lahat kay Jehova at sumunod sa Kanyang mga utos. Gayon ang gawaing ginawa dahil sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Pagkatapos, noong Kapanahunan ng Biyaya, dumating si Jesus upang tubusin ang buong sangkatauhang makasalanan (hindi lamang ang mga Israelita). Nagpakita Siya ng awa at mapagmahal na kabaitan sa tao. Ang Jesus na nakita ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay puno ng mapagmahal na kabaitan at laging mapagmahal sa tao, sapagkat naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Nagawa Niyang patawarin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan hanggang sa ganap na tubusin ng pagpapako sa Kanya sa krus ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa panahong ito, nagpakita ang Diyos sa tao na may awa at mapagmahal na kabaitan; ibig sabihin, naging isa Siyang handog dahil sa kasalanan para sa tao at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng tao, upang sila ay mapatawad magpakailanman. Siya ay maawain, mahabagin, matiisin, at mapagmahal. At hinangad din ng lahat ng sumunod kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya na maging matiisin at mapagmahal sa lahat ng bagay. Mahaba ang kanilang pagtitiis, at hindi sila lumaban kailanman kahit sila ay binugbog, isinumpa, o binato. Ngunit sa huling yugto hindi na maaaring maging katulad niyon. Ang gawain nina Jesus at Jehova ay hindi lubos na magkapareho kahit Sila ay iisang Espiritu. Ang gawain ni Jehova ay hindi upang wakasan ang kapanahunan, kundi upang gabayan ang kapanahunan, na sinisimulan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa, at ang gawain ng ngayon ay upang lupigin yaong mga nasa bansang Hentil na lubhang nagawang tiwali, at upang akayin hindi lamang ang mga taong hinirang ng Diyos sa Tsina, kundi ang buong sansinukob at buong sangkatauhan. Maaaring sa tingin mo ay sa Tsina lamang ginagawa ang gawaing ito, ngunit sa katunayan ay nagsimula na itong lumaganap sa ibang bansa. Bakit hinahanap ng mga tao sa labas ng Tsina ang tunay na daan, nang paulit-ulit? Dahil nagsimula nang gumawa ang Espiritu, at ang mga salitang sinasambit ngayon ay nakatuon sa mga tao sa buong sansinukob. Dahil dito, kalahati ng gawain ay ginagawa na. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, napakilos na ng Espiritu ng Diyos ang dakilang gawaing ito, at bukod dito ay nagawa na ang iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan at sa iba’t ibang bansa. Nakikita ng mga tao ng bawat kapanahunan ang iba Niyang disposisyon, na likas na nakikita sa pamamagitan ng ibang gawaing Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos, puno ng awa at mapagmahal na kabaitan; Siya ang handog dahil sa kasalanan para sa tao at ang pastol ng tao; ngunit Siya rin ang paghatol, pagkastigo, at sumpa ng tao. Maaakay Niya ang tao na mabuhay sa lupa sa loob ng dalawang libong taon, at matutubos din Niya ang tiwaling sangkatauhan mula sa kasalanan. Ngayon, nagagawa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, na hindi nakakakilala sa Kanya, at mapagpapatirapa sila sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan, upang lahat ay lubusang magpasakop sa Kanya. Sa huli, susunugin Niya ang lahat ng marumi at di-matuwid sa kalooban ng mga tao sa buong sansinukob, upang ipakita sa kanila na hindi lamang Siya isang maawain at mapagmahal na Diyos, hindi lamang isang Diyos ng karunungan at mga himala, hindi lamang isang banal na Diyos, kundi higit pa rito, isang Diyos na humahatol sa tao. Para sa masasama sa gitna ng sangkatauhan, Siya ay pagsunog, paghatol, at kaparusahan; para sa mga gagawing perpekto, Siya ay kapighatian, pagpipino, at mga pagsubok, isa ring kaaliwan, kabuhayan, pagkakaloob ng mga salita, pakikitungo, at pagtatabas. At para sa mga inaalis, Siya ay kaparusahan at ganti. Sabihin mo sa Akin, hindi ba makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Kaya Niya ang anuman at lahat ng gawain, hindi lamang ang pagpapapako sa krus, na tulad ng inaakala mo. Napakaliit ng tingin mo sa Diyos! Naniniwala ka ba na ang tanging magagawa Niya ay tubusin ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus, at wala nang iba? At pagkatapos niyon, susundan mo Siya sa langit upang makakain ng bunga mula sa puno ng buhay at makainom mula sa ilog ng buhay? … Ganyan kaya kasimple iyon? Sabihin mo sa Akin, ano na ang nagawa mo? Mayroon ka bang buhay na tulad ng buhay ni Jesus? Tunay ngang tinubos ka Niya, ngunit ang maipako sa krus ay ang gawain ni Jesus Mismo. Anong tungkulin ang natupad mo na bilang isang tao? Mukha kang banal, ngunit hindi mo nauunawaan ang Kanyang daan. Ganyan mo ba Siya ipinapakita? Kung hindi mo pa nakamit ang buhay ng Diyos o nakita ang kabuuan ng Kanyang matuwid na disposisyon, hindi mo masasabi na isa kang taong may buhay, at hindi ka nararapat na pumasok sa pasukan ng kaharian ng langit.

Hindi lamang isang Espiritu ang Diyos, maaari din Siyang maging tao. Bukod pa riyan, Siya ay isang katawang may kaluwalhatian. Si Jesus, bagama’t hindi pa ninyo Siya nakita, ay nasaksihan ng mga Israelita—ang mga Hudyo noon. Noong una ay isa Siyang katawan na may laman, ngunit matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay naging katawang may kaluwalhatian. Siya ang Espiritung sumasaklaw sa lahat at kaya Niyang gumawa sa lahat ng lugar. Maaari Siyang maging si Jehova, o si Jesus, o ang Mesiyas; sa huli, maaari din Siyang maging Makapangyarihang Diyos. Siya ay katuwiran, paghatol, at pagkastigo; Siya ay sumpa at poot; ngunit Siya rin ay awa at kagandahang-loob. Lahat ng gawaing Kanyang nagawa ay kayang kumatawan sa Kanya. Anong klaseng Diyos ba Siya para sa iyo? Hindi mo maipaliwanag. Kung talagang hindi mo maipaliwanag, hindi ka dapat magsalita nang patapos tungkol sa Diyos. Huwag kang magsalita nang patapos na ang Diyos ay isang Diyos na maawain at may kagandahang-loob magpakailanman dahil lamang sa ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa isang yugto. Masisiguro mo ba na isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos? Kung isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos, bakit Niya wawakasan ang kapanahunan sa mga huling araw? Bakit Siya magpapadala ng napakaraming kalamidad? Ayon sa mga kuru-kuro at kaisipan ng mga tao, ang Diyos ay dapat maging maawain at mapagmahal hanggang sa pinakahuli, upang bawat huling miyembro ng sangkatauhan ay mailigtas. Ngunit, sa mga huling araw, bakit Siya nagpapadala ng gayon katitinding kalamidad tulad ng lindol, salot, at pagkagutom upang wasakin ang masamang sangkatauhang ito, na itinuturing ang Diyos na isang kaaway? Bakit Niya hinahayaang danasin ng tao ang mga kalamidad na ito? Tungkol sa kung anong klase Siyang Diyos, walang sinuman sa inyo ang nangangahas na magsabi, at walang makapagpaliwanag. Nangangahas ka bang sabihin na Siya nga ang Espiritu? Nangangahas ka bang sabihin na Siya ay walang iba kundi ang katawang-tao ni Jesus? At nangangahas ka bang sabihin na Siya ay isang Diyos na nakapako sa krus magpakailanman para sa kapakanan ng tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Sinundan: 4. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

Sumunod: 1. Pagkilala sa Pagkakaiba ng Gawain ng Diyos sa Gawain ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito