21. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang mga Mananampalataya sa Diyos ay Mabubuti na ang Pag-uugali at Nagbago na, Kaya Hindi na Nila Kailangang Tanggapin ang Paghatol at Pagdadalisay sa mga Huling Araw”
Iniisip ng mga tao sa mundo ng relihiyon na: “Mula nang sumampalataya kami sa Panginoon, naging mapagpakumbaba at matiyaga kami, minahal namin ang aming mga kaaway, pinasan ang krus, tinalikuran ang mga makamundong bagay, at gumawa at nangaral para sa Panginoon. Nagkaroon na kami ng kaunting pagbabago. Pagdating ng Panginoon, dadalhin kami sa kaharian ng langit—bakit mo sinasabi na kailangan naming tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw upang maging dalisay?”
Mga Salita Mula sa Bibliya
“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23).
“Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman” (Juan 8:34–35).
“Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway” (Mga Hebreo 10:26–27).
“Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito’y sinoman ay di makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ganoon ba kadaling magawang perpekto sa harap ng Diyos gaya ng isang banal o isang taong matuwid? Isang katotohanan na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Kapag haharap kayo sa Diyos, isaalang-alang ninyo ang inyong kasuotan, ang inyong bawa’t salita at pagkilos, ang lahat ng inyong mga iniisip at mga ideya, maging ang mga pangarap na pinapangarap ninyo araw-araw—lahat ng mga iyon ay para sa inyong sariling kapakanan. Hindi ba ito ang totoong kalagayan ng mga bagay-bagay? Ang “pagkamatuwid” ay hindi nangangahulugang pagbibigay ng limos sa iba, ito ay hindi nangangahulugan ng pag-ibig mo sa iyong kapwa gaya ng sa iyong sarili, at hindi ito nangangahulugan ng pag-iwas sa pag-aaway at pagtatalo o pagnanakaw at pag-uumit. Ang pagkamatuwid ay nangangahulugan na tinatanggap mo ang atas ng Diyos bilang iyong tungkulin at sinusunod ang mga pagsasaayos ng Diyos bilang isang tungkulin mula sa langit, kailan man o saan man, tulad lamang ng lahat ng ginawa ng Panginoong Jesus. Ito ang pagkamatuwid na sinabi ng Diyos. Maaaring tawaging matuwid si Lot dahil iniligtas niya ang dalawang anghel na isinugo ng Diyos nang hindi alintana kung ano ang natamo niya o nawala sa kanya; masasabi lamang na ang ginawa niya sa panahong iyon ay matatawag na matuwid, ngunit hindi siya matatawag na taong matuwid. Dahil lamang nakita ni Lot ang Diyos kung kaya ibinigay niya ang kanyang dalawang anak na babae kapalit ng mga anghel, ngunit hindi lahat ng kanyang pag-uugali noong nakaraan ay kumatawan sa pagkamatuwid. Kaya sinasabi Ko na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa.” Kahit sa kalagitnaan ng mga nasa daloy ng pagbuti, walang sinuman ang matatawag na matuwid. Gaano man kahusay ang iyong mga pagkilos, kahit gaano mo ipinakikitang niluluwalhati mo ang pangalan ng Diyos, hindi sinasaktan ni sinusumpa ang iba, o nagnanakaw o nang-uumit sa iba, hindi ka pa rin matatawag na matuwid, dahil ang gayong mga bagay ay maaangkin ng sinumang normal na tao. Ngayon, ang mahalaga ay hindi mo kilala ang Diyos. Masasabi lamang na sa ngayon ay mayroon kang maliit na normal na pagkatao, subali’t ikaw ay salat sa pagkamatuwid na sinalita ng Diyos, kung kaya wala sa mga ginagawa mo ang makapagpapatunay na kilala mo ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, habang nakatuon sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at talikuran ang kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang ugaling pangkaisipan, at tunay ngang ang dati nilang likas na pagkatao, ay hindi pa napakitunguhan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang larawan ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyunal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang kalooban. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagtukoy, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang kalooban ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang orihinal na larawan, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang walang katuturan ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa kalooban ng Diyos. Gaano kasaya man silang nagdurusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang larawan ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa lahat ng dako; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pakikitungo o pagtatabas, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagtatabas at pakikitungo, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang paraan ng pagsunod mo sa Diyos kung gayon ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa maliit na patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay buong buhay na nagdusa at gumugol ng oras sa bilangguan; lagi silang matiisin, mapagmahal, at nagpapasan ng krus, nililibak sila at itinatakwil ng mundo, nagdaranas ng lahat ng hirap, at bagama’t masunurin sila hanggang sa huli, hindi pa rin sila nalulupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating pag-iisip, mga kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at mga ideya ng tao ang napakitunguhan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa kalooban ng Diyos. May silbi ba ito sa Diyos? Anuman ang kaalaman mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at ideya anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at kung nabigo kang malaman ang tunay na larawan at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at nagmumula pa rin sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, hindi ka pa nalulupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para malaman mo na upang maakay ka ng kaalamang ito sa isang bago at tumpak na kaalaman; ang mga ito ay para alisin rin ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong masunurin, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay unti-unting makakaayon sa layunin, unti-unting magagawang tuparin ang kalooban ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3
Ang pagbabagong-anyo ng disposisyon ng tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pag-iiba na ibinunga ng sigasig. Gaano man kabuti ang mga pagbabagong ito, hindi mapapalitan ng mga ito ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay, dahil ang mga panlabas na pagbabagong ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, pero hindi makakamtan ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng isang tao. Kailangang maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos para makamtan ito, gayundin ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kahit nagpapakita ng kaunting mabubuting pag-uugali ang mga taong nananalig sa Diyos, wala ni isa man sa kanila ang tunay na sumusunod sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, o nakagagawa ng kalooban ng Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil kailangan nito ng pagbabago sa disposisyon sa buhay, at ang pagbabago lang sa ugali ay hinding-hindi sasapat. Ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na mayroon kang kaalaman at karanasan sa katotohanan, at na naging buhay mo na ang katotohanan, na maaari nitong patnubayan at pangibabawan ang iyong buhay at lahat ng tungkol sa iyo. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon mo sa buhay. Ang mga tao lamang na nagtataglay sa katotohanan bilang buhay ay mga taong nagbago na ang mga disposisyon. Dati, maaaring mayroong ilang katotohanan na hindi mo maisagawa kapag naunawaan mo ang mga iyon, pero ngayon naisasagawa mo na ang anumang aspeto ng katotohanang nauunawaan mo nang walang mga sagabal o paghihirap. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, natutuklasan mong napupuno ka ng kapayapaan at kasayahan, pero kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, nasasaktan ka at nababagabag ang konsensya. Nakapagsasagawa ka ng katotohanan sa lahat ng bagay, nakakapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at mayroon kang pundasyon sa pamumuhay. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Madali mo nang napapakawalan ngayon ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga kagustuhan at hangarin ng laman, at ang mga bagay na hindi mo mapakawalan dati. Nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay totoong mabuti, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamainam na gawin. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Parang napakasimple ng isang pagbabago sa disposisyon, pero ang totoo ay isang proseso ito na nangangailangan ng maraming karanasan. Sa panahong ito, kailangang dumanas ng maraming hirap ang mga tao, kailangan nilang pigilan ang sarili nilang katawan at talikdan ang kanilang laman, kailangan din nilang dumanas ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, pagwawasto, mga pagsubok, at pagpipino, at kailangan din nilang dumanas ng maraming kabiguan, pagbagsak, pagtatalo ng kalooban, at paghihirap sa kanilang puso. Pagkatapos nilang maranasan ang mga ito, saka lang magkakaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nilang likas na pagkatao, pero ang kaunting pagkaunawa ay hindi agad-agad na nagbubunga ng lubos na pagbabago; kailangan nilang dumaan sa mahabang panahon ng karanasan bago nila maiwaksi nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Naglalagay ang karamihan ng mga tao ng natatanging diin sa paggawi sa kanilang paniniwala sa Diyos, na ang nagiging resulta ay ang pagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang magsimulang manalig sa Diyos, tumigil sila sa paninigarilyo at pag-inom, at hindi na sila nakikipaglaban sa iba, mas pinipiling maging mapagpasensya kapag dumaranas sila ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao ay nadarama na sa sandaling manalig sila sa Diyos, nauunawaan na nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos; na naranasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon na sila ng tunay na kasiyahan sa kanilang mga puso, na ginagawa silang partikular na masigasig, at wala silang hindi kayang talikdan o pagdusahan. Gayunman, matapos manalig sa loob ng walo, sampu, o kahit dalawampu o tatlumpung taon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay, nauwi sila sa pagbabalik sa dating mga gawi; lalong lumilitaw ang kanilang kayabangan at kapalaluan, nagsisimula silang makipagpaligsahan para sa kapangyarihan at pakinabang, pinag-iimbutan nila ang salapi ng iglesia, kinaiinggitan nila ang mga nagsamantala sa sambahayan ng Diyos. Sila ay nagiging mga parasito at salot sa loob ng sambahayan ng Diyos, at ang ilan ay inilalantad pa nga at pinalalayas bilang mga huwad na lider at anticristo. At ano ang pinatutunayan ng mga katotohanang ito? Ang mga pagbabago lang sa ugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, sa malaon at madali ay ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa ugali ay ang kasigasigan, at sinamahan ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, nagiging napakadali para sa kanila na maging masigasig o magkaroon ng mabubuting intensyon sa loob ng maiksing panahon. Katulad ng sinasabi ng mga hindi nananalig, “Madali ang paggawa ng isang mabuting gawa; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting gawa nang buong buhay nila? Dahil ang mga tao ay likas na masama, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng isang tao, gayundin ang ugali na kanyang ibinubunyag, at iyon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting gawi—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at debosyon sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa ugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay binibigyang-liwanag o pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagpapahayag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang disposisyon sa buhay ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na sinusunod niya ang Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa disposisyon sa buhay at hindi ito maaaring ituring bilang mga pagpapahayag ng buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa huli ay sasabihin ng ilang tao, “Napakarami kong nagawang gawain para sa Iyo, at bagama’t maaaring wala akong nagawang naging tanyag, naging masigasig pa rin ako sa aking mga pagsisikap. Hindi Mo ba ako maaaring papasukin na lamang sa langit para kainin ang bunga ng buhay?” Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at maaaring madalisay ang tao. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay panlulupig at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa pagtalikod sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagsunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga kuru-kuro, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagsunod sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga at palaging iniisip ang pag-iwas sa mga ito, o paghahanap ng isang bagong daan bukod sa mga ito, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Kaugnay na mga Himno
Tanggapin ang Paghatol ni Cristo ng mga Huling Araw upang Mapadalisay
Diyos ang Nagpapasiya sa Katapusan ng Tao Batay sa Kung Taglay Nila ang Katotohanan