61. Makapagdudulot Ba ng Kaligayahan ang Paghahangad ng Kayamanan?
Noong bata ako, nagtrabaho ang tatay ko sa isang opisina ng gobyerno sa bayan, at may patahian naman ang nanay ko. Medyo maykaya ang pamilya namin para sa lugar namin noon. Bumibisita man ako sa mga kamag-anak o sa mga kaklase ko, lahat sila ay tumitingin sa akin nang may inggit, at tuwing Bagong Taon ng mga Tsino at sa mga kapistahan, pumupunta ang lahat ng kamag-anak namin sa bahay. Narinig kong nagtsitsismisan ang mga kapamilya ko, “Sa panahon ngayon, napakamateryalistiko na ng mga tao. Pumupunta lang sila sa bahay natin dahil medyo nakakaangat tayo. Kung sobrang hirap natin na wala na tayong makain, walang pupunta rito. Sabi nga sa kasabihan, ‘Iginagalang ng mga tao ang may pag-aari, habang kinakagat ng mga aso ang mga pangit,’ at ‘Kung mahirap ka sa mataong siyudad, walang papansin sa iyo; pero kapag mayaman ka sa liblib na bundok, susulpot ang malalayong kamag-anak.’” Lubos din akong sumang-ayon sa pananaw na ito, at pakiramdam ko, sa pamamagitan lang ng yaman ka hahangaan at titingalain ng iba.
Pagkatapos kong ikasal, katamtaman lang ang pera ng aming pamilya, habang ang pamilya ng hipag kong panganay ay may negosyo, at mas maganda ang lagay ng buhay nila kaysa sa amin. Madalas sabihin ng biyenan kong babae, “Tingnan mo kung gaano kagaling ang hipag mo at ang asawa niya! Kumikita sila ng malaking pera. Pero tingnan naman ninyo kayong dalawa, halos wala kayong naiuuwing pera sa buong taon.” Isang beses, kinakausap ng biyenan kong babae ang biyenan kong lalaki, sabi niya, “Tingnan mo ang anak ni Matandang Li na mula sa nayon natin—umalis siya at kumita ng malaking pera sa loob lang ng ilang taon. Pagbalik niya, ipinaayos niya ang bahay ng tatay niya at bumili ng malaking LCD TV. Lahat ng suot at gamit nila ay bago. Ngayon, tingnan mo ang anak natin. Tayo pa ang gumagastos para sa anak niya! Dahil nasa bahay ang dalawang iyon, ilang kainan lang ay ubos na agad ang isang sako ng puting harina. Magmadali ka at maggiling ka ng harinang mais bukas. Masyadong magastos kung puro puting harina lang ang kinakain.” Nang marinig ko ito, sobrang nalungkot ako. Lihim akong nanumpa na gaano man ako magdusa o gaano man ito kahirap, kailangan kong kumita ng malaking pera. Hahangaan lang ako kung may pera ako, at pera ang magtatakda ng katayuan ko sa pamilyang ito. Kapag may pera na ako, hindi na ako mamaliitin ng biyenan ko; sa halip, titingalain niya ako.
Noong 2011, nagbukas kami ng asawa ko ng tindahan ng almusal. Noong una, ayaw kong kumuha ng dagdag na tauhan, kaya bumabangon ako nang 11:00 ng gabi para magtrabaho at sinusubukan kong ihanda ang pagkain bago ang oras ng almusal. Dalawang oras lang ang oras ng almusal, at kapag hindi ka naghanda ng sapat, mauubusan ka. Maganda naman ang negosyo noon, at nakakaipon ako ng sampu-sampung libong yuan sa isang taon. Dahil sa pagtatrabaho nang nakayuko sa loob ng maraming taon, nagsimulang sumakit ang batok ko. Kapag lumalala, minamasahe ko ng aking kamao ang bahaging iyon, na medyo nakakabawas ng sakit, kaya hindi ko na ito sineryoso. Noong ikatlong taon, isang araw, nakaramdam ako ng pagkahilo, pagkalutang, at pagsusuka. Sinamahan ako ng asawa ko sa ospital para magpa-check-up. Sabi ng doktor, ang pagkahilo at pagsusuka ko ay dahil sa cervical spondylosis, at hindi na raw ako puwedeng yumuko nang matagal. Kung lalala raw ito, hindi na ako makakagawa ng kahit ano. Wala akong nagawa kundi kumuha ng isa pang tauhan. Kalaunan, para kumita ng mas maraming pera, nagdagdag ako ng ilan pang pang-almusal na pagpipilian, at sa pagdami ng pagpipilian, lalo pa akong naging abala. Natutulog ako bandang 7:00 ng gabi at bumabangon para magtrabaho pagkalipas lang ng 11:00 ng gabi, kaya mga apat na oras lang ang tulog ko sa isang araw. Abala ako sa pagbebenta ng almusal, pero ako mismo ay walang oras para kumain, at kapag nakatapos na akong magbenta ng almusal, oras na ng tanghalian. Araw-araw, sobrang abala ako na hindi ako nakakakain hanggang pagkalipas ng 3:00 ng hapon, at pagkakain ko, kailangan ko nang ihanda ang mga suplay para sa susunod na araw. Pagkatapos ng bawat araw, sumasakit ang mga paa, baywang, at likod ko. Pakiramdam ko sa mga binti ko ay parang nakatayo ako sa yelo—sobrang lamig na nawalan na ng lahat ng pakiramdam. Gayumpaman, nagtiim-bagang ako at nagpursigi para kumita ng pera. Sabi nga sa kasabihan, “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Matapos ang ilang taon ng pagsisikap, kumita kami ng daan-daang libong yuan, at nakabili ng bahay at kotse. Nakita ng mga biyenan namin na yumaman na kami, at lagi na kaming binabati nang nakangiti; masaya ring bumabati sa amin ang aming mga kamag-anak at kaibigan. Tuwing pumupunta ako sa bahay ng mga biyenan ko, gustong-gusto ko iyong pakiramdam na ako ang sentro ng atensyon. Pinakita lang nito sa akin na talagang pera ang nagtatakda ng katayuan mo; mas may dignidad at prestihiyo ang pagtrato sa mga tao kapag may pera sila. Gayumpaman, dahil sa sobrang pagtatrabaho mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon noong mga taong iyon, at sa palagiang pagpupuyat, nagkasakit sa puso ang asawa ko, at ang kanyang stent surgery ay nagkahalaga ng 160,000 yuan para sa isang operasyon. Sobrang pagod ko rin kaya araw-araw sumasakit ang cervical at lumbar vertebrae ko, at kapag humihiga ako sa kama sa gabi, walang parte ng katawan ko ang hindi masakit. Minsan, kapag inaatake ako ng cervical spondylosis, nahihilo ako, takot gumalaw, at lumalabo ang isip ko. Hindi pa iyon ang pinakamalala—ang pinakamalala ay ang allergy ko sa harina. Bahing ako nang bahing sa tuwing may harina sa paligid, at kapag malala na, parang may hika na ako. Sobra akong hindi komportable dahil hirap na hirap akong huminga. Kailangan kong magsuot ng lima o anim na patong na mask sa tuwing nagtatrabaho ako, at, lalo na sa pinakamaiinit na araw ng tag-araw, dahil sa suot kong makapal na mask, pinagpapawisan ang buong mukha ko. Hindi ko maipaliwanag kung gaano iyon ka-hindi komportable! Pero para magmukhang kagalang-galang sa harap ng iba, kailangan kong magdusa nang palihim. Nagpursigi ako gaano man ito kahirap o gaano man ako nagdusa. Sa pagtatapos ng 2018, walong taon ko nang pinapatakbo ang tindahan ng almusal. Dahil nagsulputan na ang mga tindahan ng almusal sa bawat subdibisyon, hindi na ganoon kasikat ang tindahan namin sa pamilihan sa umaga, at pahina nang pahina ang negosyo kada taon. Nakita kong hindi na ito uubra. Nag-loan ako para mabili ang bahay at kotse ko, at sa ganitong paraan, halos wala akong naiipon bawat taon. Para makapag-ipon pa, nagbukas ako ng isa pang tindahan. Ang asawa ko ang nasa lumang tindahan, at ako naman ang nasa bago. Pagod na pagod kami at inaantok sa pagtatapos ng bawat araw, at minsan sa sobrang antok, napapatungo na lang ako sa mesa para umidlip. Dahil may sakit sa puso ang asawa ko at may stent operation, hindi siya puwedeng magtagal sa tindahan, pero kahit ganoon, hindi namin sinukuan ang ideya ng pagkita ng pera, at nagpursigi kami sa pagtatrabaho kahit may sakit kami. Noong panahong iyon, para akong trumpo, umiikot nang walang tigil at hindi makakain o makatulog nang maayos. Minsan naiisip ko, “Ano ba ang saysay ng buhay? Araw-araw, nagpapakapagod ako sa katatrabaho para sa pera. Maaaring hangaan ka ng mga tao kapag mayaman ka, pero mamamatay ka rin sa huli. Ano ang saysay nito?” Naramdaman ko na labis akong walang magawa at hungkag ang kalooban ko, at madalas kong iniisip, “Kailan kaya matatapos ang ganitong buhay?” Gayumpaman, dahil wala nang ibang paraan, kinailangan ko na lang magpatuloy na mamuhay nang ganoon.
Kalaunan, natuklasan kong malaki ang kita ng mga Chinese restaurant, kaya ipinasa ko sa iba ang mga tindahan ng almusal at naghanda akong magbukas ng Chinese restaurant. Habang pinapaayos ang lugar, hindi ko inaasahan, matapos maapektuhan ang kanyang emosyon, bumalik ang sakit ng asawa ko at naospital siya. Sabi ng doktor, dahil sa sakit niya ay hindi siya dapat mapagod, magalit, o masyadong ma-stress. Nakita ko na sa kondisyong ito ng asawa ko, kahit makalabas siya ng ospital, hindi na siya makakapagnegosyo. Wala akong nagawa kundi ipasa sa iba ang restawran na halos tapos na ang pagpapaayos. Nalugi ako ng mahigit 200,000 yuan noong panahong iyon, at nahiya akong humarap sa mga kamag-anak at kaibigan ko; Pakiramdam ko, siguradong mamaliitin at pagtatawanan ako ng mga nakakakilala sa akin. Noong 2019, nanghiram ako ng daan-daang libong yuan sa mga kamag-anak ko para mamuhunan sa isang proyekto, pero sa huli, inaresto ang boss ng proyekto. Natulala ako noon: “Kumikita ang ibang tao ng daan-daang libo sa pamumuhunan. Bakit ganito ang naging resulta sa akin?” Gumuho ang pangarap kong yumaman nang ganoon na lang, at wala na akong mailuha. Pagkatapos, nag-imbestiga ulit ako para magsimula ng ibang negosyo, pero lahat ay nangangailangan ng puhunan. Kanino pa ako makahihiram ng pera? Nakahiram na ako sa lahat ng kamag-anak ko para mamuhunan dati, at ngayon ay wala na akong mahihiraman. Naisip ko ang mga bayarin sa loan ng kotse at bahay, at ang allowance ng anak ko sa pag-aaral—ano na ang gagawin ko? Pagkalabas ng asawa ko sa ospital, para siyang may Alzheimer’s disease at hindi siya nakakatulong sa akin kahit kaunti; kailangan ko pa siyang alagaan. Noong mga araw na iyon, sobrang nag-aalala ako kaya hindi ako makakain o makatulog, at naghihinagpis ang puso ko. Minsan, gusto ko na lang mamatay para matapos na, pero naiisip ko ang mga utang na hindi pa nababayaran, ang anak kong hindi pa nakakapagtapos, at ang asawa kong may sakit pa. Kung mamamatay ako, hindi ba’t katapusan na ng pamilyang ito? Hindi ba’t malulugmok sa hinagpis ang anak ko? Hindi ako puwedeng mamatay! Noong panahong iyon, pakiramdam ko talaga, hindi ko kayang mabuhay, pero hindi ko rin kayang mamatay. Kapag hindi ako makatulog sa gabi, tahimik na lang akong umiiyak. Binalikan ko ang mga taon na nagpakahirap ako sa pagtatrabaho para lang mamuhay nang marangya at naging alipin ako ng pera. Pero sa huli, nawala ang lahat ng pinaghirapan kong pera, pinahirapan ng sakit ang asawa ko, at baon kami sa malalaking utang. Talagang nauwi kami sa wala, para kaming sumalok ng tubig gamit ang bayong. Ano ang saysay ng ganitong pamumuhay? Hindi ko talaga maintindihan ang tanong na ito at walang makapagbigay sa akin ng sagot. Nang hindi ko na alam ang gagawin, napag-usapan namin ng asawa ko na hanapin ang nanay ko para magsimula kaming manampalataya sa Diyos. Sa totoo lang, nagpatotoo na sa akin ang nanay ko tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw noong ikalawang taon namin sa pagtitinda ng almusal; sa puso ko, naniniwala naman akong may Diyos, pero sobrang abala ng negosyo noon na ni wala na akong oras para kumain o matulog, lalo pa ang manampalataya sa Diyos. Kaya, tinanggihan ko ito. Pero sa pagkakataong ito, matapos ang ilang panahon ng pagsisiyasat, pormal naming tinanggap ng asawa ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong Agosto 2020. Bagama’t walang-wala kami noon, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos araw-araw, at napuno ng galak at kapayapaan ang puso ko.
Isang araw, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubos na nakaantig sa akin. Sabi ng Diyos: “Ang gawaing isinasakatuparan sa panahon ng mga huling araw ay ang gawain ng panlulupig. Hindi ito ang paggabay sa mga buhay ng lahat ng tao sa lupa, kundi ang konklusyon ng hindi-nasisira at libong-taong buhay ng pagdurusa ng sangkatauhan sa lupa. … Ito ay dahil sa ang mga huling araw ay ang konklusyon ng buong kapanahunan. Ang mga iyon ay ang kaganapan at ang katapusan ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at tinatapos ng mga iyon ang paglalakbay ng sangkatauhan sa buhay ng pagdurusa. Hindi dinadala ng mga iyon ang buong sangkatauhan tungo sa isang bagong kapanahunan o pinahihintulutan ang buhay ng sangkatauhan na magpatuloy; wala iyang kabuluhan para sa Aking plano ng pamamahala o para sa pag-iral ng tao. Kung ang sangkatauhan ay magpatuloy nang ganito, kung gayon sa malao’t madali sila ay lalamunin nang buo ng masamang diyablo, at iyong mga kaluluwa na nabibilang sa Akin sa kahuli-hulihan ay mawawasak sa mga kamay nito. Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim-na-libong taon, at Ako ay nangako na ang pagkontrol ng masama sa buong sangkatauhan ay tatagal lang din sa loob ng anim-na-libong taon. Kaya, oras na. Hindi Ko na ninanais na ipagpatuloy o ipagpaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na kabilang sa Akin upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay maaaring makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang yugto ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay para wakasan ang buhay ng pagdurusa ng sangkatauhan at bawiin ang mga tao mula sa mga kamay ni Satanas para hindi na sila muling mapinsala nito. Sobrang saya ko at nakaramdam ako ng pagiging kabilang na hindi ko pa naramdaman noon. Hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Naghirap ako nang husto sa mundo sa loob ng napakaraming taon, walang mapagsabihan ng pasakit sa puso ko—ang Diyos lang ang nakakaunawa sa pait at kawalan ko ng magawa. Sa pagkakataong ito, nakahanap na ako ng daan palabas, iyon ay ang tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Naisip ko kung paanong noong 2012, maraming beses na nagpatotoo sa akin ang nanay ko na dumating na ang Diyos para magpahayag ng katotohanan sa gitna ng sangkatauhan sa mga huling araw para iligtas tayo. Gayumpaman, noon ay nahumaling ako sa pera at tinanggihan ko ang pagliligtas ng Diyos para mamuhay nang marangya. Sobrang nagsisi ako. Kung mas maaga kong tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, hindi sana ako nagdusa nang husto o nagtiis ng napakaraming hirap sa mundo. Ngayon, mapalad akong makalapit sa harap ng Diyos dahil dumating sa akin ang pag-ibig Niya, at nais akong iligtas ng Diyos at iahon mula sa dagat ng pagdurusa. Noon, ang tanging inaalala ko ay ang desperadong paghahanap ng pera, at napakahirap at nakapapagod ang buhay ko, pero sa pagkakataong ito, hindi ko na puwedeng palampasin ang pagkakataong maligtas ng Diyos. Para akong may nasunggaban na salbabida, at gusto kong samantalahin ang pambihirang pagkakataong ito para sundin ang Diyos nang buong puso at tumigil na sa pamumuhay para sa pera. Pagkatapos niyon, madalas akong makipagtipon sa mga kapatid para makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, at talagang naging panatag at payapa ako.
Sa isang pagtitipon noong tagsibol ng 2021, batay sa mga salita ng Diyos, nagbahaginan kami tungkol sa kung paano ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para pinsalain ang mga tao. Nang marinig ko ito, pakiramdam ko ay napakapartikular nito sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging sa magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon?” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “‘Pera ang nagpapaikot sa mundo’; ito ba ay isang kalakaran? Hindi ba’t mas makapangyarihan ito kaysa sa mga kalakaran sa moda at masasarap na pagkain na inyong binanggit? Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo.’ Laganap ito sa gitna ng mga tao, sa bawat lipunan; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng tahimik na pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil, ang mga tao ay walang katulad na antas ng kaalamang batay sa karanasan sa kasabihang ito, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, anong negatibong epekto ang naidulot nito sa puso niya? Ito ay na ang mga tao sa mundong ito—at masasabing kasama rito ang bawat isa sa inyo—ay nagbubunyag ng isang bagay mula sa kanilang disposisyon. Ano ito? Ito ay ang pagsamba sa pera. Madali bang alisin ito sa puso ng mga tao? Hindi, hindi ito madali! Nagpapakita ito na malalim talaga ang paggawang tiwali ni Satanas sa tao! Ginagamit ni Satanas ang pera para akitin ang mga tao, at ginagawa niyang tiwali silang lahat para sumamba sa pera at mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa pera? Hindi ba’t iniisip ninyo na sa mundong ito ay hindi kayo mabubuhay kung walang pera, at na hindi ninyo kakayanin kahit isang araw kung walang pera? Kung gaano karaming pera mayroon ang mga tao ang nagtatakda kung gaano kataas ang kanilang katayuan, at kung gaano sila kagalang-galang. Nararamdaman ng mahihirap na hindi nila kayang magtaas-noo, samantalang ang mayayaman ay may mataas na katayuan, taas-noo, at kayang magsalita nang malakas at mamuhay sa paraang mapagmataas at walang pagpipigil. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na handa ang maraming tao na magsakripisyo para kumita ng pera? Hindi ba’t ang maraming tao ay nawawalan ng kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming pera? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin at sumusunod sa Diyos para lamang sa pera? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao?” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para kontrolin ang mga tao at ikintal sa kanila ang iba’t ibang panuntunan para mabuhay, tulad ng “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain,” at “Una ang pera.” Namumuhay ang mga tao ayon sa mga satanikong lason na ito, at itinuturing nilang layunin ng kanilang paghahangad ang kasikatan at pakinabang. Desperado nila itong hinahangad. Hindi ako eksepsiyon. Noong bata pa ako, nakita ko ang mga kamag-anak at kaibigan ko na bumibisita sa bahay namin tuwing Bagong Taon ng mga Tsino at sa lahat ng kapistahan, at alam kong nambobola at sumisipsip sila sa pamilya ko dahil maykaya ang mga magulang ko. Tulad nga ng kasabihan, “Kapag mahirap ka sa mataong siyudad, walang papansin sa iyo; pero kapag mayaman ka sa liblib na bundok, susulpot ang malalayong kamag-anak.” Ang mga satanikong lason na ito at mga panuntunan para mabuhay ay malalim na naitanim sa puso ko. Pagkatapos kong ikasal, matapobre ang biyenan kong babae, at sumisipsip siya sa pamilya ng hipag kong panganay dahil maykaya sila. Nang makita niyang hindi kami gaanong kumikita, pinupuna niya kami kahit may ibang tao at buong araw siyang nakasimangot, na para bang may pagkakautang kami sa kanya. Dahil dito, naniwala ako na pera ang nagtatakda ng katayuan mo, at na puwedeng mabuhay ang mga tao nang wala ang anumang bagay maliban sa pera. Sa pamamagitan lang ng pera ka magkakaroon ng magandang materyal na kasiyahan, hahangaan at kaiinggitan ng iba, at mamumuhay nang may dignidad. Namuhay ako ayon sa mga walang-katotohanang pagpapahalaga at pananaw sa buhay na ito, at nagpakapagod ako sa katatrabaho mula umaga hanggang gabi para kumita ng pera. Hindi ako tumitigil para magpahinga kahit sumasakit ang lumbar at cervical vertebrae ko, at nagpursigi ako sa pagtatrabaho sa kabila ng malala kong allergy sa harina. Kumita ako ng pera at natamasa ko ang mga benepisyong dala ng pera, ang mga kapitbahay at ang biyenan ko ay pawang binabati ako nang nakangiti, at nasiyahan ang aking banidad. Gayumpaman, ako lang ang nakakaalam ng pait at sakit sa likod nito. Ang mas nakakalungkot pa, desperado akong nagtrabaho para kumita ng pera, pero sa huli ay nauwi pa rin ako sa wala. Hindi lang iyon, pinahirapan ng sakit ang asawa ko, at sumasakit din ang cervical at lumbar vertebrae ko. Hindi maipahayag sa salita ang sakit sa katawan at kaluluwa ko; lahat ng ito ay sanhi ng paghahangad ko ng pera, kasikatan, at pakinabang. Ngayon ko lang naunawaan na mali ang mga layuning hinangad ko at ang perspektiba ko sa buhay. Nasa likod ng lahat ng ito ang mga pakana ni Satanas. Gusto lang ni Satanas na magtrabaho ako nang husto para kumita ng pera at mamuhay para sa pera, kasikatan, at pakinabang. Sa ganitong paraan, hindi ako makalalapit sa Diyos at makatatanggap ng Kanyang pagliligtas. Ito mismo ang lihim na mapanirang intensyon ni Satanas. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas Niya sa akin. Kung hindi dahil sa pananampalataya sa Diyos, nagpatuloy sana ako sa pagtatrabaho nang husto para kumita ng pera, at baka isang araw ay nawalan na ako ng buhay dahil dito. Nagpapasalamat ako sa paglalantad ng mga salita ng Diyos na tumulong sa aking makita nang malinaw ang lihim na mapanirang intensyon ni Satanas: na gamitin ang pera, kasikatan, at pakinabang para pinsalain ako at gawing tiwali. Ngayon, gusto ko na lang manampalataya sa Diyos nang buong puso at hangarin ang katotohanan, at hindi na muling malinlang ni Satanas at magpatuloy lamang na habulin ang pera.
Minsan napapaisip ako, “Nagsikap ako nang husto noong mga taon na iyon, pero sa huli, wala akong kinita at nagkautang pa ako nang malaki. Bakit napakasakit ng buhay ko?” Sa paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagkukumahog at nagpapakaabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong sariling kinabukasan, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, matatawag ka pa rin bang isang nilikha? … Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Ipinaintindi sa akin ng mga salita ng Diyos na ang buhay ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Gaano man kasipag magtrabaho ang mga tao o gaano man sila kaabala, hinding-hindi nila makukuha ang gusto nila kung hindi ito ipagkakaloob ng Diyos, sa kabila ng lahat ng kanilang pagmamadali at pag-aapuhap. Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng taon na iyon, lumalabas ako nang maaga at umuuwi nang gabi araw-araw, at wala akong pakialam kung gaano ako nagdusa o kapagod; nagsikap lang ako para kumita ng pera dahil gusto kong mamuhay nang marangya at hangaan ng iba. Ginusto kong baguhin ang kapalaran ko gamit ang sarili kong abilidad, pero sa huli, pinahirapan kami ng sakit ng asawa ko at ang tanging nakuha namin ay kahungkagan. Ngayon ko na napagtanto na hindi natin kontrolado ang ating buhay. Kung gaano karaming pera ang kinikita natin ay hindi nakadepende sa kung paano tayo nagtatrabaho gamit ang ating mga kamay, kundi sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pag-orden ng Diyos. Kasabay nito, naramdaman ko rin ang masisidhing layunin ng Diyos. Kung hindi ko naranasan ang kapaitan at kawalang-magawang ito sa buhay, hindi sana ako lumapit sa harap ng Diyos. Noong 2012 pa, ipinangaral sa akin ng nanay ko ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, pero puro pagkita lang ng pera ang inisip ko at hindi ko ito tinanggap. Walong taon pa ang lumipas bago ako lumapit sa Diyos, pero hindi ako inabandona ng Diyos dahil sa aking kamangmangan at paghihimagsik. Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos! Dapat akong tumayo nang wasto sa posisyon ng isang nilikha, at ipagkatiwala ang nalalabing bahagi ng aking buhay sa Diyos, nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Mula noon, binabasa ko na ang mga salita ng Diyos sa tuwing may libre akong oras, at naging napakamakabuluhan ng bawat araw ko.
Kalaunan, umupa ako ng maliit na puwesto sa pamilihan sa umaga para magbenta ng inihaw na mani para kumita. Bagama’t hindi na ako kumikita ng kasinlaki ng dati, hindi na ako ganoon kaabala, at may oras na ako para gawin ang tungkulin ko. Naisip ko ang mga utang mula sa dati kong pamumuhunan na hindi ko pa nababayaran, at naisip kong ibenta ang bahay ko para mabayaran ang mga utang ko. Ipinanalangin ko sa Diyos at ipinagkatiwala sa Kanya ang mga problemang ito. Kalaunan, naging napakabilis ng pagkakabenta ng bahay, at nabayaran ang bahagi ng utang. Mula noon, pumupunta na ako sa mga pagtitipon pagkatapos kong magsara ng puwesto araw-araw, at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at ginagawa ang tungkulin ko kasama ang mga kapatid.
Noong kalagitnaan ng Pebrero 2024, tinawagan ako ng nakababata kong kapatid para sabihing ibinebenta ang tindahan ng isang kamag-anak namin. Pagkatapos ibawas ang mga gastos, kikita ako ng mahigit 100,000 yuan sa isang taon, at hindi ko kailangang magmadali sa pagbabayad para sa tindahan. Puwede ko munang simulan ang negosyo at saka magbayad kapag kumita na ako. Nang marinig ko ito, nasabik ako, “Napakaganda nito. Mahigit sampung taon na ang tindahang ito at mayroon na itong mga suki. Hindi ko kailangang maglabas ng kahit isang sentimo sa simula at kikita na ako agad. Kung magtatrabaho ako roon nang ilang taon, hindi ko lang mababayaran ang lahat ng utang ko, magkakaroon ng pera para sa kasal ng anak ko, at para sa aking pagreretiro, unti-unti ko na ring mababalikan ang prestihiyosong buhay na iyon.” Pero may naisip din ako, “Hindi. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na babalik lang ako sa dati kong buhay? Sa wakas ay nakalaya na ako mula sa mga pagpapahirap ni Satanas. Hindi ako puwedeng bumalik. Kung kailangan kong pumili sa pagitan ng pagkita ng pera at paggawa ng tungkulin, pipiliin ko ang tungkulin ko.” Sa oras na ito, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko sa isang nakaraang pagtitipon, at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagkakontento sa pagkain at damit, ito ba ang tamang landas? (Tama ito.) Bakit ito tama? Ang halaga ba ng buhay ng isang tao ay tungkol sa pagkain at damit? (Hindi.) Kung ang halaga ng buhay ng isang tao ay hindi tungkol sa pagkain at damit o sa kasiyahan ng laman, dapat ay matugunan lamang ng propesyong isasagawa ng isang tao ang pangangailangan sa pagkain at damit; hindi dapat iyon lumagpas sa saklaw na ito. Ano ang layon sa likod ng pagkakaroon ng pagkain at damit? Ang masigurong iiral nang normal ang katawan. Ano ba ang layon ng pag-iral? Hindi ito alang-alang sa kasiyahan ng laman, ni alang-alang sa pagsasaya sa takbo ng buhay, at talagang hindi ito alang-alang sa pagtamasa sa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa buhay. Hindi mahalaga ang lahat ng ito. Kung gayon, ano ang pinakamahalaga? Ano ang pinakamakabuluhang bagay na dapat gawin ng isang tao? (Dapat na tahakin ng isang tao ang landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghangad sa katotohanan, at pagkatapos ay tuparin ang sarili niyang mga tungkulin.) Anumang uri ka ng tao, isa kang nilikha. Dapat na gawin ng mga nilikha ang layon nilang gawin—ito ang may halaga. Kaya, ano ba ang ginagawa ng mga nilikha na may halaga? Ang bawat nilikha ay may misyong ipinagkatiwala sa kanya ng Lumikha, isang misyong layon niyang tuparin. Itinakda na ng Diyos ang tadhana ng buhay ng bawat tao. Anuman ang tadhana ng kanyang buhay, iyon ang dapat niyang gawin. Kung gagawin mo ito nang mabuti, kapag sa wakas ay humarap ka sa Diyos upang magbigay-sulit, magbibigay ang Diyos ng kasiya-siyang sagot. Sasabihin Niyang iginugol mo nang makabuluhan at produktibo ang iyong buhay, na ginawa mong buhay mo ang mga salita ng Diyos, at na isa kang kwalipikadong nilikha. Gayunpaman, kung ang buhay mo ay tungkol lamang sa pamumuhay, pagsisikap, at paglalaan alang-alang sa pagkain, damit, kasiyahan, at kaligayahan, kapag sa wakas ay humarap ka na Diyos, itatanong Niya, ‘Gaano mo natupad ang gawain at misyon ng buhay na ito na ibinigay Ko sa iyo?’ Susumahin mo iyong lahat at malalaman mong iginugol ang lakas at panahon ng buhay na ito sa pagkain, damit, at kasiyahan. Mukhang wala kang masyadong nagawa sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi mo natupad ang iyong tungkulin, hindi ka nakapagpursige hanggang sa huli, at hindi mo naisakatuparan ang iyong debosyon. Tungkol naman sa paghahangad sa katotohanan, bagaman nagkaroon ka ng kaunting kagustuhang hangarin ito, wala ka masyadong naisakripisyo, at wala kang anumang natamo. Sa huling pagsubok, hindi mo naging buhay ang mga salita ng Diyos, at ikaw pa rin ang dating Satanas. Ang mga pamamaraan mo ng pagtingin sa mga bagay-bagay at ng pagkilos ay nakabatay lahat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Ganap ka pa ring laban sa Diyos, at di-kaayon sa Kanya. Kung gayon, mawawalan ka ng pakinabang, at hindi ka na gugustuhin ng Diyos. Magmula sa puntong ito, hindi ka na magiging nilikha ng Diyos. Kaawa-awang bagay iyon! Samakatuwid, anumang propesyon ang iyong isagawa, basta’t legal ito, isinaayos at itinadhana ito ng Diyos. Ngunit hindi iyon nangangahulugang sinusuportahan o hinihikayat ka ng Diyos na kumita ng mas malaking pera o maging prominente sa propesyong pinili mo. Hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos, at kailanman ay hindi Niya ito hiningi sa iyo. Isa pa, hinding-hindi gagamitin ng Diyos ang propesyong iyong isinasagawa upang itulak ka sa mundo, ibigay ka kay Satanas, o payagan kang mapagmatigas na maghangad ng katanyagan at kayamanan. Sa halip, sa pamamagitan ng propesyong isinasagawa mo, binibigyang-daan ka ng Diyos na matugunan mo ang iyong mga pangangailangan sa pagkain at tirahan—iyon lang. Dagdag pa rito, sa mga salita ng Diyos ay sinabi na Niya sa iyo ang mga bagay na tulad ng kung ano ang iyong tungkulin, ano ang iyong misyon, ano ang dapat mong hangarin, at ano ang dapat mong isabuhay. Ang mga ito ang mga ugaling dapat mong isabuhay at ang landas na dapat mong tahakin sa buong buhay mo. … sa mga usapin ng isang propesyon, napakahalagang makontento sa pagkain at damit. Kung hindi mo makita nang malinaw ang puntong ito, maaaring mawala sa iyo ang iyong tungkulin at malagay sa panganib ang mga pagkakataon mong maligtas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (20)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dapat makontento ang isang tao kapag mayroon na siyang pagkain at pananamit. Dumarating ang mga tao sa mundong ito hindi para sa mga kasiyahan ng laman, kundi para gawin ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha. Sa pagbabalik-tanaw sa mga taon ng pagsisikap na kumita ng pera, muntik na akong mamatay, at ang Diyos ang nagligtas sa akin mula sa mga pagpapahirap ni Satanas. Sa pagpunta sa sambahayan ng Diyos para makipagtipon at magbasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang dapat hangarin ng mga tao para magkaroon ng pinakamakabuluhang buhay. Labis na napanatag ang puso ko. Ito ay isang bagay na hindi mabibili ng pera, kasikatan, o pakinabang. Ang perang kinikita ko sa pagbebenta ng inihaw na mani ngayon ay hindi gaanong malaki, pero sapat na para sa aking ikabubuhay, at pag-uwi ko ay nakakadalo pa rin ako sa mga pagtitipon at nagagawa ang aking tungkulin. Kung magpapatakbo ako ng tindahan, paano ako magkakaroon ng oras para manampalataya sa Diyos at gawin ang aking tungkulin? Hindi ba’t mangangahulugan iyon na kailangan kong talikuran ang aking mga tungkulin at bumalik sa aking dating mga gawi? Hindi na ako maaaring mabuhay para sa pera, kasikatan, o pakinabang; iyon ay paghuhukay ng sarili kong libingan. Kailangan kong makinig nang mabuti sa mga salita ng Diyos at tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha habang may sapat na pagkain at pananamit. Sa ganitong paraan lang magkakaroon ng kahulugan ang buhay. Kaya naman mariin kong tinanggihan ang aking kapatid.
Ngayon ay abala na ako sa aking mga tungkulin sa halos buong araw, at labis na panatag ang aking puso. Hindi na tulad ng dati, na namumuhay ako para sa pera, kasikatan, at pakinabang at pakiramdam ko ay lubos akong miserable at walang magawa. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!