c. Ang ugnayan sa pagitan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang minsanan at ganap nang magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangang maghatid ito ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang gawain sa mga huling araw ay ang huling yugto sa tatlo. Ito ay ang gawain ng isa pang bagong kapanahunan at hindi kumakatawan sa buong gawain ng pamamahala. Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa dati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagpapako sa krus, at ang Aking pagparito ngayon ay hindi sa paglilihi ng Banal na Espiritu, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang iisang yugto ng tatlong yugto ang maaaring ipakita bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi inihahayag ang mga ito sa tao sa simula pa lamang, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, kaya nga ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi matatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa antas ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalatag sa tatlong yugtong ito, at bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. Dapat malaman ng tao ang buong disposisyon ng Diyos na ipinapahayag sa tatlong yugtong ito. Lahat ng tungkol sa katauhan ng Diyos ay napakahalaga sa buong sangkatauhan, at kung wala ang kaalamang ito sa mga tao kapag sumasamba sila sa Diyos, wala silang ipinagkaiba sa mga sumasamba kay Buddha. Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na kinakailangan ay itinatalaga sa tao. At saka, habang lumilipas at sumusulong ang mga kapanahunan, ang mga kinakailangan ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, isa-isang hakbang, ang gawaing ito ng pamamahala ng Diyos ay nakakaabot sa rurok nito, hanggang napagmamasdan ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang mga pangangailangan sa tao na sumaksi. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na kinakailangan sa kanya na dalhin, at ang patotoo na kanyang dinadala ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay di-naiiwasang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, kakailanganin sa tao na magpatotoo nang mas mataas, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, kinailangan sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, ang tao ay kinakailangan na sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng labis na pagmamahal sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Ang tatlong yugtong ito ay mga kinakailangan ng Diyos sa tao, isa-isang hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas lumalalim kaysa sa huli, at sa bawat yugto ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumindi kaysa sa huli, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga kinakailangan sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos, at saka pa lamang magsisimula na unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensya ni Satanas hanggang, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nailigtas na mula sa impluwensya ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Daan Pauwi ng Isang Pari

Kaugnay na mga Sermon

Pagkilala Kung Paano Ginagawa ng Iisang Diyos ang Tatlong Yugto ng Gawain

Kaugnay na mga Himno

Ang Tatlong Yugto ng Gawain ay Ginagawa ng Isang Diyos

Sinundan: b. Ang kabuluhan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Sumunod: d. Bakit kailangang tapusin ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain upang iligtas ang sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito