2. Paano lutasin ang intensiyon at labis na pagnanais na magkamit ng mga pagpapala

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Karamihan sa mga tao ay nananampalataya sa Diyos alang-alang sa kapayapaan at iba pang mga pakinabang. Kung hindi ka makikinabang, hindi ka mananampalataya sa Diyos, at kung hindi ka makatatanggap ng mga biyaya ng Diyos, nagmamaktol ka. Paano magiging iyong tunay na tayog ang nasabi mo? Pagdating sa di-maiiwasang mga pangyayari sa pamilya tulad ng pagkakasakit ng mga anak, pagkaospital ng mga mahal sa buhay, mahinang ani ng mga pananim, at pag-uusig ng mga kapamilya, kahit ang mga bagay na ito na nangyayari araw-araw ay mabigat para sa iyo. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, natataranta ka, hindi mo alam kung ano ang gagawin—at kadalasan, nagrereklamo ka tungkol sa Diyos. Inirereklamo mo na nilinlang ka ng mga salita ng Diyos, na kinutya ka ng gawain ng Diyos. Wala ba kayong gayong mga saloobin? Palagay mo ba bihira lamang mangyari sa inyo ang gayong mga bagay? Ginugugol ninyo ang bawat araw sa pamumuhay sa gitna ng gayong mga kaganapan. Hindi ninyo iniisip ni katiting ang tagumpay ng inyong pananalig sa Diyos, at kung paano ninyo matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang inyong tunay na tayog ay napakaliit, mas maliit pa kaysa sa munting sisiw. Kapag nalugi ang negosyo ng inyong pamilya nagrereklamo kayo tungkol sa Diyos, kapag natatagpuan ninyo ang inyong sarili sa isang sitwasyon na walang proteksyon ng Diyos nagrereklamo pa rin kayo tungkol sa Diyos, at nagrereklamo kayo kahit kapag namatay ang isa sa inyong mga sisiw o nagkasakit ang isang matandang baka sa kulungan. Nagrereklamo kayo kapag panahon na para mag-asawa ang inyong anak na lalaki ngunit walang sapat na pera ang inyong pamilya; nais ninyong gampanan ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ngunit hindi ninyo kayang gastusan iyon, at pagkatapos ay nagrereklamo ka rin. Punong-puno ka ng mga reklamo, at kung minsan ay hindi ka dumadalo sa mga pagtitipon o kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos dahil dito, at nananatili kang negatibo sa loob ng di-malamang haba ng panahon. Walang nangyayari sa iyo ngayon na may kinalaman sa iyong kinabukasan o kapalaran; ang mga bagay na ito ay mangyayari din kahit hindi ka nanampalataya sa Diyos, ngunit ngayon ay ipinapasa mo sa Diyos ang responsabilidad para sa mga ito, at pilit mong sinasabi na itiniwalag ka na ng Diyos. Kumusta ang pananampalataya mo sa Diyos? Naialay mo ba talaga ang iyong buhay? Kung dinanas ninyo ang mga pagsubok na dinanas ni Job, walang isa man sa inyo na sumusunod sa Diyos ngayon ang makakayang manindigan, lahat kayo ay babagsak. At sa totoo lang, napakalaki ng pagkakaiba ninyo kay Job. Ngayon, kung sinamsam ang kalahati ng inyong mga ari-arian, mangangahas kayong ikaila ang pag-iral ng Diyos; kung kinuha ang inyong anak na lalaki o babae mula sa inyo, magtatatakbo kayo sa kalye nang nag-eeskandalo; kung ang tanging paraan mo para kumita ay wala nang patutunguhan, susubukan mong makipagtalo sa Diyos; itatanong mo kung bakit Ako nagpahayag ng napakaraming salita sa simula para takutin ka. Walang anumang bagay na hindi ninyo pangangahasang gawin sa gayong mga pagkakataon. Ipinakikita nito na hindi pa kayo nagtamo ng anumang tunay na mga kabatiran, at wala kayong tunay na tayog. Sa gayon, ang mga pagsubok sa inyo ay napakalaki, sapagkat napakarami ninyong alam, ngunit ang inyong tunay na nauunawaan ay ni wala pa sa isa sa isanlibo ng inyong nalalaman. Huwag tumigil sa pagkaunawa at pagkaarok lamang; ang pinakamainam ay tingnan ninyo kung gaano karami ang tunay ninyong maisasagawa, gaanong kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ang nakamit mula sa pawis ng inyong pagsusumikap, at sa ilan sa inyong mga pagsasagawa ninyo naisakatuparan ang sarili ninyong matibay na determinasyon. Dapat mong seryosohin ang iyong tayog at pagsasagawa. Sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi ka dapat magtangkang gumawa nang wala sa loob para kaninuman—matatamo mo man ang katotohanan at buhay sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (3)

Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang magkamit ng mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang magkamit ng mga pagpapala, dapat kong talikuran ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanang mabuti ang aking tungkulin. Ang kalagayang ito ay pinangingibabawan ng intensyong magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa pakay ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ng ilang salita at doktrina ang kanilang pagkaunawa na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananalig ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang pagpapakapagod, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang isakripisyo ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makompleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang mismong nailarawan ni Pablo sa imahinasyon at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na tinahak niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga intensyon sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang hangarin ang kaalaman habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at mga kaugalian ng pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng walang pananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Iyong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananalig. Iniisip nila: “Dapat kong talikuran ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa diyos. Dapat akong maging deboto sa harap ng diyos, at sa huli, tatanggapin ko ang malalaking gantimpala at mga dakilang korona.” Ito rin ang katulad na saloobin ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay. Wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at pinaghaharian sila ng iisang kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla. Kung nananampalataya sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag nananampalataya sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Ang inaalala lamang ng marami sa sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling mabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na isyu ay hindi makakatulong sa paglago ng kanilang buhay o makakapagbigay ng anumang pakinabang. Dahil dito, bagaman nakarinig sila ng impormasyon tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila ito sineseryoso. Hindi nila ito nakikita bilang isang mahalagang bagay na dapat tanggapin, lalong hindi nila ito naaarok sa pamamagitan ng pagturing dito bilang isang bahagi ng kanilang buhay. Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, walang layon ng pananampalataya sa Diyos ang mas lehitimo kaysa sa pagkamit ng mga pagpapala—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa pakay na ito, anuman ito, nananatili silang hindi naaantig nito. Ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ngayon. Ang kanilang pakay at intensyon ay mukhang lehitimo, dahil habang nananampalataya sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, nag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan nang nagpapakaabala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang pakay ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Nagpaparoo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga adhikain; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga paghihirap, panganib, at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsensiya? Ang kanila bang dakila at marangal na integridad? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananalig na magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng gantimpala? Ang kanila bang debosyon ng pagiging handang isuko ang lahat upang tuparin ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang dedikadong diwa ng palaging pagtalikod sa personal na maluluhong kahilingan? Ang paggugol pa rin ng isang tao ng labis na dugo ng puso kahit hindi niya kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Gayumpaman, ang kanilang pag-uugali ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kung bakit ang mga taong hindi kailanman nakakaunawa sa Diyos ay magbabayad ng gayong malaking halaga para sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang problema na dating di-natukoy ng tao: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isang ugnayan lamang ng hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang sa magkapamilya sa ganitong uri ng relasyon na nakabatay sa pansariling interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang paglunok sa galit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang malaking agwat lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang ugnayang ito? Naniniwala Ako na kapag inilublob ng mga tao ang kanilang sarili sa masayang kapaligiran ng pagiging pinagpala, walang sinuman ang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at kapangit tingnan ang gayong ugnayan sa Diyos.

Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa pananampalataya ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling proyekto sa gitna ng gawain ng Diyos, subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng pananampalataya ng tao sa Diyos ay na, habang hinahangad niya ang pagpapasakop sa Diyos at pagsamba sa Diyos, kasabay nito ay bumubuo siya ng sarili niyang pangarap tungkol sa isang inaasam na hantungan at nagpapakana kung paano makamit ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng mga tao kung gaano siya kahabag-habag, kamuhi-muhi, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakabitiw sa kanilang mga adhikain at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at itigil ang pagbuo ng mga plano para sa sarili niya? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga maglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala para magpasakop sa Kanya. Hindi Niya kailangan ang mga taong naglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga gumugugol nang kaunti para sa Kanya at pagkatapos ay naghihintay na gumiit ng sukli mula sa Kanya. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay kontento na sa kanilang mga tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na kontra sa gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkamuhi Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng Kanyang gawain ng pagliligtas para sa sarili nilang kapakinabangan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa gustong matamo at makamit ng Diyos sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos kahit kaunti, lubos silang abala sa sarili nilang kinabukasan at kapalaran. Yaong mga nasusuklam sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at na wala ni katiting na interes sa kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang mga layunin, ay pawang ginagawa ang mga bagay na gusto nilang gawin sa labas ng saklaw ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang mga kilos ay hindi tinatandaan ni sinasang-ayunan ng Diyos, lalong hindi tinitingnan nang may pabor ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong personal na mga kuru-kuro, pag-asam, at mga kinabukasan. Ang gawain ay ginagampanan na ngayon sa ganitong paraan para pungusan ang inyong pagnanais para sa katayuan at ang inyong maluluhong pagnanais. Ang mga pag-aasam na ito, ang pagnanais na ito para sa katayuan, at ang mga kuru-kurong ito ay pawang mga huwaran ng mga satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao ganap na dahil palaging unti-unting sinisira ng mga lason ni Satanas ang kaisipan ng mga tao, at hindi kailanman maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at dagdag pa rito, iniisip pa rin nila, “Nananampalataya kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Nananampalataya kami sa Diyos, kaya kailangang maging superyor kami sa iba, at kailangan naming magkaroon ng mas mataas na katayuan at mas magagandang kinabukasan kaysa sa sinumang iba. Dahil nananampalataya kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na pananampalataya sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging tuso, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila hindi nagtataglay ng pagtitiyaga o determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala sila ng anumang determinasyon na lampasan ang kanilang sarili, at higit pa riyan, wala sila ni katiting na lakas ng loob na iwaksi ang mga paglilimita ng madidilim na impluwensiyang ito. Ang buhay at mga kaisipan ng mga tao ay napakabulok na ang kanilang mga perspektiba tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay napakapangit pa rin, at lubos na nakakalabag pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kapangyarihan, kasuklam-suklam, at marupok. Hindi sila nasusuklam sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito. Hindi ba’t ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? Ibig sabihin, dahil nananampalataya kayo sa Diyos, samakatwid ay dapat kayong magkamit ng mga pagpapala, at dapat matiyak na ang inyong katayuan ay hindi bababa kailanman, na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya—hindi kayo nagkikimkim ng ganitong klase ng perspektiba sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang inyong transaksyonal na paraan ng pag-iisip. Bagama’t nakarating na kayo sa hakbang na ito ngayon, hindi pa rin kayo mapanatag pagdating sa katayuan; patuloy kayong humahanap ng paraan para usisain ito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang inyong katayuan at masira ang inyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. … Habang mas naghahangad ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang aanihin mo. Kapag mas matindi ang pagnanais ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas higit siyang pungusan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay labis na walang kuwenta! Kailangan silang sumailalim sa maraming pagpupungos at paghatol upang lubusan nilang bitiwan ang kanilang pagnanais para sa katayuan. Kung maghahangad kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Iyong mga hindi naghahangad ng buhay ay hindi mababago, at iyong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay palagi kang tumutuon sa maluluhong pagnanais at mga bagay na naglilimita sa iyo mula sa pagmamahal at paglapit sa Diyos. Mababago ka ba ng mga bagay na iyon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian? Kung ang pakay ng iyong paghahangad ay hindi para hanapin ang katotohanan, mabuti pang samantalahin mo ang pagkakataong ito at bumalik ka sa sanlibutan upang hangarin iyon. Ang pagsasayang ng iyong panahon sa ganitong paraan ay talagang hindi sulit—bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? Hindi ba totoo na maaari mong matamasa ang lahat ng uri ng bagay sa magandang sanlibutan? Pera, magagandang babae, katayuan, banidad, pamilya, mga anak, at iba pa—hindi ba ang mga produktong ito ng sanlibutan ang pinakamagagandang bagay na maaari mong matamasa? Ano ang silbi ng paggala-gala rito sa paghahanap ng isang lugar kung saan ka magiging masaya? Ang Anak ng tao ay walang mahimlayan ng Kanyang ulo, kaya paano ka magkakaroon ng isang lugar na maginhawa? Paano Siya lilikha ng isang magandang lugar na maginhawa para sa iyo? Posible ba iyon? Bukod sa Aking paghatol, ang matatanggap mo lamang ngayon ay ang mga turo tungkol sa katotohanan. Hindi ka makatatamo ng kaginhawahan mula sa Akin at hindi mo maaaring matamo ang maginhawang sitwasyong kinasasabikan mo gabi’t araw. Hindi Ko ipagkakaloob sa iyo ang mga yaman ng sanlibutan. Kung tapat kang naghahangad, handa Akong ibigay sa iyo nang buong-buo ang daan ng buhay, upang maging tulad ka ng isang isda na naibalik sa tubig. Kung hindi ka tapat na naghahangad, babawiin Ko itong lahat. Hindi Ako handang ibigay ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig sa iyong mga nag-iimbot ng kaginhawahan, na katulad lamang ng mga baboy at aso!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Sa tuwing binabanggit ang hantungan, itinuturing ninyo ito nang may espesyal na kaseryosohan; higit pa riyan, kayong lahat ay partikular na sensitibo tungkol sa bagay na ito. May ilang taong hindi makapaghintay na iyukod ang kanilang mga ulo hanggang lupa, yumuyuko nang mababa sa harap ng Diyos para lamang makapagkamit ng magandang hantungan. Nauunawaan Ko ang inyong pagiging masigasig, na hindi na kailangang ilahad pa sa pamamagitan ng mga salita. Ito’y dahil lamang ayaw ninyong humantong ang inyong laman sa sakuna, at bukod pa rito, ayaw ninyong mahulog sa walang hanggang kaparusahan sa hinaharap. Kayo ay umaasa lamang na tulutan ang inyong sarili na mabuhay nang higit na malaya at maalwan. Kaya kayo ay lalong higit na nagiging nasasabik sa tuwing nababanggit ang hantungan, lubos na nangangamba na kapag hindi kayo naging sapat na maingat, maaaring sumalungat kayo sa Diyos at makatatanggap kung gayon ng nararapat na parusa. Hindi kayo nag-alinlangan na makipagkompromiso para lamang sa inyong hantungan, at maging ang marami sa inyo na dating mapanlinlang at walang galang ay bigla na lamang naging napakamalumanay at tapat; ang anyo ng inyong katapatan ay labis na nakakadurog sa puso ng mga tao. Gayon pa man, lahat kayo’y may mga “tapat” na puso, at patuloy ninyong ibinabahagi sa Akin ang mga lihim ng inyong mga puso nang walang anumang itinatago, maging ito man ay hinaing, panlilinlang o katapatan. Sa kabuuan, napakamatapat ninyong “ikinumpisal” sa Akin ang diwa ng mga bagay na nasa kaibuturan ng inyong pagiging tao. Mangyari pa, hindi Ko iniwasan kailanman ang gayong mga bagay, dahil naging napakapamilyar na ang mga ito sa Akin. Mas nanaisin pa ninyong pumasok sa dagat ng apoy alang-alang sa inyong huling hantungan kaysa mawalan ng isa mang hibla ng buhok para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sa Ako ay nagiging masyadong dogmatiko sa inyo; sadyang kayo ay labis na nagkukulang ng isang pusong may katapatan para harapin ang lahat ng Aking ginagawa. Maaaring hindi ninyo naiintindihan kung ano ang kapapahayag Ko lamang, kaya hayaan ninyo Akong magbigay sa inyo ng payak na paliwanag: Ang kailangan ninyo ay hindi ang katotohanan at buhay; ni ang mga prinsipyo kung paano kayo aasal, lalong hindi ang Aking masidhing paggawa. Sa halip, ang kailangan ninyo ay ang lahat na taglay ng inyong laman—kayamanan, katayuan, pamilya, buhay may-asawa, at iba pa. Lubos ninyong ipinagwawalang-bahala ang Aking mga salita at gawain, kung kaya’t malalagom Ko ang inyong pananampalataya sa iisang salita: pabasta-basta. Gagawin ninyo ang kahit ano upang matamo lamang ang mga bagay na labis kayong tapat, ngunit natuklasan Kong hindi ninyo ito gagawin alang-alang sa mga bagay na tungkol sa inyong pananampalataya sa Diyos. Sa halip, kayo ay relatibong tapat, at relatibong masigasig. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang mga taong walang pusong may sukdulang katapatan ay mga bigo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Pag-isipan ninyong mabuti—marami bang mga bigo sa inyong hanay?

Dapat ninyong malaman na natatamo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos bilang resulta ng sariling mga kilos ng mga tao; kapag hindi nagtatagumpay ang mga tao bagkus ay nabibigo, iyon din ay dahil sa sarili nilang mga kilos, at walang papel na ginagampanan ang anupamang bagay. Naniniwala Ako na gagawin ninyo ang lahat ng maaaring gawin para makamit ang isang bagay na mas mahirap at nangangailangan ng higit na pagdurusa kaysa pananampalataya sa Diyos, at labis ninyo itong sineseryoso, kung kaya’t hindi ninyo pahihintulutan ang anumang mga pagkakamali; ito ang mga uri ng walang-humpay na pagsisikap na ibinubuhos ninyo sa sarili ninyong mga buhay. Kaya pa nga ninyong linlangin ang Aking katawang-tao sa mga pagkakataon na ni hindi ninyo lilinlangin ang sinumang miyembro ng inyong pamilya. Ito ang inyong palagiang pag-uugali at ang prinsipyong ipinamumuhay ninyo. Hindi ba’t nagkukunwari pa rin kayo para linlangin Ako alang-alang sa inyong hantungan, upang ang inyong hantungan ay maging lubos na maganda at ayon sa lahat ng inyong hinahangad? Alam Ko na pansamantala lang ang katapatan ninyo, gayundin ang sinseridad ninyo. Hindi ba’t ang inyong determinasyon at ang halagang ibinabayad ninyo ay para lamang sa ngayon at hindi para sa hinaharap? Nais lamang ninyong magbuhos ng huling pagsisikap para matiyak ang isang magandang hantungan, na ang tanging layunin ay makipagpalitan. Hindi ninyo ginagawa ang pagsisikap na ito upang maiwasan ang pagkakautang sa katotohanan, at lalong hindi upang bayaran Ako sa halagang pinagbayaran Ko. Sa madaling salita, handa lamang kayong gumamit ng mga tusong pakana upang makamit ang inyong gusto, pero hindi ang hayagang makipaglaban para dito. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kaloob-loobang kaisipan ninyo? Hindi kayo dapat magbalatkayo, o magpagod sa pag-iisip tungkol sa inyong hantungan hanggang sa puntong wala na kayong ganang kumain o uminom sa araw, at hindi na makatulog nang payapa sa gabi. Hindi ba’t totoo na ang kalalabasan ninyo ay naitakda na sa huli? Dapat ninyong tuparin ang inyong sariling tungkulin nang may bukas at matapat na puso, at maging handang magbayad ng anumang halagang kinakailangan. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinuman na nagdusa o nagbayad ng halaga para sa Kanya. Ang ganitong uri ng paniniwala ay karapat-dapat na panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan lamang mapapanatag ang isipan Ko ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi nagpapanatag ng Aking isipan at kayo’y magpakailanmang magiging mga pinag-uukulan ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensiya, at maibibigay ang inyong lahat para sa Akin, na ibinubuhos ang buong pagsisikap para sa Aking gawain, at nag-uukol ng buong buhay na lakas sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t madalas na lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba? Nakapanghihinayang na ang tanging nagagawa ninyo ay kaawa-awa at labis na maliit na bahagi lamang ng Aking inaasahan. Yamang ganito ang kalagayan, ano’t may lakas kayo ng loob na hingin sa Akin ang inyong inaasam?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Kapag natatanggal ang ilang tao mula sa kanilang posisyon bilang lider at naririnig nilang sinasabi ng ang Itaas na hindi na sila lilinangin o gagamitin ulit, labis silang nalulungkot, at umiiyak nang mapait, na para bang itinitiwalag na sila—anong problema ito? Ang hindi ba paglinang o paggamit ulit sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag na sila? Ibig bang sabihin nito ay hindi na sila maaaring magtamo ng kaligtasan? Napakahalaga ba talaga para sa kanila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Kung mga tao silang naghahangad sa katotohanan, dapat silang magnilay-nilay sa kanilang sarili kapag nawala ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at maramdaman ang tunay na pagsisisi; dapat nilang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magbagong-buhay, at huwag masyadong sumama ang kanilang loob o umiyak nang husto. Kung alam nila sa kanilang puso na tinanggal sila ng sambahayan ng Diyos dahil hindi sila gumawa ng tunay na gawain at hindi nila hinangad ang katotohanan, at naririnig nilang sinasabi ng sambahayan ng Diyos na hindi na sila muling iaangat o gagamitin, dapat silang mahiya, na may utang na loob sila sa Diyos, at na binigo nila ang Diyos; dapat alam nila na hindi sila karapat-dapat na gamitin ng Diyos, at sa ganitong paraan maituturing silang may kaunting katwiran. Gayumpaman, nagiging negatibo sila at sumasama ang loob nila kapag naririnig nilang hindi sila lilinangin o gagamitin ulit ng sambahayan ng Diyos, at ipinapakita nitong naghahangad sila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na hindi sila taong naghahangad sa katotohanan. Ganito katindi ang pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala, at ganito nila pinahahalagahan nang husto ang katayuan at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain, kaya dapat lang silang tanggalin, at dapat nilang pagnilayan at maunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Dapat alam nilang mali ang landas na kanilang sinusundan, na tinatahak nila ang landas ng isang anticristo sa pamamagitan ng paghahangad sa katayuan, kasikatan, at pakinabang, na hindi lang sa hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga ito, kundi sasalungatin pa ng mga ito ang Kanyang disposisyon, at kung gagawa sila ng iba’t ibang uri ng kasamaan, parurusahan din sila ng Diyos. Hindi ba’t may ganito rin kayong problema? Hindi ba’t hindi kayo magiging masaya kung sasabihin Ko ngayon na wala kayong espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Kapag narinig ng ilang tao na sinabi ng isang nakatataas na lider na wala silang espirituwal na pang-unawa, pakiramdam nila ay wala silang kakayahang unawain ang katotohanan, na siguradong ayaw sa kanila ng Diyos, na wala silang pag-asang pagpalain; pero sa kabila ng katunayan na sila ay nalulungkot, normal pa rin nilang nagagawa ang kanilang tungkulin—may kaunting katwiran ang gayong mga tao. Kapag naririnig ng ilang tao na may nagsasabing wala silang espirituwal na pang-unawa, nagiging negatibo sila at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Iniisip nila, “Sinasabi mong wala akong espirituwal na pang-unawa—hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala na akong pag-asang pagpalain? Yamang hindi na ako makakakuha ng anumang pagpapala sa hinaharap, bakit pa ako nananampalataya? Hindi ko tatanggapin na papagserbisyuhin ako. Sino ang magpapakapagod para sa iyo kung wala naman silang makukuhang kapalit? Hindi ako ganoon kahangal!” May taglay bang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? Napakaraming biyaya ang tinatamasa nila mula sa Diyos subalit hindi sila marunong na suklian ito, at ayaw pa nga nilang magserbisyo. Katapusan na ng mga taong tulad nito. Ni hindi nga nila kayang magserbisyo hanggang sa huli at wala silang tunay na pananalig sa Diyos; sila ay mga hindi mananampalataya. Kung mayroon silang sinserong puso para sa Diyos at tunay na pananalig sa Diyos, kahit gaano pa sila tayahin, magbibigay-daan lang ito para mas tunay at mas tumpak nilang makikilala ang kanilang sarili—dapat nilang harapin ang bagay na ito nang tama at huwag hayaang makaapekto ito sa kanilang pagsunod sa Diyos o pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit pa hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, dapat handa pa rin silang magserbisyo sa Diyos hanggang sa huli, at maging masaya na gawin iyon, nang walang mga reklamo, at dapat magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay—kapag nangyari iyon saka lang sila magiging isang taong may konsensiya at katwiran. Nasa mga kamay na ng Diyos kung tatanggap man ng mga pagpapala o magdurusa ng kasawian ang isang tao, may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa bagay na ito at Siya ang nagsasaayos nito, at hindi ito isang bagay na mahihiling o mapagtatrabahuhan ng mga tao. Sa halip, nakadepende ito sa kung kaya ba ng taong iyon na sundin ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang katotohanan, at gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—susuklian ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Kung may kaunting sinseridad gaya nito ang isang tao, at ibinubuhos niya ang buong lakas na makakaya niya sa tungkuling dapat niyang gawin, kung gayon ay sapat na iyon, at makukuha niya ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Sa kabilang dako, kung hindi naman ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan at gumagawa pa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, pero sa kabila niyon ay gusto pa rin niyang makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, hindi ba’t ang pag-asta nila nang ganito ay lubhang wala sa katwiran? Kung pakiramdam mo ay hindi mo napagbutihan ang trabaho, na gumugol ka ng matinding pagsisikap pero hindi mo pa rin nagawang harapin ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, at pakiramdam mo ay may pagkukulang ka sa Diyos, pero pinagpapala ka at pinagpapakitaan ka Niya ng biyaya, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay pinagpapakitaan ka ng Diyos ng pabor? Kung nais ng Diyos na pagpalain ka, isang bagay iyon na hindi maaagaw ninuman. Maaaring iniisip mo na hindi mo napagbutihan ang trabaho, pero sa ebalwasyon ng Diyos, sinasabi Niyang sinsero ka at ibinigay mo naman ang lahat ng iyong makakaya, at nais Niyang bigyan ka ng biyaya at pagpalain ka. Walang anumang ginagawa ang Diyos na mali, at dapat mong purihin ang Kanyang pagiging matuwid. Anuman ang ginagawa ng Diyos, laging tama ito, at kahit pa nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol sa ginagawa ng Diyos, naniniwalang hindi naisasaalang-alang ng ginagawa Niya ang damdamin ng mga tao, na hindi ito ayon sa gusto mo, magkagayon man, dapat mo pa ring purihin ang Diyos. Bakit dapat mong gawin ito? Hindi ninyo alam ang dahilan kung bakit, tama ba? Ang totoo, napakadali lang ipaliwanag nito: Ito ay dahil ang Diyos ay Diyos at ikaw ay tao; Siya ang Lumikha, at ikaw naman ay isang nilikha. Hindi ka kalipikadong hilinging kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan o na tratuhin ka Niya sa isang partikular na paraan, ngunit kalipikado ang Diyos na hilingin ang anuman sa iyo. Ang mga pagpapala, biyaya, mga gantimpala, at mga korona—kung paano ipinagkakaloob ang mga bagay na ito at kung kanino ipagkakaloob ang mga ito, ang Diyos ang bahalang magpasya niyon. Bakit ang Diyos ang bahalang magpasya nito? Pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; hindi pinagsamang pag-aari ang mga ito sa pagitan ng tao at ng Diyos na maaaring pantay na hatiin sa pagitan nila. Sa Diyos ang mga ito, at ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa mga pinangakuan Niyang pagkakalooban ng mga ito. Kung hindi ipinangako ng Diyos na ipagkaloob ang mga ito sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop sa Kanya. Kung titigil ka sa pananampalataya mo sa Diyos dahil dito, anong mga problema ang malulutas niyon? Hindi kana ba magiging isang nilikha? Matatakasan mo ba ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hawak pa rin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at isa itong hindi mababagong katotohanan. Ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring itumbas sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng tao, ni hindi rin kailanman sasailalim sa anumang pagbabago ang mga bagay na ito—ang Diyos ay magpakailanman na Diyos, at ang tao ay tao magpakailanman. Kung kaya itong unawain ng isang tao, ano, kung gayon, ang dapat niyang gawin? Dapat siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamakatwirang paraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bukod dito, wala nang iba pang landas na maaaring piliin. Kung hindi ka magpapasakop, kung gayon, mapaghimagsik ka, at kung masuwayin ka at nakikipagtalo, napakamapaghimagsik mo, at dapat kang wasakin. Ang magawang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nagpapakitang may katwiran ka; ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao, at tanging ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga nilikha.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem

Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagkamit ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magkamit ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, “Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang magmamalasakit sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako puwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?” Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagkakamit ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili. Kaya kapag binago ang pagkakatalaga ng kanyang tungkulin, kung pag-aangat ito, iisipin ng isang anticristo na may pag-asa siyang pagpalain. Kung ito ay demosyon, mula sa pagiging lider ng pangkat pababa sa pagiging katuwang na lider ng pangkat, o mula sa katuwang na lider ng pangkat pababa sa pagiging karaniwang miyembro ng grupo, ipinagpapalagay niyang ito ay magiging isang malaking problema at sa tingin niya ay maliit ang pag-asa niyang magkamit ng mga pagpapala. Anong uri ng pag-iisip ito? Tama bang pag-iisip ito? Talagang hindi. Katawa-tawa ang pananaw na ito! Ang pagkamit o hindi pagkamit ng isang tao sa pagsang-ayon ng Diyos ay hindi nakabase sa tungkuling ginagawa niya, kundi sa kung taglay ba niya ang katotohanan, kung tunay ba siyang nagpapasakop sa Diyos, at kung tapat ba siya. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem

Itinuring niya ang pagkakamit ng mga pagpapala bilang isang lehitimong layon na hahangarin. Paano ito naging mali? Lubos itong sumasalungat sa katotohanan, at hindi naaayon sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao. Dahil hindi isang lehitimong layon para sa mga tao na hangarin ang pagkakamit ng mga pagpapala, ano ang isang lehitimong layon? Ang paghahangad sa katotohanan at sa pagbabago ng disposisyon upang makapagpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—ito ang layong dapat hangarin ng mga tao. Halimbawa, sabihin nating nahaharap ka sa pagpupungos, at nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, at hindi ka makapagpasakop. Bakit hindi ka makapagpasakop? Ito ay dahil pakiramdam mo ay parehong hinahamon ang kinabukasang inaasam mo at ang pangarap mong magkamit ng mga pagpapala; bilang resulta, nagiging negatibo ka at masama ang loob, at gusto mong bitawan ang iyong gawain at isuko ang iyong tungkulin. Ano ang dahilan nito? Iyon ay dahil may problema sa iyong paghahangad. Kung gayon, paano ito dapat lutasin? Dapat mong talikuran kaagad ang iyong mga maling ideya, at hanapin kaagad ang katotohanan para lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon—ito ang pangunahing prayoridad. Dapat mong sabihin, “Hindi ako puwedeng sumuko. Kailangan kong tuparin ang tungkuling nararapat sa isang nilikha, at bitiwan ang pagnanais kong magkamit ng mga pagpapala.” Kapag binitiwan mo ang pagnanais para sa mga pagpapala at tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, maaalis ang bigat sa iyong mga balikat. Magiging negatibo ka pa rin ba kung gayon? Bagama’t magkakaroon pa rin ng mga pagkakataon na magiging negatibo ka, hindi ka malilimitahan nito. Sa puso mo, patuloy kang mananalangin at makikipaglaban, ibabaling ang layon ng iyong paghahangad mula sa paghahangad na magkamit ng mga pagpapala at magkaroon ng isang partikular na destinasyon, patungo sa paghahangad sa katotohanan. Iisipin mo, “Ang paghahangad sa katotohanan ay tungkulin ng isang nilikha. Nakaunawa ako ng ilang katotohanan, at iyon ang pinakamalaking ani, ang pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kahit na ayaw sa akin ng Diyos, hindi ako magkaroon ng magandang destinasyon, at mawasak ang mga pag-asa kong magkamit ng mga pagpapala, gagawin ko pa rin nang maayos ang aking tungkulin. Isa itong responsabilidad na hindi ko puwedeng iwasan. Anuman ang dahilan, talagang hindi ko ito puwedeng hayaan na makaapekto sa pagtupad ng aking tungkulin, at hindi ko ito puwedeng hahayaang makaapekto sa pagkompleto ko sa atas ng Diyos. Ito ang prinsipyong sinusunod ko sa pag-asal.” Hindi ba’t ito ay paglampas sa mga limitasyon ng laman? Maaaring sabihin ng ilan, “Pero paano kung negatibo pa rin ako?” Kung gayon, patuloy na hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong pagkanegatibo. Gaano karaming beses ka mang mahulog sa pagkanegatibo, ang kailangan mo lang gawin ay patuloy na hanapin ang katotohanan para lutasin ito, at patuloy na magsikap tungo sa katotohanan—unti-unti, makakaahon ka mula sa iyong pagkanegatibo. Kapag dumating ang araw sa iyong karanasan na hindi mo na nararamdaman ang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, at hindi ka na nalilimitahan ng iyong destinasyon at kinalabasan, mararamdaman mo na ang pamumuhay nang ganito ay higit na mas magaan at malaya. Makikita mo na sobrang nakakapagod pala na palaging mamuhay para sa pagkakamit ng mga pagpapala at pagkakaroon ng isang partikular na destinasyon, at na hindi ka talaga kailanman makakakuha ng anuman sa pamamagitan ng patuloy na pagsasalita at paggawa, at pagpipiga ng iyong utak, alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala. Makikita mo na talagang walang halaga ang pamumuhay sa ganoong paraan. Sa wakas ay maaarok mo ito sa puso mo: Kung nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, sinasayang ang pinakamagagandang taon ng iyong buhay sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, paghahangad ng mga pagpapala, at pagpapasasa sa makalamang kasiyahan, at sa huli ay wala kang natatamong anumang katotohanan, at wala kang maibabahaging anumang patotoong batay sa karanasan, na nagiging isang ganap na kahihiyan, kung gayon ay sumampalataya ka sa Diyos nang walang kabuluhan. At ano ba talaga ang sanhi nito? Iyon ay dahil masyadong malakas ang iyong intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, at masyadong mahigpit na sinasakop ng iyong kinalabasan at destinasyon ang iyong mga kaisipan at ginagapos ka. Kung dumating ang araw sa iyong karanasan na mauunawaan mo ang maraming katotohanan, at makakaahon ka mula sa pagkakagapos ng iyong kinabukasan at tadhana, wala ka nang pakialam sa mga makalaman o makamundong bagay, at ang paggampan mo sa tungkulin ay magbubunga ng patotoong batay sa karanasan. Ito ang mga resultang naidudulot ng pag-unawa sa katotohanan. Kailan mo makakamit ang pagtalikod sa lahat ng bagay para sumunod sa Diyos? Kapag patuloy na lumalalim ang karanasan mo sa buhay hanggang sa puntong nakakamit mo ang isang pagbabago sa iyong disposisyon, natural mong magagawang talikuran ang lahat ng bagay para sumunod sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok

Ang hinahangad ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay ang magtamo ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na ang mga tao ay hindi nadalisay at nagbubunyag pa rin ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang sumailalim sa pagpipino sa mga ito nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan magiging handa kang isuko ang iyong mga plano at mga pagnanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos kahit pa nangangahulugan ito ng pagkamatay. Samakatwid, kung ang mga tao ay hindi sasailalim sa ilang taon ng pagpipino, kung hindi sila magtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila mapapalaya ang sarili nila mula sa mga paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga kaisipan at puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay nalilimitahan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang matututunan ng mga tao ang mga aral, na ang ibig sabihin ay nakakamit nila ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamasa ng biyaya, kundi, ito ay higit na tungkol sa pagdurusa alang-alang sa pagmamahal sa Diyos. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, kailangan mo ring matamasa ang Kanyang pagkastigo; kailangan mong maranasan ang lahat ng ito. Kung mararanasan mo ang pagbibigay-liwanag ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin ang pagpupungos at paghahatol Niya sa iyo, magiging komprehensibo ang karanasan mo. Naisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa iyo at naisagawa rin Niya ang Kanyang gawain ng pagkastigo sa iyo. Pinungusan ka na ng salita ng Diyos, ngunit naliwanagan at natanglawan ka rin nito. Kapag ikaw ay negatibo at mahina, nagmamalasakit ang Diyos para sa iyo. Lahat ng gawaing ito ay nagtuturo sa iyo na lahat ng tungkol sa tao ay nasa loob ng mga pamamatnugot ng Diyos. Maaari mong isipin na ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol lang sa pagdurusa, o paggawa ng maraming bagay para sa Kanya, o pagiging mapayapa ng iyong laman, o ang pagiging maayos ng takbo ng lahat ng bagay para sa iyo, at pagiging komportable at maalwan mo sa lahat ng bagay. Wala sa mga ito ang mga pakay na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung nananampalataya ka dahil sa mga pakay na ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga gawa ng Diyos, matuwid na disposisyon ng Diyos, Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagkaunawang ito, dapat magawa mong alisin sa puso mo ang personal mong mga hinihingi, inaasam, at kuru-kuro. Sa pamamagitan lamang ng pag-aalis ng mga bagay na ito mo matutugunan ang mga kondisyong hinihingi ng Diyos. Sa pamamagitan lamang nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga gawa at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw sa pananampalataya sa Diyos, at ito rin ang layong dapat mong hangarin. Ang pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay dapat maitama, at dapat mong hangaring makamit ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at sa partikular, kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring danasin ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang maiwaksi nila ang kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon. Kapag naiwaksi na ang lahat ng karumihan at pagiging hindi matuwid sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling intensyon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananalig sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananalig mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong pananampalataya sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka nananampalataya sa Kanya? Yamang nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananalig sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng lakas sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang pananampalataya sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananalig. Nananampalataya ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at gusto mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananalig sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon at hindi sila naghahangad ng pagkilala sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananalig na nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong paninindigan; hindi iyan tunay na pananalig sa Diyos. Upang manampalataya sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at ng determinasyon na isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kondisyong ito, walang bisa ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahangad sa katotohanan, sa pagkakilala sa Diyos, at sa buhay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin alang-alang sa pagtanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Bilang isang nilikha, dapat hangarin ng tao na kilalanin ang Lumikha at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at ang pinakamahalaga, hangaring mahalin ang Diyos nang hindi gumagawa ng anumang iba pang pagpili, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Iyong mga naghahangad ng pagmamahal para sa Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o ng mga personal na inaasam; ito ang pinakatamang paraan para maghangad. Kung ang hinahangad mo ay ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung ang hinahangad mo ay ang mga pagpapala ng laman, at ang isinasagawa mo ay ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang anumang pagbabago sa iyong disposisyon, at talagang hindi ka mapagpasakop kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o ititiwalag ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng isang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay may malaking importansiya sa inyo. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang napakaingat, mangangahulugan ito na mawawalan kayo ng hantungan, na winasak ninyo ang sarili ninyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang kabuluhan? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong gumugugol ng pagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na ayaw Ko na binobola Ako o kapag may sumisipsip sa Akin, o kapag pinapakitunguhan Ako nang may kasiglahan. Gusto Ko na ang matatapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at sa Aking mga inaasahan. Higit pa rito, gusto Ko kapag nagagawa ng mga tao na magpakita ng lubos na pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nga nilang gugulin ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso. Sa ngayon, ilang bagay tungkol sa inyo ang hindi Ko nagugustuhan? Ilang bagay tungkol sa inyo ang nagugustuhan Ko? Maaari kayang walang sinuman sa inyo ang nakapagtanto ng lahat ng iba’t ibang pagpapakita ng kapangitang inyong ginawa alang-alang sa inyong hantungan?

Sa Aking puso, hindi Ko ninanais makasakit ng anumang pusong positibo at naghahangad ng pag-unlad, at lalong ayaw Kong pawiin ang kasigasigan ng sinumang debotong gumagawa ng kanyang tungkulin. Gayumpaman, kailangan Kong paalalahanan ang bawat isa sa inyo tungkol sa inyong mga pagkukulang at sa maruming kaluluwa na nasa pinakakaibuturan ng inyong mga puso. Ginagawa Ko lang ito sa pag-asang magagawa ninyong ihandog ang inyong taos na puso sa pagharap sa Aking mga salita, dahil ang pinakakinasusuklaman Ko ay ang panlilinlang ng mga tao sa Akin. Umaasa lamang Ako na sa huling yugto ng Aking gawain, maibibigay ninyo ang inyong pinakamahusay na pagganap, at na ilalaan ninyo ang inyong mga sarili nang buong puso, hindi na nagdadalawang-isip. Siyempre, umaasa rin Ako na lahat kayo ay magkakaroon ng isang magandang hantungan. Gayumpaman, mayroon pa rin Akong hinihingi, at ito ay ang magawa ninyo ang pinakamahusay na desisyon sa paghahandog sa Akin ng inyong natatangi at huling katapatan. Kung may isang tao na walang ganoong natatanging katapatan, tiyak na siya ay isang iniingatang pag-aari ni Satanas, at hindi Ko na ipagpapatuloy ang paggamit sa kanya, kundi pauuwiin Ko siya para maalagaan ng kanyang mga magulang. Malaking tulong sa inyo ang Aking gawain; ang inaasahan Kong makuha sa inyo ay pusong tapat at naghahangad paitaas, ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring laman ang Aking mga kamay. Pakaisipin ninyo ito: Kung pagdating ng araw ay naaagrabyado pa rin Ako, na walang sapat na mga salitang makapaglarawan dito, ano ang Aking magiging saloobin sa inyo noon? Magiging magiliw pa rin kaya Ako sa inyo katulad ngayon? Magiging ganito pa rin kaya kapayapa ang Aking puso? Nauunawaan ba ninyo ang damdamin ng isang taong matapos magpakapagod sa pagsasaka sa bukid ay hindi man lamang umani ng kahit na isang butil? Nauunawaan ba ninyo kung gaano kalaki ang pinsala sa puso ng isang tao kapag nakaranas siya ng matinding dagok? Nalalasahan ba ninyo ang pait ng taong noon ay puno ng pag-asa, na kailangang lumayo nang may hidwaan? Nakita na ba ninyo ang poot na nagmumula sa taong pinukaw ang damdamin? Kaya ba ninyong malaman ang pananabik sa paghihiganti ng isang taong pinakitunguhan nang may poot at panlilinlang? Kung naiintindihan ninyo ang pag-iisip ng mga taong ito, sa tingin Ko ay hindi magiging mahirap para sa inyo na maisip ang saloobin ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagganti! Bilang pangwakas, umaasa Akong lahat kayo ay lubos na nagsisikap para sa inyong sariling hantungan; bagama’t makabubuting hindi kayo gumamit ng mapanlinlang na mga paraan sa inyong mga pagsusumikap, kung hindi ay patuloy Akong madidismaya sa inyo sa Aking puso. At saan humahantong ang gayong pagkadismaya? Hindi ba ninyo ginagawang hangal ang inyong mga sarili? Ang mga taong iniisip ang kanilang hantungan ngunit sinisira ito ay ang mga taong pinakamaliit ang kakayahang mailigtas. Kahit na lubhang maiinis at magagalit ang gayong tao, sino ang maaawa sa ganoong klaseng tao? Sa kabuuan, ninanais Ko pa rin na magkaroon kayo ng hantungang kapwa nararapat at mabuti, at, higit pa rito, umaasa Akong walang sinuman sa inyo ang mahuhulog sa sakuna.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Maging Tunay na Masunurin sa Diyos at Maligtas Niya

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Mga Pagninilay Pagkatapos Magkasakit Noong Pandemya

Mga Karumihan sa Aking mga Sakripisyo Para sa Diyos

Pagkatapos ng Pagpanaw ng Aking Asawa

Kaugnay na mga Himno

Ang mga Di-mabuting Layunin sa Likod ng Pananampalataya ng Tao sa Diyos

Ang Pananalig ng Tao sa Diyos ay Di-matiis sa Sama

Ang mga Pagsubok ng Diyos sa Tao ay para Dalisayin Sila

Dapat Mong Hangaring Magkaroon ng Tunay na Pagmamahal sa Diyos

Sinundan: 1. Paano lutasin ang problema ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao

Sumunod: 3. Paano lutasin ang problema ng hindi pagtanggap sa katotohanan at pagtatanggol sa sarili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito