b. Ang kabuluhan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilikha. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Sa gitna ng sangkatauhan, itinatag ng gawaing ginawa ni Jehova sa mga Israelita ang panlupang lugar na pinagmulan ng Diyos, na siya ring sagradong lugar kung saan Siya naroroon. Itinuon Niya ang Kanyang gawain sa mga tao ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel, ngunit sa halip, pumili Siya ng mga taong natagpuan Niyang angkop upang malimitahan ang nasasaklawan ng gawain Niya. Ang Israel ay ang lugar kung saan nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at ginawa ni Jehova ang tao mula sa alabok sa lugar na iyon; ang lugar na ito ang naging himpilan ng gawain Niya sa lupa. Ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at mga inapo rin ni Adan, ay ang pantaong saligan ng gawain ni Jehova sa lupa.
Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang simulan ang gawain Niya sa buong mundo, na ang Israel ang nasa sentro at unti-unting lumaganap sa mga bayan ng Hentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa loob ng buong sansinukob—upang magtatag ng huwaran at pagkatapos ay palawakin ito hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay makakatanggap ng ebanghelyo Niya. Ang unang mga Israelita ay ang mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at nakaunawa nang sapat upang asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang mga layunin Niya para sa tao, lalo na kung paano sila dapat matakot sa Lumikha. Patungkol naman sa kung mayroong mga regulasyon at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may isang tungkuling dapat gampanan ang mga nilikha para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magpawis at magsikap ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na tanging nagkaroon lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi nalalaman kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano mapalugod ang Lumikha. Lubhang napakaliit ang naunawaan nila. Kaya bagama’t walang anumang baliko o panlilinlang sa mga puso nila at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, gayunman ay wala silang pagkakilala o pagkaunawa kay Jehova, ang Lumikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at tamasahin ang mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano matakot kay Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilikha Niya? Kung magkagayon, hindi ba ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Lumikha” at “Nilikha Niya ang tao upang maipamalas Siya ng tao, luwalhatiin Siya, at katawanin Siya” ay nasabi nang walang katuturan? Paanong ang mga taong walang takot kay Jehova ay maaaring maging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila maaaring maging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba’t ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao sa wangis Ko” ay magiging sandata sa mga kamay ni Satanas, ang masama? Hindi ba’t ang mga salitang ito kung gayon ay magiging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa tao? Upang tapusin ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, si Jehova ay hindi sila tinagubilinan o ginabayan mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig, saka lang Niya sinimulang pormal na gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng patnubay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, na nagpakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon siya ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi maaari rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Kaya rin nakita nila na maaaring gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay tanging upang mabatid ng mga nilikha Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayon pa man nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay matatakot kay Jehova at dadakilain Siya. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, ngunit sa halip, sa paglikha sa sangkatauhan, ay hinayaan silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, sa usaping iyon, dahil sa pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na ang ibig sabihin ay hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng lahat ng bagay. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay siya sa daigdig, at basta pinagpag ang alikabok mula sa mga kamay Niya at umalis, sa halip na manatili sa gitna ng sangkatauhan para bigyan sila ng patnubay sa loob ng ilang panahon, kung gayon, ang lahat ng sangkatauhan ay bumalik sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at ang lahat ng bagay na ginawa Niya, at ang buong sangkatauhan, ay bumalik sana sa kawalan at bukod dito ay nayurakan sana ni Satanas. Sa ganitong paraan ang nais ni Jehova na “Sa lupa, iyon ay, sa gitna ng Kanyang nilikha, marapat Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira sana. At kaya, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, nagawa Niyang manatili kasama sila upang gabayan sila sa kanilang buhay, at kausapin sila sa gitna nila—ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan ang pagnanais Niya, at makamtan ang plano Niya. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na ginawa Niya bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at samakatwid ang paggawa Niya muna sa gitna ng mga Israelita at ang paglikha Niya ng lahat ng mga bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa ginawa para sa kapakanan ng pamamahala Niya, gawain Niya, at luwalhati Niya, at ginawa upang laliman ang kahulugan ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Ginabayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa nang dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, kung kailan ay tinuruan Niya ang sangkatauhan na malaman kung paano matakot kay Jehova, ang Panginoon ng lahat ng bagay, kung paano mamuhay, at kung paano magpatuloy sa pamumuhay, at higit sa lahat, kung paano magpatotoo para kay Jehova, magbigay sa Kanya ng pagpapasakop, at matakot sa Kanya, maging ang purihin Siya sa pamamagitan ng musikang katulad ng ginawa ni David at ng mga pari niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “dapat sundin.”
Sa pasimula, ang paggabay sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan ay kagaya ng paggabay sa pamumuhay ng isang bata. Ang pinakaunang sangkatauhan ay bagong silang kay Jehova; sila ang mga Israelita. Hindi nila nauunawaan kung paano matakot sa Diyos o mabuhay sa lupa. Na ang ibig sabihin, nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay, nilikha Niya si Adan at si Eba, ngunit hindi Niya sila binigyan ng pakultad na maunawaan kung paano matakot kay Jehova o kung paano sundin ang mga batas ni Jehova sa lupa. Kung wala ang tuwirang paggabay ni Jehova, walang sinuman ang makaaalam nito nang tuwiran, sapagkat sa pasimula hindi tinaglay ng tao ang gayong pakultad. Alam lamang ng tao na si Jehova ay Diyos, pero ganap na walang ideya ang tao kung paano matakot sa Kanya, kung anong uri ng pag-asal ang matatawag na pagkatakot sa Kanya, kung sa anong uri ng pag-iisip Siya katatakutan, o kung ano ang ihahandog bilang pagkatakot sa Kanya. Alam lamang ng tao kung paano tamasahin iyong maaaring tamasahin sa lahat ng bagay na nilikha ni Jehova, ngunit wala ni anumang kamalayan ang tao kung anong uri ng pamumuhay sa lupa ang karapat-dapat sa isang nilikha ng Diyos. Kung walang magtuturo sa kanila, kung walang gagabay sa kanila nang personal, ang sangkatauhang ito ay hindi sana kailanman namuhay ng isang buhay na naaangkop sa pagkatao, kundi mabibihag lamang nang palihim ni Satanas. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, at matagal pa bago matapos. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, nang hindi ipinagkakaloob sa tao ang sapat na determinasyon na katakutan Siya. Sa pasimula, hindi taglay ng tao ang pusong may takot o kilabot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay kung paano makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. Kung kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga kautusan ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at katakutan Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga atas at mga kautusan, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Saka lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming mga utos kay Moises upang ipasa sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahingian sa kanila. Kung nangilin man sila sa Araw ng Kapahingahan, kung iginalang man nila ang kanilang mga magulang, kung sinamba man nila ang mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginagamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang kamatayan, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito ng pagsunod nila o hindi pagsunod sa mga utos na ito. Binato hanggang kamatayan iyong mga hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan. Ang mga paring hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang kamatayan ang mga hindi nagpakita ng paggalang sa mga magulang nila. Sinang-ayunan ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga kautusan at mga batas Niya upang, habang pinangungunahan Niya sila sa mga buhay nila, ang mga tao ay makikinig at magpapasakop sa salita Niya at hindi maghihimagsik sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng kontrol ang bagong silang na sangkatauhan, upang mas mainam na mailatag ang sandigan para sa panghinaharap Niyang gawain. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagaman gumawa ng maraming pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano umasal, kung paano mamuhay, at kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa malaking bahagi, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sundin ang mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi umabot ang saklaw nito sa pagbabago ng kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Interesado lamang Siya sa paggamit ng mga kautusan para pigilan at kontrolin ang mga tao. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa kalangitan. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang kinakailangan lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga batas at mga kautusan Niya—maaari pa ngang sabihin ng isang tao na mga regulasyon—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para bigyan sila ng mas maraming bagay na dapat magkaroon ang tao at para tagubilinan sila mula sa sarili Niyang bibig sapagkat, pagkaraang malikha, wala ang tao ng anumang dapat na tinataglay niya. At kaya, ibinigay ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang tinataglay para sa mga buhay nila sa lupa, upang ang mga taong ito na Kanyang pinangunahan ay magawa na malampasan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ibinigay ni Jehova sa kanila ay higit sa ibinigay Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay upang gabayan lamang ang sangkatauhan at gawin ang sangkatauhan na kilalanin ang kanilang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang sila. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang tunay na kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagkontrol ng kamay ni Jehova. Mula rito ay isinilang ang mas marami pang gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan
Si Jesus ang kumakatawan sa lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; Siya ay nagkatawang-tao, at ipinako sa krus, at Kanya ring pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya. Siya ay ipinako sa krus upang matapos ang gawain ng pagtubos, wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan at simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, kaya Siya ay tinawag na “Kataas-taasang Pinuno,” ang “Handog para sa Kasalanan,” at ang “Manunubos.” Dahil dito, ang nilalaman ng gawain ni Jesus ay naiba sa gawain ni Jehova, kahit magkapareho ang mga iyon sa prinsipyo. Sinimulan ni Jehova ang Kapanahunan ng Kautusan, itinatag ang himpilan—ang pinagmulan—ng gawain ng Diyos sa lupa, at nagpalabas ng mga batas at kautusan. Ito ang dalawang bahagi ng gawain na Kanyang isinakatuparan, at kumakatawan ang mga ito sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawaing ginawa ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi upang magpalabas ng mga batas, kundi upang tuparin ang mga ito, sa gayong paraan ay pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan na tumagal nang dalawang libong taon. Siya ang nanguna, na pumarito upang simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, datapuwat ang pangunahing bahagi ng Kanyang gawain ay nasa pagtubos. Kaya nga ang Kanyang gawain ay may dalawa ring bahagi: pagsisimula ng isang bagong kapanahunan, at pagkompleto sa gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus, na sinundan ng Kanyang paglisan. At mula noon ay nagwakas ang Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula ang Kapanahunan ng Biyaya.
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang gampanin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga kasalanan, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensiya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at mapagmahal na kabaitan. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para kanilang matamasa: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at mapagmahal na kabaitan. Noon, ang saganang mga bagay na natatamasa na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pagsandal kay Jesus na Tagapagligtas—ang lahat ng ito ay bunga ng kapanahunan kung saan sila nabuhay. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensiya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay iyon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at mapagmahal na kabaitan ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya naman, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang masaganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensiya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensiya ni Jesus sila nagkaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga pagkakasala ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at mapagmahal na kabaitan, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagalit o nasuklam sa kanila, kundi Siya ay puno ng kaginhawahan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung beses na pitong ulit.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Nang pasimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, iniwanan na Niya ang mga “tanikala” ng Kapanahunan ng Kautusan, at nilansag ang mga regulasyon at mga prinsipyo ng kapanahunang iyon. Sa Kanya, walang bakas ng anumang may kaugnayan sa kautusan; iwinaksi na Niya ito nang tuluyan at hindi na ito sinunod, at hindi na Niya hiningi sa tao na sundin ito. Kaya nakikita mo rito na dumaan ang Panginoong Jesus sa mga taniman ng mais noong araw ng Sabbath, at hindi nagpahinga ang Panginoon; gumagawa Siya sa labas, at hindi nagpapahinga. Ang Kanyang pagkilos na ito ay salungat sa mga kuru-kuro ng mga tao at ipinagbigay-alam nito sa kanila na hindi na Siya nabubuhay sa ilalim ng kautusan, at na iniwan na Niya ang mga hangganan ng Sabbath at nagpakita sa harap ng sangkatauhan at sa kanilang kalagitnaan sa isang bagong wangis, na may isang bagong paraan ng paggawa. Ang Kanyang pagkilos na ito ang nagpabatid sa mga tao na dinala Niya ang isang bagong gawain, gawaing nagsimula sa paglabas mula sa pagiging nasa ilalim ng kautusan, at paglisan sa Sabbath. Nang isinakatuparan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, hindi na Siya nanangan sa nakaraan, at hindi na Niya inintindi ang mga regulasyon ng Kapanahunan ng Kautusan. Ni naapektuhan Siya ng Kanyang gawain sa nakaraang kapanahunan, bagkus ay gumawa Siya sa araw ng Sabbath gaya ng ginawa Niya sa bawat iba pang araw, at nang nagutom ang Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath, maaari silang pumitas ng mga uhay ng mais para kainin. Napakanormal ng lahat ng ito sa mga mata ng Diyos. Para sa Diyos, maaaring magkaroon ng bagong pasimula para sa marami sa bagong gawain na nais Niyang gawin at sa mga bagong salita na nais Niyang sabihin. Kapag nagsisimula Siya ng isang bagong bagay, hindi Niya binabanggit ang Kanyang nakaraang gawain ni ipinagpapatuloy na isakatuparan ito. Sapagkat may mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang gawain, kapag nais Niyang magsimula ng bagong gawain, ito ay kapag nais Niyang dalhin ang tao sa isang panibagong yugto ng Kanyang gawain, at kapag ang Kanyang gawain ay papasok sa isang mas mataas na yugto. Kung patuloy na kikilos ang mga tao alinsunod sa mga lumang kasabihan o mga regulasyon o patuloy nilang panghahawakan nang mahigpit ang mga ito, hindi Niya tatandaan o sasang-ayunan iyon. Ito ay dahil nagdala na Siya ng bagong gawain, at nakapasok na sa bagong yugto ng Kanyang gawain. Kapag nagpapasimula Siya ng bagong gawain, nagpapakita Siya sa sangkatauhan sa isang ganap na bagong wangis, mula sa isang ganap na bagong anggulo, at sa isang ganap na bagong pamamaraan upang makita ng mga tao ang iba’t ibang aspekto ng Kanyang disposisyon at mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Ito ang isa sa Kanyang mga layon sa Kanyang bagong gawain.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Kung wala ang pagtubos ni Jesus, nabuhay na sana ang sangkatauhan sa kasalanan magpakailanman at naging mga anak ng kasalanan, mga inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana na pinamamahayan ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at mapagmahal na kabaitan sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay magkaroon ng karapatang magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, natapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masamang isa, natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus at napangibabawan ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, pati na ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwat Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na nagpapasakop nang walang pasubali hanggang kamatayan, pagkatapos niyon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Niya nagawang magtamasa ng pahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng gabay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas dakila pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa kaibuturan ng puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang malaman ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng tao sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong mga satanikong tiwaling disposisyon ng tao? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, itinaas mo ang iyong kamay mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging isang kapalagayang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Nawa ay ang malaking pulang dragon ay tuluyan nang bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa ay gawin tayong ganap ng Diyos!” Sumigaw ka nang pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa ay nabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon. Tumigil ang iyong mga sigaw, at nawala ang iyong determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; ito ay isang bagay na mas malalim kaysa kasalanan, isang bagay na itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at pumupungos Siya nang pangmatagalan. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang tiyak na hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Binibigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, gayundin na matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nalalabag, at ni hindi magagawang palitan ng tao ng bagong pagkakilala ang dati nitong pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang malaman ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang sumpain ang paghihimagsik ng tao. Ang pagiging baliko at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at ang lahat ng paghihimagsik ng tao ay itinuturing na kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang pagsumpa sa paghihimagsik ng tao, ang paglalantad sa lahat ng pangit na mukha ng tao upang ipamalas ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang representasyon ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan, ang kabanalan ng Diyos ay ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ay ang konteksto ng mga salita ngayon—Ako ay nagsasalita at humahatol, at nagsasagawa ng gawain ng paglupig ayon sa mga ito. Ito lamang ang praktikal na gawain, at sa paraan lamang na ito lubos na mapapatingkad ang kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Sapagkat mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka palalampasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito naipapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at paghihimagsik ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o humatol sa iyo, ni hindi ka Niya kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil wala Siyang pagkamuhi sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya Kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at paghihimagsik mo kaya Kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, tulad ng mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nakikita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang pagiging matuwid kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo sa nakikita Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan kaya Niya ibinubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang karumihan at katiwalian ng sangkatauhan ay nagbubunyag ng Kanyang kabanalan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at busilak, ngunit namumuhay sa lupain ng karumihan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig
Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagamat ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at nagliligtas ng tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang lahat ng tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang supilin ang tao, o kumbinsihin ang tao; hindi nito maibubunyag ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay magiging imposible na maibunyag ang pagiging praktikal ng Diyos, at sa gayon ay imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at pastulin ang tao, pagkatapos nito ay ang pagtatamo ng ganap na pagpapasakop ng tao at pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pagpupungos, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. … Dati Ko nang nasabi na natatamo mula sa Silangan ang isang pangkat ng mga mananagumpay, mga mananagumpay na nagmumula sa malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay ang mga taong ito na natamo na ay tunay lamang na mapagpasakop sila matapos dumaan sa paghatol, pagkastigo, pagpupungos, at lahat ng uri ng pagpipino. Hindi malabo, bagkus ay tunay ang paniniwala ng mga ganoong tao. Hindi pa sila nakakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nakakapagsalita ng matatayog na salita at doktrina, o nakakapagsabi ng malalalim na kabatiran; sa halip, mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang praktikal at tunay na kaalaman sa Diyos. Hindi ba’t mas naibubunyag ng ganoong grupo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang masa, at gawing perpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang pagiging mapaghimagsik at di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao ang kanilang tunay na kulay kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang masa ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay nabubunyag at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa mga tao sinuman sila. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—iyon ay, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang makakapasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos. Samakatwid, nakatakas na sa impluwensiya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa kapahingahan at nakamit na sila ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa wakas ay makakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling araw ng pahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang maaaring mabukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, sa gayon ay natutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga mananatili at ‘di mananatili. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa kanilang araw ng pahinga, at mabubuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga masama, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, ititiwalag at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi pa naililigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang mga espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng masama ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naghimagsik laban sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabubuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas mabuting lugar. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ibinibigay ng Diyos ang Kautusan
Pangako ng Diyos sa mga Israelita
Pagparito ng Diyos sa Lupa at Pagiging Handog sa Kasalanan
Bakit Babalik ang Panginoon Upang Gawin ang Gawaing Paghatol sa mga Huling Araw?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Natagpuan Ko na sa Wakas ang Landas sa Pagpapadalisay
Kaugnay na mga Sermon
Tinubos ng Panginoong Jesus ang Sangkatauhan, Kaya Bakit Niya Gagawin ang Gawain ng Paghatol Pagbalik Niya sa mga Huling Araw?
Kaugnay na mga Himno
Naghahatid ng Bagong Gawain ang Diyos sa Bagong Kapanahunan
Dinala na ng Cristo ng mga Huling Araw ang Kapanahunan ng Kaharian
Inuuri ng Matuwid na Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw ang Sangkatauhan
Ang Layunin ng Gawain ng Paghatol ng Diyos