Tanong 7: Sabi mo, hindi dinakila o pinatotohanan ni Pablo ang Panginoong Jesus. Hindi ko tanggap ang sinasabi mo. Napakaraming isinulat ni Pablo. Hindi pa puro patotoo ang mga ’yon sa Panginoong Jesus?
Sagot: Kahit isinulat ni Pablo ang mga ’yon, hindi niya dinakila o pinatotohanan ang Panginoong Jesus kailanman. Kahit no’ng banggitin niya ang Panginoong Jesus, ginamit lang niya ang pangalan ni Jesucristo para patotohanan ang sarili niya. Halimbawa, sa mga sulat niya, madalas niyang sabihing, “Si Pablo, na Apostol ni Cristo Jesus sa kalooban ng Diyos.” Ang ibig sabihin ni Pablo ay naglilingkod siya bilang apostol ng Panginoong Jesus sa kalooban ng Diyos, hindi sa kalooban ng Panginoong Jesus. Tinawag ba siya ng Diyos sa langit? Hindi! Tinawag siya ng Panginoong Jesus. Hindi siya tinawag ng Panginoong Jesus bilang Diyos; tinawag Niya si Pablo bilang si Cristo. Pero sabi ni Pablo, “sa kalooban ng Diyos.” Hindi niya kinilala na ang Panginoong Jesucristo at ang Diyos ay iisa. Sa mga sulat ni Pablo, lagi niyang pinaghihiwalay ang Diyos, si Cristo, at ang Banal na Espiritu. Akala niya ang Diyos ay ang Diyos at si Cristo ay si Cristo, na ang Diyos ay mas mataas kay Cristo, at ang Ama sa langit ang pinakamataas. Nakikita namin na nanalig si Pablo sa Diyos ng langit, hindi sa Cristong nagkatawang-tao. Dahil hindi kilala ni Pablo ang Panginoong Jesus, hindi niya dinakila ang Panginoong Jesucristo bilang Diyos kailanman. Hindi niya dinakila kailanman ang mga salita ni Jesucristo o pinatotohanan na ang mga salita Niya ay mga salita ng Diyos, ni hindi niya hinikayat ang mga tao na purihin ang Panginoong Jesus. Kung gayon, talaga bang nanalig si Pablo kay Cristo? Sinunod ba niya at pinatotohanan si Cristo? Hindi! Malubha ang ginawa ni Pablo! Ayon sa mga salita ni apostol Juan, “Ang bawa’t espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Diyos: At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesucristo, ay hindi sa Diyos: at ito ang sa anticristo” (1 Juan 4:2–3). Sabi sa atin sa siping ito, lahat ng hindi kumikilala sa pagkakatawang-tao ng Diyos ay mga anticristo. Dahil sa Diyos ng langit lang nanalig si Pablo, hindi siya talaga nanalig kay Cristo, pagdating sa gawain ni Jesucristo, walang pananalig si Pablo! Ibinanda ni Pablo sa publiko na siya’y “isang apostol ni Cristo Jesus sa kalooban ng Diyos,” at pinuri at itinanghal ang sarili niyang mga gawa. Gusto niya, lagi siyang kapantay ng Panginoong Jesucristo. Ipinapakita niyan na sobrang ambisyoso si Pablo. Hindi niya sinamba o sinunod ang Panginoong Jesus ni katiting. Hindi nagbago kailanman ang tunay niyang pagkatao, na magalit sa katotohanan at kalabanin ang Diyos. Mas pinatunayan niyan na talagang hindi nagsisi si Pablo kailanman.
Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo nang maraming taon, pero hindi niya ipinangaral o pinatotohanan kailanman ang mga salita ni Jesucristo. Hindi rin natin nakita kailanman na binanggit ni Pablo ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, sa kabila ng maraming iglesiang pinuntahan niya. Duda kami talaga kung ilang salita ng Panginoong Jesus ang nasasapuso ni Pablo. Samakatwid, tiyak namin na hindi sinunod ni Pablo ang katotohanan dahil hindi siya nagtuon sa pagdanas ng mga salita ng Panginoong Jesucristo, ni hindi niya isinabuhay ang mga salita ng Panginoong Jesus. Sa halip, ipinangaral niya ang ebanghelyo batay sa kanyang mga likas na talino, pagsisikap, kaalaman at kakayahan bilang tao. Pa’no siya naging isang taong sumunod sa katotohanan? Kaya pala hindi niya talaga nakilala, minahal o sinunod ang Panginoong Jesus. Kahit matapos maglingkod nang maraming taon, hindi nagbago ang kanyang dating pagkatao. Sa halip, naging mas mayabang at mukhang pera siya. Pinatatag niya ang kanyang sarili sa paglilingkod para sundin at sambahin siya ng iba. Tapos sinubukan niyang puhunanin ’yon sa pakikitungo sa Diyos. Kagaya lang ’yon ng sinabi niyang minsan na, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Malinaw na ipinaliliwanag nito ang motibo ni Pablo sa paglilingkod nang maraming taon: mga gantimpala at putong. Mula simula hanggang wakas, hindi sinunod ni Pablo ang katotohanan; hindi niya hinangad na baguhin ang kanyang disposisyon. Ni hindi nagbago ang kanyang mga layunin at kademonyohan. Ginaya niya ang mga Fariseo. Patunay ang lahat ng ito na hindi siya talaga nagsisi. Tinawag ng Panginoong Jesus si Pablo para bigyan siya ng pagkakataong magsisi at gamitin siya sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang katotohanan na nagapi ng Panginoong Jesus si Pablo, na may kademonyohan, ay patunay na Siya ay makapangyarihan at na mapaglilingkod Niya ang sinuman sa Kanyang gawain.
mula sa iskrip ng pelikulang Masasakit na Alaala