75. Ang Sakit Ko ay Pagpapala ng Diyos sa Akin

Ni Ouyang, Tsina

Noong labinlimang taong gulang ako, na-diagnose akong may pambihirang sakit na tinatawag na pulmonary hypertension. Noong una, hindi ko lang kayang gumawa ng mabibigat na ehersisyo, pero hindi nagtagal, hinihingal na ako kahit sa paglalakad lang, at naninikip nang husto ang dibdib ko. Kinailangan kong huminto sa pag-aaral at magpunta kung saan-saan para magpagamot, pero lumalala ang kondisyon ko sa bawat araw. Umabot ako sa puntong ni hindi ko na kayang alagaan ang sarili ko, at nahihirapan akong huminga kahit kapag nakahiga lang. Kapag malala na, kailangan kong gumamit ng oxygen. Sabi ng doktor, mayroon na lang akong tatlong buwan para mabuhay, sa pinakamatagal. Ang isiping matatapos na ang buhay ko sa edad lamang na labinlima ay nagparamdam sa akin ng lubos na kawalan ng pag-asa. Sa isip-isip ko, “Kung kailangan kong mamatay, bahala na. Magiging isang paglaya ang kamatayan.” Pero makalipas ang tatlong buwan, himalang buhay pa rin ako. Pero napakalala pa rin ng sakit ko. Ang kaunting pagkilos lang ay nagdudulot na ng palpitasyon at pangangapos ng hininga. Kapag malala ito, hindi ako makahinga at pakiramdam ko ay nasasakal ako at hihimatayin na. Bagama’t buhay pa rin ako noong panahong iyon, hindi ako makapamuhay gaya ng isang normal na tao, at imposible na ngayon ang pangarap kong makapagkolehiyo. Pakiramdam ko ay lubos akong naliligaw sa kadiliman at pagdurusa. Noong 1999, tinanggap namin ng nanay ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos niyon, madalas kong binabasa ang mga salita ng Diyos. Mula sa Kanyang mga salita, naunawaan ko na nagsagawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos upang ipahayag ang katotohanan para dalisayin at iligtas ang mga tao, at sa huli ay ganap silang iligtas mula sa impluwensiya ni Satanas at akayin sila tungo sa isang magandang hantungan. Nagsimulang lumiwanag ang puso ko, at naramdaman kong may pag-asa na ulit sa buhay. Naniwala ako na basta’t taimtim akong nananampalataya sa Diyos, magkakaroon ako ng pagkakataong maligtas at makapasok sa Kanyang kaharian, at baka gumaling pa nga ang sakit ko balang araw. Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon, at unti-unting lumakas ang katawan ko. Nagsimula na rin akong gumawa ng tungkulin sa iglesia.

Kalaunan, pumunta ako sa ibang rehiyon para mangaral ng ebanghelyo, at minsan ay kailangan kong magbisikleta nang dose-dosenang milya. Noong una, nag-aalala ako nang husto, iniisip na, “Kakayanin ba ito ng katawan ko?” Pero naalala ko na isa akong mananampalataya. Naisip ko na basta’t ginagawa ko nang maayos ang aking tungkulin, makikita ng Diyos ang aking mga pagsisikap at paggugol at poprotektahan Niya ako. Nasa mga kamay ng Diyos ang sakit ko, kaya wala akong dapat ipag-alala. Pagkaraan ng ilang panahon, hindi lumala ang kondisyon ko, at labis akong nagpapasalamat sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Sa panahong iyon, napakalamig man ng taglamig o napakainit ng tag-araw, o ipinagtatabuyan man ako ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo o inuulat pa nga sa pulis at tinutugis para arestuhin, hindi ako kailanman umatras at patuloy lang sa paggawa ng aking tungkulin. Noong 2005, sa isang pagtitipon, nabalitaan ko na ang isang sister ay may malubhang karamdaman sa pagdurugo na hindi napagaling ng ospital. Pero pagkatapos, nagpursigi siya sa paggawa ng tungkulin niya, at gumaling ang sakit niya nang hindi niya namamalayan. Sa isip-isip ko, “Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay pangunahing upang ipahayag ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi para magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Hindi ko dapat hilingin sa Diyos na pagalingin ako, pero basta’t ginagawa ko nang maayos ang tungkulin ko, ipagkakaloob ng Diyos sa akin ang biyaya at mga pagpapala batay sa aking paggampan. Napakalubha ng sakit ng sister na iyon, pero gumaling pa rin ito. Kung ipagpapatuloy ko ang paggawa ng tungkulin ko, baka gumaling din ang sakit ko balang araw. Kung gagaling ako, hindi ko na kailangang tiisin pa ang paghihirap dahil sa sakit.” Kaya, mas naging ganado ako sa tungkulin ko.

Kalaunan, noong 2006, nagkataong nakilala ko ang isang doktor ng tradisyonal na gamot na Tsino na nagsabing may pag-asang gumaling ang sakit ko. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko ito, at naisip ko kung gagamitin ba ng Diyos ang doktor na ito para pagalingin ako. Kaya, aktibo akong nakibahagi sa pagpapagamot. Pero pagkatapos ng halos dalawang buwan na pagpapagamot, hindi bumuti ang kondisyon ko kahit kaunti. Dismayadong-dismayado ako. “Bakit hindi mapagaling ang sakit ko?” ang tanong ko. “Sa loob ng maraming taon, tinalikuran ko ang aking pamilya at karera para gawin ang tungkulin ko, nagtitiyaga pa ngang mangaral ng ebanghelyo sa kabila ng sakit ko. Hindi pa ba sapat ang ginawa ko? Hindi ko ba ito ginawa nang sapat na maayos? Bakit ang ibang mga kapatid ay gumaling, pero ako ay hindi? Kung gagaling ang sakit ko, hindi ba’t mas magagawa ko nang maayos ang tungkulin ko?” Habang mas iniisip ko ito, mas nagiging miserable ako. Wala na akong lakas kahit maglakad man lang. Kahit na ipinagpatuloy ko ang paggawa ng tungkulin ko, pakiramdam ko ay said na said ako at wala akong lakas sa kahit ano. Kalaunan, sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagsimulang magbago ang kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Kung, pagkatapos mong gumugol para sa Akin, hindi Ko tinutugunan ang ilan sa iyong mga hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magiging galit na galit pa at sisigaw pa ng pang-aabuso?” “Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)). Sa harap ng mga tanong ng Diyos, may naramdaman akong hindi maipaliwanag. Hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang hindi sinusubukang makipagtawaran o gumawa ng mga kahingian, at maging tapat at tunay na mapagpasakop sa Kanya anuman ang mangyari. Pero dahil nagtiis ako ng kaunting paghihirap at nagsikap at gumugol sa aking tungkulin, naisip ko na dapat alisin ng Diyos ang sakit ko. Nang hindi natugunan ang hinihingi ko, nagkamali ako ng pagkaunawa at nagreklamo sa Diyos, at nawalan ako ng lahat ng motibasyon sa tungkulin ko. Kahit hindi ako kailanman direktang nanalangin sa Diyos na pagalingin ako, kinimkim ko ang maluhong pagnanais na ito sa puso ko. Sa partikular, pagkatapos makita ang ilang kapatid na gumaling mula sa mga sakit nila, nakumbinsi ako na hindi na malayo ang araw ng sarili kong paggaling. Ginawa ko ang tungkulin ko taglay ang motibong ito, iniisip pa ngang medyo deboto ako. Pero sa realidad, ang lahat ng pagsisikap at paggugol ko ay nakatuon sa paggaling ng aking sakit. Sinusubukan kong makipagtawaran sa Diyos. Nasaan ang katapatan o pagmamahal ko sa Kanya? Pinrotektahan ako ng Diyos at pinanatiling buhay hanggang sa araw na ito, at binigyan pa ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin at hangarin ang katotohanan. Ang ibinigay ng Diyos sa akin ay sobra-sobra na. Dapat ay ginawa ko nang taimtim ang aking tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos; hindi ako dapat humingi o sumubok na makipagtawaran sa Diyos. Pagkatapos nito, ipinagpatuloy ko ang paggawa ng aking tungkulin at hindi na nabalisa o nag-alala tungkol sa sakit ko.

Makalipas ang ilang taon, ibinili ako ng pamilya ko ng ibang klase ng gamot, sinasabing baka makatulong ito sa kondisyon ko. Nang alalahanin ko ang huli kong karanasan sa pagpapagamot, tinanong ko ang sarili ko, “Kung hindi rin epektibo ang gamot na ito, paano ko dapat harapin ang kondisyong ito?” Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Paano mo dapat danasin ang karamdaman kapag dumarating ito? Dapat kang lumapit sa Diyos at manalangin, hanapin at arukin ang layunin ng Diyos; dapat mong suriin ang iyong sarili para malaman kung ano ang nagawa mong salungat sa katotohanan, at kung ano ang katiwaliang nasa iyo na hindi pa nalulutas. Hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon nang hindi ka sumasailalim sa pagdurusa. Sa pamamagitan lamang ng pagdurusa nahuhubog ang tao na hindi maging bulagsak, at makapamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras. Kapag nagdurusa ang isang tao, palagi siyang nagdarasal. Hindi niya naiisip ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan; palagi siyang nagdarasal sa kanyang puso, sinusuri ang kanyang sarili para malaman kung may mali siyang nagawa o kung saan siya maaaring lumihis sa katotohanan kamakailan. Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu at maayos ang katawan mo, karaniwan ay kaya mong hanapin ang Diyos, pero tumitigil ka sa paghahanap sa Diyos kapag nagkakasakit at nagdurusa ka, ni hindi mo rin alam kung paano Siya hanapin. Nabubuhay ka sa karamdaman, palaging pinag-iisipan kung ano ang gamutang mas mabilis na makapagpapagaling sa iyo. Naiinggit ka sa mga taong walang sakit sa ganitong mga pagkakataon, at gusto mong mawala ang iyong karamdaman at paghihirap sa lalong madaling panahon. Mga negatibo at lumalabang emosyon ang mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). “Ang pagkakasakit ay talagang wala sa iyong kontrol. Kung magkakasakit ka at imposible itong magamot, iyon ang pagdurusang dapat mong tiisin. Huwag mong subukang alisin ito; kailangan mo munang magpasakop, magdasal sa Diyos, at hanapin ang mga hinahahangad ng Diyos. … Kung isa ka talagang taong nasa puso ang Diyos, anuman ang iyong makaharap, huwag mong hayaang makalagpas ito sa iyo. Dapat kang magdasal at maghanap, arukin mo ang paghahangad ng Diyos sa bawat bagay, at matutong magpasakop sa Diyos. Kapag nakikita ng Diyos na kaya mong magpasakop at na mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, iibsan Niya ang iyong pagdurusa. Nakakamit ng Diyos ang gayong mga epekto sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na palagi kong iniisip kung kailan gagaling ang sakit ko at kung mapapagaling ba ako ng gamot. Ang tanging iniisip ko ay kung paano matatakasan ang sakit ko. Isa itong negatibong emosyon. Napagtanto kong dapat kong hanapin ang mga layunin ng Diyos sa sakit ko at matutong magpasakop sa Kanya. Iyon ang pagkakaroon ng positibong saloobin. Bagama’t masakit ang magkasakit, para sa akin, isa rin itong anyo ng proteksyon. Nag-aral ako nang mabuti mula pa noong bata ako, at kahit na nagkasakit ako, nagpumilit pa rin akong pumasok sa eskuwela, umaasang baguhin ang aking kapalaran sa pamamagitan ng kaalaman. Nasa landas ako ng paghahangad sa mundo, ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kung hindi ako nagkasakit, tiyak na hindi ko pipiliing manampalataya sa Diyos. Ipagpapatuloy ko sanang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, namumuhay sa madilim at masamang mundong ito at pinahihirapan ni Satanas. Dahil sa sakit ko kaya ko tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa akin, at ang Kanyang dakilang proteksyon sa akin. Naunawaan ko rin na ginagamit ng Diyos ang sakit na ito para dalisayin at baguhin ako. Kung hindi dahil sa sakit na ito, aakalain kong tunay kong ginugugol ang sarili ko para sa Diyos, hindi ko kailanman makikilala ang mga karumihan sa aking mga motibo sa paggawa ng aking tungkulin, at hindi ako magsisisi o magsisimulang magbago. Nang maunawaan ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, alam kong ang sakit na ito ay isang anyo ng proteksyon para sa akin, para dalisayin at baguhin ako. Hindi ko na hihilingin sa Iyo na pagalingin ako. Bumuti man ang sakit na ito o hindi, handa akong magpasakop.” Pagkatapos manalangin, nakaramdam ako ng matinding kapanatagan sa aking puso, isang pakiramdam ng ginhawa na hindi ko pa naranasan noon.

Pagkatapos, noong 2017, narinig ko si Brother Xu Liang, na katuwang ko, na nagsalita tungkol sa mga problema niya sa tiyan noon. Sa loob ng mahabang panahon ay sinubukan niyang ipagamot ito pero hindi siya nagtagumpay. Tapos minsan, sumumpong ang problema niya sa tiyan matapos siyang lamigin, pero pagkatapos ng pagsumpong na iyon, nakakagulat na nawala ang mga ito. Nang marinig ang kuwento niya, hindi ko mapigilang makaramdam ng bahagyang pagkasira ng loob. Naisip ko kung paanong ang aking pulmonary hypertension ay madalas na nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam sa puso, at kung paanong kailangan kong uminom ng gamot araw-araw para makontrol ito, na nagdulot ng lahat ng uri ng side effect: sakit ng ulo, panlalabo ng paningin, pamamanas ng aking mga binti, pagduduwal, at iba pa. Gumagaling ang mga sakit ng ibang tao, pero kailan kaya gagaling ang sa akin? Napagtanto ko na sa kaibuturan ng puso ko, may mga hinihingi pa rin ako sa Diyos, umaasa pa ring aalisin Niya ang sakit ko. Nahirapan ang kalooban ko, at hindi ko alam kung bakit palagi akong nahihirapang magpasakop. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nahanap ko ang ugat ng problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang inaalala lamang ng marami sa sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. … Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, walang layon na mas lehitimo kaysa sa manampalataya sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa pakay na ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ngayon. Ang kanilang pakay at intensyon ay mukhang lehitimo, dahil habang nananampalataya sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan na abalang-abala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang pakay ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Nagpaparoo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga adhikain; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. … Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kung bakit ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-natukoy na problema: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isang ugnayan lamang ng hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang sa magkapamilya sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang paglunok sa galit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang malaking agwat lamang na hindi matatawid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). “Ang mga salitang ‘mga kaaway ng Diyos’ ay may makabuluhang aspekto: Ang mga ito ay hindi nagsasabi na nakikita ng Diyos ang tao bilang kaaway, kundi ang tao ay nakikita ang Diyos bilang kaaway. Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga pakay, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pinakapakay sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila mula sa Kanya. … Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na ‘ipinagtatanggol ang sarili’ para sa kanyang sariling kinalabasan sa Diyos, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, at tingnan kung ibibigay ba o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hintong humihingi ng mga bagay-bagay mula sa Diyos at pinipilit pa ang Diyos sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Diyos, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, negatibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula nang ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang panghihingi ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang pagpoprotekta, pangangalaga, at pagtutustos sa tao ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng Diyos. Ganito ang pangunahing pagkaarok sa tatlong salitang ‘pananampalataya sa Diyos’ ng lahat ng taong nananampalataya sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Ang inilantad ng Diyos ay ang tunay kong kalagayan. Nakita ko na ang mentalidad ko ng pananampalataya sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala ay malalim na nakaugat; hindi ito isang bagay na mababago pagkatapos lang maranasan ang ilang pagbubunyag. Noong bagong mananampalataya pa lang ako, inakala ko na kung tatalikuran ko ang mga bagay-bagay at igugugol ang sarili ko para sa Diyos, ipagkakaloob Niya sa akin ang biyaya at mga pagpapala, at na gagaling din ang sakit ko sa malao’t madali. Taglay ang motibong ito, handa akong tiisin ang anumang hirap sa aking tungkulin. Pero nang hindi gumaling ang sakit ko, nagreklamo ako na hindi matuwid ang Diyos at nawalan pa nga ako ng gana sa aking tungkulin. Ngayon, ang marinig na gumaling ang sakit ng iba ay nagbunyag na naman ng mga karumihan sa pananalig ko. Nakita ko na may mga hinihingi pa rin ako sa Diyos. Ang pananampalataya ko ay tungkol lang sa pagtatamo ng biyaya, at para pagalingin ako ng Diyos. Tinatrato ko ang Diyos bilang isang dakilang manggagamot, bilang isang kasangkapan na gagamitin, at hindi talaga bilang Diyos. Nang hindi tugunan ng Diyos ang mga hinihingi ko, sinubukan kong humingi ng gantimpala sa Kanya. Wala akong kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Paanong matatawag na mananampalataya ang katulad ko? Naisip ko si Pablo. Ang lahat ng kanyang pagdurusa, paggugol, at pagsisikap ay para sa pagtatamo ng korona ng katuwiran. Gusto niyang ipagpalit ang halagang binayaran niya para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Walang anumang pagpapasakop sa Diyos si Pablo; ang landas na tinahak niya ay ang paglaban sa Diyos. Tinatahak ko ang landas na pareho ng kay Pablo. Kung magpapatuloy ako nang ganito, kahit ilang taon pa akong manampalataya o gaano man ako magpakapagod at gumugol, hinding-hindi ko makakamit ang katotohanan o matatamo ang pagbabago sa aking disposisyon. Sa huli, ititiwalag pa rin ako ng Diyos. Nakita ko kung gaano talaga kamapanganib ang manampalataya sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan! Kinailangan kong iwasto ang maling perspektiba sa likod ng aking paghahangad, bitiwan ang aking maluluhong pagnanais, at gawin ang aking tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Pagkatapos niyon, tuwing naririnig kong may nagsasabing gumaling ang sakit nila, nagagawa ko na itong harapin nang tama at hindi ko na hinihiling sa Diyos na alisin ang sarili kong sakit.

Sa isang iglap, mahigit dalawampung taon na mula nang magkaroon ako ng sakit na ito. Minsan, nakakaramdam pa rin ako ng hindi maganda sa puso ko at nag-aalala kung lumalala ba ang kondisyon ko. Kapag lumala ito, nangangahulugan ito ng pagpalya ng puso—mamamatay ba ako kung mangyari iyon? Pagkatapos, nagbasa ako ng mas maraming salita ng Diyos: “Ang haba ng buhay ng bawat tao ay paunang inorden ng Diyos. Maaaring nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng medisina, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung hindi pa tapos ang haba ng iyong buhay at hindi pa ito ang iyong oras, hindi ka mamamatay kahit gusto mo. Kung mayroon kang atas mula sa Diyos, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi ka mamamatay, kahit na magkaroon ka ng isang karamdaman na nakamamatay—hindi ka pa kukunin ng Diyos. Kahit hindi ka magdasal at maghanap sa katotohanan, at hindi mo inaasikaso ang pagpapagamot ng iyong karamdaman, o kahit maantala ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong may mahalagang atas mula sa Diyos. Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila agad mamamatay; mabubuhay sila hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Bilang isang normal na tao, kung, kapag nagkakasakit ka, makakapagpasakop ka sa mga pagsasaayos ng Diyos at matitiis mo ang lahat ng uri ng sakit, at nagagawa mo pa ring gampanan nang normal ang iyong tungkulin at kumpletuhin ang mga atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, isa ba itong mabuting bagay o masamang bagay? Isa itong mabuting bagay. Ito ay patotoo ng pagpapasakop sa Diyos at ng paggawa sa iyong tungkulin nang may debosyon—isa itong patotoo na nagpapahiya kay Satanas at nagtatagumpay laban dito. Samakatwid, anuman ang uri ng pagdurusang dinaranas mo, ito ang dapat tanggapin at pasakupan ng bawat nilikha at bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ganito mo dapat unawain ito, at kailangan mong matuto ng mga aral at makamit ang tunay na pagpapasakop sa Diyos—ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang orihinal na nilayon ng Diyos. Ganito isinasaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa bawat nilikha. Ang paglalagay sa iyo ng Diyos sa gayong kapaligiran ng paghihirap at pagbibigay sa iyo ng gayong mga kondisyon ay katumbas ng pagbibigay sa iyo ng isang responsabilidad, isang obligasyon, at isang atas—dapat mong tanggapin ang mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (1)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, biglang lumiwanag ang puso ko. Bagama’t matagal na akong sinentensiyahan ng kamatayan ng doktor, basta’t hindi pa tapos ang buhay ko at hindi pa tapos ang misyon ko, hindi ako mamamatay gaano man lumala ang sakit ko. Nasa mga kamay ng Diyos kung kailan mamamatay ang isang tao; wala itong kinalaman sa lala ng kanyang sakit. Kung mamatay man ako balang araw dahil sa sakit na ito, ibig sabihin ay dumating na ang oras ko at tapos na ang misyon ko. Dapat pa rin akong magpasakop at magpasalamat sa Diyos sa Kanyang biyaya sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin at hangarin ang katotohanan. Tinulutan Niya akong maunawaan ang maraming katotohanan at hiwaga at malaman ang kahulugan ng buhay. Kahit mamatay ako, hindi mawawalan ng saysay ang buhay ko. Nang maunawaan ito, nakaramdam ako ng malaking ginhawa. Naging handa akong hangarin ang katotohanan at panghawakan ang aking tungkulin sa gitna ng aking sakit, at hindi na ako nag-alala tungkol sa sarili kong buhay o kamatayan.

Noong Oktubre 2020, pumunta ako sa isang panlalawigang ospital para magpa-check-up. Sabi ng doktor, “Imposibleng may pulmonary hypertension ka. Ang karaniwang haba ng buhay para sa sakit na ito ay dalawa hanggang tatlong taon lang, at ang kasalukuyan mong kondisyon ay hindi talaga mukhang ganoon.” Pagkatapos ay pinasailalim niya ako sa serye ng mga pagsusuri. Matapos suriin ang mga resulta, inamin niyang may pulmonary hypertension nga ako, pero medyo hindi ito malala, at maayos pa rin ang paggana ng puso ko. Alam kong proteksyon ito ng Diyos. Napakaraming iba na may ganitong sakit ang sumubok ng iba’t ibang paraan ng paggamot: Ang ilan ay nagkakaroon ng pagpalya ng puso sa loob ng ilang taon, habang ang iba ay namamatay kapag lumala ang kanilang kondisyon. Pero buhay ako ngayon at nagagawa ko ang aking tungkulin. Talagang biyaya at awa ito ng Diyos! Ngayon, bagama’t laging nasa akin ang sakit na ito, hindi ko na ito itinuturing na gapos, ni hindi na ako nasasaktan dahil dito. Sa halip, kaya ko na itong tanggapin at magpasakop dito. Napagtanto ko rin na ang sakit na ito ay pagliligtas at proteksyon ng Diyos sa akin. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan: 74. Paglaya Mula sa Alimpuyo ng Aking Paghahangad ng Pera

Sumunod: 76. Sa Wakas, Nakaalis na Ako sa Anino ng Mababang Pagtingin sa Sarili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito