Tanong 6: Talikuran natin ang iba pa, ipangaral ang ebanghelyo ng Panginoon, at patnubayan ang iglesia. Ganitong pagsusumikap ang paraan para maisagawa ang kalooban ng Ama sa langit. May mali ba sa ginagawa nating ito?
Sagot: Hindi komo ipinapangaral n’yo ang ebanghelyo ng Panginoon at nagsisikap kayo para sa Kanya ay ginagawa n’yo na ang kalooban ng Ama sa langit. Para magawa talaga ang kalooban ng Ama sa langit, kailangang sundin ng tao ang daan ng Panginoon at ang Kanyang mga utos. Kailangan gawin ng tao ang kanyang tungkulin ayon sa hinihiling ng Panginoon. Tulad ng sabi ng Panginoong Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37–39). Pagdating sa kalooban ng Ama sa langit, ang pinakamahalagang kailangang gawin ay sundin at isabuhay ang mga salita ng Panginoong Jesus sa ngayon. Ito ang pinakapangunahing prinsipyo. Kung hindi nakatuon ang tao sa pagsunod sa mga salita ng Panginoong Jesus at sa halip ay nakatuon sa pagsunod sa mga salita ng tao sa Biblia, hindi nila ginagawa ang kalooban ang Ama sa langit. Ang paggawa ng kalooban ng Ama sa langit ay pagsunod sa mga salita ng Diyos. Laging pinupuri ng mga tao ang mga salita ng mga apostol sa Biblia sa halip na purihin at patotohanan ang mga salita ng Panginoong Jesus Mismo. Sa paggawa nito, hindi nila ginagawa ang kalooban ng Diyos. Sa halip, kinalaban nila Siya. Ang mga gumagawa sa kalooban ng Diyos ay nasusunod ang Diyos, naisasabuhay ang kanyang mga salita, natatanggap ang Kanyang utos, at nagpapatotoo sa Diyos, anuman ang Kanyang sabihin o gawin. At hindi na sila naghihimagsik o kumakalaban sa Diyos. Sila ang pinupuri ng Diyos. Tingnan n’yo si Abraham, halimbawa, nasunod niya ang mga salita ng Diyos. Kusang-loob niyang ibinalik ang kanyang kaisa-isang mahal na anak sa Diyos. Ginantimpalaan ng Diyos si Abraham sa kanyang ganap na pagsunod. Pinagpala Niya ang mga inapo ni Abraham, pinayagan sila kalaunan na maging mga dakilang bansa. Ang isa pang halimbawa ay si Job. Sinamba niya ang Diyos at lumayo siya sa kasamaan. Sa kanyang mga pagsubok, nang bawiin ang kanyang kayamanan at mga anak, isinumpa niya ang kanyang sarili sa halip na sisihin ang Diyos; patuloy niyang binasbasan ang banal na pangalan ng Diyos na si Jehova. Kung gayon, isa siyang perpektong tao sa mga mata ng Diyos. Isa pa ring halimbawa si Pedro. Buong buhay niyang sinunod ang Panginoong Jesus, na inaasam at hinahanap ang katotohanan. Matapos tanggapin ang utos ng Panginoon, ginabayan niya ang iglesia, na mahigpit na sinusunod ang mga ipinagagawa ng Panginoon. Kalaunan nasunod niya ang Diyos hanggang kamatayan at minahal Siya nang higit sa lahat. Lahat sila ay sumunod at sumamba sa Diyos. Ganitong mga tao ang tunay na gumagawa ng kalooban ng Ama sa langit. Pag sinabi mo na ang pagsusumikap para sa Panginoon ay pagsasagawa ng kalooban ng Ama sa langit, bakit, matapos maglakbay ang mga Fariseo sa mga lupain at karagatan para ipangaral ang ebanghelyo at magsumikap, hinatulan at isinumpa sila ng Panginoong Jesus? Dahil ’yan sa nanalig sila sa Diyos pero hindi nila sinundan ang Kanyang daan. Nang dumating ang Panginoong Jesus para gumawa ng bagong gawain, hindi lang ito tinanggihan ng mga Fariseo, pinamunuan pa nila ang lahat ng Judio na pikit-matang tuligsain at kalabanin ang Panginoong Jesus. Nagbahagi pa sila ng mga maling patotoo laban sa Kanya. Lahat ng ginawa nila ay pagkakanulo sa daan ng Panginoon; itinuring nilang kaaway ang Panginoong Jesus. Kahit sobra ang paghihirap at pagsusumikap ng mga taong ito, pa’no natin masasabi na ginagawa nila ang kalooban ng Ama sa langit?
mula sa iskrip ng pelikulang Masasakit na Alaala