7. Paano dapat unawain ng isang tao na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos. Ito rin nang pasimula’y sumasa Diyos” (Juan 1:1–2).
“At nagkatawang-tao ang Salita, at nanahan sa gitna natin … na puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14).
“Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).
“Ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay” (Juan 6:63).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng sinumang tao, hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng bawat tao. Ito ay sapagkat ang buhay ay maaari lamang magmula sa Diyos, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo ang nagtataglay ng diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay, at ang bukal na may patuloy na umaagos na buhay na tubig ng buhay. Magmula noong nilikha Niya ang mundo, marami nang nagawang gawain ang Diyos na nagtataglay ng kasiglahan ng buhay, marami na Siyang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad Siya ng napakaraming halaga na nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng buhay. Ito ay sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan muling mabubuhay ang tao. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at Siya ay namumuhay sa gitna ng mga tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pananatiling buhay ng tao, at isang mayamang mapagkukunan para sa pananatiling buhay ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Binibigyang-kakayahan Niya ang tao na muling isilang, at binibigyang-kakayahan Niya ang tao na mamuhay nang matatag sa bawat papel nito. Dahil sa pagsandig sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa sunud-sunod na mga salinlahi, habang ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay palaging nagbibigay ng suporta sa gitna ng mga tao, at nagbayad ang Diyos ng halagang hindi pa kailanman nabayaran ng isang ordinaryong tao. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; higit pa rito, lagpas ito sa alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, pambihira ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilalang o puwersa ng kaaway ang kapangyarihan ng Kanyang buhay. Umiiral at nagniningning ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos nang may makinang na liwanag anuman ang oras o lugar. Maaaring sumailalim sa malalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay ganoon pa rin magpakailanman. Maaaring lumipas ang lahat ng bagay, ngunit iiral pa rin ang buhay ng Diyos, sapagkat ang Diyos ang pinagmulan ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay at ang ugat ng kanilang pananatiling buhay. Ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, umiiral ang langit dahil sa Diyos, at dahil sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos kaya nananatili ang mundo. Walang anumang may kasiglahan ang makalalampas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang anumang may lakas ang makatatakas sa saklaw ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, maging sino man sila, dapat sumuko ang lahat ng tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat sa ilalim ng kontrol ng Diyos, at wala sa kanila ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay hindi kailanman magkakamit ng buhay. Kung wala ang patnubay, pagsuporta, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamit mo lamang ay mga salita, mga doktrina, at, higit pa rito, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at bukod sa mga imahinasyon at mga kuru-kuro, ang kabuuan ng katawan mo ay magiging walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring idambana bilang ang katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga kasalukuyang salita ng Diyos ang mga regulasyon ng nakalipas. Tanging ang mga salitang ipinahayag ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang siyang katotohanan, buhay, mga layunin ng Diyos, at Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng Diyos ng katotohanan, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. …
… Ang katunayang nakarating kayo sa kasalukuyan ay dahil sa katawang-taong ito. Dahil nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo may pagkakataong mabuhay. Nakamit ang lahat ng pagpapalang ito dahil sa karaniwang taong ito. Hindi lamang ito, ngunit sa huli, sasamba ang bawat bansa sa karaniwang taong ito, magbibigay din ng pasasalamat at magpapasakop sa hamak na taong ito, dahil ang katotohanan, buhay, at daan na dala Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan, nagpahupa sa hidwaan sa pagitan ng tao at Diyos, nagpaikli sa agwat sa pagitan nila, at nagbukas ng ugnayan sa pagitan ng mga saloobin ng Diyos at tao. Siya rin ang nakakuha ng higit pang kaluwalhatian para sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat sa tiwala at pagsamba mo ang karaniwang taong gaya nito? Hindi ba nararapat na tawaging Cristo ang ganitong karaniwang katawang-tao? Maaari bang ang ganitong karaniwang tao ay hindi maging pagpapahayag ng Diyos sa gitna ng mga tao? Hindi ba karapat-dapat ang ganitong tao, na nagligtas sa sangkatauhan mula sa sakuna, sa pagmamahal at pagnanais ninyong kumapit sa Kanya? Kung tinatanggihan ninyo ang mga katotohanang ipinahayag mula sa Kanyang bibig at kinamumuhian ang Kanyang pag-iral kasama ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa huli?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao
Subalit ang ordinaryong taong ito, na nakatago sa gitna ng mga tao, ang gumagawa ng bagong gawain upang iligtas tayo. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng anumang mga paliwanag, ni hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya naparito, kundi ginagawa lamang Niya ang gawaing layon Niyang gawin nang ayon sa Kanyang plano at proseso. Ang Kanyang mga salita at pagbigkas ay lalo pang nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, panghihikayat, pagpapaalala, at pagbabala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang mahigpit at maharlika—lahat ng ito ay nagpaparamdam sa tao ng labis na awa at pagkatakot. Lahat ng Kanyang sinasabi ay tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan; ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan, na halos hindi natin malaman kung saan tayo magtatago. …
Nang hindi natin namamalayan, inakay na tayo ng hindi kapansin-pansin na taong ito sa sunod-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Dumaranas tayo ng di-mabilang na pagsubok at ng napakaraming pagtutuwid, at sinusubok tayo ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang mapagmahal na kabaitan at awa, napagtatanto ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, nalalaman ang kalikasang diwa ng tao, at nakikita ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “ipanganak na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, at nagdudulot din sa atin ng matinding pagkakonsensiya at pakiramdam ng pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng walang-katapusang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga kordero sa Kanyang mga kamay, kakatayin kung gusto Niya; minsan ay pinaka-itinatangi Niya tayo, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang poot. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Niyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinapopootan Niya tayo, ibinabangon Niya tayo, inaaliw at hinihikayat Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, binibigyang-liwanag Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa pa nga tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pagpoprotekta at pag-aalaga sa atin, hindi kailanman umaalis sa ating tabi. Ibinubuhos Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya at ibinabayad ang buong halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas ng di-kapansin-pansin at ordinaryong katawang-tao na ito, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang hantungang naipagkaloob sa atin ng Diyos. …
Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, binibigyan tayo ng mga ito ng daang dapat nating tahakin, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging ganito at mga ganitong pag-aari, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o makakakausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay lumalabas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; Ipinapahayag Niya ang boses ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hindi kapansin-pansin na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Binigyan Niya tayo ng kakayahang muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglalaboy-laboy. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay nagkatotoo sa katawang-tao—lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, ay naparito na sa katawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay naparito na sa katawang-tao. Bagama’t, sa tingin, mukhang naiiba ito mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito nagagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, bukod pa rito, ang Salita ay nagkatawang-tao na at ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao. Nagagawa mong maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: “Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan na ang Salita sa ngayon ay ang Diyos, at masdan na ang Salita ay naging tao. Ito ang pinakamagandang patotoong maibibigay mo. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos na naging tao—hindi mo lamang nagagawang makilala Siya, kundi nababatid mo rin na ang landas na iyong tinatahak sa ngayon ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Salita ay sumasa Diyos”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula Siya ang Salita.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, lalo pa Niyang nililinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang Salita—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibigay, yaong kailangang malaman ng lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (4)
Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik laban, nagpapabulaan, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging saksi Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap sa biyaya ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod mula sa kanila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa