70. Kaya Ko na Ngayong Tratuhin ang mga Tao Ayon sa mga Prinsipyo
Noong Hunyo 2023, nahalal ako bilang isang superbisor ng gawaing nakabatay sa teksto. Sa pakikisalamuha ko sa mga kapatid, nakita kong medyo mahina ang mga kasanayan at kapabilidad nila sa gawain, kaya matiyaga ko silang ginabayan at tinulungan, at nakipagbahaginan ako sa kanila para lutasin ang anumang paghihirap na nararanasan nila. Pero nang naging abala na ang mga bagay-bagay, nawalan ako ng pasensya at nagsimula akong maliitin sila. Noong Hulyo, humarap ang iglesia sa walang habas na pag-aaresto ng CCP. Hindi ko makontak ang marami sa mga manggagawa ng gawaing nakabatay sa teksto, at nagsimulang humina ang mga resulta ng aming gawain. Gusto ng mga kapatid mula sa isang pangkat na talakayin ko sa kanila kung paano isasagawa ang susunod na gawain. Noong panahong iyon, may inaasikaso akong ibang gampanin, kaya saglit akong nakipag-ugnayan sa kanila tungkol sa pangkalahatang direksyon ng paggawa, iniisip na dapat alam na nila kung paano ito ipapatupad. Gayumpaman, sumulat pa rin ang lider ng pangkat, sinasabing may kinakaharap silang mga paghihirap. Sa isip-isip ko, “Noong unang maharap ang iglesia sa mga pag-aaresto, hindi ko rin alam ang gagawin, pero nakahanap ako ng ilang landas sa pamamagitan ng pagdarasal at paghahanap. Bakit hindi ka makahanap ng landas para sa sarili mo? Ang alam mo lang ay magreklamo tungkol sa mga paghihirap. Hindi mo lang talaga pinag-iisipan ang iyong tungkulin; naghihintay ka lang ng nakahandang solusyon. Ikaw ang lider ng pangkat; kapag nagrereklamo ka tungkol sa mga paghihirap, magkakaroon ito ng negatibong epekto sa iba.” Sa isang pagtitipon, sinabi ko nang may tonong mapang-akusa, “Napag-usapan na ba ninyo ang anumang solusyon para sa mga paghihirap na ito? Ano man lang ba ang ginagawa ninyo araw-araw? Bakit hindi kayo sumubok na humanap ng landas para sa sarili ninyo?” Nakita kong mukhang masama ang loob ng sister, at napagtanto kong hindi tama ang tono ko. Pero naisip ko na totoo naman ang sinabi ko, at na sinusubukan ko siyang gabayan na mas umasa sa Diyos kapag nahaharap sa mga paghihirap sa halip na magreklamo lang tungkol sa mga ito. Sinabi ko sa sarili ko na para naman ito sa ikabubuti niya. Minsan, kapag tinatanong ko si Sister Liu, dahil mabilis akong magsalita, hindi siya nakatutugon agad at medyo paligoy-ligoy ang mga sagot niya. Minamaliit ko siya at iniisip, “Hindi mo man lang sinasagot ang tanong ko. Hindi ka ba makasagot nang direkta at diretsa? Bakit kailangan mo pang magpaligoy-ligoy?” Tapos sasabihin ko nang may tonong naninisi, “Huwag kang magpaligoy-ligoy. Sagutin mo lang ang itinatanong sa iyo, kung hindi ay walang makakaunawa sa iyo!” Pagkasabi ko nito, pakiramdam niya ay medyo nalilimitahan siya. Minsan, ibinahagi ni Sister Zhang ang kanyang kalagayan, sinasabing minsan kapag may itinatanong ako sa kanya, hindi niya agad naaarok ang ibig kong sabihin. Kapag hindi diretsahan ang mga sagot niya, pinapagalitan ko siya, at hindi na siya nangangahas na magsalita pa, natatakot na mapungusan siya dahil sa hindi diretsang pagsagot. Nang marinig kong sinabi ito ni Sister Zhang, hindi pa rin ako nagnilay sa sarili ko. Sa halip, naisip ko na masyado siyang nag-aalala na mapahiya. Naisip ko, “Hindi ba para sa ikabubuti mo naman kaya ko tinutukoy ang mga isyu mo? Bakit pakiramdam mo ay nalilimitahan ka pa? Masyado ka lang marupok!” Makalipas ang ilang panahon, medyo lumayo ang loob ng mga sister sa akin. Minsan, naririnig ko silang nagkukuwentuhan at nagtatawanan sa opisina, pero tumatahimik sila sa sandaling pumasok ako. Napagtanto ko na kung magpapatuloy ito, iiwasan nila akong lahat—paano pa kami makakapagtulungan sa paggawa ng aming mga tungkulin kung ganoon? Kaya, naghanap ako ng ilang salita ng Diyos na naghihimay sa mapagmataas na disposisyon at sinubukan kong tingnan kung paano ito naaangkop sa akin. Pinigilan ko rin ang sarili ko sa panlabas, at sinubukang kausapin sila sa mas mahinahong tono sa pangkalahatan, o magbiro para pagaanin ang atmospera.
Kalaunan, nalaman ng isang katrabaho, si Brother Wang, na ilang miyembro ng pangkat ang nakaramdam na nalilimitahan ko sila, at tinukoy ang problema ko. Binasahan niya ako ng maraming salita ng Diyos, at isang sipi ang partikular na nag-iwan ng malalim na impresyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Magagawa mo bang tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad kung nangangaral ka lang ng mga salita at doktrina para sermunan at pungusan sila? Kung hindi praktikal ang ibinabahagi mo, at kung pawang mga salita at doktrina lamang ang mga ito, kahit gaano mo pa sila pungusan at sermunan, mauuwi lang ito sa wala. Sa tingin mo ba na kapag medyo natatakot ang mga tao sa iyo, sinusunod kung anong sabihin mo sa kanila, at hindi naglalakas-loob na tumutol, ay nangangahulugan na nauunawaan nila ang katotohanan at nagiging mapagpasakop? Ito ay labis na mali. Hindi ganoon kasimple ang buhay pagpasok. Ang ilang tao na nagiging mga lider ay parang mga bagong tagapamahala na sumusubok na magkaroon ng malakas na impresyon; nagsisimula sila sa pamamagitan ng pagsubok na ipatupad ang bago nilang taglay na awtoridad sa hinirang na mga tao ng Diyos at ng pagpapasunod sa lahat sa kanila. Iniisip nila na mas mapapadali nito ang kanilang trabaho. Kung wala kang katotohanang realidad, hindi magtatagal, mabubunyag ang iyong totoong tayog, malalantad ang tunay mong kulay, at maaaring itiwalag ka. Sa ilang administratibong gawain, katanggap-tanggap ang kaunting pagpupungos at pagdidisiplina. Ngunit kung wala kang kapabilidad na magbahagi tungkol sa katotohanan, sa huli, hindi mo pa rin magagawang lutasin ang mga problema, at maaapektuhan nito ang mga resulta ng gawain. Kung, kahit ano pang mga isyu ang lumitaw sa iglesia, palagi kang nanenermon sa mga tao at naninisi, at kung ang ginagawa mo lang ay ang sungitan ang mga tao, ito ang tiwali mong disposisyon kung gayon na ibinubunyag ang sarili nito, at naipakita mo ang pangit na hitsura ng iyong katiwalian. Kung palagi mong inilalagay ang iyong sarili sa isang pedestal at sinesermunan ang mga tao nang ganito, sa paglipas ng panahon, hindi makakatanggap ang mga tao ng panustos ng buhay mula sa iyo, wala silang anumang makakamit na praktikal, at sa halip ay maririmarim at masusuklam sila sa iyo. Dagdag pa rito, magkakaroon ng ilang tao na matapos mong maimpluwensiyahan dahil sa kawalan ng pagkakilala, ay matututong manermon sa iba at pupungusan ang mga ito; magagalit din sila at iinit ang kanilang mga ulo. Hindi lang sa hindi mo magagawang lutasin ang mga problema ng mga tao—mabibigyang-layaw mo rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. At hindi ba’t iyon ay pag-akay sa mga tao sa landas tungo sa perdisyon? Hindi ba’t isa itong masamang gawain? Ang isang lider ay pangunahing dapat manguna sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagtutustos ng buhay. Kung palagi mong inilalagay ang iyong sarili sa isang pedestal at sinesermunan ang iba, magagawa ba nilang maunawaan ang katotohanan? Kung gagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, at malinaw nang nakikita ng mga tao kung ano ka talaga, itatakwil ka nila. Madadala mo ba ang mga tao sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Papalpak ka lang sa gawain ng iglesia at idudulot na kasuklaman at itakwil ka ng mga taong hinirang ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, tumagos talaga ang mga ito sa puso ko. Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Isa akong superbisor, pero kapag nakikita ko ang mga kapatid na nahaharap sa mga paghihirap at problema sa kanilang mga tungkulin, bukod sa nabigo akong makipagbahaginan sa kanila at tulungan sila, patuloy pa akong nagmamataas para sermunan at punahin sila. Nagdulot ito na iwasan at katakutan ako ng lahat. Sumama ang mga kalagayan nila, at naapektuhan ang abilidad nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang pagtrato sa mga tao batay sa aking mga tiwaling disposisyon ay talagang kamuhi-muhi sa Diyos at kasuklam-suklam sa iba. Noong nakaraan, humarap ang iglesia sa malawakang pag-aaresto, maraming manggagawa sa gawaing nakabatay sa teksto ang hindi makontak, at bumagal ang usad ng gawaing nakabatay sa teksto. Namumuhay sa paghihirap ang mga kapatid, hindi alam kung paano ito daranasin. Ito ang panahon na kailangan nila ako para magbigay ng pagbabahagi at tulong, para humanap ng landas pasulong kasama nila at lutasin ang iba’t ibang paghihirap at problema na kinakaharap nila. Pero sa halip na mag-alok ng praktikal na pagbabahagi at tulong, minaliit at sinermunan ko ang mga sister. Bilang resulta, wala silang natanggap na tulong, pero sa bawat kilos nila ay nililimitahan ko sila. Hindi ito paggawa ng tungkulin ko kahit kaunti! Hindi ba’t gumagawa lang ako ng kasamaan? Lalo ko itong naramdaman nang makita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung palagi mong inilalagay ang iyong sarili sa isang pedestal at sinesermunan ang mga tao nang ganito, sa paglipas ng panahon, hindi makakatanggap ang mga tao ng panustos ng buhay mula sa iyo, wala silang anumang makakamit na praktikal, at sa halip ay maririmarim at masusuklam sila sa iyo.” Bilang superbisor, sa pamamagitan ng pagmamataas, panenermon, at paglimita sa iba, hindi ko lang masisira ang gawain, bagkus, kung hindi makakakuha ng tulong ang mga kapatid mula sa akin, itatakwil nila ako. Ngayon, humina ang mga resulta ng gawain namin, masama ang mga kalagayan ng mga kapatid, at pinupungusan at inilalantad ako sa ganitong paraan. Hindi ba’t pagtutuwid ito ng Diyos sa akin? Nang mapagtanto ito, nakaramdam ako ng matinding pagkabagabag at pagkakonsensiya. Gusto ko lang patahimikin ang puso ko at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ko.
Kalaunan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na talagang tumimo sa akin nang malalim. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nalaman Ko na ang kaya lamang ng maraming lider ay sermunan ang mga tao at mangaral sa iba mula sa mataas na posisyon, at na hindi nila kayang makipag-usap sa iba bilang mga kapantay. Hindi nila nagagawang makisalamuha nang normal sa mga tao. Kapag nagsasalita ang ilang tao, para bang lagi silang nagtatalumpati o nag-uulat. Lagi lamang nakatuon ang kanilang mga salita sa mga kalagayan ng ibang tao, ngunit hindi sila kailanman nagtatapat tungkol sa mga sarili nila. Hindi nila kailanman hinihimay ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon, sa halip, hinihimay lamang nila ang mga problema ng ibang tao, ginagamit ang mga ito na mga halimbawa upang bigyan ang lahat ng kaalaman. Bakit nila ito ginagawa? Bakit nila ipinangangaral ang gayong mga sermon at sinasabi ang gayong mga bagay? Ito ay katunayan na wala silang anumang pagkakilala sa kanilang sarili, na kulang na kulang sila sa katwiran, at na masyado silang mapagmataas at mapagmatuwid. Iniisip nilang pinatutunayan ng kanilang abilidad na makilala ang mga tiwaling disposisyon ng ibang tao na nakahihigit sila sa iba, mas mahusay sila sa ibang kumilatis ng mga tao at bagay-bagay, at na hindi sila kasing tiwali ng ibang tao. Nagagawa nilang himayin at sermunan ang iba, subalit hindi nila inilalantad ang kanilang mga sarili, ibinubunyag o hinihimay ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon, ipinakikita ang tunay nilang pagkatao, o nagsasalita ng anuman tungkol sa mga sarili nilang motibasyon. Sinesermunan lamang nila ang ibang tao dahil sa maling pag-uugali. Ito ay pagtatanyag sa sarili at pagtataas sa sarili. Paano ka magiging isang lider kung labis kang nagdadala ng di-makatwirang gulo? Bakit, matapos kang maging lider ng isang iglesia ay kaswal mong pinagagalitan ang iba, umaasal nang hindi makatwiran, at kumikilos nang ayon sa gusto mo? Bakit kailanman ay hindi mo isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng iyong mga salita, hindi kailanman isinasaalang-alang ang sarili mong pagkakakilanlan? Bakit ka kumikilos nang ganito? Ito ay dahil kahit na isa kang lider, hindi mo alam ang sarili mong katayuan o pagkakakilanlan. Ang pagsasaayos sa iyo para maging lider ay pagtataas lamang sa iyo at pagbibigay sa iyo ng isang pagkakataon na magsanay. Hindi ito dahil sa nagtataglay ka ng mas maraming realidad kaysa sa iba o dahil mas mahusay ka kaysa sa iba. Sa katunayan, katulad ka ng lahat. Wala sa inyo ang nagtataglay ng realidad, at sa ilang paraan, maaaring mas tiwali ka pa kaysa sa iba. Kaya bakit di-makatwiran kang nagdadala ng gulo, at pabasta-basta mong sinesermunan, kinagagalitan at nililimitahan ang iba? Bakit mo pinipilit ang iba na makinig sa iyo, kahit na mali ka? Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nitong nasa maling posisyon ka. Hindi ka gumagawa mula sa posisyon ng isang tao, ginagawa mo ang iyong gawain mula sa posisyon ng Diyos, mula sa isang posisyong mas mataas sa iba” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos nang mabasa ko ang mga ito. Hindi ba’t ako ang uri ng tao na tinutukoy ng Diyos? Medyo mahina ang mga propesyonal na kasanayan at kapabilidad sa gawain ng mga sister, at nang mahadlangan ang gawain nila ng kapaligiran ng malawakang pag-aaresto, kailangan nila ako para tulungan silang humanap ng landas tungo sa solusyon. Pero bukod sa hindi ko isinapuso ang pagtulong sa kanila, sinermunan ko pa sila nang may pagmamataas. Dahil mabilis akong magsalita, kapag hindi naintindihan ng isang sister ang ibig kong sabihin, pinapagalitan ko siya. Ang tanging naidulot ko sa iba ay pasakit at pinsala, at naapektuhan ko rin ang gawain. Nasaan ang kahit katiting na pagkatao roon? Naisip ko ang anticristong si Ye, na pinatalsik noong nakaraan. Kapag nakikita niya ang ilang paglihis o problema sa mga tungkulin ng mga kapatid, sinesermunan, pinupungusan, at pinahihirapan niya sila nang hindi isinasaalang-alang ang konteksto o iniintindi ang mga aktuwal nilang paghihirap. Nagdulot ito na matakot ang mga kapatid kapag nakikita siya at mamuhay sa kalagayang mapagbantay, na nakaapekto sa kanilang mga tungkulin. Pagkatapos ay tiningnan ko ang sarili ko. Kahit na hindi ako nanenermon at nagpapahirap ng mga tao nang kasinglala ni Ye, namumuhay nang mapagbantay ang mga sister ko dahil minamaliit at sinesermunan ko ang mga miyembro ng pangkat. Iniisip lang nila kung paano ako mapapasaya para maiwasang mapagalitan, na nakaapekto kapwa sa kanilang mga kalagayan at sa gawain. Napagtanto ko na ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paglilimita ko sa iba ay napakalubha, at kung hindi ako magbabago, hahantong ako sa landas ng isang anticristo at matitiwalag, gaya ni Ye. Nakaramdam ako ng takot at pagkakonsensiya, kaya nanalangin ako sa Diyos para magsisi, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na lalo pang magnilay at kilalanin ang sarili ko.
Pagkatapos, nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos, at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang posibilidad na ipagkakanulo mo ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalong disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapipigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong kalikasan na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para itaas mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito na umupo ka sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para ipagpitagan mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pangunahing dahilan kaya ko minamaliit at nililimitahan ang mga tao ay dahil masyadong mapagmataas ang kalikasan ko. Kapag may mga paghihirap ang mga sister at hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito, kailangan nila ang praktikal kong tulong. Pero inakala ko na dapat makahanap sila ng mga landas pasulong sa pamamagitan ng pagdarasal at paghahanap nang sila lang, at na kung ipapaliwanag ko lang ang mga bagay nang simple, dapat maarok na nila ang ibig kong sabihin. Kapag may mga paghihirap pa rin sila, nagsisimula akong maliitin sila, at basta ko na lang sila pinupungusan nang hindi man lang tinatanong kung saan talaga sila naipit. Sa katunayan, nang maharap ako sa mga paghihirap dati, madalas ay hindi ko alam ang gagawin at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga iyon, at minsan ay lihim pa nga akong umiiyak. Gayumpaman, itinuring ko ang sarili ko na mas magaling kaysa sa mga miyembro ng pangkat, itinataas ang sarili ko at minamaliit sila sa puso ko. Napakamapagmataas ko at walang anumang katwiran! Sa pagtrato sa mga sister batay sa mapagmataas kong disposisyon, nilimitahan ko sila at nagdala ako ng paggambala at panggugulo sa aming tungkulin. Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdaman na kung hindi malulutas ang mapagmataas kong disposisyon, maaari talaga akong makagawa ng masama nang hindi ko sinasadya. Gusto kong magbago, at tratuhin ang mga sister ayon sa mga salita ng Diyos.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, na lubos na umantig sa akin at nagbigay sa akin ng determinasyon na isagawa ang katotohanan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil nakikita Kong lahat kayo ay manhid at walang pagmamahal sa katotohanan, at hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, dagdag pa ang mahihina ninyong kakayahan, kaya kailangan Kong magsalita nang detalyado. Dapat Kong sabihin nang malinaw ang lahat, at unti-untiin at himay-himayin ang mga ito sa Aking pananalita, at mangusap tungkol sa mga bagay-bagay mula sa bawat anggulo, sa anupamang paraan. Saka lamang kayo nakakaunawa nang kaunti. Kung pabasta-basta Ako sa inyo, at nagsalita nang kaunti ukol sa anumang paksa, sa tuwing maibigan Ko, nang hindi ito pinag-iisipan nang mabuti ni pinagsisikapan, nang hindi ito isinasapuso, hindi nagsasalita kapag hindi Ko gustong magsalita, ano ang mapapala ninyo? Sa kakayahan na katulad ng sa inyo, hindi ninyo mauunawaan ang katotohanan. Wala kayong makakamit, lalo namang hindi ninyo matatamo ang kaligtasan. Pero hindi Ko magagawa iyon, sa halip, dapat Akong magsalita nang detalyado. Dapat Akong maging detalyado at magbigay ng mga halimbawa ukol sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, sa mga saloobin ng mga tao sa katotohanan, at sa bawat uri ng tiwaling disposisyon; saka lamang ninyo maaarok ang sinasabi Ko, at mauunawaan ang naririnig ninyo. Anumang aspekto ng katotohanan ang ibinabahagi, nagsasalita Ako sa iba’t ibang kaparaanan, na may mga estilo ng pagbabahagi para sa mga nasa hustong gulang at para sa mga bata, at sa anyo rin ng mga katwiran at kuwento, gumagamit ng mga teorya at pagsasagawa, at nagkukuwento ng mga karanasan, upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sa realidad. Sa ganitong paraan, iyong mga may kakayahan at may puso ay magkakaroon ng pagkakataong maunawaan at tanggapin ang katotohanan at maligtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Naisip ko kung paanong ang ating mga tiwaling kalikasan ay malalim na nakaugat sa ating lahat. Dahil kulang tayo sa pagkaunawa sa gawain ng Diyos, madalas tayong nakakabuo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya, at sunod-sunod na lumilitaw ang lahat ng uri ng tiwaling disposisyon. Kadalasan, kahit nakauunawa tayo ng kaunting katotohanan, hindi natin ito maisagawa. Pero hindi tayo kailanman sinukuan ng Diyos. Patuloy Siyang nagpapahayag ng mga salita upang tustusan at tulungan tayo. Ang ilan ay mga salita ng kaaliwan at panghihikayat, habang ang iba ay paghatol at paglalantad. Minsan, para tulungan tayong mas makaunawa, gumagamit din Siya ng mga halimbawa, parabula, at kuwento. Ginagawa ng Diyos ang lahat para maunawaan natin ang katotohanan, upang mapagnilayan at makilala natin ang sarili nating mga problema at makahanap tayo ng landas ng pagsasagawa. Nakita ko na napakaganda at napakabuti ng puso ng Diyos, at kapaki-pakinabang ang lahat ng dinadala Niya sa atin. Pero naisip ko kung paano ko tinrato ang mga kapatid nang walang anumang pasensya o pagmamahal. Kapag nakakaranas ng mga paghihirap ang mga sister, tinutulungan ko sila nang isa o dalawang beses at pagkatapos ay nagsisimula na akong maliitin sila. Hindi lang ako nabigong magdulot sa kanila ng anumang pakinabang, sa halip ay nagdulot ako sa kanila ng paglilimita at pinsala. Wala talaga akong pagkatao! Pagkatapos, nagbukas ako sa mga miyembro ng pangkat, inilantad ko ang sarili kong katiwalian, at humingi ako ng tawad sa kanila.
Kalaunan, nagnilay ako ulit sa sarili ko at napagtanto kong may isa pang dahilan kung bakit ko nililimitahan ang mga tao: Hindi ko alam kung paano tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo. Hindi ko isinaalang-alang ang mga aktuwal na paghihirap at kalagayan ng mga sister; gumamit lang ako ng iisang pamantayan para sa lahat. Sa realidad, gusto rin nilang gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, pero katamtaman lang ang kanilang kakayahan at kulang sila sa kapabilidad sa gawain. Kinakailangan kong magsikap nang husto at maglaan ng mas maraming oras at lakas para tulungan sila. Kalaunan ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Paano mo dapat tratuhin ang ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at walang kapabilidad sa gawain? … Dapat partikular mong sabihin sa kanila kung paano gawin ang gawain, at kung paano ito ipatupad. Dapat mong sabihin sa kanila kung sino ang dapat italaga at gawing responsable sa gampaning ito, at kung sinong mga tao ang dapat piliin para sama-samang makipagtulungan dito. Ipaliwanag ang lahat ng detalyeng ito sa kanila at hayaan silang isagawa ito. Bakit ito dapat gawin sa ganitong paraan? Dahil ang mga miyembro ng lokal na iglesia ay karaniwang may mababaw lang na karanasan at walang kapabilidad sa gawain, kaya’t imposibleng makapili ng mga angkop na lider at manggagawa. Tanging sa paggawa sa ganitong paraan maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung hindi ka gumagawa sa ganitong paraan at ang pagturing mo sa mga taong ito ay pareho ng pagturing mo sa ibang lider at manggagawa, sinasabi lang sa kanila ang mga partikular na prinsipyo at plano, at walang pili-pili, hindi maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung hindi mo ito bibigyang-pansin, hindi ba’t pagpapabaya iyon sa responsabilidad? (Oo.) Ito ay isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, ‘Marunong naman ang iba kung paano ipatupad at isagawa ang mga pagsasaayos ng gawain; bakit hindi marunong ang taong ito? Kung hindi siya marunong, hindi ko na siya iintindihin. Hindi ko responsabilidad ito. Ano’t anuman, nagawa ko na ang aking parte.’ Lohikal ba ang ganitong pangangatwiran? (Hindi.) Halimbawa, sabihin nating may tatlong anak ang isang ina, at mahina ang isa sa kanila, palaging nagkakasakit, at ayaw kumain. Kung hahayaan ng ina na hindi kumain ang batang ito, maaaring hindi ito magtagal. Ano ang dapat niyang gawin? Bilang ina, kailangan niyang bigyan ng espesyal na pag-aaruga ang mahina niyang anak. Ipagpalagay na sasabihin ng ina, ‘Sapat nang tinatrato ko nang pantay-pantay ang mga anak ko. Isinilang ko ang batang ito at naghanda ako ng pagkain para sa kanya. Natupad ko na ang responsabilidad ko. Wala akong pakialam kung kakain siya o hindi. Kung ayaw niyang kumain, hayaan siyang magutom, at kapag talagang gutom na siya, kakain din siya.’ Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng ina? (Iresponsable siya.) Mayroon bang mga ina na gaya nito? Tanging ang isang babaeng mahina ang isip o isang madrasta ang magiging ganoon. Kung siya ang tunay na ina at hindi mahina ang isip niya, hinding-hindi niya tatratuhin nang ganito ang sarili niyang anak, tama ba? (Tama.) Kung mahina ang isang bata, palaging nagkakasakit, at ayaw kumain, kailangan magbigay ng mas higit na pag-aaruga at pagsisikap ang kanyang ina. Kailangan ng ina na maghanap ng mga paraan para mapakain ang bata, kailangan niyang magluto ng anumang gustong kainin ng bata, maghanda ng mga espesyal na pagkain para dito, at kapag ayaw kumain ng bata, kailangan niyang suyuin ito. Kapag umabot na ang bata sa edad na labingwalo o labinsiyam at malusog ang katawan niya katulad ng isang normal na taong nasa hustong gulang na, makapagpapahinga na ang ina at maaari nang bumitaw, at hindi na niya kailangang bigyan ng espesyal na pag-aaruga ang batang ito. Kung kaya ng isang ina na tratuhin nang ganito ang anak na may mga espesyal na kondisyon at tuparin ang kanyang responsabilidad, paano naman ang isang lider o manggagawa? Kung wala ka man lang pagmamahal ng isang ina para sa mga kapatid, sadyang ikaw ay iresponsable. Kailangan mong tuparin ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin; kailangan mong isaalang-alang ang mga iglesia kung saan ang mga namamahala ay medyo mahina at may medyo mababang kapabilidad sa gawain. Kailangang magbigay ng espesyal na atensiyon at patnubay ang mga lider at manggagawa sa ganitong mga usapin. Ano ang tinutukoy ng espesyal na patnubay? Bukod sa pagbabahaginan sa katotohanan, kailangan mo ring magbigay ng mas partikular at detalyadong direksiyon at tulong, na nangangailangan ng mas higit na pagsisikap pagdating sa komunikasyon. Kung ipapaliwanag mo sa kanila ang gawain at hindi pa rin sila nakauunawa, at hindi nila alam kung paano ito ipatupad, o kahit pa nauunawaan nila ito batay sa doktrina at tila alam nila kung paano ito ipatupad, pero hindi ka pa rin sigurado at medyo nag-aalala ka kung ano ang magiging takbo ng aktuwal na pagpapatupad—ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong personal na makipag-ugnayan sa lokal na iglesia para patnubayan sila at ipatupad ang gampanin kasama nila. Sabihin sa kanila ang mga prinsipyo habang gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos tungkol sa mga gampaning kailangang gawin ayon sa mga hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, tulad ng kung ano ang unang gagawin at ano ang susunod na gagawin, at kung paano maayos na magtalaga ng mga tao—maayos na i-organisa ang lahat ng bagay na ito. Ito ay praktikal na pagpatnubay sa kanila sa kanilang gawain, salungat sa basta lang na pagsigaw ng mga islogan o pagbibigay ng kung ano-anong utos, at pangangaral sa kanila ng ilang doktrina, at pagkatapos ay itinuturing mong tapos na ang iyong gawain—hindi iyon pagpapamalas ng paggawa ng partikular na gawain, at ang pagsigaw ng mga islogan at pag-uutos-utos sa mga tao ay hindi mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kapag kaya nang pasanin ng mga lider o superbisor ng lokal na iglesia ang gawain, at nakapasok na sa tamang landas ang gawain, at wala nang malalaking isyu, saka pa lang maaaring umalis ang lider o manggagawa” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10)). “Para malutas ang maraming paghihirap na nararanasan ng mga tao, kailangan mo munang maunawaan ang pag-unlad ng gawain ng Banal na Espiritu; kailangan mong maunawaan kung paano isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa iba’t ibang mga tao, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao at ang kanilang mga pagkukulang, at kailangan mong makita nang malinaw ang mga pangunahing usapin ng problema at malaman ang pinagmulan nito, nang hindi lumilihis o nagkakamali. Ang ganitong uri lamang ng tao ang pasok sa pamantayan pagdating sa pakikipagtulungan sa paglilingkod sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Dapat Maisangkap sa Isang Pastol na Angkop Gamitin). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong may mahinang kakayahan ay nangangailangan ng higit na gabay at tulong, at na hindi ka puwedeng gumamit ng iisang pamantayan para sa lahat. Katulad ito ng isang ina na may ilang anak, at ang isa sa kanila ay mahina at sakitin. Kailangang bigyan ng ina ang anak na ito ng higit na pangangalaga kaysa sa iba upang lumaki itong malusog. Pero ang isang iresponsableng ina, kapag nakikitang mahina ang kanyang anak, ay hindi ito inaalagaan at sa halip ay sinisisi ang anak dahil hindi ito sapat na malakas. Paano lalaking malusog ang isang bata sa ganoong paraan? Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na gawin ang higit sa makakaya nila; ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao ay batay sa kanilang likas na kakayahan. Dapat ko ring tratuhin ang aking mga kapatid ayon sa mga salita ng Diyos, binibigyan sila ng higit na gabay at tulong. Pagkatapos niyon, kapag nakikita ko ang aking mga sister na nahaharap sa mga paghihirap sa kanilang gawain, matiyaga akong nakikinig sa kanila habang inilalarawan nila ang kanilang mga problema at paghihirap, at tinutukoy ko ang kanilang mga problema at pagkatapos ay nakikipagbahaginan ako para tulungan sila. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi na naramdaman ng mga sister na nalilimitahan ko sila gaya ng dati. Kapag nakakaharap sila ng mga isyu sa kanilang mga tungkulin na hindi nila makita nang malinaw, kusa rin silang nagtatanong sa akin tungkol dito. Pagkatapos ay sama-sama naming hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, at bumuti rin ang mga resulta ng aming gawain.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, malinaw kong nakita na ang pagtrato sa mga tao batay sa mga tiwaling disposisyon ay nagdudulot lamang sa kanila ng paglimita at pinsala, at nagdudulot ng pagkasira sa gawain. Ang pagtrato sa iyong mga kapatid ayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga salita ng Diyos at pagtupad sa sarili mong mga responsabilidad ay kapaki-pakinabang para sa gawain; nakapagpapatibay rin ito sa iba.