74. Paglaya Mula sa Alimpuyo ng Aking Paghahangad ng Pera
Noong bata ako, napakahirap ng pamilya namin. Mga magsasaka ang mga magulang ko at pagsasaka ang ikinabubuhay nila, at madalas lumalabas ang tatay ko para magbuhat ng mga sako para kumita. Para gumaan nang kaunti ang buhay, tuwing anihan ng trigo, pumupunta kami ng nanay ko sa bukid para mamulot ng mga natirang trigo na maibebenta para sa dagdag na kita. Lagi kong naririnig ang mga taong kinukutya kami, sinasabi nila, “Namumulot ka na naman ng trigo kasama ang nanay mo? Hindi ka ba kayang buhayin ng tatay mo?” Sobrang sama ng loob ko, at ipinangako ko na sa hinaharap, magtatrabaho ako nang husto para kumita ng pera at umangat sa iba, para wala nang mangungutya sa amin ulit. Sa edad na pito, namitas ako ng mga persimmon mula sa aming mga puno at ibinenta ang mga ito sa kalye. Noong hayskul, sinubukan kong magpatakbo ng isang summer tutoring class, at kahit nabigo ito, hindi ako sumuko. Noong kolehiyo, nagtayo ako ng isang puwesto sa kalye tuwing bakasyon para kumita, at nag-part-time din ako. Sa katunayan, noong 2006, noong nasa middle school ako, sumama ako sa nanay ko sa pananampalataya sa Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon. Noong panahong iyon, nakatuon ako sa pag-aaral at trabaho, kaya isinantabi ko ang aking pananampalataya. Minsan pag-uwi ko, ipinapakita sa akin ng nanay ko ang mga salita ng Diyos, pero walang pagpapasensiya akong tumanggi, iniisip na ang pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay pag-aaksaya ng oras. Ang buong pokus ko ay sa pagpapaunlad ng aking karera, naniniwalang sa pamamagitan lamang ng sarili kong pagsisikap ako kikita ng mas maraming pera. Hindi ba ang tagumpay sa mundo ngayon ay sinusukat sa mga bahay, kotse, at pera? Kailangang kumita ng pera para makamit ang lahat ng ito. Kapag may pera ka lang hahangaan ng iba, at pati mga magulang mo ay makikinabang din sa pamamagitan ng kaugnayan sa iyo.
Dahil nag-major ako sa musical performance, pagkatapos kong maka-graduate noong 2016, nagtrabaho ako bilang isang kapalit na guro. Noong 2018, nagsimula ako ng sarili kong negosyo at nagtayo ng isang paaralan ng sining. Para makakuha ng mga estudyante, namigay ako ng mga flier sa bawat bahay sa ilalim ng tirik na araw, at sa gabi, umiikot ako sa bayan dala ang aking instrumento para mangalap ng mga estudyante, madalas na umuuwi ako nang bandang alas-onse na ng gabi. Dahil sa lahat ng presyur at palaging pagpupuyat, madalas sumasakit ang ulo ko, pero kapag naiisip kong makakapag-enroll ang mas maraming estudyante at kikita ng mas maraming pera, pakiramdam ko ay sulit ang lahat. Dahil sa masidhi kong pagsisikap, nakapagbukas ako agad ng dalawang kampus na direktang pinamamahalaan ko. Dito ko kinita ang unang malaking halaga sa buhay ko. Nang makita kong umuunlad nang husto ang eskuwelahan ko, pinupuri ako ng mga kapitbahay at mga magulang ng mga estudyante, sinasabing magaling daw ako at may kakayahan. Nang marinig ko ang pagsang-ayon nila, nakaramdam ako ng pagmamalaki, at sa wakas ay kaya ko nang magtaas-noo.
Para sa isang paaralan ng sining, ang Hulyo ang ginintuang panahon ng taon. Dahil bakasyon ng mga estudyante, kung mataas ang enrollment, puwedeng kumita ng sampu-sampung libo sa isang buwang ito. Noong Hulyo ng 2021, para samantalahin ang pagkakataong ito na kumita ng mas maraming pera, nagdagdag ako ng mas maraming kurso at ako na rin ang bahala sa pagkain ng mga estudyante. Ang pag-aasikaso sa pagkain ng napakaraming estudyante ay lalong nagpadami sa trabaho ko, at kailangan kong lumabas araw-araw para bumili ng mga sangkap. Naalala ko isang umaga, napakalakas ng ulan, isa-isa kong binubuhat papunta sa kotse habang umuulan ang mga basket ng gulay na dose-dosenang libra ang bigat. Sobrang basang-basa ako, pero hindi ko talaga ininda ang hirap. Naisip ko, “Isang buwan lang naman ’to; kung titiisin ko lang, matatapos din ito agad. Pagkatapos ng isang buwan, oras na para magbilang ng pera, at mas mapapalapit na ako sa de-kalidad na buhay na inaasam-asam ko.” Iniisip ko pa lang, masaya na ako.
Noong ikatlong linggo ng Hulyo, bigla akong nakatanggap ng balita na dahil sa pandemya, kailangang isara ang lahat ng eskuwelahan! Parang tinamaan ako ng kidlat sa balitang iyon. Sobrang dami kong ibinuhos na pagsisikap sa paghahanda para sa mga summer class na ito, namuhunan ako ng maraming lakas-paggawa, materyales, at pera. Ayon sa plano ko, basta’t malampasan ko lang ang buwang ito, madali ko nang mabubulsa ang pera, pero sa puntong ito, kalahati pa lang ng mga klase ang natapos, at kailangan ko pang i-refund ang bayad para sa mga hindi natapos. Habang pinapanood kong mawala ang perang halos hawak ko na, gusto ko na lang umiyak, pero wala akong magawa. Pagkatapos ng mga refund, napagtanto kong halos wala akong napala ngayong tag-init, at sobrang sama ng loob ko. Araw-araw akong nanlulumo. Dahil sa pagsuspinde ng mga klase dahil sa pandemya, bigla akong nagkaroon ng libreng oras. Noong mga panahong iyon, may isang sister na pumunta sa bahay ko, at nakipagbahaginan siya sa akin na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, at naisayos na Niya ang kapalaran ng bawat isa sa atin. Sinabi rin niya na sa mga taong hindi ako dumadalo sa mga pagtitipon, palagi akong iniisip ng mga kapatid, at gusto nila akong tulungan at suportahan. Naisip ko kung gaano na katagal mula noong huli akong nagbasa ng mga salita ng Diyos at kung paano ako lumayo sa Kanya, pero may pagmamalasakit pa rin Siya sa akin at ipinadala Niya ang isang sister para aluin ako. Labis na nag-init ang puso ko. Sa pagkakataong ito, hindi na ako muling tumanggi, at pagkatapos ng labintatlong taon, sa wakas ay bumalik ako sa sambahayan ng Diyos at ipinagpatuloy ang buhay iglesia.
Minsan sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katunayan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao ay maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at sa mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o pagkakontento. May ilang tao na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi silang magsikap, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa abilidad, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, sa halip ay paunang itinakda ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Ginising ako ng mga salita ng Diyos na para bang mula sa isang panaginip, at naunawaan ko na ang aking kapalaran at kung magkakaroon ako ng yaman ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Gaano man ako magsikap at magpunyagi, sa huli, hindi ko mababago ang landas ng kapalaran na itinakda ng Diyos para sa akin. Dati, hindi ko alam ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palagi kong gustong umasa sa sarili kong mga pagsisikap para baguhin ang aking kapalaran. Noong bata ako, mahirap ang pamilya ko, at palagi akong kinukutya ng iba, kaya nangarap ako na balang araw ay mamumuhay ako nang mayaman para hangaan ako ng iba. Kaya naman, noong bata pa ako, natuto ako sa mga nakatatanda at nagsimulang magbenta ng mga bagay-bagay. Bago pa ako makapagtapos ng hayskul, nagpatakbo na ako ng tutoring class tuwing bakasyon sa tag-init. Noong kolehiyo, nagtiyaga akong magtinda sa kalye at magtrabaho nang part-time, at pagka-graduate, nagsimula ako ng negosyo sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang eskuwelahan, lahat para lang kumita ng mas maraming pera. Pero nang biglang dumating ang pandemya, lahat ng plano ko ay nasira, at kinailangan kong panoorin na ibalik ang perang naibulsa ko na. Talagang naramdaman ko na hindi lahat ng pagsisikap ay may aanihin, at na hindi lahat ng bagay ay nangyayari ayon sa plano ng tao. Ang kapalaran ng isang tao ay lubos na nasa mga kamay ng Diyos. Kung gaano karaming yaman ang mayroon ako sa buhay na ito ay hindi nakadepende sa aking mga pagsisikap at plano, kundi sa paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ang mga plano at pagsisikap ng isang tao ay mga ideyal at adhikain lamang, at hindi nito matutukoy ang anumang huling kalalabasan, ni hindi mababago ang buhay na itinakda na ng Diyos para sa kanila. Binigyan ako ng Diyos ng mga talento para masuportahan ko ang aking sarili, at ito ay Kanyang biyaya at pagpapala. Pero hindi ako nakuntento, palaging gustong umasa sa sarili kong pagsisikap para mamuhay nang mayaman at masagana, at hindi ako makapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa huli, hindi ko lang nabigong makamit ang aking mga ninanais, kundi labis ding napinsala ang aking katawan at espiritu. Napakahangal ko talaga! Naisip ko kung paanong ang ilang tao ay nananalo ng milyon-milyon sa pagbili lang ng tiket sa lotto, habang ang iba naman ay nagpapagal sa buong buhay nila pero wala pa ring nararating at nananatiling naghihikahos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na ang kapalaran ng tao ay pinamamahalaan at isinasaayos ng mga kamay ng Diyos. Pagkatapos ay nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Matapos mong makilala ito, ang dapat mong gawin ay bitiwan ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para dito, hangarin lamang na magpasakop sa mga pamamatnugot at gabay ng Diyos nang hindi gumagawa ng sarili mong mga pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Ayaw ko nang labanan pa ang mga paunang pagtatakda ng Diyos at handa na akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at ipinagkatiwala ko sa mga kamay ng Diyos ang pag-unlad ng aking eskuwelahan. Pagkatapos niyon, aktibo akong dumalo sa mga pagtitipon at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at nagsimula na rin akong magsanay sa pagdidilig ng mga baguhan. Nakaramdam ng kapanatagan at kalayaan ang puso ko at nakita ko ang mga pagpapala ng Diyos. Sa panahon ng pandemya, noong matumal ang lahat ng industriya, karamihan sa mga institusyong pang-edukasyon ay dumanas ng malalaking pagkalugi. Gayumpaman, hindi lang nakapagpatuloy nang normal sa operasyon ang eskuwelahan ko, kundi dalawang institusyon pa ang lumapit sa akin para sa pakikipagtulungan sa kurso, na tumulong sa akin na malampasan ang mahirap na panahong iyon.
Noong Hunyo 2022, inako ko ang tungkulin ng isang lider ng pangkat ng pagdidilig. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ngayon, isinasagawa na ng Diyos ang Kanyang huling gawain sa pagliligtas ng sangkatauhan, at na sa huli, gagamitin ng Diyos ang iba’t ibang kalamidad para wakasan ang kapanahunang ito, gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama ayon sa kanilang mga gawa. Tanging ang mga nagsasagawa ng katotohanan, tumutupad sa kanilang tungkulin, at nalinis ang mga tiwaling disposisyon ang maliligtas ng Diyos at makaliligtas. Para sa akin, bukod sa hindi regular na iskedyul ng klase ko bawat linggo, kailangan ko ring asikasuhin ang iba’t ibang isyu sa mga kapartner na kampus, at talagang wala akong sapat na oras o lakas para hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kaya naisip kong mag-quit sa ilang trabaho ko para magkaroon ng mas maraming oras para sa aking tungkulin. Pero naguluhan ang isip ko, iniisip na, “Mas mahalaga ang tungkulin ko kaysa sa pagtuturo, pero hindi naman masyadong nakakapagod ang mga klase, at ang mga kapartner na kampus ay maayos namang umuunlad. Kung bibitawan ko ang mga ito, malaki ang mababawas sa kita ko!” Medyo ayaw kong bitawan ang mga ito. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya ako, para mabitiwan ko ang mga pasaning ito at magkaroon ng mas maraming oras para kumain at uminom ng Kanyang mga salita at gawin ang aking tungkulin. Kalaunan, naisip ko ang mga titik ng himno ng mga salita ng Diyos na “Awit ng mga Mananagumpay”: “Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at nakatayo ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian. Mga tao Ko, na nasa kaharian ng ngayon, sino sa inyo ang hindi kasapi sa lahi ng tao? Sino sa inyo ang namamalagi sa labas ng kalagayan ng tao? Kapag isinasapubliko ang Aking bagong panimula, ano ang magiging reaksiyon ng mga tao? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng mundo ng tao; hindi pa ba ninyo naiwaksi ang mga kaisipan ng pamumuhay sa mundong ito magpakailanman?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos ay naipalaganap na sa lahat ng bansa sa mundo, dumating na ang iba’t ibang sakuna at digmaan, at malapit nang matapos ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung hindi ko gagawin nang maayos ang aking tungkulin at patuloy kong hahangarin ang pera nang buong puso, masisira ko lang ang pagkakataon kong magkamit ng katotohanan at maligtas. Sa huli, kung mapunta ako sa sakuna, walang halaga ng pera ang makapagliligtas sa buhay ko, at ang paghahangad sa katotohanan at pagtupad sa tungkulin ang tunay na mahalaga. Kaya nagsimula ako sa pagbibitiw sa mga klase ko sa pribadong paaralan, at pagkatapos, isa-isa kong tinapos ang pakikipagsosyo sa dalawang kampus. Niluwagan nito ang oras ko mula Lunes hanggang Biyernes para gawin ang tungkulin ko at nangangahulugang tuwing Sabao’t Linggo na lang ako nagtuturo. Bagama’t mas kaunti na ngayon ang mga kapartner kong eskuwelahan at mas maliit na ang kinikita ko, mas marami na akong oras para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at gawin ang aking tungkulin, at naging panatag at payapa ang puso ko. Akala ko medyo nabitawan ko na ang pagkahumaling ko sa pera, pero lingid sa aking kaalaman, may isa pa palang malaking tukso na naghihintay sa akin.
Noong Abril 2023, ipinakilala sa akin ng hipag ko ang isang negosyo na online store, at sabi niya, puwede akong kumita ng 500,000 yuan sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Labis akong natukso, iniisip ko, “Kumita ng 500,000 sa ganoon kaikling panahon— mas malaki pa ’yan sa kinikita ko sa pagtuturo. May bahay na ako, pero kung mapapalitan ko ang kotse ko ng Mercedes, magiging mas kahanga-hangang tingnan ang pagmamaneho ko sa buong bayan.” Hindi rin ako mapakali at natatakot akong maloko, at nag-alala rin ako na baka makaapekto sa tungkulin ko ang pagpasok sa negosyong ito. Kaya tumanggi ako. Kalaunan, nagbukas ng tindahan ang hipag ko at naging manager, at pinanood ko ang kita niya na unti-unting lumaki mula sampu-sampung yuan kada araw hanggang isa hanggang dalawang libo. May ilang taong hindi kasing-galing ko na sumunod din sa kanya, nagbukas ng mga tindahan at naging mga manager, at kumikita sila ng libu-libong yuan kada araw. Lalong natukso ako sa lahat ng ito. Naisip ko, “Mukhang madaling pera ito. Kung kikita rin ako ng libu-libo kada araw at makakagawa ng 500,000 sa tatlong buwan, matutupad agad ang pangarap kong magkaroon ng bagong kotse.” Ang isiping hahangaan at kaiinggitan ako ng iba kapag nakabili na ako ng bagong kotse ay nagbigay sa akin ng motibasyon, at nang walang pag-aalinlangan, namuhunan ako ng ilang libong yuan. Kalaunan, para kumita pa ng mas maraming pera, ipinakilala ko ang negosyo sa mga kaibigan at kamag-anak para sumali sila, at nangako ako sa kanila na siguradong kikita sila, at kung malugi man sila, sasagutin ko ang malulugi sa kanila. Patuloy kong pinalaki ang pangkat ko, at patuloy ring lumago ang benta ko. Pagsapit ng Hunyo, naging store manager na rin ako, at ang arawang kita ko ay halos umabot na sa 2,000 yuan. Noong Hulyo, nagbukas ako ng isa pang branch. Naging mas abala ang negosyo kaysa dati, at mas malaki na rin ang kinikita ko kaysa noon.
Noong Agosto 2023, inihalal ako ng mga kapatid bilang isang diyakono ng pagdidilig. Para hindi maapektuhan ang mga tungkulin ko, palagi kong ginagawa ang mga tungkulin ko sa araw at inaasikaso ang mga online store sa gabi pagkauwi. Minsan kapag huli na akong umuwi, nag-o-overtime ako para asikasuhin ang mga bagay-bagay, at madalas, may mga tawag o pulong pa rin ako ng ika-isa o ika-dalawa ng umaga. Madalas, sa sobrang abala, wala na akong oras para kumain. Napakabilis, sa loob lang ng tatlong buwan, nakapagbukas ako ng walong tindahan, at nakamit ko ang mahigit 2 milyong benta. Pero dahil sa palaging pagpupuyat, madalas akong sumasakit ang ulo at pagod na pagod sa umaga, hilo at walang anumang sigla. Lubha nitong naapektuhan ang kalagayan ng paggawa ko ng mga tungkulin ko. Wala sa loob ko ang mga pagtitipon, at hindi ko matukoy ang mga problema o malutas ang mga paghihirap ng mga kapatid. Pagkauwing-pagkauwi ko, may mga isyung naghihintay sa akin sa mga online store, at pagod na pagod ako. Pero para kumita, wala akong lakas na kumawala, na para bang may humihila sa akin pabalik. Kaya tinanong ko ang hipag ko, “Kailan ako kikita ng 500,000 at hindi ko na kakailanganing pamahalaan ang mga online store?” Sumagot siya, “Kapag umabot sa 5 milyon ang benta ng pangkat mo, puwede ka nang umalis sa industriyang ito at tumigil sa pamamahala ng mga tindahan. Sa panahong iyon, sapat na ang kinita mo para umabot ng 500,000.” Nang marinig ko ito, parang umikot ang ulo ko, at bigla kong napagtanto na naloko ako. Akala ko tatlong buwan lang ang aabutin para kumita ng 500,000, at sa panahong iyon, kumita na sana ako at hindi naantala ang mga tungkulin ko. Hindi ko inaasahan na may kondisyon pa palang 5-milyong-yuan na benta ng pangkat. Kailan ako makakaabot ng 5 milyon at makakalaya? Napakalayo ng numerong ito, at pakiramdam ko ay kinokontrol ako. Sa sobrang pag-aalala, hindi na ako makakain o makatulog. Noong panahong iyon, kumikita ako ng mahigit 8,000 yuan kada araw, pero hindi ako masaya kahit kaunti. Napagtanto kong naligaw ako ng landas, at labis akong nagdurusa, kaya nanalangin ako, “Diyos ko, alam ko na ngayon na nahulog ako sa alimpuyo ng pera. Akala ko isa lang itong maliit na negosyo na ilang libong yuan lang, at hindi ko inaasahan na magiging isa itong mabigat na tanikala na gumagapos sa akin ngayon. Paano ako makakawala rito? Diyos ko, tulungan at gabayan Mo po ako.” Pagkatapos manalangin, nagpasya akong huwag nang kitain ang 500,000. Tinawagan ko ang hipag ko at ipinaliwanag ang aking desisyon. Nakita ng hipag ko na desidido ako kaya pumayag na lang siya. Hindi nagtagal pagkatapos kong umalis, isang araw, bigla akong nakatanggap ng balita na ang online store business na ito ay isa palang bagong uri ng scam na sikat sa internet. Ito ay para hayaan muna silang kumita ng pera, at pagkatapos, kapag nagpabaya na sila, itatakbo ng mga scammer ang lahat ng ipinuhunan na pera. Sa wakas ay napagtanto kong naloko ako. Natulala ako, at parang nawala ang lahat ng lakas sa katawan ko, dahil hindi na mabawi ng mga taong ipinasok ko ang kanilang pera. Para palakihin ang pangkat, nangako ako sa bawat isa na sasagutin ko ang anumang malulugi, at ngayon na bumagsak na ang mga online store, lahat ng ipinasok ko ay nagsimulang maningil sa akin. Ganoon na nga, nasangkot ako sa isang scam dahil sa kasakiman ko sa pera. Sa pagharap sa daan-daang libong bayarin, hindi ko alam ang gagawin. Sa loob ng isang buong linggo, kinuyog ako ng mga banta, pang-aabuso, at mga interogasyon, at walang tigil ang mga tawag at mensahe na naniningil ng pera. Sa sobrang takot, hindi ko man lang magawang tingnan ang telepono ko, at wala akong ideya kung paano haharapin ang lahat ng ito. Puno ng hinaing at paghihirap ang puso ko, at umabot ang sakit sa punto na naisip ko pa ngang tumalon mula sa isang gusali para tapusin na ang lahat. Naisip ko na kahit naloko ako, hindi ko matatakasan ang mga kahihinatnan, at sa huli, nagbayad ako ng halos 200,000 yuan bilang kabayaran. Pumayat ako ng mga pitong kilo sa loob ng isang linggo. Sa pighati at kawalan ko ng pag-asa, lumuhod ako sa harap ng Diyos sa panalangin at tumutulo ang luha ng dalamhati, “Diyos ko, nagkamali po ako. Alam ko pong sinira ako ng aking ambisyon at mga pagnanais, at sa sitwasyong ito, labis po akong nagdurusa, pero alam kong nangyari ang mga ito sa akin dahil sa Iyong pahintulot. Pakiusap, gabayan Mo po ako na maunawaan ang Iyong layunin.” Pagkatapos manalangin, unti-unting kumalma ang puso ko, at naging handa na akong hanapin ang katotohanan.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang naglalakad-lakad sila nang hakbang-hakbang, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo.’ Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng tahimik na pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Ano ito? Ito ay pagsamba sa pera. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Ginagamit ni Satanas ang pera upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa pera at sambahin ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa pera? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang pera, na ang kahit isang araw na walang pera ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming pera ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para makakuha ng pera? Hindi ba’t ang maraming tao ay nawawalan ng kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming pera? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sumusunod sa Diyos para lamang sa pera? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, lubos na nahuhulog ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay naipapamuhay ang kasabihang ito nang hindi mo namamalayan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang hangarin ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang labanan ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, gaano man kalalim at kadakila ang pagmamahal ng Diyos sa iyo, sa abot ng makakaya mong maunawaan ito, mapagmatigas mo pa ring ipipilit ang sarili mong landas at babayaran ang halaga para sa kasabihang ito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na si Satanas ang nagtanim ng maraming maling kaisipan at ideya sa mga tao, na nagiging sanhi para sambahin ng mga tao ang pera, kasikatan, pakinabang, at materyal na mga pagnanais, para walang ibang atupagin kundi ang paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang, at para hindi magawang makalapit sa Diyos para hangarin ang katotohanan at tanggapin ang Kanyang kaligtasan. Namumuhay ako ayon sa mga lason na itinanim ni Satanas, tulad ng “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno.” Inakala kong pera ang sagot sa lahat, na hindi mabubuhay ang isang tao kung wala nito, at kung may pera ang isang tao, magiging kagalang-galang ang kanyang katayuan, at hindi na mangangahas ang iba na siya ay maliitin o kutyain. Noong bata ako, kinukutya ako dahil mahirap ang pamilya ko, kaya gusto kong yumaman at mamuhay nang masagana, para hangaan ako ng iba. Para kumita, sinubukan ko ang lahat ng paraan, at huminto pa ako sa pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kahit na iabot sa akin ng nanay ko ang aklat ng mga salita ng Diyos, walang pasensya ko itong itinutulak. Pagkatapos magbukas ng paaralan ng sining, palagi kong iniisip kung paano ito maisusulong at makakakuha ng mas maraming estudyante para kumita ng mas maraming pera. Araw-araw, laging balisa ang isip ko, at pagod na pagod hanggang sa punto ng hindi makatulog at pananakit ng ulo. Sa huli, dahil sa pandemya, nagsara ang lahat, at saka lang ako bumalik sa presensya ng Diyos. Kalaunan, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, bagama’t napagtanto ko na ang kapalaran ko at kung gaano karaming yaman ang tataglayin ko sa buhay na ito ay nasa mga kamay lahat ng Diyos at hindi nakasalalay sa mga pagsisikap at plano ko. Pero dahil napakatindi ng pagnanais ko para sa pera, kasikatan, at pakinabang, hindi ko nakilala ang masasamang paraan na ginagamit ni Satanas para saktan ang mga tao. Kaya nang muli akong maakit ng pera, para kumita ng dagdag na 500,000 yuan para makabili ng isang mamahaling kotse at makuha ang paghanga at inggit ng mas maraming tao, naligaw ako ng landas at nasilo sa isang online scam, mula sa isang iginagalang na punong-guro, naging manloloko akong nandadaya ng pera ng mga tao. Dahil sa napakalaking bayarin bilang kabayaran at sa walang katapusang pagpuna at masasakit na salita mula sa mga kaibigan at kamag-anak, pakiramdam ko ay para akong basang sisiw. Dumanas ako ng matitinding dagok at paghihirap kapwa sa isip at sa katawan, at naisip ko pa ngang tapusin ang buhay ko para takasan ang lahat. Nakita ko na ang pera, kasikatan, at pakinabang ay parang isang hindi nakikitang lubid na mahigpit na gumagapos sa akin, at namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito, itinuturing ang pagkakamit ng pera, kasikatan, at pakinabang bilang layon ko sa buhay, at dahil doon, nalinlang ako ni Satanas, at labis na nagdusa. Nakita ko na ang paghahangad ng yaman, kasikatan, at pakinabang ay lalo lang magpapahirap sa buhay ko, magiging dahilan para maligaw ako palayo sa Diyos, at mawala sa akin ang pagkakataong maligtas ng Diyos. Naisip ko kung paanong maraming tao, matapos malugi sa negosyo, ang nagkakaroon ng depresyon, at ang ilan, dahil hindi makayanan, ay tumatalon pa sa kanilang kamatayan. Nakita ko na ang paghahangad ng pera ay landas tungo sa pagkawasak. Napakasaya ko na nakasunod ako sa Diyos, para sa ganitong mga pagkakataon, matanggap ko na ang mga ito ay mula sa Diyos at hanapin ang katotohanan; kung hindi, baka isa na rin ako sa mga nagpakamatay. Bagama’t nawalan ako ng pera sa bagay na ito, nakita ko ang masisidhing layunin ng Diyos na iligtas ako. Mula sa kaibuturan ng puso ko, nagpasalamat ako sa Diyos!
Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na igugol mo ang lahat ng iyong lakas para lamang umiral at patuloy na mabuhay. Hindi ka Niya kailangang magkaroon ng magarbong buhay at lumuwalhati sa Kanya sa pamamagitan nito, hindi rin Niya hinihingi sa iyong magsakatuparan ng anumang dakilang gawa sa mundong ito, gumawa ng anumang himala, mag-ambag ng anumang bagay sa sangkatauhan, magbigay ng tulong sa ilan mang tao, o lumutas ng mga problema sa trabaho ng ilan mang tao. Hindi mo kinakailangang magkaroon ng dakilang propesyon, maging tanyag sa buong mundo, at pagkatapos ay gamitin ang mga bagay na ito upang luwalhatiin ang pangalan ng Diyos, ipinapahayag sa mundo na, ‘Isa akong Kristiyano, sumasampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos.’ Umaasa lamang ang Diyos na kaya mong maging isang ordinaryong tao at isang karaniwang tao sa mundong ito. Hindi mo kailangang gumawa ng anumang himala; hindi mo kailangang mangibabaw sa iba’t ibang propesyon o larangan, o maging isang tanyag o dakilang tao. Hindi mo kailangang maging isang taong nakakukuha ng paghanga o paggalang ng mga tao, hindi mo rin kailangang magkaroon ng anumang tagumpay o papuri sa iba’t ibang larangan. Talagang hindi mo kailangang magbigay ng anumang ambag sa iba’t ibang propesyon upang maluwalhati ang Diyos. Ang hinihingi lamang ng Diyos sa iyo ay mabuhay ka nang maayos, magkaroon ka ng mga pangunahing pangangailangan, huwag kang magutom, magbihis ka nang makapal sa taglamig at nang naaangkop sa tag-init. Basta’t normal ang iyong buhay at may kakayahan kang umiral, sapat na iyon—iyon ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Anuman ang mga kaloob, talento, o espesyal na kakayahang taglay mo, hindi ninanais ng Diyos na gamitin mo ang mga iyon upang magkamit ng tagumpay sa mundo. Sa halip, nais Niyang gamitin mo ang anumang kaloob o katangiang taglay mo sa paggawa sa iyong tungkulin, sa kung ano ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, at sa paghahangad sa katotohanan, na sa huli ay makapagtatamo ng kaligtasan. Ito ang pinakamahalagang bagay, at wala nang anumang hinihingi ang Diyos na higit pa roon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (21)). “Ang mga huling araw ay isa ring espesyal na panahon. Sa isang aspekto, maraming aktibidad ang iglesia at komplikado ang mga ito; sa isa pa, sa pagharap sa sandaling ito kung kailan lumalawak ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, mas maraming tao ang kinakailangang maglaan ng kanilang panahon at lakas, mag-ambag ng kanilang mga pagsisikap at tumupad sa kanilang mga tungkulin upang matugunan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang proyekto sa loob ng sambahayan ng Diyos. Samakatuwid, anuman ang iyong hanapbuhay, kung maliban sa pagtugon sa iyong mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay, nakapaglalaan ka ng panahon at lakas upang tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nakikipagtulungan sa iba’t ibang proyekto, sa mga mata ng Diyos, bukod sa kalugod-lugod na ito, lubha rin itong makabuluhan. Karapat-dapat ito sa pag-alala ng Diyos, at siyempre, sulit din para sa mga tao na maglaan at gumugol nang ganito kalaki. Ito ay dahil bagaman isinakripisyo mo ang mga kasiyahan ng laman, ang matatamo mo naman ay ang hindi matutumbasang buhay sa mga salita ng Diyos, isang buhay na walang hanggan, isang hindi matutumbasang kayamanang hindi maipagpapalit sa anumang bagay sa mundo, sa pera o sa anupamang bagay. At ang napakahalagang kayamanang ito, ang bagay na iyong makakamit sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon at lakas, sa pamamagitan ng sarili mong mga pagsisikap at paghahangad: Isa itong espesyal na pabor at isang bagay na pinalad kang matanggap, hindi ba? Ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan na nagiging buhay ng isang tao: Isa itong hindi matutumbasang kayamanan na sulit na ialay ang lahat. … kung, matapos magkaroon ng pagkain at damit, gumugol ka ng sobrang oras at lakas, kumita ng mas maraming pera, nagkaroon ng mas maraming materyal na kasiyahan, at nabigyang-kasiyahan ang iyong laman, subalit sa paggawa niyon, nasira mo naman ang pag-asa para sa sarili mong kaligtasan, walang dudang hindi ito isang mabuting bagay para sa iyo. Dapat kang mabahala at mabalisa rito; dapat mong baguhin ang iyong trabaho at saloobin sa buhay at mga kahilingan patungkol sa kalidad ng pisikal na buhay; dapat mong bitiwan ang mga partikular na pagnanais, plano, at balak para sa buhay sa laman na hindi naaayon sa realidad. Dapat kang magdasal sa Diyos, lumapit sa presensya Niya, at magpasyang tuparin ang sarili mong tungkulin, ibinubuhos ang iyong isipan at katawan sa iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, nagsisikap upang sa hinaharap, sa araw na matapos na ang gawain ng Diyos, kapag sinisiyasat ng Diyos ang gawain ng iba’t ibang uri ng tao, at sinusukat ang mga tayog ng iba’t ibang uri ng tao, magiging bahagi ka nila. Kapag natupad na ang dakilang gawain ng Diyos, kapag lumaganap na sa buong sansinukob ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, kapag nasiwalat na ang nakagagalak na tagpong ito, naroon ang iyong pagpapagal, paglalaan, at sakripisyo. Kapag tumanggap ang Diyos ng kaluwalhatian, kapag napalawak ang Kanyang gawain sa buong sansinukob, kapag ipinagbubunyi na ng lahat ang matagumpay na katuparan ng dakilang gawain ng Diyos, sa pagsisiwalat sa sandaling iyon ng kagalakan, magkakaroon ka ng kaugnayan sa kagalakang ito. Magiging kabahagi ka sa kagalakang ito, hindi ang taong tatangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin, maghihinagpis at magsisisi habang ang lahat ay naghihiyawan at naglulundagan sa galak, hindi ang taong tumatanggap ng kaparusahan, na lubusang pupungusan at ititiwalag ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (20)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi kailangan ng Diyos na maging sikat o dakila ang mga tao para luwalhatiin Siya o magpatotoo para sa Kanya. Umaasa lang ang Diyos na basta’t may damit at pagkain ang mga tao, maglalaan sila ng mas maraming oras sa paghahangad sa katotohanan, paggawa nang maayos ng kanilang mga tungkulin, at sa kanilang kaligtasan. Naisip ko kung paanong may talento ako sa musika mula pa noong bata ako. Pagka-graduate ko, kumikita ako sa paghahanp-buhay na gamit ang talento ko, at sa buhay ko, hindi lang ako may damit at pagkain, kundi may ilang sobra pa nga. Gayumpaman, hindi ako nakuntento roon, at sa halip na ilaan ang mas maraming oras at lakas sa pagtupad ng aking mga tungkulin at sa paghahangad sa katotohanan, gusto kong kumita ng mas maraming pera at makuha ang paghanga ng mas maraming tao. Inakala ko na ang pagkita ng pera at pamumukod-tangi sa iba ay mas mahalaga kaysa sa anupaman. Sa pagbabalik-tanaw, bago ko nakilala ang Diyos, kumita ako ng pera at natamasa ko ang paghanga ng mga tao, pero sa loob-loob ko, hindi ako napanatag, at lalong hindi ako nakaramdam ng tunay na kaligayahan. Araw-araw, bukod sa trabaho, kumakain, umiinom, at nagsasaya lang ako kasama ang mga kaibigan para maibsan ang pagkabagot, at hindi ko talaga maunawaan ang layunin ng buhay o ang kahulugan o halaga nito. Bagama’t nagdulot sa akin ng pansamantalang materyal na kasiyahan ang pera, hindi nito nabago ang kahungkagan sa kaibuturan ko. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang ay humahantong pa rin sa kahungkagan, at wala itong kabuluhan. Sa paghahangad lamang sa katotohanan at pagtupad sa mga tungkulin ng isang nilikha magiging makabuluhan at mahalaga ang buhay. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” (Mateo 16:26). Dati, noong wala akong pera, lagi kong iniisip na kapag nagkapera na ako, makukuntento na ako, pero kahit nagkapera na ako, hungkag pa rin ang pakiramdam ko at walang kabuluhan. Hindi talaga pera ang tunay na kailangan ng mga tao. Tulad ng isang tao mula sa aming bayan— may malubha siyang karamdaman, pumunta siya sa isang tulay, at itinapon ang lahat ng pera niya, at pagkatapos ay tumalon siya sa ilog para tapusin ang lahat. Kapag nahaharap sa karamdaman at kamatayan, gaano man karami ang pera, kasikatan, at pakinabang na mayroon ka, o gaano man karaming tao ang humahanga sa iyo, lubos itong walang silbi. Hindi nabibili ng mga bagay na ito ang buhay, at ang hindi pagsunod sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, o pagtupad sa mga tungkulin ay hahantong lang sa kahungkagan sa huli. Nasa huling yugto na ngayon ang gawain ng Diyos, at nauubos na ang mga pagkakataon at oras para hangarin ang katotohanan. Dapat kong samantalahin ang aking oras, mas kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at tuparin ang mga tungkulin ko bilang isang nilikha. Ito ang pinakamakabuluhan. Naisip ko ang asawa ni Lot. Iniligtas siya ng mga anghel at nakatakas na siya sa lungsod ng Sodom, pero dahil hindi niya mabitawan ang kanyang mga ari-arian at yaman, lumingon siya at naging isang haliging asin, na naging simbolo ng kahihiyan. Nasa huling bahagi na tayo ngayon ng ating landas, at dapat akong matuto mula sa asawa ni Lot. Kailangan kong bitawan ang paghahangad ng yaman, kasikatan, at pakinabang, at gawin nang maayos ang aking mga tungkulin at hangarin ang katotohanan. Ito ang pinakamakabuluhang buhay na sinasang-ayunan ng Diyos.
Ginagawa ko na ngayon ang tungkulin ng isang lider sa iglesia. Upang magkaroon ng mas maraming oras at lakas para sangkapan ang sarili ko ng katotohanan at tuparin ang aking mga tungkulin, mga isang dosenang estudyante na lang ang itinira ko, at nagtatrabaho ako ng anim na oras sa isang linggo para matustusan ang aking pang-araw-araw na gastusin. Ginugugol ko ang halos lahat ng oras ko sa paggawa ng aking mga tungkulin. Sa pamamagitan ng paggawa ng aking mga tungkulin, natutuhan ko kung paano makisalamuha nang tama sa iba, kung paano tratuhin ang atas ng Diyos at gawin ang aking mga tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at kung paano makilala ang aking mga tiwaling disposisyon, at iba pa. Ngayon, araw-araw akong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at ginagawa ang aking mga tungkulin. Hindi na ako ginagapos at pinipinsala ng pera, kasikatan, at pakinabang, at magaan at panatag ang pakiramdam ko sa puso ko. Salamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin!