1. Ano ang Gawain ng Pamamahala sa Sangkatauhan?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto, na nangangahulugang ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Hindi kabilang sa tatlong yugtong ito ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay ang tatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ang gawain ng paglikha ng mundo ay ang gawain ng paglikha sa buong sangkatauhan. Hindi ito ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at walang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat nang likhain ang mundo, hindi pa nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y hindi kinailangang isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nagsimula lamang noong magawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y nagsimula rin ang pamamahala sa sangkatauhan noon lamang magawa nang tiwali ang sangkatauhan. Sa madaling salita, nagsimula ang pamamahala ng Diyos sa tao bilang resulta ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi nagmula sa gawain ng paglikha ng mundo. Matapos magkaroon ng tiwaling disposisyon ang tao, saka lamang umiral ang gawain ng pamamahala, at sa gayo’y may tatlong bahagi ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, sa halip na apat na yugto, o apat na kapanahunan. Ito lamang ang wastong paraan ng pagtukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Kapag natapos ang huling kapanahunan, ganap nang natapos ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Ang pagtatapos ng gawain ng pamamahala ay nangangahulugan na ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan ay ganap nang natapos, at na natapos na kung gayon ang yugtong ito para sa sangkatauhan. Kung wala ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay hindi iiral, ni hindi rin magkakaroon ng tatlong yugto ng gawain. Dahil ito mismo sa kasamaan ng sangkatauhan, at dahil kailangang-kailangan ng sangkatauhan ng kaligtasan, kaya winakasan ni Jehova ang paglikha ng mundo at sinimulan ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Noon lamang nagsimula ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, na nangangahulugan na noon lamang nagsimula ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang “pamamahala sa sangkatauhan” ay hindi nangangahulugan ng paggabay sa pamumuhay ng sangkatauhan, na bagong-likha, sa lupa (ibig sabihin, ang sangkatauhang hindi pa nagagawang tiwali). Sa halip, ito ang pagliligtas ng isang sangkatauhang nagawa nang tiwali ni Satanas, ibig sabihin, ito ang pagpapabago sa tiwaling sangkatauhang ito. Ito ang kahulugan ng “pamamahala sa sangkatauhan.” Hindi kabilang sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ang paglikha ng mundo, kaya nga hindi rin kasama sa gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay kabilang lamang dito ang tatlong yugto ng gawaing hiwalay sa paglikha ng mundo. Para maunawaan ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, kailangang malaman ang kasaysayan ng tatlong yugto ng gawain—ito ang kailangang malaman ng lahat upang maligtas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
Ang gawaing pamamahala ay umiral lamang dahil sa sangkatauhan, na nangangahulugang lumitaw lamang ito dahil sa pag-iral ng sangkatauhan. Walang pamamahala bago ang sangkatauhan, o sa pasimula, nang ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay nilikha. Kung, sa buong gawain ng Diyos, ay walang pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa tao, na ang ibig sabihin, kung ang Diyos ay hindi gumawa ng mga angkop na mga kinakailangan sa tiwaling sangkatauhan (kung, sa gawaing ginawa ng Diyos, ay walang angkop na landas para sa pagsasagawa ng tao), kung gayon ang gawaing ito ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay kinapapalooban lamang ng pagsasabi sa tiwaling sangkatauhan kung paano nila gagampanan ang kanilang pagsasagawa, at hindi isinakatuparan ng Diyos ang alinman sa Kanyang sariling plano, at hindi nagpamalas ng kahit katiting ng Kanyang walang-hanggang kapangyarihan o karunungan, kung gayon gaano man kataas ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao, gaano man katagal namuhay ang Diyos kasama ng tao, walang malalaman ang tao tungkol sa disposisyon ng Diyos; kung ito ang kalagayan, ang ganitong uri ng gawain ay mas lalong hindi karapat-dapat na tawaging pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay gawaing ginagawa ng Diyos, at ang lahat ng gawain na isinasakatuparan niyaong mga nakamit ng Diyos sa ilalim ng Kanyang paggabay. Ang ganoong gawain ay maaaring ibuod bilang pamamahala. Sa madaling salita, ang gawain ng Diyos sa tao, gayundin ang pakikipagtulungan sa Kanya ng lahat ng sumusunod sa Kanya ay maaaring tawaging lahat na pamamahala. Dito, ang gawain ng Diyos ay tinatawag na mga pangitain, at ang pakikipagtulungan ng tao ay tinatawag na pagsasagawa. Habang tumataas ang gawain ng Diyos (iyon ay, kung gaano kataas ang mga pangitain), higit na nagagawang malinaw sa tao ang disposisyon ng Diyos, at higit na kasalungat ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at higit na nagiging mataas ang pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Habang higit na tumataas ang mga hinihingi sa tao, higit na nagiging kasalungat ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at bilang bunga nito ang mga pagsubok sa tao, at ang mga pamantayang hinihingi sa kanya na maabot, ay tumataas din. Sa pagtatapos ng gawaing ito, ang lahat ng pangitain ay naging ganap na, at yaong kinakailangan na isagawa ng tao ay mararating ang rurok ng kasakdalan. Ito rin ang magiging panahon kung kailan ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri, sapagka’t yaong dapat malaman ng tao ay maipapakita sa tao. Kaya’t kapag naabot ng mga pangitain ang kasukdulan, ang gawain ay malapit na ring matatapos, at maaabot din ng pagsasagawa ng tao ang tugatog nito. Ang pagsasagawa ng tao ay batay sa gawain ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ay lubos na naihahayag lamang dahil sa pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Ang tao ang pantawag-pansin ng gawain ng Diyos, at ang layon ng gawain ng lahat ng pamamahala ng Diyos, at ang bunga rin ng buong pamamahala ng Diyos. Kung mag-isang gumawa ang Diyos, at wala ang pakikipagtulungan ng tao, kung gayon walang magsisilbing pagbubuu-buo ng Kanyang buong gawain, at pagkaraan, walang magiging bahagya mang kabuluhan sa pamamahala ng Diyos ni katiting man. Maliban pa sa gawain ng Diyos, tanging sa pamamagitan lamang ng pagpili ng angkop na mga bagay para magpahayag ng Kanyang gawain at magpatunay sa walang-hanggang kapangyarihan nito maaaring makamit ang layunin ng pamamahala Niya, at makamit ang layunin ng paggamit ng lahat ng gawaing ito upang ganap na talunin si Satanas. Samakatwid, ang tao ay isang bahagi na hindi maaaring mawala sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang tao lamang ang makakagawa sa pamamahala ng Diyos na magbunga at makamit ang sukdulan nitong layunin; Bukod sa tao, walang ibang anyo ng buhay ang makagaganap sa ganoong papel. Kung ang tao ang magiging tunay na pagkakabuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos, kung gayon ang hindi pagsunod ng tiwaling sangkatauhan ay kailangang lubos na mawala. Kailangang bigyan ang tao ng pagsasagawa na angkop sa iba’t ibang panahon, at na ang Diyos ay nagsasagawa ng katumbas na gawain sa gitna ng tao. Tanging sa paraang ito makakamtan sa kahuli-hulihan ang isang kalipunan ng tao na siyang pagkakabuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay hindi maaaring magpatotoo sa Diyos Mismo sa pamamagitan lamang ng gawain ng Diyos; upang makamit, ang mga ganoong patotoo ay nangangailangan din ng mga buhay na tao na angkop sa Kanyang gawain. Gagawa muna ang Diyos sa mga taong ito, na kung saan sa pamamagitan nila ang Kanyang gawain ay maihahayag, kaya ang gayong patotoo sa Kanyang kalooban ay matataglay sa gitna ng mga nilalang, at dito, makakamtan ng Diyos ang layunin ng Kanyang gawain. Hindi mag-isang gumagawa ang Diyos upang matalo si Satanas dahil hindi Niya kayang tuwirang magpatotoo para sa sarili Niya sa gitna ng lahat ng nilalang. Kung ito ay gagawin Niya, magiging imposible na lubusang hikayatin ang tao, kaya nararapat na gumawa ang Diyos sa tao upang siya ay lupigin, at saka lamang Siya magkakamit ng patotoo sa gitna ng lahat ng nilalang. Kung ang Diyos lamang ang gagawa, wala ang pakikipagtulungan ng tao, o kung hindi inatasan ang tao na makipagtulungan, kung gayon hindi magagawang makilala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at magpakailanmang magiging walang kamalayan sa kalooban ng Diyos; ang gawain ng Diyos sa gayon ay hindi matatawag na gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung magsisikap lamang ang tao mismo, at maghahanap, at gagawa nang maigi, nang hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kung gayon, kalokohan lang ang gagawin ng tao. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, yaong ginagawa ng tao ay kay Satanas, siya ay suwail at gumagawa ng masama; naihahayag si Satanas sa lahat ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, at walang anumang kaayon sa Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng tao ay pagpapakita ni Satanas. Wala sa lahat ng nasabi na ang para lamang sa mga pangitain at pagsasagawa. Sa saligan ng mga pangitain, hinahanap ng tao ang pagsasagawa at ang landas ng pagsunod, nang sa gayon ay maisaisantabi niya ang kanyang mga kuru-kuro at makakamit yaong mga bagay na hindi pa niya nataglay sa nakalipas. Kinakailangan ng Diyos na makipagtulungan ang tao sa Kanya, na ang tao ay ganap na magpasakop sa Kanyang mga kinakailangan, at hinihingi ng tao na mamasdan ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, upang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos, at malaman ang disposisyon ng Diyos. Ang mga ito, sa kabuuan, ay ang pamamahala ng Diyos. Ang pagsasanib ng Diyos at ng tao ay ang pamamahala, at ito ang pinakadakilang pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos