70 Ang mga Tao ay Inuuri ng Gawain ng Paglupig
1 Ang kasalukuyang gawaing panlulupig ay naglalayong ipakita ang magiging katapusan ng tao. Bakit Ko sinasabi na ang pagkastigo at paghatol ngayon ay ang paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw? Bakit ang gawaing panlulupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawa’t uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay mapangkat ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawa’t uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid.
2 Matapos ang gawaing panlulupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buung-buong sumusunod—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay papangkatin ayon sa uri, ang mga gumagawa ng masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman. Ang iba’t ibang katapusan ng bawa’t klase ng tao ay inihahayag kapag ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay, at ito ay ginagawa habang nasa gawain ng panlulupig sa buong sansinukob. Ang pagbubunyag ng katapusan ng buong sangkatauhan ay ginagawa sa harap ng luklukan ng paghatol, sa pagpapatuloy ng pagkastigo, at sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig sa mga huling araw.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1