50. Isang Mapait na Leksyon Mula sa Pagsunod sa Tao sa Halip na sa Diyos

Ni Theresa, Germany

Noong una akong maging lider ng iglesia, talagang masaya akong makita na si Callie ang mangangasiwa sa gawain ko. Narinig ko na ang kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon noon at nadama kong mayroon talaga siyang mahusay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, na malinaw ang pagbabahagi niya at mahusay siyang magsalita tungkol sa kaalaman sa sarili. Sinabi rin ng iba pang mga kapatid na may mahusay siyang kakayahan at na hinangad niya ang katotohanan. Isa pa, naging lider siya sa buong panahong nakilala ko siya, kaya talagang hinangaan ko siya; pakiramdam ko ay hinangad niya ang katotohanan at taglay ang katotohanang realidad, na sa lahat ng kanyang ginagawa, malamang na sinisikap niyang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Kaya basta’t si Callie ang nagsasaayos ng gampanin para sa akin, inaasikaso ko kaagad iyon. Pero kalaunan, matapos makipagtulungan sa kanya nang ilang panahon, nalaman ko na hindi siya nakagawa ng praktikal na gawain, at karaniwang hindi nagbabahagi sa amin ng katotohanan o nagtatanong sa amin tungkol sa aming mga kalagayan o anumang mga paghihirap sa aming gawain. Kapag may nagbabanggit ng mga isyu sa kanya, mapanghamak lang niyang sinasabi na walang kakayahan si kuwan o may mayabang na disposisyon at hindi sumusunod si kuwan. Kung hindi niya nilulutas ang isyu sa pamamagitan ng pagsaway sa kanila, binabago na lang niya ang kanilang tungkulin. Nadama tuloy ng marami sa mga kapatid na napipigilan sila dahil sa kanya. Naramdaman ko na mukhang may ilang problema siya, pero inisip ko na lang na baka na-stress siya sa sobrang pagiging abala sa kanyang tungkulin, at hindi ko na iyon pinag-isipan pa. Dahil tiningala at hinangaan ko siya, at hindi ko hinanap ang katotohanan sa aking mga kilos, bago ko pa namalayan ay gumagawa na ako ng kasamaan kasama niya.

Minsan ay bigla na lang nakipagkita sa akin si Callie at sinabing may napakahalagang bagay akong kailangang asikasuhin kaagad—na sinabi na ng ilang kapatid sa nakatataas na lider na may isang sister sa iglesia namin na nagbabahagi ng ebanghelyo nang walang prinsipyo. Sabi sa akin ni Callie, “Humayo ka muna at harapin mo siya, at suriin ang kanyang likas na pag-uugali, at pagkatapos ay baguhin mo ang kanyang tungkulin.” Iniisip ko na natututo pa lang ang sister na iyon kung paano ibahagi ang ebanghelyo, kaya ang dahilan kaya lumitaw ang problemang ito ay dahil may ilang prinsipyo na hindi pa niya nauunawaan. Hindi tama na bigla na lang siyang tanggalin—hindi ba dapat muna natin siyang bahaginan at tulungan? Pero dahil alam ko kung gaano katagal nang naging lider si Callie, naisip ko na siguradong mas tumpak ang pananaw niya sa mga bagay-bagay, kaya tinanggal ko ang sister na iyon, gaya ng sabi ni Callie. May isa pang pagkakataon na kinailangan ng isang grupo ng pagtitipon na pumili ng lider ng grupo, at sinabi sa akin ni Callie na hindi puwedeng maging kandidato si Joan dahil medyo may panganib sa seguridad nito. Ayaw tanggapin ni Joan ang pagsasaayos na ito at ipinahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan sa isang pagtitipon kalaunan. Nang malaman iyon ni Callie, hindi man lang siya nagbahagi kay Joan tungkol sa katotohanan, sinabi lang niya na wala itong mabuting disposisyon at pinakiusapan akong kolektahin agad ang mga pagsusuri dito ng mga kapatid. Kalaunan, sinabi ni Callie na hindi ito palalagpasin ni Joan at hinahanapan nito ng mali ang mga lider at manggagawa, at hindi nagnilay-nilay sa sarili o nagkaroon ng kamalayan sa sarili. Kaya batay sa kanyang pag-uugali, dapat siyang pagbawalang dumalo sa mga pagtitipon at gumugol ng oras sa pagninilay-nilay sa bahay. Noong panahong iyon, naramdaman ko rin na medyo mayabang si Joan, pero hindi ko sinuri kung ganoon ba talaga ang ugali niya sa lahat ng oras, lalong hindi ko siya binahaginan at tinulungan. Nakiayon lang ako sa sinabi ni Callie at pinagbawalan ko siyang dumalo sa mga pagtitipon. May isa pang pagkakataon kalaunan nang biglang tawagan ako at ang ilang iba pang lider ng iglesia ni Callie at ng mga kapareha niya para basahan kami ng isang pagsusuri kay Adalyn, na siyang nangangasiwa sa pangkalahatang gawain. Sinabi niya na si Adalyn ay isang anticristo at hiniling sa amin na ibahagi ang aming opinyon, kung sumasang-ayon ba kami na itiwalag siya. Medyo nabigla ako nang marinig iyon. Nagkaroon kami ng ilang pakikipag-ugnayan ni Adalyn, at mukhang umaako talaga siya ng pasanin sa kanyang tungkulin—paano siya naging isang anticristo? Sinabi ni Callie at ng mga kapartner niya na napakayabang ni Adalyn at lahat ng ginagawa nito ay para magtamo ng kapangyarihan. Hindi nito isinapuso ang sarili nitong gawain, kundi laging nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa mga kapatid mula sa ibang mga iglesia para lutasin ang kanilang mga isyu. Sinabi ni Callie na sinusubukan lang nitong kumbinsihin ang mga tao, at na ginagawa nito iyon para linlangin ang mga tao at magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao, at iba pa. Nang marinig ko mula sa mga pagsusuri na madalas makipagbahaginan si Adalyn para malutas ang mga problema, naisip ko sa sarili ko, “Mukhang normal naman iyon para sa akin. Paano siya naging anticristo dahil doon?” Subalit, naisip ko na ilang beses ko lang nakasama si Adalyn, samantalang madalas siyang nakakaugnayan ni Callie at ng kanyang mga katrabaho sa kanilang mga tungkulin. Malamang na mas mahusay silang umunawa kaysa sa akin, at dahil nauunawaan ni Callie ang katotohanan, at mas tumpak ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay, bukod pa sa natalakay at natukoy na niya ito sa ilang katrabaho, tiyak na tama ito. Kaya, kahit hindi ako gumawa ng anumang paghahanap, nagpahayag ako ng suporta sa pagtitiwalag kay Adalyn.

Tapos isang araw bigla kong nabalitaan na natanggal si Callie at ang ilang iba pang katrabaho. Talagang nagulat ako rito at hindi ko alam kung bakit nangyari ito. Hindi nagtagal, dumating ang isang nakatataas na lider para kausapin ako, na sinasabi na isinumbong din ako ng ilang kapatid. Sinabi rin niya na ang pagbabawal kay Joan na dumalo sa mga pagtitipon ay hindi naaayon sa mga prinsipyo, na ito ay pang-aapi kay Joan. Hiniling sa akin ng lider na ibalik siya sa iglesia at ibahagi sa iba ang nangyari. Nagulat ako na malamang mali kong napangasiwaan ang mga bagay-bagay tungkol kay Joan, dahil iyon ang pinagkasunduan na ni Callie at ng iba pa. Paano iyon naging mali? Kung gayon, hindi ba’t paggambala at panggugulo iyon sa gawain ng iglesia? Hindi ko akalain na magiging abala ako sa aking tungkulin araw-araw, pero sa huli ay magdudulot ng paggambala. Natakot ako, nabalisa, at talagang hindi ako naging komportable. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Hindi ko talaga ito inasahan at hindi ko alam kung ano ang Iyong kalooban dito. Gabayan Mo sana akong matutunan ang anumang aral na maaari kong matutunan.” Wala talaga akong anumang kamalayan sa sarili ko noong panahong iyon, pero, pagkatapos ng lahat, tinrato ko nang walang prinsipyo si Joan. Hindi iyon makatarungan at napakasakit niyon para sa kanya. Kaya kinabukasan, humingi ako ng tawad kay Joan at ibinalik ko siya sa iglesia. Inamin ko rin ang pagkakamali ko sa iba pang mga kapatid. Sabi sa akin ng isang brother, na labis na nadismaya, “Isa kang lider ng iglesia, pero hindi ka lang nabigong protektahan ang mga kapatid, nakiayon ka pa kay Callie sa paggawa ng masama. Nakakasira ang tinatahak mong landas at kakaladkarin mo kaming lahat pababa sa impiyerno kasama mo. Hindi na kita pwedeng pagkatiwalaan.” Tumagos sa puso ko ang sinabi niya at talagang nakakabagabag iyon, pero alam ko na nagmula sa Diyos ang sitwasyong iyon, kaya dapat akong magpasakop doon.

Kaya nga, kinalma ko ang sarili ko at nagnilay-nilay ako: Bakit ko sinunod si Callie sa paggawa ng masama—nasaan ba talaga ang problema? Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na medyo nagmulat sa mga mata ko. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Tinulungan akong makita ng inihayag ng mga salita ng Diyos na bagamat isa akong mananampalataya, walang puwang ang Diyos sa puso ko. Ang sinamba ko ay katayuan at kapangyarihan, isang matayog na imahe at isang taong magaling magsalita. Noong una kong makita na matalino at magaling magsalita si Callie, na mahusay siyang nakakapagbahagi at matagal nang naging lider, nagkamali ako ng paniniwala na naunawaan niya ang katotohanan at taglay niya ang katotohanang realidad, kaya anuman ang ginawa niya ay tiyak naaayon lang sa mga prinsipyo. Iyon ang dahilan kung bakit, nang isaayos niyang gawin ko ang isang bagay, humayo lang ako at ginawa ko ang sinabi niya nang hindi nagdadalawang-isip, o hinahanap man lang ang mga katotohanang prinsipyo. Lalong hindi ko kailanman naisip na kilatisin siya. Sa panlabas, binabasa ko ang mga salita ng Diyos araw-araw at ginagawa ang aking tungkulin mula umaga hanggang gabi, pero ang mga prinsipyong ginamit ko sa aking tungkulin at ang pamantayan ko sa pagsusuri sa mga bagay-bagay ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos. Sa halip, nakinig ako kay Callie sa lahat ng bagay at ginawa ko ang anumang sinabi niya. Katulad noong pangasiwaan ko ang usapin ng sister na iyon na nagbabahagi ng ebanghelyo: May pakiramdam ako noon na hindi tamang deretsahan siyang tanggalin, pero dahil iyon ang pagsasaayos ni Callie, kinalimutan ko ang sarili ko at pikit-mata ko siyang sinunod. At hindi ko rin hinanap ang mga katotohanang prinsipyo sa usapin tungkol kay Joan, kundi ginawa ko lang ang gusto ni Callie, ipinagbawal siya sa mga pagtitipon. Pagkatapos ay naroon ang usapin ng pagboto sa pagtitiwalag kay Adalyn. Nang marinig kong sinabi ni Callie na isang anticristo si Adalyn, kahit walang katuturan iyon para sa akin at tila may problema, naisip ko na may pagkakilala si Callie at may mas mahusay na kabatiran sa mga tao at bagay-bagay kaysa sa akin. Isang bagay rin iyon na sama-sama nilang napagpasyahan ng iba pang mga katrabaho sa pamamagitan ng pagbabahaginan, kaya hindi ko naisip na maaaring mali sila. Gumawa ako ng masama kasama ni Callie kahit sa isang napakalaking bagay na tulad ng pagtitiwalag sa isang tao; pumayag akong patalsikin si Adalyn sa iglesia, na halos sumira sa pagkakataon niyang maligtas. Huli na nang malaman ko na may diwa ng pagiging matuwid si Adalyn, at nailantad at naisumbong niya ang masasamang gawa ni Callie at ng grupo nito. Hindi lang ayaw nilang tanggapin iyon, kundi palihim pa nila siyang ginantihan at pinatalsik. Hindi ko sinasadyang parusahan si Adalyn tulad ng ginawa nila, pero hindi ko rin hinanap ang katotohanan. Nanindigan ako na tuluyang nakatulong kay Callie at sa iba pa na gantihan at ipahamak si Adalyn. Nakibahagi ako sa kanilang kasamaan. Sa aking pananampalataya, walang puwang sa puso ko ang Diyos o ang Kanyang mga salita; sinamba ko lang ang talento, karanasan, kapangyarihan, at katayuan. Nakinig ako sa sinumang may katayuan at awtoridad, na umaaligid sa kanila na parang isang alipores. Hindi talaga ako isang tunay na mananampalataya. Ang Diyos ay isang Diyos na napopoot sa kasamaan, at nananalig ako sa Diyos ngunit sumasamba at sumusunod sa isang tao, nagagawa pang sumunod sa kanya sa paggawa ng masama at paglaban sa Diyos. Sa puntong iyon ay natanto ko na malubhang problema ko ito, at kung hindi ako magsisisi, tiyak na tatanggihan at palalayasin ako ng Diyos. Nalaman ko kalaunan na hindi gumagawa ng praktikal na gawain si Callie at ang mga taong kasama niya sa trabaho, na padalus-dalos sila at mapandikta, at basta-bastang inaapi at pinagsalitaan ng masakit ang iba. Walang pakundangan nilang binago ang mga pagsusuri ng mga kapatid, dinagdagan ang mga ito, nagtahi-tahi ng ebidensya, sa pagsisikap na itiwalag si Adalyn, na naglantad at nagsumbong ng tungkol sa kanila. Kinontrol nila ang mga halalan sa pamamagitan ng mga palihim na manipulasyon, at itinaas ng ranggo at tinanggal ang mga tao ayon sa gusto nila. Nakagawa sila ng napakalaking kasamaan; natukoy na sila ay mga anticristo at permanenteng itiniwalag mula sa iglesia. Pagkatapos ay hiningan ng lider ang iba pang mga kapatid ng kanilang mga opinyon kung ano ang dapat gawin sa akin. Batay sa kung paano ako kumilos sa aking tungkulin at sa motibo ng aking mga kilos, sinabi nila na nailigaw ako at pumayag silang bigyan ako ng pagkakataong magsisi at hayaan akong manatili sa iglesia at patuloy na gumawa ng tungkulin. Nagpasalamat talaga ako. Kumikilos ako nang hindi hinahanap ang katotohanan, na umaayon sa mga anticristo sa kanilang kasamaan, pero hindi ako pinatalsik ng iglesia. Binigyan pa rin ako ng pagkakataong magsisi. Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos sa Kanyang awa.

Kalaunan ay nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkakilala sa diwa ni Callie at ng kanyang grupo. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Ano ang pangunahing layunin ng isang anticristo kapag binabatikos at inihihiwalay niya ang isang hindi sumasang-ayon? Hangad niyang gumawa ng sitwasyon sa iglesia kung saan walang tinig na kokontra sa kanya, kung saan ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang pagka-lider, at ang kanyang mga salita ang siya lamang masusunod. Dapat siyang pakinggan ng lahat, at kahit may pagkakaiba sila ng opinyon, hindi nila dapat ipahayag iyon, kundi hayaan iyong mabulok sa kanilang puso. Lahat ng nangangahas na hayagang sumalungat sa kanya ay nagiging kaaway ng anticristong iyon, at iisip siya ng anumang paraan para mapahirap niya ang mga bagay-bagay para sa kanila, at hindi siya makapaghintay na mapaalis sila. Ito ang isa sa mga paraan na inaatake at ibinubukod ng mga anticristo ang isang hindi sumasang-ayon para mapatatag ang kanilang katayuan at maprotektahan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila, ‘Mabuti para sa iyo na magkaroon ng ibang mga opinyon, subalit hindi ka maaaring mag-ikut-ikot na nagsasalita tungkol sa mga ito gaya ng gusto mo, at lalong huwag mong ikompromiso ang aking kapangyarihan at katayuan. Kung mayroon kang bagay na sasabihin, maaari mo itong sabihin sa akin nang sarilinan. Kung sasabihin mo ito sa harapan ng lahat at mapahiya ako, paghiling ito na huwag kitang pansinin at kakailanganin kong harapin ka.’ Anong uri ng disposisyon ito? Hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang iba na malayang makapagsalita. Kung mayroon silang opinyon—tungkol man ito sa anticristo o sa anumang bagay—kailangan nila itong kimkimin sa sarili nila; kailangan nilang isaalang-alang ang reputasyon ng anticristo. Kung hindi, ituturing silang kaaway ng anticristo, at babatikusin at ihihiwalay sila. Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang kalikasan ng isang anticristo. At bakit nila ginagawa ito? Hindi nila hinahayaan ang iglesia na magkaroon ng anumang mga alternatibong opinyon, hindi nila pinapayagan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa kanila sa loob ng iglesia, hindi nila hinahayaan ang mga taong hinirang ng Diyos na hayagang ibahagi ang katotohanan at tukuyin ang mga tao. Ang labis nilang kinatatakutan ay ang malantad at matukoy ng mga tao; palagi nilang sinisikap na patatagin ang kanilang kapangyarihan at ang katayuan nila sa puso ng mga tao, na sa pakiramdam nila ay hindi dapat mayanig. Hinding-hindi nila maaaring palampasin ang anumang nagbabanta o nakakaapekto sa kanilang pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan at halaga bilang isang lider. Hindi ba nito ipinapakita ang mapanirang kalikasan ng mga anticristo? Dahil hindi sila kuntento sa kapangyarihang taglay na nila, pinalalakas at pinatitibay nila ito at hinahangad nila ang walang hanggang pananakop. Hindi lamang nila gustong kontrolin ang pag-uugali ng iba, kundi maging ang mga puso ng mga ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa masasamang disposisyon ng mga anticristo. Sa pagnanais na masiguro ang kanilang sariling mga posisyon, itinuturing nilang mga kaaway ang mga taong may pagkakilala sa kanila, na nakapagbibigay sa kanila ng mga mungkahi at nailalantad sila, at hindi sila titigil sa pag-atake at pang-aapi sa mga ito. Naglalagay pa sila ng mga huwad na akusasyon ng lahat ng uri ng mga kamalian sa mga ito upang maalis sila sa iglesia para makamit ang layon nilang huwag pakawalan ang kanilang kapangyarihan sa iglesia. Ito ang pinakatuso at pinakamasamang aspeto ng mga anticristo. Nakikita ko na ang mga anticristo ay may masamang pagkatao, malulupit na disposisyon, at talagang nasusuklam sa katotohanan at lahat ng positibong bagay. Si Callie at ang iba pa ay kumikilos katulad mismo ng inilalarawan ng Diyos. Nang magkaroon ng pagkakilala ang ilang kapatid, pagkatapos ay binigyan sila ng mga mungkahi o isinumbong sila, hindi lamang sila nabigong tanggapin ito mula sa Diyos at pagnilayan ang kanilang sarili, kundi walang pakundangan nilang pinigilan at pinatalsik ang mga kapatid. Napansin ni Adalyn na nilalabag nila ang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, kaya isinumbong niya sila at inilantad, pagkatapos niyon ay sinimulan nila siyang pigilan, at naghahanda ng mga materyales para mapatalsik siya sa iglesia. Ngunit hindi sapat ang kanilang ebidensya at hindi iyon inaprubahan ng iglesia. Hindi sila sumuko, bagkus sa pagsisikap na mapaalis si Adalyn ay in-edit pa nila ang mga pagsusuri ng iba tungkol sa kanya, na dinaragdagan ng mga kuwento at binabaluktot ang mga katunayan, sinasabing ang pagbabahaginan at pagtulong ni Adalyn sa iba ay pagiging anticristo nito na nanliligaw sa mga tao. Binansagan siya nila ng kung anu-ano at basta-bastang kinondena; hindi sila tumigil hangga’t hindi nila napaalis si Adalyn sa iglesia. Ang mga anticristo na ito ay katulad lang ng malaking pulang dragon, inaapi at inaatake ang sinumang hindi sumasang-ayon sa kanila, pinararatangan sila at ipinapahamak para lamang patatagin ang sarili nilang mga posisyon. Hindi nila pinahihintulutan ang anumang iba pang mga opinyon sa iglesiang pinamumunuan nila, at pinaparusahan nila ang sinumang nagmumungkahi sa kanila. At dahil si Carson, isa pang miyembro ng iglesia, ay madalas magmungkahi ng mga bagay-bagay sa kanila at pinupuna ang mga isyu nila, palihim nila siyang nilabanan, at pinabukod siya at pinagnilay sa kanyang sarili, at hindi siya pinayagang gumawa ng tungkulin. Galit na galit, sinabi pa nila na kahit nakabukod siya sa bahay, hindi pa rin sila makakalimot, at iginiit nilang paalisin siya sa iglesia, at hindi tumigil hangga’t hindi sila nagtatagumpay. May isa pang lider ng iglesia na nagdusa sa kanilang pagpaparusa at pang-aapi dahil iba ang opinyon nito tungkol sa pagpapaalis kay Carson—tinanggal nila siya sa kanyang tungkulin.

Nakita ko kung gaano talaga kasama si Callie at ang kanyang grupo ng mga anticristo, na kaya nilang gawin ang lahat ng uri ng hindi makataong bagay para saktan ang mga kapatid upang mapanatili nila ang kanilang posisyon. Ni hindi sila tao. Tinanong ko ang sarili ko: Paano ko nagawang purihin at sundin ang gayon kasamang anticristo sa paggawa ng kasamaan kasama siya? Bakit bilang isang mananampalataya, sumasamba at sumusunod pa rin ako sa isang tao? Bakit ko iniidolo ang isang anticristo na gumagawa ng napakaraming kasamaan? Kalaunan sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap, nagtamo ako ng kaunting pagkaunawa sa ugat ng aking kabiguan. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na napapalugod ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang katotohanang realidad—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas malinlang ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay bumigkas ng mga salita at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang pagkataong diwa ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). “Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). “Ang mga lider at manggagawa, anuman ang kanilang ranggo, ay mga karaniwang tao pa rin. Kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali ka—isa iyong kahibangan. At anong mga kahihinatnan ang idudulot sa iyo ng kahibangang ito? Magiging dahilan ito para sukatin mo ang iyong mga lider laban sa mga hinihingi na hindi naaayon sa realidad, at hindi mo magagawang tratuhin nang tama ang mga problema at pagkukulang na mayroon sila; kasabay nito, nang hindi namamalayan, maaakit ka rin nang lubusan sa kanilang pambihirang katangian, mga kaloob, at mga talento, kaya bago mo pa malaman, sinasamba mo na sila, at sila na ang iyong Diyos. Ang landas na iyon, mula pa nang nagsisimula na silang maging huwaran mo, pakay ng pagsamba mo, hanggang sa maging isa ka sa kanilang mga tagasunod, ang aakay sa iyo palayo sa Diyos nang hindi mo namamalayan. At kahit habang unti-unti kang lumalayo sa Diyos, maniniwala ka pa rin na sumusunod ka sa Diyos, na ikaw ay nasa Kanyang sambahayan, na ikaw ay nasa Kanyang presensya, samantalang ang totoo, natangay ka na pala palayo ng mga kampon ni Satanas, ng mga anticristo. Ni hindi mo ito mararamdaman. Isa itong lubhang mapanganib na kalagayan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mali kong pag-iisip. Sinuri ko kung hinahangad ng mga tao ang katotohanan o hindi batay lamang sa ipinapakita nilang pag-uugali, ngunit hindi ko kinilala ang kanilang kalikasang diwa, o tiningnan ang kanilang mga layon at motibasyon sa likod ng kanilang mga kilos. Naisip ko na kung nagagawang magsakripisyo ng isang tao, gumugol ng kanyang sarili, magbahagi tungkol sa kanyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at magpahayag ng labis na kamalayan sa sarili, na parang isang napaka-espirituwal na tao, isa siyang taong naghahangad ng katotohanan at taglay ang katotohanang realidad. Kaya nang makita ko sa mga pakikipag-ugnayan ko kay Callie na magaling siya sa pagbabahagi at mahusay magsalita, at labis na makabuluhan ang pagkaunawang ibinabahagi niya sa mga pagtitipon, inakala ko na hinangad niya ang katotohanan at taglay ang katotohanang realidad. Ang mas kalunus-lunos pa, nagkamali ako ng paniniwala na ang pagiging isang lider sa buong panahong iyon ay nangangahulugan na hinahangad niya ang katotohanan. Dahil sa lahat ng huwad na pananaw na ito, nauwi ako mula sa hindi pagkakilala sa kanya, tapos humanga at sumamba sa kanya, hanggang sa huli ay nakisama pa sa kanya sa paggawa ng masama. Hindi ko siya sinuri o sinubukang kilalanin ang kanyang diwa ayon sa mga salita ng Diyos, bagkus ay sumunod ako sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Bagamat isa akong mananampalataya, sumamba at sumunod ako sa isang hamak na tao. Nasundan ko ang isang anticristo, na gumagawa ng napakaraming kasamaan. Napakamanhid at napakahangal ko! Nang magpahayag ako ng suporta sa pagtitiwalag kay Adalyn sa iglesia, hindi naman iyon parang wala talaga akong kaalam-alam. Mayroon akong ilang hinala, pero hindi ko sinunod ang patnubay ng Banal na Espiritu at hinanap ang katotohanan. Sa halip, sumunod ako sa mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip na nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan at taglay ang katotohanang realidad, at na nakikita nila nang tumpak ang mga isyu. Kaya kahit hindi ko sinubukang gumamit ng anumang pagkakilala, pikit-mata akong nakisama kay Callie at pumayag na patalsikin si Adalyn. Sa gayon kalaking usapin na direktang nagsasangkot kung makakamit ng isang tao ang kaligtasan o hindi, ang hindi tamang pagpaalis sa isang tao ay maaaring makasira sa pagkakataon nilang maligtas—isa iyong karumal-dumal na kasalanan! Binalewala ko ang buhay niya, na bigla-bigla akong sumang-ayon na itiwalag siya. Isa siyang tunay na mananampalataya, pero muntik ko na siyang ipatanggal sa iglesia. Napakalaking paglabag niyon! Hindi lang ako sa kanya may utang na loob, kundi nagkasala ako sa Diyos. Hindi ko sinadyang gumawa ng masama at parusahan si Adalyn, pero sa simpleng pagsang-ayon, ipinahamak ko siya kasama ng anticristong si Callie—ako ang kasabwat ng anticristo. Bagamat pagpapahayag lang iyon ng paninindigan, ibinunyag niyon ang lubhang kasamaang likas sa akin, at na lubos akong walang pagmamahal sa iba. Ang mga kapatid na tulad ni Adalyn, na may diwa ng pagiging matuwid at kakayahang itaguyod ang gawain ng iglesia ay dapat tumanggap ng proteksyon, dahil inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at may diwa ng pagiging matuwid. Pero kumikilos ako bilang kampon ni Satanas, na sumasang-ayon sa pagtitiwalag sa kanya. Sa pagkilos nang ganoon, pumanig ako sa mga demonyong anticristong iyon, na lumalaban sa Diyos. Bilang lider ng iglesia, dapat sana ay itinataguyod ko ang mga interes ng iglesia sa lahat ng bagay, at pinoprotektahan ang mga kapatid mula sa pamiminsala ng mga anticristo at masasamang tao. Pero walang-pakundangan ko silang sinundan sa paggawa ng masama, na inaapi ang mga tao at pinatatalsik sila. Nakapinsala iyon sa mga kapatid. Nakakatakot para sa akin na makitang nakagawa ako ng gauon kasasamang bagay. Hindi ako naghanap sa katotohanan ni nagkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso; ganap akong walang kamalayan sa paggawa ng gayon kalaking kasamaan, iniisip pa nga na itinataguyod ko ang gawain ng iglesia. Labis akong naguluhan at naging kasuklam-suklam! Tulad lang iyon ng sinabi ng brother na iyon, na ako ay nasa landas ng pagkawasak at kakaladkarin ko ang iba pababa sa impiyerno kasama ko. Batay sa aking pag-uugali, ang pagtanggal at pagpapaalis sa akin sa iglesia ay hindi magiging kalabisan, pero binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong magsisi, na nagpahintulot sa akin na patuloy na gumawa ng tungkulin sa iglesia. Talagang nagpasalamat ako sa awa at pagliligtas ng Diyos sa akin. Kasabay niyon, tunay ko ring naunawaan na ang pagtutuon sa mga panlabas na kaloob at kakayahan, pikit-matang paghanga sa isang lider, pagsamba sa kapangyarihan, at hindi paghahanap ng katotohanan sa harap ng mga problema ay talagang mapanganib. Maaari akong mailigaw at magamit ng mga anticristo at masasamang tao anumang oras. Sa diwa, sa pamamagitan ng pagsamba at pagsunod sa isang tao, sumusunod ako kay Satanas at nagiging isang kaaway ng Diyos. Kung hindi pa rin ako magsisisi, tatanggihan at palalayasin ako ng Diyos. Nang lalo kong pag-isipan ito, lalo kong nadama na ang kabiguan kong ito ay hindi lang pagbubunyag ng ilang katiwalian o pagkakamali—isa itong matinding kasamaan, at muntik na akong magpakamatay.

Nabasa ko ang iba pang mga salita ng Diyos kalaunan na nagpakita sa akin ng tamang pakikitungo sa mga lider at manggagawa. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay napili ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o pagkakakilanlan o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Natural na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataas lamang ng ranggo at paglilinang sa pinakatuwirang paraan, at hindi katumbas nito na itinadhana at pinatunayan na siya ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatuwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na karapat-dapat na siyang lider, o mahusay na lider, na kaya na niyang gawin ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikita ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito, at tinitingala nila ang mga itinaas ng ranggong ito na umaasa sa kanilang mga imahinasyon, pero isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon pa sila maaaring nanalig, taglay nga ba talaga ng mga itinaas ng ranggo ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagawa ba nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Alam ba nila ang kanilang responsibilidad? Taglay ba nila ang pananagutan? Kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Kapag may nakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Malamang bang sundin nila ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng mga lider, madalas ba silang humaharap sa Diyos para alamin ang kalooban ng Diyos? Nagagabayan ba nila ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayahan sa gayong mga bagay agad-agad. Hindi pa sila nakatanggap ng pagsasanay at napakakaunti ng kanilang karanasan, kaya wala silang kakayahan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos. … Ano ang saysay ng pagsasabi Ko nito? Para sabihin sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na itinaas ang ranggo at nilinang sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito. Natural, dapat ay maging makatotohanan din ang mga tao sa kanilang opinyon tungkol sa kanila. Kahangalan ang magbigay ng sobrang pagpapahalaga o pagpipitagan sa kanila, ni hindi makatao o makatotohanan ang maging lubhang mabagsik sa inyong mga hinihingi sa kanila. Kaya ano ang pinakamakatwirang paraan ng pakikitungo sa kanila? Ang isipin na sila ay mga ordinaryong tao at, kapag may problemang kailangang saliksikin, makipagbahaginan sa kanila at matuto mula sa mga kalakasan ng isa’t isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsibilidad ng lahat na subaybayan kung gumagawa ba ang mga lider at manggagawa ng totoong gawain, kung ginagamit ba nila ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay kuwalipikado. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya maasikaso at maayos ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat tanggalin kaagad. Pumili ng iba, at huwag antalahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa inyong sarili at sa iba, hindi ito makakabuti kahit kanino(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang isang taong inihalal bilang lider o manggagawa, o itinaas ng ranggo para gumawa ng ilang trabaho ay hindi nangangahulugan na nasa kanila ang katotohanang realidad, na sila ay tapat sa Diyos o may takot sa Kanya. Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, magiging isa silang huwad na lider o anticristo, at ilalantad at palalayasin. Ang mga lider at manggagawa ay may mas maraming pagkakataong magsagawa, at umako ng higit na pasanin upang maranasan ang gawain ng Diyos. Pero walang isa man sa kanila ang nagawang perpekto—mayroon silang mga tiwaling disposisyon tulad ng iba, kaya bago nila makamit ang katotohanan at matamo ang pagbabago ng disposisyon, maaari silang maging mapanlinlang sa kanilang trabaho at sumalungat sa mga prinsipyo. Kailangang dumaan silang lahat sa paghatol at paghahayag ng Diyos, na mapungusan at maiwasto, at mapangasiwaan ng iba. Kung kumikilos nga ang mga lider at manggagawa nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at itinataguyod nila ang gawain ng iglesia, dapat silang suportahan ng mga taong hinirang ng Diyos at tulungan sila sa kanilang gawain. Kung lumalabag sila sa mga prinsipyo, tumatahak sa maling landas, at hindi gumagawa ng praktikal na gawain, kailangan silang iwasto at ilantad, para malaman kung nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, magsisi at magbago. Kung kaya nilang magsisi at magbago, nangangahulugan iyon na sila ay mga tamang tao at kaya nilang tumanggap ng katotohanan. Pero kung hindi, kung pinagsasalitaan nila ng masakit at inaapi nila ang iba, hindi sila mga tamang tao at kailangan silang isumbong at ilantad. Ang ganitong pagtrato lamang sa mga lider at manggagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Pero dati, hindi ko tinitingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos. Wala akong anumang pagkakilala kay Callie at sa iba, kundi pikit-mata ko silang sinamba, na humantong sa pagsunod ko sa mga anticristo sa paggawa ng hindi-maitutuwid na kasamaan. Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa, at mula noon ay ginusto kong pagtuunan ang paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, tingnan ang mga bagay-bagay at mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, tumigil sa aking labis na kahangalan at kamangmangan at sa pikit-matang pagsunod sa iba na tulad ng dati.

Napansin ko kalaunan na nang magbahagi sa amin ang isang nakatataas na lider tungkol sa halalan ng mga lider ng iglesia, talagang hindi siya makapaghintay na matapos ang lahat nang hindi nakatuon sa pagbabahagi sa mga katotohanang prinsipyo. Minsan nang magbahagi siya sa isang pagtitipon tungkol sa pagbabago ng tungkulin ng isang tao, nang matapos siya sa kanyang pagbabahagi, kalahati lang ng mga miyembro ng iglesia ang nakarating, at pagkatapos ay ipinalahad niya sa amin ang aming opinyon. Dahil hindi narinig ng kalahati ng mga tao ang una niyang pagbabahagi at hindi nila alam ang nauugnay na mga katotohanang prinsipyo, hindi nila alam kung paano sasabihin ang panig nila. Hindi nakapagpatuloy ang pagtitipon at talagang hindi komportable sa pakiramdam. Nakita ko na hindi niya inaakay ang mga kapatid sa pagpasok sa mga katotohanang prinsipyo, kundi nagmadali siyang pangasiwaan at tapusin ang usapin. Naalala ko ang karanasan ko nang mailigaw ako ng isang anticristo at ang mga kinahihinatnan ng pikit-matang pagsunod sa kanya. Ayaw kong basta-basta na lang sumama sa isang tao bago ako makakuha ng kalinawan sa mga prinsipyo. Kaya, hiningi ko ang tulong ng ilang sister tungkol sa bagay na iyon. Sinabi ng isa sa kanila na pinangasiwaan ng lider na ito ang mga halalan sa iba pang mga iglesia sa ganito ring paraan, na hindi sumusunod sa mga prinsipyo. Inakala ko na dahil naisakatuparan ng lider na ito ang gawain nang hindi nakukuha ang suporta ng iba, ang ibig sabihin niyon ay may isyu sa kanya. Bilang isang lider, ang pagkabigo niyang gabayan kami sa pagpasok sa katotohanan ay makakaapekto sa buong iglesia, kaya dapat kong ipaalam ang mga problemang ito sa kanya. Pero nag-alala ako na baka sawayin niya ako kapag nagmungkahi ako sa kanya. Gayunpaman, habang iniisip ko kung paano ako nakagawa ng kasamaan kasama ang mga anticristo noon, natakot ako na pikit-matang sumunod na muli sa isang tao, at mabigong itaguyod ang mga interes ng iglesia. Talagang nagtalo ang kalooban ko. Kaya lumapit ako sa Diyos at nanalangin, naghahanap ng landas ng pagsasagawa. Nakita ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ibunyag, at labanan siya at magbigay ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng praktikal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan). Nagbigay sa akin ang mga salita ng Diyos ng mga prinsipyong dapat isagawa. Kung ang isang lider o manggagawa ay kumikilos nang hindi tama, maaari mo silang bahaginan ng katotohanan dahil sa pagmamahal, para tulungan sila—naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Nang maisip ko ang mga kabiguan ko noon, naging malinaw sa akin na isa itong pagkakataon na maisagawa ko ang katotohanan. Dapat akong kumilos alinsunod sa salita ng Diyos, at hindi pigilan ang mga mungkahi ko dahil lang sa takot akong apihin. At kaya, nakipag-ugnayan ako sa lider na iyon at sinabi ko sa kanya ang lahat tungkol sa mga problemang napansin ko sa kanyang trabaho noong panahong iyon; tinanggap niya ang lahat ng iyon. Sa isang pagtitipon makalipas ang ilang araw, narinig kong ibinahagi niya na nakatanggap siya ng ilang payo at tulong mula sa mga miyembro ng iglesia para sa kanyang tungkulin, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili ay nakita niya na nagkaproblema kamakailan sa landas na kanyang tinatahak at sa kanyang gawain. Ang mga isyu at pagkakamaling tinukoy ko sa kanya ay bahagi ng kanyang pagninilay-nilay, at mula roon ay hinangad niyang maunawaan ang mga prinsipyo, at nalaman niya kung paano pangasiwaan at harapin ang mga katulad na problema. Tuwang-tuwa talaga ako at nagpasalamat ako sa Diyos sa paggabay sa akin na isagawa ang katotohanan. Nakaramdam ako ng labis na kapayapaan sa puso ko.

Natanto ko sa mga karanasang ito na bilang isang mananampalataya na hindi nagpahalaga sa paghahanap ng katotohanan, kundi pikit-matang inidolo at sinunod ang ibang mga tao, posibleng makagawa ako ng masama at lumaban sa Diyos anumang oras. Nakita ko rin ang karunungan ng Diyos; hinahayaan Niya ang mga anticristo na lumitaw sa iglesia upang magkaroon tayo ng pagkakilala, maitaboy natin ang mga puwersa ni Satanas, at hindi na tayo mailigaw at makontrol ng mga anticristo. Kapag nakakakilala na tayo ng mga anticristo at huminto na tayo sa walang-saysay na pagsamba sa kanila, tapos na ang paglilingkod ng mga anticristong iyon at maaari na silang paalisin sa iglesia. Bagamat nakaranas ako ng ilang kabiguan at nagkamali, at na makirot para sa akin ang isipin iyon, sa pamamagitan ng mga maling hakbang na ito ay nagawa kong baguhin ang aking maling pag-iisip at mga pananaw, na nagbigay-daan sa akin na huminto sa pikit-matang pagsamba at pagsunod sa ibang mga tao. Nagawa kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag may nangyaring mga bagay-bagay at hinangad kong maging isang taong tunay na sumusunod sa Diyos. Ang pagkakamit ng lahat ng ito ay dahil lahat sa patnubay ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos!

Sinundan: 49. Ang mga Araw na Iyon ng Pakikipaglaban para sa Reputasyon at Pakinabang

Sumunod: 51. Sinalubong Ko ang Pagbabalik ng Panginoon!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito