32. Paano tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ako ay matuwid, Ako ay mapagkakatiwalaan, at Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang tunay at kung sino ang huwad. Huwag kayong maalarma, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil lamang sa nagtagumpay ka sa iyong mga mumunting kalkulasyon para sa iyong sariling kapakinabangan. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng kaganapan ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang mambola o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang habag Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay natapos na; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44
Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat ay magawa mong dalhin sa Kanyang harapan ang lahat ng iyong gawa at kilos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa nasisiyasat ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay naging kongkreto sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi makatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na isa kang taong gumagawa ng masama. Mapeperpekto ba ang mga taong gumagawa ng masama? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Nangangahulugan ito na lahat ng bagay mula sa iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—pagdarasal, paglapit sa Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, at pamumuhay ng buhay iglesia—hanggang sa iyong paglilingkod sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba, ay dapat dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa mga layunin ng Diyos, nang sa gayon ay hindi ka masasadlak sa pagpapalayaw, at makapamumuhay ang puso mo sa Kanyang presensiya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang pagsisiyasat, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hanapin ang Kanyang pagsisiyasat, at maaari kang sadyang magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tumpak ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagamat hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka naniniwala sa katawang-taong ito? Naniniwala ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Maniniwala ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag nananampalataya ka sa taong ito, nananampalataya ka sa Espiritu ng Diyos. Kapag natatakot ka sa taong ito, natatakot ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pananalig sa Espiritu ng Diyos ay pananalig sa taong ito, at ang pananalig sa taong ito ay pananalig din sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang pagsisiyasat ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginagampanan mo ang iyong gampanin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong gampanin. Kapag nagdarasal ka, kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at pagsisiyasat ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Ang pagkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng kakayahang hindi pagdudahan o tanggihan ang anuman sa Kanyang gawain at magpasakop sa Kanyang gawain. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga tamang layunin sa presensiya ng Diyos at hindi paggawa ng mga plano para sa sarili mo, at nangangahulugan din ito ng pag-una sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos, at pagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos kahit ano pa ang ginagawa mo. Kailangan mong magawang patahimikin ang iyong puso sa presensiya ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. Kahit hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mo pa ring tuparin ang iyong mga tungkulin at responsabilidad sa abot ng iyong makakaya. Kapag nabunyag na sa iyo ang mga layunin ng Diyos, magsagawa ka ayon sa mga ito, at hindi pa magiging huli ang lahat. Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Para magkaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, dapat maitatag ang lahat sa pundasyon ng mga salita ng Diyos, dapat magawa mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, dapat mong ituwid ang mga pananaw mo, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at dapat mong isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan mo ito. Kahit ano pa ang mangyari sa iyo, dapat kang manalangin sa Diyos at maghanap nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Sa pagsasagawa nang ganito, mapapanatili mo ang isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kasabay ng paggawa mo nang maayos sa iyong tungkulin, dapat mo ring tiyakin na wala kang ginagawang anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at wala kang sinasabi na hindi nakakapagpatibay sa mga kapatid. Kahit papaano man lang, dapat wala kang gawin na labag sa iyong konsensiya at hinding-hindi ka dapat gumawa ng anumang bagay na nakakahiya. Sa partikular, hinding-hindi mo dapat gawin iyong bagay na naghihimagsik o lumalaban sa Diyos, ni anumang bagay na nakakaabala sa gawain o buhay ng iglesia. Maging matuwid at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, dapat mong magawang unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, nang walang ginagawang anumang bagay na makasarili o kasuklam-suklam, na madalas na pinagninilayan ang sarili. Sa ganitong paraan, magagawa mong madalas na mamuhay sa harap ng Diyos, at ang kaugnayan mo sa Diyos ay magiging normal na normal.
Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, maghimagsik ka laban sa mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang tamang tao sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging makatarungan sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-asal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang tanging eksepsiyon ay kung mahina ang iyong kakayahan at mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, at humahantong ito sa paglitaw ng ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at pinipigilan na makamit ang magagandang resulta, ngunit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ka kumikilos para bigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, nagbibigay ka ng palagiang pagsasalaang-alang sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid na ang puso mo; kung, dagdag pa rito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Kung gayon, ikaw ay magkakaroon ng patotoo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Lahat kayo ay mga taong gumagampan ng mga tungkulin. Kahit papaano, dapat mayroon kayong matapat na puso at dapat pahintulutan mo ang Diyos na makita na sinsero ka—saka mo lang makakamit ang pagbibigay-liwanag, pagtanglaw, at paggabay ng Diyos. Ang napakahalagang bagay ay na tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang mga hadlang na nariyan sa pagitan mo at ng ibang tao, kung gaano mo pinapahalagahan ang sarili mong banidad at reputasyon, at kung ano ang mga intensiyong kinikimkim mo na hindi mo maipagtapat sa isang simpleng paraan, ang lahat ng ito ay dapat unti-unting magbago. Hakbang-hakbang, dapat palayain ng bawat indibidwal ang kanilang sarili mula sa mga tiwaling disposisyon at mga paghihirap na ito, at dapat nilang malampasan ang mga hadlang na dulot ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bago mo malampasan ang mga hadlang na ito, talaga bang matapat ang puso mo sa Diyos? Nagtatago at nagkukubli ka ba ng mga bagay-bagay sa Kanya o nagkukunwari ka ba at nililinlang mo Siya? Dapat maging malinaw ito sa iyo sa puso mo. Kung may mga ganitong bagay sa puso mo, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Huwag mong ipagbakasakali ang mga bagay-bagay at sabihing, “Ayaw kong igugol ang buong buhay ko para sa Diyos. Gusto kong magsimula ng pamilya at mamuhay nang sarili kong buhay. Sana hindi ako siyasatin at kondenahin ng Diyos.” Kung itatago mo ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos—ibig sabihin, ang mga intensiyon, mithiin, plano, at mga layon sa buhay na kinikimkim mo sa loob ng puso mo—at kung itatago mo ang mga pananaw mo sa maraming bagay at mga paniniwala tungkol sa pananalig sa Diyos, kung gayon ay malalagay ka sa alanganin. Kung itinatago mo ang mga walang kuwentang bagay na ito at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ipinapakita nito na hindi mo mahal ang katotohanan, at na mahirap para sa iyo na tanggapin at kamtin ang katotohanan. Maaari mong itago ang mga bagay-bagay sa ibang tao, pero hindi mo maaaring itago ang mga ito sa Diyos. Kung hindi ka nagtitiwala sa Diyos, bakit ka nananampalataya sa Kanya? Kung mayroon kang mga sikreto, at nag-aalala kang bababa ang tingin ng mga tao sa iyo kung magtatapat ka tungkol sa mga ito, at wala kang tapang na magsalita, kung gayon, maaari kang magtapat lang sa Diyos. Dapat kang manalangin sa Diyos, ipinagtatapat ang mga ubod ng samang intensiyon na kinikimkim mo sa iyong pananampalataya sa Kanya, ng mga bagay na nagawa mo alang-alang sa iyong hinaharap at kapalaran, at kung paano ka nagsumikap para sa kasikatan at pakinabang. Ilatag mo ang lahat ng ito sa harap ng Diyos at ibunyag mo ang mga ito sa Kanya; huwag mong itago ang mga ito sa Kanya. Gaano man karaming tao ang pinagsarhan mo ng iyong puso, huwag mong isara ang puso mo sa Diyos—dapat mong buksan ang puso mo sa Kanya. Iyan ang pinakamababang antas ng sinseridad na dapat taglay ng mga taong nananampalataya sa Kanya. Kung may puso kang bukas sa Diyos at hindi sarado sa Kanya, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat Niya, paano ka Niya titingnan? Kahit na hindi ka magtapat sa iba, kung kaya mong magtapat sa Diyos, ituturing ka Niya bilang isang matapat na tao na may matapat na puso. Kung kayang tanggapin ng matapat mong puso ang pagsisiyasat Niya, kung gayon, napakahalaga nito sa paningin Niya, at tiyak na may gagawin Siyang gawain sa iyo. Halimbawa, kung may nagawa kang mapanlinlang na bagay sa Diyos, didisiplinahin ka Niya. Pagkatapos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagdidisiplina, agad na magsisi at magtapat sa harap Niya, at aminin ang iyong mga kamalian; dapat mong aminin ang iyong paghihimagsik at katiwalian, tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, alamin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya, at tunay na magsisi. Ito ang patunay ng iyong taos-pusong pananampalataya sa Diyos at tunay na pananalig sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Kapag may mga saloobin ang mga tao, may pagpipilian sila. Kung may mangyari sa kanila at magkamali sila ng desisyon, dapat silang magbago at magdesisyon nang tama; hinding-hindi nila dapat panindigan ang kanilang pagkakamali. Matalino ang ganitong mga tao. Pero kung alam nilang nagkamali sila ng desisyon at hindi sila nagbago, sila ay isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi talaga gusto ng gayong tao ang Diyos. Halimbawa, kapag gusto mong gumawa ng mga bagay sa pabasta-bastang paraan, nagiging tuso at nagpapabaya, at sinusubukang iwasan ang pagsisiyasat ng Diyos habang ginagampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magmadaling lumapit sa harapan ng Diyos para manalangin at pagnilayan kung tama bang gawin iyon. Pagkatapos, mag-isip-isip ka: “Ano ang layunin ko sa pananampalataya sa Diyos? Maaaring malinlang ng pagiging pabasta-basta ko ang mga tao, pero malilinlang ba nito ang Diyos? Higit pa rito, hindi ako nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng aking tungkulin para maging tuso at magpabaya, kundi para makamit ko ang kaligtasan. Ipinapakita ng pagkilos sa ganitong paraan na wala akong normal na pagkatao, at hindi ito isang bagay na kinalulugdan ng Diyos. Hindi iyan puwede. Iba sana kung naging tuso ako, nagpabaya, at sinunod ko ang sarili kong kalooban sa mundo, pero ngayon ay nasa sambahayan ako ng Diyos, nasa ilalim ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa ilalim ng pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos, at isa akong tao, kaya dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya at sa mga salita ng Diyos, at hindi ako maaaring sumunod sa sarili kong kalooban, maging pabasta-basta, o maging tuso at magpabaya. Kaya, paano ako dapat kumilos para hindi maging tuso at magpabaya, para hindi maging pabasta-basta? Dapat akong magsumikap. Ngayon lang ay naramdaman kong masyadong malaking abala ang kumilos sa ganoong paraan, kaya gusto kong iwasan ang paghihirap, pero ngayon ay nauunawaan ko na: Maaaring mas malaking abala ang gawin ito nang ganoon, ngunit nagbubunga ito ng mga resulta, kaya ganoon ko ito dapat gawin.” Kapag ginagawa mo ito at ayaw mo pa ring magtiis ng paghihirap, sa gayong mga pagkakataon ay dapat kang manalangin sa Diyos: “O Diyos! Ako ay isang tamad at tusong tao. Pakiusap, disiplinahin at sawayin Mo ako, upang magkaroon ako ng kamalayan ng konsensiya at makaramdam ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Pakiusap, gabayan at bigyang-liwanag Mo ako, upang makita ko ang aking paghihimagsik at ang aking kapangitan.” Kapag nananalangin ka nang ganito, at pinagninilayan at sinusubukan mong kilalanin ang iyong sarili nang ganito, magdudulot ito ng isang pakiramdam ng pagsisisi; magagawa mong kamuhian ang iyong kapangitan, at magsisimulang magbago ang iyong maling kalagayan. Magagawa mong magbulay-bulay: “Bakit nagagawa kong maging pabasta-basta? Bakit palagi kong sinusubukang maging tuso at magpabaya? Ang pagkilos nang ganito ay labis na walang konsensiya at katwiran—isa pa ba akong taong nananampalataya sa Diyos? Bakit hindi ko magawa ang mga bagay-bagay nang masinop? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan ng kaunti pang oras at pagsisikap? Ano ba ang napakahirap doon? Ito ang dapat kong ginagawa; kung hindi ko man lang ito magawa, karapat-dapat pa ba akong tawaging isang tao?” Bilang resulta, magpapasya ka at manunumpa sa Diyos, “O Diyos! Binigo Kita. Tunay na masyado na akong naging tiwali, wala akong konsensiya at katwiran, at wala akong pagkatao. Handa akong magsisi. Pakiusap, patawarin Mo ako. Magbabago na talaga ako. Kung hindi ako magsisisi, nawa’y parusahan Mo ako.” Pagkatapos, matutuwid ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Sa susunod na gagawin mo ang iyong tungkulin, magagawa mo nang kumilos nang masinop, nang may mas kaunting pagiging pabasta-basta, at magagawa mong magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mo na ang paggampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay napakaganda, at magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan sa iyong puso. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, mabilis na magbabago ang kanilang mga kalagayan. Kapag nagbago na ang iyong negatibong kalagayan, at naghimagsik ka na laban sa sarili mong mga intensyon at sa mga makasariling pagnanais ng laman, kapag kaya mo nang bitiwan ang kaginhawahan at mga kasiyahan ng laman at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi na kumilos nang arbitraryo at walang pakundangan, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at magiging malaya mula sa panunumbat ng iyong konsensiya. Madali bang maghimagsik laban sa laman at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa ganitong paraan? Hangga’t mayroon kang napakalaking adhikain para sa Diyos, kaya mong maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan. At hangga’t nagsasagawa ka sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan ay makakapasok ka sa katotohanang realidad. Hindi talaga ito mahirap.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos
Kapag may sinumang nangangasiwa o nag-oobserba sa iyo nang kaunti, o sinusubukang unawain ka sa mas malalim na antas, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang saloobin, at pinupungusan, dinidisiplina, at pinagsasabihan ka nila nang kaunti, lahat ng ito ay dahil matapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong kaisipan, at hindi ka dapat magkaroon ng reaksyon nang may mga negatibong emosyon. Ano ang ibig sabihin kung kaya mo itong tanggapin kapag pinapangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukan kang unawain ng iba? Na sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, pag-oobserba, at pagtatangka ng mga tao na unawain ka, at inaayawan mo pa ito, nagagawa mo bang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Ang pagsisiyasat ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa kapag sinusubukan ng mga tao na unawain ka; ang mga hinihingi ng Diyos ay mas lalong partikular, mahigpit, at malalim. Kung ni hindi mo matanggap ang mapangasiwaan ng hinirang na mga tao ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang pahayag mo na kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang mapangasiwaan ng sambahayan ng Diyos, ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)
Anuman ang mangyari sa paligid mo, dapat kang manalangin sa Diyos tungkol sa lahat ng bagay. Dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, pigilan ang iyong sarili, tiyakin na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, at dapat lagi kang mayroong normal na ugnayan sa Diyos. Sinusuri ng Diyos ang mga tao sa lahat ng oras, at gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng ganitong mga uri ng tao. Paano sinusuri ng Diyos ang puso ng isang tao? Hindi lamang Siya tumitingin gamit ang Kanyang mga mata, nagsasaayos Siya ng mga kapaligiran para sa iyo at inaantig Niya ang puso mo. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil kapag nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, nakikita ng Diyos kung nagdadamdam at nasusuklam ka rito, o nagugustuhan mo ito at nagpapasakop ka rito, kung pasibo kang naghihintay o aktibong naghahanap sa katotohanan. Binabantayan ng Diyos kung paano nagbabago ang puso at mga kaisipan mo, at kung saang direksyon nauuwi ang mga ito. Ang kalagayan sa puso mo ay minsan positibo, at kung minsan ay negatibo. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, matatanggap mo mula sa Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay, at ang iba’t ibang kapaligiran na inihahanda Niya para sa iyo, at mahaharap mo ang mga ito nang tama. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, lahat ng iyong kaisipan at ideya, lahat ng iyong opinyon, at lahat ng iyong mood ay magbabago batay sa mga salita ng Diyos. Magiging malinaw ito sa iyo, at sisiyasatin din ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit na hindi mo ito sasabihin sa sinumang tao, o hindi mo ipagdarasal ang tungkol dito, at iisipin mo lang ito sa puso mo at sa sarili mong mundo, mula sa perspektiba ng Diyos, magiging napakalinaw nito—mahahalata Niya ito. Tinitingnan ka ng mga tao gamit ang kanilang mga mata, ngunit hinahaplos ng Diyos ang puso mo gamit ang Kanyang puso, ganoon Siya kalapit sa iyo. Kung nararamdaman mo ang pagsisiyasat ng Diyos, namumuhay ka sa Kanyang presensiya. Kung hindi mo talaga maramdaman ang Kanyang pagsisiyasat, namumuhay ka sa sarili mong mundo, at namumuhay ka sa sarili mong mga nararamdaman at tiwaling disposisyon, at kung gayon, magkakaproblema ka. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, kung mayroong malaking distansya sa pagitan mo at ng Diyos, at malayo ka sa Kanya, kung hindi mo man lang isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, malalaman ng Diyos ang lahat ng ito. Magiging napakadali para sa Kanya na mahiwatigan ito. Kaya, kapag mayroon kang determinasyon at layon, at handa kang magawang perpekto ng Diyos, at maging isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kapag taglay mo ang determinasyong ito, at nakapagdarasal at nakapagsusumamo ka nang madalas para sa mga bagay na ito, at nakakapamuhay sa presensiya ng Diyos, hindi kailanman inilalayo ang sarili mo sa Diyos o iniiwan Siya, malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, at alam din ng Diyos ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya
Nauunawaan man ng mga tao ang katotohanan o hindi, hindi sila dapat gumawa ng masama, hindi dapat gumawa ng mga bagay na nakabatay sa kanilang mga ambisyon at pagnanais, at hindi dapat magkaroon ng kaisipang nagbabakasakali, dahil sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao at ang buong mundo. Ano ba ang saklaw ng “buong mundo”? Kasama rito ang kapwa materyal at di-materyal na mga bagay. Huwag subukang sukatin ang Diyos, ang awtoridad ng Diyos, o ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos gamit ang sariling isip. Ang mga tao ay mga nilalang at napakaliliit lang ng buhay nila—paano nila masusukat ang kadakilaan ng Lumikha? Paano nila masusukat ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Lumikha sa paglikha Niya sa lahat ng bagay at ang pagiging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Huwag na huwag kayong gagawa ng mga kamangmangan o masasamang bagay. Siguradong magdudulot ng kabayaran ang paggawa ng masama, at kapag isang araw ay ibinunyag ka ng Diyos, higit pa sa inaasahan mo ang matatamo mo, at sa araw na iyon ay tatangis ka at magngangalit ang mga ngipin mo. Dapat kang umasal nang may kamalayan sa sarili. Sa ilang bagay, bago ka ibunyag ng Diyos, mas makakabuti na ikumpara ang sarili sa mga salita ng Diyos, magnilay sa sarili at ilantad ang mga nakatagong bagay, tuklasin ang mga problema mo mismo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon—huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos. Kapag ibinunyag ka ng Diyos, hindi ba’t ginagawa ka niyon na pasibo? Sa panahong iyon, nakagawa ka na ng pagsalangsang. Mula sa pagsisiyasat sa iyo ng Diyos hanggang sa pagbubunyag sa iyo, ang halaga mo at ang opinyon ng Diyos ukol sa iyo ay maaaring magkaroon ng isang malaking pagbabago. Ito ay dahil habang sinisiyasat ka ng Diyos, binibigyan ka Niya ng mga pagkakataon at ipinagkakatiwala sa iyo ang mga inaasam Niya, hanggang sa sandaling mabunyag ka. Mula sa pagkakatiwala ng Diyos ng mga inaasam Niya sa isang tao hanggang sa huli ay sa mauwi sa wala ang mga inaasam Niya, ano kaya ang nararamdaman ng Diyos? Nakakaranas ito ng matinding pagbagsak. At ano ang magiging kahihinatnan para sa iyo? Sa mga hindi gaanong seryosong kaso, maaaring maging pakay ka ng pagkamuhi ng Diyos, at isasantabi ka. Ano ang ibig sabihin ng “isasantabi”? Ibig sabihin nito ay pananatilihin at oobserbahan ka. At ano ang kahihinatnan sa mas seryosong mga kaso? Sasabihin ng Diyos, “Salot ang taong ito at hindi nga karapat-dapat na magserbisyo. Hinding-hindi Ko ililigtas ang taong ito!” Kapag nabuo na ng Diyos ang ideyang ito, wala ka na talagang kalalabasan, at kapag nangyari iyon, puwede kang lumuhod at tumulo ang dugo mo pero wala na itong magagawa, dahil nabigyan ka na ng Diyos ng sapat na mga pagkakataon pero hindi ka kailanman nagsisi at nagmalabis ka na. Samakatwid, anumang problema ang mayroon ka o anumang katiwalian ang ipinapakita mo, palagi mo dapat pagnilayan at kilalanin ang sarili mo sa liwanag ng mga salita ng Diyos o hilingin mo sa mga kapatid na ituro ang mga ito sa iyo. Ang pinakaimportante ay dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, lumapit ka sa Diyos, at hilingin sa Kanya na liwanagan at tanglawan ka. Anumang pamamaraan ang gamitin mo, ang mas maagang pagtuklas ng mga problema at pagkatapos ay paglutas sa mga ito ay ang epektong nakakamit sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili, at ito ang pinakamagandang bagay na magagawa mo. Huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos at itiwalag ka bago ka magsisi, dahil magiging masyado nang huli para manghinayang! Kapag ibinunyag ng Diyos ang isang tao, labis na ba Siyang napopoot o sobra na Siyang nahahabag? Mahirap sabihin ito, walang nakakaalam, at hindi Ko ito maipapangako sa iyo—ikaw ang bahala sa landas na tinatahak mo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)
Kaugnay na mga Himno
Paano Magtatag ng Normal na Kaugnayan sa Diyos
Dapat Mong Tanggapin ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Dapat Tanggapin ng mga Tao ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Ginagawa Nila