3. Ang Layunin at Kabuluhan ng Bawat Isa sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawaing ginawa ni Jehova sa mga Israelita ay itinatag sa sangkatauhan, ang panlupang lugar na pinagmulan ng Diyos, na siya ring sagradong lugar kung saan Siya naroroon. Itinuon Niya ang Kanyang gawain sa mga tao ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel, ngunit sa halip, pumili Siya ng mga taong natagpuan Niyang angkop upang malimitahan ang nasasaklawan ng gawain Niya. Ang Israel ay ang lugar kung saan nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at ginawa ni Jehova ang tao mula sa alabok sa lugar na iyon; ang lugar na ito ang naging himpilan ng gawain Niya sa lupa. Ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at mga inapo rin ni Adan, ay ang mga pantaong saligan ng gawain ni Jehova sa lupa.
Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang simulan ang gawain Niya sa buong mundo, na ang Israel ang nasa sentro at unti-unting lumaganap sa mga bansang Gentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa buong sansinukob—upang magtatag ng huwaran at pagkatapos ay palawakin ito hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay nakatanggap na ng ebanghelyo Niya. Ang unang mga Israelita ay ang mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at nakaunawa nang sapat upang asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang kalooban Niya para sa tao, lalo na kung paano nila dapat igalang ang Panginoon ng buong sangnilikha. Patungkol naman sa kung mayroong mga alituntunin at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may isang tungkuling dapat gampanan ang mga nilalang para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magpawis at magsikap ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na tanging nagkaroon lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi nalalaman kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano bigyang-kasiyahan ang Panginoon ng buong sangnilikha. Lubhang napakaliit ang naunawaan nila. Kaya bagamat walang kabuktutan o panlilinlang sa mga puso nila at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, gayunman ay wala silang kaalaman o pagkaunawa kay Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at tamasahin ang mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano igalang si Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilalang Niya? Kung magkagayon, hindi ba ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Panginoon ng buong sangnilikha” at “Nilikha Niya ang tao upang maipamalas Siya ng tao, luwalhatiin Siya, at katawanin Siya” ay nasabi nang walang katuturan? Paanong ang mga taong walang pagpitagan kay Jehova ay naging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila naging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao sa larawan Ko” kung gayon ay naging sandata sa mga kamay ni Satanas na masama? Hindi ba ang mga salitang ito kung gayon ay naging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa tao? Upang gawing ganap ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, si Jehova ay hindi sila tinagubilinan o ginabayan mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig Siya nagsimulang pormal na gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng patnubay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, na nagpakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon siya ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi maaari rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Kaya rin nakita nila na maaaring gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay tanging upang mabatid ng mga nilalang Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayon pa man nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay maigagalang si Jehova at ituring Siyang dakila. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, ngunit sa halip, sa paglikha sa sangkatauhan, ay hinayaan silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, sa usaping iyon, dahil sa pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na ang ibig sabihin ay hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng buong sangnilikha. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay siya sa daigdig, at basta pinagpag ang alikabok mula sa mga kamay Niya at umalis, sa halip na manatili sa gitna ng sangkatauhan para bigyan sila ng patnubay sa loob ng ilang panahon, kung gayon ang sangkatauhan ay bumalik sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at ang lahat ng di-mabilang na bagay na ginawa Niya, at ang buong sangkatauhan, ay bumalik sana sa kawalan at bukod dito ay niyurakan na ni Satanas. Sa ganitong paraan ang nais ni Jehova na “Sa lupa, iyon ay, sa gitna ng Kanyang nilikha, marapat Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira na. At kaya, matapos likhain ang sangkatauhan na sinamahan Niya upang gabayan sila sa mga buhay nila, at kausapin sila sa gitna nila—ang lahat ng ito ay upang mapagtanto ang hangad Niya, at makamtan ang plano Niya. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na ginawa Niya bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at samakatuwid ang paggawa Niya muna sa gitna ng mga Israelita at ang paglikha Niya ng lahat ng mga bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa ginawa para sa kapakanan ng pamamahala Niya, gawain Niya, at luwalhati Niya, at ginawa upang laliman ang kahulugan ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Ginabayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa nang dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, kung kailan ay tinuruan Niya ang sangkatauhan na unawain kung paano igalang si Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha, kung paano pamamahalaan ang mga buhay nila, at kung paano magpatuloy sa pamumuhay, at higit sa lahat, kung paano kumilos bilang saksi para kay Jehova, magbigay sa Kanya ng pagsunod, at bigyan Siya ng pagpipitagan, maging ang purihin Siya sa pamamagitan ng musikang katulad ng ginawa ni David at ng mga pari niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “dapat sundin.”
Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, at matagal pa bago matapos. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, nang hindi ipinagkakaloob sa tao ang sapat na kahandaan na igalang Siya. Sa pasimula, wala sa isip ng tao ang igalang Siya, o matakot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay kung paano makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. At kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga kautusan ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at igalang Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga atas at mga kautusan, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Saka lamang ganap nang natapos ang gawain ni Jehova. Sinimulan Niya ang gawaing ito matapos Niyang likhain ang sangkatauhan at ipinagpatuloy ito hanggang sa panahon ni Jacob, kung kailan ginawa Niya ang labindalawang anak na lalaki ni Jacob na labindalawang tribo ng Israel. Magmula noon, ang lahat ng tao sa Israel ay naging ang lahi ng tao na opisyal Niyang pinangunahan sa lupa, at ang Israel ang naging partikular na lugar sa lupa kung saan Niya ginawa ang Kanyang gawain. Ginawa ni Jehova ang mga taong ito na unang grupo ng mga tao kung kanino Niya opisyal na ginawa ang Kanyang gawain sa lupa, at ginawa Niya ang buong bayan ng Israel na panimulang punto ng Kanyang gawain, ginagamit sila na panimula ng mas dakila pang gawain, upang malaman ng lahat ng taong isinilang mula sa Kanya sa lupa kung paano Siya igalang at mabuhay sa lupa. At kaya, ang mga gawa ng mga Israelita ay naging isang halimbawa para sundan ng mga tao sa mga bayang Gentil, at kung ano ang sinabi sa kalipunan ng mga tao sa Israel ay naging mga salita na diringgin ng mga tao sa mga bayang Gentil. Sapagkat sila ang unang nakatanggap ng mga batas at mga utos ni Jehova, at sila rin ang unang nakaalam kung paano igalang ang mga daan ni Jehova. Sila ang mga ninuno ng lahi ng tao na nakaalam sa mga daan ni Jehova, pati na mga kinatawan ng lahi ng tao na pinili ni Jehova.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming mga utos kay Moises upang ipasa sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahilingan sa kanila. Kung nangilin man sila sa Araw ng Kapahingahan, kung iginalang man nila ang kanilang mga magulang, kung sinamba man nila ang mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginagamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang kamatayan, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito ng pagsunod nila o hindi pagsunod sa mga utos na ito. Binato hanggang kamatayan yaong mga hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan. Ang mga paring hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang kamatayan ang mga hindi nagpakita ng paggalang sa mga magulang nila. Inihabilin ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga kautusan at mga batas Niya upang, habang pinangungunahan Niya sila sa mga buhay nila, ang mga tao ay makikinig at susunod sa salita Niya at hindi maghihimagsik sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng pagsupil ang bagong silang na sangkatauhan, upang mas mainam na mailatag ang sandigan para sa panghinaharap Niyang gawain. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagaman gumawa ng maraming pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano maging tao, kung paano mamuhay, kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa malaking bahagi, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sundin ang mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi umabot ang saklaw nito sa pagbabago ng kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Interesado lamang Siya sa paggamit ng mga kautusan para higpitan at supilin ang mga tao. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa kalangitan. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang kinakailangan lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga batas at mga kautusan Niya—maaari pa ngang sabihin ng isang tao na mga alituntunin—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para bigyan sila ng mas maraming bagay na dapat magkaroon ang tao at para tagubilinan sila mula sa sarili Niyang bibig sapagkat, pagkaraang malikha, wala ang tao ng anumang dapat na tinataglay niya. At kaya, ibinigay ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang tinataglay para sa mga buhay nila sa lupa, upang ang mga taong ito na Kanyang pinangunahan ay magawa na malampasan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ibinigay ni Jehova sa kanila ay higit sa ibinigay Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay upang gabayan lamang ang sangkatauhan at gawin ang sangkatauhan na kumikilala sa kanilang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang sila. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang totoong kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagsupil ng kamay ni Jehova. Mula rito ay isinilang ang mas marami pang gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Bagama’t si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang pinanatag ang Kanyang mga disipulo, tinustusan sila, tinulungan sila, at sinuportahan sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa, o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humiling nang labis sa mga tao, kundi lagi Siyang mapagpasensya at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, kaya Siya magiliw na tinawag ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na “ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus.” Sa mga tao noong panahong iyon—sa lahat ng tao—kung ano ang mayroon si Jesus at kung ano Siya noon, ay awa at kagandahang-loob. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga paglabag ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi kailanman batay sa kanilang mga paglabag. Dahil ibang kapanahunan iyon, kadalasa’y nagkaloob Siya ng saganang pagkain sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang tagasunod nang may kabaitan, na nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, bumubuhay ng mga patay. Upang maniwala sa Kanya ang mga tao at makita nila na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, binuhay pa Niya ang isang naaagnas na bangkay, na ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at isinagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanila. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At sa huli, ipinako Siya sa krus, na isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Kung wala ang pagtubos ni Jesus, nabuhay na sana ang sangkatauhan sa kasalanan magpakailanman at naging mga anak ng kasalanan, mga inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay magkaroon ng karapatang magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, natapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masamang isa, natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus at napangibabawan ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, pati na ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwat Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na sumusunod nang walang pasubali hanggang kamatayan, pagkatapos niyon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Siya tinulutang makapagpahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2
Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang gawain ng Diyos sa kasalukuyang pagkakatawang-tao ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Batay sa pundasyong ito, naghahatid Siya ng dagdag na katotohanan sa tao at nagtuturo sa kanya ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layuning lupigin ang tao at iligtas siya mula sa kanyang sariling tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Diyos, at ang Verbo ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at naparito nga ang Diyos sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang “mga salita” ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ng mga ito ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginagabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ng mga salita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain, at makamtan ang mga resulta ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa ng mga kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala, kundi ginagawa lamang ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga salita. Dahil sa mga salitang ito, napapangalagaan at natutustusan ang tao, at nagtatamo ng kaalaman at tunay na karanasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3