13. Paano lutasin ang problema ng pagiging takot sa pagtitiis ng hirap at sa pag-ako ng responsabilidad sa tungkulin

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagdarasal at pagsasanay, pagtanggap sa pasanin ng Diyos, at pagtanggap sa mga atas na ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para magkaroon ka ng landas pasulong. Kapag mas marami ang pasaning mayroon ka para sa atas ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw pa ngang makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos kapag sila ay tinatawag; ang mga ito ay mga taong tamad na nag-iimbot ng kaginhawahan. Kapag mas hinihingi sa iyo na makipagtulungan sa iba para maglingkod, magkakaroon ka ng mas maraming karanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatwid, kung kaya mong paglingkuran nang sinsero ang Diyos, magiging mapagsaalang-alang ka sa pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo ng mga tao ay kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil nagkakaroon ka ng pasanin para sa iglesia nang sa gayon ay maaari kang gawing perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng gayong mga karanasan. Samakatwid, sinuman ang nagbubuhat ng pinakamalaking pasanin para sa iglesia, sinuman ang nagbubuhat ng pasanin para sa buhay pagpasok—sila ang mga taong ginagawang perpekto ng Diyos. Malinaw mo ba itong nakita? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala at naliligalig, at nagbubulag-bulagan ka pa nga kapag hindi normal na nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, kung gayon, isa itong pagpapamalas ng hindi pagkakaroon ng pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang mga minamahal ng Diyos. Ang mga taong minamahal ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, dapat kayong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ibunyag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa di-mabilang na tao bago kayo maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalampas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na paggigiyagis. Kapag naibunyag na ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa di-mabilang na mga tao, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. Ang ilang tao ay mismong yaong mga makakakita na nagkakatotoo ang mga salitang ito sa kanilang sarili. Handa ka bang gawin ang iyong sarili na isang sakripisyo para sa mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto

Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa paggampan ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maginhawang trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakakapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba’t isa itong tuso at mapanlinlang na tao? Ayaw niyang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga niya na mababasag ng mga dahon ang kanyang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang niya sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nangangaral ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong gawain—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang paggampan mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang uri ng taong natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanyang disposisyon? Dapat ay masabi mo ang pagkakaiba. Sa realidad, hindi ito isyu ng karuwagan. Paanong napakamapangahas niya pagdating sa pagiging mayaman, o kapag gumagawa siya ng isang bagay para sa sarili niyang kapakinabangan? Haharapin niya ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala siyang inaako na anumang mga panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at kasuklam-suklam, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin ay walang ni katiting na sinseridad sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na pumasan ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong-tapang na sumusulong sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na buong-tapang na umaako ng mabigat na pasanin at hindi takot na magtiis ng mga paghihirap at panganib kapag nakita niya ang gawain na pinaka-importante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakakaunawa sa katotohanan? Hindi; may problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at kasuklam-suklam, sila ay hindi mga sinserong mananampalataya sa Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil lang sa dahilan na ito, hindi sila maliligtas. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magbayad ng malaking halaga para makamit ang katotohanan, at makakaharap sila ng maraming balakid sa pagsasagawa nito. Dapat nilang talikuran ang mga bagay-bagay, talikuran ang kanilang mga interes ng laman, at tiisin ang ilang pagdurusa. Saka lang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ang katotohanan ng ganitong uri ng taong natatakot na umako sa responsabilidad? Tiyak na hindi niya maisasagawa ang katotohanan, lalong hindi niya ito makakamit. Natatakot siyang magsagawa ng katotohanan, na makaranas ng kalugihan sa kanyang mga interes; natatakot siyang mapahiya, na masiraang-puri at mahusgahan, at hindi siya nangangahas na magsagawa ng katotohanan. Dahil dito, hindi niya ito makakamit, at gaano karaming taon man siyang nananampalataya sa Diyos, hindi niya makakamit ang Kanyang kaligtasan. Ang mga kayang gumampan ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay dapat na mga taong may pagkaramdam sa pasanin pagdating sa gawain ng iglesia, na umaako ng responsabilidad, na kayang panindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at na kayang magdusa at magbayad ng halaga. Kung ang isang tao ay nagkukulang sa mga larangang ito, hindi siya karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin, at hindi niya naaabot ang mga kondisyon para sa paggampan ng tungkulin. Maraming tao ang natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin. Naipamamalas ang kanilang takot sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na pinipili lang nila ang mga tungkulin na hindi nangangailangan ng pag-ako ng responsabilidad. Kung isinaayos ng isang lider ng iglesia na gumampan sila ng isang tungkulin, itatanong muna nila kung kailangan ba nilang akuin ang responsabilidad para dito: kung oo, hindi nila ito tinatanggap. Kung hindi nito hinihingi sa kanilang akuin ang responsabilidad at managot para dito, tinatanggap nila ito nang may pag-aatubili, ngunit isinasaalang-alang pa rin kung nakakapagod ba ang gawain o kung may kasama itong pag-aalala. Kahit pa atubili nila itong tanggapin, ang intensyon nila ay hindi para gawin ito nang maayos, sa halip ay gusto pa rin nilang maging pabasta-basta, na ginagawang prinsipyo nila ang “kaginhawahan, walang pagtatrabaho, at walang pisikal na paghihirap.” Ang pangalawa ay na kapag nakakaranas sila ng paghihirap o nakakatagpo ng isang problema, ang una nilang tugon ay ang iulat ito sa isang lider at hayaan ang lider na asikasuhin at lutasin ito, sa pagtatangka na panatilihin ang kanilang sarili na walang alalahanin. Wala silang pakialam kung gaano kahusay na inaasikaso ng lider ang isyu at hindi nila ito iniisip—hangga’t hindi sila mismo ang umaako ng responsabilidad, lahat ay mabuti para sa kanila. Sa paggampan sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan, sila ba ay nagiging tapat sa Diyos? Tinatawag itong pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, at pagiging tuso. Salita lang itong lahat; wala silang ginagawang anumang tunay. Sinasabi nila sa kanilang sarili na, “Kung ako ang dapat mag-ayos sa bagay na ito, paano kung sa huli ay magkamali ako? Kapag tinitingnan nila kung sino ang dapat sisihin, hindi ba’t ako ang haharapin nila? Hindi ba’t ang responsabilidad para dito ay unang babagsak sa akin?” Ito ang inaalala nila. Subalit naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang tao na may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya? Anong kabuluhan ang mayroon sa paggampan ng gayong tao ng isang tungkulin? Hindi naman talaga mahalaga kung ginagampanan niya o hindi ang tungkuling ito, hindi ba? Natatakot siyang umako ng responsabilidad at umiiwas siya sa responsabilidad. Kapag may nangyayari, hindi siya agad na sumusubok na mag-isip ng paraan para pangasiwaan ang problema, sa halip, tumatawag at nagsasabi muna siya sa lider. Siyempre, may ilang taong sinusubukang asikasuhin ang problema sa sarili nila habang inaabisuhan nila ang lider, subalit hindi ito ginagawa ng ibang tao, at ang unang ginagawa nila ay ang tawagin ang lider, at pagkatapos ng tawag, pasibo lang silang naghihintay, naghihintay ng mga tagubilin. Kapag inutusan sila ng lider na gumawa ng isang hakbang, gumagawa sila ng isang hakbang; kung sinabi ng lider na gumawa ng isang bagay, ginagawa nila ito. Kung walang sinasabi o hindi nagbibigay ng tagubilin ang lider, wala silang ginagawa at nagpapaliban lang. Kung walang sinumang nag-uudyok sa kanila o nangangasiwa sa kanila, wala silang ginagawang anumang gawain. Sabihin mo sa Akin, ang gayong tao ba ay gumagampan ng isang tungkulin? Kahit sa pagtatrabaho, wala siyang katapatan! May isa pang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang takot na umako sa responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, may ilang taong gumagawa lang ng kaunting mababaw at simpleng gawain, gawaing hindi nangangailangan ng pag-ako sa responsabilidad. Ibinabato nila sa iba ang trabahong may mga kaakibat na paghihirap at pag-ako ng responsabilidad, at kung sakaling may mangyayaring mali, isinisisi nila ito sa mga taong iyon at umaakto sila na parang wala itong kinalaman sa kanila. Kapag nakikita ng mga lider ng iglesia na iresponsable sila, matiyaga ang mga itong nag-aalok ng tulong at pinupungusan sila, para magawa nilang umako ng responsabilidad. Subalit ayaw pa rin nila, at iniisip nila na, “Mahirap gawin ang tungkuling ito. Kailangan kong managot kapag nagkaroon ng problema, at maaari pa nga akong mapaalis at matiwalag, at iyon na ang magiging katapusan ko.” Anong klaseng saloobin ito? Kung wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa paggampan ng kanilang tungkulin, paano nila magagampanan ang tungkulin nila nang maayos? Ang mga hindi tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay hindi makakayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at iyong mga natatakot na umako ng responsabilidad ay mag-aantala lang sa mga bagay-bagay kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi katiwa-tiwala at hindi mapagkakatiwalaan ng kahit ano; ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin para maging palamunin. Dapat bang itiwalag ang mga “pulubi” na tulad nito? Dapat. Hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang tatlong pagpapamalas ng mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng kanilang tungkulin. Ang mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ni hindi man lang makakayang abutin ang antas ng isang tapat na trabahador, at hindi karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin. Itinitiwalag ang ilang tao dahil sa ganitong uri ng saloobin sa kanilang tungkulin. Kahit ngayon, maaaring hindi nila alam ang dahilan at nagrereklamo pa rin sila, nagsasabing, “Ginawa ko ang aking tungkulin nang buong sigasig, kaya’t bakit walang-puso nila akong pinalayas?” Kahit ngayon, hindi nila nauunawaan. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay gumugugol ng kanilang buong buhay nang hindi nauunawaan kung bakit sila itiniwalag. Nakikipag-argumento sila para sa kanilang sarili, at patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang sarili, iniisip na, “Likas para sa mga tao na protektahan ang kanilang sarili, at dapat nila itong gawin. Sino ba ang hindi kailangang protektahan ang kanilang sarili nang kaunti? Sino ba ang hindi kailangang ingatan ang kanilang sarili nang kaunti? Sino ang hindi nangangailangan na magpanatiling bukas ng isang ruta ng pagtakas para sa kanilang sarili?” Kung palagi mong pinoprotektahan ang iyong sarili sa tuwing may nangyayari sa iyo, at iniiwanan mong bukas ang isang pinto o lusutan para sa iyong sarili, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa sa katotohanan—pagiging tuso ito. Gumagampan ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang bukas na pinto o lusutan ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang pananampalataya, at ang kanilang pinakamataas na pilosopiya. Sa lahat ng bagay, ang pagsasaalang-alang muna sa sarili, paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, at hindi pag-iisip sa iba, naniniwala na ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba ay walang kinalaman sa sarili, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)

Nagtutulungan ang dalawang tao sa isang tungkulin. Pareho silang takot na kunin ang responsabilidad para rito, kaya nagiging tagisan ito ng talino. Sinasabi ng isa, “Ikaw na ang umayos nito.” Sinasabi ng isa pa, “Mas mabuti kung ikaw ang haharap dito. Mas mahina ang kakayahan ko kumpara sa iyo.” Ang iniisip talaga nila ay: “Walang magiging gantimpala sa maayos na paggawa ng bagay na ito, at kung hindi maayos ang paggawa nito, pupungusan ako. Hindi ako pupunta—hindi ako ganyan kamangmang! Alam ko kung ano ang balak mo. Tigilan mo na ang panghihikayat sa aking pumunta.” Ano ang kahihinatnan ng palitan nila? Wala sa kanila ang pupunta, at naaantala ang gawain bilang resulta. Hindi ba’t imoral iyan? (Oo.) Hindi ba’t seryoso ang kahihinatnan ng pag-antala ng gawain? Masama ang resultang ito. Kaya, ano ang ipinapamuhay ng dalawang ito? Pareho silang namumuhay sa mga satanikong pilosopiya; nililimitahan at ginagapos sila ng mga satanikong pilosopiya at ng sarili nilang panlilinlang. Nabigo silang isagawa ang katotohanan, at dahil diyan, hindi pasok sa pamantayan ang pagganap nila ng kanilang tungkulin. Pabasta-basta ito, at wala talagang anumang patotoo rito. Sabihin nang nagtutulungan ang dalawang tao sa isang tungkulin. Isa sa kanila ay sumusubok na kunin ang dominanteng posisyon sa lahat ng bagay at palagi niyang gustong siya ang may huling salita, at maaaring isipin ng isa, “Siya ang magaling; gusto niyang mamuno. Puwede siyang mamuno sa lahat ng bagay, at kapag may nangyaring mali, siya ang pupungusan. ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’! Hindi ako magiging agaw-pansin, kung gayon. Nagkataon lang na mahina ang kakayahan ko, at hindi ko gustong magambala ng mga bagay na ito. Gustung-gusto niyang mamuno, hindi ba? Kung may gagawing isang bagay, ipapaubaya ko ito sa kanya!” Ang taong magsasabi ng mga ganitong bagay ay natutuwang maging mapagpalugod ng mga tao, isang tagasunod. Ano ang palagay ninyo sa paraan niya ng pagganap ng tungkulin? Ano ang ipinapamuhay niya? (Ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) May iniisip din siyang iba. “Hindi ba siya magagalit sa akin kung kukunin ko ang papuring inaasahan niya? Hindi ba’t hindi namin magagawang magtulungan nang matiwasay sa aming pagpapatuloy? Kung makakaapekto ito sa aming relasyon, mahihirapan kaming magkasundo. Mas mabuti pa kung hahayaan ko siya sa gusto niya.” Hindi ba’t ito ay pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Ang paraan ng pamumuhay nila ay nagliligtas sa kanila sa gulo. Binibigyan sila nito ng kakayahang umiwas sa pagkuha ng responsabilidad. Susunod lang sila sa anumang ipagawa sa kanila, nang hindi kailangang mamuno o maging agaw-pansin, at nang hindi kailangang mag-isip ng tungkol sa anumang problema. Ang lahat ay inaako na ng iba, kaya hindi nila kailangang pagurin ang sarili nila. Ang kagustuhan nilang maging tagasunod ay nagpapatunay na wala silang diwa ng responsabilidad. Nabubuhay sila sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o pinapanghawakan ang mga prinsipyo. Iyan ay hindi may pagkakaisang pakikipagtulungan—ito ay pagiging tagasunod, isang mapagpalugod ng mga tao. Bakit hindi iyan pakikipagtulungan? Dahil hindi sila tumutupad sa responsabilidad nila sa anumang bagay. Hindi sila kumikilos nang buong puso at isipan nila, at maaaring hindi rin sila kumikilos nang buong lakas nila. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na nabubuhay sila ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sa halip na ayon sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Kung Ano ba Talaga ang Ipinamumuhay ng mga Tao

Kapag itinalaga sa iyo ang isang tungkulin, bagama’t pakiramdam mo ay kaya mo itong gawin, natatakot ka na kung magkamali ka ay ititiwalag ka, at kaya ikaw ay kimi at hindi umuusad. Isa ba iyang mapagpasakop na saloobin? Halimbawa, kung hinirang ka ng iyong mga kapatid na maging lider nila, maaari mong madama na obligado kang gampanan ang tungkuling ito dahil ikaw ang hinirang, ngunit hindi mo tinitingnan ang tungkuling ito nang may maagap na saloobin. Bakit hindi ka maagap? Dahil may mga iniisip ka tungkol dito, at pakiramdam mo ay, “Ni hindi man lang magandang bagay ang maging isang lider. Para itong paglalakad sa talim ng kutsilyo o pagtahak sa manipis na yelo. Kung magiging mahusay ang paggawa ko, wala namang gantimpala, ngunit kung hindi maganda ang trabaho ko, pupungusan ako. At ang mapungusan ay hindi pa ang pinakamalala. Paano kung tanggalin ako o itiwalag? Kung mangyayari iyon, hindi ba’t katapusan na ng lahat para sa akin?” Sa puntong iyon, nagsisimula kang magkaroon ng panloob na tunggalian. Ano ang saloobing ito? Ito ay pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa. Hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ito ay isang negatibong saloobin. Kung gayon, paano ba dapat ang isang positibong saloobin? (Dapat tayong maging bukas-puso at tapat, at magkaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin.) Ito ay dapat na maging saloobin ng pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Ang inyong sinasabi ay medyo hungkag. Paano ka magiging bukas-puso at tapat kung natatakot ka nang ganito? At ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin? Anong mentalidad ang magbibigay sa iyo ng tapang na akuin ang mga pasanin? Kung palagi kang natatakot na may mangyayaring hindi maganda at hindi mo ito mapapangasiwaan, at marami kang hadlang sa iyong kalooban, kung gayon ay pundamental kang mawawalan ng tapang na akuin ang mga pasanin. Ang “pagiging bukas-puso at tapat,” “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin,” o “hindi pag-atras kailanman kahit pa sa harap ng kamatayan” na sinasabi ninyo, ay tila katulad ng mga islogang isinisigaw ng galit na mga kabataan. Malulutas ba ng mga islogang ito ang mga praktikal na problema? Ang kinakailangan ngayon ay ang tamang saloobin. Para magkaroon ng tamang saloobin, dapat mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Ito ang tanging paraan para malutas ang iyong mga suliranin sa iyong kalooban, at para matulutan kang maluwag na tanggapin ang atas na ito, ang tungkuling ito. Ito ang landas ng pagsasagawa, at ito lamang ang katotohanan. Kung gumagamit ka ng mga salitang tulad ng “pagiging bukas-puso at tapat” at “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin” para tugunan ang takot na iyong nararamdaman, magiging epektibo ba ito? (Hindi.) Ipinahihiwatig nito na ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, ni landas ng pagsasagawa. Maaari mong sabihin, “Ako ay bukas-puso at tapat, ako ay may tayog na hindi matitinag, walang ibang kaisipan o karumihan ang aking puso, at mayroon akong tapang na akuin ang mga pasanin.” Sa panlabas ay inaako mo ang iyong tungkulin, ngunit kalaunan, pagkatapos pag-isipan ito nang ilang sandali, pakiramdam mo pa rin ay hindi mo ito kayang pasanin. Maaaring natatakot ka pa rin. Dagdag pa rito, maaari mong makita ang iba na pinupungos, at lalo kang matatakot, tulad ng isang taong takot sa sarili niyang anino. Mas mararamdaman mong masyadong mababa ang iyong tayog, at na ang tungkuling ito ay isang napakalawak at di-matawid na bangin, at sa huli ay hindi mo pa rin ito makakayang pasanin. Ito ang dahilan kaya hindi nalulutas ng pagbigkas ng mga islogan ang mga praktikal na problema. Kaya paano mo malulutas ang problemang ito? Dapat aktibo mong hanapin ang katotohanan at magkaroon ka ng isang nagpapasakop at nakikipagtulungan na saloobin. Talagang malulutas niyon ang problema. Walang silbi ang pagkamahiyain, takot, at pag-aalala. Ang mabunyag at matiwalag ba ay may anumang kinalaman sa pagiging isang lider? Kung hindi ka isang lider, mawawala ba ang iyong mga tiwaling disposisyon bilang resulta nito? Sa malao’t madali, kailangan mong harapin ang problema ng paglutas sa iyong mga tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito, kung hindi ka isang lider, hindi ka magkakaroon ng mas marami pang oportunidad na magsanay at magiging mabagal ang iyong pag-usad sa buhay, na may kakaunting pagkakataon para magawang perpekto. Bagaman medyo mas marami ang paghihirap sa pagiging isang lider o manggagawa, nagdudulot din ito ng maraming pakinabang, at kung kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, maaari kang magawang perpekto. Napakalaking pagpapala niyon! Kaya dapat kang magpasakop at aktibong makipagtulungan. Ito ang iyong tungkulin at ang iyong responsabilidad. Anuman ang daan sa hinaharap, dapat kang magkaroon ng puso ng pagpapasakop. Ito dapat ang iyong saloobin sa paggampan mo ng iyong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?

Kung, bilang mga lider at manggagawa, binabalewala ninyo ang mga problemang lumilitaw sa paggampan ng mga tungkulin, at naghahanap pa kayo ng iba’t ibang dahilan at palusot para umiwas sa pananagutan, at hindi ninyo nilulutas ang ilang problema na kaya ninyong lutasin, at hindi ninyo inuulat sa ang Itaas ang mga problemang hindi ninyo kayang lutasin, na para bang walang kinalaman ang mga ito sa inyo, hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? Ang pagtrato ba sa gawain ng iglesia sa ganitong paraan ay pagiging mautak o pagiging hangal? (Ito ay pagiging hangal.) Hindi ba’t tuso ang gayong mga lider at manggagawa? Hindi ba’t wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad? Kapag nahaharap sila sa mga problema, binabalewala nila ang mga ito—hindi ba’t sila ay mga taong walang pakialam? Hindi ba’t mga tuso silang tao? Ang mga tusong tao ang pinakahangal sa lahat. Dapat kang maging matapat na tao, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat mong subukan ang lahat ng paraan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Hinding-hindi ka dapat maging tusong tao. Kung ang iniisip mo lang ay ang pag-iwas sa pananagutan at paghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, makokondena ka dahil sa pag-uugaling ito kahit sa gitna ng mga walang pananampalataya, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ang pag-uugaling ito ay tiyak na kinokondena at isinusumpa ng Diyos, at ito ay kinasusuklaman at tinatanggihan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at tuso. Kung isa kang tusong tao at kumikilos nang madaya, hindi ka ba kasusuklaman ng Diyos? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, pananagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang pansamantalang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabubuti at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay-bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng iyong puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na tuso ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, palaging nililinlang ang Diyos, at hindi kailanman ibinibigay ang puso mo sa Kanya—ayaw ka ng Diyos, at kinasusuklaman at inaabandona ka ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at ang mga mahusay mambola at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang mga tunay na diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang ganitong mga tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Yaong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na mabulaklak ang dila at mapanlinlang at gumaganap ng isang papel para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Makakamit ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng balat ng tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)

Ngayon, umiiral pa rin ang maraming uri ng problema sa marami sa mga gumaganap ng mga tungkulin. Ang ilang tao ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng saloobin iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang tungkulin, ngunit ilang araw mo itong pinag-iisipan nang walang natatapos na anumang kongkretong gawain. Hindi ka nakikita sa trabaho, at hindi ka nahahanap ng mga tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi mo pinasan ang gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Hindi ka gumagawa ng anumang uri ng gawain ngayon. Alam na alam mo na responsabilidad mo ang gawaing ito, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mga salita at doktrina at sinasabi mo lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang aktuwal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon at walang anumang gawin doon. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at ikinokompromiso ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hiniling sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka, at hindi maingat kahit kaunti. Iyan ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Hindi ka sinsero pagdating sa Diyos, pero nagkukunwari kang may sinseridad. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananalig; gusto mong maging haligi ng iglesia at maging sandigan nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, mas wala kang silbi kaysa sa isang palito ng posporo. Hindi ba’t ito ay lantarang panlilinlang sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo sa pagtatangkang linlangin ang Diyos? Itataboy at ititiwalag ka Niya! Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos ni bahagya, at iresponsable sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Agad itong malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Walang sinumang hindi maayos ang pagganap sa tungkulin ang nagmamahal sa katotohanan o isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay lahat mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, dapat magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at pasanin ang mga tao. Sa paraang ito, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Nakakabahala lang kapag may isang taong walang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, kapag kailangan siyang himukin na gawin ang lahat ng bagay, kapag palagi siyang pabasta-basta, at sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, na humahantong sa pagkaantala ng resolusyon ng mga ito. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin? Ayaw nilang gawin ang alinmang gampanin na isinaayos para sa kanila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa gawain, hindi nila pinapansin ang mga ito. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inutusan sila, kapag kinakailangan na talaga nilang kumilos, at wala silang mapagpipilian. Hindi ito paggampan sa tungkulin—ito ay may bayad na pagtatrabaho! Ang isang bayarang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, gumagawa ng isang araw na trabaho para sa isang araw na sahod, isang oras ng trabaho para sa isang oras na sahod; naghihintay siyang mabayaran. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi magantimpalaan sa anumang ginagawa niya, nagtatrabaho lamang siya bilang pakitang-tao—na ang ibig sabihin ay wala siyang debosyon. Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may nalalaman kayo kahit papaano, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektiba sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektiba o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsabilidad. Hindi ka masigasig sa tungkuling ginagampanan mo, hindi ka humahawak ng anumang responsabilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot. Hindi ka naglalaan ng kahit anong pagsusumikap, ni hindi ka handang gumugol ng mas maraming lakas; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa kung paano nagtatrabaho ang isang walang pananampalataya para sa kanyang amo. Ang ganitong paggampan sa tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi Niya ito tinatanggap. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang taglay ang pag-iisip ng pagiging iresponsable. “Kung may mamumuno, susunod ako; saan man sila pumunta, pupunta ako. Gagawin ko ang anumang ipagagawa nila sa akin. Para naman sa pag-ako ng responsabilidad at alalahanin, o mas pag-aabala na gawin ang isang bagay, paggawa ng isang bagay nang buong puso at lakas ko—hindi ko kaya iyon.” Ang mga taong ito ay ayaw magbayad ng halaga. Handa lamang silang pagurin ang sarili nila, hindi para umako ng responsabilidad. Hindi ito ang saloobin ng tunay na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ang isang tao ay dapat na matutong isapuso ang pagganap sa kanyang tungkulin, at ang taong may konsensiya ay kayang isakatuparan ito. Kung ang isang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, nangangahulugan iyon na wala siyang konsensiya, at ang mga walang konsensiya ay hindi makakamit ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila makakamit ang katotohanan? Hindi nila alam kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ni kung paano magpakita ng konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos, ni isapuso ang pagninilay sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, ni paano hangaring maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga pagnanais. Ito ang kahulugan ng hindi magawang hanapin ang katotohanan. Nararanasan ba ninyo ang mga kalagayan kung saan, ano man ang sumasapit sa iyon, o ano mang uri ng tungkulin ang inyong ginagampanan, madalas ninyong napatatahimik ang inyong sarili sa harap ng Diyos, at naisasapuso ang pagninilay-nilay sa Kanyang mga salita, at paghahanap sa katotohanan, at pag-iisip-isip kung paano ninyo magagampanan ang tungkuling iyon nang umaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat ninyong taglayin para magampanan ang tungkuling iyon nang pasok sa pamantayan? Marami bang pagkakataon kung saan hinahanap ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? (Wala.) Ang pagsasapuso sa inyong tungkulin at ang magawang umako ng responsabilidad ay nangangailangan ng inyong pagtitiis ng paghihirap at pagbabayad ng halaga—hindi sapat ang pag-usapan lamang ang mga bagay na ito. Kung hindi mo isasapuso ang iyong tungkulin, sa halip ay palaging gusto mong gumugol ng pagsisikap, siguradong hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin. Gagawin mo lang ito nang pabasta-basta at wala nang iba pa, at hindi mo malalaman kung nagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin o hindi. Kung isasapuso mo ito, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung hindi, hindi mo ito mauunawaan. Kapag isinasapuso mo ang paggampan ng iyong tungkulin at paghahangad sa katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, matutuklasan ang sarili mong katiwalian at mga kakulangan, at makokontrol ang iyong iba’t ibang kalagayan. Kapag ang pinagtutuunan mo lang ay ang pagsusumikap, at hindi mo isinasapuso ang pagninilay-nilay sa iyong sarili, hindi mo matutuklasan ang tunay na mga kalagayan sa iyong puso at ang iba’t ibang reaksiyon at mga pagbubunyag ng katiwalian na mayroon ka sa iba’t ibang kapaligiran. Kung hindi mo alam kung ano ang mga kahihinatnan kapag hindi nalutas ang mga problema, kung gayon, ikaw ay nasa malaking alanganin. Samakatwid, hindi katanggap-tanggap na manampalataya sa Diyos sa naguguluhang paraan. Dapat kang mamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar; anuman ang mangyari sa iyo, dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, at habang ginagawa mo ito, dapat mo ring pagnilayan ang iyong sarili at alamin kung ano ang mga problema na mayroon sa iyong kalagayan, at agad na hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa gayon mo lamang magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin at maiiwasan ang pag-antala sa gawain ng iglesia. Ang pinakamahalaga, bukod sa magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, magkakaroon ka rin ng buhay pagpasok at malulutas mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa gayon ka lamang makapapasok sa katotohanang realidad. Kung ang madalas mong pagnilayan sa iyong puso ay hindi mga bagay na nauugnay sa iyong tungkulin o mga bagay na may kinalaman sa katotohanan, at sa halip ay nakatali ka sa mga panlabas na bagay, at namumuhay ka nang nahuhumaling sa mga bagay ng laman, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin at makapamumuhay sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Ang ganoong tao ay hindi magkakamit ng kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Ang pinakamahalagang pagpapamalas ng isang matapat na tao ayang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mababa ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng pagkamatapat. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa nang maayos sa mga gampaning ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos, at pagbubuhos ng iyong puso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nakakaunawa ka at alam mo kung ano ang gagawin, pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay hindi mo ibinibigay sa tungkulin mo ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumagampan sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Hindi ginagamit ng Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumampan ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at nagpapakatamad ay pawang mapanlinlang, at lahat sila ay mga demonyo. Wala sa kanila ang tunay na nananampalataya sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang totoo, madali lang maging matapat na tao. Tungkol lang ito sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong matapat na pamahalaan ang iyong pag-uugali at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sa sambahayan ng Diyos, anumang tungkulin ang ginagawa ninyo, dapat mong maarok ang mga prinsipyo at maisagawa ang katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng mga prinsipyo. Kung hindi ninyo malinaw na makita ang isang bagay at hindi ka sigurado kung ano ang angkop na pagkilos, dapat kang maghanap at makipagbahaginan upang magkaroon ng kasunduan. Sa sandaling matukoy mo na kung ano ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, gawin mo iyon. Huwag magpapigil sa anumang iba’t ibang regulasyon, huwag magpaliban, huwag maghintay, at huwag maging isang pasibong tagamasid. Kung lagi kang isang pasibong tagamasid at wala kang sariling opinyon, kung lagi ka na lang maghihintay hanggang sa ibang tao ang magdesisyon bago ka gumawa ng anuman, at kung nagmamabagal ka lang kapag walang nagdesisyon, ano ang kahihinatnan nito? Mahihinto ang bawat aytem ng gawain, at walang matatapos. Dapat kang matutong hanapin ang katotohanan, at makakilos man lang batay sa iyong konsensiya at katwiran. Basta’t malinaw mong nakikita ang angkop na paraan para gawin ang isang bagay, at iniisip din ng nakararami na pupuwede naman ang paraang iyon, dapat kang magsagawa sa gayong paraan. Huwag kang matakot na akuin ang responsabilidad, o na mapasama ang loob ng iba, o na pasanin ang mga kahihinatnan. Kung walang anumang tunay na ginagawa ang isang tao, at lagi siyang nagkakalkula, at takot siyang umako ng responsabilidad, at hindi siya nangangahas na panghawakan ang mga prinsipyo sa kanyang mga kilos, ipinapakita nito na masyado siyang tuso at mapanlinlang, at na napakarami niyang kinikimkim na tusong pakana. Gusto niyang tamasahin ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos gayong wala naman siyang ginagawang totoo. Walang-wala itong kabutihan. Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang ganitong uri ng tuso at mapanlinlang na tao. Anuman ang iniisip mo, kung hindi ka nagsasagawa nang naaayon sa katotohanan, kung wala kang katapatan, palaging nababahiran ng mga personal na pakana, at lagi kang may sariling mga layunin at ideya, sinisiyasat at alam ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Tingin mo ba ay hindi alam ng Diyos ang mga ito? Kung gayon ay napakahangal mo! At kung hindi ka magsisisi kaagad, hindi ka magkakaroon ng gawain ng Diyos. Bakit hindi ka magkakaroon ng gawain ng Diyos? Ito ay dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, at nakikita Niya, nang malinaw na malinaw, ang lahat ng tusong pakana na mayroon ka; nakasara ang puso mo sa Kanya, at hindi mo Siya kaisang-puso. Ano ang mga pangunahing bagay na nagpapanatili sa puso mo na nakasara sa Diyos? Ang mga kaisipan mo, ang mga interes at pride mo, ang katayuan mo, at ang sarili mong mga tusong pakana. May hadlang sa puso mo na naghihiwalay sa iyo sa Diyos, at palagi kang nagkikimkim ng mga sikreto at palagi kang may mga lihim na motibo, at ito ay napakalaking problema. Kung medyo mahina ang iyong kakayahan at medyo mababaw ang iyong karanasan, subalit handa kang hangarin ang katotohanan, at laging kaisa sa puso ng Diyos, at kaya mong ibigay ang lahat-lahat para sa ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos, nang walang ginagawang anumang panlalansi, makikita rin ito ng Diyos. Kung laging nahaharangan ang Diyos sa puso mo, at lagi kang nagkikimkim ng mga munting pakana, at kung palagi kang nabubuhay para sa sariling interes at dangal, laging kinakalkula alang-alang sa mga bagay na ito sa iyong puso, at ang puso mo ay naookupa ng mga ito, at bilang resulta ay hindi nalulugod ang Diyos sa iyo, at kaya hindi ka Niya binibigyan ng kaliwanagan o tinatanglawan, o pinapansin, at lalong nagdidilim ang puso mo, pagkatapos, kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin o ginagawa mo ang anumang bagay, magugulo mo ito, at walang magiging mabuti tungkol dito. Ito ay dahil napakamakasarili mo at ubod ka ng sama, lagi kang nagpapakana para sa sarili mong kapakanan, at hindi ka sinsero sa Diyos, at nangangahas kang maging mapanlinlang laban sa Diyos at sinusubukan mong lansihin ang Diyos, at bukod sa hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kundi tuso ka pa sa paggampan ng iyong tungkulin—hindi iyon sinserong paggugol paggugol para sa Diyos. Hindi mo taos-pusong ginagawa ang iyong tungkulin, nandito ka lang para magpakapagod nang kaunti, ginagamit ang oportunidad na ito para makakuha ng mas maraming pakinabang, at palagi mo ring ninanais na makipagsabwatan para magtamo ng katanyagan, pakinabang, at katayuan para sa iyong sarili, at hindi mo ito tinatanggap at hindi ka nagpapasakop kapag ikaw ay pinupungusan, kaya, malamang na masalungat mo ang disposisyon ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Kung hindi ka magsisisi, mapapahamak ka, at malamang na itiwalag ka ng Diyos, kung magkagayon ay hindi ka na muling magkakaroon ng pagkakataong matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.

—Pagbabahagi ng Diyos

Hindi naniniwala ang ilang tao na tinatrato nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagawa ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, didisiplinahin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatan na gumawa ng tungkulin, palalayasin siya, o papaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga ang kaso? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang mga intensyon nito, at ang saloobin nito. Sa partikular, kapag nagkakamali ang isang tao, tinitingnan Niya kung kaya ba nitong pagnilayan ang sarili nito, kung nagsisisi ba ito, at kung kaya ba nitong matarok ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, nang sa gayon ay nagagawa nitong maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang sarili nito, at tunay na magsisi. Kung walang tamang saloobin ang isang tao, at ganap na siyang nabahiran ng mga personal na intensyon, kung puno siya ng mga tusong pakana at walang ibang ibinubunyag kundi mga tiwaling disposisyon, at kung, kapag may mga lumilitaw na problema, nauuwi pa nga siya sa pagkukunwari, mapanlinlang na pangangatwiran, at pangangatwiran sa sarili, at nagmamatigas na tumatangging aminin ang kanyang mga pagkakamali, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan, at hindi siya tamang tao; ganap na siyang nabunyag. Iyong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti ay mga hindi mananampalataya sa diwa at maaari lamang na itiwalag. Paanong hindi mabubunyag at matitiwalag ang mga hindi mananampalataya na naglilingkod bilang mga lider at manggagawa? Ang isang hindi mananampalataya, anuman ang tungkulin na kanyang ginagawa, ay ang pinakamabilis mabunyag sa lahat, dahil masyadong marami at halata ang mga tiwaling disposisyon na kanyang ibinubunyag, at dahil hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at nakakakilos pa nga siya nang walang pakundangan at basta-basta na lamang. Sa huli, kapag siya ay natiwalag, at nawalan ng pagkakataong gawin ang kanyang tungkulin, magsisimula siyang mag-alala, iniisip na, “Wala na akong pag-asa. Kung hindi na ako papayagang gawin ang aking tungkulin, hindi na ako maliligtas. Ano ang dapat kong gawin?” Ang totoo ay palaging mag-iiwan ng paraan ang Kalangitan para sa tao. May isang pangwakas na landas, at iyon ay ang tunay na magsisi, at ang magmadaling ipangaral ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao, pambawi sa kanyang mga kamalian sa pamamagitan ng paggawa ng mga kapuri-puring gawa. Kung hindi niya tatahakin ang landas na ito, ganap na wala na siyang pag-asa. Kung may taglay siyang katwiran at alam niyang wala siyang anumang kapabilidad, dapat niyang ihanda nang wasto ang kanyang sarili sa katotohanan at magsanay sa pangangaral ng ebanghelyo—ito rin ay paggawa ng isang tungkulin. Ito ay lubos na magagawa. Kung inaamin ng isang tao na hindi niya ginawa nang maayos ang kanyang tungkulin at natiwalag siya, pero hindi pa rin niya tinatanggap ang katotohanan at wala siyang ni katiting na mapagsising puso, at sinusukuan pa nga niya ang kanyang sarili, hindi ba’t siya ay hangal at mangmang? Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit naaabot niya ang isang tunay na pagkaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang magawa. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at hindi mo inaasikaso ang iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gawin ang isang tungkulin ngunit hindi mo alam kung paano iyon pahahalagahan, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan kahit kaunti, nang hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay mabubunyag ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa paggawa sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagkakapungos, puwede ka pa rin kayang gamitin ng sambahayan ng Diyos para gumawa ng tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas, at ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap sa pagkakapungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo iyon, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatan na gumawa ng tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging pinangangatwiranan ang iyong sarili, laging gumagamit ng mapanlinlang na pangangatwiran para ipagtanggol ang iyong sarili, problema iyan. Makikita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan ni katiting, at na ganap kang hindi makatwiran. Gulo ang kasunod nito, at kakailanganin ng iglesia na disiplinahin ka. Talagang hindi mo tinatanggap ang katotohanan sa paggawa mo sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag. Ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao; sa loob ng takot na ito, may mga tiwaling satanikong disposisyon, gayundin ng paghihinala, pagiging mapagbantay, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga saloobin na dapat mayroon ang isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng paglutas sa iyong takot, at dapat mo ring lutasin ang iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos. Paano umuusbong ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos? Kapag maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa isang tao, tiyak na hindi ito nagkakamali ng pag-unawa sa Kanya, at naniniwala rin ito na ang Diyos ay mabuti, na ang Diyos ay kagalang-galang, na ang Diyos ay matuwid, na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, at na ang Diyos ay tama sa lahat ng bagay na ginagawa Niya. Gayunman, kapag naharap siya sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, iniisip niya, “Mukhang hindi masyadong matuwid ang Diyos, kahit paano ay hindi sa bagay na ito.” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Paanong hindi matuwid ang Diyos? Ano ang nagpausbong sa maling pagkaunawang ito? Ano ang nagbigay-daan upang magkaroon ka ng ganitong opinyon at pagkaunawa na hindi matuwid ang Diyos? Masasabi mo ba ito nang malinaw? Aling pangungusap iyon mismo? Aling bagay? Aling sitwasyon? Sabihin mo, para makilatis at makita ng lahat kung may katwiran ka. At kapag nagkakamali ng pagkaunawa ang isang tao sa Diyos o nahaharap sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, ano ang saloobing dapat niyang taglayin? (Iyong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop.) Dapat muna siyang magpasakop at isipin niya: “Hindi ko maunawaan, pero magpapasakop ako dahil ito ang ginawa ng Diyos at hindi ito isang bagay na dapat suriin ng tao. Dagdag pa riyan, hindi ko maaaring pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang Kanyang gawain dahil ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Hindi ba’t ganito ang saloobing dapat taglayin ng isang tao? Kapag may ganitong saloobin, magdudulot pa rin ba ng problema ang iyong maling pagkaunawa? (Hindi na.) Hindi nito maaapektuhan o magagambala ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Pagkatapos manampalataya ng mga tao sa Diyos, ano ang pinakamasakit at pinakamalungkot na bagay na puwedeng mangyari sa kanila? Ang pinakamalaking bagay ay walang iba kundi ang malaman na pinaalis o pinatalsik sila, at na ibinunyag at itiniwalag sila ng Diyos—ito ang pinakamasakit at pinakamalungkot na bagay, at walang sinuman ang may gustong mangyari ito sa kanila pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos. Kaya, paano maiiwasan ng mga tao na mangyari ito sa kanila? Sa pinakamababa, kailangan nilang kumilos ayon sa konsensiya nila, ibig sabihin, kailangan muna nilang matutuhan kung paano tuparin ang mga responsabilidad nila, hinding-hindi sila dapat maging pabasta-basta, at hindi nila dapat antalahin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila. Dahil isa kang tao, dapat mong pagnilayan kung ano ang mga responsabilidad ng isang tao. Ang mga responsabilidad na pinakapinahahalagahan ng mga walang pananampalataya, gaya ng paggalang sa magulang, pagtustos sa mga magulang, at pagbibigay-karangalan para sa pamilya ay hindi na kailangang banggitin pa. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at walang tunay na kahulugan. Ano ang pinakamababang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao? Ang pinakamakatotohanang bagay ay kung paano mo ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin ngayon. Ang masiyahan sa pagraos lang ng mga bagay ay hindi pagtupad sa iyong responsabilidad, at ang pagsasabi lang ng mga salita at doktrina ay hindi pagtupad sa responsabilidad mo. Tanging ang pagsasagawa ng katotohanan at paggawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa prinsipyo ay pagtupad sa iyong responsabilidad. Kapag epektibo na ang pagsasagawa mo ng katotohanan, at kapaki-pakinabang na ito sa mga tao, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, tanging kapag iginigiit mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Ang wala sa loob na paggawa ayon sa paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay pagiging pabasta-basta; ang pagkapit lamang sa mga katotohanang prinsipyo ang wastong paggampan sa iyong tungkulin at pagtupad sa iyong responsabilidad. At kapag tinutupad mo ang iyong responsabilidad, hindi ba ito pagpapamalas ng katapatan? Ito ang pagpapamalas ng tapat na paggampan sa iyong tungkulin. Tanging kapag mayroon ka ng ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, ng ganitong determinasyon at pagnanais, at ng ganitong pagpapamalas ng katapatan patungkol sa iyong tungkulin, saka ka lamang titingnan ng Diyos nang may pabor at pagsang-ayon. Kung hindi mo man lang taglay ang ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, ituturing ka ng Diyos na isang tamad, isang mangmang, at kasusuklaman ka Niya. Sa pananaw ng tao, ang ibig sabihin nito ay hindi ka iginagalang, hindi ka sineseryoso, at mababa ang tingin sa iyo. Katulad ito ng kapag matagal-tagal mo nang nakakaugnayan ang isang tao, at nakikita mong nagsasalita siya tungkol sa mga magarbo, di-praktikal na usapin, at nagdadaldal ng mga di-makatotohanang bagay, at napapansin mong mahilig siyang magyabang at magmalaki, at na hindi siya maaasahan—rerespetuhin mo ba siya? Maglalakas-loob ka bang ipagkatiwala sa kanya ang anumang gampanin? Marahil ay maaantala niya ang gampaning ipagkakatiwala mo sa kanya dahil sa ilang kadahilanan, at kaya hindi ka maglalakas-loob na ipagkatiwala ang anumang bagay sa mga ganoong tao. Kasusuklaman mo siya mula sa kaibuturan ng puso mo, at pagsisisihan mo na nakaugnayan mo pa siya. Mararamdaman mong mapalad ka na hindi mo siya pinagkatiwalaan ng anumang bagay, at iisipin mo na kung ginawa mo iyon, pagsisisihan mo iyon habambuhay. Ipagpalagay nating nakisalamuha ka sa isang tao at, sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa kanya, nakita mo na bukod sa nagtataglay siya ng mabuting pagkatao, mayroon din siyang pagpapahalaga sa responsabilidad, at kapag ipinagkakatiwala mo sa kanya ang isang gampanin, kahit may kaswal kang sinabi sa kanya, itinatanim niya ito sa isipan niya, at nag-iisip siya ng mga paraan kung paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang gawain para mapalugod ka, at kung hindi niya magagawa nang maayos ang ibinigay mong gampanin sa kanya, mahihiya siyang makita ka pagkatapos niyon—isa itong taong may pagpapahalaga sa responsabilidad. Hangga’t sinasabihan siya o may isang bagay na naitalaga sa kanya—isang lider man, manggagawa, o ang Itaas ang nag-atas sa kanya—palaging iisipin ng mga taong may pagpapahalaga sa responsabilidad na, “Aba, dahil ganito kataas ang tingin nila sa akin, dapat kong pangasiwaan nang mabuti ang usaping ito at hindi sila biguin.” Hindi ba’t mapapanatag kang magkatiwala ng isang gampanin sa gayong mga tao na nagtataglay ng konsensiya at katwiran? Ang taong puwede mong pagkatiwalaan ng isang gampanin ay tiyak na iyong mga pinapaboran at pinagkakatiwalaan mo. Sa partikular, kung napangasiwaan nila ang ilang gampanin para sa iyo at naisakatuparan ang mga ito nang maingat, at ganap na natugunan ang iyong mga hinihingi, iisipin mo na sila ay mapagkakatiwalaan. Sa puso mo, talagang hahangaan mo sila at tataas ang tingin mo sa kanila. Handang makisama ang mga tao sa ganitong uri ng tao, lalo naman ang Diyos. Sa palagay ba ninyo ay handang ipagkatiwala ng Diyos ang gawain ng iglesia at ang tungkulin na obligadong gawin ng isang tao sa isang taong hindi mapagkakatiwalaan? (Hindi, hindi Niya gagawin iyon.) Kapag nagtatalaga ang Diyos ng isang gawain ng iglesia sa isang tao, ano ang ekspektasyon ng Diyos sa taong ito? Unang-una, umaasa ang Diyos na masipag at responsable siya, na tatratuhin niya ang gawaing ito na parang isang malaking bagay at pangasiwaan ito nang naaayon, at gawin ito nang maayos. Pangalawa, umaasa ang Diyos na siya ay isang taong mapagkakatiwalaan, at kahit gaano pa katagal ang oras na lumipas, at paano man magbago ang kapaligiran, hindi magbabago ang pagpapahalaga niya sa responsabilidad, at ang kanyang integridad ay makakapanindigan sa pagsubok. Kung isa siyang mapagkakatiwalaang tao, mapapanatag ang Diyos, at hindi na Niya pangangasiwaan o kukumustahin ang bagay na ito. Ito ay dahil, sa puso ng Diyos, nagtitiwala Siya sa taong ito, siguradong makokompleto niya ang gampaning ibinigay sa kanya nang walang anumang mangyayaring problema. Kapag ipinagkakatiwala ng Diyos sa isang tao ang isang gampanin, hindi ba’t ito ang inaasahan ng Diyos? (Ito nga.) Pagkatapos, kapag naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, dapat mo namang malaman sa puso mo kung paano kumilos para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung paano makahanap ng pabor sa paningin ng Diyos at makuha ang tiwala ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita ang sarili mong mga pagpapamalas at pag-uugali, at ang iyong saloobin sa pagharap mo sa iyong tungkulin, kung mayroon kang kamalayan sa sarili, at alam mo kung ano ka, hindi ba’t hindi makatwiran kung hihilingin mo na paboran ka ng Diyos, pakitaan ka Niya ng kabutihan, o bigyan ka ng espesyal na pagtrato? (Oo, hindi ito makatwiran.) Kahit mababa ang tingin mo sa sarili mo, kahit minamaliit mo ang iyong sarili, subalit hinihiling mong paboran ka ng Diyos—walang katuturan ito. Dahil dito, kung gusto mong paboran ka ng Diyos, kahit papaano, dapat ay mapagkakatiwalaan ka sa mga mata ng ibang tao. Kung gusto mong pagkatiwalaan ka ng iba, paboran ka, pahalagahan ka, sa pinakamababa ay kailangan mong maging marangal, magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad, maging tapat sa iyong salita, at mapagkakatiwalaan. Higit pa rito, dapat kang maging masipag, responsable, at tapat sa harap ng Diyos—kung magkagayon, maituturing nang natupad mo ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Pagkatapos, magkakaroon ka ng pag-asa na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi ba? (Oo, may pag-asa.)

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)

Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lang ibuhos ang iyong buong lakas dito, at umaasa Ako na ipapakita mo ang iyong debosyon sa Diyos sa harap Niya sa mga huling araw na ito. Hangga’t kaya mong makita ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kahit ang sandali mang ito ang oras ng iyong kamatayan, dapat kang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin para sa Diyos habang buhay ka pa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga huling araw na ito, at ubusin ang lahat ng iyong lakas alang-alang sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilikha para sa Diyos? Samakatwid, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa Diyos nang maaga, para mapamatnugutan ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang kalooban Niyang gawin sa iyo. Anong karapatan mayroon ang tao na bumigkas ng mga salita ng reklamo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 41

Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gawin man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang maayos, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t hinahanap ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at kinabukasan? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay alang-alang sa pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang debosyon, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang debosyon sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya alang-alang sa pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng perdisyon? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Matapos tanggapin ang atas ng Diyos, sinimulang planuhin ni Noe kung paano bubuuin ang arkang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hinanap niya ang iba’t ibang materyales, at ang mga tao at kasangkapang kailangan sa pagbubuo ng arka. Natural na kinapalooban ito ng maraming bagay; hindi ito naging madali at simple na tulad ng ipinahiwatig sa teksto. Sa kapanahunang iyon na wala pang industriya, isang kapanahunan na lahat ay ginawa nang manu-mano, sa pamamagitan ng pisikal na trabaho, hindi mahirap isipin kung gaano kahirap bumuo ng gayong arka, ng gayong higante, upang kumpletuhin ang gampanin ng pagbubuo ng arka gaya ng ipinagkatiwala ng Diyos. Siyempre pa, kung paano nagplano, naghanda, nagdisenyo, at naghanap ng iba’t ibang bagay si Noe gaya ng mga materyales at kasangkapan ay hindi mga simpleng usapin, at maaaring hindi pa nakakita si Noe ng gayon kalaking barko. Matapos tanggapin ang atas na ito, kung uunawaing mabuti ang mga salita ng Diyos, at batay sa lahat ng sinabi ng Diyos, nalaman ni Noe na hindi ito simpleng bagay, hindi ito madaling gampanin. Hindi simple o madaling gampanin ito—ano ang mga implikasyon nito? Sa isang banda, nangahulugan ito na, matapos tanggapin ang atas na ito, magkakaroon ng mabigat na pasanin si Noe sa kanyang mga balikat. Bukod pa riyan, batay sa kung paano personal na tinawag ng Diyos si Noe at personal siyang tinagubilinan kung paano bubuuin ang arka, hindi ito ordinaryong bagay, hindi ito maliit na bagay. Batay sa mga detalye ng lahat ng sinabi ng Diyos, hindi ito isang bagay na matitiis ng sinumang ordinaryong tao. Ang katunayan na tinawag ng Diyos si Noe at inatasan siyang bumuo ng arka ay nagpapakita ng kahalagahan ni Noe sa puso ng Diyos. Pagdating sa usaping ito, siyempre, nagawang maunawaan ni Noe ang ilan sa mga layunin ng Diyos—at dahil nagawa niya iyon, natanto ni Noe ang uri ng buhay na kanyang kahaharapin sa darating na mga taon, at batid niya ang ilan sa mga paghihirap na daranasin niya. Bagama’t natanto at naunawaan ni Noe ang malaking hirap sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at kung gaano katindi ang mga pagsubok na kahaharapin niya, hindi niya binalak na tumanggi, kundi sa halip ay labis siyang nagpasalamat sa Diyos na si Jehova. Bakit nagpasalamat si Noe? Dahil hindi niya inasahan na ipagkakatiwala sa kanya ng Diyos ang isang bagay na napakahalaga, at personal na sinabi at ipinaliwanag sa kanya ang lahat ng detalye. Ang mas mahalaga pa, sinabi rin ng Diyos kay Noe ang buong kuwento, mula simula hanggang wakas, kung bakit kailangang buuin ang arka. May kinalaman ito sa sariling plano ng pamamahala ng Diyos, ito ay sariling usapin ng Diyos, pero sinabi sa kanya ng Diyos ang tungkol sa bagay na ito, kaya nadama ni Noe ang kahalagahan nito. Sa kabuuan, batay sa iba’t ibang palatandaang ito, batay sa tono ng pananalita ng Diyos, at sa iba’t ibang aspekto ng ipinabatid ng Diyos kay Noe, nadama ni Noe ang kahalagahan ng gampanin ng pagbubuo ng arka na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, napahalagahan niya ito sa kanyang puso, at hindi siya nangahas na balewalain ito, ni hindi siya nangahas na makaligtaan ang anumang detalye. Samakatwid, nang matapos na ang Diyos sa pagbibigay ng Kanyang mga tagubilin, binuo ni Noe ang kanyang plano, at nagtrabaho na siya at ginawa niya ang lahat ng pagsasaayos para sa pagbubuo ng arka, naghanap ng mga gagawa, naghanda ng lahat ng uri ng materyales, at, alinsunod sa mga salita ng Diyos, unti-unti siyang nagtipon ng iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa arka.

Ang buong proseso ng pagbubuo ng arka ay puno ng hirap. Sa sandaling ito, isantabi natin kung paano nalagpasan ni Noe ang hampas ng hangin, init ng araw, at lakas ng ulan, ang nakapapasong init at matinding ginaw, at ang pagpapalit-palit ng apat na panahon, taun-taon. Pag-usapan muna natin kung gaano kalaking trabaho ang magbuo ng arka, at ang kanyang paghahanda ng iba’t ibang materyales, at ang napakaraming hirap na nakaharap niya habang binubuo ang arka. Ano ang kabilang sa mga hirap na ito? Salungat sa mga pagkaunawa ng mga tao, hindi palaging nagiging maayos ang ilang pisikal na gampanin sa unang pagkakataon, at kinailangan ni Noe na pagdaanan ang maraming kabiguan. Kapag nakatapos ng isang bagay, kung mukhang mali ito, binabaklas niya ito, at pagkatapos itong baklasin, kinailangan niyang maghanda ng mga materyales, at gawin itong muli. Hindi ito katulad ng sa modernong panahon, kung saan ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng bagay gamit ang kagamitang elektroniko, at kapag naihanda na ito ay isinasagawa na ang trabaho ayon sa isang nakatakdang programa. Kapag isinasagawa ang gayong gawain ngayon, ginagamitan na ito ng makina, at kapag pinaandar mo na ang makina, magagawa na nito ang gawain. Pero namuhay si Noe sa panahon ng primitibong lipunan, at lahat ng gawain ay gawang-kamay at kailangan mong gawin ang lahat ng gawain gamit ang dalawa mong kamay, gamit ang mga mata at isip mo, at ang sarili mong kasigasigan at lakas. Siyempre pa, higit sa lahat, kinailangan ng mga tao na umasa sa Diyos; kinailangan nilang hanapin ang Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng oras. Sa proseso ng pagharap sa lahat ng klase ng paghihirap, at sa mga araw at gabi sa pagbubuo ng arka, kinailangang harapin ni Noe hindi lamang ang iba’t ibang sitwasyong nangyari habang kinukumpleto ang napakalaking trabahong ito, kundi pati na ang iba’t ibang kapaligirang nakapalibot sa kanya sa kanyang paligid, gayundin ang pagtawanan, siraan, at laitin ng iba. Bagama’t hindi natin personal na naranasan ang mga tagpong iyon nang mangyari ang mga iyon, hindi ba’t posibleng isipin ang ilan sa iba’t ibang paghihirap na nakaharap at naranasan, at ang iba’t ibang hamong kinaharap ni Noe? Habang binubuo ang arka, ang unang nakaharap ni Noe ay ang kawalan ng pag-unawa ng kanyang pamilya, ang kanilang pangungulit, mga reklamo, at maging ang kanilang pang-aalipusta. Pumapangalawa rito ang paninira, panlalait, at paghusga ng mga nakapaligid sa kanya—ng kanyang mga kamag-anak, ng kanyang mga kaibigan, at ng ibang mga tao ng lahat ng uri. Ngunit iisa lamang ang naging saloobin ni Noe, ang sumunod sa mga salita ng Diyos, isakatuparan ang mga iyon hanggang sa kahuli-hulihan, at hinding-hindi mag-alinlangan dito. Ano ang napagpasyahan ni Noe? “Hangga’t buhay ako, hangga’t nakagagalaw pa ako, hindi ko maaaring talikuran ang atas ng Diyos.” Ito ang nagganyak sa kanya na isakatuparan ang malaking proyekto na buuin ang arka, gayundin ang kanyang saloobin nang ilahad sa kanya ang mga utos ng Diyos, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Nahaharap sa lahat ng uri ng problema, mahihirap na sitwasyon, at mga hamon, hindi umurong si Noe. Kahit na noong madalas na nabigo ang ilan sa kanyang mas mahihirap na gawaing pang-inhinyero at nasira ang mga gamit, kahit nahihirapan ang kalooban ni Noe at nababalisa siya sa kanyang puso, nang maisip niya ang tungkol sa mga salita ng Diyos, nang maisip niya ang bawat salitang iniutos sa kanya ng Diyos, at ang pagtataas sa kanya ng Diyos, madalas siyang nakararamdam ng matinding pagganyak: “Hindi ako puwedeng sumuko, hindi ko maaaring iwaksi ang iniutos at ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ko; atas ito ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito, dahil narinig ko ang mga salitang sinambit ng Diyos at ang tinig ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito mula sa Diyos, dapat akong ganap na magpasakop, na siyang dapat makamit ng isang tao.” Kaya, anumang uri ng mga hirap ang nakaharap niya, anumang uri ng pangungutya o paninira ang naranasan niya, gaano man kapagod ang kanyang katawan, gaano man kapagal, hindi niya tinalikuran ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at patuloy niyang isinaisip ang bawat isang salita na sinabi at iniutos ng Diyos. Paano man nagbago ang kanyang mga kapaligiran, gaano man kalaking hirap ang kanyang nakaharap, nagtiwala siya na walang alinman dito ang magpapatuloy panghabambuhay, na ang mga salita lamang ng Diyos ang hinding-hindi lilipas, at iyon lamang iniutos ng Diyos na gawin ang siguradong maisasakatuparan. May tunay na pananalig si Noe sa Diyos, at pagpapasakop na nararapat niyang taglayin, at patuloy niyang binuo ang arka na hiningi ng Diyos na buuin niya. Araw-araw, taun-taon, tumanda si Noe, ngunit hindi nabawasan ang kanyang pananalig, at hindi nagbago ang kanyang saloobin at determinasyon na kumpletuhin ang atas ng Diyos. Bagama’t may mga pagkakataon na pagod at pagal na ang kanyang katawan, at nagkasakit siya, at sa kanyang puso ay mahina siya, hindi nabawasan ang kanyang determinasyon at tiyaga na tapusin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Sa mga taon na binuo ni Noe ang arka, isinagawa ni Noe ang pakikinig at pagpapasakop sa mga salitang sinabi ng Diyos, at isinagawa rin niya ang mahalagang katotohanan na dapat kompletuhin ng isang nilikha at ordinaryong tao ang atas ng Diyos. Sa lahat ng makikita, ang buong proseso ay talagang iisang bagay lamang: pagbubuo ng arka, pagsasagawa ng sinabi ng Diyos sa kanya na gawin nang maayos at nang kumpleto. Ngunit ano ang kinailangan para magawa nang maayos ang bagay na ito, at matagumpay itong makumpleto? Hindi nito kinailangan ang kasigasigan ng mga tao, o ang kanilang mga islogan, lalo ang ilang sumpang sinabi nang dahil sa panandaliang emosyon, ni ang tinatawag na paghanga ng mga tao sa Lumikha. Hindi nito kinailangan ang mga bagay na ito. Sa harap ng pagbubuo ni Noe sa arka, ang tinatawag na paghanga ng mga tao, ang kanilang mga sumpa, ang kanilang kasigasigan, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa espirituwal nilang mundo, walang silbi ang lahat ng ito; sa harap ng tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop ni Noe, tila napakadukha, kaawa-awa ng mga tao, at tila labis na hungkag, maputla, walang sigla at mahina ang ilang doktrinang nauunawaan nila—bukod pa sa nakakahiya, kasuklam-suklam at imoral.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus

Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa katunayan, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa loob ng tao, na ibig sabihin ay, iyong likas na posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Tungkol naman sa mga kakulangan sa paglilingkod ng tao, ang mga ito ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapasailalim niya sa paghatol; hindi nakapipigil o nakaaapekto ang mga ito sa tungkulin ng tao. Iyong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga kakulangan sa kanilang paglilingkod ang pinakaduwag sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay kumikilos nang pabasta-basta, naiwala na nila ang gampaning dapat taglayin ng isang nilikha. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing basura. Paano matatawag na mga nilikha ang gayong mga tao sa tunay na kahulugan? Hindi ba’t mga bulok silang bagay na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? … Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin alang-alang sa pagtanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik. Sa pamamagitan ng proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas ginagampanan mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan ang makakamit mo, at magiging mas praktikal ang iyong pagpapahayag. Iyong mga pabasta-basta sa paggampan ng kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi gumagampan ng kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi nagsasagawa ng katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila iyong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang hindi dalisay ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Mga Kahihinatnan ng Pagiging Takot sa Responsibilidad

Ang mga Nakatagong Dahilan ng Pagkatakot sa Responsabilidad

Kaugnay na mga Himno

Magdala ng Mas Maraming Pasanin para Mas Madaling Maperpekto ng Diyos

Sinundan: 12. Paano lutasin ang problema ng paglilimita at panghuhusga sa Diyos

Sumunod: 14. Paano lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito