20. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Paghatol ng Dakilang Puting Trono sa mga Huling Araw ay Tungkol sa Paggantimpala sa Mabubuti at Pagparusa sa Masasama, Hindi ito Kaligtasan”
Sinasabi ng mga tao sa mundo ng relihiyon: “Ang paghatol ng malaking puting trono na sinasabi sa Bibliya ay pangunahing pupuntiryahin ang mga walang pananampalataya at huwad na mananampalataya, ito ay tungkol sa paggantimpala sa mabubuti at pagparusa sa masasama. Hindi ito kaligtasan. Pero sinasabi mo na ang paghatol ng Diyos ay isinasakatuparan upang dalisayin at iligtas ang mga tao. Sa tingin namin ay hindi ito tugma sa Bibliya, kaya’t hindi namin matatanggap ang pahayag mong ito.”
Mga Salita Mula sa Bibliya
“Ninanais Kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng may diwa ko sa loob ko ay hahanapin Kita nang maagap: sapagkat kapag nasa lupa ang iyong mga kahatulan, ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanlibutan” (Isaias 26:9).
“Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghatol sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17).
“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi sumasampalataya, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).
“Gawin Mo silang banal sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan. … At alang-alang sa kanila’y ginagawa Kong banal ang Aking sarili, upang sila rin ay magawang banal sa pamamagitan ng katotohanan” (Juan 17:17–19).
“Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang madadalisay, at mapapaputi, at masusubok; ngunit ang masasama ay gagawa na may kasamaan; at wala sa masasama ang makauunawa; ngunit silang matatalino ay mangakauunawa” (Daniel 12:9–10).
“At Aking dadalhin sa apoy ang ikatlong bahagi, at sila ay dadalisayin Ko na parang pilak na dalisay, at sila ay susubukin Ko na parang pagsubok sa ginto: sila ay magsisitawag sa Aking pangalan, at Akin silang didinggin: Aking sasabihin, ‘Sila ang bayan Ko:’ at kanilang sasabihin, ‘Si Jehova ay aking Diyos’” (Zacarias 13:9).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang gawain ng mga huling araw ay para ibukod-bukod ang lahat ayon sa kanilang uri, at upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian—lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago ang pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi upang magsiyasat sa mga gawa ng tao, o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang pagiging mapaghimagsik ng tao, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.
Sa paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos na nasabi sa mga nagdaang panahon, ang “paghatol” sa mga salitang ito ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa mga gayong higit-sa-karaniwang imahinasyon gaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ilalantad Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay tutukuyin kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, hindi nito mababago ang diwa ng gawain ng Diyos. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi ang mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuod at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaganda ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang na karikatura, at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang malapantasya. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ang gawaing ito ay may pinakapambihirang sukat, at hindi mauunawaan ng mga mortal, at aalingawngaw hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi, papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong kapita-pitagan at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong mga tagpo ay tiyak na kagila-gilalas at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawat tao na mapaghimala ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na, noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa tao, nananatili kang tulog na tulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay pormal nang nagsimula, nabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang maiintindihan ang kahulugan ng buhay, ngunit ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang hindi pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi sunod-sunod na hinahatulan ng Diyos ang mga tao, ni hindi sila paisa-isang idinudulot na ipasa ang isang pagsubok; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang maliliit at mga di-mahalagang pagkakamali ng tao. Ang gawain ng paghatol ay kumakatawan, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain para sa buong sangkatauhan, pagkatapos ay unti-unti itong ipinalalaganap. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang partikular na uri ng tao o isang partikular na grupo ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan, tulad ng pagsalungat ng tao sa Diyos, o ng hindi pagkatakot ng tao sa Kanya, o ng panggugulo ng tao sa gawain ng Diyos. Ang hinahatulan ay ang diwa ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ng paghatol ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na kinimkim ng tao sa kanyang mga kuru-kuro sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang eksaktong paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang gawain, salita, at buong disposisyon ng lamang ito ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng gawain ng laman na ito, at hindi direktang nasasangkot ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang alang-alang sa mga hinirang na tao sa Tsina, o alang-alang sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi ganap na kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, agad Niyang ipapalaganap ang gawaing ito saat pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng saklaw ng gawain ng Kanyang katawang-tao lahat ng lugar sa sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito ayon sa Kanyang gawain, at hindi natutukoy ayon sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga kadahilanan. Bagama’t nagkikimkim ang tao ng mga kuru-kuro sa mga salitang ito, walang sinuman ang makapagtatatwa sa katunayan ng paghatol at paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao sa lahat ng sangkatauhan. Kung anuman ang iniisip ng tao hinggil dito, ang mga katunayan, sa kabila ng lahat, ay mga katunayan. Walang sinuman ang makakayang magsabi na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, ngunit ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Maling kaisipan ito, dahil ang gawaing ito ay maaari lamang gawin ng Diyos sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Higit ang Pangangailangan ng Tiwaling Sangkatauhan sa Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa sumailalim sa pagbabago o sa pagpeperpekto ng Diyos—makakaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos? Para sa iyo, na katulad pa rin ng dati, totoong ikaw ay iniligtas ni Jesus, at hindi ka nabibilang sa kasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay walang kasalanan o karumihan. Paano ka magagawang banal kung hindi ka sumailalim sa pagbabago? Sa loob, puno ka ng mga karumihan, at makasarili at mababang-uri ka, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananampalataya sa Diyos; natubos ka pa lang, ngunit hindi pa sumailalim sa pagbabago. Para makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain para baguhin at linisin ka; kung hindi, natubos ka lamang at hindi ka maaaring magawang banal. Sa ganitong kaso, hindi ka kalipikado na tamasahin ang magagandang pagpapala kasama ang Diyos, dahil napag-iwanan ka ng isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na siyang pangunahing hakbang sa pagbabago at pagperpekto ng tao. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang tumanggap ng pamana ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa kaibuturan ng puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at pumupungos Siya nang pangmatagalan. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang tiyak na hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Binibigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, gayundin na matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling araw ng pahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang maaaring mabukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, sa gayon ay natutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga mananatili at ‘di mananatili. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa kanilang araw ng pahinga, at mabubuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga masama, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, ititiwalag at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi pa naililigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang mga espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng masama ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naghimagsik laban sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabubuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa sangkatauhan sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlangan na muling nagpapakita ang Diyos sa mga tao bilang nagkatawang-taong wangis upang gampanan ang gawaing ito. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Marami ang hindi komportable tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayumpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang katas ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Hinihikayat Ko kayong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang pagsulong. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalampas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba’t isa itong katunayan na matagal nang isinakatuparan ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Bakit Babalik ang Panginoon Upang Gawin ang Gawaing Paghatol sa mga Huling Araw?
Ang Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw ay Kaligtasan Para sa Tao
Kaugnay na mga Himno
Hahatulan at Dadalisayin ng Diyos Lahat ng Humaharap sa Luklukan Niya
Ang Paghatol ang Pangunahing Paraan ng Diyos Upang Perpektuhin ang Tao
Ibinubunyag ng Paghatol at Pagkastigo ang Pagliligtas ng Diyos