14. Paano lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ano ang dahilan ng pagiging pabasta-basta? Hindi ba’t ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon? Ang pagiging pabasta-basta ay pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon; umuusbong ito kapag nauudyukan ang mga tao ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Direkta itong nakaaapekto sa nakukuha nilang mga resulta sa kanilang mga tungkulin, nagiging dahilan pa nga upang pumalpak ang kanilang gawain, at nakaaapekto ito sa gawain ng iglesia. Napakalala ng resultang ito. Kung palagi kang pabasta-basta sa iyong tungkulin, anong uri ng problema ito? Ito ay isang problema na may kinalaman sa iyong pagkatao. Tanging mga taong walang konsensiya at pagkatao ang palaging pabasta-basta. Sa tingin ba ninyo ay maaasahan ang mga taong palaging pabasta-basta? (Hindi.) Sila ay lubhang hindi maaasahan! Ang isang taong pabasta-basta kung gumawa ng kanyang tungkulin ay isang taong iresponsable, at ang isang taong iresponsable sa kanyang mga kilos ay hindi isang matapat na tao—siya ay isang taong hindi mapagkakatiwalaan. Anumang tungkulin ang ginagawa niya, ang isang taong hindi mapagkakatiwalaan ay pabasta-basta, dahil ang kanyang karakter ay hindi pasok sa pamantayan, hindi niya minamahal ang katotohanan, at talagang hindi siya isang matapat na tao. Maipagkakatiwala ba ng Diyos ang anumang bagay sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan? Hinding-hindi. Dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, hinding-hindi Niya ginagamit ang mga taong mapanlinlang upang gumawa ng mga tungkulin; ang mga tapat lang ang pinagpapala ng Diyos, at gumagawa lamang Siya sa mga tapat at nagmamahal sa katotohanan. Sa tuwing gumaganap sa tungkulin ang isang mapanlinlang na tao, isa itong pagsasaayos na ginawa ng tao, at ito ay pagkakamali ng tao. Ang mga taong mahilig maging pabasta-basta ay walang konsensiya o katwiran, mababa ang kanilang pagkatao, hindi sila mapagkakatiwalaan, at sila ay labis na hindi maaasahan. Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa gayong mga tao? Hinding-hindi. Kaya, ang mga mahilig maging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin ay hindi gagawing perpekto ng Diyos kailanman, at hindi Niya sila gagamitin kailanman. Ang mga mahilig maging pabasta-basta ay mapanlinlang lahat, puno ng mga tusong pagkakalkula, at lubos na walang konsensiya at katwiran. Kumikilos sila nang walang mga prinsipyo o walang mababang limitasyon; kumikilos sila batay lamang sa sarili nilang mga kagustuhan, at may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay. Ang lahat ng kanilang kilos ay nababatay sa lagay ng kanilang kalooban. Kung maganda ang kanilang timpla, at sila ay nasisiyahan, medyo bubuti ang kanilang paggawa. Kung masama naman ang kanilang timpla, at hindi sila nasisiyahan, magiging pabasta-basta sila. Kung galit sila, maaari silang maging arbitraryo at walang ingat, at maaari nilang maantala ang mahahalagang bagay. Wala talaga ang Diyos sa kanilang puso. Hinahayaan lang nilang lumipas ang mga araw, nang walang ginagawa at naghihintay ng kamatayan. Kaya, gaano man hikayatin ang mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta, wala rin itong saysay, at walang silbi na magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Ayaw nilang ayusin ang kanilang mga gawi sa kabila ng paulit-ulit na mga pangaral, sila ay walang puso; maaari lang silang paalisin, iyon ang pinakaangkop na gawin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Plano ng Pamamahala ng Diyos
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagiging pabasta-basta kapag ginagampanan ang tungkulin mo. Kung palagi kang pabasta-basta habang ginagawa ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may debosyon, dapat mo munang ayusin ang problema mo ng pagiging pabasta-basta. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ang mga pagpapamalas nito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat isapuso mo ang tungkulin mo. Ang pagkakataon para sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin ay mahirap dumating! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng ganitong pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gampanan ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Babangon lang akong muli.” Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin: Dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, ni hindi magiging pasok sa pamantayan ang kanyang pagtatrabaho. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon sa usaping ito, kung gayon, pagsusumikapan mo ang katotohanan, at magkakaroon ka ng pag-asang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumampan sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon mo dapat ibigay ang tunay na pagsisikap; doon mo kailangang ialay ang iyong sarili at igugol ang sarili mo para sa Diyos at kung kailan kailangan mong magbayad ng halaga. Huwag kang mag-iwan ng anumang bagay, magkimkim ng anumang mga pakana, magbigay ng anumang palugit, o maghanda ng malulusutan. Kung ikaw ay nagiging maluwag, nanlalansi, o tuso at nagpapakatamad, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, “Walang nakakita na nagiging tuso ako at nagpapakatamad. Ang galing!” Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa ilang panahon ang iyong katiwalian at kapangitan; sadyang maaaring hindi nila iyon sasabihin nang tahasan: Magkakaroon sila ng pagtatasa sa iyo sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil nakilatis ng karamihan sa mga tao ang diwa ng mga ito, at inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong ito at pinaalis ang mga ito sa iglesia. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat silang magabayan ng kanilang konsensiya at gumawa ng ilang tunay na bagay. Maaaring mayroon kang mga pagkukulang, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung palagi mong iniisip na ayos ka lang, na tiyak na hindi ka matitiwalag, kung hindi ka kailanman nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo pa rin ang iyong mga wastong gampanin at palagi kang pabasta-basta, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at ititiwalag ka. Pagkatapos, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi, dahil nakilatis ka na ng lahat, at nawalan ka na ng lahat ng iyong dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, magtitiwala ba sa iyo ang Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Tiyak na hindi Siya magtitiwala sa gayong tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Ang ilang tao ay hindi tumatanggap ng anumang pananagutan kapag gumagampan sila ng kanilang tungkulin, lagi silang pabasta-basta. Kahit nakikita nila ang problema, ayaw nilang maghanap ng solusyon at takot silang mapasama ang loob ng mga tao, kaya nga nagmamadali silang gawin ang mga bagay-bagay, na ang resulta ay kailangang ulitin ang gawain. Dahil ikaw ang gumagampan sa tungkuling ito, dapat mong panagutan ito. Bakit hindi mo ito sineseryoso? Bakit pabasta-basta ka? At pabaya ka ba sa iyong mga responsabilidad kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Kahit sino pa ang may pangunahing responsabilidad, responsable ang lahat ng iba pa sa pagbabantay sa mga ito, ang lahat ay dapat may ganitong pasanin at ganitong pagpapahalaga sa pananagutan—pero wala ni isa man sa inyo ang nagbibigay ng anumang pansin, talagang pabasta-basta kayo, wala kayong debosyon, pabaya kayo sa inyong mga responsabilidad! Hindi naman sa hindi ninyo nakikita ang problema, kundi ay ayaw ninyong tumanggap ng pananagutan—ni ayaw ninyong pansinin ang bagay na ito kapag nakikita naman ninyo ang problema, ayos na sa inyo ang “sapat na.” Hindi ba’t ang pagiging pabasta-basta sa ganitong paraan ay pagtatangkang linlangin ang Diyos? Kung kapag gumagawa at nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa katotohanan, pakiramdam Ko ay katanggap-tanggap ang “sapat na,” kung gayon, batay sa inyong mga kakayahan at paghahangad, ano ang makakamit ninyo mula roon? Kung pareho ng sa inyo ang saloobin Ko, wala kayong mapapala. Bakit Ko ito sinasabi? Sa isang banda ito ay dahil wala kayong anumang ginagawa na taos-puso, at sa isa pang banda ay dahil medyo mahihina ang kakayahan ninyo, medyo manhid kayo. Dahil nakikita Kong lahat kayo ay manhid at walang pagmamahal sa katotohanan, at hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, dagdag pa ang mahihina ninyong kakayahan, kaya kailangan Kong magsalita nang detalyado. Dapat Kong sabihin nang malinaw ang lahat, sabihin ang mga bagay mula sa lahat ng anggulo at sa lahat ng paraan, at unti-untiin at himay-himayin ang mga ito sa Aking pananalita. Saka lamang kayo nakakaunawa nang kaunti. Kung pabasta-basta Ako sa inyo, at nagsalita nang kaunti ukol sa anumang paksa, sa tuwing maibigan Ko, hindi ito pinag-iisipan, o pinagsisikapan, o isinasapuso, at hindi nagsasalita kapag hindi Ko gustong magsalita, ano ang mapapala ninyo? Sa kakayahan na katulad ng sa inyo, hindi ninyo mauunawaan ang katotohanan, wala kayong makakamit, at lalong hindi ninyo matatamo ang kaligtasan. Kaya, hindi Ko magagawa iyon, sa halip, dapat Akong magsalita nang detalyado. Dapat Akong maging detalyado at magbigay ng mga halimbawa ukol sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, sa mga saloobin ng mga tao sa katotohanan, at sa bawat uri ng tiwaling disposisyon, at kailangan Kong umulit; saka lamang ninyo maaarok ang sinasabi Ko, at mauunawaan ang naririnig ninyo. Anumang aspekto ng katotohanan ang ibinabahagi Ko, gumagamit Ako ng iba’t ibang paraan ng pagsasalita, gamit ang mga paraan ng pakikipagbahaginan para sa mga matatanda at para sa mga bata, gamit ang mga paraan ng pagtalakay sa mga katwiran at pagkukuwento, at ang mga paraan ng pagsasalita tungkol sa teorya at pagsasalita tungkol sa pagsasagawa at karanasan, upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sa realidad. Sa ganitong paraan, iyong mga may kakayahan at may puso ay magkakaroon ng pagkakataong maunawaan at tanggapin ang katotohanan at maligtas. Ngunit noon pa man ang saloobin ninyo sa inyong tungkulin ay pagiging pabasta-basta na, pagpapaliban ng mga bagay-bagay, at wala kayong pakialam kung gaano katagal ang antalang idinudulot ninyo. Hindi ninyo pinagninilayan kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, hindi ninyo iniisip kung paano gampanan ang inyong tungkulin nang maayos upang makapagpatotoo sa Diyos. Ito ay pagpapabaya sa inyong tungkulin. Kaya napakabagal ng paglago ng inyong buhay, pero hindi kayo nababalisa sa dami ng oras na nasayang ninyo. Sa katunayan, kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin nang maingat at responsable, hindi man lang aabutin ng lima o anim na taon bago ninyo magagawang magkuwento ng inyong mga karanasan at magpatotoo sa Diyos, at ang iba’t ibang gawain ay maisasakatuparan nang may positibong epekto—pero ayaw ninyong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ni ayaw ninyong magsikap para sa katotohanan. May ilang bagay na hindi ninyo alam kung paano gawin, kaya’t binibigyan Ko kayo ng mga tiyak na tagubilin. Hindi ninyo kailangang mag-isip, kailangan niyo lamang makinig at isagawa iyon. Iyan lang ang katiting na responsabilidad na dapat ninyong akuin—ngunit kahit iyan ay lampas sa inyo. Nasaan ang inyong debosyon? Hindi ito makita kahit saan! Ang tanging ginagawa ninyo ay magsabi ng mga bagay na masarap pakinggan. Sa puso ninyo, alam ninyo ang dapat ninyong gawin, pero sadyang hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan. Ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, at ang ugat nito ay kawalan ng pagmamahal sa katotohanan. Alam na alam ninyo sa puso ninyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan—sadyang hindi ninyo isinasagawa ito. Malubhang problema ito; nakatitig kayo sa katotohanan nang hindi ito isinasagawa. Hindi talaga kayo mga taong nagpapasakop sa Diyos. Para gumampan ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat ninyong hanapin at isagawa man lang ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi mo naisasagawa ang katotohanan sa iyong paggampan sa tungkulin, saan mo ito maaaring isagawa? At kung hindi mo isinasagawa ang anuman sa katotohanan, isa kang hindi mananampalataya. Ano ba talaga ang layon mo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan—lalo nang hindi mo isinasagawa ang katotohanan—at iniraraos lang ang mga bagay sa sambahayan ng Diyos? Nais mo bang gawing tahanan mo ng pagreretiro ang sambahayan ng Diyos, o isang bahay-kawanggawa? Kung oo, nagkakamali ka—ang sambahayan ng Diyos ay hindi nag-aalaga ng mga palamunin, ng mga walang silbi. Sinumang masama ang pagkatao, na hindi handang gumampan sa kanyang tungkulin, na hindi akmang gumampan ng isang tungkulin, ay dapat paalisin lahat; lahat ng hindi mananampalataya na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay dapat itiwalag. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan pero hindi nila ito maisagawa sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Kapag may nakikita silang problema, hindi nila ito nilulutas, at kahit alam nilang responsabilidad nila ito, hindi nila ibinubuhos ang lahat ng makakaya nila. Kung hindi mo man lang isinasakatuparan ang mga responsabilidad na kaya mong gawin, anong halaga o epekto ang maidudulot ng paggampan mo sa iyong tungkulin? Makabuluhan bang manampalataya sa Diyos sa ganitong paraan? Ang isang taong nakakaunawa ng katotohanan pero hindi ito kayang isagawa, na hindi kayang pasanin ang mga paghihirap na marapat niyang pasanin—ang gayong tao ay hindi angkop na gumampan ng tungkulin. Ang ilang taong gumagampan sa isang tungkulin ay ginagawa lamang iyon para mapakain sila. Sila ay mga pulubi. Iniisip nila na kung gagawa sila ng kaunting gampanin sa sambahayan ng Diyos, malilibre na ang kanilang tirahan at pagkain, na tutustusan sila at hindi na nila kailangan pang magtrabaho. Saan ka makakahanap ng ganoon kagandang oportunidad? Hindi tinutustusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tambay. Kung ang isang taong hindi man lamang nagsasagawa ng katotohanan, at palaging pabasta-basta sa paggampan ng kanyang tungkulin, ay nagsasabi na nananampalataya siya sa Diyos, kikilalanin ba siya ng Diyos? Lahat ng gayong tao ay mga hindi mananampalataya at, ang tingin sa kanila ng Diyos ay mga taong gumagawa ng masama.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran
Kung hindi mo isinasapuso ang iyong tungkulin, ni hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, kung naguguluhan o nalilito ka, kung ginagawa mo lamang ang mga bagay sa pinakamadaling paraan para sa iyo, kung gayon, anong uri ng mentalidad ito? Ito ay paggawa ng mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Kung wala kang debosyon sa tungkulin mo, kung wala kang pagpapahalaga sa iyong responsabilidad dito, o anumang pagpapahalaga na misyon mo ito, magagampanan mo ba nang maayos ang tungkulin mo? Magagampanan mo ba ang tungkulin mo sa isang paraang pasok sa pamantayan? At kung hindi mo magagampanan ang tungkulin mo sa isang paraang pasok sa pamantayan, makapapasok ka ba sa katotohanang realidad? Talagang hindi. Kung, sa tuwing ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka masigasig, ayaw mong magsikap, at iniraraos mo lang ang iyong tungkulin, na parang hindi nag-iisip na tila naglalaro ka lang, hindi ba’t problema ito? Ano ang mapapala mo sa pagganap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan? Sa huli, makikita ng mga tao na kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, wala kang pagpapahalaga sa responsabilidad, na pabasta-basta ka, at iniraraos mo lang ang tungkulin—kung magkagayon, nanganganib kang maitiwalag. Sinisiyasat ng Diyos ang buong proseso ng paggampan mo sa iyong tungkulin, at ano ang sasabihin ng Diyos? (Ang taong ito ay hindi karapat-dapat sa Kanyang atas o sa Kanyang pagtitiwala.) Sasabihin ng Diyos na hindi ka mapagkakatiwalaan, at na dapat kang maitiwalag. At kaya, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, mahalaga o karaniwan man ito, sapagkat ipinagkatiwala sa iyo ang gawaing ito, kung hindi mo isinasapuso ito o tinutupad ang iyong responsabilidad, at kung hindi mo ito itinuturing bilang atas ng Diyos, o inaako ito bilang sarili mong tungkulin at obligasyon, palaging ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, kung gayon, magiging problema ito. “Hindi mapagkakatiwalaan”—ilalarawan ng dalawang salitang ito ang paggampan mo sa tungkulin. Ang ibig sabihin ng mga ito ay na hindi pasok sa pamantayan ang iyong paggampan sa iyong tungkulin, at na itiniwalag ka, at sinasabi ng Diyos na hindi pasok sa pamantayan ang karakter mo. Kung ipinagkatiwala sa iyo ang isang bagay pero ito ang saloobin mo rito at ganito mo ito pinangangasiwaan, aatasan ka pa ba ng karagdagang mga tungkulin sa hinaharap? Maipagkakatiwala ba sa iyo ang anumang bagay na mahalaga? Hinding-hindi, maliban na lang kung magpakita ka ng tunay na pagsisisi. Gayumpaman, sa kaibuturan, palaging magkikimkim ng kaunting kawalan ng tiwala at kawalan ng kasiyahan ang Diyos sa iyo. Magiging problema ito, hindi ba? Maaari kang mawalan ng anumang pagkakataong gampanan ang iyong tungkulin, at magiging imposible para sa iyo na mailigtas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin
Maraming tao ang madalas na pabasta-basta habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kapag naharap sila sa pagpupungos, tatanggi pa rin silang tanggapin ang katotohanan, pilit na ipagtatanggol ang kanilang punto, at irereklamo pang ang sambahayan ng Diyos ay hindi patas sa kanila, walang awa at pagpaparaya. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Upang mas ipahayag ito nang walang kinikilingan, ito ay isang mapagmataas na disposisyon, at wala silang ni katiting na konsensiya at katwiran. Iyong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay dapat na tanggapin man lang ang katotohanan at gawin ang mga bagay nang hindi lumalabag sa konsensiya at katwiran. Ang mga taong hindi kayang tumanggap o magpasakop sa pagpupungos, ay lubhang mayabang, mapagmagaling, at sadyang di-makatwiran. Ang tawagin silang mga hayop ay hindi isang pagmamalabis dahil sila ay lubos na walang pakialam sa lahat ng kanilang ginagawa. Ginagawa nila ang mga bagay ayon sa kanilang kagustuhan at walang anumang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan; kung may lumitaw na mga problema, wala silang pakialam. Ang pagtatrabaho ng mga taong tulad nito ay hindi pasok sa pamantayan. Dahil ganito ang pagtrato nila sa kanilang mga tungkulin, hindi makayanan ng ibang panoorin sila at nawawalan ng tiwala sa kanila ang mga ito. Kung gayon, maaari kayang magkaroon ng tiwala sa kanila ang Diyos? Sa kadahilanang hindi man lamang nila naabot ang pinakamababang pamantayang ito, ang kanilang pagtatrabaho ay hindi pasok sa pamantayan at maaari lamang silang itiwalag. … Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa isang basta-bastang paraan—wala silang tamang saloobin, hindi nila kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi nila iniisip ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at kung anong mga resulta ang dapat nilang makamit. Paano nila magagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan? Kung ikaw ay isang taong taos-pusong naniniwala sa Diyos, kapag ikaw ay pabasta-basta, dapat kang manalangin sa Kanya at pag-isipan at kilalanin ang iyong sarili; dapat kang maghimagsik laban sa iyong mga tiwaling disposisyon, magsikap nang mabuti sa mga katotohanang prinsipyo, at sikaping maabot ang Kanyang mga kinakailangang pamantayan. Sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan, unti-unti mong matutugunan ang mga kinakailangan ng sambahayan ng Diyos. Ang totoo, hindi naman masyadong mahirap gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kailangan lamang magkaroon ng konsensiya at katwiran, maging matuwid at masigasig. Maraming walang pananampalataya na masigasig na nagtatrabaho at bilang resulta ay nagtatagumpay. Wala silang kaalam-alam tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kaya paano sila nakagagawa nang napakahusay? Dahil sila ay nagkukusa at masigasig, kaya nakakapagtrabaho sila nang masigasig at nagiging metikuloso, at sa ganitong paraan, madaling nagagawa ang mga bagay-bagay. Wala sa mga tungkulin ng sambahayan ng Diyos ang napakahirap. Basta’t ibinubuhos mo ang buong puso mo rito at ginagawa ang makakaya mo, magiging maayos ang paggawa mo sa trabaho mo. Kung hindi ka matuwid, at hindi ka masipag sa anumang ginagawa mo, kung lagi mong sinisikap na hindi ka mahirapan, kung lagi kang pabasta-basta at iniraraos lang ang lahat ng bagay, at bilang resulta, hindi mo ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, nagugulo mo ang mga bagay-bagay at napipinsala ang sambahayan ng Diyos, ibig sabihin niyan ay gumagawa ka nang masama, at magiging isang pagsalangsang iyon na kasusuklaman ng Diyos. Sa mahahalagang sandali ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin at hindi positibo ang iyong ginagampanang papel, o kung nagsasanhi ka ng mga panggagambala at kaguluhan, natural na kasusuklaman at ititiwalag ka ng Diyos at mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Pagsisisihan mo ito nang walang hanggan! Ang pagtataas sa iyo ng Diyos para gawin mo ang iyong tungkulin ang tanging pagkakataon mong maligtas. Kung hindi ka responsable, binabalewala mo iyon at pabasta-basta ka, iyon ang saloobin mo sa pagtrato sa katotohanan at sa Diyos. Kung hindi ka sinsero o mapagpasakop ni katiting, paano mo matatamo ang pagliligtas ng Diyos? Napakahalaga ng oras sa ngayon; importante ang bawat araw at bawat minuto. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan, kung hindi mo pinagtutuunan ang buhay pagpasok, at kung pabasta-basta ka at nililinlang ang Diyos sa iyong tungkulin, talagang wala iyang katwiran at labis na mapanganib! Sa sandaling kasuklaman at itiwalag ka ng Diyos, hindi na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at wala nang balikan pa mula roon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung iniraraos mo lamang ang paggampan sa iyong tungkulin at hindi mo man lang hinahangad na magkaroon ng mga resulta, isa kang mapagpaimbabaw, isang lobo na nakadamit tupa. Maaaring maloko mo ang mga tao, ngunit hindi mo malilinlang ang Diyos. Kung sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka nagbabayad ng tunay na halaga at hindi ka deboto, kung gayon ay hindi pasok sa pamantayan ang iyong paggampan. Kung hindi ka talaga nagsisikap sa iyong pananalig sa Diyos at sa paggampan sa iyong tungkulin; kung palagi mong gusto na iraos lang ang mga bagay-bagay at pabasta-basta sa iyong mga kilos, tulad sa isang walang pananampalataya na gumagawa para sa kanyang amo; kung gumugugol ka lang ng pisikal na pagsisikap pero hindi ginagamit ang iyong puso, iniraraos mo lang ang bawat araw na dumarating, hindi iniuulat ang mga problema kapag nakikita mo ang mga ito, nakikita ang natapon at hindi ito nililinis, at walang patumanggang iwinawaksi ang lahat-lahat ng hindi mo mapakikinabangan—hindi ba ito problema? Paanong magiging kasapi ng sambahayan ng Diyos ang ganitong tao? Walang pananampalataya ang gayong mga tao; hindi sila nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang kinikilala ng Diyos. Kung ikaw ba ay nagpapakatotoo at kung ikaw ba ay nagsisikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, itinatala iyon ng Diyos, at alam na alam mo rin ito. Kaya, nagsikap na ba talaga kayo sa paggampan ng inyong tungkulin? Sineryoso na ba ninyo ito? Itinuring na ba ninyo ito bilang inyong pananagutan, inyong obligasyon? Inangkin na ba ninyo ang pananagutan dito? Dapat wasto ninyong pagnilay-nilayan at alamin ang mga bagay na ito, na magpapadaling harapin ang mga problemang umiiral sa paggampan ninyo sa inyong tungkulin, at magiging kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay pagpasok. Kung palagi kayong iresponsable kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, at hindi ninyo iniuulat ang mga problema sa mga lider at manggagawa kapag nadidiskubre ninyo ang mga ito, ni hindi hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito nang mag-isa, laging iniisip na “mas kakaunti ang problema, mas mainam,” laging namumuhay ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, laging pabasta-basta kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, walang anumang debosyon kailanman, at hindi man lang tinatanggap ang katotohanan kapag pinupungusan—kung ganito ang paggampan ninyo sa inyong tungkulin, nasa panganib kayo; isa kayo sa mga trabahador. Hindi mga miyembro ng sambahayan ng Diyos ang mga trabahador, kundi mga empleyado, mga bayarang manggagawa. Kapag tapos na ang gawain, ititiwalag sila, at natural na masasadlak sa mga kalamidad. Iba ang mga tao ng sambahayan ng Diyos; kapag gumaganap sila sa kanilang tungkulin, hindi iyon para sa pera, o para magsikap, o para magkamit ng mga pagpapala. Iniisip nila, “Isa akong miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ang mga bagay na may kinalaman sa sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa akin. Ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga gawain ko. Dapat kong isapuso ang sambahayan ng Diyos.” Dahil dito, isinasapuso nila ang lahat ng bagay na may kinalaman sa sambahayan ng Diyos, at tinatanggap ang responsabilidad para doon. Tinatanggap nila ang responsabilidad para sa lahat ng bagay na maiisip o makikita nila. Binabantayan nila kung may mga bagay ba na kailangang asikasuhin, at sineseryoso nila ang mga bagay-bagay. Ito ang mga tao ng sambahayan ng Diyos. Ganito rin ba kayo? (Hindi.) Kung nagpapakasasa lang kayo sa mga kaginhawahan ng laman, kung binabalewala ninyo kapag nakikita ninyo na may mga bagay na kailangang asikasuhin sa sambahayan ng Diyos, kung hindi ninyo dinadampot ang bote ng langis na nahulog, at alam ng puso ninyo na may problema ngunit ayaw ninyong lutasin iyon, hindi ninyo tinatratong inyo ang sambahayan ng Diyos. Ganito ba kayo? Kung oo, labis na kayong napag-iwanan na wala na kayong ipinagkaiba sa mga walang pananampalataya. Kung hindi kayo magsisisi, kailangan kayong ituring na hindi kabilang sa sambahayan ng Diyos; kailangan kayong isantabi at itiwalag. Ang totoo ay ninanais ng Diyos sa Kanyang puso na ituring kayo bilang mga miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan, at lagi kayong pabasta-basta, at iresponsable sa pagganap sa inyong tungkulin. Hindi kayo nagsisisi, kahit paano pa ibahagi sa inyo ang tungkol sa katotohanan. Kayo ang siyang naglagay sa inyong sarili sa labas ng sambahayan ng Diyos. Nais ng Diyos na iligtas kayo at gawin kayong mga miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo ito tinatanggap. Kaya naman, nasa labas kayo ng Kanyang sambahayan; kayo ay mga walang pananampalataya. Sinumang hindi tumatanggap ng kahit katiting mang katotohanan ay maaari lamang tratuhing gaya ng isang walang pananampalataya. Ikaw ang siyang nagtakda ng sarili mong kahihinatnan at kalalagyan. Itinakda mo ito sa labas ng sambahayan ng Diyos. Bukod sa iyo, sino pa ba ang dapat sisihin para diyan? … Samakatwid, tanging sa maayos na paggampan lamang ng iyong tungkulin ka makapananatili nang matatag sa sambahayan ng Diyos, at makakapanatiling buhay sa malalaking kalamidad. Napakahalaga ng maayos na paggampan sa iyong tungkulin. Kahit papaano man lang, ang mga tao ng sambahayan ng Diyos ay mga tapat na tao. Sila ay mga taong mapagkakatiwalaan sa kanilang tungkulin, na kayang tanggapin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at na kayang gampanan nang deboto ang kanilang tungkulin. Kung ang mga tao ay walang tunay na pananalig, konsensiya, at katwiran, at kung wala silang pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, hindi sila naaangkop na gumanap ng mga tungkulin. Kahit pa ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, pabasta-basta nila itong ginagawa. Sila ay mga trabahador—mga taong hindi pa talaga nagsisi. Ang mga trabahador na tulad nito ay ititiwalag sa malao’t madali. Tanging ang mga tapat na trabahador ang pananatilihin. Bagaman wala ng mga katotohanang realidad ang mga tapat na trabahador, may taglay silang konsensiya at katwiran, nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang taos-puso, at pinahihintulutan sila ng Diyos na manatili. Iyong mga nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at iyong mga matunog na makapagpapatotoo sa Diyos ay Kanyang mga tao, at pananatilihin din at dadalhin din sila sa Kanyang kaharian.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran
Sa kasalukuyan, sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ang karamihan sa mga tao ay nagagawang manatili sa kanilang mga tungkulin, nang hindi gumagawa ng masama, ngunit sila ba ay may debosyon? Nagagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan? Malaki pa rin ang agwat nila tungo sa pamantayan. Kung kaya o hindi ng mga tao na gampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin ay may kaugnayan sa usapin ng pagkatao. Kaya paano nila magagawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin? Ano ang dapat nilang taglayin upang magawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin? Anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan o anuman ang kanilang ginagawa, dapat maging metikuloso at taimtim ang mga tao, at dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad; saka lang makararamdam ng katatagan at kapayapaan ang kanilang puso. Ano ang ibig sabihin ng tuparin ang mga responsabilidad ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay ang maging masipag, ang ibigay mo ang iyong buong puso sa iyong mga responsabilidad, at gawin ang lahat ng bagay na dapat mong gawin. Halimbawa, sabihin nang itinalaga ka ng isang lider ng iglesia na gumawa ng isang tungkulin, at ibinahagi niya sa iyo ang mga simpleng prinsipyo nito, ngunit hindi ito gaanong idinetalye—paano ka dapat kumilos upang magawa mo nang mabuti ang tungkuling ito? (Umasa sa aming konsensiya.) Kahit paano man lang, dapat kang umasa sa iyong konsensiya upang magawa mo ito. “Umasa ka sa iyong konsensiya”—paano mo maipatutupad ang mga salitang ito? Paano mo gagamitin ang mga salitang ito? (Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi paggawa ng anumang bagay na magbibigay-kahihiyan sa Diyos.) Isa itong aspekto. Bukod dito, kapag gumawa ka ng isang bagay, dapat ay paulit-ulit mo itong pag-isipang mabuti, sukatin mo ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung walang kapayapaan ang iyong puso pagkaraan mo itong tapusin, at pakiramdam mo ay para bang may problema pa rin dito, at matapos itong suriin, isang problema nga talaga ang natuklasan, ano ang dapat mong gawin sa puntong ito? Dapat mong agad na ayusin ito at lutasin ang problema. Anong uri ng saloobin ito? (Ito ay pagiging metikuloso at pagiging mabusisi.) Ito ay pagiging metikuloso at pagiging mabusisi, na isang taimtim at mahigpit na saloobin. Ang paggawa ng iyong tungkulin ay nakabatay dapat sa isang taimtim at responsableng saloobin, na nagsasabing: “Ibinigay sa akin ang gawaing ito, kaya dapat kong gawin ang anumang makakaya ko upang magawa ko ito nang mabuti ayon sa abot ng aking kayang malaman at makamit. Hindi ako maaaring makagawa ng anumang mga pagkakamali.” Hindi ka maaaring magkaroon ng pag-iisip na “puwede na ang puwede na.” Kung palagi kang may pabasta-bastang paraan ng pag-iisip, magagawa mo ba nang mabuti ang iyong tungkulin? (Hindi.)
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Plano ng Pamamahala ng Diyos
Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, madalas silang pabasta-basta sa paggampan ng tungkulin. Ito ang pinakamalubhang problema. Kung gagampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, dapat muna nilang lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta. Hangga’t mayroon silang pabasta-bastang pag-iisip, hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na nangangahulugang ang paglutas sa problema ng pagiging pabasta-basta ang pinakamahalaga. Kaya, paano sila dapat magsagawa? Una, dapat nilang lutasin ang isyu ng kanilang pag-iisip—dapat nilang tratuhin nang tama ang kanilang mga tungkulin, gawin ang mga bagay-bagay nang masigasig at responsable, at iwasang magkaroon ng isang mapanlinlang at pabasta-bastang puso. Ang tungkulin ng isang tao ay ginagampanan para sa Diyos, hindi para sa sinumang tao; kung kayang tanggapin ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos, magkakaroon sila ng tamang pag-iisip. Higit pa rito, pagkatapos gawin ang isang bagay, dapat itong suriin at pagnilayan ng mga tao. Kung medyo hindi panatag ang kanilang puso, at sa maingat na pagsusuri ay matuklasan nilang mayroon talagang problema, dapat nila itong itama, at pagkatapos itama, magiging panatag sila sa kanilang puso. Ang pakiramdam na hindi panatag sa loob ay nagpapatunay na may problema. Nangangailangan ito ng maingat na pagsusuri, at walang dapat palampasin sa mga kritikal na punto. Ito ay isang saloobin ng pagiging responsable sa paggampan ng tungkulin ng isang tao. Kung kaya ng isang tao na maging metikuloso, umako ng responsabilidad, at ibigay ang lahat ng kanyang puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan, mayroon kang maling pag-iisip, at palagi kang nag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba, at kahit na mayroong isang malinaw na pagkakamali, hindi mo pa rin ito matuklasan o mahanap. Kung mayroon kang tamang pag-iisip, at hinahanap mo ang katotohanan, sa pamamagitan ng kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu, matutuklasan mo ang problema. Kung gagabayan ka ng Banal na Espiritu at bibigyan ka Niya ng isang pagkatanto, na sa gayon ay magiging maliwanag ang iyong puso at malalaman mo kung nasaan ang pagkakamali, magagawa mong itama ang paglihis at magsumikap tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kung wala kang tamang pag-iisip, at lumilipad ang isip mo at pabaya ka, matutuklasan mo ba ang pagkakamali? Hindi. Ano ang makikita mula rito? Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, napakahalagang gawin ng mga tao ang kanilang bahagi; napakahalaga ng kanilang pag-iisip; at napakahalaga kung saan nakatuon ang kanilang mga iniisip at ideya. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung anong pag-iisip ang taglay ng mga tao at kung gaano nila isinasapuso ang paggampan sa kanilang mga tungkulin. Kritikal ang pag-uukol ng buong puso at lakas dito, at napakahalaga na gawin ang bahagi ng isang tao. Dapat magsikap ang mga tao na maging walang pagsisisi sa mga tungkuling natapos nila at sa mga bagay na nagawa nila, at na hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos. Ito talaga ang kahulugan ng pagbibigay ng buong puso at lakas ng isang tao. Kung hindi mo kailanman ibinibigay ang iyong buong puso at lakas sa iyong tungkulin at palagi kang pabasta-basta, nagdudulot ng napakalaking kawalan sa gawain at malayong-malayo sa mga resultang hinihingi ng Diyos, kung gayon ay maaari ka lamang itiwalag. At mayroon pa bang panahon para makaramdam ng pagsisisi, kung gayon? Wala na. Ito ay magiging isang walang hanggang pagsisisi, isang mantsa! Ang palaging pagiging pabasta-basta ay isang mantsa, isang malubhang pagsalangsang, hindi ba? (Oo.) Dapat kang magsikap na gawin nang maayos ang kung ano ang nakaatang sa iyo at sa lahat ng bagay na dapat mong gawin, nang buong puso at lakas, at hindi maging pabasta-basta o mag-iwan sa iyong sarili ng anumang pagsisisi. Sa ganitong paraan, ang tungkuling ginagampanan mo ay matatandaan ng Diyos. Ang mga bagay na iyon na natatandaan ng Diyos ay mabubuting gawa. Kung gayon, ano naman ang tawag sa mga bagay na hindi natatandaan ng Diyos? (Ang tawag sa mga iyon ay mga pagsalangsang at masasamang gawa.) Maaaring hindi mo matanggap na tinatawag natin ngayon ang mga ito na masasamang gawa, ngunit pagdating ng araw na ang mga bagay na ito ay magdulot ng malulubhang kahihinatnan, at magbunga ng negatibong impluwensiya, matatanto mo na ang mga pagsalangsang na ito ay hindi lamang mga pagsalangsang sa pag-uugali, kundi masasamang gawa. Kapag napagtanto mo na ito, makakaramdam ka ng pagsisisi: “Kung alam ko lang noon ang alam ko ngayon! Kung nag-ukol lang ako ng kaunti pang pag-iisip at pagsisikap noon, maiiwasan sana ang mga kahihinatnang ito.” Walang makakabura sa walang hanggang mantsang ito mula sa iyong puso, at kung mag-iiwan ito sa iyo ng isang pangmatagalang pakiramdam ng pagkakasala, magdudulot iyon ng problema. Kaya, sa paggampan mo sa iyong tungkulin ngayon, dapat kang tumuon sa paghahanap sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo, nagsisikap na ibigay ang lahat ng iyong puso at lakas sa atas ng Diyos sa iyo, at lahat ng iyong ginagawa ay dapat mag-iwan sa iyo ng isang malinis na budhi at walang pagsisisi, at matandaan ng Diyos. Ganap na iwasan ang pagiging pabasta-basta. Kung magkamali ka dala ng bugso ng damdamin at ito ay isang malubhang pagsalangsang, ito ay magiging isang walang hanggang mantsa. Sa sandaling magkaroon ka ng mga pagsisisi, hindi mo na mababawi ang mga ito; magiging permanente na ang mga ito. Dapat mong makita nang malinaw ang dalawang landas na ito. Alin ang dapat mong piliin upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang paggampan sa iyong tungkulin nang buong puso at lakas, paghahanda ng sapat na mabubuting gawa, at pagsisikap na makamit ang katotohanan—sa ganitong paraan mo lamang maiiwasang magkaroon ng anumang pagsisisi. Anuman ang mangyari, huwag gumawa ng masama at guluhin ang paggampan ng tungkulin ng ibang tao, huwag gumawa ng anumang kilos ng paglabag sa katotohanan at paglaban sa Diyos, at huwag bigyan ang iyong sarili ng habambuhay na mga pagsisisi. Ano ang kahihinatnan ng paggawa ng napakaraming pagsalangsang? Ito ay idudulot mo na maipon ang poot ng Diyos sa iyo sa Kanyang presensya! Habang mas marami kang pagsalangsang na ginagawa, mas lalong naiipon ang poot ng Diyos sa iyo—sa huli, ikaw ay parurusahan.
May ilang taong palagiang gumagampan ng kanilang mga tungkulin, at tila wala silang anumang malalaking problema—hindi sila gumagawa ng anumang hayagang masasamang gawa o nagdudulot ng mga pagkagambala o panggugulo, hindi nila tinatahak ang landas ng mga anticristo, at walang malalaking pagkakamali o isyu ng prinsipyo sa paggampan nila ng kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, sa loob lang ng ilang taon ay nabubunyag sila nang hindi nila namamalayan: Hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at sila ay mga hindi mananampalataya. Ano ang nangyayari dito? Hindi makita ng mga tao ang problema sa kanila, ngunit sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, at nakikita Niya ang problema. Palaging pabasta-basta at hindi nagsisisi ang mga indibidwal na ito sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Sa paglipas ng panahon, tiyak na mabubunyag sila. Ano ang ibig sabihin ng palaging hindi nagsisisi? Ang ibig sabihin nito, bagama’t palagian nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, palagi silang may maling saloobin sa mga tungkuling ito, isang saloobing pabasta-basta, at hindi nila kailanman inilalagay ang kanilang puso sa kanilang mga tungkulin, lalo na ang kanilang buong puso. Kahit na magsikap sila nang kaunti, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, at malayo sila mula sa paglalagay ng lahat ng kanilang lakas sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Walang katapusan ang kanilang mga pagsalangsang. Sa paningin ng Diyos, ang mga taong ito ay palagiang hindi nagsisisi, at palagi silang pabasta-basta at hindi kailanman nagbabago—ibig sabihin, hindi nila tinatalikuran ang kasamaan sa kanilang mga kamay at hindi sila nagsisisi sa Diyos, at hindi nakikita ng Diyos ang isang saloobin ng pagsisisi sa kanila, o ang pagbabago sa kanilang saloobin. Patuloy nilang hinaharap ang kanilang mga tungkulin at ang mga atas ng Diyos nang may ganitong saloobin at pamamaraan. Hindi kailanman nagbabago ang sutil at matigas nilang disposisyon. Higit pa rito, hindi sila kailanman nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos, at hindi nila kailanman naramdaman na ang kanilang pagiging pabasta-basta ay isang pagsalangsang at isang masamang gawa. Sa kanilang puso, walang pakiramdam ng pagkakautang, walang pagkakonsensiya, walang pagsaway sa sarili, at lalong walang pag-aakusa sa sarili. Kung magpapatuloy ang mga bagay-bagay nang ganito, ituturing ng Diyos ang mga taong ito bilang hindi na matutubos. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man karaming sermon ang marinig ng mga taong ito o gaano man karaming doktrina ang kaya nilang sabihin, hindi kayang tanggapin ng kanilang mga puso ang katotohanan at hindi nagbabago o nagbabalik-loob ang kanilang mga puso, kaya sinasabi ng Diyos: “Wala nang pag-asa para sa taong ito. Walang anumang sinasabi Ko ang makakaantig sa puso niya, at walang anumang sinasabi Ko ang makakapagpabalik-loob sa kanya. Walang anumang pamamaraan na sinusubukan Ko ang makakapagdulot ng pagbabago sa kanya. Hindi na karapat-dapat ang taong ito na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi na siya karapat-dapat na magserbisyo sa Aking sambahayan.” Bakit ito sinasabi ng Diyos? Ito ay dahil palagian silang pabasta-basta sa paggampan ng kanilang tungkulin at sa kanilang gawain, at paano man sila pungusan, at gaano man kalaking pagpaparaya at pasensya ang ibigay sa kanila, walang saysay ito, at hindi sila nito mapapagsisi o mapapagbago nang tunay, lalong hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin dahil dito, at hinding-hindi nila kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya hindi na matutubos ang taong ito. Kapag tinukoy ng Diyos na hindi na matutubos ang isang tao, patuloy pa rin ba Niyang hahawakan nang mahigpit ang taong ito? Hindi Niya ito gagawin. Bibitiwan siya ng Diyos. Palaging nagmamakaawa ang ilang tao, “Diyos ko, maging banayad Ka sa akin, huwag Mo akong pagdusahin, huwag Mo akong disiplinahin. Bigyan Mo ako ng kaunting kalayaan! Hayaan Mong gawin ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta nang kaunti! Hayaan mo akong maging talipandas nang kaunti! Hayaan Mong ako ang masunod!” Ayaw nilang mapigilan. Sabi ng Diyos, “Yamang hindi mo nais na lumakad sa tamang landas, pakakawalan kita. Bibigyan kita ng kalayaan. Humayo ka at gawin ang nais mo. Hindi kita ililigtas, sapagkat wala ka nang lunas.” Iyon bang mga wala nang lunas ay may anumang nadaramang konsensiya? Mayroon ba silang anumang pakiramdam ng pagkakautang? Mayroon ba silang anumang pakiramdam ng pag-aakusa? Nadarama ba nila ang paninisi, disiplina, paghampas, at paghatol ng Diyos? Hindi nila ito nararamdaman. Wala silang kamalayan sa anuman sa mga bagay na ito; malamlam o wala nga sa kanilang puso ang mga bagay na ito. Kapag nakarating sa ganitong yugto ang isang tao, na wala na ang Diyos sa kanyang puso, maaari niya pa rin bang makamit ang kaligtasan? Mahirap masabi. Kapag nakarating sa gayong punto ang pananampalataya ng isang tao, nasa panganib siya. Alam ba ninyo kung paano kayo dapat maghanap, kung paano kayo dapat magsagawa, at kung anong landas ang dapat ninyong piliin upang maiwasan ang kahihinatnang ito at matiyak na ang gayong kalagayan ay hindi mangyayari? Ang pinakamahalaga ay piliin muna ninyo ang tamang landas, at pagkatapos ay magtuon sa pagganap nang maayos sa tungkuling dapat ninyong gampanan sa kasalukuyan. Ito ang pinakamaliit na pamantayan, ang pinakabatayang pamantayan. Sa batayang ito ninyo dapat hanapin ang katotohanan at pagsikapan ang pamantayan ng paggampan sa inyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Ito ay dahil ang bagay na pinakakapansin-pansing sumasalamin sa ugnayang nagdurugtong sa iyo sa Diyos ay kung paano mo itinuturing ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos at ang tungkuling iniaatas Niya sa iyo, at ang saloobing mayroon ka. Ang pinakakapuna-puna at pinakapraktikal ay ang usaping ito. Naghihintay ang Diyos; gusto Niyang makita ang iyong saloobin. Sa pinakamahalagang sandaling ito, dapat mong bilisang ipaalam sa Diyos ang iyong paninindigan, tanggapin ang Kanyang atas, at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kapag naunawaan mo ang napakahalagang puntong ito at natupad ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging normal. Kung, sa pagkakatiwala sa iyo ng Diyos ng isang gampanin, o pagsasabi sa iyo na gampanan mo ang isang tiyak na tungkulin, ang iyong saloobin ay pabaya at walang pakialam, at hindi mo ito sineseryoso, hindi ba ito mismo ang kabaligtaran ng pagbibigay ng buong puso at lakas? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Siguradong hindi. Hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin sa punto na magiging pasok sa pamantayan. Kaya, napakahalaga ng iyong saloobin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pati na ang pamamaraan at landas na iyong pinipili. Gaano man karaming taon silang nananampalataya sa Diyos, ang mga hindi nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin ay ititiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, sa katunayan, ginagawa mo ang dapat mong gawin. Kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa Diyos nang may pag-uugali ng pagkamatapat at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang saloobing ito? Kaya paano mo magagamit ang saloobing ito sa tunay na buhay? Dapat mong gawing realidad ang “pagsamba sa Diyos nang may puso at pagkamatapat.” Tuwing gusto mong maging pabasta-basta, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing nawawala ka sa pokus o gusto mong magsaya, dapat mong isaalang-alang: “Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsasapuso ko sa paggawa ng aking tungkulin? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong maging deboto? Nabibigo ba akong tuparin ang atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?” Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay palaging pabasta-basta sa iyong tungkulin, na wala kang debosyon, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, “Sa oras na iyon, nadama ko na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; pinahapyawan ko lang iyon nang walang-ingat. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!” Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa paggampan sa iyong tungkulin ay mali. Itinuring mo itong ekstra na trabaho at mababaw lang na nagsikap, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at hayaan Siyang disiplinahin at ituwid ka. Kapag mayroon kang gayong determinasyon sa paggampan ng iyong tungkulin, saka ka lamang tunay na makapagsisisi. Makapagbabago ka lamang kapag malinis ang iyong konsensiya at nagbago na ang iyong saloobin sa paggampan mo sa iyong tungkulin. At habang nagsisisi ka, dapat mo ring pagnilayan nang madalas kung talagang naibigay mo ang iyong buong puso, buong isipan, at buong lakas sa pagganap mo sa iyong tungkulin; pagkatapos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang panukat at iniaangkop ang mga ito sa iyong sarili, malalaman mo kung ano pa ang mga problema sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Sa patuloy na paglutas ng mga problema sa ganitong paraan, nang ayon sa salita ng Diyos, hindi ba’t ginagawa mong realidad ang pagganap mo sa iyong tungkulin nang buong puso, isip, at lakas? Sa paggampan mo sa iyong tungkulin sa gayong paraan: hindi ba’t nagampanan mo na ito nang buong puso, isip, at lakas? Kung wala nang anumang pang-uusig sa iyong konsensiya, kung magagawa mong maging pasok sa pamantayan at magkaroon ng debosyon sa paggampan ng iyong tungkulin, saka lamang tunay na magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo. Ang pagganap ng iyong tungkulin ay magiging tila ganap na likas at may katwiran, sa halip na isang karagdagang pasanin, at hindi na parang isang trabahong ginawa para sa ibang tao. Sa paggampan ng isang tungkulin sa ganitong paraan, nasisiyahan ang pakiramdam mo, at pakiramdam mo ay namumuhay ka sa piling ng Diyos. Ang pag-asal nang ganito ay nagdudulot ng kapayapaan ng isip. Hindi ba’t gagawin ka nitong mas tao at hindi gaanong parang isang zombie? Madali bang umasal nang ganito? Sa totoo lang, madali ito, pero hindi ito madali para sa mga hindi tumatanggap sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin
Kapag gusto mong gumawa ng mga bagay sa pabasta-bastang paraan, nagiging tuso at nagpapabaya, at sinusubukang iwasan ang pagsisiyasat ng Diyos habang ginagampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magmadaling lumapit sa harapan ng Diyos para manalangin at pagnilayan kung tama bang gawin iyon. Pagkatapos, mag-isip-isip ka: “Ano ang layunin ko sa pananampalataya sa Diyos? Maaaring malinlang ng pagiging pabasta-basta ko ang mga tao, pero malilinlang ba nito ang Diyos? Higit pa rito, hindi ako nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng aking tungkulin para maging tuso at magpabaya, kundi para makamit ko ang kaligtasan. Ipinapakita ng pagkilos sa ganitong paraan na wala akong normal na pagkatao, at hindi ito isang bagay na kinalulugdan ng Diyos. Hindi iyan puwede. Iba sana kung naging tuso ako, nagpabaya, at sinunod ko ang sarili kong kalooban sa mundo, pero ngayon ay nasa sambahayan ako ng Diyos, nasa ilalim ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa ilalim ng pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos, at isa akong tao, kaya dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya at sa mga salita ng Diyos, at hindi ako maaaring sumunod sa sarili kong kalooban, maging pabasta-basta, o maging tuso at magpabaya. Kaya, paano ako dapat kumilos para hindi maging tuso at magpabaya, para hindi maging pabasta-basta? Dapat akong magsumikap. Ngayon lang ay naramdaman kong masyadong malaking abala ang kumilos sa ganoong paraan, kaya gusto kong iwasan ang paghihirap, pero ngayon ay nauunawaan ko na: Maaaring mas malaking abala ang gawin ito nang ganoon, ngunit nagbubunga ito ng mga resulta, kaya ganoon ko ito dapat gawin.” Kapag ginagawa mo ito at ayaw mo pa ring magtiis ng paghihirap, sa gayong mga pagkakataon ay dapat kang manalangin sa Diyos: “O Diyos! Ako ay isang tamad at tusong tao. Pakiusap, disiplinahin at sawayin Mo ako, upang magkaroon ako ng kamalayan ng konsensiya at makaramdam ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Pakiusap, gabayan at bigyang-liwanag Mo ako, upang makita ko ang aking paghihimagsik at ang aking kapangitan.” Kapag nananalangin ka nang ganito, at pinagninilayan at sinusubukan mong kilalanin ang iyong sarili nang ganito, magdudulot ito ng isang pakiramdam ng pagsisisi; magagawa mong kamuhian ang iyong kapangitan, at magsisimulang magbago ang iyong maling kalagayan. Magagawa mong magbulay-bulay: “Bakit nagagawa kong maging pabasta-basta? Bakit palagi kong sinusubukang maging tuso at magpabaya? Ang pagkilos nang ganito ay labis na walang konsensiya at katwiran—isa pa ba akong taong nananampalataya sa Diyos? Bakit hindi ko magawa ang mga bagay-bagay nang masinop? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan ng kaunti pang oras at pagsisikap? Ano ba ang napakahirap doon? Ito ang dapat kong ginagawa; kung hindi ko man lang ito magawa, karapat-dapat pa ba akong tawaging isang tao?” Bilang resulta, magpapasya ka at manunumpa sa Diyos, “O Diyos! Binigo Kita. Tunay na masyado na akong naging tiwali, wala akong konsensiya at katwiran, at wala akong pagkatao. Handa akong magsisi. Pakiusap, patawarin Mo ako. Magbabago na talaga ako. Kung hindi ako magsisisi, nawa’y parusahan Mo ako.” Pagkatapos, matutuwid ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Sa susunod na gagawin mo ang iyong tungkulin, magagawa mo nang kumilos nang masinop, nang may mas kaunting pagiging pabasta-basta, at magagawa mong magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mo na ang paggampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay napakaganda, at magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan sa iyong puso. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, mabilis na magbabago ang kanilang mga kalagayan. Kapag nagbago na ang iyong negatibong kalagayan, at naghimagsik ka na laban sa sarili mong mga intensyon at sa mga makasariling pagnanais ng laman, kapag kaya mo nang bitiwan ang kaginhawahan at mga kasiyahan ng laman at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi na kumilos nang arbitraryo at walang pakundangan, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at magiging malaya mula sa panunumbat ng iyong konsensiya. Madali bang maghimagsik laban sa laman at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa ganitong paraan? Hangga’t mayroon kang napakalaking adhikain para sa Diyos, kaya mong maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan. At hangga’t nagsasagawa ka sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan ay makakapasok ka sa katotohanang realidad. Hindi talaga ito mahirap.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos
Anumang tungkulin ang ginagampanan mo, anuman ang magagawa mo, ituring mo itong responsabilidad at tungkulin mo, tanggapin ito at gawin ito nang maayos. Paano mo ito gagawin nang maayos? Sa pamamagitan ng paggawa rito nang eksakto sa hinihingi ng Diyos—nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong kalakasan mo. Dapat mong pagnilay-nilayan ang mga salitang ito at isipin kung paano mo magagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Halimbawa, kung makikita mo ang isang tao na ginagampanan ang kanyang tungkulin nang walang prinsipyo, na ginagawa niya ito nang walang ingat at alinsunod sa kanyang sariling kalooban, at iniisip mo sa sarili mo, “Wala akong pakialam, hindi ko ito responsabilidad,” ito ba ay paggawa sa iyong tungkulin nang buong puso mo? Hindi, ito ay pagiging iresponsable. Kung ikaw ay isang responsableng tao, kapag nangyari sa iyo ang gayong sitwasyon ay sasabihin mo, “Hindi ito maaari. Hindi man ito saklaw ng aking pangangasiwa, ngunit maaari ko namang iulat ang isyu na ito sa lider at hayaan siyang asikasuhin ito alinsunod sa mga prinsipyo.” Pagkatapos mong gawin ito, makikita ng lahat na ito ay angkop, ang iyong puso ay mapapanatag, at matutupad mo ang iyong responsabilidad. Kung magkagayon ay nagawa mo na ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Kung, kahit aling tungkulin ang iyong ginagampanan, ikaw ay palaging pabaya, at sinasabi mo, “Kung gagawin ko ang gawaing ito sa isang simple at pabasta-bastang paraan, kahit paano ay mairaraos ko ito. Tutal, walang magsusuri nito. Ginawa ko ang pinakamakakaya ko gamit ang mga limitadong kakayahan at propesyonal na kasanayan na mayroon ako. Sapat na ito para makaraos lang. Isa pa, walang magtatanong tungkol dito o magseseryoso sa akin—hindi ito gaanong mahalaga.” Ang pagkakaroon ba ng ganitong intensyon at ng ganitong kaisipan ay pagganap ng iyong tungkulin nang buong puso mo? Hindi, ito ay pagiging pabasta-basta, at ito ay isang pagbubunyag ng iyong sataniko at tiwaling disposisyon. Magagampanan mo ba ang iyong tungkulin nang buong puso mo sa pamamagitan ng pag-asa sa satanikong disposisyon? Hindi, magiging imposible iyan. Kaya, ano ang ibig sabihin na gawin mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo? Sasabihin mo: “Kahit na hindi nag-usisa ang Itaas tungkol sa gawaing ito, at tila hindi ito napakahalaga sa lahat ng gawain sa sambahayan ng Diyos, gagawin ko pa rin ito nang maayos—ito ay aking tungkulin. Kung ang isang gawain ay mahalaga o hindi ay isang bagay; kung ito ay magagawa ko nang maayos o hindi ay ibang bagay.” Ano ang mahalaga? Kung magagampanan mo nang maayos o hindi ang iyong tungkulin at nang buong puso mo, at kung magagawa mong sumunod sa mga prinsipyo at magsagawa alinsunod sa katotohanan. Ito ang mahalaga. Kung maisasagawa mo ang katotohanan at magagawa ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo, tunay mong nagagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Kung nagampanan mo nang maayos ang isang uri ng tungkulin, ngunit hindi ka pa rin nasisiyahan at nais mo pang gampanan ang isang higit pang mahalagang uri ng tungkulin, at may kakayahan ka na gampanan ito nang maayos, ito ay paggawa mo ng iyong tungkulin nang buong puso mo sa isang mas mataas pang antas. Kaya, kung nagagawa mong gampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, ano ang ipinapahiwatig nito? Sa isang banda, nangangahulugan ito na ginagawa mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, nangangahulugan ito na tinanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos at nasa puso mo ang Diyos; nangangahulugan ito na hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin para magpakitang-tao, o kung paano mo naisin, o alinsunod sa iyong mga sariling kagustuhan—sa halip ay itinuturing mo ito bilang isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos at ginagawa mo ito nang taglay ang responsabilidad at puso na iyan, hindi alinsunod sa iyong sariling kalooban kundi ganap na ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ibinibigay mo ang buong puso mo sa iyong tungkulin—ito ay pagganap sa iyong tungkulin nang buong puso mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ano ba ang kailangan mong gawin para magawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo? Dapat mong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito; ibig sabihin, kailangan mong tanggapin ang anumang hinihingi ng Diyos at magpasakop dito; kailangan mong asikasuhin ang iyong tungkulin gaya ng iyong pag-aasikaso sa mga personal na bagay, nang hindi nangangailangan ng sinuman para bantayan ka, subaybayan ka, at siguraduhing ginagawa mo ito nang tama, paalalahanan ka, pangasiwaan ang iyong ginagawa, o pungusan ka pa nga. Dapat mong іsipin sa iyong sarili, “Responsabilidad ko na gampanan ang tungkuling ito. Papel ko ito, at dahil ibinigay ito sa akin para gawin ko, at nasabi na sa akin ang mga prinsipyo at naintindihan ko naman ang mga ito, patuloy ko itong gagawin nang nakatuon. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para tiyaking magagawa ito nang maayos.” Kailangan mong pagsikapang gawin ang tungkulin na ito, at hindi malimitahan ng sinumang tao o ng anumang pangyayari o bagay. Ito ang ibig sabihin ng itaguyod ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo, at ito ang dapat na maging wangis ng mga tao. Kaya, ano ang dapat masangkap sa mga tao para maitaguyod nila ang kanilang tungkulin nang buong puso at isip nila? Kailangan muna nilang magkaroon ng konsensiya na dapat taglayin ng mga nilalang. Iyon ang pinakamababang kinakailangan. Higit pa roon, dapat maging deboto rin sila. Bilang isang tao, para matanggap ang atas ng Diyos, kailangan siyang maging deboto. Kailangang maging ganap siyang deboto sa Diyos lamang, at hindi maaaring wala siyang sigla, o hindi tumatanggap ng pananagutan; mali ang kumilos batay sa sarili niyang mga interes o lagay ng loob—hindi ito pagiging deboto. Ano ang ibig sabihin ng pagiging deboto? Ang ibig sabihin nito ay ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at hindi ka naiimpluwensiyahan o nalilimitahan ng iyong pakiramdam, kapaligiran, o ng ibang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay. Kailangan mong isipin, “Natanggap ko ang atas na ito mula sa Diyos; ibinigay na Niya ito sa akin. Ito ang dapat kong gawin, kaya gagawin ko ito kung paano ko gagawin ang sarili kong mga usapin, sa anumang paraang nagbubunga ng magagandang resulta, na ang kahalagahan ay nakatuon sa pagbibigay-lugod sa Diyos.” Kapag nasa ganito kang kalagayan, hindi ka lamang kontrolado ng iyong konsensiya, kundi naroroon din sa loob mo ang debosyon. Kung nasisiyahan ka na na magawa lamang ito, nang hindi mo hinahangad na maging mahusay at magkamit ng mga resulta, at nadarama mo na sapat nang ibuhos mo lamang dito ang iyong buong pagsisikap, pag-abot lamang ito sa pamantayan ng konsensiya ng mga tao, at hindi maituturing na debosyon. Ang pagiging deboto sa Diyos ay isang mas mataas na hinihinging pamantayan kaysa sa pamantayan ng konsensiya. Hindi lamang ito pagbubuhos dito ng lahat ng iyong pagsisikap; kailangan mo ring ilaan dito ang iyong buong puso. Sa iyong puso, kailangan mong palaging ituring ang iyong tungkulin bilang trabaho na dapat mong gawin, kailangan mong magdala ng pasanin para sa gawaing ito, magdusa ng pangongosensiya kung makagagawa ka ng kahit katiting na pagkakamali o kung medyo pabasta-basta kang magtrabaho, at kailangan mong madama na hindi ka maaaring umasal nang ganito dahil ginagawa ka nitong may labis na pagkakautang sa Diyos. Ang mga taong talagang may konsensiya at katwiran ay ginagampanan ang kanilang tungkulin na para bang sarili nila itong trabahong gagawin, mayroon man o walang sinumang nagbabantay o nangangasiwa sa kanila. Masaya man sa kanila o hindi ang Diyos at paano man Niya sila tinatrato, laging mahigpit ang kahilingan nila sa kanilang sarili na tuparin nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at tapusin ang atas na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang tawag dito ay debosyon. Hindi ba mas mataas na pamantayan ito kaysa sa pamantayan ng konsensiya? Kapag kumikilos sila ayon sa pamantayan ng konsensiya, madalas na naiimpluwensyahan ang mga tao ng mga panlabas na bagay, o iniisip nila na sapat nang ibuhos na lang sa kanilang tungkulin ang lahat ng kanilang pagsisikap; ang antas ng kadalisayan ay hindi gayon kataas. Subalit, kapag pinag-uusapan ang debosyon at ang magawang itaguyod ang tungkulin ng isang tao nang deboto, ang antas ng kadalisayan ay mas mataas. Hindi iyon tungkol lang sa pagsisikap; hinihingi nito na ibuhos mo sa iyong tungkulin ang iyong buong puso, isipan, at katawan. Upang maayos mong magampanan ang iyong tungkulin, kung minsan ay kailangan mong magtiis ng kaunting pisikal na hirap. Kailangan mong magbayad ng halaga, at ilaan ang iyong buong kaisipan sa paggampan sa iyong tungkulin. Anumang pangyayari ang iyong kaharapin, hindi nakaaapekto ang mga ito sa iyong tungkulin o nakaaantala sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at nagagawa mong mapalugod ang Diyos. Upang magawa ito, dapat kaya mong magbayad ng halaga. Kailangan mong talikuran ang iyong pamilya ng laman, mga personal na bagay, at pansariling interes. Ang iyong banidad, dangal, mga damdamin, pisikal na kaaliwan, at maging mga bagay tulad ng pinakamasasayang taon ng iyong kabataan, ang iyong pag-aasawa, ang iyong kinabukasan, at ang iyong tadhana ay kailangan mong bitawan at talikuran, at kailangan mong kusang-loob na gampanang mabuti ang iyong tungkulin. Sa gayon ay makakamit mo ang debosyon, at magtataglay ka ng wangis ng tao sa pamamagitan ng pamumuhay nang ganito. Hindi lamang may konsensiya ang mga taong tulad nito, bagkus ay ginagamit nila ang pamantayan ng konsensiya bilang pundasyon na pagmumulan ng paghingi sa kanilang sarili ng debosyon na hinihingi ng Diyos sa tao, at ng paggamit ng debosyon na ito bilang paraan sa pagtatasa sa kanilang sarili. Masigasig nilang pinagsisikapan ang adhikang ito. Bibihira ang mga taong tulad nito sa daigdig. May isa lamang sa bawat isang libo o sampung libong hinirang ng Diyos. Nabubuhay bang may halaga ang mga taong tulad nito? Sila ba ay mga taong pinahahalagahan ng Diyos? Mangyari pa, namumuhay silang may halaga at sila ay mga taong pinahahalagahan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gawin man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang maayos, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t hinahanap ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at kinabukasan? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay alang-alang sa pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang debosyon, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang debosyon sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya alang-alang sa pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng perdisyon? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa katunayan, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa loob ng tao, na ibig sabihin ay, iyong likas na posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Tungkol naman sa mga kakulangan sa paglilingkod ng tao, ang mga ito ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapasailalim niya sa paghatol; hindi nakapipigil o nakaaapekto ang mga ito sa tungkulin ng tao. Iyong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga kakulangan sa kanilang paglilingkod ang pinakaduwag sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay kumikilos nang pabasta-basta, naiwala na nila ang gampaning dapat taglayin ng isang nilikha. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing basura. Paano matatawag na mga nilikha ang gayong mga tao sa tunay na kahulugan? Hindi ba’t mga bulok silang bagay na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? … Kung mawala sa tao ang likas na makakamit niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilikha o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya. Bukod pa riyan, hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Hindi lang nila hindi kinamumuhian ang kanilang masasamang gawa, kundi tahasan nilang ipinakakalat ang ideya na ang daan ng Diyos ay mali, at iyong mga mapaghimagsik ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong paghihimagsik, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Iyong mga hindi tumutupad ng kanilang tungkulin ay napakamapaghimagsik sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit tumatalikod sila at bumabatikos na mali ang Diyos. Paanong magiging karapat-dapat ang gayong tao na magawang perpekto? Hindi ba’t ito ang tanda ng pagtitiwalag at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinakakahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at magtangkang makipagkompetensiya sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang makonsensiya at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kamuhian ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagiging mapaghimagsik at katiwalian, at higit pa rito, dapat nilang ibigay ang lahat sa Diyos, maging ang buhay nila. Saka lamang sila magiging mga nilikha na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakakilatis ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nasuri na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensiya sa inyong kalooban? Kanino maaaring maging karapat-dapat ang inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang pagpipilian at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng mga buktot na intensyon at hindi buo ang puso ninyo sa Akin. Iyan ang tungkuling nagampanan ninyo, ang kakarampot na papel na pinaglingkuran ninyo. Hindi ba’t ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha? Paano kayo maituturing bilang isang nilikha? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at mababang-uri na katulad ninyo, kundi para sa mga iyong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang-kakayahan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa inyong mga araw! Kung hindi ninyo kayang maging deboto sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kalalabasan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Katotohanan sa Likod ng Pagiging Pabasta-basta
Ang Pinsalang Dulot ng Pagiging Pabasta-Basta
Kaugnay na mga Himno
Tanging ang Matapat ang Pasok sa Pamantayan para Makagampan sa mga Tungkulin Niya
Pagsasagawa ng Katotohanan sa Iyong Tungkulin ay Susi