33. Ang mga pagbabagong idinudulot sa mga tao ng pagkakamit sa katotohanan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Maaari itong maging buhay ng isang tao at ang direksiyon na kanyang tinatahak; maaari nitong tulutan ang isang tao na iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, na maging isang taong nagpapasakop sa Diyos, pasok sa pamantayan bilang isang nilikha, at isang taong minamahal ng Diyos at katanggap-tanggap para sa Diyos. … Dahil ang katotohanan ang nakahandang saklolo at panustos ng mga tao, at maaaring maging buhay nila, dapat nilang tratuhin ang katotohanan bilang ang pinakamahalagang bagay. Sapagkat kailangan nilang umasa sa katotohanan upang mabuhay, upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, upang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, at upang mahanap sa pang-araw-araw na buhay nila ang landas ng pagsasagawa at maarok ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, nang natatamo ang pagpapasakop sa Diyos; dapat ding umasa sa katotohanan ang mga tao upang maiwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maging isang taong nailigtas at isang nilikhang pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikapitong Bahagi)
Ipinagkaloob ng Diyos sa tao ang buhay Niya, ang lahat ng Kanyang pagiging Diyos at ang lahat ng tinataglay Niya, para maisabuhay ito ng tao, para makuha nito ang lahat ng Kanyang pagiging Diyos at ang tinataglay Niya, at ang mga katotohanang ipinagkaloob Niya sa tao, at gawin nitong direksiyon at layon ng buhay nito ang mga iyon, para mabuhay ito nang ayon sa mga salita Niya, at magawa nitong buhay nito ang Kanyang mga salita. Sa ganitong paraan, hindi ba’t masasabi na ipinagkaloob ng Diyos ang buhay Niya sa tao nang libre upang ito ay maging buhay nito? (Oo.) Kung ganoon, ano ba ang nakukuha ng mga tao sa Diyos? Ang mga inaasahan Niya? Ang mga pangako Niya? O ano? Ang nakukuha ng mga tao sa Diyos ay hindi hungkag na salita, ito ay ang buhay ng Diyos! Kasabay ng pagkakaloob ng Diyos ng buhay sa mga tao, ang hinihingi Niya lamang sa kanila ay gawin nilang kanila ang Kanyang buhay at isabuhay nila ito. Kapag nakikita ng Diyos na isinasabuhay mo ang buhay na ito, nasisiyahan Siya; ito lang ang hinihingi Niya. Kaya, ang nakakamit ng mga tao mula sa Diyos ay isang bagay na walang kasinghalaga, pero kasabay ng pagkakaloob Niya sa kanila ng bagay na walang kasinghalaga, ay wala Siyang nakukuhang anuman. Ang pinakanakikinabang ay ang tao; ang tao ang umaani nang napakasagana, at ang tao ang pinakanakikinabang. Kasabay ng pagtanggap ng mga tao sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang mga prinsipyo at pundasyon para sa pag-asal nila, kaya mayroon silang direksiyon para sa landas ng buhay nila. Hindi na sila nalilihis o nagagapos ni Satanas, ni hindi na rin sila naililigaw o nagagamit ng masasamang tao; hindi na sila nadurumihan o naaakit ng masasamang kalakaran. Malaya at pinalaya silang nabubuhay sa pagitan ng langit at lupa, at tunay silang nakapamumuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, hindi na kailanman mapagmamalupitan ng anumang masama o madilim na puwersa. Ibig sabihin, habang isinasabuhay ng isang tao ang ganitong uri ng buhay, hindi na siya nagdurusa ng pasakit, at wala siyang mga paghihirap; masaya, malaya at maginhawa silang nabubuhay. Mayroon silang normal na relasyon sa Diyos; hindi sila naghihimagsik laban sa Kanya, ni lumalaban sa Kanya. Tunay na namumuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa loob at labas ay nabubuhay sila sa paraan na ganap na may katwiran; mayroon silang katotohanan at pagkatao, at nagiging karapat-dapat silang tawaging sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Plano ng Pamamahala ng Diyos
Kapag tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, pumapasok din sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at nagagawa nilang ituring at pag-isipan ang mga katanungan gamit ang katotohanan, at lutasin ang mga isyu gamit ang katotohanan. Kapag nalutas na ng mga tao ang iba’t iba nilang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, agad nilang mapapabuti ang kanilang ugnayan sa Diyos habang inihahanda naman ang kanilang daan tungo sa buhay pagpasok. Kapag nakakamit ng mga tao ang gayong mga pagbabago, ano ang nangyayari sa kanilang ugnayan sa Diyos? Nagiging isang ugnayan ito ng mga nilikha at ng Lumikha. Sa mga ugnayang nasa ganitong antas, walang kompetisyon, walang pagsubok, at walang masyadong paghihimagsik; mas mapagpasakop, maunawain, masambahin, tapat, at matapat ang mga tao sa Diyos, at tunay silang may takot sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (1)
Kapag naitatanim sa puso mo ang mga salita ng Diyos, magagawa mong isagawa ang katotohanan. Habang isinasabuhay mo ang ilang realidad ng mga salita ng Diyos, makikita mo ang mga panlabas na usapin nang may matinding pagkaunawa at kalinawan. Magkakaroon ka ng tumpak na pagsusuri, pagkaunawa, at pagkilatis sa masasamang kalakaran, sa paraan ng pamumuhay ng sangkatauhan, sa sarili mong buhay may-asawa at pamilya, sa iba’t ibang ugnayang interpersonal, at sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Saan nagmumula ang tumpak na pagkaunawa, pagsusuri, at pagkilatis na ito? Nagmumula ito sa mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang pinagmulan; matatanggap mo ang panustos ng mga salita ng Diyos. At ano ang landas? Ang landas ay ang nararanasan mo ang mga salita ng Diyos, magagawa mong makipag-ugnayan sa katotohanan, at makakamit mo mula sa Diyos ang karunungang makakilatis ng mabuti at masama at ang kakayahang tukuyin ang masasamang kalakaran. Ang pinakamahalaga, ano pa ang nakakamit mo? (Buhay.) Doktrina lamang ang sabihing nakakamit mo ang buhay. Ano pa ang nakakamit mo? Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karanasan sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, makikita mo kung paano pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng bagay; sa pamamagitan ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, makikita mo kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung ano ang disposisyon ng Diyos, kung ano ang karunungan ng Diyos, kung ano ang Kanyang paraan at mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay, at ang karunungan sa kung paano tinatrato ng Diyos ang iba’t ibang uri ng tao. Dapat mong makita ang mga bagay na ito para makilala ang Lumikha.
—Pagbabahagi ng Diyos
Kapag nakakaranas ang mga tao hanggang sa araw na ang kanilang pananaw sa buhay at ang kahulugan at batayan ng kanilang pag-iral ay lubusang nagbago na, ibig sabihin, nagbago na sila hanggang sa kanilang pinakabuto at naging ibang tao na, hindi ba’t kahanga-hanga ito? Ito ay malaking pagbabago, isang nakakayanig-ng-mundo na pagbabago. Nakararating ka sa isang punto kung saan hindi na mahalaga sa iyo kung mayroon ka mang kasikatan, katayuan, kayamanan, mga kalayawan, o kapangyarihan at kaluwalhatian ng mundo—madali mong mabibitiwan ang lahat ng iyon. Saka ka lamang maituturing na may wangis ng isang tao. Ang mga tao na sa huli ay gagawing ganap ng Diyos ay isang grupong katulad nito; nabubuhay sila para sa katotohanan, nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay para sa kung ano ang makatarungan. Ito ang wangis ng isang tunay na tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag ang mga tao ay tunay na nakakikilala sa Diyos, nakakaunawa sa katotohanan, at nakakamit ang katotohanan, nagkakaroon ng tunay na pagbabago sa kanilang pananaw sa mundo at pagtingin sa buhay, na susundan ng tunay na pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Kapag ang mga tao ay may mga tamang layon sa buhay, nagagawang hangarin ang katotohanan, at umaasal ayon sa katotohanan, kapag ganap silang nagpapasakop sa Diyos at nabubuhay ayon sa Kanyang mga salita, kapag panatag at maliwanag ang pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso, at walang kadiliman sa kanilang puso, at kapag nakakapamuhay sila nang lubos na malaya at napalaya sa presensya ng Diyos, saka lamang sila nagtatamo ng tunay na buhay ng tao, at tanging ang gayong mga tao ang nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Bukod pa rito, ang lahat ng katotohanang naunawaan at nakamit mo ay mula sa mga salita ng Diyos at mula sa Diyos Mismo. Kapag nakamit mo ang pagsang-ayon ng Kataas-taasang Diyos—ang Lumikha, at sinabi Niyang isa kang nilikha na pasok sa pamantayan, at na isinasabuhay mo ang isang wangis ng tao, saka lamang magiging pinakamakabuluhan ang iyong buhay. Ang masang-ayunan ng Diyos ay nangangahulugang nakamit mo na ang katotohanan, at na isa kang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Sa mundo ngayon na pinaghaharian ni Satanas, at sa hindi bababa sa libu-libong taon ng kasaysayan, sino sa kalipunan ng buong sangkatauhan ang nagkamit ng tunay na buhay ng tao? Walang sinuman. Sapagkat labis na ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at lahat ng ginagawa nila ay antagonistiko sa Diyos, at ang kanilang bawat pagbigkas at teorya ay nagmumula sa katiwalian ni Satanas, at tuwirang salungat sa mga salita ng Diyos, sila mismo ang mga uri na sumasalungat sa Diyos. Kung hindi nila tatanggapin ang pagliligtas ng Diyos, malulugmok sila sa perdisyon at pagkawasak, na walang maituturing na buhay. Hinahangad nila ang kasikatan at pakinabang, hinahangad na maging isang dakila o kilalang tao, at umaasang “maipapasa ang kanilang mga pangalan sa mga susunod pang henerasyon,” at maging “sikat sa buong kasaysayan.” Mga maladiyablong salita ang mga ito, at lubos na walang basehan. Ang bawat dakila o tanyag na tao, sa katunayan, ay kauri ni Satanas, at matagal nang nailugmok sa ikalabing walong antas ng impiyerno para sa kaparusahan, hinding-hindi na muling isisilang. Kapag sinasamba ng tiwaling sangkatauhan ang mga taong ito, at tinatanggap ang kanilang mga maladiyablong salita at kanilang mga maling kaisipan, nagiging biktima ng mga diyablo at ni Satanas ang tiwaling sangkatauhan. Dapat sambahin ng mga nilikha ang Lumikha. Ito ay ganap na likas at may katwiran, sapagkat ang Diyos lamang ang katotohanan, at kinokontrol ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kung hindi nananampalataya sa Diyos at hindi nagpapasakop sa Diyos ang mga tao, hindi nila makakamit ang katotohanan. Kung namumuhay ka nang naaayon sa mga salita ng Diyos, sa kaibuturan ng iyong puso, makararamdam ka ng kaliwanagan at kapanatagan, at magtatamasa ka rin ng walang-katulad na tamis. Kapag nangyari iyon, tunay mo nang nakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Sa sandaling maligtas ang isang tao at makamit niya ang katotohanan, tuluyan nang magbabago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay, ganap na umaayon sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa Diyos. Kapag naabot na ang yugtong ito, hindi na magrerebelde ang isang tao laban sa Diyos, at hindi na siya kakastiguhin o hahatulan ng Diyos, at hindi na rin siya kamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil hindi na kaaway ng Diyos ang taong ito, hindi na siya kumokontra sa Diyos, at ang Diyos ay tunay at nararapat nang naging ang Lumikha sa Kanyang mga nilalang. Nagbalik na ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at tinatamasa ng Diyos ang pagsamba, pagpapasakop, at pagkatakot na dapat ihandog ng mga tao sa Kanya. Natural na nagiging maayos ang lahat. … Kapag nauunawaan mo ang batayan ng pag-asal ayon sa mga salita ng Diyos, at nauunawaan mo at nakapapasok ka sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, malalaman mo kung paano umasal, at magiging isa kang tunay na tao. Ito ang pundasyon ng pag-asal, at tanging ang gayong buhay ng tao ang may halaga, tanging sila lamang ang karapat-dapat mabuhay at hindi dapat mamatay.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (8)
Kung itinuturing ng isang tao na buhay niya ang katotohanang realidad, paano iyon maipapamalas? Una sa lahat, magagawa niyang magpasakop sa Diyos, at isabuhay ang wangis ng tao; magiging isa siyang matapat na tao, isang taong nagbago ang buhay disposisyon. May ilang katangian ang pagbabago sa buhay disposisyon. Ang unang katangian ay ang makapagpasakop sa mga bagay na tama at umaayon sa katotohanan. Sinuman ang nagbibigay ng opinyon, matanda man o bata, nakakasundo mo man sila o hindi, kilala man ninyo sila o hindi, pamilyar man kayo sa kanila o hindi, maganda man ang relasyon ninyo sa kanila o masama, basta’t ang sinasabi nila ay tama, umaayon sa katotohanan, at kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, magagawa mong pakinggan, gamitin, at tanggapin ito, nang hindi naiimpluwensiyahan ng iba pang bagay. Ang magawang tumanggap at magpasakop sa mga bagay na tama at umaayon sa katotohanan ang unang katangian. Ang pangalawang katangian ay ang magawang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari; hindi lamang ito tungkol sa magawang tanggapin ang katotohanan, tungkol din ito sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi pagharap sa mga bagay ayon sa sarili mong kalooban. Anuman ang mangyari sa iyo, magagawa mong maghanap kapag hindi mo nakikita nang malinaw ang bagay-bagay, at tingnan kung paano haharapin ang isyu, at kung paano magsasagawa sa paraang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang pangatlong katangian ay ang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos anumang isyu ang kinakaharap mo, nagrerebelde ka sa laman para makapagpasakop sa Diyos. Isasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, at gagampanan mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Anuman ang mga hinihingi ng Diyos para sa tungkuling ito, kikilos ka ayon sa mga hinihinging iyon habang ginagampanan ito, at kikilos ka para mapalugod ang Diyos. Dapat mong maarok ang prinsipyong ito, at gampanan ang iyong tungkulin nang responsable at may debosyon. Ito ang ibig sabihin ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi mo alam kung paano isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos o paano palugurin ang Diyos sa isang partikular na bagay, kailangan mong maghanap. Dapat ninyong ikumpara ang inyong sarili sa tatlong katangiang ito ng disposisyonal na pagbabago, at alamin kung taglay ninyo ang mga katangiang ito o hindi. Kung may praktikal na karanasan kayo at mga landas ng pagsasagawa sa tatlong aspektong ito, mahaharap ninyo ang bagay-bagay nang may prinsipyo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng mga Tiwaling Disposisyon
Kapag ang katotohanan ay naging buhay mo na, kung makakita ka ng sinumang lumalapastangan sa Diyos, hindi natatakot sa Diyos, pabasta-basta habang ginagampanan ang tungkulin nila, o nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, magagawa mong harapin sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kinikilatis ang mga dapat kilatisin, at inilalantad ang mga dapat ilantad. Kung hindi pa naging buhay mo ang katotohanan, at namumuhay ka pa rin sa loob ng iyong mga satanikong disposisyon, kung gayon, kapag nakakita ka ng masasamang tao at mga diyablo na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka, at babalewalain mo ito, nang hindi nakakaramdam ng anumang panunumbat mula sa iyong konsensiya. Iisipin mo pa nga na sinuman ang magdulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia, wala itong kinalaman sa iyo. Gaano man kalaki ang pinsalang idinudulot sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam o hindi mo itatanong ang tungkol dito, o makakaramdam ng anumang panunumbat mula sa iyong konsensiya. Sa gayong sitwasyon, isa kang taong walang konsensiya o katwiran, isang hindi mananampalataya, isang trabahador. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom mo ang sa Diyos, at tinatamasa mo ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsalang dumarating sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang taksil na kumakampi sa mga tagalabas para sa ikakapahamak ng sarili mong mga kasama, ang uri ng bagay na kinakagat ang kamay na nagpapakain dito. Kung hindi mo pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, tao ka pa ba? Isa kang demonyong nakalusot sa iglesia. Nagkukunwari kang nananampalataya sa Diyos, nagpapanggap na isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, at gusto mong maging palamunin sa sambahayan ng Diyos—hindi ka kawangis ng isang tao, at malinaw na isa kang hindi mananampalataya. Iyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos, kahit hindi pa nila nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano ay papanig sila sa Diyos sa kanilang pananalita at mga kilos; kahit papaano, hindi sila mananatiling walang ginagawa kapag nakikita nilang napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung susubukan nilang balewalain ito, makakaramdam ng panunumbat at hindi mapapalagay ang kanilang konsensiya, at sasabihin nila sa kanilang sarili, “Hindi ako puwedeng basta na lang umupo at walang gawin. Dapat akong tumayo at magsalita, dapat kong tuparin ang aking responsabilidad. Dapat akong humarap para ilantad at pigilan ang masamang gawang ito, para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos mula sa pinsala, at para tiyakin na hindi nagugulo ang buhay iglesia.” Kung naging buhay mo na sa iyong puso ang katotohanan, hindi ka lang magkakaroon ng ganitong lakas ng loob at determinasyon, kundi magagawa mo ring kilatisin ang usaping ito. Higit pa rito, magagawa mong tuparin ang nararapat mong bahagi ng responsabilidad para sa gawain ng Diyos at para sa mga interes ng Kanyang sambahayan, at sa ganitong paraan, matutupad ang tungkulin mo. Kung kaya mong ituring ang tungkulin mo bilang sarili mong responsabilidad at obligasyon, at bilang atas ng Diyos, at pakiramdam mo ay sa ganitong paraan mo lang natutugunan ang sarili mong konsensiya at hindi binibigo ang Diyos, hindi ba isinasabuhay mo na ang integridad at dignidad ng normal na pagkatao kung gayon? Ang iyong mga gawa at pag-uugali ay magiging ang “matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan” na sinasabi ng Diyos. Isasagawa mo ang diwa ng mga salitang ito at isasabuhay mo ang realidad ng mga ito. Kapag nagiging buhay ng isang tao ang katotohanan, nagagawa na niyang isabuhay ang mga realidad na ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang ginagawa ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at kaya niyang pumasok sa realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan, siya ay isang taong ginawang perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na nagkaroon ng epekto sa kanya, na ang mga salita ng Diyos ay naging buhay niya, na nakamit na niya ang katotohanan, at na nagagawa niyang mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanyang laman—iyon ay, ang pinakasaligan ng kanyang orihinal na pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, saka lamang sila magiging mga bagong tao. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging buhay ng mga tao, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga paglalantad at hinihingi mula sa sangkatauhan, at ang mga pamantayan para sa buhay ng tao na hinihingi ng Diyos na matugunan ng mga tao ay maging buhay nila, kung nabubuhay ang mga tao alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinisilang ang gayong mga tao at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Ito ang landas ng paghahangad ni Pedro sa katotohanan. Ito ang landas ng magawang perpekto. Ginawang perpekto si Pedro ng mga salita ng Diyos, at nagkamit siya ng buhay mula sa mga salita ng Diyos, ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos ay naging kanyang buhay, at siya ay naging isang tao na nakamit ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Kaugnay na mga Himno
Malayang Pinagkalooban ng Diyos ng Buhay ang Tao
Ang Wangis ng Isang Tunay ng Tao