d. Bakit kailangang tapusin ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain upang iligtas ang sangkatauhan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa katangian ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto angkop ang gawaing ito sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas malinaw, ginagawa ito ayon sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, at ibunyag ang di-mabatang pagiging kakila-kilabot ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilalang na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tiwali, ang siyang masama, at upang masabi nila, nang may lubos na katiyakan, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Sa gayon ay makakaya ng mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at Ako lamang—ang Lumikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang maaaring magkaloob sa tao ng mga bagay na makasisiya sa kanila; at malalaman nila na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa mga nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay kinalaban Ako. Ang Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at nagsisikap Akong makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilalang na magpatotoo sa Akin, at maunawaan ang Aking kalooban, at malaman na Ako ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang minsanan at ganap nang magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang digmaan laban kay Satanas, at ang digmaang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sakapangyarihan ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas—ang tao na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay tatalikdan niya si Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Sa pasimula, ang paggabay sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan ay kagaya ng paggabay sa pamumuhay ng isang bata. Ang pinakaunang sangkatauhan ay bagong silang kay Jehova; sila ang mga Israelita. Hindi nila nauunawaan kung paano katakutan ang Diyos o mabuhay sa lupa. Na ang ibig sabihin, nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay, nilikha Niya si Adan at si Eba, ngunit hindi Niya sila binigyan ng kakayahan na maunawaan kung paano matakot kay Jehova o kung paano sundin ang mga batas ni Jehova sa lupa. Kung wala ang tuwirang paggabay ni Jehova, walang sinuman ang makaaalam nito nang tuwiran, sapagkat sa pasimula hindi tinaglay ng tao ang gayong kakayahan. Alam lamang ng tao na si Jehova ay Diyos, pero ganap na walang ideya ang tao kung paano Siya katakutan, kung anong uri ng pag-uugali ang matatawag na pagkatakot sa Kanya, kung sa anong uri ng kaisipan Siya katatakutan, o kung ano ang ihahandog sa pagiging takot sa Kanya. Alam lamang ng tao kung paano tamasahin yaong maaaring tamasahin sa lahat ng bagay na nilikha ni Jehova, ngunit wala ni anumang kamalayan ang tao kung anong uri ng pamumuhay sa lupa ang karapat-dapat sa isang nilalang ng Diyos. Kung walang magtuturo sa kanila, kung walang gagabay sa kanila nang personal, ang sangkatauhang ito ay hindi sana kailanman namuhay ng isang buhay na naaangkop sa sangkatauhan, kundi mabibihag lamang nang palihim ni Satanas. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, at matagal pa bago matapos. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, nang hindi ipinagkakaloob sa tao ang sapat na kahandaan na katakutan Siya. Sa pasimula, hindi taglay ng tao ang pusong may takot o kilabot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay kung paano makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. At kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga kautusan ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at katakutan Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga atas at mga kautusan, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Saka lamang ganap nang natapos ang gawain ni Jehova.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.

…………

Kung wala ang pagtubos ni Jesus, nabuhay na sana ang sangkatauhan sa kasalanan magpakailanman at naging mga anak ng kasalanan, mga inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay magkaroon ng karapatang magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, natapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masamang isa, natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus at napangibabawan ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, pati na ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwat Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na sumusunod nang walang pasubali hanggang kamatayan, pagkatapos niyon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Siya tinulutang makapagpahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang tatlong yugto ng gawain ay nasa puso ng buong pamamahala ng Diyos, at sa mga ito ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano Siya. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang matanto kung paano ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ni hindi nila alam ang karunungan ng gawain ng Diyos. Nananatili rin silang mangmang tungkol sa maraming paraan ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang lubos na pagpapahayag ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ay magiging mangmang sa iba’t ibang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at yaong mga kumakapit lamang nang mahigpit sa doktrinang natira mula sa isang yugto ng gawain ay mga taong inililimita ang Diyos sa doktrina, at ang paniniwala sa Diyos ay malabo at alanganin. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap ng pagliligtas ng Diyos kailanman. Ang tatlong yugto lamang ng gawain ng Diyos ang maaaring magpahayag nang lubusan sa kabuuan ng disposisyon ng Diyos at ganap na magpahayag ng hangarin ng Diyos na iligtas ang buong sangkatauhan, at ng buong proseso ng pagliligtas sa sangkatauhan. Patunay ito na natalo na Niya si Satanas at naangkin ang sangkatauhan; patunay ito ng tagumpay ng Diyos, at ito ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. Yaong mga nakakaunawa sa isang yugto lamang ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay bahagi lamang ang alam tungkol sa disposisyon ng Diyos. Sa mga kuru-kuro ng tao, madali para sa iisang yugtong ito ng gawain na maging doktrina, at malamang na magtatag ng mga pirmihang panuntunan ang tao tungkol sa Diyos at gamitin ang iisang bahaging ito ng disposisyon ng Diyos bilang isang paglalarawan ng buong disposisyon ng Diyos. Bukod pa riyan, malaking bahagi ng imahinasyon ng tao ang nakahalo sa loob, sa gayon ay mahigpit na pinipigilan ng tao ang disposisyon, katauhan, at karunungan ng Diyos, gayundin ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, sa loob ng limitadong mga hangganan, naniniwala na kung minsan nang naging ganito ang Diyos, mananatili Siyang ganito habang panahon, at hindi magbabago kailanman. Yaong mga nakakaalam at nagpapahalaga lamang sa tatlong yugto ng gawain ang lubos at tumpak na makakakilala sa Diyos. Kahit paano, hindi nila ilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng mga Israelita, o ng mga Hudyo, at hindi nila Siya ituturing na isang Diyos na ipapako sa krus magpakailanman alang-alang sa tao. Kung makikilala lamang ng isang tao ang Diyos mula sa isang yugto ng Kanyang gawain, ang kanyang kaalaman ay napakaliit, at kasinghalaga lamang ng isang patak na tubig sa karagatan. Kung hindi, bakit ipapako ng marami sa relihiyosong matandang bantay ang Diyos sa krus nang buhay? Hindi ba dahil nililimitahan ng tao ang Diyos sa loob ng ilang hangganan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang iisang yugto ng tatlong yugto ang maaaring ipakita bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi inihahayag ang mga ito sa tao sa simula pa lamang, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, kaya nga ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi matatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa antas ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalatag sa tatlong yugtong ito, at bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. Dapat malaman ng tao ang buong disposisyon ng Diyos na ipinapahayag sa tatlong yugtong ito. Lahat ng tungkol sa katauhan ng Diyos ay napakahalaga sa buong sangkatauhan, at kung wala ang kaalamang ito sa mga tao kapag sumasamba sila sa Diyos, wala silang ipinagkaiba sa mga sumasamba kay Buddha. Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Kaugnay na mga Sermon

Bakit Kailangan ng Diyos ng Tatlong Yugto ng Gawain para Iligtas ang Sangkatauhan?

Kaugnay na mga Himno

Ang Tatlong Yugto ng Gawain ay Lubos na Nagpapahayag ng Pagliligtas ng Diyos

Sinundan: c. Ang ugnayan sa pagitan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Sumunod: a. Bakit kailangan pa rin ng Diyos na gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, kahit na tinubos na ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 3: Simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, Kapatid na Zhang, Kapatid na Xu, simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, mas lalong kinokondena ng mga pastor at elder ng relihiyon ang Makapangyarihang Diyos, ginagawa nila ang lahat para hadlangan tayo sa pag-aaral ng totoong daan. Hindi ito naiba sa pagkalaban at pagkondena noon ng mga Judiong Fariseo sa Panginoong Jesus! Nag-iisip-isip ako nitong, bakit dalawang beses na nagpakita ang Diyos sa katawang-tao para gumawa at makalawang nakaharap ang pagkondena at pang-uusig ng lahat ng relihiyon at ng gobyernong ateista? Sa mga huling araw, nagpapakita at gumagawa ang Makapangyarihang Diyos para lamang ipahayag ang katotohanan, sa pagsasalita at paggawa para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Bakit matindi ang galit kay Cristo ng mga relihiyon at ng gobyernong Komunista ng Tsina? na pinakikilos pa nila ang media corp at sandatahang puwersa ng pulisya para ikondena, lapastanganin, hulihin at patayin si Cristo? Dahil dito naaalala ko noong narinig ni Haring Herodes na ang Hari ng mga Judio, o ang Panginoong Jesus ay isinilang, ipinapatay niya ang lahat ng lalaking sanggol sa Bet-lehem na wala pang dalawang taong gulang. Mas gugustuhin niyang ipapatay ang libu-libong inosenteng mga sanggol kaysa hayaang mabuhay si Cristo. Noong dumating ang Diyos sa katawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan, bakit hindi tinanggap ng mga relihiyon at gobyerno ang Kanyang pagdating kundi galit na galit na kinondena at nilapastangan ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Bakit inubos niya ang kabuhayan ng buong bansa para lang maipako sa krus si Cristo? Bakit napakasama ng sangkatauhan at matindi ang galit laban sa Diyos?

Sagot: Ang tanong na ito ay napakahalaga, at iilan lamang sa buong sangkatauhan ang makauunawa dito nang lubusan! Ang dahilan ng matinding...

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito