13. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Gawain ng Diyos ay Dapat Sang-ayon sa Bibliya; Kung Walang Batayan sa Bibliya, Ito ay Maling Daan”

Iniisip ng mundo ng relihiyon na ang gawain ng Diyos ay dapat na naaayon sa Bibliya. Kung walang batayan sa Bibliya, hindi nila ito tinatanggap. Gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos, hindi nila inaamin na ito ang pagpapakita ng Diyos, o ang Kanyang gawain.

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).

“At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon” (Pahayag 14:4).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan para maniwala ang mga tao (sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Bibliya. Ang paglihis mula sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Bibliya ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Bibliya ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Bibliya, at maliban sa Bibliya, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Bibliya. Kung ginagawa mo iyon, pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Bibliya, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Bibliya. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Bibliya; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Bibliya, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Bibliya; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Bibliya. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Bibliya na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Bibliya na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Bibliya, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, parang nawalan na rin sila ng buhay. At dahil dito, sa sandaling maniwala ang mga tao sa Panginoon, inuumpisahan na nilang basahin ang Bibliya, at kabisaduhin ang Bibliya, at habang mas dumarami ang nakakabisa nila mula sa Bibliya, mas napapatunayan nito na mahal nila ang Panginoon at malaki ang kanilang pananampalataya. Ang lahat ng nakapagbasa na ng Bibliya at nakapagbabahagi nito sa iba ay mabubuting mga kapatid. Sa buong panahong ito, ang pananampalataya at katapatan ng mga tao sa Panginoon ay nasusukat ayon sa lawak ng kanilang pagkaunawa sa Bibliya. Hindi lamang talaga nauunawaan ng karamihan ng mga tao kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, o kaya ay paano maniwala sa Diyos, at wala silang ginagawa kundi pikit-matang maghanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Bibliya. Hindi kailanman hinanap ng mga tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; simula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong pag-aralan at siyasatin ang Bibliya, at walang sinumang nakahanap ng mas bagong gawain ng Banal na Espiritu na labas sa Bibliya. Walang sinumang lumihis kahit minsan mula sa Bibliya, ni nangahas na gawin ito. Pinag-aralan ng mga tao ang Bibliya sa loob ng napakatagal na panahon, sila ay nakabuo ng napakaraming paliwanag, at nagbuhos ng napakaraming pagsisikap. Marami rin silang pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa Bibliya, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga mahigit pa sa dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang natatanging mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Bibliya, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang impormasyon sa likod ng gawain ni Jehova sa Israel, o impormasyon sa likod ng gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang pagturing ng mga tao sa Bibliya ay isang pagkahumaling at pananampalataya, at walang sinuman ang nagbibigay ng ganap na kalinawan tungkol sa nakapaloob na kuwento o diwa ng Bibliya. Kaya ngayon ang mga tao ay mayroon pa ring di-mailarawang diwa ng kahiwagaan pagdating sa Bibliya, at mas nahuhumaling pa sila rito, at nagkakaroon pa nga ng higit na pananalig rito. Ngayon, ang lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng gawain sa mga huling araw sa Bibliya, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Bibliya ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, higit na bulag na pananalig ang ibinibigay nila sa mga propesiya sa Bibliya, partikular na sa mga tungkol sa mga huling araw. Sa ganito kabulag na paniniwala sa Bibliya, sa ganitong pagtitiwala sa Bibliya, wala na silang hangad na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na ang Bibliya lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu, sa Bibliya lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos, sa Bibliya lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos, ang Bibliya lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang makapaglilinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain; ang Bibliya ay maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa; at ang Bibliya ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Sa mga kuru-kuro na ito, wala nang kagustuhan ang mga tao na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Bibliya sa mga tao noong araw, ito ay naging isang balakid sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Bibliya, maaaring hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, nakapaloob na ang Kanyang mga yapak sa Bibliya, at naging doble ang hirap ng pagpapalawak ng Kanyang pinakabagong gawain, at tila isa itong paakyat na paglalakbay. Lahat ng ito ay dahil sa kilalang mga kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, at dahil na rin sa iba’t ibang mga propesiya sa Bibliya. Ang Bibliya ay naging diyos-diyosan sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Bibliya, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos nang labas sa Bibliya, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat maisip ng mga tao, hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito makita sa kanilang isipan. Ang Bibliya ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at pagpapahirap sa pagpapalawak ng Diyos ng bagong gawaing ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Bibliya; si Jesus ay pumarito lamang upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay umaayon dito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Nabasa ng lahat ng Hudyo ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang likas na pagkasuwail at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Pariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Bibliya ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkasuwail sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang pag-aalinlangan, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung magkamit ka ng mas maraming kabatiran sa Diyos at mas maingat ka sa Kanya, hindi ba ito kalabisan? Hindi mo kailangang humanap ng iba pang patunay mula sa Bibliya; kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, kailangan mong tanggapin ito, sapagkat naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong mahiwatigan kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng maraming di-mapabulaanang patunay sa Bibliya, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Mamumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Bibliya, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Bibliya na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Bibliya na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makakaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Pariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugma. Sa panahong iyon, nagbigay lamang ng sunud-sunod na sermon si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipun-tipon, paano magmakaawa sa panalangin, paano tratuhin ang iba, at iba pa. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at ipinaliwanag lamang Niya kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawa sa gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito makakatulong na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang maisusulong ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw, paano maging mapagpasensya at paano maligtas, paano magsisi at mangumpisal, at kung paano magpasan ng krus at magtiis ng hirap; hindi Niya kailanman binanggit kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw, ni kung paano niya dapat hangaring palugurin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba katawa-tawang saliksikin ang Bibliya para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Bibliya? Isa mang tagapaglahad ng Bibliya o isang mangangaral, sino ang makakakita nang maaga sa gawain ngayon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. … Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay para sa naririto at sa ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Nagawa nang tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Mayroong mga nagsasabing kaayon Ko sila, ngunit ang ganitong mga tao ay lahat sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, silang lahat ay laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Bibliya, nililimitahan nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakita, at wala silang kakayahang makita, at inilalabas nila ito upang tingnan kung paano nila gusto. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong sila sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog dahil sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Kasulatan?

At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaghangad ng masama ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag itinatapat Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang walang halaga. Yaong mga naghahangad lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at naghahangad lamang na maging kaayon ng isang malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na ilalagay ang sarili Niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik sa Akin—paano Ko sila magiging kaayon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Bibliya sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi Ko ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Bibliya sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Bibliya, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Bibliya sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat ngunit ang mas mahalaga ay pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong isakatuparan. Napakalaki ng paggagambala nito sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang diwa at ang kuwentong napapaloob sa Bibliya. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Bibliya, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka lamang ng wastong kaalaman at pananaw sa Bibliya. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahanap sa tunay na daan. Kaya, sa pagbabasa ng Bibliya ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng buhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya nga ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Bibliya. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Bibliya, ang mga pananaw ng mga tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga isinulat ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Bibliya ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, kaya nagtatamo ang mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mas mataas kaysa sa mga isinulat ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga isinulat ay hinango mula sa Bibliya, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Bibliya, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Bibliya. At bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Bibliya, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Bibliya ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Gaano man kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan ay matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, at hindi rin hindi nagbabago kailanman ang mga panahon, dahil mayroong paglikha at dapat maykaroon ng mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paano madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba’t ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang simbahan ng mga relihiyon—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Kaugnay na mga Himno

Dapat Hanapin ng mga Mananampalataya ng Diyos ang Kanyang Kasalukuyang Kalooban

Ang Diyos ay Nakagawa ng Higit at Mas Bagong Gawain sa mga Gentil sa mga Huling Araw

Hangarin ang Daan ng Pagiging-Magkaayon kay Cristo

Lahat ng Gumagamit ng Biblia para Tuligsain ang Diyos ay mga Fariseo

Sinundan: 12. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Buong Bibliya ay Kinasihan ng Diyos, Ang Lahat ng Salita sa Bibliya ay mga Salita ng Diyos”

Sumunod: 14. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Pangalan ng Panginoong Jesus ay Hindi Kailanman Magbabago; Sa Pagbabalik ng Panginoon, Siya ay Tatawagin pa ring Jesus”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito