48. Labinsiyam na Taon ng Dugo at Luha

Ni Wang Yufeng, Tsina

Isa akong mananampalataya sa Panginoon mula noong bata pa ako, kasama ang aking mga magulang. Noong nasa lampas 30 anyos na ako, namatay ang asawa ko dahil sa sakit, at naiwan akong mag-isa na magpalaki ng dalawang anak na lalaki at isang babae. Salamat sa biyaya ng Panginoon, naging matagumpay ang mga anak ko sa kanilang mga karera at naging napakamariwasa, na may masasayang pamilya. Tapos, noong 1999, tinanggap namin ng buong pamilya ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at nagsimula kaming masigasig na ipalaganap at patotohanan ang ebanghelyo ng kaharian. Pero, isang biglaang pag-aresto ang sumira sa mapayapang buhay ng aming pamilya.

Isang gabi noong Hunyo 2002, nalaman kong pumunta ang mga pulis sa pinagtatrabahuhan ng panganay kong anak na lalaki para arestuhin siya, pero nakatakas siya sa sandaling hindi nakabantay ang mga pulis. Hinahanap nila siya kung saan-saan. Nabalisa ako at napuno ng pangamba nang marinig ko ang balitang ito. Madadakip ba nila siya? Kung talagang maaaresto siya, tiyak na pahihirapan nila siya at talagang sisirain siya. Naging isang masayang pamilya kami na ang lahat ng aming pangangailangan ay natutugunan. Ang mga anak ko ay pawang mga mananampalataya at aktibo sa kanilang mga tungkulin—napakaganda noon! Pero ngayon ay hinahabol ng mga pulis ang anak ko, nawalan siya ng trabaho at hindi nangahas na umuwi. Nagkahiwalay ang pamilya namin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin namin. Lalo akong nalungkot habang mas iniisip ko ito, kaya lumapit ako sa Diyos sa panalangin, humihiling sa Kanya na bantayan ang anak ko at gabayan ako na maunawaan ang Kanyang kalooban. Naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos pagkatapos magdasal: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang pagkakaroon ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos ay hindi isang madaling daan—lahat ay kailangang dumaan sa paghihirap at mga pagsubok. Ang mga pulis na tumutugis sa anak ko ay isang bagay na pinahihintulutan ng Diyos na mangyari. Ginagamit Niya ang ganitong uri ng masakit na sitwasyon para gawing perpekto ang aming pananampalataya at pagmamahal—ang pagdurusa na ito ay isang pagpapala mula sa Diyos. Mas kumalma ako nang isipin ko ito nang gano’n, at nagdasal ako, handang ipaubaya ang anak ko sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang paghahari at mga pagsasaayos.

Kalaunan, nang malaman ng pulisya na nag-iimprenta ang anak kong lalaki ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa iglesia, inilista nila siya bilang isang kriminal na pinaghahanap ng bansa at pinakilos ang malaking bilang ng mga pulis para hanapin siya, nagbabala na sila ay nakasisiguro at determinadong madakip siya. Labis akong nabalisa at nag-alala sa balitang ito—paano siya makakatakas sa pagkaaresto kung ginawa siyang isang pangunahing target ng Partido Komunista? Nabalitaan ko kamakailan ang tungkol sa isang brother na inaresto at pagkatapos ay binugbog ng mga pulis hanggang mamatay. Sa labis na pagkamuhi ng Partido Komunista sa mga mananampalataya, hindi ba’t talagang pahihirapan nila ang anak ko kapag napasakamay nila siya? Lalo akong natakot habang mas iniisip ko ito, nabubuhay araw-araw nang ninenerbiyos. Hindi ako makalunok ng pagkain o makatulog, at nagsisimulang kumabog ang puso ko tuwing nakakarinig ng sirena ng sasakyan ng pulis. Noong panahong iyon, labis ang pagkabalisa ko, at masama rin ang pisikal na kalusugan ko. Makalipas ang ilang araw, dalawang beses na tumawag ang mga pulis sa bahay namin para tanungin kung nasaan ang anak ko at may pagbabanta at pananakot na sinabing, “Kung hindi niyo siya ibibigay, pagkakanlong iyon sa isang kriminal at wala ni isang miyembro ng inyong pamilya ang makakatakas!” Natakot talaga ako nang marinig ko iyon at hindi ko alam kung kailan maaaring magpakita ang mga pulis para halughugin ang bahay namin at posibleng arestuhin ako, ang aking nakababatang anak na lalaki at ang kanyang asawa. Lalo pa akong nag-alala kung kailan nila madadakip ang panganay kong anak. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, humihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas, at humihiling sa Kanya na bantayan ang panganay kong anak na lalaki para manatili siyang matatag. Naisip ko ang isang bagay mula sa mga salita ng Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Pinatatag ng mga salita ng Diyos ang aking pananampalataya—ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Niya, kaya hindi ba ang kapalaran ng bawat isa sa aming pamilya ay nasa mga kamay rin Niya? Kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa ang kapulisan sa amin. Ang mga alalahanin ko tungkol sa pag-aresto sa mga miyembro ng aming pamilya, at ang pamumuhay ko sa walang humpay na takot ay nangangahulugang wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos. Mas naging kalmado ang pakiramdam ko sa patnubay ng mga salita ng Diyos. Kapag nasa tabi ko ang Diyos, wala akong dapat ikatakot—handa akong ipaubaya ang buong pamilya namin sa mga kamay Niya, at napagpasyahan ko na kahit na arestuhin ako, hinding-hindi ko pagtataksilan ang mga kapatid, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos!

Pagkalipas ng ilang buwan, nang hindi pa rin nahanap ng pulisya ang anak ko, nagsimula silang magbanta na aarestuhin ang buong pamilya namin. Ang nakababata kong anak na lalaki, ang kanyang asawa, at ako ay wala nang pagpipilian kundi ang umalis sa bahay namin at magtago. Lubos akong naligalig bago umalis, iniisip na ang panganay kong anak ay nagtatago at hindi ko alam kung nasaan siya, at ngayong kailangan na naming lisanin ang aming tahanan, ganap na napaghiwalay ng CCP ang isang lubos na masayang pamilya. Sobrang miserable ko noon. Ano ang mali sa pagkakaroon ng pananampalataya at pagsamba sa Diyos? Determinado ang Partido Komunista na puwersahin kami hanggang sa punto ng kapahamakan. Talagang ayaw nilang iwanan ng anumang paraan ang mga mananampalataya para patuloy na mamuhay—sobrang nakakasuklam ang Partido Komunista! Nabiyuda ako sa edad kong lampas 30 at nagsumikap na palakihin ang tatlong anak nang mag-isa. Walang humpay akong nagtrabaho halos buong buhay ko at sa wakas ay naging matagumpay ako. Hindi ko akalain na, sa aking katandaan, mapipilitan akong magtago mula sa Partido Komunista. Sa pag-alis sa ganoong paraan, hindi ba’t sasamsamin lang ng Partido ang lahat ng aming ari-arian at ang bahay namin? Tapos paano kami makakaraos? Talagang masakit para sa’kin ang mga isiping ito. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “O Diyos! Hindi ko mapakawalan ang mga ari-arian namin sa puso ko, at nag-aalala ako kung paano ako makakaraos mula ngayon. Pakiusap gabayan Mo po ako na maunawaan ang Iyong kalooban.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi mula sa Panginoong Jesus: “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko(Lucas 14:33). Nagawa ng mga disipulo ng Panginoong Jesus na isuko ang lahat ng mayroon sila para sumunod sa Kanya. Naisip ko si Mateo—siya ay isang tagasingil ng buwis, ngunit nang tawagin siya ng Panginoong Jesus, isinuko niya ang lahat ng kanyang ari-arian at isinakripisyo ang lahat ng mayroon siya para sumunod sa Panginoon. At nang tawagin ng Panginoon si Pedro, tinalikuran niya ang kanyang trabaho bilang mangingisda para sumunod sa Kanya. Pero sa harap ng pang-aapi ng Partido Komunista, hindi ko man lang mabitawan ang ilang ari-arian. Wala talaga akong pananalig. Ang mga ibon sa himpapawid ay hindi nagpupunla o nag-aani, pero nagmamalasakit ang Diyos sa mga ito—at paano naman tayong mga tao? Ang isiping ito ay nakatulong na mapagaan ang mga alalahanin ko. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos at nagpapahayag ng mga katotohanan para dalisayin at iligtas tayo. Napakapalad ko na makasunod sa Diyos at makamit ang katotohanan at buhay—sulit na sulit ang kaunting pagdurusa! Ang katotohanan ay isang walang kasinghalagang kayamanan na hindi nabibili ng anumang dami ng materyal na pag-aari, at alam kong sulit ang anumang dami ng paghihirap sa hinaharap.

Pagkatapos naming umalis ng bahay, nalaman ng kapulisan na ako at ang buong pamilya ko ay mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at inilunsad nila ang malawakang paghahanap sa amin sa buong lungsod. Palipat-lipat kami ng lugar sa pagsisikap na matakasan ang pag-aresto, kung minsan ay lumilipat pagkatapos ng wala pang isang buwan sa isang lugar. Sa bawat lipat, pagod na pagod ako at masakit ang likod ko. Dahil sa takot na mahanap ng mga pulis, kailangan naming manatili sa mga ganoong uri ng pribadong maliliit na bahay na may isang palapag. Sa taglamig, napakaginaw sa bahay kaya nagyeyelo ang tubig, at kahit na panatilihing nakabukas ang kalan nang buong linggo, hindi pa rin mainit ang bahay. Nagkabitak-bitak ang balat sa mga kamay ko sa lamig at anumang dampi sa tubig ay talagang masakit. Ang huling lugar na aming nilipatan ay isang maliit na kubo para sa pagpaparami ng mga bagong silang na sisiw sa isang nayon na madilim at mahalumigmig, puno ng mga insekto. Nakakasuka kaya hindi ako makakain. Ginugunita ko ang mga araw namin sa bahay, sa isang magandang apartment na mainit at komportable. Ang ikumpara iyon sa aming kasalukuyang kalagayan ay talagang nagpamiserable sa akin. Hindi ko alam noon kung kailan matatapos ang mga araw na iyon. Nang matantong wala ako sa tamang kalagayan, agad akong lumapit sa Diyos sa panalangin, humihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako at gabayan akong maunawaan ang Kanyang kalooban. Isang bagay mula sa mga salita ng Diyos ang naisip ko pagkatapos magdasal: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. … Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Ang mga salita ng Diyos ay talagang nagpatibay ng loob ko. Naisip ko si Satanas na tinutukso si Job—nawala kay Job ang lahat ng ari-arian ng kanyang pamilya at ang mga anak niya ay nadaganan hanggang sa mamatay. Siya mismo ay nabalot ng pigsa ang buong katawan. Sa kabila ng ganoon katinding pagdurusa, pinuri pa rin niya ang pangalan ng Diyos at nagbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Sinang-ayunan ng Diyos si Job at pinagpala siya. Ang hangarin ni Pedro ay mahalin at makilala ang Diyos. Dumaan siya sa daan-daang pagsubok nang hindi nawawalan ng pananalig, at sa huli ay ipinako nang patiwarik para sa Diyos. Nagawa niyang magpasakop hanggang sa kamatayan, nagbigay ng magandang patotoo at nagsabuhay ng isang napakamakabuluhang buhay. Pero ako, hindi ko man lang kayang tumayo ng ilang beses at magdusa nang kaunti. Wala akong tunay na pagpapasakop sa Diyos! Ang paghihirap na tiniis ko noong panahong iyon ay lahat dahil lahat sa pag-uusig ng malaking pulang dragon. Sa halip na kamuhian ang malaking pulang dragon, nagiging negatibo ako at nagmamaktol—sobra akong di-makatwiran! Ang pagtugis ng malaking pulang dragon ay nagdulot sa akin ng partikular na tindi ng pagdurusa, pero nagkamit ako ng pagkaunawa sa diwa nito, malinaw na nakita ang mala-demonyong diwa nito ng pagkapoot at pagsalungat sa Diyos. Tayo ay nilikha ng Diyos, kaya ang pagsamba sa Kanya ay tama at nararapat. Ito ay pagtahak sa tamang landas sa buhay, at ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay para tulungan ang lahat na marinig ang tinig ng Diyos at tanggapin ang katotohanan, at pagkatapos ay maliligtas sila. Pero inaapi tayo ng Partido Komunista at hinahadlangan tayo palagi, pinupwersa pa ngang ihiwalay ang isang ina sa kanyang mga anak. Talagang nakita ko na ito ay isang masamang partido at isang mahigpit na kalaban ng Diyos—kinamumuhian ko ito at isinusumpa ito mula sa kaibuturan ng aking puso. Kung hindi ko naranasan ang pasakit na iyon, kung nagpatuloy lamang na mamuhay nang payapa sa bahay, hindi ko makikita ang diwa ng malaking pulang dragon, at hindi ko ito matatalikdan at matatanggihan mula sa puso. Nagdurusa ako nang kaunti sa pagsunod sa Diyos sa puntong iyon, pero nakakamit ko ang katotohanan at buhay—napakamakahulugan ng pagdurusang iyon. Ang Diyos ay nagkatawang-tao, pumarito upang gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon, inusig at tinugis ng Partido Komunista, nang walang mapagpahingahan. Ang paghihirap na dinanas Niya ay hindi masusukat. Ngayon ang pamilya namin ay sumusunod sa Diyos at inuusig ng Partido Komunista at kailangang magtago, na pakikibahagi sa paghihirap ni Cristo. Ito ay pagtataas ng Diyos! Tahimik kong ipinasya na kahit gaano pa ako magdusa, susunod ako sa Diyos hanggang sa wakas.

Kalaunan, ang anak kong babae ay nasubaybayan at nasundan ng mga pulis habang nagbabahagi ng ebanghelyo. Nagawa niya silang iwala sa pamamagitan ng pagpasok sa isang malaking merkado at pagpapalit ng kanyang damit. Napilitan siyang tumakas sa lugar pagkatapos no’n. Hindi namin namalayang isang buong taon nang hiwa-hiwalay ang pamilya namin, nagtatago. Palagi kong iniisip kung anong uri ng mga kalagayan ang maaaring nararanasan ng aking panganay na anak na lalaki at ng aking anak na babae, palaging nag-aalala na maaaresto sila. Halos hindi ako makakain o makatulog, at lumala ang hika ko. Nagsimula akong madaling maligalig at madalas na malalim ang iniisip. Ang nakababata kong anak na lalaki ay hindi natiis na makita akong ganoon, kaya nagpasya siyang mangahas na bumalik sa bahay at tingnan kung ano na ang nangyayari. Pagkaalis niya, nandoon lang ako naghihintay, umaasa…. Nang medyo makalipas na ang alas-siyete ng gabi at hindi ko pa siya nakikitang bumalik, nagsimula akong mabalisa. Nagtataka ako: Nasaan siya? Nadakip na ba siya ng mga pulis? Hindi, pagkatapos ng mahigit isang taon, hindi maaaring sinusubaybayan pa rin nila ang bahay namin? Pero buong gabi akong naghintay at hindi pa rin siya bumabalik. Nakasiguro akong may nangyari, dahil tiyak na wala siyang ibang mapupuntahan. Kung talagang naaresto siya, hindi ko alam kung anong uri ng kakila-kilabot na paraan ang gagamitin ng mga pulis para pahirapan siya. Baka mapilayan pa siya ng mga pambubugbog nila. Kapag naiisip ko ito, hindi ko napipigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Hindi ako makakain o makatulog nang ilang araw, umuupo lang ako sa kama ko, tulalang nakatitig sa labas. Sobrang sakit ng nararamdaman ko—parang may kutsilyong tumarak sa puso ko. Walang makakapagsabi kung patay o buhay ang panganay kong anak na lalaki, hindi ko alam kung ang anak kong babae ay nasa panganib o wala, at ngayon kung ang nakababata kong anak na lalaki ay naaresto, ano na lang ang gagawin ko? Sa aking pasakit at kawalan ng magagawa, lumapit ako sa Diyos para magdasal, at pagkatapos ay sumagi sa isip ko ang mga salita Niyang ito: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Habang iniisip ito, nakikita ko na ang kapalaran ng mga tao ay nasa kamay lahat ng Diyos, kaya gaano man tayo nagdurusa at anuman ang mga sitwasyong maaari nating makaharap ay pauna nang itinakda lahat ng Diyos. Walang anumang halaga ng pag-aalala mula sa’kin ang makakatulong. Nagdasal ako sa puso ko, handang ipaubaya ang mga anak ko sa mga kamay ng Diyos. Kalaunan, nalaman ng aking manugang na babae mula sa isang sister sa iglesia na ang aking nakababatang anak na lalaki ay inaresto ng mga pulis na nagbabantay sa bahay namin. Dinala siya ng mga pulis sa istasyon, binubugbog at sinisigawan, nagpupumilit malaman kung nasaan kami. Wala siyang sinabing kahit ano, kaya iligal siyang ikinulong ng mga pulis sa loob ng 15 araw bago siya tuluyang pinalaya. Pinakawalan na lang siya. Mukhang pinagsisihan ng mga pulis ang paglaya niya at kaya nagsimulang hanapin siya ulit. Sa takot na maakay sila papunta sa amin, hindi na nangahas bumalik ng bahay ang anak ko, kundi nanatili na lang na nagtago sa labas. Nagalit ako nang mabalitaan ko ito. Hindi pa kami nakakauwi sa loob ng mahigit isang taon, pero sinusubukan pa rin ng mga pulis na sundan kami, na subaybayan kami, ginagawa ang lahat para madakip kami. Gusto nila kaming lipulin. Napakasama ng malaking pulang dragon! Habang lalo akong inaapi nito, mas lalo kong nakikita ang mala-demonyong mukha nito, at mas nagiging determinado akong manalig at sumunod sa Diyos.

Hindi nagtagal, nakaalis sa lugar ang nakababata kong anak na lalaki sa tulong ng mga kapatid. Hindi nagtagal pagkatapos no’n, nakarating kami ng manugang ko sa ibang probinsya. Para sa aming kaligtasan, wala siyang nagawa kundi ang magtago nang hiwalay sa akin. Ang isipin kung paanong ang aming buong pamilya ay pinaghiwa-hiwalay ng Partido Komunista ay napakasakit para sa akin. Lalo na kapag nakikita ko ang ibang tao na masyadong maasikaso at maalalahanin sa mga magulang nila, lalo akong nangungulila sa mga anak ko. Nasa bingit ako ng pagbagsak. Lumapit ako sa harapan ng Diyos para maghanap, at naisip ang siping ito ng Kanyang mga salita: “Ang landas kung saan ginagabayan tayo ng Diyos ay hindi diretso, bagkus ay isang paliku-likong daan na puno ng mga lubak; sinasabi ng Diyos, bukod dito, na habang mas mabato ang landas, mas maibubunyag nito ang ating mga pusong mapagmahal. Gayunman ay wala ni isa man sa atin ang makapagbubukas ng gayong landas. Sa Aking karanasan, lumakad na Ako sa maraming mabato, mapanganib na mga landas at dumanas na Ako ng matinding pagdurusa; may mga sandali na lubos Akong namimighati hanggang sa punto na gusto Kong maghumiyaw, ngunit nilakaran Ko na ang landas na ito hanggang sa ngayon. Naniniwala Ako na ito ang landas na pinangungunahan ng Diyos, kaya tinitiis Ko ang pagpapahirap ng lahat ng pagdurusa at nagpapatuloy na sumulong. Sapagkat ito ang naitalaga na ng Diyos, kaya sinong makatatakas dito? Hindi Ko hinihingi na makatanggap ng anumang mga pagpapala; ang hinihingi Ko lang ay makaya Kong lumakad sa landas na dapat Kong lakaran ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi Ko hinahangad na gayahin ang iba, na lumakad sa landas na kanilang nilalakaran; ang hinahangad Ko lang ay nawa matupad Ko ang Aking debosyon na lumakad sa itinalaga sa Aking landas hanggang sa katapusan. … Kung gaano man ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat nilang lakarin sa kanilang landas ay itinakda ng Diyos, at walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 6). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, nakikita ko na gaano man karaming pagdurusa ang maaaring maranasan ng isang tao, gaano man karaming landas ang kailangan nilang tahakin ay nauna nang itinakda ng Diyos. Kapag mas mabagyo ang landas na aking tinatahak, mas maipapakita nito ang tunay kong tayog. Ang mga anak ko ay nasa tabi ko lahat noon at mayroon kaming napakapayapa at nagkakaisang pamilya. Napakapursigido ko sa paghahanap ko noon. Pero ngayon dahil sa pang-aapi at pagtutugis ng malaking pulang dragon, at ang mga anak ko ay nagtatago, miserable ako, nalulumbay, at puro reklamo. Ang pang-aapi at paghihirap na iyon ang naglantad sa akin. Noon ko lang natanto na ang tanging dahilan kung bakit ako nagkaroon ng pananampalataya ay para pagpalain at biyayaan ng Diyos, para magpakasasa sa mga kasiyahan ng laman. Hindi talaga ito para hanapin ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Paano iyon naging tunay na pananampalataya? Kung ang mga ganoong uri ng mahihirap na sitwasyon ay hindi ako inilantad sa ganoong paraan, hinding-hindi ko makikita ang mga mali kong pananaw sa paghahanap sa aking pananampalataya. Hindi ako magtatamo ng ganoong pagkaunawa sa isang mapayapang kapaligiran. Sa wakas nakita ko na ang biyaya ay isang pagpapala mula sa Diyos, ngunit higit pa rito, ang paghihirap at mga pagsubok ay pagpapala ng Diyos. Alam kong gaano man kahirap ang aking landas sa hinaharap, kailangan kong malampasan ito sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos—kailangan kong magpasakop sa paghahari at mga pagsasaayos ng Diyos. Patuloy akong regular na nagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama ang ibang mga sister, at nakikipagtipon at nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos. Unti-unting bumuti ang pakiramdam ko.

Lumipas ang ilang panahon, at ang Partido Komunista ay nagsimula ulit na manghuli at mang-aresto ng mga mananampalataya sa lahat ng lugar, nagpapadala ng mga tagamanman, tagasumbong, at “nakapulang manggas na mga espiya” kahit saan. Hindi ako taga-roon, at ako ay isang pangunahing target. Noong panahong iyon, natatakot akong maaresto, at palagi akong natatakot na aarestuhin nila ang mga anak ko. Hindi ako makatulog sa gabi, at kung minsan, binabangungot pa ako. Nananaginip ako na pinapahirapan ng mga pulis ang mga anak ko. Dahil sa napakatagal na pamumuhay sa pagkabalisa at takot, sa sobrang depresyon, nagkaroon ako ng hyperthyroidism at pumayat ako hanggang sa naging buto’t balat na lang. Medyo mahina ang tibok ng puso ko at nakakapagod talaga para sa’kin ang maglakad. Nahihirapan pa nga akong bumangon sa kama. Naisip ko noong nasa bahay pa ako. Sa tuwing nagkakasakit ako, naroon lahat ang mga anak ko para sa akin, nag-aalaga sa akin, at ang aking munting apo ay sumisigaw ng, “Lola! Lola!” Napakagiliw ng lahat. Pero lahat kami ay sapilitang pinaghiwalay ng Partido Komunista, hindi ko makita ang mga anak ko, at hindi ko alam kung nasaan sila. Mas lalo akong nalungkot habang mas iniisip ko iyon. Habang nahihirapang bumangon, lumuhod na lang ako sa aking kama, umiiyak sa sakit at nagdarasal sa Diyos, “Diyos ko! Nahihirapan talaga ako ngayon! Nasa bingit na ako. O Diyos, pakiusap bigyan Mo ako ng paninindigan at pananalig na tanggapin ang paghihirap na ito, para makatayo ako nang matatag.” Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos ng aking dasal: “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang Kanyang gawain sa mga huling araw ay ang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao. Kapag nakakaranas tayo ng karamdaman, nasa loob nito ang mabubuting layunin ng Diyos; dapat nating hanapin ang katotohanan at tularan ang halimbawa ng pananalig ni Job. Hinarap ni Job ang napakalaking mga pagsubok at nagkaroon ng mga pigsa sa buong katawan niya, at nang hindi na niya ito makayanan, umupo siya sa abo at kinamot ang sarili niya gamit ang isang biyak na palayok. Nang himukin si Job ng asawa niya na talikuran ang kanyang pananampalataya sa Diyos, sinabi niyang, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Si Job ay walang anumang uri ng maling pagkaunawa o paninisi sa Diyos—nagpatuloy siyang panatilihin ang kanyang pananampalataya. Pero ako, sinisi ko ang Diyos sa sandaling nagkaroon ako ng hyperthyroidism. Nakita ko kung gaano kaliit ang pananalig ko sa Diyos, at kung paanong hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos. Para iligtas tayo, ang Diyos ay nagkatawang-tao at pumarito sa lupa, pinapasan ang napakalaking kahihiyan, tinitiis ang pang-aapi at panunupil ng Partido Komunista at ang pagtanggi ng mundo ng relihiyon. Isinakripisyo ng Diyos ang lahat para iligtas ang sangkatauhan, pero naging negatibo ako dahil lang sa kaunting pagdurusa, at sinisi ko pa ang Diyos. Malaki ang pagkakautang ko sa Diyos. Tapos naisip ko ang mga banal sa nakalipas na mga panahon na inusig at minartir para sa Diyos. Nagpatotoo sila para sa Diyos gamit ang mismong buhay nila—wala nang mas marangal pa kaysa roon. Kahit na ang buong pamilya namin ay inuusig ng Partido Komunista, nagkaroon kami ng pagkakataon na magpatotoo para sa Diyos. Ito ang pagtataas ng Diyos. Batay sa sarili naming karumihan at katiwalian, batay sa aming identidad, hindi kami karapat-dapat na magbigay ng patotoo para sa Diyos. Nang maunawaan ko na ang kalooban ng Diyos, hindi na masyadong masama ang pakiramdam ko. Nalaman ng isang sister ang tungkol sa problema ko sa kalusugan at kumuha ng ilang gamot para sa akin sa ospital, at dinala ito para sa akin. Unti-unting bumuti ang pakiramdam ko araw-araw. Tunay akong nagpapasalamat sa Diyos!

Ilang taon akong nagtatago, at para maiwasan ang paghahanap at pang-aaresto ng mga pulis, nagtago ako sa mga kahon at mga bodega ng patatas, at sa pamamagitan ng mahimalang proteksyon ng Diyos, naiwasan ko ang sunud-sunod na mapanganib na sitwasyon. Noong Disyembre 2008, iniulat ako dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Lubhang tensiyonado ang sitwasyon—nagdala ng mga pulis ang mga relihiyosong pari para arestuhin kami. Pinaghahanap ako, kaya kung talagang huhulihin nila ako, tiyak na hindi ako basta pakakawalan ng mga pulis. Agad akong dinala ng mga kapatid sa isang lihim at maliit na nayon, at dinalhan ako ni Sister Li Xinyu ng ilang pagkain at iba pang pangangailangan. Pero pagkaraan ng ilang buwan, biglang tumigil si Xinyu sa pagpunta—hindi ko alam kung bakit. Nagsunog sila ng pinatuyong dumi ng baka para sa init sa lugar na iyon. Noong Disyembre ay malamig, at 20 degrees below zero ito. Gumagamit ako ng mas kaunting dumi ng baka kapag mukhang masusunog na ito. Ang lamig talaga sa loob at may hamog na nagyeyelo sa mga dingding. At kapag ako ay bumabangon sa umaga, natatakpan ang ulo ko ng hamog na nagyeyelo. Umasa akong magpapakita si Xinyu sa lalong madaling panahon, pero naghintay ako nang naghintay, at hindi siya kailanman nagpakita. Sa sobrang lamig ay paulit-ulit akong nagplakad-lakad sa bahay. Iniisip ko na isa akong estranghero sa lugar na iyon. Ni hindi ako nangahas na lumabas para bumili ng panggatong at hindi ko mahanap ang ibang mga kapatid. Ang lugar na iyon ay natatakpan ng niyebe at walang paraan para lumabas ako upang makakuha ng panggatong. Kung hindi darating si Xinyu, ano ang magagawa ko? Mamamatay na lang ba ako sa lamig doon? Iniwan akong nanlalamig at walang magawa ng isiping iyon. Nagdasal at tumawag ako sa Diyos sa puso ko nang paulit-ulit. Tapos naisip ko ang propetang si Elias—noong siya ay nasa ilang na walang makain o mainom, inutusan ng Diyos ang mga uwak na dalhan siya ng tinapay at karne para pakainin siya. Hindi ba isa itong bagay na ginawa ng Diyos Mismo noong unang panahon? Paanong wala akong pananalig sa Diyos noong nahaharap ako sa ganoong sitwasyon? Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi…. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Ang pagbabasa nito ay agad na nagbigay-liwanag sa akin. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon bilang isang tagapagsilbi sa Kanyang gawain ng pagkumpleto ng isang grupo ng mga mananagumpay. Isa akong tiwaling tao, kaya ang pagkakaroon ng pagkakataong maranasan ang gawain ng Diyos, magpatotoo para sa Diyos sa ilalim ng pang-aapi at pang-aaresto ng malaking pulang dragon ay isang karangalan mula sa Diyos, at ito ay katumbas ng anumang tindi ng pagdurusa! Nang matanto iyon, nagdasal ako sa Diyos, na handang magpasakop sa Kanyang paghahari at mga pagsasaayos. Kahit na mamatay ako sa lamig doon, hindi ako magrereklamo. Sa sandaling nagpasakop ako, isang sister ang nagpakita nang hindi inaasahan. Nalaman ko na sinusubaybayan ng mga pulis si Xinyu, kaya hindi siya nakabalik, natatakot na madawit ako. Nakita ng sister na iyon kung gaano kalamig ang lugar at isinama ako para tumuloy sa tahanan niya. Sinabi niya sa akin na ang asawa niya ay hindi isang mananampalataya at hindi nagtrabaho nang maraming taon. Determinado itong lumabas para magtrabaho ngayon at hindi na nagpapigil. Imposibleng makakapunta ako roon kung nasa bahay ang asawa niya—ito talaga ang Diyos na nagbukas ng landas para sa akin! Nang marinig ko ang sinabi niya, sa sobrang tuwa ko ay tumulo ang luha sa mga mata ko. Nakita ko na nagsaayos na ang Diyos ng mga bagay-bagay para sa akin—wala lang talaga akong pananalig, kaya naging negatibo ako at mahina nang magkaroon ako ng ilang suliranin. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay at totoo kong naranasan ito.

Noong 2014, pinalakas ng Partido Komunista ang pag-uusig nito laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, pinapakilos ang mga armadong pulis nito para malupit na arestuhin ang mga Kristiyano sa buong bansa. Nagsimula akong mag-alala ulit para sa mga anak ko, at hindi ko alam kung ano ang kalagayan nila noong panahong iyon. Tapos isang araw habang nanonood ng video kasama ang mga sister, biglang may nagflash na eksena na parang nandoon ang panganay kong anak. Halos hindi ko mapaniwalaan ang mga mata ko—kinusot ko ang mga mata ko at muling tinitigan ang video, takot akong may makaligtaan. Hindi nagtagal, lumitaw muli ang anak ko, at sa pagkakataong ito ay malinaw ang kuha. Nasisiguro akong siya iyon. Napatili ako, “Oh wow!” at tapos sumigaw ng, “Anak ko, anak ko! Nakaalis siya ng bansa!” Pagkatapos na pagkatapos no’n, may isa pang eksena ang nag-flash kung saan nakita ko ang nakababata kong anak na lalaki. Sa sobrang tuwa ko ay napatalon ako sa kinauupuan ko. Kailan sila umalis ng Tsina? Talagang makapangyarihan sa lahat ang Diyos! Patuloy akong nanood at nakita ko rin ang aking manugang. Lahat sila ay umalis ng bansa at hindi ko na kailangang mag-alala tungkol sa kanilang kaligtasan. Labis akong naantig na nanlabo ang paningin ko dahil sa mga luha, at tahimik akong nagpapasalamat sa Diyos nang paulit-ulit. Masaya ring pinupuri ng mga sister ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Ang aking dalawang anak na lalaki at ang aking manugang na babae ay pawang pinaghahanap ng Partido Komunista, ngunit nakatakas sila sa ibang bansa, mula mismo sa ilalim ng pagbabantay ng Partido—ito ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Dati, lagi akong nag-aalala para sa kaligtasan ng mga anak ko, pero noong araw na iyon ay nakita ko na gaano man kalupit si Satanas, nasa ilalim pa rin ito ng kontrol ng Diyos. Kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, hindi tayo masusunggaban ni Satanas. Ang pagkaunawa nito ay nagpatibay ng aking pananalig sa Diyos.

Pagkatapos ng 16 na taon ng pagtatago, noong 2018, ang anak kong babae ay nangahas umuwi para alamin kung ano na ang nangyayari, at nagdala siya ng masaklap na balita—ang aking 12-taong-gulang na apo ay hindi nakayanan ang pag-uusig ng malaking pulang dragon, at nagpakamatay. Matapos makatakas ang aking panganay na anak na lalaki, ang mga pulis ay patuloy palang pumupunta sa bahay ko at sa paaralan, nagbabanta at nananakot sa apo ko, sinusubukang pilitin siyang ibunyag ang kinaroroonan ng kanyang ama, sinasabing ikukulong nila siya habambuhay kung hindi niya sasabihin sa kanila. Natakot siya, kaya nagsimula siyang magkaroon ng bangungot parati. Hinimok din ng pulisya ang kanyang mga guro na ipatakwil at ipaapi siya sa mga kaklase niya. Natakot siya sa kanyang mga guro at kaklase, at mas natakot na makita ang mga pulis na hindi tumitigil sa pagtatanong at pamamahiya sa kanya. Pagkatapos ng apat na taong takot sa ilalim ng pang-aapi at pananakot ng mga pulis, talagang hindi na kinaya ng apo ko sa huli. Nagbigti siya, nagpakamatay sa bahay. Parang lumobo ang ulo ko nang marinig ko ang balita at muntik na akong mawalan ng malay. Ilang sandali akong hindi nakabawi. Ang Partido Komunista, ang matandang demonyo, ay hindi lamang pinaghiwa-hiwalay ang buong pamilya namin, pati ang maliit kong apo ay hindi pinalagpas. Siya ay 12 taong gulang pa lamang, nasa edad na punong-puno ng saya at paglaki, pero tinulak siya sa kamatayan ng Partido Komunista. Lubos akong nagdalamhati, at puno ng galit para sa mala-demonyong Partido Komunista. Nang makita ng aking anak na babae kung gaano kasakit ang nararamdaman ko, binasa niya ang siping ito ng mga salita ng Diyos para sa akin: “Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang Partido Komunista ay kaaway ng Diyos—ito ay isang demonyo na sumasalungat sa Diyos at kumakain ng mga tao. Gustong-gusto nitong hulihin ang lahat ng mananampalataya at ganap na wasakin ang gawain ng Diyos—sabik na sabik itong kontrolin ang buong sangkatauhan magpakailanman. Ang Diyos ay gumagawa sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan, at ang Partido Komunista ay galit na galit na sinusubukang pigilan iyon, na gambalain iyon. Desperado itong tuluyang lipulin ang lahat ng mananampalataya—hindi man lang nila pakakawalan ang isang 12-anyos na bata. Inusig nila kami hanggang sa hindi na makauwi ang aming pamilya, na nagkawatak-watak kami at namatay ang apo ko. Napakasama ng Partido Komunista, napakamapanira at walang pagsasaalang-alang sa buhay ng tao. Ito ang prinsipe ng mga demonyo na papatay ng mga tao nang hindi kumukurap. Kinamumuhian ko ito mula sa kaibuturan ng aking puso, at habang patuloy akong inuusig nito sa ganitong paraan, mas determinado akong sumunod sa Diyos at ipahiya ang matandang diyablo na ito.

Tinutugis pa rin ng Partido Komunista ang pamilya namin, hanggang ngayon. Sa pagbabalik-tanaw sa 19 na taong buhay ng pagtatago, ang mga salita ng Diyos ay gumagabay at nagbibigay-liwanag sa akin, nagkakaloob sa akin ng pananalig at lakas, umaakay sa akin hanggang sa kasalukuyan. Kung wala ang proteksyon ng Diyos, kung wala ang mga salita ng Diyos na gumagabay sa akin at nagtutustos sa’kin, baka matagal ko nang nilisan ang mundong ito, na namatay na sana ako o nabaliw. Ang Partido Komunista ay galit na galit na tinutugis kami sa lahat ng posibleng paraan, dahil lang kami ay mga nananalig sa Diyos, iniwan akong hindi na makauwi at pinaghiwa-hiwalay ang pamilya ko. Napakamalisyoso ng Partido Komunista—ito ay isang demonyong napopoot sa Diyos, laban sa Diyos. Tinatalikdan ko ito at tinatanggihan mula sa kaibuturan ng puso ko! Ang maging mapalad na mabuhay hanggang sa araw na ito ay ganap na dahil sa pagmamalasakit at proteksyon ng Diyos. Ang Diyos lamang ang tunay na nagmamahal sa mga tao, at ang Diyos lamang ang tunay na makapagliligtas sa mga tao. Nakita ko kung gaano kakaibig-ibig ang Diyos, at gaano man kabigat, gaano man maging mahirap ang mga bagay-bagay, susunod ako sa Diyos hanggang sa pinakahuli, gagawin ko ang tungkulin ko, at susuklian ang pagmamahal ng Diyos! Salamat sa Diyos!

Sinundan: 47. Nagdudulot Lamang ng Pasakit ang Pagsisinungaling

Sumunod: 49. Ang mga Araw na Iyon ng Pakikipaglaban para sa Reputasyon at Pakinabang

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito