22. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Diyos ay Trinidad”

Naniniwala ang mundo ng relihiyon na: “Si Jesus ay si Kristo lamang, Siya ay Anak ng Diyos, sapagkat matapos Siyang mabuhay na mag-uli, umupo Siya sa kanang kamay ng Diyos. Kung Siya ang Diyos Mismo, bakit Siya mananalangin sa Diyos Ama? Sinabi rin ni Jesus, ‘Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo(Mateo 28:19).” Dahil dito, naniniwala sila na ang Diyos ay trinidad.

Mga Salita Mula sa Bibliya

“Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ’di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon Siya’y inyong mangakikilala, at Siya’y inyong nakita. Sinabi sa Kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na ito sa amin. Sinabi sa kanya ni Jesus, Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi Mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi Ko sinasalita sa Aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng Kanyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa Akin na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin: o kundi kaya’y magsisampalataya kayo sa Akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:6–11).

“Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Umiiral Ba ang Trinidad?

Pagkatapos mangyari ang katotohanan na si Jesus ay naging tao, pinaniwalaan ng tao na hindi lamang ang Ama ang nasa langit, kundi pati ang Anak, at maging ang Espiritu. Ito ang karaniwang kuru-kuro ng tao, na may isang Diyos na ganito sa langit: isang tatlong-personang Diyos na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ito ang mga kuru-kuro ng buong sangkatauhan: Ang Diyos ay iisang Diyos, ngunit binubuo ng tatlong bahagi, na iniisip ng lahat ng hindi matinag sa karaniwang mga kuru-kuro na ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang tatlong bahaging iyon lamang na pinag-isa ang kabuuan ng Diyos. Kung wala ang Banal na Ama, hindi magiging buo ang Diyos. Gayundin, hindi magiging buo ang Diyos kung wala ang Anak o ang Banal na Espiritu. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala sila na hindi maituturing na Diyos ang Ama lamang ni ang Anak lamang. Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu na magkakasama lamang ang maituturing na Diyos Mismo. Ngayon, lahat ng relihiyosong mananampalataya, at maging ang bawat tagasunod sa inyo, ay ganito ang paniniwala. Subalit, hinggil sa kung tama ang paniniwalang ito, walang sinumang makapagpapaliwanag, sapagkat palagi kayong nalilito tungkol sa mga bagay na patungkol sa Diyos Mismo. Bagama’t ang mga ito ay mga kuru-kuro, hindi ninyo alam kung tama ang mga ito o mali, sapagkat masyado na kayong nahawahan ng mga relihiyosong kuru-kuro. Napakalalim na ng pagtanggap ninyo sa mga karaniwang kuru-kuro na ito ng relihiyon, at nakapasok na nang husto ang lasong ito sa inyong kalooban. Samakatuwid, sa bagay na ito ay bumigay na rin kayo sa mapaminsalang impluwensiyang ito, sapagkat wala naman talagang tatlong-personang Diyos. Ibig sabihin, wala talagang Trinidad na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Lahat ng ito ay mga karaniwang kuru-kuro ng tao, at mga maling paniniwala ng tao. Sa loob ng maraming siglo, naniwala na ang tao sa Trinidad na ito, bunga ng mga kuru-kuro sa isipan ng tao, na gawa-gawa ng tao, at hindi pa dating nakita ng tao. Sa maraming taong nagdaan, marami nang tagapaglahad ng Bibliya ang nagpaliwanag sa “tunay na kahulugan” ng Trinidad, ngunit ang gayong mga paliwanag tungkol sa tatlong-personang Diyos bilang tatlong magkakaibang persona na may iisang diwa ay malabo at hindi malinaw, at nalilito ang lahat ng tao sa “kabuuan” ng Diyos. Wala pang dakilang tao na nakapagbigay ng isang masusing paliwanag kailanman; karamihan sa mga paliwanag ay pasado sa larangan ng pangangatwiran at sa papel, ngunit wala ni isang tao ang may lubos na malinaw na pagkaunawa sa kahulugan nito. Ito ay dahil wala talaga ang dakilang Trinidad na ito na nasasapuso ng tao. Sapagkat wala pang nakakita sa totoong mukha ng Diyos, ni wala pang naging mapalad na umakyat sa tahanan ng Diyos para bumisita upang suriin kung anong mga bagay ang nasa lugar na kinaroroonan ng Diyos, upang malaman kung ilang libo o milyong henerasyon ang nasa “bahay ng Diyos” o upang siyasatin kung ilang bahagi ang bumubuo sa likas na kabuuan ng Diyos. Ang dapat suriin una sa lahat ay ito: ang edad ng Ama at ng Anak, maging ng Banal na Espiritu; ang kanya-kanyang anyo ng bawat persona; paano talaga nangyari na magkakahiwalay Sila, at paano nangyari na naging isa Sila. Sa kasamaang-palad, sa lahat ng maraming taong ito, wala ni isang taong nakaalam sa katotohanan ng mga bagay na ito. Lahat ng ito ay haka-haka lamang, sapagkat wala pa ni isang taong nakaakyat sa langit para bumisita at bumalik na may dalang “masusing pag-uulat” para sa buong sangkatauhan upang iulat ang katotohanan nito sa lahat ng masigasig at debotong relihiyosong mananampalataya na nag-aalala tungkol sa Trinidad. Siyempre pa, hindi maaaring ibunton ang sisi sa tao sa pagbubuo ng gayong mga kuru-kuro, sapagkat bakit hindi nagpasama ang Amang si Jehova sa Anak na si Jesus nang likhain Niya ang sangkatauhan? Kung nangyari ang lahat, sa simula, sa pangalan ni Jehova, mas maigi sana. Kung kailangan mang manisi, isisi na lamang ito sa panandaliang pagkalimot ng Diyos na si Jehova, na hindi tinawag ang Anak at ang Banal na Espiritu sa Kanyang harapan sa panahon ng paglikha, kundi sa halip ay isinagawang mag-isa ang Kanyang gawain. Kung sabay-sabay Silang lahat na gumawa, hindi ba Sila magiging isa? Kung ang pangalang Jehova lamang ang mayroon, sa simula pa lamang hanggang sa katapusan, at wala ang pangalan ni Jesus mula sa Kapanahunan ng Biyaya, o kung tinawag pa rin Siyang Jehova noon, hindi ba hindi na sana nagdusa ang Diyos sa paghahating ito ng sangkatauhan? Para sigurado, hindi maisisisi kay Jehova ang lahat ng ito; kung kailangan mang manisi, isisi na lamang ito sa Banal na Espiritu, na sa loob ng libu-libong taon ay nagpatuloy sa Kanyang gawain sa pangalan ni Jehova, ni Jesus, at maging ng Banal na Espiritu, na nakagulo at nakalito sa tao kaya hindi malaman ng tao kung sino talaga ang Diyos. Kung ang Banal na Espiritu Mismo ay nakagawa nang walang anyo o larawan, at bukod pa riyan, nang walang pangalan tulad ng Jesus, at hindi Siya mahipo o makita ng tao, kundi naririnig lamang ang mga tunog ng kulog, hindi ba naging mas kapaki-pakinabang sana sa sangkatauhan ang ganitong klaseng gawain? Kaya ano ang magagawa ngayon? Ang mga kuru-kuro ng tao ay natipon nang kasintaas ng bundok at kasinglawak ng dagat, hanggang sa hindi na matiis ng Diyos ng kasalukuyan ang mga iyon at ganap nang naguguluhan. Noong araw na si Jehova, si Jesus, at sa pagitan Nila, ang Banal na Espiritu pa lamang, hindi na alam ng tao kung paano iyon kakayanin, at ngayon ay nadagdag pa ang Makapangyarihan sa lahat, na diumano’y bahagi rin ng Diyos. Sino ang nakakaalam kung sino Siya at sa kaninong persona ng Trinidad Siya nakikihalo o nakatago kung ilan mang taon? Paano ito natitiis ng tao? Ang tatlong-personang Diyos lamang ay sapat na upang habambuhay na ipaliwanag ng tao, ngunit ngayon ay mayroon pang “isang Diyos sa apat na persona.” Paano ito maipapaliwanag? Maipapaliwanag mo ba ito? Mga kapatid! Paano ninyo napaniwalaan ang gayong Diyos hanggang sa araw na ito? Saludo Ako sa inyo. Ang tatlong-personang Diyos ay sapat nang tiisin; paano kayo patuloy na nagkakaroon ng gayong di-natitinag na pananampalataya rito sa iisang Diyos sa apat na persona? Hinimok na kayong lumabas, subalit ayaw ninyo. Hindi kapani-paniwala! Ibang klase talaga kayo! Ang isang tao ay talagang maaaring umabot sa paniniwala sa apat na Diyos at balewalain lamang ito; sa palagay ba ninyo hindi ito isang himala? Kung titingnan kayo, walang makakaalam na kaya ninyong gumawa ng gayon kalaking himala! Sinasabi Ko sa inyo, sa totoo lang, na walang tatlong-personang Diyos saanman sa sansinukob na ito. Ang Diyos ay walang Ama at walang Anak, at lalo nang walang konsepto na parehong kinakasangkapan ng Ama at ng Anak ang Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ang pinakamalaking maling paniniwala sa mundong ito at sadyang hindi umiiral! Subalit kahit ang gayong kamalian ay may pinagmulan at hindi lubos na walang batayan, sapagkat ang inyong isipan ay hindi napakapayak, at ang inyong mga ideya ay hindi walang dahilan. Sa halip, medyo angkop at malikhain ang mga iyon, kaya nga hindi kayang pasukin ang mga iyon kahit ng sinumang Satanas. Ang nakakaawa, ang mga ideyang ito ay pawang mga kamalian at talagang hindi umiiral! Ni hindi pa ninyo nakikita man lamang ang tunay na katotohanan; gumagawa lamang kayo ng mga haka-haka at imahinasyon, pagkatapos ay pinagtatagni-tagni lamang ninyong lahat ito sa isang kuwento upang makuha ang tiwala ng iba at makapangibabaw sa mga pinakahangal sa mga tao na walang talino o katwiran, para maniwala sila sa inyong kahanga-hanga at kilalang “mga turo ng eksperto.” Katotohanan ba iyan? Ito ba ang daan ng buhay na dapat matanggap ng tao? Kalokohang lahat iyan! Wala ni isang salita ang angkop! Sa loob ng maraming taong ito, pinaghati-hati na ninyo ang Diyos sa ganitong paraan, paliit nang paliit ang pagkakahati sa bawat henerasyon, hanggang sa ang iisang Diyos ay hayagang mahati-hati sa tatlong Diyos. At ngayon ay talagang imposibleng pag-isahing muli ng tao ang Diyos, sapagkat hinati-hati na ninyo Siya nang pinung-pino! Kung hindi sa mabilis Kong paggawa bago mahuli ang lahat, mahirap sabihin kung gaano katagal kayo magpapatuloy nang walang pakundangan sa ganitong paraan! Sa patuloy ninyong paghahati-hati sa Diyos sa ganitong paraan, paano Siya magiging Diyos pa rin ninyo? Makikilala pa rin ba ninyo ang Diyos? Mahahanap pa rin ba ninyo ang inyong mga pinagmulan? Kung nahuli pa Ako ng dating, malamang na naipadala na ninyo ang “Ama at Anak,” si Jehova at si Jesus, pabalik sa Israel at sinabi na kayo mismo ay bahagi ng Diyos. Mabuti na lamang, mga huling araw na ngayon. Sa wakas, dumating na rin ang araw na pinakahihintay Ko, at pagkatapos lamang isagawa ng sarili Kong kamay ang yugtong ito ng gawain natigil ang paghahati-hati ninyo sa Diyos Mismo. Kung hindi dahil dito, namayagpag na kayo, ipinapatong pa ninyo ang lahat ng Satanas sa inyo sa inyong hapag para sambahin. Pakana ninyo ito! Ito ang paraan ninyo ng paghahati-hati sa Diyos! Patuloy pa ba ninyong gagawin ito ngayon? Tatanungin Ko kayo: Ilan ba ang Diyos? Aling Diyos ang maghahatid sa inyo ng kaligtasan? Ang unang Diyos ba, ang pangalawa, o ang pangatlo na lagi ninyong dinadasalan? Alin ang palagi ninyong pinaniniwalaan? Ang Ama ba? O ang Anak? O ang Espiritu? Sabihin mo sa Akin kung sino ang pinaniniwalaan mo. Bagama’t sa bawat salitang sinasabi ninyo na naniniwala kayo sa Diyos, ang talagang pinaniniwalaan ninyo ay ang sarili ninyong utak! Wala talaga kayong Diyos sa inyong puso! Magkagayunman, nasa isipan ninyo ang ilang gayong mga Trinidad! Hindi ba kayo sumasang-ayon?

Kung ang tatlong yugto ng gawain ay sinusuri alinsunod sa konseptong ito ng Trinidad, kailangan ay may tatlong Diyos dahil ang gawaing isinasagawa ng bawat isa ay hindi magkakapareho. Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag ninyo kung ano talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang diwa ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinagawa ng isang Espiritu na katulad ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroon ngang tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos. Ibig sabihin, walang kaisa-isang tunay na Diyos; paano pa magkakaroon ng likas na diwa ng Diyos ang ganitong uri ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya magkakaroon ng isang anak at magiging isang ama? Hindi ba mga kuru-kuro mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, dahil nakasulat sa Bibliya na “Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.” Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman pala ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang maging tao at mamuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Ang Kanyang Espiritu ay sakop ang lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa loob at ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi maaaring paghati-hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos. Kung tama ang sinasabi mong, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, hindi ba tatlong Diyos Sila? Ang Banal na Espiritu ay isa, ang Anak ay isa pa, at ang Ama ay isa pa rin. Ang mga persona Nila ay magkakaiba at ang mga diwa Nila ay magkakaiba, kaya paano naging bahagi ng iisang Diyos ang bawat isa sa Kanila? Ang Banal na Espiritu ay isang Espiritu; madali itong maunawaan ng tao. Kung gayon, lalo nang ang Ama ay isang Espiritu. Hindi pa Siya nakababa sa ibabaw ng lupa kailanman at hindi pa naging tao kailanman; Siya ang Diyos na si Jehova sa puso ng tao, at tiyak na Siya ay isa ring Espiritu. Kung gayon ano ang relasyon Niya sa Banal na Espiritu? Iyon ba ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak? O ito ba ang relasyon sa pagitan ng Banal na Espiritu at ng Espiritu ng Ama? Magkapareho ba ang diwa ng bawat Espiritu? O ang Banal na Espiritu ba ay isang kasangkapan ng Ama? Paano ito maipaliliwanag? At ano naman ang relasyon sa pagitan ng Anak at ng Banal na Espiritu? Iyon ba ay relasyon sa pagitan ng dalawang Espiritu o relasyon sa pagitan ng isang tao at ng isang Espiritu? Lahat ng ito ay mga bagay na hindi maaaring ipaliwanag! Kung lahat Sila ay iisang Espiritu, walang magiging usapan tungkol sa tatlong persona, sapagkat nagtataglay Sila ng iisang Espiritu. Kung Sila ay magkakaibang persona, magkakaiba-iba ang lakas ng Kanilang Espiritu, at talagang hindi Sila maaaring maging iisang Espiritu. Ang konseptong ito tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay lubhang katawa-tawa! Pinaghihiwa-hiwalay nito ang Diyos at pinaghahati-hati Siya sa tatlong persona, bawat isa ay may isang katayuan at Espiritu; kung gayon ay paano Siya magiging isang Espiritu at isang Diyos pa rin? Sabihin ninyo sa Akin, nilikha ba ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay? Sabi ng ilan, magkakasama raw Nilang nilikha ito. Kung gayon ay sino ang tumubos sa sangkatauhan? Ang Banal na Espiritu ba, ang Anak, o ang Ama? Sabi ng ilan, ang Anak daw ang tumubos sa sangkatauhan. Kung gayon ay sino talaga ang Anak? Hindi ba Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos? Tinatawag ng pagkakatawang-tao ang Diyos sa langit sa pangalang Ama mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Hindi mo ba alam na si Jesus ay isinilang nang Siya ay ipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Sumasa-Kanya ang Banal na Espiritu; anuman ang iyong sabihin, kaisa pa rin Siya ng Diyos sa langit, sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos. Ang ideyang ito tungkol sa Anak ay hindi talaga totoo. Iisang Espiritu ang nagsasagawa ng lahat ng gawain; ang Diyos lamang Mismo, ibig sabihin, isinasagawa ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain. Sino ang Espiritu ng Diyos? Hindi ba ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang gumagawa kay Jesus? Kung hindi ang Banal na Espiritu ang nagsagawa ng gawain (ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos), maaari bang katawanin ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Nang tawagin ni Jesus ang Diyos sa langit sa pangalang Ama nang Siya ay manalangin, ginawa lamang ito mula sa pananaw ng isang taong nilikha, dahil lamang sa nakadamit ang Espiritu ng Diyos ng isang ordinaryo at normal na katawan at may panlabas na panakip ng isang nilalang. Kahit nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang normal na tao pa rin; sa madaling salita, Siya ay naging “Anak ng tao” na binanggit ng lahat ng tao, maging ni Jesus Mismo. Dahil Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay isang tao (lalaki man o babae, ano’t anuman ay isang may panlabas na balat ng isang tao) na isinilang sa isang normal na pamilya ng mga ordinaryong tao. Samakatuwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad ng pagtawag ninyong Ama sa Kanya noong una; ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Naaalala pa ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon na itinuro ni Jesus na isaulo ninyo? “Ama namin na nasa langit….” Hiniling Niya sa lahat ng tao na tawagin ang Diyos sa langit sa pangalang Ama. At yamang tinawag Niya rin Siyang Ama, ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang nasa isang katayuang kapantay ninyong lahat. Yamang tinawag ninyo ang Diyos sa langit sa pangalang Ama, nakita ni Jesus ang Kanyang Sarili na kapantay ninyo, at bilang isang tao sa lupa na hinirang ng Diyos (ibig sabihin, ang Anak ng Diyos). Kung tinatawag ninyong “Ama” ang Diyos, hindi ba dahil kayo ay isang nilalang? Gaano man kadakila ang awtoridad ni Jesus sa lupa, bago Siya ipinako sa krus, isa lamang Siyang Anak ng tao, na pinamamahalaan ng Banal na Espiritu (ibig sabihin, ng Diyos), at isa sa mga nilalang sa lupa, sapagkat hindi pa Niya natatapos ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang pagtawag Niya sa Diyos sa langit na Ama ay dahil lamang sa Kanyang pagpapakumbaba at pagsunod. Gayunman, ang Kanyang pagtawag sa Diyos (ibig sabihin, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan ay hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, iba lamang talaga ang Kanyang pananaw, hindi dahil iba Siyang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang kamalian! Bago Siya ipinako sa krus, si Jesus ay isang Anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng katawang-tao, at hindi Niya lubos na taglay ang awtoridad ng Espiritu. Kaya nga maaari lamang Niyang hangarin ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilalang. Katulad iyon ng tatlong beses Niyang ipinanalangin sa Getsemani: “Huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Bago Siya inilagay sa krus, isa lamang Siyang Hari ng mga Hudyo; Siya si Cristo, ang Anak ng tao, at hindi isang niluwalhating katawan. Kaya nga, mula sa pananaw ng isang nilalang, tinawag Niyang Ama ang Diyos. Ngayon, hindi mo masasabi na lahat ng tumatawag sa Diyos na Ama ay ang Anak. Kung nagkagayon, hindi ba lahat kayo ay magiging ang Anak nang ituro sa inyo ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon? Kung hindi pa rin kayo kumbinsido, sabihin ninyo sa Akin, sino ang tinatawag ninyong Ama? Kung ang tinutukoy ninyo ay si Jesus, sino naman ang Ama ni Jesus para sa inyo? Nang lumisan si Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay nawala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging tao; sa ilalim ng lahat ng iba pang sitwasyon, ang relasyon ay sa pagitan ng Panginoon ng paglikha at ng isang nilalang kapag tinawag ninyong Ama ang Diyos. Walang pagkakataon na makakapanindigan ang ideyang ito tungkol sa Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu; ito ay isang kamalian na bihirang makita sa paglipas ng mga kapanahunan at hindi umiiral!

Maaaring ipaalala nito sa halos lahat ng tao ang mga salita ng Diyos mula sa Genesis: “Lalangin Natin ang tao sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis” (Genesis 1:26). Dahil sinabi ng Diyos na “lalangin Natin ang tao sa Ating larawan,” ang “Natin” ay nagpapahiwatig ng dalawa o mahigit pa; dahil sinabi Niyang “Natin,” hindi lamang pala iisa ang Diyos. Sa ganitong paraan, nagsimulang mag-isip ang tao sa mahirap unawaing magkakaibang persona, at mula sa mga salitang ito ay lumitaw ang ideya tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ano kung gayon ang hitsura ng Ama? Ano ang hitsura ng Anak? At ano ang hitsura ng Banal na Espiritu? Posible kaya na ang sangkatauhan ng ngayon ay ginawa sa larawan ng isa na pinagsama-sama mula sa tatlo? Kung gayon ang larawan ba ng tao ay kagaya ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu? Alin sa mga persona ng Diyos ang kamukha ng tao? Mali talaga at walang katuturan ang ideyang ito ng tao! Mahahati lamang nito ang iisang Diyos sa maraming Diyos. Nang isulat ni Moises ang Genesis, iyon ay matapos likhain ang sangkatauhan kasunod ng paglikha sa mundo. Sa pinakasimula, nang magsimula ang mundo, wala pa si Moises. At napakatagal pa bago isinulat ni Moises ang Bibliya, kaya paano niya posibleng nalaman kung ano ang sinabi ng Diyos sa langit? Wala siyang ideya kung paano nilikha ng Diyos ang mundo. Sa Lumang Tipan ng Bibliya, hindi binanggit ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu, kundi kaisa-isang tunay na Diyos lamang, si Jehova, na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Israel. Siya ay tinatawag sa iba’t ibang pangalan kapag nagbabago ang mga kapanahunan, ngunit hindi nito mapapatunayan na bawat pangalan ay tumutukoy sa ibang persona. Kung gayon, hindi ba magkakaroon ng napakaraming persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehova, isang yugto ng gawain ng Diyos Mismo para sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang gawain ng Diyos, kung saan ayon sa Kanyang sinabi, iyon ang nangyari, at ayon sa Kanyang iniutos, iyon ang nasunod. Hindi sinabi ni Jehova kailanman na Siya ang Ama na pumaparito upang isagawa ang gawain, ni hindi Niya ipinropesiya kailanman ang pagparito ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagsapit ng panahon ni Jesus, sinabi lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang buong sangkatauhan, hindi sinabi na ang Anak ang naparito. Dahil hindi magkakatulad ang mga kapanahunan at iba-iba rin ang gawain ng Diyos Mismo, kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t ibang dako. Sa ganitong paraan, iba rin ang identidad na Kanyang kinakatawan. Naniniwala ang tao na si Jehova ang Ama ni Jesus, ngunit hindi ito talaga kinilala ni Jesus, na nagsabing: “Hindi kami kailanman kinilala bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita nila ang Ama sa langit.” Kapag nasabi na ang lahat, ang Ama man o ang Anak, Sila ay iisang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na mga persona. Kapag nagtatangkang magpaliwanag ang tao, nagiging kumplikado ang mga bagay-bagay sa ideya ng magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag binabanggit ng tao ang magkakahiwalay na mga persona, hindi ba nito ginagawang totoo ang Diyos? Binibigyan pa ng ranggo ng tao ang mga persona bilang una, pangalawa, at pangatlo; lahat ng ito ay mga imahinasyon lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sanggunian, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya: “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: ang iisang tunay na Diyos. Kung itatanong mo pa: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namamahala sa lahat, at Siya ang Panginoon ng langit.” “Kung gayon, Espiritu ba si Jehova?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tinanong mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ang Anak, siyempre pa. “Kung gayon ano ang kuwento tungkol kay Jesus? Saan Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang kay Maria.” Kung gayon ang diwa ba Niya ay Espiritu rin? Hindi ba ang Kanyang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehova ang Espiritu, at gayundin ang diwa ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, nabawasan na ang pangangailangang sabihin na ito pa rin ang Espiritu; paano Sila magiging magkaibang persona? Hindi ba Espiritu lamang ng Diyos ito na nagsasagawa ng gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang pananaw? Sa gayon, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay yaon mismong sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawaing isinagawa ni Jehova, hindi Siya naging tao ni nagpakita sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang anyo. Gaano man Siya kadakila at katangkad, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na lumikha sa tao noong simula. Ibig sabihin, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nangusap Siya sa tao mula sa mga ulap, isa lamang Espiritu, at walang sinumang nakasaksi sa Kanyang anyo. Sa Kapanahunan ng Biyaya lamang nang pumasok sa katawang-tao ang Espiritu ng Diyos at nagkatawang-tao sa Judea saka nakita ng tao sa unang pagkakataon ang larawan ng pagkakatawang-tao bilang isang Hudyo. Walang anuman kay Jehova ang nasa Kanya. Gayunman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehova Mismo, at si Jesus ay isinilang pa rin bilang katawan ng Espiritu ng Diyos. Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababang parang isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging para kay Jesus, kundi sa halip ay ang Banal na Espiritu. Kung gayon maihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila maaaring maging isa? Ang gawain ay hindi maisasagawa kung gayon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos para sa Kanya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ring tawaging Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa libu-libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalo nang wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!

Ang plano ng pamamahala ng Diyos ay sumasaklaw sa anim na libong taon at nahahati sa tatlong kapanahunan batay sa mga pagkakaiba sa Kanyang gawain: Ang unang kapanahunan ay ang Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan; ang ikalawa ay ang Kapanahunan ng Biyaya; at ang ikatlo ay yaong sa mga huling araw—ang Kapanahunan ng Kaharian. Bawat kapanahunan ay kumakatawan sa naiibang identidad. Ito ay dahil lamang sa pagkakaiba sa gawain, ibig sabihin, sa mga kinakailangan ng gawain. Ang unang yugto ng gawain noong Kapanahunan ng Kautusan ay isinagawa sa Israel, at ang ikalawang yugto ng pagtatapos ng gawain ng pagtubos ay isinagawa sa Judea. Para sa gawain ng pagtubos, ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang bilang bugtong na Anak. Lahat ng ito ay dahil sa mga kinakailangan ng gawain. Sa mga huling araw, nais ng Diyos na palawakin ang Kanyang gawain tungo sa mga bansang Hentil at lupigin ang mga tao roon, upang maging dakila ang Kanyang pangalan sa kanila. Nais Niyang gabayan ang tao sa pag-unawa at pagpasok sa lahat ng katotohanan. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa ng iisang Espiritu. Bagama’t maaari Niyang gawin iyon mula sa magkakaibang pananaw, ang likas na katangian at mga prinsipyo ng gawain ay nananatiling pareho. Kapag naobserbahan mo ang mga prinsipyo at likas na katangian ng gawaing Kanilang naisagawa, malalaman mo na lahat ay ginawa ng iisang Espiritu. Maaari pa ring sabihin ng ilan: “Ang Ama ang Ama; ang Anak ang Anak; ang Banal na Espiritu ang Banal na Espiritu, at sa huli, pag-iisahin Sila.” Kung gayon paano mo Sila dapat pag-isahin? Paano mapag-iisa ang Ama at ang Banal na Espiritu? Kung Sila ay likas nang dalawa, paano man Sila pagsamahin, hindi ba Sila mananatiling dalawang bahagi? Kapag tinatalakay mo ang pag-iisa sa Kanila, hindi ba pagsasama lamang iyan ng dalawang magkahiwalay na bahagi para makabuo ng isa? Ngunit hindi ba dalawang bahagi Sila dati na ginagawang buo? Bawat espiritu ay may naiibang diwa, at ang dalawang espiritu ay hindi magagawang iisa. Ang isang espiritu ay hindi isang materyal na bagay at hindi katulad ng anupamang iba sa materyal na mundo. Sa paningin ng tao, ang Ama ay isang Espiritu, ang Anak ay isa pa, at ang Banal na Espiritu ay isa pa rin, kung gayon ay naghahalo ang tatlong Espiritu na parang tatlong baso ng tubig sa isang buo. Hindi ba iyan ang tatlo na pinag-isa? Ganap na mali at katawa-tawa ang paliwanag na iyan! Hindi ba nito pinaghahati-hati ang Diyos? Paano mapag-iisang lahat ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu? Hindi ba sila tatlong bahagi na bawat isa ay magkakaiba ang likas na katangian? May mga iba na nagsasabi na, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili. Dahil sa pagbabago sa mga kapanahunan, sa mga kinakailangan ng gawain, at sa magkakaibang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala, ang pangalang itinatawag sa Kanya ng tao ay nag-iiba rin. Nang Siya ay pumarito upang isagawa ang unang yugto ng gawain, maaari lamang Siyang tawaging Jehova, na Siyang pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Cristo. Ngunit noon, sinabi lamang ng Espiritu sa langit na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos at hindi binanggit ang Kanyang pagiging bugtong na Anak ng Diyos. Hindi ito talaga nangyari. Paano magkakaroon ng kaisa-isang anak ang Diyos? Kung gayon ay hindi ba naging tao ang Diyos? Dahil Siya ang pagkakatawang-tao, tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, at, dito nagmula ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Dahil lamang iyon sa pagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nakabihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, sinabi Niya mula sa pananaw ng katawang-tao: “Ang Aking balat ay yaong sa isang nilalang. Yamang nakabihis Ako ng katawang-tao upang makaparito sa lupa, napakalayo Ko ngayon mula sa langit.” Dahil dito, maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito yaong dapat ipagkaloob sa Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nanalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, Diyos pa rin Siya Mismo, sapagkat Siya ay pagkakatawang-tao lamang ng Espiritu, at ang Kanyang diwa ay Espiritu pa rin. Nagtataka ang mga tao kung bakit Siya nanalangin kung Siya ang Diyos Mismo. Ito ay dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, Diyos na nabubuhay sa loob ng katawang-tao, at hindi ang Espiritu sa langit. Sa paningin ng tao, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay Diyos lahat. Ang tatlo lamang na pinag-isang lahat ang maaaring ituring na kaisa-isang tunay na Diyos, at, sa ganitong paraan, ang Kanyang kapangyarihan ay napakadakila. May mga nagsasabi na sa ganitong paraan lamang Siya naging Espiritu na pinatindi nang makapitong beses. Nang manalangin ang Anak matapos Siyang pumarito, sa Espiritung iyon Siya nanalangin. Ang totoo, nanalangin Siya noon mula sa pananaw ng isang nilalang. Sapagkat ang katawang-tao ay hindi buo, hindi Siya buo at marami Siyang kahinaan nang pumasok Siya sa katawang-tao, at masyado Siyang nagulo nang isagawa Niya ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Kaya nga tatlong beses Siya nanalangin sa Diyos Ama bago Siya ipinako sa krus, at maraming beses din bago pa nangyari iyon. Nanalangin Siya na kasama ng Kanyang mga disipulo; nanalangin Siyang mag-isa sa ibabaw ng bundok; nanalangin Siya sakay ng bangkang-pangisda; nanalangin Siya na kasama ang napakaraming tao; nanalangin Siya kapag nagpuputul-putol ng tinapay; at nanalangin Siya habang binabasbasan ang iba. Bakit Niya ginawa iyon? Sa Espiritu Siya nanalangin; nanalangin Siya sa Espiritu, sa Diyos sa langit, mula sa pananaw ng katawang-tao. Samakatuwid, mula sa pananaw ng tao, si Jesus ay naging Anak sa yugtong iyon ng gawain. Sa yugtong ito, gayunman, hindi Siya nananalangin. Bakit ganito? Dahil ang pinasisimulan Niya ay ang gawain ng salita, at ang paghatol at pagkastigo ng salita. Hindi Niya kailangan ang mga panalangin at ang Kanyang ministeryo ay ang magsalita. Hindi Siya ipinako sa krus, at hindi Siya ipinasa ng tao sa mga may kapangyarihan. Isinasagawa lamang Niya ang Kanyang gawain. Sa panahong iyon nang manalangin si Jesus, nanalangin Siya sa Diyos Ama para sa pagbaba ng kaharian ng langit, para mangyari ang kalooban ng Ama, at para magsimula na ang gawain. Sa yugtong ito, nakababa na ang kaharian ng langit, kaya kailangan pa rin ba Siyang manalangin? Ang Kanyang gawain ay wakasan ang kapanahunan, at wala nang mga bagong kapanahunan, kaya kailangan pa bang manalangin para sa susunod na yugto? Sa tingin Ko ay hindi na!

Maraming magkakasalungat sa mga paliwanag ng tao. Tunay nga, lahat ng ito ay mga kuru-kuro ng tao; walang masusing pagsisiyasat, maniniwala kayong lahat na tama ang mga iyon. Hindi ba ninyo alam na ang mga ideya gaya ng tatlo-sa-isang Diyos ay mga kuru-kuro lamang ng tao? Walang kaalaman ang tao na lubos at masusi. Palaging may mga karumihan, at napakaraming ideya ng tao; ipinamamalas nito na hindi talaga maipaliwanag ng isang nilalang ang gawain ng Diyos. Napakaraming iniisip ng tao, lahat ay nagmumula sa lohika at pag-iisip, na salungat sa katotohanan. Lubos bang masusuri ng iyong lohika ang gawain ng Diyos? Makakatamo ka ba ng kabatiran sa lahat ng gawain ni Jehova? Ikaw ba bilang tao ang nakakakita sa lahat ng ito, o ang Diyos Mismo ang nakakakita mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Ikaw ba ang nakakakita mula sa kawalang-hanggan noong araw hanggang sa kawalang-hanggang darating, o ang Diyos lamang ang makakagawa nito? Ano ang masasabi mo? Gaano ka kamarapat upang ipaliwanag ang Diyos? Ano ang batayan ng iyong paliwanag? Diyos ka ba? Ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos Mismo. Hindi ikaw ang gumawa nito, kaya bakit ka nagbibigay ng mga maling paliwanag? Ngayon, patuloy ka bang maniniwala sa tatlong-personang Diyos? Hindi mo ba naiisip na napakabigat nito sa ganitong paraan? Higit na makabubuting maniwala ka sa iisang Diyos, hindi sa tatlo. Higit na makabubuti ang maging magaan, sapagkat ang pasanin ng Panginoon ay magaan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Si Cristo sa Katawang-tao ay ang Diyos Mismo

Kaugnay na mga Video

Crosstalk “May Isang Diyos Lamang”

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Pagsisiwalat sa Palaisipan ng Trinidad

Kaugnay na mga Sermon

Makatwiran ba ang ideya tungkol sa trinidad?

Kaugnay na mga Himno

Umiiral ba ang Trinidad?

Sinundan: 21. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang mga Mananampalataya sa Diyos ay Mabubuti na ang Pag-uugali at Nagbago na, Kaya Hindi na Nila Kailangang Tanggapin ang Paghatol at Pagdadalisay sa mga Huling Araw”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito