2. Ang Layunin ng Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa katangian ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto angkop ang gawaing ito sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas malinaw, ginagawa ito ayon sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, at ibunyag ang di-mabatang pagiging kakila-kilabot ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilalang na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tiwali, ang siyang masama, at upang masabi nila, nang may lubos na katiyakan, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Sa gayon ay makakaya ng mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at Ako lamang—ang Lumikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang maaaring magkaloob sa tao ng mga bagay na makasisiya sa kanila; at malalaman nila na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa mga nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay kinalaban Ako. Ang Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at nagsisikap Akong makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilalang na magpatotoo sa Akin, at maunawaan ang Aking kalooban, at malaman na Ako ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Kailangan mong malaman na anuman ang gawaing Kanyang ginagawa, ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi nagbabago, at ang Kanyang kalooban sa tao ay hindi nagbabago. Gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, gaano man kasama ang sitwasyon, ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ay hindi magbabago, at ang Kanyang layuning iligtas ang tao ay hindi magbabago. Basta’t hindi ito ang gawain ng pagbubunyag ng katapusan ng tao o ng hantungan ng tao, at hindi ito ang gawain ng huling yugto, o ang gawain ng pagwawakas sa buong plano ng pamamahala ng Diyos, at basta’t ito ay sa panahong ginagawaan Niya ang tao, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi magbabago. Palagi itong ang pagliligtas sa sangkatauhan. Ito dapat ang pundasyon ng inyong paniniwala sa Diyos. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ay ang kaligtasan ng buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na kaligtasan ng tao mula sa sakop ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Sa araw na ito ay una muna nating ibubuod ang mga kaisipan, mga ideya, at ang bawa’t galaw ng Diyos mula nang likhain Niya ang sangkatauhan. Titingnan natin kung anong gawain ang Kanyang isinakatuparan, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa opisyal na pagsisimula ng Kapanahunan ng Biyaya. Matutuklasan natin pagkatapos kung alin sa mga kaisipan at mga ideya ng Diyos ang hindi batid ng tao, at mabibigyang-linaw natin mula roon ang pagkakasunod-sunod ng plano ng pamamahala ng Diyos, at lubusang mauunawaan ang konteksto kung saan nilikha ng Diyos ang Kanyang gawaing pamamahala, ang pinagmumulan at ang proseso ng pag-unlad nito, at lubusan din nating mauunawaan kung anong mga resulta ang Kanyang nais mula sa Kanyang gawaing pamamahala—iyon ay, ang pinakasentro at ang layunin ng Kanyang gawaing pamamahala. Upang maunawaan ang mga bagay na ito, kailangan nating bumalik sa isang malayo, payapa at tahimik na panahon kung kailan wala pa ang mga tao …

Nang bumangon ang Diyos mula sa Kanyang higaan, ito ang una Niyang naisip: ang lumikha ng isang buhay na tao—isang tunay at buhay na tao—isang taong makakapiling at palaging makakasama Niya; maaaring makinig ang taong ito sa Kanya, at maaari Siyang magtiwala at makipag-usap sa kanya. Pagkatapos, sa unang pagkakataon, dumampot ang Diyos ng isang dakot ng lupa at ginamit ito upang likhain ang kauna-unahang buhay na tao ayon sa larawang naisip Niya sa Kanyang isipan, at pagkatapos ay binigyan Niya ng pangalan ang buhay na nilalang na ito—Adan. Sa sandaling nagkaroon ang Diyos ng buhay at humihingang taong ito, ano ang Kanyang nadama? Sa unang pagkakataon, naramdaman Niya ang kagalakan ng pagkakaroon ng isang minamahal, isang makakasama. Naramdaman din Niya sa unang pagkakataon ang pananagutan ng pagiging isang ama at ang pagmamalasakit na kaagapay nito. Nagdulot ng kasiyahan at kagalakan sa Diyos ang buhay at humihingang taong ito; naramdaman Niya ang kaaliwan sa unang pagkakataon. Ito ang kauna-unahang bagay na ginawa ng Diyos na hindi naisakatuparan gamit ang Kanyang mga kaisipan o maging mga salita, bagkus ay nagawa gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Nang ang uri ng nilalang na ito—isang buhay at humihingang tao—ay tumayo sa harap ng Diyos, na gawa sa laman at dugo, na may katawan at anyo, at nagagawang makipag-usap sa Diyos, naranasan Niya ang isang uri ng kagalakan na hindi pa Niya kailanman nadama. Tunay na nadama ng Diyos ang pananagutan Niya, at hindi lamang pumukaw sa Kanyang puso ang buhay na nilalang na ito bagkus ay pinasigla at inantig ang Kanyang puso sa bawa’t maliit na galaw na ginawa nito. Nang tumayo sa harapan ng Diyos ang buhay na nilalang na ito, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon Siya ng kaisipang magkamit ng mas maraming gayong tao. Ito ang magkakasunod na mga pangyayari na nagsimula sa unang kaisipang ito ng Diyos. Para sa Diyos, nagaganap ang lahat ng pangyayaring ito sa unang pagkakataon, subali’t sa unang mga pangyayaring ito, anuman ang nadama Niya sa panahong iyon—kagalakan, pananagutan, pagmamalasakit—wala Siyang mapagbahagiang sinuman. Simula sa sandaling iyon, tunay na nadama ng Diyos ang isang kalumbayan at isang kalungkutang hindi pa Niya kailanman nadama. Nadama Niya na hindi matatanggap o mauunawaan ng tao ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit, o ang Kanyang mga intensyon sa tao, kaya nakaramdam pa rin Siya ng kalungkutan at kirot sa Kanyang puso. Bagaman ginawa Niya ang mga bagay na ito para sa tao, hindi ito batid ng tao at hindi naunawaan. Maliban sa kasiyahan, ang kagalakan at kaaliwan na idinulot ng tao sa Kanya ay mabilis ding idinulot na kasama nito ang una Niyang mga damdamin ng kalungkutan at kalumbayan. Ito ang mga kaisipan at mga damdamin ng Diyos sa panahong iyon. Habang ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, sa Kanyang puso ay napunta Siya mula sa kagalakan patungo sa kalungkutan at mula sa kalungkutan patungo sa kirot, at may halong pagkabalisa ang mga damdaming ito. Ang gusto lamang Niyang gawin ay magmadali na tulutan ang taong ito, ang sangkatauhang ito na malaman kung ano ang nasa Kanyang puso at maunawaan ang Kanyang mga intensyon sa mas lalong madaling panahon. Pagkatapos, maaari silang maging mga tagasunod Niya at magbahagi ng mga kaisipan Niya at maging kaayon ng kalooban Niya. Hindi na sila makikinig lamang sa pagsasalita ng Diyos at mananatiling walang imik; hindi na sila magiging walang kabatiran sa kung paano makisama sa Diyos sa Kanyang gawain; higit sa lahat, hindi na sila magiging mga taong nagwawalang-bahala sa mga hinihingi ng Diyos. Ang unang mga bagay na ito na ginawa ng Diyos ay lubhang makabuluhan at may malaking kahalagahan para sa Kanyang plano ng pamamahala at para sa mga tao ngayon.

Pagkatapos likhain ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan, hindi nagpahinga ang Diyos. Hindi Siya mapalagay at sabik na isakatuparan ang Kanyang pamamahala, at na makamit ang mga taong pinakamamahal Niya sa sangkatauhan.

…………

… Isinasaalang-alang ng Diyos ang pagkakataong ito ng Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, bilang higit na mahalaga kaysa anupaman. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito hindi lang sa Kanyang isip, hindi lang sa Kanyang mga salita, at tiyak na hindi isinasagawa nang basta-basta—ginagawa Niya ang lahat ng bagay na ito nang may plano, nang may layunin, nang may mga pamantayan, at nang may kalooban Niya. Maliwanag na nagtataglay ng malaking kahalagahan kapwa sa Diyos at sa tao ang gawaing ito na iligtas ang sangkatauhan. Kahit na gaano kahirap ang gawain, gaano man kalaki ang mga hadlang, gaano man kahina ang mga tao, o gaano man kalalim ang pagka-mapanghimagsik ng sangkatauhan, wala sa mga ito ang mahirap para sa Diyos. Pinananatiling abala ng Diyos ang sarili Niya, ginugugol ang Kanyang napakaingat na pagsisikap at pinamamahalaan ang gawain na gusto Niya Mismong isakatuparan. Isinasaayos din Niya ang lahat at ginagamit ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng tao na kung kanino Siya gagawa at sa lahat ng gawaing nais Niyang matapos—wala sa mga ito ang kainlanman ay naisagawa na noon. Ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito at nagbayad ng gayon kalaking halaga para sa malaking proyektong ito ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Habang isinasakatuparan ng Diyos ang gawaing ito, unti-unti Niyang ipinahahayag at inilalabas sa sangkatauhan, nang walang pasubali, ang Kanyang napakaingat na pagsisikap, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang Kanyang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat, at ang bawa’t aspeto ng Kanyang disposisyon. Inilalabas at ipinahahayag Niya ang mga bagay na ito sa paraang hindi pa Niya kailanman ginawa noon. Kaya, sa buong sansinukob, maliban sa mga taong nilalayon ng Diyos na pamahalaan at iligtas, kailanman ay hindi pa nagkaroon ng anumang mga nilalang na napakalapit sa Diyos, na may gayong katalik na kaugnayan sa Kanya. Sa Kanyang puso, ang sangkatauhan na nais Niyang pamahalaan at iligtas, ang pinakamahalaga; pinahahalagahan Niya ang sangkatauhang ito nang higit sa lahat; kahit na nagbayad na Siya ng napakalaking halaga para sa kanila, at kahit na patuloy Siyang sinasaktan at sinusuway ng mga ito, hindi Siya kailanman sumusuko sa kanila at nagpapatuloy nang walang kapaguran sa Kanyang gawain, nang walang mga reklamo o mga pagsisisi. Ito ay dahil nalalaman Niya na sa malao’t madali, magigising ang mga tao sa Kanyang pagtawag at maaantig ng Kanyang mga salita, makikilala na Siya ang Panginoon ng paglikha, at magbabalik sa Kanyang piling …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, mga kinakailangan ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos para sa tao, Sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na sundin ang dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa nasasakupan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga taong ito ay matuwid, may pananampalataya, masunurin, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagsunod at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na layunin ng Diyos sa pagligtas sa tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang pagwagian ang kanilang natatakot na pagpipitagan. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos at maisasagawa nila ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Matapos maisagawa ang Kanyang anim-na-libong-taon ng gawain hanggang sa araw na ito, naipakita na ng Diyos ang marami sa Kanyang mga kilos, na ang layunin una sa lahat ay ang matalo si Satanas at maghatid ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Ginagamit Niya ang pagkakataong ito upang tulutan ang lahat sa langit, lahat sa lupa, lahat ng sakop ng karagatan, at lahat ng huling bagay na nilikha ng Diyos sa lupa na makita ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at masaksihan ang lahat ng Kanyang kilos. Sinusunggaban Niya ang pagkakataong ibinibigay ng pagtalo Niya kay Satanas upang ipakita ang lahat ng Kanyang gawa sa mga tao, at magawa nilang purihin Siya at dakilain ang Kanyang karunungan sa pagtalo kay Satanas. Lahat sa lupa, sa langit, at sa ilalim ng karagatan ay naghahatid ng kaluwalhatian sa Diyos, pinupuri ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, pinupuri ang bawat isa sa Kanyang mga gawa, at ipinagsisigawan ang Kanyang banal na pangalan. Ito ay patunay ng Kanyang pagtalo kay Satanas; patunay ito ng Kanyang paglupig kay Satanas. Ang mas mahalaga, patunay ito ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang buong paglikha ng Diyos ay naghahatid sa Kanya ng kaluwalhatian, pinupuri Siya sa pagtalo sa Kanyang kaaway at pagbalik na matagumpay, at itinatanyag Siya bilang dakila at matagumpay na Hari. Ang Kanyang layunin ay hindi lamang para talunin si Satanas, kaya ang Kanyang gawain ay nagpatuloy nang anim na libong taon. Ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang iligtas ang sangkatauhan; ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang ipakita ang lahat ng Kanyang kilos at Kanyang buong kaluwalhatian. Siya ay magtatamo ng kaluwalhatian, at lahat ng pulutong ng mga anghel ay makikita ang Kanyang kaluwalhatian. Ang mga sugo sa langit, mga tao sa lupa, at lahat ng bagay na nilikha sa lupa ay makikita ang kaluwalhatian ng Lumikha. Ito ang gawaing Kanyang ginagawa. Ang Kanyang nilikha sa langit at sa lupa ay masasaksihang lahat ang Kanyang kaluwalhatian, at babalik Siya nang matagumpay matapos Niyang lubos na talunin si Satanas, at tutulutan ang sangkatauhan na purihin Siya, sa gayon ay magkakamit ng dobleng tagumpay sa Kanyang gawain. Sa huli, buong sangkatauhan ay lulupigin Niya, at Kanyang lilipulin ang sinumang lalaban o susuway; sa madaling salita, lilipulin Niya ang lahat ng nabibilang kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang mga layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nais Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito magiging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking kalooban. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bansang Gentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang lugmok sa pagkabigo, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na dapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanasang makialam sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagkat ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang silbi ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang silbi ng Aking pagkastigo ay ang tulutan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao, dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa mga bansang Gentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagkat wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi may pakialam lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay wala pa ring malasakit sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawain? Paano mapapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang mapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, para makarating ito sa mga bansang Gentil, nang sa gayon ang Aking pangalan ay dadakilain ng kapwa matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dadakilain ng bibig ng mga tao mula sa lahat ng tribo at bansa. Ito ay upang sa huling kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Gentil, upang makita ng mga Gentil ang Aking mga gawa at tatawagin nila Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at upang ang Aking mga salita ay maaaring matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng bansa ng mga Gentil, kahit na yaong Aking isinumpa. Hahayaan Kong makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano sa paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na tutuparin sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Sinundan: 1. Ano ang Gawain ng Pamamahala sa Sangkatauhan?

Sumunod: 3. Ang Layunin at Kabuluhan ng Bawat Isa sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito