60. Isang Pagpili sa Isang Mapanganib na Kapaligiran

Ni Lin Feng, Tsina

Nagtatrabaho ako bilang isang mangangaral sa iglesia at responsable ako sa gawain ng ilang iglesia. Isang gabi noong Enero 2024, ipinasa sa akin ni Sister Liu Min ang isang dokumento tungkol sa pagpapatalsik sa Hudas na si Zhang at sinabi sa akin, “Ipinagkanulo ni Zhang ang maraming lider at manggagawa pagkatapos siyang maaresto. Ipinagkanulo ka rin niya. Kailangan mong mag-ingat.” Nang marinig ko ito, medyo kinabahan ako at naisip ko, “Ipinagkanulo ako ni Zhang, at ngayon naging target na ako, tinutugis ng CCP. Baka maaresto ako balang araw, kaya kailangan ko talagang mag-ingat!”

Isang araw noong Abril, nakatanggap ako ng isa pang sulat mula sa isang katrabaho, na nagsasabing, “Pagkatapos maaresto, naging Hudas din si Yu at ipinagkanulo ka, pero hindi ko alam kung kinilala niya ang litrato mo. Kailangan mong mag-ingat.” Nang marinig ko ito, mas lalo pa akong nag-alala, at naisip ko, “Kung ang mga pulis ng CCP ay may litrato ko at hihingin pa sa isang Hudas na kilalanin ako, talagang napakadelikado na ng sitwasyon ko! Ngayon, may mga high-definition na camera kahit saan, at may drone surveillance rin. Mamo-monitor ako kahit saan ako magpunta, at hindi magtatagal at maaaresto ako! Kapag nahuhuli ng mga pulis ang mga lider at manggagawa, inuusig nila ang mga ito hanggang sa kamatayan. Kung maaresto ako at hindi makayanan ang pagpapahirap, pagiging Hudas o pambubugbog hanggang mamatay, hindi ba’t masasayang lang ang pananampalataya ko?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong natatakot. Naramdaman kong masyadong mapanganib ang pagiging isang lider o manggagawa. Noong panahong iyon, hindi nagbubunga ng mga resulta ang gawain ng ebanghelyo sa mga iglesiang ako ang responsable. Gusto kong pumunta para alamin kung bakit hindi nagbubunga ng mga resulta ang gawain, pero naisip ko kung paanong tinutugis ako ng CCP, at hindi maganda ang mga kapaligiran ng mga iglesiang ako ang responsable. Kung mamo-monitor ako ng CCP habang papunta roon, puwede akong arestuhin anumang oras. Nang maisip ko ito, hindi na ako nangahas na pumunta. Noong panahong iyon, maraming kapatid ang namumuhay sa takot at karuwagan, at pasibo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Sa partikular, ang gawain ng ebanghelyo ay hindi kinakitaan ng pagbuti. Kahit na patuloy akong sumusulat ng mga liham para subaybayan ang gawain, wala pa ring gaanong pag-usad.

Isang gabi, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga nakatataas na lider. Sinabi rito, “Ang gawain ng ebanghelyo sa ilang iglesia ay hindi nagbubunga ng anumang mga resulta. Bilang isang mangangaral, dapat kang pumunta sa mga iglesia para unawain mo mismo ang sitwasyon, tuklasin ang mga problema, at lutasin ang mga ito.” Nang mabasa ko ito, naramdaman ko na medyo lumalaban ako, at naisip ko, “Lahat ng iglesiang ako ang responsable ay nasa masasamang kapaligiran. Masyadong mapanganib para sa akin na ako mismo ang pupunta roon. Isa pa, ang target ng CCP ay arestuhin ang mga lider at manggagawa. Kung maaresto ako, maaaring pang mawala ang buhay ko. Mas mabuti pang huwag na akong pumunta kahit saan. Dapat magtago na lang ako at sumulat ng mga liham para subaybayan ang gawain. Mas hindi gaanong mapanganib ang ganitong pamamaraan.” Nang maisip ko ito, hindi mapakali ang kalooban ko. Halos natigil na ang gawain ng ebanghelyo sa mga iglesiang responsabilidad ko, at kailangan kong pumunta roon kaagad para lutasin ito. Pero takot akong mahuli, kaya hindi ako nangahas na pumunta. Ano ang magagawa ko? Namuhay ako sa pag-aalala at pagkabalisa. Kinabukasan, nakatanggap ako ng isa pang sulat mula sa mga nakatataas na lider. Sinabi rito, “Ang mga iglesiang ikaw ang responsable ay mabagal ang pag-usad kamakailan sa iba’t ibang aytem ng gawain. Namumuhay sa karuwagan ang mga kapatid at napakapasibo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Dapat pumunta ka at tingnan mo.” Pagkabasa ko ng sulat mula sa mga lider, alam kong dapat akong pumunta sa mga iglesia at talagang lutasin ang mga problema. Pero naisip ko kung paanong noong nakaraan, isang lider ang binugbog hanggang mamatay ng mga pulis tatlong araw matapos maaresto, at naduwag ako sa kalooban. Gusto ko pa ngang gumawa ng isang ordinaryong tungkulin kung saan hindi ko na kailangang sumuong sa ganoon kalaking panganib. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, at naghanap ako ng mga salita ng Diyos para lutasin ito.

Sa aking mga debosyonal sa umaga, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit sa isang video ng patotoong batay sa karanasan, na nakatulong nang malaki sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang mga tao ay hindi malinaw na nakikita, nauunawaan, natatanggap, o nakapagpapasakop sa mga kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at kapag ang mga tao ay nahaharap sa iba’t ibang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o kapag ang mga paghihirap na ito ay lampas na sa kayang tiisin ng pangkaraniwang tao, hindi nila namamalayan na nakadarama sila ng iba’t ibang uri ng pag-aalala at pagkabalisa, at maging ng pagkabagabag. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari bukas, o sa susunod na araw, o kung ano ang kanilang magiging hinaharap, kaya sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay. Ano ang konteksto na nagdudulot ng mga negatibong emosyong ito? Ito ay ang hindi nila paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ibig sabihin, hindi nila magawang maniwala at lubos na maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at wala silang tunay na pananalig sa Diyos sa puso nila. Kahit pa makita ng sarili nilang mga mata ang mga katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila ito mauunawaan o paniniwalaan. Hindi sila naniniwala na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang kapalaran, hindi sila naniniwala na ang kanilang buhay ay nasa mga kamay ng Diyos, at kaya umuusbong sa kanilang puso ang kawalan ng tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos ay lumilitaw ang mga reklamo, at hindi nila magawang magpasakop(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Kung hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maiipit sa mga paghihirap na ito at hindi sila malulubog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Sa kabaligtaran, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, nasa kanila pa rin ang mga paghihirap na ito, at ano ang kalalabasan? Iipitin ka ng mga ito upang hindi ka makawala, at kung hindi mo malutas ang mga ito, sa huli ay magiging mga sobrang komplikadong negatibong emosyon ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso; makakaapekto ang mga ito sa iyong normal na buhay at sa normal na pagganap sa iyong mga tungkulin, at dahil sa mga ito ay mararamdaman mo na naaapi ka at hindi makalaya—ito ang kalalabasan mo dahil sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang takot kong maaresto at mabugbog hanggang mamatay ay dahil talaga sa kawalan ng pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos: Hindi ako naniwala na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Dahil ipinagkanulo ako ng isang Hudas, target na ako ngayon ng CCP. Natakot ako na kung maaresto ako at hindi ko makayanan ang pagpapahirap, maging Hudas o mabugbog hanggang mamatay, mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Kaya hindi ako nangahas na pumunta sa mga iglesia para lutasin ang mga problema. Ayaw kong magpasakop sa kapaligirang pinamatnugutan ng Diyos para sa akin. Nagreklamo pa nga ako na masyadong mapanganib ang paggawa sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa, at ginusto kong gumawa ng isang ordinaryong tungkulin na walang kaakibat na anumang malaking panganib. Wala talaga akong pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.

Pagkatapos, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, ‘Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pangangaral ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?’ Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? Ang ilang anticristo ay takot na takot sa kamatayan at umiiral sa buhay nang walang dangal; gusto rin nila ang reputasyon at katayuan, at handa silang umako ng mga tungkulin ng pamumuno. Bagama’t alam nila na, ‘Hindi madaling pasanin ang gawain ng isang lider—kapag nalaman ng malaking pulang dragon na ginawa akong isang lider, magiging sikat ako, at baka mailagay ako sa listahan ng mga pinaghahanap, at kapag nahuli ako, manganganib ang buhay ko,’ alang-alang sa pagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuang ito, binabalewala nila ang mga panganib na ito. Kapag nagsisilbi sila bilang mga lider, nagpapakasasa lang sila sa kasiyahan ng kanilang laman, at hindi sila nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Bukod sa kaunting pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang iglesia, wala na silang ginagawa pa. Nagtatago sila sa isang lugar at hindi nakikipagkita sa kahit sino, nananatili silang malayo, at hindi alam ng mga kapatid kung sino ang kanilang lider—ganoon katindi ang kanilang takot. Kaya, hindi ba’t tama na sabihing sila ay mga lider sa pangalan lamang? (Oo.) Hindi sila nakikibahagi sa anumang aktuwal na gawain bilang mga lider; inaalala lamang nila ang pagtatago ng kanilang sarili. Kapag tinatanong sila ng iba, ‘Kumusta ang pagiging lider?’ sinasabi nila, ‘Masyado akong abala, at alang-alang sa seguridad, kailangan kong magpalipat-lipat ng bahay. Masyadong nakakabagabag ang kapaligirang ito na hindi ako makatutok sa gawain ko.’ Palagi nilang nararamdaman na parang maraming mata ang nagmamasid sa kanila, at hindi nila alam kung saan ligtas na magtago. Bukod sa pagbabalatkayo, pagtatago sa iba’t ibang lugar, at hindi pananatili sa isang lokasyon, hindi rin sila gumagawa ng aktuwal na gawain araw-araw. Mayroon bang mga ganitong lider? (Oo.) Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinasabi ng mga taong ito, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga. Para mabantayan ang sarili mula sa atake ng maninila, kailangang maghanda ng kuneho ng tatlong lungga na mapagtataguan. Kung nahaharap sa panganib ang isang tao at kinakailangang tumakas, pero walang mapagtataguan, katanggap-tanggap ba iyon? Dapat tayong matuto mula sa mga kuneho! Ang mga nilikhang hayop ng diyos ay may ganitong kakayahan na manatiling buhay, at dapat matuto ang mga tao mula sa mga ito.’ Simula nang umako ng mga tungkulin ng pamumuno ang mga anticristo, napagtanto nila ang doktrinang ito, at naniwala pa nga sila na nauunawaan na nila ang katotohanan. Sa realidad, lubha silang natatakot. Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, ‘Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!’ Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, ‘Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.’ Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na gumawa. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilantad ng mga salita ng Diyos na iniisip lang ng mga anticristo na protektahan ang kanilang sarili kapag lumilitaw ang panganib. Iniisip lang nila kung paano ilalayo ang kanilang sarili sa kapahamakan, at hindi iniisip ang tungkol sa mga interes ng iglesia. Ang kalikasan nila ay makasarili at kasuklam-suklam. Napagtanto kong ang sarili kong pag-uugali ay kasing-makasarili tulad ng sa isang anticristo. Alam na alam ko na mabagal ang pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain sa mga iglesiang ako ang responsable, at namumuhay sa takot at karuwagan ang mga kapatid. Ang pagsulat lang ng mga liham para sumubaybay ay talagang hindi nagbubunga ng anumang mga resulta. Kailangan kong puntahan agad ang mga iglesia at lutasin ang mga problemang ito. Pero hindi ako nangahas na pumunta dahil takot akong maaresto, at nagreklamo pa nga ako na masyadong mapanganib ang mga tungkulin ng mga lider at manggagawa. Sa partikular, nang maisip ko kung paanong noong nakaraan, isang lider ang binugbog hanggang mamatay ng mga pulis tatlong araw matapos siyang maaresto, mas lalo pa akong natakot na maaresto; ayaw kong pumunta sa mga iglesia para lutasin ang mga problemang ito, at ginusto ko pang gumawa ng isang tungkulin na walang kaakibat na anumang panganib. Bilang isang lider, nabigo akong protektahan ang gawain ng iglesia sa kritikal na sandali, at hindi ko inisip ang sarili kong tungkulin at mga responsabilidad, wala akong ipinakitang katapatan o pagpapasakop sa Diyos. Itinaas ako ng Diyos para gawin ang tungkulin ng isang lider; dapat sana ay pinangunahan ko ang mga kapatid na gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin at maghanda ng mabubuting gawa. Pero sa halip, para protektahan ang sarili ko, nagtago ako, kahiya-hiyang iniingatan ang sarili kong buhay. Wala akong pakialam kung mabuhay o mamatay ang mga kapatid, hindi ko inisip ang mga interes ng iglesia, at walang akong katapatan sa aking tungkulin. Natigil ang gawain ng mga iglesiang ito, at nakagawa na ako ng mga pagsalangsang sa pamamagitan ng pag-antala sa gawain. Kung hindi ako agad magsisisi, kahit pa magawa kong magtago at makaiwas sa pagkaaresto, hindi ko pa rin matutupad ang aking tungkulin o mga responsabilidad. Pagkakanulo iyon sa Diyos, at sa huli, ititiwalag at parurusahan ako ng Diyos tulad lang ng isang anticristo.

Kalaunan, higit ko pang binasa ang mga salita ng Diyos: “Yaong mga nasa kapangyarihan ay maaaring mukhang malupit sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil maliit ang inyong pananalig. Hangga’t lumalago ang inyong pananalig, walang magiging napakahirap. Magalak at tumalon hangga’t gusto ninyo! Lahat ay nasa ilalim ng inyong mga paa at hawak Ko. Hindi ba ipinapasya ang katuparan o pagkawasak sa isang salita Ko lamang?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, dapat kang manatiling matatag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang talikuran ang lahat at sumunod sa Akin gamit ang buong lakas mo, at maging handang magbayad ng anumang halaga. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daang ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Sa suporta ng Diyos, ano ang dapat kong katakutan? Gaano man kalaganap at kalupit ang malaking pulang dragon, nasa saklaw ito ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Isa itong gamit-panserbisyo sa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi ako maaaresto ng mga pulis kahit nasa harap pa nila ako. Sa pagbabalik-tanaw sa mga taon ng pagsunod ko sa Diyos, maraming beses na naharap ako sa panganib at muntik na akong maaresto. Ang kamangha-manghang proteksyon ng Diyos ang nagligtas sa akin sa panganib sa bawat isang pagkakataon. Halimbawa, isang gabi noong 2020, may dalawang taong nag-inspeksyon sa bahay na inuupahan namin. Dahil may mga panganib sa kaligtasan ko at hindi ko maipakita ang ID card ko, isusuplong nila kami. Galit na sinabi ng isa sa mga lalaki, “Maghintay ka lang, aalis ako at tatawag ng pulis para arestuhin ka ngayon mismo!” Pagkasabi niyon, umalis siya. Sinamantala ko at ng mga sister ko ang pagkakataon at mabilis kaming umalis. Kinabukasan ng umaga, sampung pulis ang pumunta sa bahay. Hindi nila kami maaresto, kaya ang di-nananampalatayang may-ari ng bahay ang inaresto nila sa halip. Nakita ko na kung maaaresto ako o hindi ay nasasa Diyos. Gaya lang ng sinasabi ng Diyos: “Kung walang pahintulot ang Diyos, hindi madali para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o isang butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Kung pinahintulutan ako ng Diyos na maaresto, may mabuting layunin Siya rito, at dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, nananatiling matatag sa aking patotoo sa Diyos.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng mas malinaw na perspektiba tungkol sa kamatayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinakalat nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtakda sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang kumpirmahin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Iyong mga naging martir dahil sa pagpapakalat sa ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Nililinaw nang husto ng mga salita ng Diyos ang kahulugan ng kamatayan. Naging martir ang mga disipulo ng Panginoong Jesus dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoon. Ang ilan ay pinatay sa pamamagitan ng tabak, ang ilan ay binitay, at ang ilan ay ipinako sa krus. Ginamit nila ang kanilang buhay para magbigay nang maganda at matunog na patotoo para sa Diyos at ipinahiya si Satanas. Ang kanilang pagkamatay ay makabuluhan at mahalaga, at sinang-ayunan ng Diyos. Sa panlabas, namatay ang kanilang laman, pero hindi ito tunay na kamatayan: Buhay pa rin ang kanilang kaluluwa. Sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, maraming kapatid din ang nagpatotoo ng pagtatagumpay laban kay Satanas. Pagkatapos nilang maaresto, gaano man sila pinahirapan ng mga pulis, mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa ipagkanulo ang Diyos o maging Hudas. Gayumpaman, takot akong mabugbog hanggang mamatay bago pa man ako maaresto, at, tulad ng isang pagong na nagtatago sa kanyang talukab, hindi ako nangahas na gawin ang tungkulin ko. Nasaan ang patotoo roon? Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakaramdam ng kapighatian at paninisi sa sarili. Hiyang-hiya ako na ipakita ang aking mukha, at kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging masyadong makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, para ingatan ang sarili ko, gusto ko lang takasan ang kamatayan—namumuhay ako ng isang kahabag-habag na buhay at hindi ako nagpapakita ng katapatan o pagpapasakop sa Iyo. Ikaw ang may huling kapasyahan kung maaaresto ako o hindi. Handa akong ipagkatiwala nang lubos ang aking sarili sa Iyong mga kamay at hindi na malimitahan pa ng takot sa kamatayan. Handa ako mismong pumunta sa mga iglesia para lutasin ang mga tunay na problema at tuparin ang aking mga tungkulin.” Pagkatapos manalangin, naging mas panatag at gumaan ang pakiramdam ko.

Pagkatapos, pumunta ako sa isang iglesia. Sa pamamagitan ng aking mga pagtatanong, nalaman ko na takot ang mga lider ng iglesia na maaresto ang kanilang mga kapatid dahil sa pangangaral ng ebanghelyo at na sila ang pananagutin, kaya napakapasibo nila sa pagsubaybay sa gawain. Kami ay kumain, uminom, at nagbahaginan ng mga salita ng Diyos bilang tugon sa kalagayang ito. Naunawaan din ng mga lider ng iglesia na ang katunayang takot silang umako ng responsabilidad at hindi sila gumagawa ng tunay na gawain ay nag-ugat sa kanilang makasarili at kasuklam-suklam na mga satanikong disposisyon, at handa silang magbago. Pagkatapos niyon, nagsimula silang makipagkita sa mga lider ng pangkat, mga diyakono, at mga manggagawa ng ebanghelyo, upang makipagbahaginan at lutasin ang mga problema sa gawain ng ebanghelyo. Nagtulungan kami at unti-unting nagpakita ng mga senyales ng pagbuti ang gawain ng iglesia. Mula sa kaibuturan ng aking puso, nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa Kanyang pagbubunyag at pagliligtas sa akin!

Sinundan: 55. Ang Pagtukoy sa mga Problema ay Hindi Katulad ng Pagpuna sa mga Pagkukulang

Sumunod: 63. Ang Aking Natamo sa Pagkakatalaga sa Ibang Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito