17. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Panginoon ang Nagtalaga sa mga Pastor at Elder”

Ginagamit ng mundo ng relihiyon ang mga salitang ito sa Bibliya, “Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila’y ginawa kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Diyos” (Mga Gawa 20:28), bilang batayan para paniwalaan na ang Diyos ang nagtatag ng mga pastor at elder, at na dapat sila ang may kontrol at huling pasya pagdating sa pagsalubong sa pagbabalik ng Panginoon.

Mga Salita Mula sa Bibliya

“At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas…. At ibibigay Ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:17–19).

“Sinabi niya sa kanya, ‘Pakanin mo ang Aking mga kordero’” (Juan 21:15).

“Sa Panginoon mong Diyos ay dapat sumamba ka, at Siya lamang ang iyong dapat paglingkuran” (Mateo 4:10).

“Dapat muna kaming magsitalima sa Diyos bago sa mga tao” (Mga Gawa 5:29).

“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kanyang bisig, at ang puso ay humihiwalay mula kay Jehova” (Jeremias 17:5).

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok” (Mateo 23:13).

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili” (Mateo 23:15).

“Pabayaan ninyo sila: sila’y mga bulag na taga-akay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mateo 15:14).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Ang paglilingkod sa Diyos ay hinding-hindi gaya ng iniisip ng tao, na tungkol lamang sa pagkakaroon ng sigasig. Ngayon nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil taglay nila ang patnubay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil sila ay mga taong naghahangad na matamo ang katotohanan. Ang mga ito ang pinakamababang kondisyon para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos.

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ka dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong katangian, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay maikaklasipika bilang mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng karanasan nila sa loob ng maraming taon upang kunin ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, sasakalin ng mga ito ang buong buhay mo. Hindi ka sasang-ayunan ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa pagtatrabaho, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Ang mga nasa simbahan na nangangaral at may katayuan, posisyon, at prestihiyo ay isang grupo ng mga taong sinanay sa mga teolohikal na seminaryo para magkaroon ng teolohikal na kaalaman at mga teorya, at sila ang pangunahing nagtataguyod sa Kristiyanismo. Sinasanay ng Kristiyanismo ang mga gayong tao na tumayo sa entablado at mangaral, na mag-ebanghelyo at gumawa ng gawain saanman. Naniniwala silang masisiguro ang pag-iral ng Kristiyanismo hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng mga talentong tulad ng mga estudyante ng teolohiya, nangangaral na pastor, at teologo na ito, at ang mga taong ito ang nagiging halaga at kapital sa pag-iral ng Kristiyanismo. Kung ang pastor ng isang simbahan ay nagtapos sa isang teolohikal na seminaryo, maayos na natatalakay ang Bibliya, nakabasa na ng ilang espirituwal na aklat, at may kaunting kaalaman at galing magsalita, dadami ang dumadalo sa simbahang iyon at magiging mas sikat ito kaysa sa ibang simbahan. Ano ang pinahahalagahan ng mga taong ito na nasa Kristiyanismo? Ang kaalaman, ang teolohikal na kaalaman. Saan nanggagaling ang kaalamang ito? Hindi ba’t ipinamana ito mula pa sa sinaunang panahon? May mga kasulatan na noon pang sinaunang panahon, na ipinamana ng bawat naunang henerasyon sa susunod, at sa ganitong paraan nababasa at natututunan ng lahat ang mga iyon hanggang ngayon. Hinahati ng mga tao ang Bibliya sa iba’t ibang seksiyon, nagtitipon sila ng iba’t ibang bersiyon, at hinihikayat nila ang pag-aaral at pagkatuto, pero ang pag-aaral nila sa Bibliya ay hindi para maunawaan ang katotohanan upang makilala ang Diyos, ni para maunawaan ang mga layunin ng Diyos upang matakot sila sa Diyos at umiwas sa kasamaan; sa halip ito ay para pag-aralan ang kaalaman at ang mga hiwaga ng Bibliya, para malaman kung aling mga pangyayari sa kung anong panahon ang tumupad sa kung anong propesiya sa Pahayag, at kung kailan mangyayari ang malalaking kalamidad at ang milenyo—pinag-aaralan nila ang mga ito. May kinalaman ba sa katotohanan ang pag-aaral nila? (Wala, wala itong kinalaman.) Bakit nila pinag-aaralan ang mga bagay na wala namang kinalaman sa katotohanan? Ito ay dahil habang mas nag-aaral sila, mas nadarama nilang nakakaunawa sila, at habang mas nasasangkapan sila ng mga salita at doktrina, nagiging mas kalipikado sila. Habang mas kalipikado sila, mas nadarama nilang mas maabilidad sila, at mas lalo silang naniniwala na sa wakas ay pagpapalain sila sa kanilang pananampalataya, na pupunta sila sa langit pagkamatay nila, o na dadalhin sa himpapawid ang mga buhay para salubungin ang Panginoon. Ito ang kanilang mga kuru-kuro sa relihiyon, na hinding-hindi naaayon sa mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. … Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na pinag-aaralan ang Bibliya, teolohiya, at maging ang kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng sa mga nag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya. Hindi nga lang nila gusto ang siyensiya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Ano ang kinalabasan ng paghahanap nila sa maliliit na bakas ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil nabubuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inilalarawan ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa diumano ay komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang nilikha ng Diyos ang mundo at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananalig. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektuwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektuwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksiyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang nangangaral ng bagong pangalan ng Diyos at ng bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at bumibigkas nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay mga taong walang halaga, ubod ng sama, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong nagdadala ng bandila ng Diyos ngunit sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa pagtahak ng mga tao sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa paghahanap ng mga tao sa Diyos. Sila ay tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos

Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang ganyang mga tao ay kapareho ng uri ni Pablo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong itaas o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang taong dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang mga pinag-aalayan mo ng benerasyon—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito matatagalan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian

Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalong hindi sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ibigay ang buong puso at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi man lang sinusulyapan si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoong kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang gawing perpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay maghahalakhakan. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng di-paniniwala; higit pa sa hindi pananampalataya, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon, at hinahamak nila ang mga pinamunuan ni Cristo. Sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Ngumingisi ka lang sa pasakit ni Cristo dahil wala Siyang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit kusang-loob mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nagtataasan sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, habambuhay Siyang hindi mahalaga, habambuhay na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.

Ano’t anuman, sinasabi Ko na ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng pananampalatayang nasa kalooban mo, at kung gaano ang pagkakanulo mo kay Cristo? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Tunay bang Hinirang ng Panginoon ang mga Pastor at Elder?

Ang Pagsunod ba sa mga Pastor at Elder ay Tulad ng Pagsunod sa Diyos?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang mga Kahihinatnan ng Pagkontrol ng Isang Pastor

Kaugnay na mga Sermon

Ang Pagsunod Ba sa mga Lider ng Relihiyon ay Pagsunod sa Diyos?

Kaugnay na mga Himno

Walang Tunay na Pananampalataya kay Cristo ang Tao

Yaong Nananampalataya sa Diyos ngunit Hindi Tinatanggap ang Katotohanan ay Hindi Mananampalataya

Sinundan: 16. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Imposibleng Magpapakita at Gagawa Siya sa China”

Sumunod: 18. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Papa ang Kinatawan ng Diyos sa Lupa, Sa Pagbabalik ng Panginoon, Una Niyang Ihahayag Ito sa Papa”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito