Tanong 8: Simula nang manalig tayo sa Panginoon, naibigay na natin ang lahat para sairin ang ating lakas at nagsumikap tayo para sa Panginoon, at sumailalim na tayo sa pagpapahirap at kapighatian. Nabilanggo pa tayo para sa Kanya at mas gusto pa nating mamatay kaysa ikaila ang pangalan ng Panginoon o pagtaksilan Siya. Palagay ko ito ang pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Sa pagdurusa para sa Panginoon at pagpapatotoo magkakamit tayo ng kabanalan, at magiging marapat na makita ang Panginoon. Basta’t patuloy natin itong ginagawa, pagbalik Niya ay dadalhin tayo sa kaharian ng langit.
Sagot: Ang pagsusumikap para sa Panginoon ay paggawa ng kalooban ng Diyos—ito ay isang kuru-kuro ng halos lahat ng tao sa iba’t ibang relihiyon. Sa tingin ng mga tao, medyo tama iyan, pero naaayon ba iyan sa katotohanan, at alinsunod sa kalooban ng Panginoon? Tingnan muna natin ang isang katotohanan. Nang maglakbay ang mga Fariseong Judio sa lupa at karagatan para mangaral at gawin ang Kanyang gawain, sa tingin ng ibang mga tao mukha silang kagalang-galang at relihiyoso. Kaya bakit sila hinatulan at isinumpa ng Panginoong Jesus, na nagsabing “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw”? Nakikita ng Diyos ang puso ng mga tao! Kahit nagsumikap ang mga Fariseo, nagsasagawa lang sila ng ritwal at nagpapaliwanag ng kaalaman at teorya mula sa Biblia. Ni hindi nila ipinamuhay ang salita ng Diyos, at hindi sinunod ang Kanyang mga utos. Bawat bagay na ginawa nila ay para sa mga pagpapala, gantimpala, at para manatili rin sila sa kanilang katayuan at hanapbuhay. Sa puso nila, ni hindi nila mahal ang Diyos at wala silang pagpipitagan sa Kanya. Lubos na nalantad ng kanilang hibang na paglaban at pagtuligsa sa Panginoong Jesus ang kanilang likas na pagkamuhi sa katotohanan at pagiging ipokrito. Kaya nga kinamuhian at isinumpa sila ng Panginoong Jesus. Mula sa katotohanang ito nakikita natin na ang pagsusumikap ay talagang hindi sumasagisag sa paggawa ng kalooban ng Diyos, at ang pagiging kagalang-galang ng pag-uugali ng isang tao ay hindi sumasagisag sa pagiging dalisay. Basta’t hindi taos-pusong minamahal ng isang tao ang Diyos, hindi ipinamumuhay ang mga salita ng Diyos, at hindi sinusunod ang Kanyang mga utos, lahat ng pagsusumikap nila ay walang saysay. Balewalang lahat iyon at talagang hindi pupurihin ng Diyos. Sinumang may kakayahang labanan at tuligsain si Cristo sa laman ay tiyak na mararanasan ang galit at sumpa ng Diyos. Kung gayo’y ano ba talaga ang paggawa ng kalooban ng Diyos? Tumutukoy ito sa kakayahan ng mga tao na ipamuhay ang mga salita ng Diyos, sundin ang Kanyang mga utos, isagawa ang kanilang tungkulin alinsunod sa Kanyang mga salita at sa mga prinsipyo ng Kanyang mga salita, umasa sa pagmamahal nila sa Diyos para sairin ang kanilang lakas para sa Kanya, taos-pusong dinadalika ang Diyos, may takot sa Diyos at iwinawaksi ang kasamaan, at madalas Siyang pinupuri at pinatototohanan. Ito lamang ang tunay na paggawa ng kalooban ng Diyos. Nakikita nating lahat na talagang maraming taong lubhang nagdurusa matapos manalig sa Panginoon, na malaki ang sakripisyo at nabibilanggo pa o pinapatay na isang martir at hindi pa rin tumatalikod sa Panginoon. Ang ibig sabihin lang nito ay tunay ang pananampalataya nila sa Panginoon. Gayunman, hindi nila hinahangad ang katotohanan habang nagsusumikap sila at hindi nila binibigyang-diin ang pagsasabuhay ng mga salita ng Panginoon o pagsunod sa Kanyang mga utos. Sa halip, sinusunod nila ang sarili nilang kalooban at matitigas ang ulo nila at mayayabang sila. Matapos manalig sa Diyos nang maraming taon, hindi man lang nagbago ang disposisyon nila sa buhay—mayayabang pa rin sila at walang ibang sinusunod. Madalas silang magsinungaling at manlinlang, at kahit marami silang nagagawa at nagdurusa sila nang husto, at may ilang mabubuti silang pag-uugali at patotoo, lahat ng ginagawa nila ay para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala. Ginagawa nila iyon para makapasok sa kaharian ng langit at maputungan ng korona. Ang pagsasakripisyo at pagsaid ng sariling lakas sa ganitong paraan ay pagsisikap na makipagkasunduan sa Panginoon at likas iyong mapanlinlang. Nakatago roon ang mga personal na motibo at layunin. Talagang hindi sila mga taong nagmamahal at sumusunod sa Panginoon, kaya paano masasabi na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos? Bukod pa riyan, kahit ibinabanda nila sa publiko na nagsisikap sila at sinasaid nila ang kanilang lakas para sa Panginoon, hindi nila Siya dinakila o pinatotohanan kailanman. Bagkus, ipinagmamalaki nila ang kanilang sarili sa lahat ng bagay para igalang sila ng mga tao. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at kayamanan at nagtatayo ng sarili nilang maliliit na kaharian. Ang layunin ng kanilang pagsisikap ay katulad ng sa mga Fariseo—para lamang manatili sila sa kanilang katayuan at hanapbuhay. Wala itong kinalaman sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sa halip, paggawa ito ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Nakikita natin mula rito na kung hindi maipamuhay ng isang tao ang mga salita ng Diyos at hindi nila masunod ang Kanyang mga utos, kung hindi taos-puso ang kanilang pagmamahal at pagsunod sa Diyos, gaano man sila magdusa at magsumikap, hindi pa rin nila ginagawa ang kalooban ng Diyos, at lalong hindi ito nangangahulugan na naiwaksi na nila ang pagiging makasalanan at nagtamo na ng kadalisayan, kaya paano sila naging marapat na makapasok sa kaharian ng langit? Tulad ng sabi ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23).
Kung gayon, anong uri ng tao ang isang gumagawa ng kalooban ng Diyos? Tingnan muna natin ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Nagawa ni Jesus na tapusin ang tagubilin ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil ibinigay Niya ang masusing pangangalaga sa kalooban ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganoon din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo, na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. … Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang tuparin ang kalooban ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging iniisip ang kalooban ng Diyos Ama” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Ang mga salita ng Diyos ay ipinauunawa sa atin kung paano ginawa ng Panginoong Jesus ang kalooban ng Diyos, at sa ganitong paraan ay malinawan natin kung anong uri ng tao ang isang tunay na gumagawa ng kalooban ng Diyos. Taos-puso niyang minamahal ang Diyos, isinasaalang-alang niya ang kalooban ng Diyos, naipapamuhay niya ang Kanyang mga salita at nasusunod ang Kanyang mga utos, at nasusunod niya ang mga plano at pagsasaayos ng Diyos. Anumang oras, sa anumang kapaligiran, kaya niyang panindigan ang atas ng Diyos, at tapusin ang Kanyang atas. Nabubuhay lang siya para isagawa ang kalooban ng Diyos—isa siyang taong pumupuri at nagpapatotoo sa Diyos. Isa siyang taong lubos ang katapatan, pagsunod, at pagmamahal sa Diyos. Sabi nga ng Panginoong Jesus: “Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita … Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita” (Juan 14:23–24). “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko” (Juan 8:31). “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37–39). Lahat ng tunay na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nagagawang mamuhay sa katotohanan at sundin ang Diyos. Natatanggap nila ang atas ng Diyos at tapat sila rito hanggang kamatayan. Nagagawa nilang tunay na mahalin ang Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Ipaghalimbawa na si Pedro. Isinakripisyo niya ang buong buhay niya sa Diyos, at lahat ng ginawa niya ay nakaasa sa kanyang pagmamahal sa Diyos para mamuhay sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ginabayan niya ang mga simbahan ayon lamang sa kalooban at mga ipinagagawa ng Panginoon, at hindi siya humiling ng anuman mula sa Diyos para sa sarili niyang personal na kapakinabangan o kawalan. Hinangad lang niyang mahalin nang taos-puso ang Diyos; hanggang sa patayin siya bilang martir pakiramdam niya ay hindi siya nararapat na mamatay para sa Panginoon, at hiniling na ipako siya sa krus. Sa huli, naging masunurin nga siya hanggang kamatayan at nagkaroon ng napakalaking pagmamahal sa Diyos. Iyon ay dahil si Pedro ay isang taong tunay na nagmahal sa Panginoon kaya ibinigay sa kanya ng Panginoong Jesus ang mga susi sa kaharian ng langit. At nariyan si Job na lubos na matwid, na may takot sa Diyos at iwinaksi ang kasamaan, at binigyan man siya o binawian ng Diyos, pinagpala man siya ng Diyos o pinagdanas ng kalamidad, nagawa niyang sambahin at purihin ang pangalan ng Diyos sa kabila ng lahat ng iyon. Hindi siya nagkulang sa pagtahak sa landas ng Diyos, kaya perpekto siya sa mga mata ng Diyos. Ang pagpuri ng Diyos sa lahat ng taong ito sa lahat ng panahon ay hindi lamang dahil nagsumikap sila. Ang mas mahalaga ay dahil nasusundan nila ang landas ng Diyos, may takot sila sa Diyos at iwinawaksi nila ang kasamaan, tunay nilang minamahal at sinusunod ang Diyos, inaalay nila ang buong buhay nila sa Diyos, sinasaid nila ang kanilang lakas para isagawa ang kalooban ng Diyos, at nagtitiis sila ng walang-katapusang paghihirap sa kanilang buhay—ito lang ang naging dahilan para maging mga tao sila na tunay na gumagawa ng kalooban ng Diyos, na nararapat na tumanggap ng pangako ng Diyos at madala sa kaharian ng langit.
mula sa iskrip ng pelikulang Masasakit na Alaala