71. Kung Paano Ko Pinakawalan ang Pag-aalala sa Pagkakasakit

Ni Wu Fan, Tsina

Noong Marso 1997, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Matapos manampalataya sa Panginoon nang maraming taon, nag-uumapaw sa kagalakan ang puso ko na sa wakas ay masasalubong ko ang Kanyang pagbabalik. Lalo na nang mapagtanto kong nagbalik na ang Diyos sa mga huling araw para ipahayag ang katotohanan at lubusang dalisayin at iligtas tayo, para palayain tayo sa kasalanan, at na malapit nang matupad ang mga pag-asa nating maligtas at makapasok sa kaharian ng langit, sinimulan kong talikuran ang pamilya at karera ko para gampanan ang aking tungkulin. Sa panahong ito, ang mga problema ko sa sikmura at pananakit ng ibabang bahagi ng likod na bumagabag sa akin nang maraming taon ay gumaling nang hindi ko man lang namamalayan, at mas lalo pa akong ginanahan na gawin ang tungkulin ko. Kalaunan, inaresto ako ng pulisya habang ginagawa ang tungkulin ko. Pinahirapan ako ng mga pulis hanggang malagay ako sa bingit ng kamatayan. Nagkaroon ako ng problema sa puso, at kailangan kong iwasan ang anumang matinding emosyon. Kapag nakakarinig ako ng biglaang ingay, hindi kinakaya ng puso ko at agad akong natataranta sa takot. Pagkatapos kong makalaya, gaano man kamapanganib ang sitwasyon, palagi akong nagpipilit sa tungkulin ko. Pagsapit ng Hunyo 2017, nagsimulang magkaproblema ang kalusugan ko. Una, naninikip ang dibdib ko, kinakapos ako ng hininga, at nanghihina ang buong katawan ko. Pagkatapos lang maligo, pagod na pagod na ako kaya kailangan kong humiga sandali para makabawi. Parang nilalagnat ang likod ng ulo ko, at parang ang bigat-bigat para iangat. Namaga rin nang husto ang mga binti ko, at kapag pinipindot ko, nag-iiwan ito ng bakat, at sa gabi, may sinat din ako. Kalaunan, lumala nang lumala ang kalusugan ko. Namanhid ang kalahati ng katawan ko at ni hindi ako mapalkali sa pag-upo. Minsan, umaatake ang cervical spondylosis ko, at ang pagkakaipit sa ugat ay nagdudulot ng paninigas ng leeg, hindi sapat na suplay ng dugo sa utak, at pagkahilo ko. Hindi ko man lang maiangat ang isang bote ng tubig, at kahit sa pagbahing lang ay pinagpapawisan na ako nang husto. Nagpunta ako sa ospital para magpa-checkup at seryosong sinabi sa akin ng doktor, “Ang iyong systolic blood pressure ay umabot na sa 180 mmHg, at ang iyong diastolic blood pressure ay nasa 115 mmHg. Ang heart rate mo ay 128 bpm. Napakadelikado nito. Kung madadapa ka, puwede kang mamatay agad, at kahit hindi ka mamatay, ang pagputok ng mga ugat ay maaaring magdulot ng malulubhang epekto at humantong sa pagkaparalisa ng kalahati ng iyong katawan!” Nang marinig ko ang sinabi ng doktor, agad kong naalala ang tatay ko. Namatay siya dahil sa biglaang stroke na dulot ng altapresyon sa kaparehong edad ko. Na-stroke din ang biyenan kong babae at naparalisa ang kalahati ng katawan niya. Hindi niya maalagaan ang sarili niya at namatay siya pagkatapos ng ilang taong pagkakaratay. Medyo kinabahan ako, at naisip ko, “Paano ako nagkaroon ng ganito kalubhang sakit? Singkuwenta anyos na ako; mamamatay din kaya ako sa biglaang stroke tulad ng tatay at biyenan ko?” Pero bigla kong naisip, “Hindi sila nananampalataya sa Diyos at wala silang proteksyon Niya. Isa akong mananampalataya, kaya hindi hahayaan ng Diyos na mamatay ako kung hindi ko pa natatapos ang tungkulin ko. Babantayan at poprotektahan Niya ako.” Kalaunan, sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot at pag-eehersisyo, unti-unting bumuti ang kalusugan ko. Halos kontrolado ko na ang presyon ng dugo ko, pero medyo mabilis pa rin ang tibok ng puso ko.

Noong kalagitnaan ng 2022, naglunsad ang CCP ng malawakang operasyon ng pagdakip sa mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at sa lugar namin, mahigit 30 lider, manggagawa, at mga kapatid ang inaresto. Naparalisa ang lahat ng gawain ng iglesia. Isang araw, pinuntahan ako ng nakatataas na lider na si Sister Xin Yi, at sinabi niyang inihalal ako ng mga kapatid para maging isang mangangaral. Naisip ko, “Hindi puwedeng masyadong mabigla ang puso ko, at may altapresyon na ako. Palala na nang palala ang kalusugan ko. Sa paglipas ng mga taon, dati na akong gumagawa ng tungkuling may iisang gampanin, at medyo magaan lang ang trabaho, kaya kinaya ng katawan ko. Kung aakuin ko ang tungkulin ng isang mangangaral, magiging mabigat ang trabaho. Bukod pa rito, kamakailan lang ay tinamaan ang iglesia ng malawakang serye ng mga pag-aresto, kaya marami pang gawain ang kailangang tapusin. Magkakaroon ako ng alalahanin at magbabayad ng halaga, at tiyak na hindi ko maiiwasang magpuyat. Sabi ng doktor, may sakit ako sa puso at altapresyon at kailangan kong mas magpahinga, kaya kung madalas akong magpupuyat, lalala ang kondisyon ko. Paano kung isang araw ay bigla akong ma-stroke at mamatay tulad ng tatay ko? Kung gayon, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng taon ng pagtalikod at paggugol ko? Kahit hindi ako mamatay, kung magkakaroon ako ng malulubhang epekto, maiiwan akong nakaratay sa kama at paralisado ang kalahating katawan tulad ng biyenan ko, at hindi ko magagawa ang tungkulin ko, hindi ba’t mawawala pa rin sa akin ang pagkakataong maligtas at makapasok sa kaharian?” Sa pag-iisip sa mga kahihinatnan na ito, nakahanap ako ng mga dahilan para iwasan ang tungkulin ko, sinasabing, “Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at hindi ako makagawa ng tunay na gawain. May altapresyon din ako at sakit sa puso, kaya hindi ako angkop para sa tungkuling ito. Humanap ka na lang ng iba.” Nang makitang patuloy kong iniiwasan ang tungkulin, matiyagang nakipagbahaginan sa akin si Xin Yi, sinasabing hindi siya makahanap agad ng sinumang angkop. Nabagabag ang konsensiya ko nang marinig ito. Naisip ko na kahit hindi masyadong maganda ang kalusugan ko, hindi naman ito ganoon kalala para hindi ko magawa ang tungkulin ko, at basta’t umiinom ako ng gamot sa tamang oras, inaayos ang iskedyul ko, at nag-eehersisyo nang tama, makakagawa pa rin ako ng ilang gawain. Sa pagkakaaresto ng mga lider at manggagawa, at kawalan ng angkop na tao para gawin ang gawain ng iglesia, sa kritikal na sandaling ito, hindi ko isinaalang-alang ang layunin ng Diyos. Talagang napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Kaya tinanggap ko ang tungkuling ito. Dahil sa napakaseryosong sitwasyon, hindi kami makapunta sa iglesia para gumawa, at halos lahat ng gawain ay kailangang ipatupad at kumustahin sa pamamagitan ng mga sulat. Sa kabutihang-palad, may nakakatulong akong kapatid, si Brother Su Ming. Bata siya at may mahusay na kakayahan, at siya lang ang responsable sa maraming gampanin. Pangunahin kong responsabilidad ang gawaing nakabatay sa teksto, kaya naging mas magaan ito para sa akin. Isa pa, kapag umiinom ako ng gamot sa tamang oras, nakokontrol ang sakit ko sa puso at altapresyon ko, at unti-unti na akong nasanay sa tungkuling ito.

Isang araw noong Hulyo 2024, nagpadala ng sulat ang mga nakatataas na lider na nagsasabing gusto nilang italaga sa ibang tungkulin si Su Ming sa ibang lugar. Nang mabasa ko ang sulat, parang umugong ang ulo ko. Naisip ko, “Kung ililipat si Su Ming, paano ko haharapin ang lahat ng paparating na gawain? Matanda na ako at limitado ang mga kapabilidad ko sa gawain. Hindi ba’t ang pagtatalaga kay Su Ming sa ibang lugar ay naglalagay sa akin sa alanganin?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Tiyak na ginawa ng mga nakatataas na lider ang pagsasaayos na ito dahil sa pagsasaalang-alang sa pangkalahatang gawain ng iglesia. Nakaayon ito sa mga prinsipyo.” Gayumpaman, nababahala pa rin ako sa pagdami ng gawain ko pag-alis ni Su Ming. Gaano karaming pag-aalala at gaano karaming lakas ang kakailanganin kong gugulin? May altapresyon at sakit ako sa puso, paano kung dahil sa pagpupuyat ay pumutok ang ugat ko at mamatay ako sa stroke? Hindi ba’t doon na magtatapos ang paglalakbay ko sa pananampalataya sa Diyos? Kahit mabuhay ako, kung magkakaroon ako ng malulubhang epekto, hindi ko pa rin magagawa ang tungkulin ko. Hindi ba’t matitiwalag din ako? Sa sobrang pagkabalisa, hindi ako makakain o makatulog. Sa mga araw pagkatapos umalis ni Su Ming, maraming gawain ang kailangang kumustahin at ipatupad, at lumalaban ang kalooban ko habang ginagawa ang gawain ko. Dagdag pa, dahil sa init ng panahon, kinakapos ako ng hininga at medyo nahihilo. Kakahiga ko pa lang para magpahinga sandali, naramdaman kong bumilis ang tibok ng puso ko at parang umiikot ang aking paligid. Agad akong bumangon at sumandal sa kama, sa sobrang sama ng pakiramdam ko ay parang masusuka ako. Sumagi sa isip ko ang pagkamatay ng tatay ko, at lalo akong nag-alala na baka lumala ang kondisyon ko, at takot na takot akong biglang ma-stroke at biglang mamatay. Pagkatapos niyon, sa tuwing sumasama ang pakiramdam ko, nababagabag ako at nababalisa, palaging nag-aalala na baka lumala ang sakit ko. Lalo na kapag naiisip ko na may rekord ako sa pulis at tinutugis pa rin nila ako, kung atakihin ako ng sakit ko, hindi ako makakapunta sa doktor. Ano na lang ang gagawin ko? Minsan, nalalaman kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid, at bumababa ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto, at gusto ko sanang sumulat para makipagbahaginan sa kanila, pero naiisip kong mangangailangan ito ng oras at pag-iisip, at nangangahulugan itong mapupuyat ako, kung madalas akong magpupuyat, hindi magtatagal ay tutumba na lang ako dahil sa pagod. Kaya napagpasyahan kong mas mahalagang protektahan ang kalusugan ko. Kung tutumba ako dahil sa pagod, hindi ko na magagawa kahit ang tungkuling may iisang gampanin. Hindi ba’t matitiwalag ako noon? Kaya kapag nakikita kong natatambak ang mga sulat para sa gawain, hindi ako nagmamadaling asikasuhin ang mga ito. Alam ng mga lider na hindi maganda ang kalagayan ko kaya sinulatan nila ako. Nagpadala rin sila ng mga salita ng Diyos para tulungan ako. Nanalangin din ako sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya akong matuto ng aral mula sa bagay na ito.

Isang araw, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nauugnay sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa pagganap sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? Kung mayroon, may sinuman ba na magbibigay ng kongkretong paraan ng pagharap dito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong may mahinang kalusugan at hindi maayos na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko. May ganito akong karamdaman at hinihiling ko sa Diyos na protektahan ako. Kapag nariyan ang proteksiyon ng Diyos, hindi ko kailangang matakot, ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?’ May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manampalataya sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, poprotektahan ako ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Ang isiniwalat ng mga salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Namumuhay ako sa kalagayan ng pagkasira ng loob na pagkabalisa sa sakit ko. Nang ihalal ako ng mga kapatid bilang isang mangangaral, nag-alala ako na magiging abala at nakakapagod sa isipan ang gawain, na makakasama sa kalusugan ko, kaya patuloy kong iniiwasan ang tungkulin ko. Kahit na tinanggap ko ito kalaunan, nang ilipat ng mga nakatataas na lider si Su Ming at dumami ang gawain, nakaramdam ako ng paglaban. Nag-alala ako na masyadong nakakapagod ang tungkulin ko, at paano kung lumala ang sakit ko at hindi ko na magawa ang tungkulin ko—at dahil doon ay hindi ako maligtas. Bukod pa rito, may rekord ako sa pulis at tinutugis nila ako, kaya kung lumubha ang sakit ko at hindi ako makapunta sa ospital, ano ang mangyayari kung mamamatay ako? Ganap na napuno ang isip ko ng aking karamdaman. Bagama’t tila ginagawa ko ang aking tungkulin, hindi na kasing-positibo ng dati ang saloobin ko, at nang makita kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid at bumababa ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto, hindi ako sumulat para kumustahin o lutasin ito, sa halip, ginawa ko ang tungkulin ko nang pabaya. Hindi ako nanalangin para hanapin ang layunin ng Diyos tungkol sa aking karamdaman, kundi palaging labis na nag-aalala tungkol sa mga pakinabang o kawalan na kaugnay ng kinabukasan at hantungan ko. Namuhay ako sa pagkabagabag at pagkabalisa, hindi nakahanap ng anumang ginhawa, at hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko. Napagtanto kong hindi talaga ako naghahangad ng katotohanan.

Sa aking paghahanap, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa kanilang pananampalataya, nais lamang ng mga anticristo na mapagpala, at ayaw nilang magdusa ng paghihirap. Kapag nakikita nilang pinagpala ang isang tao, nakinabang, nabiyayaan, at nakatanggap ng higit pang materyal na kasiyahan, malalaking bentaha, naniniwala silang ito ay ginawa ng Diyos; at kung hindi sila nakakatanggap ng gayong mga materyal na pagpapala, kung gayon ay hindi ito gawa ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay, ‘Kung talagang ikaw ay diyos, puwede mo lang pagpalain ang mga tao; dapat mong iiwas ang mga tao sa paghihirap at hindi sila hayaang magdusa. Sa gayon lamang magkakaroon ng halaga at saysay ang pananampalataya ng mga tao sa iyo. Kung, pagkatapos sumunod sa iyo, patuloy pa ring nakakaranas ng paghihirap ang mga tao, kung patuloy silang nagdurusa, ano pa ang saysay na manampalataya sa iyo?’ Hindi nila kinikilala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. At bakit hindi nila ito kinikilala? Dahil natatakot ang mga anticristo na magdusa ng paghihirap. Gusto lamang nilang makinabang, magsamantala, magtamasa ng mga pagpapala; ayaw nilang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan o pamamatnugot ng Diyos, kundi gusto lamang nilang makatanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Ito ang makasarili at kasuklam-suklam na pananaw ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaanim na Bahagi)). “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag deboto sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Isinisiwalat ng Diyos na namumuhay ang mga anticristo ayon sa satanikong panuntunan na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Naniniwala sila na dapat silang tumanggap ng mga pagpapala at pakinabang dahil sa pananampalataya sa Diyos. Kapag may mapapakinabangan o may mga pagpapalang makakamit, tatalikuran at gugugulin nila ang kanilang sarili, pero sa sandaling isipin nilang hindi sila makakatamo ng anumang pagpapala o pakinabang at sa halip ay kailangang magdusa ng hirap at kasawian, ayaw na nilang gugulin ang kanilang sarili, at iniisip pa nga nilang walang kabuluhan ang manampalataya sa Diyos. Nakita ko na ang disposisyong ipinakita ko ay kapareho ng sa isang anticristo. Mula nang matagpuan ko ang Panginoon, hinahangad ko nang magkamit ng mga pagpapala at makapunta sa langit. Matapos kong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nang makita kong malapit nang matupad ang mga inaasahan kong pagpalain at papasukin sa kaharian ng langit, iniwan ko ang lahat para gawin ang tungkulin ko. Sa panahong ito, gumaling ang sakit ko sa sikmura at ibababang bahagi ng likod ko na maraming taon ko na pinagdurusahan, at muling dumoble ang gana ko sa paggawa ng tungkulin. Kahit na inaresto at pinahirapan ako, nagpauloy pa rin akong gawin ang tungkulin ko pagkatapos kong makalaya. Pero habang tumatanda ako, nagkaroon ako ng altapresyon at sakit sa puso, at nagsimula akong mag-alala na baka bigla akong ma-stroke at mamatay o maparalisa ang kalahating katawan, at mawala ang pagkakataon kong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Kaya ginusto kong gampanan ang isang mas magaan na tungkulin. Nang ilipat ang katuwang ko noon na si Su Ming, biglang dumami ang gawain ko, at nabahala ako na kung masyado akong mag-aalala at mapapagod, lalala ang kondisyon ko. Kaya nang malaman kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid, hindi ako nagmadaling lutasin ang mga problema nila, ni hindi ako nagmadaling ipatupad ang gawaing kailangang ipatupad. Kahit na may ginagawa akong kaunting trabaho, ginagawa ko iyon nang may paglaban sa kalooban, nag-aalala na magkakaproblema ako sa kalusugan ko. Sa katunayan, ang paglipat ni Su Ming para gawin ang kanyang tungkulin sa ibang lugar ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Ang sinumang may konsensiya at katwiran ay bibitiwam ang kanyang personal na interes at uunahin ang interes ng iglesia, tatanggapin at magpapasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia, pero para sa sarili kong interes, ayaw kong paalisin si Su Ming at ginusto ko pang labanan ang desisyon ng mga nakatataas na lider italaga siya sa ibang tungkulin. Inakala kong pinahihirapan ako ng mga lider, at desperado akong umasa na babaguhin nila ang kanilang isip at hindi paalisin si Su Ming. Napagtanto kong namumuhay ako ayon sa satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” na lahat ng ginawa ko ay para sa sarili kong kapakanan, at wala talaga akong pakialam sa gawain ng iglesia. Talagang naging napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Dahil dito, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang Diyos ay kataas-taasan magpakailanman at kagalang-galang magpakailanman, samantalang ang tao ay napakababa magpakailanman at walang halaga magpakailanman. Ito ay sapagkat ang Diyos ay inilalaan at iginugugol ang sarili Niya Mismo para sa sangkatauhan magpakailanman, samantalang ang tao ay nanghihingi at nagsisikap para sa sarili niya magpakailanman. Ang Diyos ay nagpapakahirap magpakailanman para manatiling buhay ang sangkatauhan, gayumpaman, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay alang-alang sa katarungan o liwanag, at kahit na pansamantalang magsikap ang tao, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Makasarili ang tao magpakailanman, samantalang ang Diyos ay walang pag-iimbot magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ang siyang pumapalit at nagpapahayag ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang diwa ng katarungan at kagandahan, gayumpaman, ang tao ay maaaring ipagkanulo ang katarungan at lumayo sa Diyos sa anumang oras at sa anumang lugar(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Ang diwa ng Diyos ay di-makasarili, at lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa sangkatauhan. Para mabuhay ang sangkatauhan sa lupa, nilikha ng Diyos ang mga kailangan ng tao para mabuhay—ang hangin, sikat ng araw, ulan, araw, buwan, at mga bituin, pati na ang lahat ng prutas at gulay, at iba pa. Para iligtas ang sangkatauhan, Siya ay nagkatawang-tao para pasanin ang ating mga kasalanan, at Siya ay ipinako sa krus para sa atin. Sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao at pumarito sa lupa ang Diyos para lubusang iligtas ang sangkatauhan, ipinahahayag ang lahat ng katotohanan para sa ating kaligtasan at pagdadalisay. Kahit na hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at Siya ay itinatanggi at itinatakwil ng mga ito, tahimik pa ring isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao, at patuloy pa rin Siyang nagpapahayag ng katotohanan para tustusan ang mga tao. Nakita kong tunay na napakaganda at napakabuti ng diwa ng Diyos, at Siya ay di-makasarili! Ako, sa kabilang banda, ay palaging namumuhay ayon sa mga satanikong kaisipan at ideya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Huwag tumulong kung walang gantimpala.” Kahit na tumalikod, gumugol, nagdusa, at nagbayad ako ng halaga nang bahagya sa aking tungkulin, lahat ng iyon ay para makamit ko ang mga pagpapala at biyaya. Nang humina ang kalusugan ko at nagkasakit, nagsimula akong maging mapili sa aking tungkulin at hindi ko na ibinubuhos ang aking buong lakas. Iniisip ko ang sarili ko sa bawat pagkakataon, nag-aalala sa aking kinabukasan, at hindi ko ibinibigay ang lahat ng aking makakaya. Nang makita kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid at naaapektuhan nito ang kanilang mga tungkulin, hindi ako nag-isip ng paraan para lutasin ito, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Nakita ko na makasarili ang aking kalikasan at lahat ng aking ginawa at ikinilos ay para sa sarili kong kapakanan. Dati, akala ko ay magaling ako, dahil sa mga taon ko ng pananampalataya sa Diyos, iniwan ko ang aking pamilya at karera para gawin ang aking tungkulin, at kahit na inaresto, inusig, at pinahirapan ako ng CCP, patuloy pa rin akong nangaral ng ebanghelyo at ginawa ang tungkulin ko pagkatapos kong makalaya. Pakiramdam ko ay medyo nagbago na ako at medyo tapat na sa Diyos. Kung hindi dahil sa sakit na ito, hindi ko kailanman mauunawaan ang mga karumihan sa aking pananalig. Ngayon, tunay kong naranasan ang mga salita ng Diyos: “Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at ang Kanyang mabubuting layunin ay tiyak na nakapaloob dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Sa likod pala ng karamdaman ay naroon ang pag-ibig at mabuting layunin ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang karamdaman para linisin at baguhin ang iwaling disposisyon ko, na nagtulak sa akin na bitiwan ang aking mga di-makatwirang hiling sa Diyos at abandonahin ang mararangya kong pagnanais. Ito ang layunin at masidhing papangangalaga ng Diyos! Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng hiya at pagsisisi, at kinamuhian ko ang aking sarili sa pagiging napakamakasarili at kasuklam-suklam. Lihim akong nagpasya sa aking sarili na titiyakin kong gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin.

Pagkatapos niyon, hinanap at pinagnilayan ko kung paano haharapin nang tama ang kamatayan. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay nila, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, may iba’t ibang kalikasan ang kamatayan. Isa rito ay, sa oras na pauna nang inorden ng Diyos, nakumpleto na ng mga tao ang sarili nilang mga misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang kanilang pisikal na buhay, kaya nagwawakas na ang kanilang pisikal na buhay, bagama’t hindi ito nangangahulugang tapos na ang kanilang buhay. Kapag ang isang tao ay wala nang laman, tapos na ang kanyang buhay—ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang anyo ng pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagrerebelde, pagsalungat, at pagtutol sa katotohanan, at pagdating ng oras ng katapusan ng iyong pisikal na buhay, sa paanong paraan ka iiral pagkatapos ng kamatayan? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananalig, kung gayon, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy pa rin na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ang depinisyon ng kamatayan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). “Anuman ang usaping kinakaharap ng mga tao, dapat lagi nila itong harapin nang may aktibo at positibong saloobin, at lalo nang mas totoo ito pagdating sa usapin ng kamatayan. Ang pagkakaroon ng aktibo at positibong saloobin ay hindi nangangahulugan ng pagsang-ayon sa kamatayan, paghihintay sa kamatayan, o positibo at aktibong paghahangad sa kamatayan. Kung hindi ito nangangahulugan ng paghahangad sa kamatayan, pagsang-ayon sa kamatayan, o paghihintay sa kamatayan, ano ang ibig sabihin nito? (Pagpapasakop.) Ang pagpapasakop ay isang uri ng saloobin sa usapin ng kamatayan, at ang pagbitiw sa kamatayan at ang hindi pag-iisip dito ang pinakamainam na paraan ng pagharap dito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagtatakda ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan. Hindi natin mapipili ang mga bagay na ito. Kung hindi mo pa oras mamatay, hindi ka mamamatay kahit gustuhin mo pa; kung oras mo nang mamatay, hindi ka na mabubuhay kahit isang araw pa, gaano mo man kagusto. Bilang mga nilikha, dapat nating tanggapin nang may katwiran at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Naisip ko ang isang kasamahan ng asawa ko. Pauwi mula sa trabaho, nakita niya na may naaksidente sa sasakyan at kritikal ang kondisyon. Nakiusyoso siya, at sa huli ay nabangga siya ng isang electric bike, at namatay noon din nang tumama ang ulo niya sa lupa. Isa pa, may isang doktor akong kilala na karaniwang binibigyan ng partikular na atensyon ang kanyang kalusugan at araw-araw na nag-eehersisyo. Napakaganda ng kalusugan niya, pero isang araw nang lumabas siya para mag-ehersisyo, aksidente siyang nabangga ng kotse at namatay noon din. Mula sa mga bagay na ito, makikita natin na walang koneksyon ang kalusugan at haba ng buhay ng isang tao, at kapag dumating na ang oras mo, mamamatay ka gaano ka man kalusog. Kahit may sakit ka, hindi ka mamamatay bago ang iyong oras. Walang sinuman ang makakatakas sa mga batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan na itinakda ng Diyos. Hindi ko maunawaan ang mga bagay na ito, at palagi akong nag-aalala tungkol sa sakit ko sa puso at altapresyon, at sa pagkakaroon ng biglaang stroke isang araw kung hindi ko susundin ang utos ng doktor na magpahinga pa at alagaan ang sarili ko. Kung hindi malala ang stroke, maaari akong maratay sa kama tulad ng biyenan ko at hindi ko maalagaan ang sarili ko, at kung malubha naman, maaari akong mamatay tulad ng tatay ko. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos pero hindi ako naniwala na ang buhay at kamatayan ko ay nasa mga kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sa halip, naniwala ako sa sinabi ng doktor at palaging sinusubukang lutasin ang mga bagay-bagay sa pamamaraan ng tao. Naniwala ako na kung gagawa ako ng isang tungkuling may iisang gampanin lang, mas magpapahinga, at mas kaunti ang gagawin, hindi lalala ang sakit ko, at hindi ako mamamatay hangga’t kontrolado ko ang aking karamdaman. Nakita ko kung gaano ako lubos na naging katawa-tawa! Paano ako nagkaroon ng anumang tunay na pananalig sa Diyos? Ngayon, naunawaan ko na kung itinakda na ng Diyos na tapos na ang buhay ko, mamamatay ako kahit malusog ako at walang sakit. Pero kung hindi pa tapos ang buhay ko, hindi ako mamamatay kahit may altapresyon ako, sakit sa puso, o kahit na kanser pa. Kapag isang araw ay natapos na ang misyon ko, at dumating na ang araw na itinakda ng Diyos para sa akin, dapat ko itong harapin nang positibo, at tanggapin at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pagpapahalaga sa katwiran na dapat kong taglayin. Sa ngayon, responsabilidad kong tuparin nang maayos ang tungkulin ko. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, medyo nagbago ang saloobin ko sa aking tungkulin, at talagang nakilahok ako sa iba’t ibang gampanin ng gawain ng iglesia. Kapag may mga nangyayari, nakikipagtulungan ako sa lahat para pag-usapan ang mga solusyon. Kamakailan, maraming kapatid sa iglesia ang ipinagkanulo ng mga Hudas, maraming tahanan kung saan nakatago ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ang naharap sa mga panganib sa seguridad, at kailangang ilipat ang mga aklat na ito sa isang ligtas na lugar sa lalong madaling panahon. Dahil maraming iba’t ibang bagay ang sangkot dito, kinailangan kong sumulat ng mga liham para makagawa ng mas maraming pakikipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyo sa mga kapatid at paalalahanan sila sa mga bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin. Halos gabi-gabi akong nagpupuyat noong mga araw na iyon. Bukod dito, apurahan ang bagay na ito, at maraming dapat isaalang-alang. Kapag nababalisa ako, at kasama pa ang pagpupuyat, sumasakit ang ulo ko at minsan ay hindi ako makahinga, kaya nag-alala na naman ako na kung magpapatuloy ito, magkakaproblema ang kalusugan ko. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ikaw man ay may karamdaman o dinaranas na sakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay mabuti ang asal mo sa paggampan mo ng iyong tungkulin nang praktikal. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilikha o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas, at naunawaan ko na ang tungkulin ay isang misyon na lubos na natural at nararapat na tuparin ng mga tao. Bilang isang nilikha, ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay na mayroon, at kung hindi ko gagawin ito, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy na mabuhay. Kaya nanalangin ako habang nagsusulat ng mga liham. Tinulungan ako ng brother na katuwang ko na suriin at dagdagan ang mga liham, at isinaayos namin ang lahat nang buong-ingat hangga’t maaari. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagsisikap, ligtas na nailipat ang lahat ng aklat ng mga salita ng Diyos. Nagpasalamat kaming lahat sa Diyos sa aming mga puso, at mas nagkaroon ako ng pananalig na tuparin ang tungkulin ko.

Dahil sa pagkakabunyag sa pamamagitan ng sakit na ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa mga maling pananaw sa aking pananampalataya sa Diyos, mas naunawaan ko nang kaunti ang mga layunin ng Diyos, at, hindi na napipigilan ng sakit at kamatayan, nagawa ko na ang aking tungkulin nang normal. Ang lahat ng ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos! Salamat sa Diyos!

Sinundan: 68. Kung Paano Ko Nalutas ang Aking Pagsisinungaling

Sumunod: 72. Sa Likod ng Paghahangad na Maging Lider

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito