49. Ang mga Araw na Iyon ng Pakikipaglaban para sa Reputasyon at Pakinabang

Ni Zhao Fan, Tsina

Tinanggap ko ang responsibilidad para sa gawain ng pagdidilig sa iglesia noong Hunyo, 2020. Dahil naapektuhan ng kakulangan ng mga tagapagdilig ang aming gawain, talagang nabalisa ako. Naisip ko na kung hindi ko mapunan ang kakulangan, baka isipin ng mga lider na hindi ako gumawa ng praktikal na gawain. Habang nag-aalala ako tungkol doon, binigyan ako ng isang lider ng isang kandidato, na sinasabi na kayang gawin ni Sister Xiaodan, na kalilipat pa lang, ang pagdidilig. Tuwang-tuwa ako at talagang napanatag ang isip ko dahil doon. Agad akong nagtakda ng miting namin ni Xiaodan para isaayos na magdilig siya ng mga baguhan.

Para masanay ang sister at mabilis na mapahusay ang aming gawaing pagdidilig, nakahanap ako ng ilang tao para tulungan siyang maging pamilyar sa mga sitwasyon ng mga baguhan. Hindi nagtagal, nagpadala ng mensahe ang lider na kailangan ni Sister Zhou Nuo, na responsable sa paggawa ng video, si Xiaodan para tumulong sa paggawa ng mga video, at pumayag si Xiaodan. Natigilan ako nang makita ko ito: Inasikaso ko ang lahat, mula sa pagkontak sa kanya hanggang sa pagsasaayos ng kanyang mga tungkulin, at gusto ko siyang sanayin kaagad para mapahusay ang gawain namin, pero walang pakundangang sumabad si Zhou Nuo sa kalagitnaan. Naisip ko na kung umalis si Xiaodan kakailanganin kong humanap ng iba para tumulong, at kung wala akong makuhang tao na aangkop, hindi madidiligan ang mga baguhan. Ano ang iisipin ng mga lider sa akin kung mangyari ito? Mawawalan ba ng kabuluhan ang dati kong pagsasanay kay Xiaodan? Hindi maaari ito. Gusto kong humanap ng paraan para hindi siya mawala. Kaya tumugon ako kaagad sa lider, at sinabi ko na kailangang-kailangan namin ng mga tagapagdilig, at dapat naming suriin ang pagtatalaga ng mga tao batay sa mga pangangailangan ng gawain at mga kalakasan ng mga tao. Bukod pa riyan, binigyang-diin ko na nakagawa na ng pagdididilig si Xiaodan dati, kaya gusto kong kausapin ng lider si Zhou Nuo tungkol sa pagpapahintulot kay Xiaodan na ipagpatuloy ang gawain ng pagdidilig. Nakatanggap ako ng tugon makalipas ang dalawang araw na may pundasyon si Xiaodan sa paggawa ng video. Interesado rin siya roon, kaya sa kabuuan, mas bagay siya sa paggawa ng video. Nadismaya talaga ako at naisip ko na hindi sana naisip ni Xiaodan na gawin iyon kung hindi siya nahilingan ni Zhou Nuo. Pero tapos na iyon, kaya kailangan kong maghanap ng iba, at kaagad, kung hindi ay maaapektuhan ang gawain namin at tiyak na sasabihin ng lider na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain. Nirepaso ko ang iba pang mga miyembro ng iglesia at nakakita ako ng ilang sister na may mahusay na kakayahan na mabubuting nagsisiyasat, at babagay sa tungkulin. Sa kanila, si Sister Yang Mingyi ang mabait at madaling kausapin, at gusto siyang makahalubilo ng mga baguhan. Bagay siya sa posisyon. Masaya talaga ako, at sinimulan kong sanayin ang mga sister na iyon na nakatuon lalo na kay Mingyi. Naisip ko na kailangan ko talagang subaybayan ito at linangin siya sa lalong madaling panahon para makita ng lahat na may kakayahan ako.

Bagama’t may ilang sister pa akong natagpuan na nagsasagawa ng gawain ng pagdidilig, gusto ko pa ring bumalik si Xiaodan. Sa isang pagtitipon isang araw, nagtanong ang isa pang lider tungkol kay Xiaodan at lihim akong nasaktan at naisip ko sa sarili ko: “Kailangan kong sabihin sa kanya ang pagsasaayos na ginawa ni Zhou Nuo para gumawa ng mga video si Xiaodan para harapin niya si Zhou Nuo at tulungan akong bawiin si Xiaodan. Sa gayon ay may makakatulong na ako sa pagdidilig at mas mahusay kaming makakagawa.” Kaya sinabi ko sa lider na ito ang lahat tungkol sa pagpapagawa ni Zhou Nuo ng mga video kay Xiaodan at binigyang-diin ko na ako ang unang nagsanay sa kanya, pero inagaw siya ni Zhou Nuo sa akin. Hindi inaasahan, sinabi niya, “Ang iglesia ay iisang yunit at hindi maaaring hatiin. Saanman siya ipadala, para iyon sa ating gawain, at kailangan ng mas maraming tao sa paggawa ng video, kaya hindi tayo dapat magtalo-talo. Dahil naitalaga roon si Xiaodan, kailangan nating magpasakop.” Nadismaya akong makita na hindi panig sa akin ang lider.

Kalaunan, dalawa sa bagong-linang na mga sister ang natutong makapagdilig sa mga baguhan nang sarilinan sa huli, kaya masaya ako at pakiramdam ko hindi nasayang ang pagsisikap ko at na kapag nalaman ng mga lider ang tungkol sa gawain, magmumukha akong magaling sa paningin nila. Pero sa gulat ko, isang araw ay sinabi sa akin ng kapareha kong si Sister Li Xiangzhen, na gusto ni Zhou Nuo si Mingyi para sa paggawa ng video. Nainis ako, at sinabi ko: “Sinanay ko na si Mingyi, kaya bakit siya pinagagawa ni Zhou Nuo ng mga video? Una niyang kinuha si Xiaodan, at ngayo’y si Mingyi naman. Kinukuha niya ang lahat ng pinaghirapan ko na at walang iniiwan sa akin. Balewala ba ang lahat ng pagsisikap ko?” Gulung-gulo ang isip ko, at pagalit kong sinagot si Xiangzhen, “Hindi mo ba puwedeng sabihin kay Zhou Nuo na gumagawa na ng pagdidilig si Mingyi, at na dapat siyang maghanap ng iba?” Napahiya, sinabi ni Xiangzhen, “Talagang mahalaga pareho ang paggawa ng video at pagdidilig, at mas mahirap makahanap ng mga tao para sa gawaing gumawa ng video. Dapat ay talakayin pa natin kung paano dapat isaayos ang paparating na gawain.” Naisip ko sa sarili ko: “Talakayin pa ang ano? Kinukuha ni Zhou Nuo ang mga taong gusto ko. Ni hindi ko mapanatili ang mga sinasanay ko, kaya ano ang iisipin sa akin ng lahat? Hindi maaari ito. Ano’t anuman, sa pagkakataong ito kailangan kong kausapin ang pamunuan tungkol dito at pagpasyahin sila, kung hindi ay talagang nakakahiya ito.”

Susulatan ko sana sila pagkauwing-pagkauwi ko, pero hindi ko lang alam kung ano ang isusulat ko. Naisip ko, “Huwag na lang. Dapat akong magtakda ng oras para direktang makausap si Mingyi at hilingan siyang patuloy na gawin ang pagdidilig, para hindi siya mawala sa akin.” Nang susulat na ako kay Mingyi, nablangko nang husto ang isip ko at hindi ko alam ang sasabihin. Talagang hindi ako napakali at ginunita ko ang lahat ng nangyari. Bakit galit na galit ako nang malipat kay Zhou Nuo ang mga sinasanay ko at gusto ko pang magreklamo sa pamunuan? Bakit desidido akong bawiin si Mingyi? Kaya nagdasal ako sa Diyos at sinimulan kong pakalmahin ang sarili ko, at pagkatapos ay binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng naghahangad sa katotohanan ay nagkakaisa sa harap ng Diyos, hindi watak-watak. Pinagsisikapan nilang lahat ang iisang layunin: ang tuparin ang kanilang tungkulin, gawin ang gawaing itinatalaga sa kanila, kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gawin ang hinihingi ng Diyos, at mapalugod ang Kanyang kalooban. Kung ang iyong layunin ay hindi para dito, kundi para sa sarili mong kapakanan, para mapalugod ang mga makasarili mong ninanasa, iyan ay pagpapamalas ng isang tiwali at satanikong disposisyon. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga tungkulin ay ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga kilos ng mga hindi mananampalataya ay pinamamahalaan ng kanilang mga satanikong disposisyon. Ito ay dalawang landas na labis na magkaiba. Ang mga hindi mananampalataya ay sinusunod ang sarili nilang payo, ang bawat isa ay may sarili niyang mga layunin at plano, ang lahat ay nabubuhay para sa sarili nilang mga interes. Ito ang dahilan kung bakit nag-aagawan silang lahat para sa sarili nilang kapakanan at ayaw nilang isuko ang kahit kapiraso ng kanilang pakinabang. Nahahati sila, hindi nagkakaisa, dahil hindi iisa ang kanilang layunin. Magkatulad ang intensiyon at kalikasang nasa likod ng kanilang ginagawa. Lahat sila ay para sa kanilang sarili lamang ang ginagawa. Walang katotohanang naghahari sa ganyan; ang naghahari at namumuno sa ganyan ay isang tiwali at satanikong disposisyon. Kinokontrol sila ng kanilang tiwali at satanikong disposisyon at hindi nila matulungan ang sarili nila, kaya’t lumulubog sila nang lumulubog sa kasalanan. Sa sambahayan ng Diyos, kung ang mga prinsipyo, pamamaraan, motibasyon, at panimulang punto ng inyong mga kilos ay hindi naiiba sa mga hindi mananampalataya, kung kayo ay pinaglaruan, kinontrol, at minanipula rin ng isang tiwali at satanikong disposisyon, at kung ang panimulang punto ng inyong mga kilos ay ang sarili ninyong mga interes, reputasyon, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan, ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin ay hindi maiiba sa paraan kung paano ginagawa ng mga hindi mananampalataya ang mga bagay-bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos ay pinagnilayan ko kung paano ako kumikilos kamakailan. Hindi ba ako nakikipaglaban sa iba para sa sarili kong karangalan at katayuan? Nang malaman ko na darating si Xiaodan sa aming iglesia, ang una kong naisip ay na matapos siyang masanay, mapapaganda ang mga resulta ng trabaho ng grupo at sa gayo’y mapapatunayan ko ang aking mga kagalingan, makukuha ko ang pagsang-ayon ng mga lider. Kaya nagsikap ako nang husto sa pagsasanay sa kanya. Nang malaman ko na isinaayos na ni Zhou Nuo na malipat siya sa paggawa ng video, natakot akong maaapektuhan ang aming gawain kung hindi ako makahanap ng isa pang magaling na kandidato, sa gayo’y hindi magiging maganda ang tingin sa akin ng pamunuan at matatanggal ako sa posisyon. Nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Zhou Nuo at sinubukan kong hikayatin ang pamunuan na ibalik sa akin si Xiaodan. Pagkatapos ay nagalit ako nang mabalitaan ko na malilipat si Mingyi, at ginusto ko pa ngang magreklamo sa pamunuan at bawiin siya, lahat para mapanatili ang reputasyon ko at katayuan. Kumikilos ako na parang isang hindi mananampalataya, nakikipaglaban para sa aking reputasyon at katayuan, namumuhay nang masama na katulad ni Satanas. Ang sambahayan ng Diyos ay naglilinang ng mga tao para magamit ng mga kapatid ang kanilang mga kalakasan at magawa ang kanilang bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Pero tinrato ko ang paglilinang ng mga tao para ipakita ang aking reputasyon at katayuan, na nakikipagpaligsahan sa iba para protektahan ang sarili kong karangalan at katayuan. Hindi iyon normal na pagkatao! Kinailangan kong tanungin ang sarili ko kung bakit lagi akong nakikipaglaban sa ibang tao para sa aking karangalan at katayuan. Sa aking paghahanap, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag nakikipagkumpitensya ang mga anticristo para sa mga posisyon sa pamumuno sa iglesia at sa katanyagan sa gitna ng mga taong hinirang ng Diyos, gumagamit sila ng lahat ng paraang kaya nila para atakihin ang iba at itaas ang kanilang sarili. Hindi nila iniisip kung gaano nila maaaring masira nang husto ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang iniisip lamang nila ay kung mapapalugod ba ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa, at kung magiging tiyak ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon. Ang kanilang papel sa mga iglesia at sa gitna ng mga taong hinirang ng Diyos ay bilang mga demonyo, bilang masasama, bilang mga kampon ni Satanas. Hinding-hindi sila mga taong tunay na naniniwala sa Diyos, ni hindi sila mga tagasunod ng Diyos, lalong hindi sila mga taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan. Kapag hindi pa nakakamtan ang kanilang mga layunin at mithiin, hinding-hindi nila pinagninilayan ang kanilang sarili, hinding-hindi nila pinagninilayan kung ang kanilang mga motibo at layon ay nakaayon sa katotohanan, hinding-hindi nila sinasaliksik kung paano tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan para makamit ang kaligtasan. Hindi sila nananalig sa Diyos at pumipili ng landas na dapat nilang tahakin nang may masunuring kalagayan ng isipan; sa halip, nag-iisip sila nang husto: Paano ba makukuha ang posisyon ng lider o manggagawa? Paano ba makikipagkumpitensya sa mga lider at manggagawa ng iglesia? Paano ba lilinlangin at kokontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos, at gagawing tau-tauhan lamang si Cristo? Paano ba makakakuha ng lugar para sa kanilang sarili sa iglesia? Paano ba nila matitiyak na matatag ang posisyon nila sa iglesia, paano magkakamit ng katayuan, paano nila hindi tutulutang mabigo ang kanilang sarili sa pakikipaglaban nila para magkamit ng katayuan, at paano makakamit sa huli ang kanilang layon na kontrolin ang mga hinirang ng Diyos at magtatag ng sarili nilang kaharian? Ito ang mga bagay na pinoproblema ng mga anticristo, araw at gabi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tuparin ang kalooban ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapapalugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang sarili nilang reputasyon at mapagtatanto sa maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng praktikal na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkaroon ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba makasarili at napakasama nito? Sa anumang sitwasyon, itinuturing ng mga anticristo na pinakamahalaga ang kanilang katayuan at reputasyon. Walang sinumang maaaring makipagkumpitensya sa kanila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng salita ng Diyos na ang mga anticristo ay lubhang makasarili, inuuna ang sarili nilang mga interes nang higit sa lahat. Kung may sinumang nakakaapekto sa kanilang reputasyon at katayuan, mag-iisip sila nang husto para awayin sila, nang hindi iniisip kung ano ang magiging kapaki-pakinabang sa iglesia at sa mga kapatid. Pinagnilayan ko ang sarili ko at napagtanto ko na kumikilos ako na tulad ng isang anticristo. Gusto kong isaayos sina Xiaodan at Mingyi na magdilig ng mga baguhan, ginagamit sila para mapahusay ang paggawa ko ng gawain at matamo ang pagsang-ayon ng mga lider. Nang ilipat sila ni Zhou Nuo, nag-alala ako na baka maapektuhan ang mga resulta ng aking gawain, at sa gayo’y manganib ang aking reputasyon at katayuan, kaya nga ginusto kong makipagpaligsahan sa kanya upang mabawi ang dalawang sister, nang hindi iniisip na baka makapinsala ang pag-uugali ko sa mga interes ng iglesia. Inisip ko lang ang sarili kong reputasyon at katayuan. Masyadong makasarili iyon, lubos na hindi makatao at hindi makatwiran. Walang pribadong nagmamay-ari sa mga kapatid. Ang kanilang kakayahan at mga kalakasan ay pawang itinakda ng Diyos, at ibinigay sa kanila para sa Kanyang sariling gawain. Walang, “Akin ito, iyo iyon” o “Kung sino ang nauna, siyang unang pagsisilbihan.” Dapat pumunta ang mga tao kung saan sila kailangan sa iglesia. Malinaw na tama iyan. Makatwiran at wasto na sinusunod ni Zhou Nuo ang mga prinsipyo at sinasanay ang mga tao para sa iglesia batay sa kanilang mga kalakasan. Pero naisip ko na dahil nagpasya na akong sanayin muna ang dalawang sister na iyon, hindi sila dapat galawin ng sinuman. Nagkunwari pa akong nagsasanay ng mga tao para sa iglesia, na ginagamit ang mga kapatid na parang mga personal na katulong ko, ginagamit sila para matupad ang sarili kong mga ambisyon at hangarin na hangaan ako ng mga tao. Nang maapektuhan ng mga kilos ni Zhou Nuo ang reputasyon ko at katayuan, sinubukan kong gumamit ng mga taktika para hadlangan siya, at nagbuga ako ng sama ng loob. Hindi ba katulad lang iyon ng mga lider ng simbahan na nagsasabing “Ito ay aking mga tupa, at walang sinumang makakaagaw sa mga ito”? Ginagawa ng mga pastor at elder ang lahat ng magagawa nila para labanan at kondenahin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw upang protektahan ang kanilang katayuan at mapanatili ang kanilang pamumuhay, na pinipigilan ang mga mananampalataya na imbestigahan ang tunay na daan, pinanananatiling kontrolado nila nang mahigpit ang mga miyembro ng kongregasyon. Gusto kong panatilihing kontrolado ko ang mga nasanay ko para sang-ayunan ako ng mga lider at igalang ako ng mga miyembro ng iglesia, na tinatrato sila na parang sarili kong personal na pag-aari, at hindi ko sila hinahayaang malipat. Ano ang ipinagkaiba ko sa mga lider na iyon ng simbahan? Hindi ba nasa landas ako ng anticristo laban sa Diyos? Pinagpawisan ako nang malamig nang mapagtanto ko ito. Nakita ko kung gaano ako kasakim at kasuklam-suklam, na hindi ko man lang itinataguyod ang mga interes ng iglesia, kundi ang sariling katayuan ko lang. Nabulag ako ng aking pagnanasa sa reputasyon at katayuan—napakadelikado. Naisip ko ang mga anticristo na itiniwalag dahil hinangad nila ang reputasyon at katayuan nang walang pagsisisi at gumawa ng napakaraming kasamaan sa huli. Kung nanatili ako sa landas na iyon, alam ko na gayon din ang mangyayari sa akin sa huli.

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag palagi kang may pagnanasa at hangaring makipagkumpitensya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang bagay ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, alisin ang hangarin mong makipagkumpitensya para sa katayuan bago pa ito lumaki at lumala, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong hangaring makipagkumpitensya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at pupurihin ng Diyos ang iyong mga ginawa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ang salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Noong nakikipaglaban ako para sa personal kong mga interes, kinailangan kong magdasal kaagad sa Diyos at talikdan ang sarili ko, na bitiwan ang sarili kong mga hangarin, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at sundin ang mga ito. Sa katunayan, saanman itinalaga sina Xiaodan at Mingyi, iyon ay para linangin ang mga tao para sa iglesia, at ang pinakalayunin ay palabasin ang mga kalakasan ng bawat isa sa kanila upang magampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang maayos hangga’t maaari at magpatotoo sila sa Diyos. Dapat akong maging masaya, hindi makipagtalo para sa sarili kong reputasyon at katayuan. At ang paglilinang sa iglesia ay may prinsipyo. Ginagawa ito batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, at ayon sa indibiduwal na mga kalakasan ng mga tao. Ang kaangkupan ng mga tao para sa anumang tungkulin ay dapat timbangin batay sa kanilang mga kalakasan. Kung maraming talento ang isang tao, dapat siyang ilagay sa mga tungkulin alinsunod sa kung saan siya higit na kailangan, aling tungkulin ang nangangailangan ng mas maraming tao, aling trabaho ang kailangan ng apurahang pagtutulungan, at aling tungkulin din ang handa siyang tuparin. Iilan lang ang taong may mga kalakasan sa paggawa ng video. Pero para sa pagdidilig, ang mga taong may dalisay na pagkaunawa na nauunawaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, na mapagmahal at matiyaga, ay magagawa iyon nang maayos. Mas marami kaming kandidato para sa gawain ng pagdidilig kaysa sa paggawa ng video. Si Xiaodan ay nagkaroon na ng karanasan sa pag-eedit ng larawan, kaya mayroon siyang ilang kasanayan sa paggawa ng video. Nagustuhan din niya ang paggawa ng mga video, kaya makatwirang ilagay siya sa tungkuling iyon. Kahit na nawala sa akin sina Xiaodan at Mingyi, makakahanap pa rin ako ng ibang mga kapatid na lilinangin sa loob ng iglesia. Kailangan lang ng kaunti pang oras at pagsisikap. Nagdasal ako sa Diyos matapos kong maunawaan ang lahat ng iyon. Handa akong itama ang aking mga motibo, sundin ang mga prinsipyo sa aking tungkulin, at itigil ang pakikibaka ko kay Zhou Nuo para sa sarili kong karangalan at katayuan.

Nagpadala ng mensahe si Zhou Nuo pagkaraan ng dalawang araw na nagsasabing naglipat ng dalawang tao ang isa pang iglesia para sa kanya, kaya puwede na niyang hayaang makabalik sina Xiaodan at Mingyi. Sinabi niya na maaari silang muling italaga sa iba pang mga tungkulin ayon sa kanilang mga kalakasan. Nang marinig ko ang balitang ito, lubos akong napahiya. Pagkatapos niyon, isinaayos kong makabalik ang dalawang sister na iyon sa pagdidilig ng mga baguhan. Hindi nagtagal, nabalitaan ko na isasaayos ng lider ng iglesia si Mingyi para gumuhit ng mga larawan. Naisip ko sa sarili ko, “Napakahusay ni Mingyi sa pagdidilig, kaya bakit siya ipadadala sa tungkuling iyon? Kung ililipat siya, hindi ba masasayang ang pagsisikap ko sa pagsasanay sa kanya? Kailangan ko siyang makausap at hilingan na manatili sa pagdidilig.” Nang lumabas ang mga kaisipang ito, napagtanto ko na nakikipaglaban akong muli para sa reputasyon at katayuan, kaya agad akong nagdasal sa harap ng Diyos, na hinihiling sa Kanya na gabayan ako upang matalikdan ko ang sarili ko at unahin ko ang mga interes ng iglesia. Saanman ipinadala si Mingyi, tiyak na para iyon sa kinakailangan ng iglesia. Hindi ako maaaring magtrabaho para sa reputasyon at katayuan, kundi dapat akong magpasakop. Mas napanatag ang loob ko nang pag-isipan ko iyon sa gayong paraan. Nakita ko ang lider na iyon kalaunan at sinabi niya na mahusay si Mingyi sa pagguhit ng mga larawan, kaya batay sa mga prinsipyo, mas nababagay ito sa tungkuling iyon. Hindi ako nagalit o nadismaya nang marinig ko iyon, kundi napangiti ako at sinabi ko, “Salamat sa Diyos! Dati-rati, alam ko na makikipaglaban ako para sa reputasyon ko at katayuan, pero sa pamamagitan ng inihayag sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko kung gaano ako naging makasarili, paano iyon kinasusuklaman ng Diyos, at alam ko na anumang pagsasaayos ang gawin ng iglesia, ginawa iyon batay sa mga prinsipyo. Mahusay si Mingyi sa pagguhit ng mga larawan, kaya ang paglalagay sa kanya sa tungkuling iyon ay ayon sa mga prinsipyo, at ayos lang iyon sa akin.” Napangiti ang lider matapos akong marinig na sabihin iyon.

Ang karanasang ito ay talagang nagpakita sa akin na ang pagsasaalang-alang sa mga interes ng iglesia at ng mga kapatid sa halip na makipaglaban para sa reputasyon ko at katayuan ay nagpapadama sa akin ng kapanatagan, at kapayapaan sa puso ko. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 48. Labinsiyam na Taon ng Dugo at Luha

Sumunod: 50. Isang Mapait na Leksyon Mula sa Pagsunod sa Tao sa Halip na sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito