16. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Imposibleng Magpapakita at Gagawa Siya sa China”

Naniniwala ang mundo ng relihiyon na ang gawaing ginawa ng Diyos sa mga kapanahunan ng Luma at Bagong Tipan ay ginawa lahat sa Israel, at na sa pagbabalik ng Panginoong Jesus sa mga huling araw, sa Israel din ito babalik, at na hindi Siya kailanman magpapakita at gagawa ng gawain sa China.

Mga Salita Mula sa Bibliya

“Sapagkat ang Aking pag-iisip ay hindi ang inyong mga pag-iisip, ang inyong mga landas ay hindi rin ang Aking mga landas, sabi ni Jehova” (Isaias 55:8).

“Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak” (Mateo 24:27–28).

“Sapagkat mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang Aking pangalan sa mga Hentil…, sabi ni Jehova ng mga hukbo” (Malakias 1:11).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa mundo ng tao, hindi mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi kayang maintindihan ng tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing “lubos na nauunawaan” nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay lubhang walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang ilarawan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay kasinghamak na tulad ng isang langgam; kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga gustong magsabi na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganoon”—hindi ba sila mayabang magsalita? Dapat nating kilalaning lahat na ang tao, na may laman, ay nagawang tiwali ni Satanas. Ang pinakalikas na pagkatao ng sangkatauhan ay laban sa Diyos. Hindi maaaring pumantay ang sangkatauhan sa Diyos, lalong hindi kaya ng sangkatauhan na umasang magpayo sa gawain ng Diyos. Patungkol sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagpapahayag ng ganito o ganoong pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating layunin ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin nang husto ang ating tiwaling disposisyon para sadyang labanan ang gawain ng Diyos. Hindi ba tayo gagawin niyan na mga anticristo? Paano nagagawa ng gayong mga tao na maniwala sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat tayong humanap ng daan upang makaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang posibleng mangyari sa gayong mga pagkilos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sa maraming lugar, ipinropesiya na ng Diyos na magkakamit Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay sa lupain ng Sinim. Dahil sa Silangan ng mundo makakamit ang mga mananagumpay, kaya walang duda na sa lupain ng Sinim tatapak ang Diyos sa Kanyang ikalawang pagkakatawang-tao, sa mismong lugar kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon. Doon, makakamit ng Diyos ang mga inapo ng malaking pulang dragon upang ito ay lubusang matalo at mapahiya. Gigisingin ng Diyos ang mga taong ito, na labis na pinabibigatan ng pagdurusa, upang gisingin sila hanggang sila’y maging lubos na gising, at upang palakarin silang palabas ng hamog at tanggihan ang malaking pulang dragon. Gigising sila mula sa kanilang panaginip, makikilala ang diwa ng malaking pulang dragon, magagawang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos, aahon mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, tumayo sa Silangan ng mundo, at maging patunay ng tagumpay ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian. Ito ang tanging dahilan kaya dinala ng Diyos ang gawaing natapos sa Israel sa lupain kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon at, halos dalawang libong taon pagkatapos lumisan, ay muling nagkatawang-tao upang ipagpatuloy ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Sa mga mata mismo ng tao, naglulunsad ang Diyos ng bagong gawain sa katawang-tao. Nguni’t sa pananaw ng Diyos, ipinagpapatuloy Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, na may pagitan lamang na ilang libong taon, at may pagbabago lamang sa lokasyon at sa programa ng Kanyang gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 6

Ang isang yugto ng gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan sa Israel, at ang isa ay isinakatuparan sa Judea. Sa pangkalahatan, alinman sa mga yugto ng gawaing ito ay hindi iniwan ang Israel, at bawat isa ay isinagawa sa unang mga taong hinirang. Dahil dito, naniniwala ang mga Israelita na ang Diyos na si Jehova ay Diyos lamang ng mga Israelita. Dahil gumawa si Jesus sa Judea, kung saan isinakatuparan Niya ang gawaing magpapako sa krus, ang tingin sa Kanya ng mga Hudyo ay Manunubos ng mga Hudyo. Akala nila ay Hari lamang Siya ng mga Hudyo, hindi ng sinumang iba pang mga tao; na hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Ingles, ni hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Amerikano, kundi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Israelita; at ang mga Hudyo ang tinubos Niya sa Israel. Sa totoo lang, ang Diyos ang Panginoon ng lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha. Hindi lamang Siya Diyos ng mga Israelita, ni ng mga Hudyo; Diyos Siya ng lahat ng nilikha. Ang naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain ay naganap sa Israel, na nakalikha ng ilang kuru-kuro sa mga tao. Naniniwala sila na ginawa ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, na si Jesus Mismo ang nagsakatuparan ng Kanyang gawain sa Judea, at, bukod pa rito, na Siya ay naging tao upang gumawa—at ano’t anuman, ang gawaing ito ay hindi na lumagpas pa sa Israel. Hindi gumawa ang Diyos sa mga taga-Ehipto o sa mga Indiano; gumawa lamang Siya sa mga Israelita. Sa gayon ay nakabuo ng iba-ibang kuru-kuro ang mga tao, at inilarawan ang gawain ng Diyos sa loob ng isang tiyak na saklaw. Sinasabi nila na kapag gumagawa ang Diyos, kailangan Niyang gawin iyon sa mga taong hinirang, at sa Israel; maliban sa mga Israelita, hindi na gumagawa ang Diyos sa iba, ni wala nang anumang mas malawak na saklaw ang Kanyang gawain. Napakahigpit nila pagdating sa pagpapasunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila Siya pinapayagang kumilos nang lagpas sa mga hangganan ng Israel. Hindi ba mga kuru-kuro lamang ng tao ang lahat ng ito? Ginawa ng Diyos ang buong kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ginawa Niya ang lahat ng nilikha, kaya paano Niya lilimitahan ang Kanyang gawain sa Israel lamang? Kung magkagayon, ano ang silbi ng paglalang Niya sa lahat ng nilikha? Nilikha Niya ang buong mundo, at naisakatuparan Niya ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala hindi lamang sa Israel, kundi sa bawat tao sa sansinukob. Nakatira man sila sa Tsina, sa Estados Unidos, sa United Kingdom o sa Russia, bawat tao ay inapo ni Adan; lahat sila ay nilalang ng Diyos. Walang isa man sa kanila ang makakatakas sa mga hangganan ng paglikha, at wala ni isa sa kanila ang makakahiwalay sa tatak na “inapo ni Adan.” Lahat sila ay nilalang ng Diyos, at lahat sila ay supling ni Adan, at lahat sila ay mga tiwaling inapo rin nina Adan at Eba. Hindi lamang ang mga Israelita ang nilikha ng Diyos, kundi lahat ng tao; kaya lamang ay isinumpa na ang ilan, at napagpala ang ilan. Maraming kanais-nais na bagay tungkol sa mga Israelita; gumawa ang Diyos sa kanila sa simula dahil sila ang mga taong pinaka-hindi gaanong tiwali. Hindi maikukumpara ang mga Tsino sa kanila; napakababa nila. Kaya, gumawa ang Diyos sa mga tao ng Israel sa simula, at ang pangalawang yugto ng Kanyang gawain ay isinakatuparan lamang sa Judea—na humantong na sa pagkabuo ng maraming kuru-kuro at panuntunan sa tao. Sa katunayan, kung kikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at sa gayon ay hindi Niya makakayang paabutin ang Kanyang gawain sa mga bansang Hentil, sapagkat magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at hindi Diyos ng lahat ng nilikha. Isinaad sa mga propesiya na ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Hentil, na kakalat ito sa mga bansang Hentil. Bakit ito ipinropesiya? Kung ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, sa Israel lamang Siya gagawa. Bukod pa riyan, hindi Niya palalaganapin ang gawaing ito, at hindi Siya gagawa ng ganitong propesiya. Dahil ginawa nga Niya ang propesiyang ito, siguradong ipapaabot Niya ang Kanyang gawain sa mga bansang Hentil, sa bawat bansa at lahat ng lupain. Dahil sinabi Niya ito, kailangan Niyang gawin ito; ito ang Kanyang plano, sapagkat Siya ang Panginoon na lumikha sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Gumagawa man Siya sa mga Israelita, o sa buong Judea, ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang gawain ng buong sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon sa bansa ng malaking pulang dragon—sa isang bansang Hentil—ay gawain pa rin ng buong sangkatauhan. Maaaring ang Israel ang himpilan ng Kanyang gawain sa lupa; gayundin, maaaring ang Tsina ay himpilan din ng Kanyang gawain sa mga bansang Hentil. Hindi ba natupad na Niya ngayon ang propesiya na “ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Hentil”? Ang unang hakbang ng Kanyang gawain sa mga bansang Hentil ay ang gawaing ito, ang gawaing Kanyang ginagawa sa bansa ng malaking pulang dragon. Salungat talaga sa mga kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupaing ito, at ang paggawa sa mga isinumpang taong ito; sila ang mga taong pinakaaba sa lahat, wala silang halaga, at sa simula ay pinabayaan sila ni Jehova. Maaaring pabayaan ng mga tao ang ibang tao, ngunit kung pinabayaan sila ng Diyos, wala nang higit na walang katayuan, wala nang higit na mababa ang halaga. Para sa isang nilalang ng Diyos, ang maangkin ni Satanas o mapabayaan ng mga tao ay isang bagay na napakasakit—ngunit ang isang nilalang na pinabayaan ng Lumikha ay nangangahulugan na wala nang hihigit pa sa kanilang mababang katayuan. Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinakamagaling na sumira sa mga kuru-kuro ng tao, at pinakakapaki-pakinabang din sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakamainam na paraan ng pagsira sa mga kuru-kuro ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay sinisira Niya ang lahat ng kuru-kuro ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang unang gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bansang Hentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Hentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay “nagiging” Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugto na ito ng gawain ang katapusan ng gawain, at ito ang konklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ang simula ng isang bagong panahon sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay papapasukin, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar na ito ay nalupig na, at ang buong populasyon ay kinilala nang mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katotohanang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay mayroong isinasagisag: Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa China ang nagtataglay ng makabuluhang pagsasagisag. Kinakatawan ng China ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa China ay kumakatawan sa lahat ng sa laman, kay Satanas, at sa laman at dugo. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamasama at marumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling pagkatao. Hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bansa ay walang mga suliranin ni anuman; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila nakikilala ang Diyos, tiyak na kinakalaban nila Siya. Bakit sinalungat at kinalaban din ng mga Hudyo ang Diyos? Bakit kinalaban din Siya ng mga Pariseo? Bakit pinagtaksilan ni Judas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling nabuhay, ay hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao? Hindi ba pare-pareho lamang ang pagsuway ng tao? Ang mga tao ng China ay ginawa lamang halimbawa, at kapag sila ay nalupig, sila ay magiging mga modelo at huwaran, at magsisilbing sanggunian para sa iba. Bakit Ko palaging sinasabi na kayo ay mga karagdagan sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa China naipapamalas nang pinakabuong-buo at nabubunyag ang katiwalian, karumihan, pagiging hindi matuwid, pagtutol, at pagiging suwail sa lahat ng iba’t ibang mga anyo nito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay may isinasagisag, at matapos maisagawa ang kabuuan ng gawain ng pagsusuri na ito, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kung matatapos ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay matitiyak. Sa oras na magawa na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang nakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang nagwakas. Sa katunayan, kapag nagtagumpay na ang gawain sa inyo, ito ay magiging katumbas ng tagumpay sa buong sansinukob. Ito ang kahalagahan ng kung bakit pinakikilos Ko kayo bilang modelo at huwaran. Ang pagiging suwail, pagsalungat, karumihan, at pagiging hindi matuwid—ang lahat ay matatagpuan sa mga taong ito, at sa kanila ay kinakatawan ang lahat ng pagkasuwail ng sangkatauhan. Sila ay tunay ngang namumukod-tangi. Kaya nga sila ay itinuturing na pinakamahirap na malupig, at sa oras na sila ay nalupig na, sila ay natural na magiging mga huwaran at modelo para sa iba.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2

Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa lahat ng nilikha; hindi ito nakasalalay sa kung isinumpa ang tao matapos silang likhain. Ang Kanyang gawaing pamamahala ay nakatuon sa lahat ng nilikha, hindi roon sa mga taong hinirang na hindi isinumpa. Dahil nais ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lahat ng Kanyang nilikha, tiyak na isasakatuparan Niya ito hanggang sa matagumpay na matapos, at gagawa Siya sa mga taong kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Samakatuwid, sinisira Niya ang lahat ng kalakaran kapag gumagawa Siya sa mga tao; para sa Kanya, ang mga salitang “isinumpa,” “kinastigo” at “pinagpala” ay walang kahulugan! Ang mga Hudyo ay mabuti, gayundin ang mga taong hinirang sa Israel; sila ay mga taong may mahusay na kakayahan at pagkatao. Sa simula, sa kanila inilunsad ni Jehova ang Kanyang gawain, at isinagawa ang Kanyang pinakaunang gawain—ngunit mawawalan ng kahulugan ang pagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kanila ngayon. Maaari din silang maging bahagi ng paglikha, at maaaring maraming positibo tungkol sa kanila, ngunit mawawalan ng silbi ang pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain sa kanila; hindi malulupig ng Diyos ang mga tao, ni hindi Niya makukumbinsi ang lahat ng nilikha, na siya mismong layunin ng paglilipat ng Kanyang gawain sa mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang may pinakamalaking kabuluhan dito ay ang Kanyang paglulunsad ng isang kapanahunan, ang Kanyang pagsira sa lahat ng panuntunan at lahat ng kuru-kuro ng tao at ang Kanyang pagtatapos ng gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinakatuparan ang Kanyang kasalukuyang gawain sa mga Israelita, kapag natapos na ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, maniniwala ang lahat na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, na ang mga Israelita lamang ang karapat-dapat na magmana ng pagpapala at pangako ng Diyos. Isinasakatuparan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa bansang Hentil ng bayan ng malaking pulang dragon ang gawaing Diyos ay ang Diyos ng lahat ng nilikha; tinatapos Niya ang kabuuan ng Kanyang gawaing pamamahala, at winawakasan Niya ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang gawain sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang buod ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa tao—na, pasambahin sa Lumikha ang lahat ng nilikha. Sa gayon, may malaking kahulugan ang bawat yugto ng gawain; walang anumang ginagawa ang Diyos na walang kahulugan o halaga. Sa isang banda, pinasisimulan ng yugtong ito ng gawain ang isang bagong kapanahunan at winawakasan ang naunang dalawang kapanahunan; sa kabilang banda, sinisira nito ang lahat ng kuru-kuro ng tao at lahat ng lumang paraan ng paniniwala at kaalaman ng tao. Ang gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan ayon sa iba’t ibang mga kuru-kuro ng tao; gayunman, ganap na inaalis ng yugtong ito ang mga kuru-kuro ng tao, sa gayon ay lubos na nalulupig ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paglupig sa mga inapo ni Moab, sa pamamagitan ng gawaing isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, lulupigin ng Diyos ang lahat ng tao sa buong sansinukob. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, at ito ang pinakamahalagang aspeto ng yugtong ito ng Kanyang gawain. Kahit alam mo na ngayon na aba ang iyong sariling katayuan at na mababa ang iyong halaga, madarama mo pa rin na natagpuan mo na ang pinakamasayang bagay: Nagmana ka na ng isang malaking pagpapala, nagtamo ka na ng isang dakilang pangako, at makakatulong kang isakatuparan ang dakilang gawaing ito ng Diyos. Namasdan mo na ang tunay na mukha ng Diyos, alam mo ang likas na disposisyon ng Diyos, at ginagawa mo ang kalooban ng Diyos. Ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos ay isinakatuparan sa Israel. Kung isinakatuparan din ang yugtong ito ng Kanyang gawain sa mga huling araw sa mga Israelita, hindi lamang maniniwala ang lahat ng nilikha na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, kundi mabibigo rin ang buong plano ng pamamahala ng Diyos na makamit ang nais nitong epekto. Sa panahon kung kailan isinakatuparan ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, walang bagong gawain—ni walang anumang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—na isinakatuparan sa mga bansang Hentil. Ang yugto ng gawain sa ngayon—ang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ay unang isinasakatuparan sa mga bansang Hentil, at, dagdag pa rito, isinakatuparan noong una sa mga inapo ni Moab, sa gayon ay inilulunsad nito ang buong kapanahunan. Sinisira ng Diyos ang anumang kaalamang nakapaloob sa mga kuru-kuro ng tao, na hindi tinutulutang manatili ang anuman dito. Sa Kanyang gawain ng panlulupig, sinira na Niya ang mga kuru-kuro ng tao, yaong mga luma at sinaunang paraan ng kaalaman ng tao. Hinahayaan Niyang makita ng mga tao na walang mga panuntunan sa Diyos, na walang anumang luma tungkol sa Diyos, na ang gawaing Kanyang ginagawa ay lubos na napalaya, lubos na malaya, at na tama Siya sa lahat ng Kanyang ginagawa. Kailangan mong lubos na magpasakop sa anumang gawaing Kanyang ginagawa sa mga nilikha. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay may kahulugan, at isinasakatuparan ayon sa Kanyang sariling kalooban at karunungan, at hindi ayon sa mga pagpili at kuru-kuro ng tao. Kung may anumang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, ginagawa Niya iyon; at kung may hindi kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, hindi Niya iyon ginagawa, gaano man iyon kaganda! Gumagawa Siya at pumipili ng mga tatanggap at lugar ng Kanyang gawain alinsunod sa kahulugan at layunin ng Kanyang gawain. Hindi Siya kumakapit sa mga dating panuntunan, ni hindi Niya sinusunod ang mga lumang pamamaraan. Sa halip, ipinaplano Niya ang Kanyang gawain ayon sa kabuluhan ng gawain. Sa huli, matatamo Niya ang isang tunay na epekto at ang inaasam na layunin nito. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, mawawalan ng epekto ang gawaing ito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, kailangan Akong maisilang sa isang magandang bansa upang ipakita na nagmula Ako sa mataas na katayuan, upang ipakita na malaki ang Aking kahalagahan, upang ipakita ang Aking karangalan, kabanalan, at kadakilaan. Kung naisilang Ako sa isang lugar na nakikilala Ako, sa isang pamilyang nabibilang sa mataas na lipunan, at kung mataas ang Aking posisyon at katayuan, tatratuhin Ako nang napakaayos. Hindi iyan makakabuti sa Aking gawain, at ihahayag pa rin kaya ang gayon kadakilang kaligtasan kung nangyari iyon? Lahat ng nakakakita sa Akin ay susundin Ako, at hindi sila madurungisan ng dumi. Dapat naisilang Ako sa ganitong klaseng lugar. Iyan ang inyong pinaniniwalaan. Ngunit isipin ninyo ito: Pumarito ba ang Diyos sa lupa para masiyahan, o para gumawa? Kung gumawa Ako sa gayon kadali at komportableng lugar, matatamo Ko kaya ang Aking buong kaluwalhatian? Makakaya Ko kayang lupigin ang lahat ng Aking nilikha? Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya kabilang sa mundo, at hindi Siya naging tao upang masiyahan sa mundo. Ang lugar kung saan ipapakita ng paggawa ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan ay ang lugar kung saan Siya isinilang. Banal man o marumi ang lupain, at saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t lahat ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayunpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ihayag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito upang magpatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito ang pangingibabaw ng Diyos. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay nakikita sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay ni hindi man lang nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas inihahayag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid. Kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit kapiling Niya sa buhay ang mga taong iyon na puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ba ginawa ang Kanyang buong gawain upang manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang Kanyang buong gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang lahi, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling lahi, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa pagkakakilanlan ng isang nilalang. Sa ganitong paraan, hindi ka maglalagay ng mga hangganan sa mga yapak ng Diyos. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng partikular na mga tao. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa lahi o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi masisikil ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.

Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang Sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o lahi, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o lahi. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil pagtanggi ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa kung saan inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili at ang mga tao kung kanino Niya inihahayag ang Kanyang Sarili ay nagkataon lamang na hindi makatarungan kung itrato ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Nguni’t ang Diyos ay taglay ang Kanyang karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na, dahil natiis na ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga kapighatian at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, na hindi limitado sa anumang anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Nguni’t naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng magiging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao na bumulalas sa pagtawa matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Hudyo? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobing naghahangad. Ang ginagawa lamang ninyo ay nagsusuri nang walang pakundangan at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo mahiwatigan ang mga pagpapahayag ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipinapahayag ang katotohanan, at magiging naroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Tumahimik ka at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Pakawalan ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka’t ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; habang mas lampas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling pareho saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito ay ang nag-iisa at natatanging Diyos ng buong sansinukob. Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagpapahayag, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukas sa sangkatauhan sa lahat ng sandali. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyo ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong sundan ang Kanyang mga yapak sa paghakbang ninyo tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay binawi Ko ito, sa paraang ito ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan at ang buong sangkatauhan sa Silangan. Dinala Ko na silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makasalamuha, at hindi na nila kailangan pang hanapin ito. Ipapakita Kong muli ang liwanag sa mga naghahanap dito at ang kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel; ipapakita Ko sa kanila na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, ipapakita Ko sa kanila ang napakaraming puting ulap at kumpul-kumpol na saganang mga bunga, at, bukod pa rito, ipapakita Ko sa kanila ang Diyos na si Jehova ng Israel. Ipapakita Ko sa kanila ang Guro ng mga Hudyo, ang pinakahihintay na Mesiyas, at ang buong anyo Ko na pinag-uusig ng mga hari sa lahat ng panahon. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, na inihahayag ang Aking buong kaluwalhatian at ang lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw. Ipapakita Ko ang kabuuan ng Aking maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at wala na ito sa Judea. Sapagkat sumapit na ang mga huling araw!

Sa buong sansinukob ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang umakay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Idinudulot Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at magpasakop sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking kariktan? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng iba pang mga salita sa kanila. Gaya ng malalakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan patungo sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito, na tila ba kasisilang lamang ng isang sanggol. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Hudyo kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Palapitin ang lahat sa Aking luklukan at ipakita ang Aking maluwalhating mukha, iparinig ang Aking tinig, at patingnan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang pasambahin sa Akin ang bawat bansa, ang kilalanin Ako ng bawat wika, ang isandig sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Pagpapakita at Paggawa ng Diyos sa China ay Napakamakabuluhan

Kaugnay na mga Himno

Dinala na ng Diyos ang Kanyang Kaluwalhatian sa Silangan

Ang Diyos ay Nagpakita na sa Silangan ng Mundo Nang May Kaluwalhatian

Tanging ang mga Tumatanggap ng Katotohanan ang Makaririnig ng Tinig ng Diyos

Sinundan: 15. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Siya ay Lalaki, Sa Halip na Babae”

Sumunod: 18. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Papa ang Kinatawan ng Diyos sa Lupa, Sa Pagbabalik ng Panginoon, Una Niyang Ihahayag Ito sa Papa”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 1: Nananalig na tayo sa Panginoon sa loob ng napakaraming taon. Kahit maaari tayong mangaral at kumilos para sa Panginoon at magdusa nang husto, maaari pa rin tayong palaging magsinungaling, manloko at mandaya. Araw-araw, ipinagtatanggol natin ang ating sarili. Napakadalas, mayabang tayo, mapagmataas, pasikat, at mapanghamak sa iba. Namumuhay tayo sa sitwasyon ng pagkakasala at pagsisisi, at hindi tayo makaalpas sa pang-aalipin ng laman, at dumaranas at nagsasagawa ng salita ng Panginoon. Hindi pa natin nararanasan ang anumang realidad ng salita ng Panginoon. Sa kaso natin, madadala man lang ba tayo sa kaharian ng langit? Sabi ng ilang tao, gaano man tayo magkasala, gaano man tayo inaalipin ng laman, ang tingin sa atin ng Panginoon ay walang kasalanan. Sumusunod sila sa salita ni Pablo: “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta: sapagka’t tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin” (1 Corinto 15:52). At ipinapalagay nila na agad babaguhin ng Panginoon ang ating anyo pagdating Niya at dadalhin tayo sa kaharian ng langit. Naniniwala ng ilang tao na ang mga tumatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya pero patuloy pa ring nagkakasala ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Nakabatay ito unang-una na sa salita ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). Ito ay dalawang magkakumpitensyang pananaw na hindi malinaw na masasabi ng sinuman, Makipag-usap naman kayo para sa amin.

Sagot: Noong araw, dati-rati’y itinuturing nating salita ng Diyos ang mga salita ng mga apostol na kagaya ni Pablo at sumusunod tayo sa...

Tanong 17: Pinatotohanan n’yo na ang Makapangyarihang Diyos ang Diyos ng mga huling araw na nagpapakita at gumagawa, at sinabi n’yo ring naghahanap ng katotohanan ang paniniwala n’yo sa Kanya, at tinatahak n’yo ang tamang daan ng buhay. Pero sa pagkakaalam ko, marami sa mga naniniwala sa Kanya sa Makapangyarihang Diyos ay katulad ng mga misyonaryo ni Jesus, na sa layunin ng pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, ay hindi nag-alinlangang iwan ang pamilya at propesyon, at ibinigay ang katawan at kaluluwa sa Diyos. Sa kanilang lahat marami sa mga kabataan ang hindi nagpapakasal, ginagawa nila ang tungkulin nila sa pagsunod kay Cristo ng mga huling araw. Hindi n’yo yata alam na, dahil iniiwan n’yo ang pamilya n’yo at kumikilos para ikalat ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, lalong dumarami ang mga taong naniniwala sa Diyos. Kapag ang lahat ng tao ay napalapit na sa Diyos, sino pang maniniwala sa Partido Komunista, at susunod sa kanila? Malinaw na dahil dito, pinipigilan kayo at inaaresto ng gobyerno. May nakikita ba kayong mali rito? Dahil naniniwala kayo sa Diyos sa ganitong paraan kaya maraming tao ang inaresto at sinintesyahang makulong, at marami ang umalis ng bahay at lumikas. Maraming mag-asawa ang nagdiborsyo, at maraming bata ang walang mga magulang na, magmamahal sa kanila. Maraming matatanda ang walang karamay para mag-alaga sa kanila. Sa paniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, dinanas ng mga pamilya ninyo ang matinding paghihirap. Ano ba talagang gusto ninyong makamit? Hindi kaya ito ang tamang daan para sa buhay ng tao na sinasabi n’yo? Ang tradisyunal na kultura ng Tsina ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kabanalan ng pamilya. Ayon sa kasabihan: “Sa lahat ng kabutihan, ang paggalang ng anak sa magulang ang pinakamahalaga.” Sabi ni Confucius: “Habang buhay pa ang mga magulang n’yo, huwag kayong maglalakbay nang malayo.” Ang pagrespeto sa mga magulang ang pundasyon ng pag-uugali ng tao. Sa paniniwala at pagsunod sa Diyos sa paraang ginagawa n’yo, hindi nyo magawang alagaan kahit na ang mga magulang n’yong nagbigay-buhay at nag-aruga sa inyo, pa’no ito naituring na tamang daan para sa buhay ng tao? Madalas kong marinig sa mga tao na, mabubuti ang lahat ng sumasampalataya. Hindi mali yon. Pero naniniwala kayong lahat sa Diyos, sumasamba at nagtatanghal sa Kanya bilang dakila. Ito ang dahilan para magpuyos sa galit ang Partido Komunista, at mapuno ng pagkamuhi. Ginagawa n’yo ang tungkulin n’yo para maikalat ang ebanghelyo, pero ni hindi n’yo maalagaan ang mga sarili n’yong pamilya. Paano ito maituturing na kagandahang asal? Anong masasabi n’yo? Posible kaya na kahit hindi nakikita ay nagkamali kayo ng tinahak na daan sa paniniwala sa Diyos? Sa pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t sinisira n’yo ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan? Nakikiusap ako sa inyo na itigil n’yo na ang paggawa ng mali. Bumalik na kayo sa lipunan sa lalong madaling panahon, samahan n’yo na ang pamilya n’yo, magkaro’n ng normal na buhay, at alagaang mabuti ang inyong pamilya. Dapat n’yong gawin ang tungkulin n’yo bilang mga anak at magulang. Ito lang ang pundasyon sa pag-uugali ng tao, at ito lang ang pinakapraktikal.

Sagot: Paulit-ulit mong sinasabi na maling daan ang tinahak namin sa paglisan sa mga pamilya at propisyon namin para maniwala sa Diyos at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito