62. Kaya Ko Nang Tratuhin Nang Wasto ang mga Dagok at Pagkabigo

Ni Qiao Xin, Tsina

Noong Mayo 2024, nagsanay ako sa pagsusulat ng mga sermon sa iglesia. Noong una, nahirapan ako, pakiramdam ko dahil mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, hindi maganda ang pagkakasulat ko. Ang sister na katuwang ko ay nakipagbahaginan sa akin at pinalakas ang loob ko, at nagbahagi rin siya sa akin ng ilang magagandang paraan. Kalaunan, nang nagsusulat ako ng sermon, hinanap ko ang mga kaugnay na katotohanan at nagsulat habang pinagninilayan ang mga ito, at mabilis ko itong natapos. Tuwang-tuwa ako at nagpapasalamat sa gabay ng Diyos. Makalipas ang dalawang araw, sumulat sa akin ang superbisor, sinasabing napili ang sermon ko, at mayroon daw akong mahusay na kakayahan at ilang ideya. Nagulat at natuwa ako nang mabasa ko ang sulat. Napansin nila na nagkaroon ako ng mga ideya pagkasimula ko pa lang ng pagsasanay sa pagsusulat ng sermon. Ilan sa mga sister na kasama ko ay nakapagsulat na ng ilang sermon, pero wala akong nabalitaan na may napiling sermon ng sinuman, kaya pakiramdam ko ay talagang espesyal ako, at sa paningin ng lahat, isa akong taong may kakayahan at mga ideya. Makalipas ang ilang araw, hindi ko sinasadyang nabasa ang isang sulat na isinulat ng superbisor para sa mga lider. Sabi sa sulat, “Si Qiao Xin ay medyo masigasig sa pagsusulat ng mga sermon at isa siyang taong may mga ideya at kakayahan, at kasalukuyan namin siyang tinututukan at nililinang.” Kahit na maliit na bagay lang iyon, pakiramdam ko ay naging sentro ako ng atensyon ng lahat, at na iba na ako sa mga ordinaryong tao. Naisip ko rin kung paano noong nakaraang taon, nakapagsulat ako ng ilang artikulo sa loob lang ng isang linggo, at agad akong napansin ng superbisor. Sinabi ng superbisor na may talento ako sa pagsusulat at itinalaga niya ako sa tungkuling nakabatay sa teksto. Ngayon, kasisimula ko pa lang magsanay sa pagsusulat ng mga sermon, napansin na naman ako ng isa pang superbisor. Sa isip-isip ko, “Kahit saan ako magpunta, napapansin ako, talagang may kakayahan at talento ako sa pagsusulat!” Pagkatapos nito, naglagay ako ng tatak sa sarili ko na “may natatanging talento sa pagsusulat,” at pakiramdam ko ay iba ako sa iba. Naisip ko, “Kailangan kong magsanay nang masigasig, at gawing mas mahusay ang bawat sermon kaysa sa huli, para makapagsulat ako ng mga sermon na pasok sa pamantayan sa pinakamaikling panahon, at para siguradong mas magiging mataas ang tingin sa akin ng lahat at mas lalo pa nila akong sasang-ayunan.” Kalaunan, naging napaka-aktibo ko sa pagsusulat ng mga sermon, at sunod-sunod akong nakapagsulat ng dalawang sermon, na isinumite ko sa superbisor. Madalas sumulat ng mga liham ang superbisor para palakasin ang loob ko, at sa ipinapahiwatig ng mga salita niya, ramdam kong nagmamalasakit at pinapahalagahan ako ng superbisor. Napakasaya ng pakiramdam ko, at namuhay ako sa pagkabilib sa sarili.

Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng written feedback sa isinulat kong sermon. Binuksan ko ito, at ang unang bumungad sa akin ay ang napakaraming minarkahang problema—may ilang bahagi ng pagbabahaginan na hindi malinaw, at ang iba naman ay lumihis sa paksa…. Talagang pinanghinaan at nasiraan ako ng loob. Naisip ko, “Kung susundin ang lohika, dahil may talento ako sa pagsusulat, dapat na gumagaling ang mga sermon ko sa bawat pagkakataon, at dapat mayroon akong malinaw na pag-unlad, kung gayon, bakit tila paurong pa yata ako? Ito ba ay isang pagkakamaling dapat gawin ng isang taong may talento sa pagsusulat? Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga lider? Iisipin kaya nilang nagkamali sila ng paghusga sa akin, at na wala naman pala akong ganitong uri ng kakayahan?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong naging negatibo, at wala na akong ganang pag-isipang mabuti ang mga problemang binanggit ng mga lider. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya naghanap ako ng mga salita ng Diyos para basahin, at nakita ko ang siping ito: “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod-tangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging mapagprotekta ka sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na nalilimitahan ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ko matanggap ang gabay ng mga lider sa mga problema ko dahil kontrolado ako ng mapagmataas kong disposisyon. Hinahangad ko ang pagiging perpekto at sinusubukang mamukod-tangi sa iba. Nang marinig kong sabihin ng iba na may kakayahan ako at may mga sarili kong ideya ang mga sermon ko, naging palalo ako, at inisip ko na hindi ako ordinaryong tao, kundi isang taong may kakayahan at natatanging talento. Nagsimula kong hingin sa sarili ko na dapat maging mas mahusay ang mga sermon ko kaysa sa iba, at pakiramdam ko na hindi dapat ganoon karami ang problema ng mga ito, dahil doon lang ako magiging karapat-dapat sa titulong “may talento sa pagsusulat.” Kaya sa tuwing nahaharap ako sa mga dagok, nagiging negatibo ako at hindi ko matingnan nang wasto ang sarili ko. Sa katunayan, napakanormal lang na magkaroon ng mga problema sa isinusulat na sermon ng isang tao, at imposibleng malaman mo ang lahat at maging perpekto ka sa simula ng tungkuling ito, at hindi ka magkakamali nang kahit kaunti. Hindi makatotohanan ang ganoong mga hinihingi ko sa sarili ko. Higit pa rito, itinuro ng mga lider ang mga problema ko para tulungan akong matuklasan ang mga kakulangan ko, matutuhang punan ang mga ito, at umunlad, pero nang maharap ako sa mga dagok, naging negatibo ako at hindi ko kayang harapin ang mga kakulangan ko. Masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko, at talagang napakayabang ko! Pagkatapos kong pag-isipan ito, naging handa na akong tanggapin ang gabay at tulong ng mga lider, at magtuon sa paghahanap at pagninilay sa mga kaugnay na katotohanan habang isinusulat ang mga sermon ko para maiwasan ang mga paglihis at pagkakamaling ito.

Pagkatapos niyon, pinatahimik ko ang puso ko at pinag-aralan ang mga kaugnay na prinsipyo, at may mga naunawaan naman ako habang nag-aaral. Pero pagdating sa mismong pagsusulat, medyo nahihirapan pa rin ako, at pakiramdam ko, hindi madaling sumulat ng sermon na pasok sa pamantayan. Habang lumilipas ang oras, wala pa rin akong maisip, at nagsimula akong panghinaan ng loob, sa isip-isip ko, “Paano kung hindi ako makasulat ng magandang sermon? Ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga lider? Sasabihin kaya nila, ‘Lumalabas na talagang mahina pala ang kakayahan ni Qiao Xin, at hindi man lang niya maarok ang mga prinsipyo’?” Nang maisip ko ito, nabahala ako, at nang mag-aral akong muli, lumipad ang isip ko, at palagi akong inaantok. Sa gabi, kapag sinusubukan kong matulog, hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga, at papalit-palit ako ng puwesto sa kama, hindi makatulog. Gusto ko talagang makasulat agad ng magandang sermon para maipakita sa lahat, at sa ganoong paraan ay maibabalik ko ang imahe ko. Pero habang lalo kong iniisip na pagandahin ang sulat ko, lalo akong nakararamdam ng presyur. Kinabukasan nang umaga, nagising ako na ang pakiramdam ay pagod na pagod, at nagsimulang sumakit ang ulo ko. Maghapon akong nag-isip nang husto pero wala pa rin akong maisip na anumang ideya, at para bang may mabigat na batong nakadagan sa dibdib ko, at hirap akong huminga. Gusto ng sister na katuwang ko na mag-aral kami ng mga prinsipyo, pero wala akong gana na gawin iyon.

Kalaunan, ikinuwento ko sa kanya ang kalagayan na pinagdadaanan ko nitong mga nakaraang araw, at binasahan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, idinudulot sa mga tao na wala nang ibang isipin kundi ang dalawang bagay na ito. Nakikibaka sila para sa kasikatan at pakinabang, dumaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan at nagbubuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa sila ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na makaalpas. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na mawawalan ng kabuluhan ang buhay kung walang kasikatan at pakinabang, at iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Pagdating ng oras na nais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Pagkatapos kong pakinggan ang mga salita ng Diyos, biglang nagliwanag ang puso ko. Napagtanto ko na ang nararamdaman kong pagkasupil sa puso ko nitong mga nakaraang ilang araw ay dahil pala sa paglilimita at pagkakagapos sa akin ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Noong una, sinabi ng superbisor na maganda ang mga ideya sa sermon ko, at naging kontento ako sa sarili ko, pakiramdam ko ay mayroon akong mahusay na kakayahan at natatanging talento sa pagsusulat, kaya lalo pa akong nagsikap na magsulat ng mga sermon, umaasang makukuha ko ang pagsang-ayon at paghanga ng iba. Gayumpaman, nang maraming problema ang itinuro sa dalawang sermon na isinulat ko, nagsimula akong mag-alala na baka maliitin ako ng iba, at hindi na nila isiping ako ay isang taong may kakayahan at talento, kaya hindi ako makalma para pagnilayan ang mga problemang itinuro ng mga lider, hindi ko rin pinag-aralan ang mga prinsipyo o hinanap ang katotohanan para punan ang mga pagkukulang ko. Gusto ko lang makasulat agad ng magandang sermon para maibalik ang imahe ko, at ayaw kong maliitin ako ng iba. Gayumpaman, habang lalo akong nag-aalala, lalo namang lumalabo ang isip ko, at pagkatapos ng isang buong araw na pagtatrabaho, wala pa rin akong progreso. Naalala ko noong una akong nagsimulang magsulat ng mga sermon, kahit na maraming hirap, mayroon akong dalisay na pusong umaasa sa Diyos, tunay akong nag-aral at naghanap ng mga kaugnay na salita ng Diyos para pagnilayan, at binigyang-liwanag ako ng Diyos at ginabayan Niya ako, kaya noong nagsulat ako, mayroon akong ilang mga ideya. Pero ngayon, ang iniisip ko lang ay ang pagpapahalaga ko sa sarili at katayuan ko, at dahil sa pag-iisip ko kung paano mapapanatili ang magandang imahe sa mata ng iba, hindi na ako makakain o makatulog, nagdulot ito ng pagkahilo at pagkaliyo ko, at hindi ako makapag-focus sa pagsusulat ng sermon. Ang puso ko ay ganap nang kontrolado ng kasikatan at pakinabang. Kung hindi ko babaguhin ang kalagayang ito, magpapatuloy lang akong mamuhay sa kadiliman at hindi matiis na pasakit, at sa paglipas ng panahon, mawawala sa akin ang tungkuling ito. Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, ayaw ko nang mamuhay sa kalagayan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan, pero hindi ko alam kung paano ito lulutasin. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, para makaalis ako sa maling kalagayang ito at magawa ko nang maayos ang aking tungkulin.”

Kinabukasan nang umaga, binasahan ako ng sister ko ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at malaki ang naitulong sa akin ng isa sa mga sipi. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Alam ng lahat na hindi mabuting bagay para sa tao na maging mataas ang tingin sa kanyang sarili dahil lamang nakapagkamit siya ng ilang resulta sa kanyang tungkulin. Kung gayon, bakit nagiging mataas pa rin ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? Ang isang bahagi nito ay dahil sa kayabangan at kababawan ng tao. May iba pa bang mga dahilan? (Ito ay dahil hindi natatanto ng mga tao na ang Diyos ang naggagabay sa kanila na makamit ang mga resultang ito. Iniisip nilang karapat-dapat sila sa lahat ng papuri, at may taglay silang kakayahan, kaya mataas ang tingin nila sa sarili. Sa totoo lang, kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawang kahit ano ang mga tao, pero hindi nila ito makilatis.) Tama ang pahayag na ito, at ito rin ang pinakamahalaga sa isyung ito. Kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi nila taglay ang Banal na Espiritu upang bigyang-liwanag sila, palagi nilang iisipin na kahit na ano ay kaya nila. Kaya kung mayroon silang kakayahan, maaari silang maging mayabang at maging mataas ang tingin sa sarili. Sa pagganap ninyo ng inyong tungkulin, nadarama ba ninyo ang patnubay ng Diyos at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? (Oo.) Kung nagagawa ninyong maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, pero mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, at iniisip ninyong nagtataglay kayo ng realidad, ano ang nangyayari rito? (Kapag nagbunga na ang pagganap natin ng ating tungkulin, iniisip natin na kalahati ng papuri ay para sa Diyos, at kalahati ay para sa atin. Pinalalaki natin nang walang hangganan ang ating pakikipagtulungan, iniisip natin na wala nang mas hahalaga pa kaysa sa ating pakikipagtulungan, at na hindi naging posible ang pagbibigay-kaliwanagan ng Diyos kung wala ito.) Kaya bakit nga ba binigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos? Mabibigyan din ba ng Diyos ng kaliwanagan ang ibang tao? (Oo.) Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. At ano naman ang kaunting pakikipagtulungan mo? Dapat ka bang purihin para sa bagay na ito, o tungkulin at responsabilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsabilidad namin ito.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsabilidad mo ito, wasto ang pag-iisip mo, at hindi mo maiisip na subukang umani ng papuri para dito. Kung palagi mong iniisip na ‘Kontribusyon ko ito. Magiging posible kaya ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang pakikipagtulungan ko? Ang gawaing ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao; malaki ang bahagi ng ating pakikipagtulungan sa mga naisasakatuparan,’ kung gayon ay mali ka. Paano ka makikipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa iyo? Hindi mo malalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang landas ng pagsasagawa. Kahit ginusto mong magpasakop sa Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba mga salitang walang kabuluhan lamang ang ‘pakikipagtulungan’ mong ito? Kapag walang tunay na pakikipagtulungan, kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya—kung ganito ang kaso, pasok kaya sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi, na nagpapahiwatig ng kasalukuyang isyu. Ano ang isyu? Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, nagkakamit man siya ng mga resulta, pasok man sa pamantayan ang paggampan niya sa kanyang tungkulin, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kahit tuparin mo ang iyong mga responsabilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, kung hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Matapos magpagal sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan at ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatwid, ang paggawa ng iyong tungkulin na pasado sa pamantayan, na nakapagpapatibay sa iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Kung gayon, sa huli, ang pagganap sa iyong mga tungkulin sa epektibong paraan ay nakasalalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, nabubulagan sila. Kahit na anupamang gawain ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos, ano dapat ang maging resulta? Ang isang bahagi nito ay dapat na magpatotoo sa Diyos at magpakalat ng ebanghelyo ng Diyos, habang ang iba pang bahagi nito ay dapat na magpatibay at magbigay ng pakinabang sa mga kapatid. Dapat magkamit ang gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga resulta sa parehong bahagi. Sa sambahayan ng Diyos, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, magkakamit ka ba ng mga resulta nang walang patnubay ng Diyos? Hinding-hindi. Maaaring sabihin na kung walang patnubay ng Diyos, ang ginagawa mo ay talagang walang silbi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ko matanggal ang tatak na “may natatanging talento sa pagsusulat” dahil inangkin ko ang lahat ng pagiging epektibo sa pagsusulat ng mga sermon, at inakala kong dahil lang sa mahusay kong kakayahan, natatanging talento, at masigasig na pagsisikap kaya nagkaroon ng mga resultang ito. Sa katunayan, masyado talaga akong nahirapan sa pagsusulat, at sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos at pagninilay sa mga kaugnay na katotohanan at pagtanggap ng kaliwanagan at gabay ng Diyos kaya ako nagkamit ng kaunting inspirasyon. Gayumpaman, pagkatapos, nang magsalita ang iba ng ilang salita ng papuri at pampalakas ng loob, naging palalo ako, iniisip na lahat ng ito ay sarili kong gawa, at ikinabit ko pa sa sarili ko ang tatak na “may natatanging talento sa pagsusulat,” at hindi ko nakita kung ano ba talaga ako. Sa katunayan, kung magagawa nang maayos ang isang tungkulin o hindi ay nakadepende sa isang banda sa pag-unawa sa mga prinsipyo ng tungkulin at sa mga kaugnay na katotohanan, at ang pinakamahalaga ay ang makatanggap ng kaliwanagan at gabay ng Diyos. May mga pagkakataong wala tayong mga ideya, at sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, paghahanap sa Kanyang gabay, at pagninilay sa Kanyang mga salita, hindi natin namamalayan na nauunawaan na natin ang ilang katotohanan at nagkakamit tayo ng kaunting liwanag at mga ideya, at saka lang magkakaroon ng magagandang resulta ang mga sermon na isinusulat natin. Hindi ito dahil sa sarili nating mga abilidad. Naisip ko kung paano nitong nakaraang ilang araw, namuhay ako sa kalagayan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ko natatanggap ang kaliwanagan at gabay ng Diyos. Kahit na nagsikap akong magsulat, parang lugaw ang utak ko, walang anumang ideya, at ako ay naging lubos na hangal. Tunay kong napagtanto na ang magagandang resulta sa mga tungkulin ko ay nagmula sa kaliwanagan at gabay ng Diyos, at wala akong dapat ipagmalaki. Pero walang-kahihiyan kong itinuring na mataas ang sarili ko, at inaangkin ang lahat ng papuri. Talagang kahiya-hiya ito! Kasisimula ko pa lang magsanay sa pagsusulat ng mga sermon, kaya sa pagsasabi na may mga ideya ang mga sermon ko, ang layunin ng superbisor ay palakasin ang loob ko at hikayatin akong magsulat nang masigasig. Sinabi ng superbisor sa mga lider na tinututukan nila ako dahil lang gusto nila akong linangin, at wala itong ibang kahulugan. Ang huling ilang pagkakataon na nagsusulat ako ng mga sermon, malinaw kong naramdaman na hindi malinaw ang pagbabahaginan ko sa katotohanan, at minsan ay nahihirapan akong maarok ang mahahalagang punto. Kahit na pinag-aralan ko ang mga kaugnay na prinsipyo, sa praktikal na paggamit ng mga ito, kapos pa rin ako, at kailangan ko pa rin ng mga pagtutuwid at tulong mula sa iba. Pero inisip kong natatangi ako, na para bang lumulutang ako sa hangin, at talagang mangmang ako sa sarili kong mga limitasyon. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nakakaramdam ng hiya, at gusto kong itago ang mukha ko, at gusto ko na lang na lamunin ako ng lupa. Sa sandaling iyon, inalis ko sa puso ko ang tatak ng mataas na pagtingin na inilagay ko sa aking sarili.

Pagkatapos, naisip ko na kasisimula ko pa lang magsanay sa pagsusulat ng mga sermon at hindi ko pa rin nauunawaan ang ilang prinsipyo, kaya nag-aral ako kasama ng aking mga sister, at ginamit ko ang dalawang isinulat kong sermon na may problema bilang mga halimbawa para suriin at talakayin ng lahat. Nagbigay ang lahat ng mga mungkahi, at pagkatapos niyon, nang nirebisa kong muli ang mga sermon, sa tuwing may hindi ako nauunawaan, nananalangin ako sa Diyos sa puso ko, at naghahanap at nagninilay ako, at pagkatapos kong marebisa ang isang piyesa, ipinasa ko na ito. Gayumpaman, nang nirebisa ko ang isa pa, medyo nahirapan ako. Hindi naging malinaw sa akin ang katotohanan at medyo nabagabag ako. Natakot din ako na baka hindi mapagbahaginan nang malinaw ang katotohanan, at napaisip ako kung ano ang iisipin sa akin ng mga lider pagkatapos ko itong isumite. Sasabihin kaya nilang hindi sapat ang kakayahan ko? Hindi ako nangahas na humingi ng tulong sa mga kapatid, pero wala akong maisip na paraan para makausad, at nakaramdam ako ng matinding presyur sa puso ko. Sa sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking pagsisikap, ni gumampan ng anumang dakilang gawain. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matatag kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang iyong naunawaan, isakatuparan mo ang iyong naintindihan, tandaan mong mabuti ang iyong narinig, at kapag dumating ang panahon ng pagsasagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad na maging mas mataas kaysa sa iba. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, kamumuhian at tatanggihan ka ng Diyos. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at hindi Niya hinihiling na magkamit ang mga ito ng malalaking resulta. Sa halip, gusto Niyang maging masunurin at magpasakop ang mga tao, at hangga’t ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos at praktikal ayon sa mga hinihingi ng Diyos, masisiyahan ang Diyos. Pero palagi kong gustong mamukod-tangi at makasulat ng magagandang sermon para makamit ang papuri at pagsang-ayon ng iba, at kontrolado ito ng ambisyon at pagnanais. Isa itong tiwaling disposisyon. Naisip ko ang unang atas administratibo na dapat sundin ng mga hinirang ng Diyos, na nagsasabing: “Hindi dapat itanyag ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Pero palagi kong hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, gustong mapuri at pahalagahan ng iba at magkaroon ng puwang sa kanilang mga puso. Ito ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang pamumuhay sa kalagayang ito ay nagiging dahilan para hindi ko magawa nang maayos ang aking tungkulin, at maaari pa nga itong makahadlang sa gawain. Kailangan kong baguhin agad ang aking maling paghahangad, at tuparin ang aking tungkulin sa isang matatag na paraan. Kahit na marami pa akong kukulangan sa pagsusulat ng mga sermon, handa akong patahimikin ang aking puso sa harap ng Diyos para hanapin ang katotohanan at gawin ang lahat para makipagtulungan. Isusulat ko kung gaano karami ang nauunawaan ko, at ituturing ko ang bawat problemang lumilitaw sa pagsusulat ng mga sermon bilang isang pagkakataon para punan ang aking mga pagkukulang. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng unti-unting pagsasanay sa ganitong paraan, tiyak na magkakaroon ako ng pag-unlad. Nang maisip ko ito, bumuti nang husto ang pakiramdam ko.

Sa sumunod na pagkakataong sumulat ako ng mga sermon, isinusulat ko muna kung ano ang naunawaan ko, at para sa mga bagay na hindi ko nauunawaan, maghahanap at magninilay ako, o makikipag-usap sa aking mga kapatid, at kapag naliwanagan na ang puso ko, saka ako magsusulat. Sa ganitong paraan, mas naging epektibo ang ang mga sermon na isinulat ko. Hindi nagtagal, nagpadala ang mga lider ng ilang magagandang sermon para pag-aralan namin at pagkunan ng ideya. Ang mga sermon na iyon ay hindi lang bago at may kislap, kundi lubos ding nakaaantig, at ang pagbabahaginan ng mga katotohanan ay talagang praktikal at malinaw. Sa paghahambing, napagtanto ko na ang mga sermon ko ay puno lang ng mga salita at doktrina, at hindi malinaw na napagbahaginan ang katotohanan. Sa sandaling iyon, napagtanto ko kung gaano karami ang aking kakulangan. Kung ikukumpara sa aking mga kapatid, lubha akong napag-iwanan! Pero nang isulat nila ang kanilang mga iniisip at nakamit, bukod sa hindi sila nagyabang, bagkus ay sinabi pa nilang marami silang kakulangan, at ang kakayahang makasulat ng sermon na pasok sa pamantayan ay hindi dahil sa sarili nilang kakayahan, ni hindi dahil malinaw ang pagkaunawa nila sa katotohanan, kundi sa pamamagitan ng pagtanggap sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng panalangin, paghahanap, at pagninilay sa mga kaugnay na katotohanan. Nang makita ko ito, nakaramdam ako ng labis na hiya. Naisip ko kung paanong kasisimula ko pa lang magsulat ng mga sermon, at sa mababaw na pagkaunawa pa lang, inakala ko nang magaling na ako, at na nakatataas ako sa karaniwan. Inilagay ko pa sa sarili ko ang tatak ng pagkakaroon ng natatanging talento sa pagsusulat na hindi ko na matanggal. Talagang masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko at wala akong anumang kamalayan sa sarili!

Ngayon, kapag nagsusulat ng mga sermon, kaya ko nang harapin nang wasto ang mga mungkahi mula sa mga lider, at kung mayroon akong hindi nauunawaan o hindi kayang gawin, nagagawa kong magkusa na maghanap, at bumuti na rin ang kalidad ng mga sermon ko kumpara sa dati. Alam ko sa puso ko na ang pag-unlad na nagawa ko ay dahil sa kaliwanagan at gabay ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon, at nagkaroon ako ng ilang nakamit sa aking buhay pagpasok. Nakita ko rin na talagang mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at dapat akong magtuon sa mga katotohanang prinsipyo at gawin ang aking tungkulin sa isang matatag na paraan. Kung hindi dahil sa pagbubunyag na ito, magpapatuloy sana akong mamuhay sa kalagayan ng paghanga sa sarili, at hindi sana ako uunlad sa aking tungkulin. Ang kabiguan at dagok na ito ay nagdulot sa akin ng malaking pakinabang, at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan: 60. Isang Pagpili sa Isang Mapanganib na Kapaligiran

Sumunod: 63. Ang Aking Natamo sa Pagkakatalaga sa Ibang Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito